Special Issue: Essays on Phenomena and the Supernatural (Issue 41)

Introduction
Nalulunod Din ang mga Isda” ni Rexcel Samulde
Ang Ikawalong Salot” ni Arville Villaflor Setanos
Sa Ikalawang Yugto ng Yanggaw” ni Lino Gayanilo Jr.
Leping ni Ama” by DM Gasparillo Adil II
Sanib” ni Hannah Adtoon Leceña
Ang Sigbin, Si Natoy, at ang Mga Kambing” ni Jeffriel Cabca Buan
Si Smaleng” ni Roland Dalisay Maran
Lipak” ni John Dave B. Pacheco
Tayhup” ni Luis B. Bahay Jr.
Ang Paghahanap sa Nawawalang Liwanag” ni Martsu Ressan Ladia
Editor and Contributors

Introduction to Issue 41

After releasing forty consecutive monthly issues, Cotabato Literary Journal ceased operation this year, but it has nothing to do with the pandemic, which has been the main reason for the restrictions, cancellations, dissolutions, and sudden deaths of a myriad of things. Maintaining an unfunded online publication, or any literary endeavor for that matter, is simply full of challenges even in the best of times. We are momentarily back for this special issue—a collection of essays on natural phenomena and the supernatural, gathered with the help of cultural worker and multi-awarded essayist Wilfredo Pascual, who comes from outside the region but was declared adopted son of General Santos City a couple of years ago.

In “Nalulunod Din ang Mga Isda,” Rexcel Samulde narrates how a massive fish kill, specifically the repulsive smell that it emits, ruined a supposedly idyllic getaway to Lake Sebu, arguably the most famous tourism destination in the region. The essayist explores various explanations for the calamity, including barbers’ tales, scientific theories, and T’boli myths. He also shares a family tragedy and some personal experiences related to the lake and the smell of death. By using olfactory sensations and associations to make sense of a phenomenon, Samulde gives readers something unique and scintillating.

Another work about nature’s wrath is “Ang Ikawalong Salot,” Arville Villaflor Setanos’s musings on locusts, abominable pests for farmers and delicacy for many people in the region. Eating fried locusts reminds the essayist of his childhood, particularly the summer vacations that he used to spend in his grandparents’ village, where he became friends with some boys in the neighborhood. Both heartbreaking and heartwarming, the essay shows that a locust infestation is devastating but the human spirit is not easily broken.

Lino Gayanilo Jr.’s “Sa Ikalawang Yugto ng Yanggaw” is about the harrowing experience of an Ilonggo family when one of their members exhibited bizarre and eventually violent behavior, prompting them to believe that he was turning into an aswang. Skeptics and medical professionals would argue that the man had psychotic episodes, but the essay is more concerned with how people in farming communities typically deal with such a matter. Although the story is secondhand information, Gayanilo deftly presents it as an intimate portrait of a family trapped in uncertainty, helplessness, and mounting terror, culminating in a scene where the mother asks a neighbor to prepare his gun and shoot her son in case he finally grows wings and flies into the night, fully transformed into a diabolical creature.

In “Leping ni Ama,” DM Gasparillo Adil II shares an open secret of his family—his departed father has a spirit-twin that guards their home and that they in turn take care of in ways that many people would find strange and even creepy, such as keeping a dollhouse for it and assigning it a seat at the dining table. Although proud of Maguindanao culture, the essayist has been uneasy with his family’s beliefs and practices because these beliefs sometimes defy logic, the family is living in a predominantly Christian city, and a ritual that was once performed on him was meant to suppress his sexuality, invalidating his identity. The essay navigates between tradition and modernity, filial piety and self-assertion, nostalgia and objectivity—a wonderful read altogether.

In “Sanib,” Hannah Adtoon Leceña recounts the series of demonic possessions, which was perhaps a case of mass hysteria, in the school where she teaches. One of the victims is even said to have died and been resurrected, later becoming a faith healer with hundreds of patients flocking to her house. The essayist looks back at the experience with skepticism and awe. She seeks for practical answers, but the inexplicable scenes she witnessed and became part of—and the predisposition of the people around her to believe in the supernatural—were overwhelming. With her knack for storytelling, Leceña reveals how a strange experience can leave its marks on a commmunity and transform a member of it.

Another piece about small-town life is “Ang Sigbin, Si Natoy, at ang mga Kambing” by Jeffriel Cabca Buan. The essayist’s village, which has a history of violence, was blanketed in another kind of fear when domestic goats started to turn up dead in their owners’ backyards. The animals were eviscerated and sucked dry of blood, leading the villagers to believe that a vicious mythical creature was on the prowl. The creature was even rumored to have appeared to a deaf man. By turns satirical and self-deprecating, the essay shows that stepping out of an environment alters perspectives.

Portrayed in a more positive light is the community in Roland Dalisay Maran’s “Si Smaleng.” The indigenous cultural community at the top of the mountain had to work together one day when a toddler went missing. As believed by the members of the community and deduced by a healer next town, the toddler was a victim of an evil creature that could imitate the appearance of any person and takes away children. It’s interesting to note that the people in the village did not ask for help from the authorities, an indication of self-reliance, lack of access to government services, or both. Simple and fluid, the essay gives us a glimpse of Blaan beliefs and of communal relationship.

Another essay that touches on indigenous culture is “Lipak” by John Dave B. Pacheco. Tagakaolos believe that making fun of animals has an instant, serious punishment—a lightning would strike the offender. When he was nine, the essayist played with a crab and, as a result, experienced inadvertent ostracism. The community wanted to help him, but most of them didn’t have the knowledge or means to avert the lightning and were afraid of being struck by it along with him. Even if readers don’t believe that jokes and meteorological phenomena are connected, it’s difficult not to empathize with a child who believes that he is going to die any moment. There is also so much more to this essay than what is discussed. In light of the world’s current situation, we must change our ways by changing our views, and we can learn a thing or two from indigenous peoples, especially on their relationship with nature.

In “Tayhup,” Luis B. Bahay Jr. shares the memories that he had with his departed father, a healer who specialized in animal bites and used simple rituals and homemade oil. Every so often, the essayist served as his father’s assistant, and he witnessed many a patient get healed. In his eyes, his father was a good man, the ability to heal a gift from God, but for religious people, it’s the opposite. Not only once did he hear them say that faith healing was the devil’s work, and in response, all he could do was retreat in quiet indignation. The essay is a reminder that truth for one may not be for another and truth for many is rarely for all.

Martsu Ressan Ladia, who was born blind in the left eye and with severely limited vision in the right, shares his journey in life in “Ang Paghahanap sa Nawawalang Liwanag.” Doctors diagnosed Ladia with retinopathy of prematurity, but a Kalagan healer said that his condition was caused by something that his mother had seen or was not supposed to see. His mother corroborated the healer’s explanation—she had watched an eclipse while pregnant. When an eclipse occurred recently, it made Ladia recall that far more than the literal darkness, blind people struggle with the metaphorical darkness created by the ignorance, prejudice, and lack of empathy by those who have normal eyesight.

All these essays were longlisted at the third edition of Lagulad Prize, a competition that Cotabato Literary Journal conceived with Blaise Francisco, a writer from General Santos City that is now based abroad. In this year’s competition, organized with Wilfredo Pascual, the shortlisted entries were revised under the supervision of Pascual and other distinguished writers from outside the region, namely, Romulo P. Baquiran Jr., Franklin Cimatu, Allan N. Derain, Eugene Y. Evasco, and Danilo Francisco M. Reyes. These essays show what the region has and is capable of—rich cultures, perceptive storytellers, distinct literature. May we be able to write more in these trying times. Stay at home and read.

Jude Ortega
Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat

Nalulunod Din ang Mga Isda

Ni Rexcel Samulde

(Ang sanaysay na ito ay winner ng 3rd Lagulad Prize.)

Masangsang na amoy ang sumalubong sa amin sa Lake Sebu nang mamasyal kami roon ng aking tiyuhin noong Pebrero 2017. Habang nakadungaw kami sa bintana ng van, nakapatong ang kaliwang hintuturo ni Tiyo sa kaniyang nguso at nakasandal ang kaniyang balikat sa pintuan ng sasakyan. Nakakunot rin ang kaniyang noo, at wala siyang kibo. Nakatingin lang siya sa lawak ng lawang tila ayaw ipasilip ng kakahuyan at kabahayan sa kalsada. Halatang dismayado sa lugar si Tiyo. Nahiya ako sa kaniya dahil galing pa siya ng Iloilo, at naengganyo siyang magrenta ng van mula sa amin sa Surallah, South Cotabato, dahil labis kong ipinagmalaki ang ganda ng Lake Sebu noong nagbabalak pa lamang siyang magbakasyon dito sa Mindanao. Hindi naman maitatanggi na ang lawa ay  gayuma para sa mga matang nasasabik sa kagandahan ng kalikasan. Subalit kahit ako man ay nagtaka kung bakit kakaibang Lake Sebu ang aming nadatnan kumpara sa kung paano ko ito inilarawan kay Tiyo.

