Ulang Kumbektibo

By PG Murillo
Poetry

Dumadagundong ang tibok
nitong dibdib
May paparating na unos.

Maaraw naman kanina.
Sobra pa nga ang init.
Ngunit biglang nagdilim ang langit.

Ang ulan, di pa nga pumapatak
Ay nakapanlalabo na ng pananaw.
Paano pa kaya kung magtampisaw?

Ang mga namamagang pamunglo’y
Daig pa’ng sinuntok ng iyong kamao.
Dagdag bigat sa pinapasang puso.

T’wing pipikit, kasabay na pumapatak
Ulan at mga imahe ng alaalang nangangaral
Kung bakit ganito tayo sa kasalukuyan.

Ngunit basâ man at tumutulo,
May nakahanda pa ring magpasukob
Ipaubaya sa kanila ang baldeng pangsahod.

Ingatan mo ang iyong parte.
Di bale nang sumobra.
Sa bawat pananim, hardin ang aking mga mata.

Advertisements

Paglisan

By Adrian Pete Pregonir
Poetry

Di ko alam kung paano lumubog
ang bangka at bultu-bultong takot.

Sa dagat pa lamang ay pinaghiwalay na
tayo sa ating pinagsamahan.

Walang lisyang binuhay rin ng ginamos
at danggit sa ating mesa ang pagkaguang natin.

Bawat húling isda ay pangarap na nasagot,
may sumasabit pang katanungan sa bawat sagot:

Kung bakit ang dagat ay maalat,
kung bakit mapangahas ang simoy ng amihan

hanggang noong pagsug-alaw
ng bagong taon.

Hinintay kita sa pampang
habang nakamatyag sa nangungulilang buwan.

Sa oras na iyon mapayapa ang dalampasigan.
Nasa aking isipan ang nakakabit na mitsa sa iyong bangka.

Hindi ka na nakabalik.
Pagkabúkas, pagbukas ng radyo,
narinig ko na lang:

Kinulong ka sa ibang bansa.
Nagnakaw ka sa isang dagat na pinag-aawayan

para sa ating magiging handa.

Meri Krismas, Langit

Ni Gerald Galindez 
Tula

 

Kasaya ng panahon ngayon                                            Krismas
Kadaming gift, makulay, ginabalot ng silopin—
Lingaw, makapa-excite, makapa-good vibes—

Pero hindi sa bahay namin—

Wala kami naghingi.

Pero kung puwede
Kahit konti lang sana 
Hininga, init
Konting tibok—pulso sa maliliit na kamay.

Konting init,
Konting buhay.

’Yon lang sana.

Kami pala ang magbigay ng regalo ngayon
Ibalot namin sa  karton, silopin
Kahirap buhatin
Luha ang nagatulo, hindi pawis

Kabigat.

Kahirap ipadala  sa langit.

Patawad, Ama

Ni Norsalim S. Haron
Tula

Patawad po dahil sa lahat ng robot
na nilikha ninyo ako lang
              ang walang
       kontrol
Isang kabiguan
Sa inyong imbensiyon.

Paumanhin po kung ayaw kong lunukin
Ang pagkaing isinubo ni’yo sa akin
Hindi dahil hindi masarap kundi ayaw
Ko lang sa lasa.

Pasensiya na po kung sa lahat ng tupa
Ako ang laging huli sa uwian,
Sa lahat ng kambing ako
Ang nag-iisang
Hindi takot sa ulan.

Lababo

Ni Alvin Pomperada
Tula

Mahirap maghugas ng pinggan. Sa pagkuskos ng espongha paikot sa plato’y nakakatha ng orasyong napapasailalim sa gunita ng isang salusalo ng pamilya: nalito ang ilong sa kakalanghap sa sarap ng putahe. Hindi pa dumampi sa dila ang pagkain, nabusog na ang mga tenga sa nakahaing kuwentuhan. Natakam ang lahat nang sinimulang halukayin ng ate ang asin sa kape. Sinamantala nila ang aking pagkabalat-sibuyas. Nakisawsaw muna ako sa toyo ng utak ni kuya bago kagatin ang malutong na biro ni mama. Naging lantang gulay ako sa panggigisa ng tatay kung ilan na ba ang natikmang talaba. Sagot ko, “Wala kapag ang dagat ay mapula.”