Kasama ang drayber ng van, pumasok kaming nakatakip ang ilong sa isang resort, sa poblacion ng bayang ipinangalan sa lawa. Mukhang kami lang ang pumunta roon noong araw. Nakamaskara pa ang mga empleyado sa resort. Kakaibang uri ng katahimikan ang narinig ko kung ikukumpara ko ito sa mga nakaraan kong pagpunta. Noon, ang katahimikan ay tila pagyakap ni Fun Bulul, diyos ng kabundukan ng mga T’boli, sa mga bisitang sabik na matanaw ang kaniyang kaharian, ngunit ang katahimikan ng mismong araw ay walang kabuluhan. Hindi ramdam ng marami ang pagbati at basbas ng mga T’boli sa lugar. Tila may sumaklob na sumpa sa puso ng lawa.

Sa pagpasok pa lang namin sa poblacion ay marami nang nasayang na karanasan ang aking tiyo. Una, ang malanghap ang preskong simoy na hinihinga ng paraiso. Hindi rin mahagilap sa hangin ang mga nagtatalong aroma ng nilagpang at inihaw na tilapya mula sa abala sanang kusina. Pangalawa, hindi niya nasipat ang mga nasa paligid na t’nalak, ang makulay na tela ng mga T’boli na hinabi ng kamay at ginagawang damit o ginagamit sa mga kagamitan at palamuti . Alam kong mamamangha si Tiyo kapag sinabi kong nagmula ang disenyo ng mga t’nalak sa panaginip ng manghahabi. Nais ko rin sanang masaksihan ni Tiyo ang iba’t ibang uri ng madal, o sayaw, na inihahandog ng resort sa entrada, lalo na kung paano ipinapagaspas ng mga katutubong mananayaw ang kanilang mala-malong na kumu na tila mga ibon sa palayan habang sinasayaw ang madal tahaw. Ngunit wala ang mga mananayaw sa resort. Wala ang pagsalubong ng nakagagalak na musika, sayaw, kulay, at samyo. Medyo nalungkot ako para kay Tiyo.

Niyaya ko silang manaog ng hagdan dahil naroon sa baba ang magagandang kubo kung saan mapagmamasdan namin nang malapitan ang tubig. Nang pababa na kami ay nakita kong naduduwal si Tiyo sa likod ng kaniyang panyo. Namuo ang luha sa gilid ng kaniyang mata. Tahimik lang ako noon habang nakapisil ang ilong. Sa isip ko, bakit hindi niya kaya ang masangsang na amoy ng lawa gayong isa naman siyang mandaragat? Sa pagkakaalam ko kasi, kapag nasanay ang isang tao sa mabahong amoy ay nagiging samyo na lang ito sa kaniya, katulad ng sariling amoy, o katulad ng mga nagtatrabaho sa slaughterhouse na ordinaryo na lang sa kanila ang lansa ng dugo.

Nang hindi na siya makatiis, tinanong ako ni Tiyo kung bakit mabaho. “Hindi ko rin alam,” sagot ko sabay kibit-balikat. Ako na rin mismo ang nagyaya sa kaniya at sa drayber na huwag nang magtagal sa ibaba kahit pa mapang-akit ang mga liryo sa luntiang lawa. Pumayag naman sila, pero bago pa man namin talikuran ang lawa ay may dumaan malapit sa amin na tatlong owung, ang tradisyunal na bangka ng mga T’boli na gawa sa puno ng lawaan. Halos puno ng isda ang maliliit na bangkang sinasagwan ng matatandang lalaki. Namangha si Tiyo sa nakita, at kahit may takip na panyo ang kaniyang ilong at bibig ay sumigaw pa rin siya para magtanong kung magkano ang isang kilong tilapya. Pasigaw ring sumagot ang isang matanda, pero hindi namin malinaw na narinig ang sinabi nito. Paulit-ulit lang nitong binanggit ang salitang kamahong habang itinuturo ang tubig. Doon lang namin napansin na may nakalutang na mga isda sa lawa. Unang beses kong narinig ang salitang kamahong noon, pero sa pagturo pa lang ng lalaki sa berdeng lawa, alam ko nang hindi maganda ang kahulugan nito. Hindi ako nagkamali. Mga patay na isda ang sanhi ng umaalingasaw at nakasusukang amoy sa gitna ng bayan. Sinakop na pala ng tinatawag na putrescine ang atmospera. Nabasa ko kumakailan lang na ang putrescine ay isang kemikal sa katawan na dahilan ng pangangamoy ng patay na tao o hayop. Kapag nalanghap ito ng tao, nagbibigay ito ng malakas na chemosensory signalna may masamang nangyari o may panganib sa lugar kaya dapat itong lisanin. Hindi ko man alam ang ganitong paliwanag noon, malamang na ang nabubulok na simoy ang nag-udyok sa amin na umuwi na lang.

Itinuloy namin ang pag-akyat nang matakpan ang mga owung ng magkakatabing kubo at nawala ang mga ito sa aming paningin. Habang tahimik kong binilang ang mga hakbang sa hagdan, doon na nagkaniya-kaniya sina Tiyo at ang drayber ng haka-haka patungkol sa sitwasyon ng lawa.

 Kuwento ng drayber ng van, maliit lang na bilang ng patay na tilapya ang tumambad sa amin, dahil ilang araw na raw nang simulang hakutin ng mga mangingisda at ng lokal na pamahalaan ang mga palutang-lutang na biktima ng kamahong. Alam na pala ng drayber ang kalagayan ng lawa, pero dahil naghahanap ng pagkakakitaan, itinuloy niya pa rin ang paghatid sa amin. Dagdag niya, sa simula ng sakuna, libo-libong tilapya ang nakasalansan sa ibabaw ng tubig, at aakalain mong sinadya silang itambak sa maliit na espasyo ng kulungan. Sinabi rin niyang dahil daw ang kamahong sa asupre na umusbong sa lawa mula sa Mt. Melibengoy, na mas kilala sa tawag na Mt. Parker. Nilason daw ng asupre ang mga isda kaya sila namatay. Mukhang malabo ang teorya ng drayber dahil nasa bayan ng T’boli ang Mt. Parker at halos apatnapung kilometro pa ang layo ng naturang bulkan sa Lake Sebu. Pero may nabasa akong hindi naman imposibleng tumaas ang sulfuric acid ng lawa lalo na kapag maulan ang panahon. May sinabi rin sa akin noon ang kaibigan kong tubo ng bayan. May paniniwala raw silang mga T’boli na may isang taob na bulkan sa lugar, at tinatawag nila itong Tebewow. Ito raw ang dahilan kung bakit maitim at malabo ang tubig ng lawa at kung bakit may mga panahong namamatay ang mga isda. Kung totoo ang paniniwala nila, naisip kong posibleng sa Tebewow nanggagaling ang asupreng tinutukoy ng drayber at hindi sa Mt. Parker.

Iba naman ang paliwanag ni Tiyo. Sa tingin niya ay lubhang bumaba ang lebel ng hangin sa lawa na likha ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagdami ng mga kulungan. Mas lalo lang nagbigay ng katanungan sa akin ang kaniyang bersiyon ng kamahong. Kailangan pala ng hangin ng mga isda? Sa edad na bente-dos noon ay para akong batang walang alam sa agham, at mas pinaniwalaan ko pa ang ideya kong pinatay ng higanteng halimaw ang mga isda dahil sobra na ang populasyon nila.

Naniniwala akong may halimaw sa ilalim ng lawa dahil sa sabi-sabi. May malaking ahas o higanteng isda raw sa lawa, kaya mabigat ang pakiramdam ko sa tuwing tinitingnan ko ang lawa lalo na sa gabi. Madalas kaming pumupunta sa Lake Sebu simula pa dati. Doon ikinasal ang tiyahin ko, doon ang pasyalan ng pamilya, at paboritong lugar rin ito ng aming unibersidad kapag nagkakaroon ng seminar-workshops sa diyurnalismo. Inaabot kami ng ilang gabi doon, kaya palagi kong napagmamasdan ang lawa. Hindi naman nag-iiba ng anyo ang lawa kahit mulat na mulat ang buwan, pero ang katahimikan nito kapag nagtatago sa dilim ay may dalang kilabot. Naniniwala ang aming angkan na mariit ang lawa. Sa mismong lawa kasi namatay ang aming lolo. Lasing siya noon. Umihi siya sa kawayan sa gilid ng lawa, nadulas, at nalunod. Ayon kay Lola Shirley, hinila raw si Lolo ng halimaw hanggang sa kailaliman dahil hindi niya nirespeto ang lugar. Pagkatapos ng trahedya, lumipat si Lola sa Surallah para kalimutan ang nangyari, ngunit hangang ngayon, dala niya pa rin ang pagkapoot sa lugar.

Katulad ng pagkapit ng trauma kay Lola Shirley, hindi rin kami iniwanan ng nakakasulasok na amoy ng nabubulok na mga isda. Sumama sa aming pag-uwi sa Surallah ang amoy ng kamahong. Nanatili pa ito sa aming mga baga. Doon ko lang napagtanto kung bakit ganoon ang reaksiyon ni Tiyo kahit sanay siya sa maalat at malansang amoy ng dagat. Hindi siya nag-inarte. Naduwal siya dahil imposibleng tanggapin ng kaniyang sistema bilang samyo ang amoy ng kamatayan. Ang alingasaw ay maikukumpara sa amoy ng isinupot na lamanloob ng isda na ilang araw nang nakakubli sa basurahan, ninakaw ng aso, at ikinalat sa lupa. Ngunit kahit ganoon kalubha, ipinaalala naman nito sa akin ang nakasanayan kong biyahe patungong Glan, Sarangani Province, nang nagtuturo ako doon noong 2015. Sa bayan ng Alabel, Sarangani, kasi ay may isang bahaging pareho ang amoy sa kamahong dahil sa komersiyal na pag-aalaga nila ng hipon. Noong mga unang buwan ng pagbibiyahe ko sakay ng van, pigil-hininga ako kapag nakikita ko na ang kapitolyo ng Sarangani dahil doon banda ang baybaying may masangsang na simoy. Kinalaunan ay nasanay rin akong balewalain ito, at naging hudyat pa nga sa akin ang amoy na ilang minuto na lang ay masusulyapan ko na ang paliko-likong kalsada sa gilid ng baybayin patungo sa naghihintay kong katre sa Glan. Minsan pala, hindi lang ang mabango at pabango ang nostalhik. Pero kung ganoon nga, ano ang maipapaalala sa akin ng amoy ng kamahong maliban sa pagguhit ng lungkot sa mga mata ng matatandang sinasagwan ang kanilang owung sa lawak ng naghihingalong lawa?

Mahirap ngang maging samyo ang kamahong.

Mas lalo ring ipinalimot sa akin ng kamahong ang lasa ng tilapya. Ilang taon na akong hindi kumakain ng tilapya dahil may taluhiyang ako rito. Noong 2014, namaga ang sugat ko sa paa at nagpasya akong uminom ng antibiotic nang walang gabay ng doktor. Simula noon, nagkakataluhiyang na ako kapag umiinom ng antibiotic (maliban sa amoxicillin trihydrate) at kapag nakakakain ng malalansang pagkain. Nangangati ako nang todo at nahihirapang huminga. Nang minsang inatake ako, kinailangan akong dalhin sa ospital upang maturukan ng antihistamine. Kaya maingat na talaga ako ngayon sa mga pagkain. Gayunpaman, hindi man ako kumakain ng tilapya, ramdam ko ang kawalan ng mga tao sa Lake Sebu. Malaking dagok ang kamahong sa kanilang kabuhayan. Isinailalim ang lugar sa state of calamity nang taong iyon, at ipinagbawal ang pagkonsumo at pagbenta ng tilapyang apektado ng kamahong. Ngunit sa kabila ng kautusan, namakyaw pa rin si Lola Shirley ng tilapya, ginawang tuyo ang mga ito, at ibenenta. Pinilit niya kaming bumili dahil di hamak na mas masarap daw ang mga nakamahong na tuyo kumpara sa ordinaryong isda. Hindi kami kumbinsido. Hindi kami bumili. Pero iniwanan niya pa rin kami ng ilang piraso bago siya umalis.

Alam ng mga nakatira sa Lake Sebu ang malaking kadahilanan ng sunod-sunod na paglutang ng mga walang buhay na tilapya. Malaki ang ambag ng fish feeds sa kamahong. Nabulok kasi ang fish feeds na pumailalim sa lawa, nagsanhi ng polusyon, at nilason ang mga isda. Ganoon pala gumanti ang lawa. Pinipigilan nito ang sariling paghinga, at pinapanood kung paano nawawalan ng pag-asa ang mga tao habang unti-unting tumatahimik ang mga tilamsik. Binagsak nito ang akuwakultura ng bayan. Puro bulok ang aning kanilang naiuwi. Naalala ko ang mga nakita kong mangingisda na nagsasagwan ng owung noon. Ilang beses kaya silang nagpabalik-balik upang hakutin ang mga patay na isda? At anong lakas ang gamit nila sa pagsagwan gayong tunay na nakapanghihina ang ganti ng lawa?

Halos dalawang taon pa bago ako nakabalik sa Lake Sebu. Walang balita, walang pangungumusta. Niyaya lang ako ng mga kaibigan kong  pumunta ulit sa bayan dahil matagal na rin silang hindi nakakabalik. Noong Disyembre 2019, itinuloy namin ang planong mamasyal. Sina Beth at Halima ay parehong galing ng Sultan Kudarat, at dahil ako ang pinakamalapit na naninirahan sa Lake Sebu, ako ang inulan nila ng mga katanungan sa loob ng van. Saan ang magandang puntahan? Ano ang masarap kainin? Nakakatakot bang mag-zipline? Nilagay ko na naman ang sarili sa posibleng kahihiyan nang magmayabang ulit ako sa pagsagot. Hindi ko naiwasang mag-alala; baka hindi pa rin kasi nilisan ng parusa ang malawak na bahagi ng lawa. Ilang minuto lang ay nakaapak nang muli ang aming mga paa sa Lake Sebu. Inikot ko ang aking tingin. Tinalasan ko ang aking pang-amoy, at nagsimulang magkumpara ng kasalukuyan at nakaraan ang aking utak at ilong.

Una naming pinuntahan ang mismong resort na binisita namin ni Tiyo dati. Pagpasok pa lang namin sa entrada, naramdaman ko na ang panunumbalik ng sigla. Napabuntong-hininga ako. Sa wakas, pagkatapos ng dalawang taon ay muli na naman akong napahanga ng madal at ng mga instrumentong humihiyaw ng katutubong musika. Maririnig na sa paligid ang naglalakbay na tunog ng kulintang, sludoy, at d’wegey na hindi ko narinig noong 2017. Pati ang pasipol na himig ng pagkaskas ng troli sa kable ng  zipline para sa mga pagkain ay nakawiwili ring pakinggan. Nagtutunggalian na ang mga aroma ng tinolang manok sa kawayan, escabeche, at rebozadong tilapya na nakawala sa hangin mula sa abalang kusina. Bumaba kami ng hagdan, ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi na ako nagbilang pa ng mga hakbang. Hiniling ko na sana ay nandoon din si Tiyo para mapatunayan niya mismo ang mga sinabi ko noon. Hindi pa naman siguro huli ang lahat para magbago ang tingin niya sa lawa.

Sa hindi kalayuan, natanaw ko ang isang lalaking nakatayo sa kaniyang owung. Halatang gamay na niya ang pagbalanse sa maliit na bangka sa kabila ng magkakasabay na paggalaw ng hangin at tubig. Nagsaboy siya ng fish feeds sa mga lambat. Pinag-agawan ng mga tilapya ang mga pinong butil na pumailalim sa tubig, at sumayaw ang mga tilamsik ng tubig. Tiningnan ko ang aking mga kasama. Nakangiti sila. Palipat-lipat ang tingin sa langit, sa lawa, at sa mga turistang kinukunan ng litrato ang isa’t isa. Hindi dismayado. At habang naglalakad ay suminghot-singhot ako hanggang nakarating kami sa kubo. Wala na nga talaga ang amoy ng kamahong. Presko na ang hangin kahit dumadampi muna ito sa pisngi ng lawa bago namin ito malanghap. Wala nang bahid ng kamatayan. Ganito ang Lake Sebu, sabi ko sa sarili. Natulala ako dahil sa nakabibighaning tanawin na saklaw ng aking pananaw, at muli na naman akong nabihag ng mga liryong hinahawi ng mga sagwan.

Ang Ikawalong Salot

Ni Arville Villaflor Setanos

(Ang sanaysay na ito ay runner-up sa 3rd Lagulad Prize.)

Tuwing umuuwi ako ng Tacurong City, Sultan Kudarat, hile-hilerang puwesto ng mga nagtitinda ng pritong balang ang nadadaanan ko. Mula sa labasan ng General Santos City hanggang sa bukana ng Polomolok, South Cotabato, parang mga kabuteng nagsusulputan sa gilid ng daan ang makukulay na mga payong na ginagamit ng mga nagtitinda. Nakagawian ko nang bumili sa isa sa mga puwesto, at hindi ko matandaan na nawalan ng suplay ang mga nagtitinda. Napapaisip tuloy ako minsan kung may mga alagang balang ang mga nagbebenta na pinaparami at inaani nila gaya ng ginagawa sa tilapia at hito, ngunit alam kong malabo ito, at may nakakalungkot na katanungan sa aking isipan: Ilang taniman kaya ang naubos bago naging paninda ang mga pritong balang?