Hindi pa nakakalayo sa bunganga ng kaldero ang ulam, umusling parang kawali na ang mga tiyan namin. Kay dami pang nilulutong kuwento ngunit ayaw paawat sa pagkagat ng sandali ang orasan.

Binanlawan ko na ng mga luha ang mamantika kong damdamin. Kay tagal ko sa lababo. Isang plato lang naman ang hinugasan ko.

Kay hirap ngang maghugas ng pinggan.

Mababasa Rin ang Lupang Tuyo

Ni Luis B. Bahay Jr.
Tula

Mababasa rin ang lupa
Ng pawis
Na tumatagaktak
Mula sa balat na nakabilad
Sa araw, sa kamay na makalyo,
Sa dumi ng mga kuko, sa mga paang pasmado.
Tuloy ang pagtatrabaho.

Mababasa rin ang lupa
Ng mga luhang
Tumatagas
Mula sa mga matang malabo
Ang paningin, sa sikmurang walang
Makain, sa ulam na palaging asin.
Tuloy ang pagtatanim.

Mababasa rin ang lupa
Ng marahas na ulan mula sa umuulang
Bala—
Mga balang dadanak ng dugo,
Mga balang sa bibig isinubo.

Mababasa rin ang lupa
Hindi ng pawis, hindi
Ng luha, hindi ng ulan.
Dugo ang siyang didilig sa
Lupang tuyo.

Barya ’Yan

Ni Kiel Mark C. Guerrero
Tula

(This poem is the winner of the 2018 Sultan Kudarat Poetry Contest.)

Pupunuin ko ng salapi and kawayang may awang sa gitna,
Paunti-unting huhulugan ng mga baryang may tatak ng mga iniidolo ni’yong mga lalaking bayani.
Kalimutan na natin ang mga magiting.
Ipako ninyo ang mga mata sa akin.

Hindi ba’t ako naman ang kumayod?
Ako ang nagbanat ng buto, naghain ng katawan,
Kaya’t magpapakain ako mamayang gabi,
Ihahanda ang sariling laman.

Kailangan ko ng kita.
Barya ’yan, ayoko ng sinsilyo.
Hindi na ito umaga, pinakamababa ko’y isang libo.
May kolorete ako sa hitsura, pero mukha ba akong nagpapatawa?

Hindi ito bugso ng damdamin.
Walang tawag ng laman.
Pero kailangan kong sumalang sa tanghalang
Ang madla’y nanlilisik na mga matang mapanlinlang.

Pinaligiran ng dilim na may banaag ng pulang ilaw
Sa sulok ng makipot na daang walang makikitid na utak.
Ito ang aking palaruan,
Madalas makipaglaro sa mapanuksong kasarinlan.

Tawagin ni’yo na akong tukso,
Pero sa oras na ikaw ay mapikon,
Malipak, tumigas, tumayo,
Dadalhin kita sa nakakahalinang mundo.

Hali na at sumabay sa agos ng kaluguran.
Damhin mo ang bitag ng tuwa.
Panandalian lang ito kaya’t sulitin ang aliw.
Lasapin ang galak at ginhawa bago pa mawala.

Kalimutan ang mga kilay na mapagmataas.
Ako na’ng magpapakababa.
Isusuko ang sariling puri kapalit ang iyong tuwa
At malupit na sampal ng respeto, dangal, at kwarta.

Natutong lumuhod hindi para magdasal.
Hindi ako santo para magpakabanal.
Lahat naman tayo’y makasasala, may kutsilyong nakatutok sa atin,
Ang pinagkaiba lang, ako ang nakakapit sa patalim.

Nag-ipon ng kwarta gamit ang awang sa gitna.
Bibiyakin ang alkansiyang puno ng salapi.
Sa pagbiyak ng kawayan ay libo-libong Adan at nag-iisang Ebang
Tinawag nilang bayaran.