Sa isang palabas na napanood ko sa National Geographic Channel, ipinaliwanag ng isang entomologist na likas umano na mapag-isa ang mga balang, subalit sa tuwing sasapit ang panahon ng tagtuyot, nagbabago ang ugali nila. Nagsasama-sama sila at naglalakbay ng milya-milya upang manginain sa mga lupaing may natitira pang pananim, at tumitindi ang gana nila. Pagdating ng tag-ulan, mabilisan silang nagpaparami, kasabay ng pag-usbong ng mga luntiang pananim. Sa loob lamang ng isang araw, kaya ng isang buong kawan ng balang na umubos ng mga pananim na sapat upang pakainin ang tatlumpo’t limang libong katao.

Noong nabubuhay pa si Lolo Anoy, ang ama ng aking ina, nagbabahagi siya minsan ng mga alam niya tungkol sa mga balang. Sobrang lakas daw ang pang-amoy ng mga balang, kaya alam ng mga ito kung saang lugar sagana pa ang mga pananim. Sumasabay diumano ang mga ito sa ihip ng hangin upang mabilis na makalipat at makahanap ng mga bagong makainan. Dagdag pa niya, nagdidilim ang kalangitan kahit pa tanghaling tapat kapag sumasalakay ang mga balang. Hindi man nakatapak ng kolehiyo, gamay ni Lolo ang galaw at sistema ng mga balang na para bang bihasa siya sa pag-aaral sa mga ito. Marahil dala na rin iyon ng maraming taong pakikipagbuno niya sa mga mapaminsalang salot tuwing sumasalakay ang mga ito sa Gansing at mga kalapit barangay.

Madalang na akong nakakapunta ng Tacurong simula noong makapag-asawa ako at magkatrabaho sa pampublikong paaralan bilang isang guro. Sa General Santos na lubusang umikot ang mundo ko. Ilang taon na rin ang nagdaan mula noong huli akong makadalaw sa bayang tinubuan ni Nanay. Humigit-kumulang dalawang oras ang biyahe mula General Santos hanggang Tacurong. Tuwing bakasyon lamang ako may pagkakataon na bumisita sa mga kamag-anak at kaibigan ko roon.

Ramdam ng buo kong katawan ang bugso ng hanging aking nakakasalubong na tila ba itinutulak akong pabalik kung saan ako nanggaling. Sumulyap ako sa supot na aking inipit sa bandang harapan ng aking motorsiklo sa pag-aalalang baka nilipad ito ng malakas na ihip. Hindi kabilisan ang aking takbo, kaya naamoy ko ang samyo ng nag-aagaw na ginisang bawang at sili na nakahalo sa pritong balang. Sa isang iglap, may nanumbalik sa aking gunita.

“Tong, itaboy mo na!” isang malakas na hiyaw mula sa malayo.

Hawak ang mahabang sanga ng ipil-ipil na binali ko mula sa likod ng bahay nina Lola, hinampas ko nang hinampas ang damuhan na tila ba isa akong lasing na nag-aamok. Kaalinsabay ng aking walang direksiyong hagupit ay ang pagsiliparan ng mga balang na nanginginain sa talahiban. Nakabibingi ang pagaspas ng mumunti ngunit libo-libong pakpak. Halos magdilim ang buong paligid. Hawak ang magkabilang dulo ng nakabukang kulambo, nakaabang na ang mga kaibigan kong sina Norman at Taruk sa pagpasok ng mga nais nilang hulihin. Sa isang kisapmata’y halos napuno ang panlambat ng dalawa! Mabilis nilang inilapat sa lupa ang bunganga ng kulambo at pinagdikit ang dalawang dulo nito upang siguruhing walang makakatakas.

“May ulam na tayo,” nakangising wika ni Taruk. Sa tatlo kong matalik na kaibigan, madalas na siya ang hindi ko nakakasundo. Lagi niyang iniisip na parang laro at biro lang ang lahat. Ako naman ang pikon at halos siniseryoso ang lahat ng bagay.

“Mangangamoy balang na ang mga bunganga natin nito,” sabi ko na nakakunot ang noo. Magdadalawang-araw na rin na halos panay balang ang inuulam namin sa hapag. Isang araw pa at baka isipin na ng mga balang na isa ako sa kanila dahil sa amoy ng aking hininga.

“Ipaluto na natin kay Manang Gamay para mapaghatian na natin mamaya,” nasasabik na sabat ni Norman, na ang tinutukoy ay ang aming tiyahin. Pinsan ko si Norman at siya rin ang kinikilalang lider ng aming grupo, marahil sa kadahilanang siya ang pinakamatanda sa aming magkakaibigan. Ang tatlo sa amin ay nasa ikaanim na baitang, samantalang siya naman ay nasa unang taon na sa hayskul.

“Saan nga pala si Natoy?” dugtong ni Norman habang ibinabaling ang paningin kaliwa’t kanan. Magdadalawang araw na rin mula noong huli naming makita si Natoy. Bagama’t siya ang pinakabata, si Natoy ang may pinakamaraming nalalaman sa aming apat pagdating sa mga pasikot-sikot sa bukid. Ito ay sa kadahilanang lumaki siyang katuwang ng kaniyang amang magsasaka.

“Baka nag-ani ng palay,” sagot ni Taruk. “Uwi na tayo. Malapit na ang tanghalian.” Halatang nabibigatan siya sa pagbitbit ng halos kalahating sako ng balang na nahuli kanina, kaya inalalayan siya ni Norman.

Pansamantala akong naiwan sa aking kinatatayuan. Nilingon ko ang hilera ng mga puno ng niyog sa dulo ng malapad na damuhan. Sa likod ng mga nagkukumpulang punong ito ay bahagyang maaaninag mula sa malayo ang maliliit na kubo na nakaharap sa malawak na taniman ng palay. “Kumusta na kaya si Natoy?” bulong ko sa aking sarili.

Taong 1998 iyon. Tuwing bakasyon sa Mayo, bumibisita ang pamilya namin sa Barangay Gansing upang makasama ang mga kamag-anak at upang doon na rin hintayin ang muling pagbubukas ng klase. Sa ganitong panahon ko rin nakakasama ang aking mga kaibigan.

Apat kaming magkakaibigan. Si Norman ay anak ng nakatatandang kapatid ni Nanay na si Manong Eddie. Si Taruk at Natoy naman ay mga anak ng kapitbahay. Pangingisda sa sapa, pagsakay sa kalabaw, paliligo sa irigasyon, at kung ano-ano pang puwedeng gawin sa buong maghapon ang madalas na pampalipas namin ng oras. Nagkataon na sa buwan na iyon ay di inasahang sumalakay ang mga kawan ng balang, kaya naidagdag ang panghuhuli nito sa aming mga pinagkaabalahan.

Papanhik na kami sa balkonahe ng bahay nina Lolo Anoy at Lola Meding nang makasalubong namin si Manang Gamay, ang kanilang bunsong anak. “Balang na naman ba ’yan?” tanong ni Manang na nakapamaywang. “Hindi ba kayo nagsasawang kumain niyan?” Mababasa sa kaniyang mukha na batid niyang siya na naman ang pakikiusapan naming magluto. “Opo, Manang,” sagot ni Norman, sabay kamot sa ulo. “Dalhin ni’yo ’yan sa kusina,” nakasimangot na tugon ni Manang Gamay. Bagama’t mahilig at magaling siyang magluto, halatang nauumay na si Manang sa kakaprito ng mga inuuwi naming balang. Halos araw-araw kasi namin itong ginagawa.

Parang may mahika ang sandok na ginagamit ni Manang Gamay sa pagluluto. Kahit anong putahe ay kaya niyang pasarapin. Pabiro naman itong kinontra ni Taruk nang minsang mapag-usapan namin ito. Kaya nga madalas kaming hindi magkasundo. Sabi ni Taruk, sumasarap ang mga lutuin ni Manang Gamay dahil marami itong inilalagay na betsin. Hindi ako naniwala sapagkat si Taruk mismo ang pinakamalakas kumain at madalas nakakaubos sa mga luto ni Manang. Para sa akin, ganoon lang talaga siguro ang lasa kapag nagluluto ka na may halong pagmamahal.

Isa-isang nilinis ni Manang Gamay ang mga balang na kaniyang lulutuin. Tinanggal niya ang mga pakpak at inalis ang laman-loob ng mga ito at pagkatapos ay hinugasan sa tubig nang dalawang beses. Sunod niyang inihanda ang mga gagamiting rekado. Hiniwa niya ang bawang, sibuyas, sili, dahon ng sibuyas, at inilabas ang kung ano-ano pang mga pampalasang nakasilid sa mga maliliit na garapon na nakahilera sa kaniyang lalagyang kahon sa kusina. Masugid naming pinagmasdan ang bawat galaw ni Manang sa entabladong kaniyang pinagtatanghalan. Nakikita ko si Nanay sa kaniya.

Inilapag ni Manang ang malaking kawali sa nag-aapoy na kalan, at nilagyan niya ng mantika ang kawali.  Winisikan niya ng tubig ang mantika, at nang kumulo ay maingat niyang inihulog ang mga pampalasang sahog. Sunod niyang inihalo ang mga nalinisang balang. Tumitilamsik ang mantika. Binalot ng nakagugutom na amoy ang buong kusina. Nang maging mamula-mula na ang pinipritong balang ay sinandok ni Manang ang mga ito at inilagay sa isang malaking mangkok. Tandang-tanda ko pa ang mga mukha nina Norman at Taruk habang nakatitig sa inihain—nakanganga, naglalaway.

Matapos ang tanghalian, napagpasyahan naming tatlo na dalawin si Natoy. Sa niyugang bahagi malapit sa tirahan nina Natoy ay nadaanan namin ang malawak na damuhan kung saan madalas kaming naglalaro. Ang lupang noo’y nababalutan ng luntiang mga damo ay gutay-gutay na mga halaman na lamang ang makikita. Sa aming bawat hakbang ay siya namang lipad ng mga libo-libong balang na lumilipat ng madadapuan. Naabutan namin si Natoy sa bakuran ng bahay nila, namumulot ng mga tuyong sanga. Bagama’t nasa murang edad, bakas sa pangangatawan niya ang pagkahubog sa labis na mga gawaing bukid.

“Toy, kumusta ka na?” halos sabay naming tatlong bati kay Natoy. Mula sa pagkakaupo ay tumayo siya at inginuso ang malawak na taniman ng palay sa harap ng mga kabahayan. Sinundan ito ng aming mga tingin. Ang dating taniman na namumutiktik sa gintong butil ay nagmistulang dinaanan ng sigwa. Halos wala nang maiwan sa ekta-ektaryang palayan maliban sa gulagulanit nitong anyo at ang libo-libong salot na walang tigil na nilalantakan ang kung ano pang kaunti na lang na natitira sa mga pananim. Napagtanto naming kaya pala hindi nagpapakita si Natoy nang mga nagdaang araw ay dahil naging abala ito sa pagtulong sa kaniyang mga magulang at iba pang magsasaka na isalba ang kung ano pa ang puwedeng maisalba. Sinamahan namin siyang mamulot ng mga panggatong. Tahimik lang ang lahat.

Parehong sentimyento ang ipinahayag ng mga nakatatanda sa aming hapunan kinagabihan. Lubos na umaasa sa biyaya ng lupa ang lungsod ng Tacurong. Dito nakasalalay ang ikinabubuhay ng marami sa mga naninirahan sa lugar. “Dinadapuan na tayo ng salot kasi hindi nagsisimba ang mga tao rito,” sambit ni Lola habang inaabot kay Lolo ang lalagyan ng kanin. Malamang nasabi ito ni Lola sapagkat wala ni kahit kapilya ang nakatayo sa barangay. Kung sakaling gustong magsimba ng mga tagaroon, kailangan pa nilang pumunta sa kabilang barangay. “Hindi lang naman itong lugar natin ang sinalakay ng balang,” sagot ni Lolo na nakakunot ang noo. Halos lahat ng taniman sa Tacurong ay dinapuan ng peste. Bagama’t walang lupang sinasaka, nag-aalaga ng kalabaw si Lolo na pinaparentahan niya kapag panahon ng pag-aararo. Maliban dito, nag-aalaga din ang aming pamilya ng bibe na pinapaitlog at ginagawang balut. Madalas na sa taniman na katatapos lang pinag-anihan pinapakain ang mga bibe. Kapag walang pag-aning nagaganap, walang nakakain ang mga bibe. Wala ring itlog.

“Ipagdasal na lang natin na matapos na ito,” malumanay na sagot ni Nanay. “Baka may mensaheng nais ihatid ang Diyos. Biyaya ang turing dito ng iba.” Humahanga ako kung paano tinitingnan ni Nanay ang mga bagay at kung paano niya iyon iniuugnay sa kaniyang paniniwala. Madalas niyang ipaliwanag na may rason ang Diyos kung bakit nangyayari ang lahat, at kung ano man iyon, tanging Diyos lang din ang nakakaalam.

“Masarap din naman talagang kainin ang balang, Nay,” natutuwa kong dugtong habang iniisip ang tanghalian kanina. Sa likod ng isip ko, marahil paraan lang din iyon ni Nanay upang pagaanin ang pakiramdam ng bawat isa.

Malakas ang paniniwala ko na malapit sa puso ng Diyos ang mga ina. Naaalala ko noon ang kuwento ni Nanay mula sa Bibliya na ginamit ng Diyos ang pagsalakay ng mga balang bilang ikawalong salot upang ibigay ng paraon ng Ehipto ang kalayaang nararapat para sa mga Israelita. Nabanggit din niya na ang pagsalakay ng mga balang ay isa sa mga senyales ng mga Huling Araw at ng muling pagbabalik ni Panginoong Hesus. Marahil ito ang dahilan kung bakit ang pagdating ng mga balang ay iniuugnay ng karamihan sa pagkapoot ng Diyos o kaya’y tinitingnang isang signos na malapit na ang katapusan ng mundo.

Ang nakapagtataka, nabanggit ni Nanay na hindi lubusang masama ang presensiya ng mga balang ayon mismo sa Bibliya. Sa katunayan, nagsisilbi itong pagkain ng mga tagasunod ni Hesu-Kristo noong unang panahon kapag wala silang makain sa disyerto, gaya na lang ni Juan Bautista. Maging ang Diyos mismo ay nag-utos sa aklat ng Leviticus na ang lahat ng uri ng balang ay ibinigay niya at pinahihintulutang kainin ng sangkatauhan. Ayon sa mga napanood kong dokumentaryo, hanggang ngayon ay ginagawa ngang pagkain ang mga balang bilang bahagi ng iba’t ibang kultura ng mga tao sa daigdig. Nagsisilbing negosyo o hanapbuhay rin ito ng iilan. Napaisip tuloy ako kung ano ang gustong iparating ng Diyos sa nangyaring pagsalakay ng mga salot sa aming lugar. May nais ba siyang hingiin na kailangan naming palayain? Isa ba itong parusa? Isang malagim na paalala? O isang nakakubling biyaya?

Magdadapithapon na nang dumating ako sa bahay nina Lola. Hindi ko na napansin ang takbo ng oras sa biyahe. Gising akong dinalaw ng mga pangyayari sa nakalipas. Matapos ang maikling kwentuhan at pagbati, nabatid kong marami na ang nagbago sa mga nakalipas na taon. May sari-sariling pamilya na sina Taruk at Norman at parehong naninirahan sa karatig na bayan ng Isulan. Si Manang Gamay, na piniling hindi mag-asawa, ang natitirang kasama ni Lola sa bahay matapos pumanaw si Lolo ilang taon na ang nakakalipas.

Nang magtakipsilim, may bumati sa akin mula sa labas ng bakuran habang nakaupo ako sa balkonahe. “Tong,” tawag ng lalaki, “long time no see ah!” Hindi ko maaninag nang maayos ang kaniyang mukha. Tinitigan ko siyang mabuti, at napagtanto kong si Natoy pala ang ang tumatawag sa akin.

“Toy! Ikaw pala ’yan?” Abot-langit ang ngiting itinugon ko sa kaniya. Mula sa aking kinauupuan ay napansin ko ang plastik na lalagyang hawak niya. “Ano ’yang dala mo?”

“Tuba, Tong,” nakangising sagot ni Natoy. “Nilalako ko diyan sa mga tindahan. Uuwi muna ako sandali. Babalikan kita agad upang marami tayong mapag-usapan. Ako na ang bahala sa inumin.” Sa dating bahay pa rin nila nakatira si Natoy. Hindi pa ito nakakapag-asawa sapagkat abala itong tinutulungan ang kaniyang matandang ama sa pagsasaka.

“Sige, Toy,” sambit ko na may halong pananabik. “Tamang-tama, may dala akong pritong balang na puwede nating pampulutan.”

Halos magdamag kaming nagkuwentuhan ni Natoy sa balkonahe. Masaya naming sinariwa ang masasarap na luto ni Manang Gamay na kinakain namin noon, at ibinahagi niya ang mga nangyari kay Norman at Taruk. Ibinahagi rin niya na malapit na ang anihan ng palay. Sariwa pa rin sa kaniya ang masakit na alaalang dala ng pananalanta ng balang noong aming kabataan. Matapos ang pangyayari, mukhang noong gabi lang ulit namin ito napag-usapan. Tahimik lang akong nakinig.

Kuwento ni Natoy, tunay na nakakapanghina ang dulot ng salanta sa kanila na umaasa lamang sa biyayang bigay ng lupa. Higit pa rito, nakakapanghina raw ang hirap na kailangang gawin upang makabangon. Napatitig ako sa mga natirang piraso ng pritong balang sa ibabaw ng pinggan. Unang beses kong naulinigan si Natoy na ganito. Nasanay ako na naririnig lamang siyang nagkukuwento kung paano manghuli ng palaka sa may palayan. Kunsabagay, hindi sapat ang isang buwan lamang bawat taon na pagbisita ko noon sa Tacurong; maikli ang isang buwan upang lubusang maintindihan ang kanilang mga dinanas pagkatapos ng delubyo.

Nakuwento rin ni Natoy ang ginagawa nilang pagtitipon ng mga tuyong dayami sa apat na sulok ng taniman. Nakagawian na itong gawin ng mga magsasaka bilang paghahanda kung sakaling sumalakay ang mga balang. Ang usok na lilikhain nito kapag sinindihan ay magsisilbing panangga upang itaboy ang nagbabadyang pagdapo ng mga salot. Kung sakali mang hindi na maagapan ang pagsalakay, kinakailangan namang sunugin ang buong taniman upang siguruhing hindi makapangitlog ang mga balang na posible pang dumami at makapanira ng marami pang pananim. Hindi man niya direktang sabihin, bakas sa boses niya ang nakatagong dalangin—sa kabila ng paghahanda, sana’y hindi kailanman kailangang sindihan ang mga tuyong dayami.

Tiningnan ko si Natoy habang inaabot ang baso ng tuba alinsabay ng pagbanggit niya sa gagawing pag-aani sa mga susunod na araw. Sa ganitong mga panahon lamang sila nakakabawi sa pagod na iginugugol nila sa bukid. Nagliliwanag ang kaniyang mukha tuwing nababanggit niya ito, sa kabila ng pamumula ng kaniyang mga pisnging halatang nalalasing na sa inumin.

Magmamadaling-araw na kaming natapos sa dami ng mga kuwentong kailangan naming habulin at mga alaalang masarap balik-balikan. Halos tanghali na ako nagising kinabukasan. Kung hindi pa sa mga bulungang narinig ko sa labas ng bahay ay hindi ako babangon. Lumabas ako ng silid. Naabutan ko si Manang Gamay at Lola sa balkonahe na parehong nakatingala. Lumapit ako sa kanila na wala pa sa tamang ulirat. Ang mga tao sa kalapit na mga bahay ay nasa labas din at nagkukumpulan. Kinuskos ko ang aking mga mata at tumingala sa direksiyon na kanilang tinitingnan.

“Bakit madilim pa ang langit gayong magtatanghaling tapat na?” tanong ko sa aking sarili. Mula sa malayo ay natatanaw ko ang makapal na ulap. Pinagmasdan ko itong mabuti. Mabilis ang pagbabago ng hugis nito kasabay ng malakas na hanging umiihip mula sa likuran. Sa aking pagtitig, dahan-dahang nabuo sa aking hinuha na hindi ulap ang aking nakikita—dahil sa tunog ng pagaspas ng maliliit na pakpak at ang galaw ng kulay kalawang na hugis na tila sumasabay sa saliw ng orkestrang tinutugtog ng hangin.

Ibinaling ko ang aking paningin sa mga nagkukumpulang kapitbahay. Bakas ang pagkabahala sa kanilang mga galaw. Lumingon ako kina Lola at Manang Gamay. Nakasulat sa kanilang mga mukha ang labis na pag-aalala. Muli kong tiningnan ang madilim na langit. Umalingawngaw sa aking gising na diwa ang mga turan ni Nanay tungkol sa pagsalakay ng mga salot—ang nalalapit na pagbabalik ng Diyos at ang parusang dala ng kaniyang pagkapoot. Sa hindi mawaring dahilan, saglit ding nanumbalik sa aking isip ang amoy at lasa ng luto ni Manang Gamay, ang tunog ng kumukulong mantika, ang tilamsik ng ginigisang bawang, ang tawanan naming magkakaibigan habang naglalaro sa malawak na damuhan. Bumigat ang aking pakiramdam.

Pumasok ako ng bahay. Hinalukay ko ang mga gamit sa kusina at agad ding lumabas ng pinto. Sa bugso ng mga sandaling lumipas, tinakbo ko ang hilera ng mga punong niyog na ikinukubli ang malawak na bukirin. Bumungad sa aking balintataw si Natoy at ang mga kasamahan nitong mga magsasaka, nakatayo sa pilapil at tinitingala ang buhay na alapaap. Saglit siyang napalingon sa akin. Hawak-hawak ang kalawanging karit ni Lolo sa aking kanang kamay, ang lumang gasera sa kaliwa, sinulyapan ko ang nagdidilim na langit. Sinundan ng aking mga mata ang sayaw sa sigwa ng lumilipad na kawan, sa ibabaw ng ngayo’y nagliliyab at umuusok na mga pananim.

Naalala ko ang liwanag sa mukha ni Natoy, ang kaniyang tuwa at saya habang ikinukuwento ang nalalapit na anihan. At sa hindi namalayang sandali, dagling gumuhit ang malamlam na ngiti sa aking mukha.

Sa Ikalawang Yugto ng Yanggaw

Ni Lino Gayanilo Jr.

(Ang sanaysay na ito ay runner-up sa 3rd Lagulad Prize.)

Isang gabi noong Pebrero 2018, habang nagpipinta ako ng tanawin sa loob ng aking apartment, umupo sa sahig ang kaibigan kong si Tata at nagkuwento tungkol kay Tonyo, ang kaniyang nakatatandang kapatid. (Iniba ko ang pangalan ng mga taong nabanggit sa kuwentong ito.) Sa mga oras na iyon, gusto kong magpinta ng maaliwalas na larawan na maipapalamuti sa loob ng aking kuwarto. Sa unang limang minuto ng paglalahad ni Tata, marahan pa ang pagkakahagod ko ng brotsang ibinabad sa puting pintura para takpan ang magaspang na bahagi ng kanbas na gawa sa lumang katsa. Nawala ang aking pokus nang sabihin ni Tata na biktima ang kaniyang nakatatandang kapatid ng tinatawag na yanggaw.

Ayon sa paniniwala ng maraming Ilonggo, ang yanggaw ay paghahawa o paglilipat sa ibang tao ng itim na kapangyarihan ng isang aswang. Para maisagawa ito, nilalawayan umano ng aswang ang inumin o pagkain ng taong gusto nitong biktimahin. Sa unang yugto ng yanggaw, mararanasan ng biktima ang halusinasyon—tulad ng naranasan ni Tonyo.

Noong Nobyembre 2015 umano nagsimulang magkaroon ng pagbabago sa mga kilos ni Tonyo. Sa kanilang bahay sa Barangay Bai Saripinang sa Bagumbayan, Sultan Kudarat, napansin ni Tata ang pagiging balisa ng kapatid tuwing gabi. Minsan, bandang ala-una ng madaling araw, ginising siya ni Tonyo at sinabihang may babaeng pabalik-balik sa kanilang bakuran. Kutob ni Tata, guniguni lamang ito ng kapatid, ngunit depensa ni Tonyo, totoo at buhay na buhay ang babae sa labas. Bumangon naman si Tata kahit naririnig niya ang mahinang huni ng tiktik, tawag ng mga Ilonggo sa aswang kapag nag-aanyo umano itong parang ibon. Hanggang ngayon, palaisipan pa sa akin ang totoong mukha, hugis, at sukat ng tiktik. Halos karaniwan ang mga tiktik sa probinsiya, kaya marahil, tulad ko, sanay na si Tata sa misteryosong tunog nito. Lumabas siya. Nagtataka ako saan siya humugot ng tapang para lumabas ng bahay nang ganoong oras gayong matatakutin ang tingin ko sa kaniya. Ngunit wala rin naman daw siyang nakita sa kanilang bakuran.

Nang muling pumasok si Tata sa loob, napansin niyang tulala ang kapatid habang nakaupo sa isang sulok. Simula noon, nag-alala siya sa kalagayan nito lalo pa’t may pinsan silang isinailalim sa gamutan dahil sa sakit sa utak.

Hindi lamang si Tata ang nakapansin sa kakaibang ikinikilos ng kapatid dahil nagtataka rin ang kanilang ina, si Aling Minda. Noong dapithapon ng Nobyembre 6, 2015, tumakbo si Tonyo mula sa kanilang bahay at hindi bumalik buong magdamag. Nabahala sina Tata at Aling Minda sa pagkawala ni Tonyo. Unang beses itong nangyari.

Kinaumagahan, humingi ng tulong si Tata sa paghahanap sa kapatid. Sinamahan siya ng dalawang tanod. Sakay sila ng traysikel. Nagtanong-tanong sila sa mga taong nakasalubong sa daan, nagbabaka-sakaling may nakakita kay Tonyo.

Nang matagpuan si Tonyo sa isang manggahan sa Barangay Kinayao, mga walong kilometro ang layo mula sa kanilang bahay, wala itong malay at puno ng putik ang tagiliran, at nang manumbalik ang malay nito, ikinuwento nito sa kapatid ang nangyari. Katwiran ni Tonyo kay Tata, hinabol siya ng aswang mula sa harap ng kanilang bahay hanggang doon sa manggahan. Nang maabutan at mahawakan umano siya ng aswang, sinaksak nito ang kaniyang tiyan sa bandang kanan. Tatlong bituin mula sa itaas ang nakita ni Tonyo bago nandilim ang kaniyang paningin. Wala na rin umano siyang alam sa mga sumunod na nangyari.

Mabalahibo ang mukha, mahaba at buhaghag ang buhok, purong itim ang damit, magaspang at mahaba ang itim na pakpak, pulang-pula ang alikmata—ganito isinalarawan ni Tata ang anyo ng aswang ayon sa nakita ng kapatid.

Isang linggo matapos ang insidente, naging madalas ang pagsusuka ni Tonyo ng itim na likido at pagbabawas ng itim na dumi. Napansin din ni Tata na naging mas madalas din ang paghuni ng tiktik tuwing gabi. Sinasabayan pa ito ng alulong ng mga aso. May mga hatinggabing nakatayo lamang si Tonyo sa labas ng bahay, tulala at hindi makausap. 

Gusto ko sanang itanong kay Tata kung bakit hindi sila kumonsulta sa doktor, pero naisip ko na baka walang wala sila nang mga panahong iyon. Isa pa, kung sakaling nayanggaw nga si Tonyo, maaaring makasasama sa kaniya ang pagpapagamot sa ospital. Ito ang paniniwala ng ilang Ilonggo, kasama na ang aking lolo. Nagkaroon umano si Lolo ng isang kakilala na inoperahan sa bituka at namatay, at napagtanto ng pamilya na nayanggaw pala ang pasyente at dapat sana ay ipinatingin muna ito sa albularyo bago inilapit sa propesyunal na manggagamot. Simula noon, kapag may nagkakasakit sa pamilya ni Lolo, sa albularyo ito unang dinadala. Hindi ko alam kung dapat ba itong sundin. May ilan kasing albularyong huwad—minsan mas mahal pang maningil kaysa sa totoong doktor.

Sa pagpapatuloy ni Tata ng kaniyang kuwento, napansin kong naging matapang ang kulay ng pinturang inilapat ko sa katsa, kaya kumuha ako ng katamtamang dami ng puting acrylic para ihalo nang paunti-unti sa aking paleta.

Noong Disyembre 2015, naging saksi naman si Tata sa kakaibang pagbabago sa anyo ng kapatid. Hindi niya maipaliwanag ang kaniyang nakita. Noong una, nakaupo lang daw si Tonyo habang tulala sa kanilang sala. Mayamaya, napansin niya na humaba ang mga daliri at kuko nito. Nanlisik at naging pula rin ang mga mata ni Tonyo. Nang mapatingin si Tata sa sahig, laking gulat niya nang makita ang malaking anino ng kapatid—parang anino ng babaeng may mahabang buhok.

Tinanong ko si Tata kung gaano kalayo ang ilaw mula sa kinauupuan ni Tonyo. Maaari kasing mas malaki ang mabuong anino kaysa sa mismong sukat ng tao depende sa kaniyang layo sa pinagmumulan ng liwanag. Mariing tugon ni Tata, nasa bandang harap ni Tonyo ang nag-iisang nakasabit na bombilya. “Bakit nasa harap din ang anino?” tanong niya. Tinanong niya rin ako kung paano ko raw maipapaliwanag ang biglaang paghaba ng mga kuko ni Tonyo. Tulad niya, hindi ko rin alam ang kasagutan.

Hindi mapakali sina Tata at Aling Minda sa nangyayari kay Tonyo. Minabuti nilang dalhin ito kay Mang Tiyong, isang albularyo na naninirahan sa paanan ng bundok sa Barangay Tuka.

Maliit lamang ang bahay ni Mang Tiyong, ayon kay Tata. Sa loob nito, naaamoy niya ang halimuyak ng pinaghalong sampaguita at olive oil. Mapapansin din sa loob ang matingkad na muwebles at ang magarang altar sa bandang dulo. Tinanong ko si Tata kung anong klaseng altar meron si Mang Tiyong. Sa pagkakaalam ko, maaaring malaman kung anong klaseng kapangyarihan meron ang isang albularyo sa pamamagitan ng kaniyang altar. May mga manggagamot kasing gumagamit ng itim na kapangyarihan at may nakalagay sa kanilang altar na mga simbolo ng diyablo, tulad ng ulo ng mga hayop na may mahahabang sungay, at may iba ring nagmumula ang kapangyarihan sa mapaghimalang Birheng Maria o sa mga sagradong santo. “May nakalagay na imahen ng Holy Family sa altar,” tugon ni Tata.  

Nagsagawa ng orasyon si Mang Tiyong habang hinahawakan ang noo ni Tonyo, malapit sa altar na may nakasinding kandila. Pagkatapos, naglabas ang albularyo ng palangganang may katamtamang lalim, at inilatag niya sa loob ang isang itim na tela bago binuhusan ng tubig. Naghulog siya ng itlog ng manok sa tubig. Lumubog, pumahiga, at pumailalim ito. Makalipas ang mga tatlumpung segundo, nagulat si Tata nang makita ang itlog na muling tumayo at lumutang mula sa pagkakahiga.

 “Baka baog lang ang itlog?” pabirong tanong ko kay Tata.

Nadismaya siya sa aking tanong at biglang huminto sa pagkukuwento. Tumahimik saglit sa loob ng aking apartment. Biglang natumba ang aking kabalyete, marahil sa lakas ng hangin mula sa bentilador o baka natapik ko itong nang hindi ko namamalayan. Natapunan ng itim na pintura ang kalahating bahagi ng katsang pinipintahan ko. Lalo akong nawala sa pokus. Sa halip na magpinta ng tanawin, nagdesisyon na lamang akong gumuhit ng larawang abstrak.

“Ano ang sinabi ni Mang Tiyong, Ta?” naiilang na tanong ko sa kaibigan. Muli niya ring ipinagpatuloy ang pagsasalaysay.

Nayanggaw umano si Tonyo ayon sa albularyo, at iminungkahi nito na magsagawa ng isang ritwal si Tata para sa kapatid. Ginawa ito ni Tata isang Biyernes ng gabi noong Disyembre 2015. Habang nasa loob lang ng bahay si Tonyo, kinailangang ikutin ni Tata ang labas ng kanilang bahay nang pitong beses. Bitbit ni Tata ang itim na manok na may malaking hiwa sa leeg. Sa una hanggang ikalimang beses na pag-ikot ni Tata, maayos pa ang kaniyang pakiramdam. Siniguro niyang pumapatak sa lupa ang dugo ng manok kasabay ng kaniyang pag-ikot. Nang aktong ihakbang niya ang paa para sa ikaanim na pag-ikot, nandilim ang kaniyang paningin, at nakita niya ang anyo ng itim na nilalang sa di kalayuan. Mariing itinugon ng albularyo na dapat tuloy-tuloy ang ritwal, kaya muli niyang nilakasan ang loob hanggang sa matapos niya ang ikapitong pag-ikot bago nawalan ng malay.

Natulala lamang ako sa mukha ng aking kaibigan. Hindi ko lubos maisip na may nakatagong kakaibang tapang sa likod ng kaniyang payat na pangangatawan.

Tinanong ko si Tata kung paano nayanggaw si Tonyo, at sinabi niya sa akin na nakikain umano ito sa isang bahay na pagmamay-ari ng isang taong hindi nito lubusang kilala. Nagtatrabaho noon si Tonyo sa ibang bayan, at niyaya lang siya ng mga katrabaho na makikain sa bahay na ’yon. Bihon na may halong tinapa ang inihain sa kanila, at masangsang ang amoy nito. Dalawang kutsara pa lamang ang nakakain ni Tonyo, pakiramdam niya ay nakakain siya ng isang platong bulok na lamanloob ng isda. Ngunit dahil sa pagod at gutom, ipinagpatuloy niya ang pagkain. Huli na nang may makapagsabi sa kaniya na pinaghihinalaang aswang ang may-ari ng bahay.

Naalala ko ang isang pangyayari noong labinwalong taong gulang pa lang ako, nang pumunta kami ng aking pinsan sa bahay ng bago niyang kakilala. Halos masuka ako noon dahil sa nakaing ulam. May matapang na lasa ang karneng isda, at may malansang amoy naman ang karneng baboy. Hindi naman ako nayanggaw noon dahil wala naman akong kakaibang naramdaman nang makauwi ng bahay. Isa pa, baka may matapang na sangkap lamang na inihalo sa ulam. Gayunpaman, naging mas maingat na ako dahil sa kuwento ni Tata. Hindi na ako basta-basta kumakain sa ibang bahay lalo na sa hindi ko kakilala.

Wala pa ring magandang pagbabago sa kondisyon ni Tonyo, kaya humanap sila ng bagong albularyo. Napag-alaman nila na may isang albularyo sa General Santos City na bihasa umano sa panggagamot sa mga taong nayanggaw, kaya binayaran nila ito upang pumunta sa kanilang bahay sa Bagumbayan. Gumawa ng ritwal ang albularyo gamit ang itim na kandila at insenso habang may inuusal na orasyon. Ngunit sa kabila ng isinasagawang ritwal, tila mas malakas ang kapangyarihang nagpapahirap kay Tonyo, dahilan para umabot siya sa ikalawang yugto ng yanggaw—ang pagiging marahas.

Madalas umanong sinusumpong si Tonyo tuwing Biyernes. Ang hula ko, sa ganoong araw malakas ang kapangyarihan ng aswang dahil sa parehong araw naganap ang kamatayan ng Panginoong Hesukristo. Ikatlong linggo naman noong Enero 2016 nang mapansin ni Tata ang pangingitim ni Tonyo. Pagpatak ng alas-diyes ng gabi, nagsimulang magwala ang kapatid. “Aswang ka! Aswang ka!” sigaw ni Tonyo habang may itinuturo sa tabi nina Tata at Aling Minda. Walang ibang tao sa loob maliban sa kanilang tatlo. Naglalaway rin si Tonyo. Habang ikinikuwento ito ni Tata sa akin, ramdam ko ang panginginig niya. Hindi ko namalayang nabali ko ang isang pinsel na hawak-hawak ng aking kaliwang kamay.

Dali-daling isinara ni Tata ang pinto sa takot na baka muling tumakbo palabas at mawala ang kapatid. Nanginginig umano ang mga kamay ni Tonyo. Walang tigil sa pag-ikot ang balikat at ulo nito, at habang nanlilisik ang mga mata, hinagis nito ang isang upuan kay Aling Minda. Tinamaan ang kanang balikat ng ina. Dahil doon, lumabas si Tata para humingi ng tulong sa kanilang kapitbahay, mga dalawandaang metro pa ang layo mula sa kanilang bahay. Lumabas din si Aling Minda sa takot na baka saktan siya ulit ng anak. Naririnig ni Aling Minda ang mga hiyaw ng anak mula sa loob. Nang dumating si Tata kasama ang limang kalalakihan, pumasok sila sa loob para kontrolin si Tonyo.

Walang magawa si Tata sa pagiging marahas ni Tonyo. Naiyak na lamang siya nang makitang kumuha ng lubid ang isang kapitbahay para gapusin ang nagwawalang kapatid. Nakahiga umano si Tonyo habang mahigpit na hinahawakan ng apat na kalalakihan. Dahil sa higpit ng pagkakagapos, namumula ang mga kamay at paa ni Tonyo, at naninilaw naman ang dulo ng mga daliri nito. Punit na rin ang pang-itaas na damit ni Tonyo. Habang nagsasalaysay si Tata, napapansin kong naluluha rin ang kaniyang mga mata. Tahimik lang ako. Hindi ko alam ang gagawin para maibsan ang sakit ng kaniyang kalooban.

Napagdesisyunan naman ni Aling Minda na tawagin ang kaabag, taong sumailalim sa pagsasanay para magsagawa ng Bible services sa kapilya sa mga panahong wala ang nakatalagang pari. Naisip ni Aling Minda na baka sinasapian ng masamang espiritu ang kawawang anak. Habang hawak ang Bibliya at Rosaryo, pasigaw na nagdasal ang kaabag sa harap ng nagwawalang si Tonyo. Binasbasan din nito si Tonyo ng dala nitong holy water, ngunit parang wala itong epekto. Mukha pa ngang naging mas malakas si Tonyo. Hindi sapat ang kapal ng lubid para pigilan ito, kaya humanap si Tata ng kadena para mapalitan ang lubid. Humahagulhol siya habang inaabot sa isang lalaki ang kadena, na higit tatlong metro ang haba at may dalawang kandadong nakakabit sa dulo. Ikinadena ng kalalakihan si Tonyo, hindi lang sa kamay kundi maging sa paa, at itinali nila sa haligi ang dulo ng kadena.

Ramdam ko ang sakit at lungkot sa pagsasalaysay ni Tata. Tuluyan na akong nawalan ng pokus sa pagpipinta. Masisikmura ko rin kayang ikadena ang sariling kapatid? Kung sakaling ako ang nasa kalagayan ni Tata, marahil nanaisin ko na lamang na maging bulag at bingi.

Naging mas malupit si Tonyo nang ikadena ito. Isang linggo makalipas itong gawin, bandang alas onse ng gabi, nakita ni Tata na nanlilisik ang mga mata ng kapatid. Umiyak siya sa takot. Naglalaway rin kasi si Tonyo, parang nauuhaw sa laman ng tao, at walang humpay sa paggalaw ang balikat nito na tila gusto nitong lumipad mula sa pagkakagapos. “Diyos ko, Diyos ko,” usal ni Aling Minda.

Nanlamig si Tata nang muling makita ang malaki at hugis babaeng anino ng naglalaway na kapatid. Hindi gumagalaw ang anino—taliwas sa hugis ng katawan ni Tonyo na walang tigil sa pagwawala kahit nakagapos.

“Imposible ngang anino ’yon ni Tonyo,” sabi ko. Habang humahaba ang kuwento ni Tata, naging mas bukas ako sa posibilidad na biktima ng yanggaw, hindi ng sapi, si Tonyo. Kung sakali mang tama ang suspetsa ni Aling Minda noon na sinasapian ng masamang espiritu ang anak, di ba dapat takot ito sa bawat patak ng sagradong tubig? Wala naman kasing naging epekto ang pagbasbas ng kaabag kay Tonyo. Inaamin ko na marami sa ikinuwento ni Tata ang hindi ko kayang ipaliwanag—maging siguro ng siyensiya.

Marami ang nakasaksi sa mga ikinilos ni Tonyo nang mga sumunod na gabi. Mistulang may piyesta lamang sa labas ng bahay nina Tata at Aling Minda dahil marami sa kanilang mga kapitbahay, maging ang ilang opisyal ng kanilang purok, ang pumunta para tumulong sa pamilya. Kasama nina Tata at Aling Minda ang tatlong kamag-anak sa loob habang nagbabantay kay Tonyo. Naisipan ulit ni Aling Minda na tawagin ang kaabag para humingi ng tulong ispiritwal. Kasama ng kaabag ang mga katekista. Tumawag din ng tanod si Tata. Kasama ng dalawang tanod si Goyo, isang pulis sa kanilang barangay na gusto ring tumulong.

Nagtulong-tulong ang kalalakihan para ilabas si Tonyo dahil nasira na niya ang isang haligi sa kanilang sala. Nang matagumpay na nailabas si Tonyo, ikinadena siya sa puno ng sarisa. Mahigpit pa rin ang pagkakagapos sa kaniya, kaya namamaga umano ang kaniyang nakakadenang paa. Nagsimulang magdasal ang kaabag at mga katekista sa harap ni Tonyo. Nakapikit ang kanilang mga mata, walang tigil sa pagsambit ng dalangin at awa mula sa Diyos at sa Birheng Maria. Lalong tumindi ang pagsisigaw at pagwawala ni Tonyo sa bawat salitang binabanggit ng mga katekista. Naglalaway siya. Nagtitigasan ang kaniyang mga daliri. Makikita sa kaniyang naglalakihang ugat sa mga kamay at paa ang intensiyong manakit sa sinumang lalapit sa kaniya. Walang tigil sa paggalaw at pag-ikot ang kaniyang balikat. Nagpapahiwatig ng pagtubo ng bagong pakpak ang kaniyang dalawang buto sa likuran. Tila gusto niyang lumipad.

“Sir Goyo, barilin mo na lang ang anak ko kung maging aswang siya,” sabi ni Aling Minda habang nanginginig sa takot at awa.

Nagulat si Tata sa sinabi ng kaniyang ina. Hindi siya sang-ayon na barilin ang kapatid. Umalis siyang umiiyak at ipinasa-Diyos na lamang ang kalagayan ni Tonyo.

Ganoon ang naging desisyon ni Aling Minda dahil marahil hindi niya kakayaning maging bagong yanggaw ang sariling anak. Sa palagay ko, mas matimbang sa kaniya ang kapakanan ni Tata at ng ibang tao sa paligid sakaling maging aswang si Tonyo. Masakit man para kay Tata, sang-ayon ako kay Aling Minda. Mahirap mawalan ng kapatid, pero mas mahirap magkaroon ng halimaw na anak.

Naghanda ng isang baril at limang itak ang mga taong nakapaligid kay Tonyo sakaling umabot ito sa huling yugto ng yanggaw—ang pagtubo ng pakpak at tuluyang paglipad.

Nang kantahin ng mga katekista ang “Ama Namin,” unti-unting huminto ang paglalaway ni Tonyo. Tumigil naman sa pag-ikot ang kaniyang balikat at ulo. Napagod ang dating pagkalakas-lakas na mga braso at paa. Nanghihina ang kaniyang mga daliri. Naging maamo ang dating nanlilisik na mga mata. Parang wala siyang kamalay-malay sa nangyari. Alas-tres na ng umaga nang tuluyang kumalma si Tonyo.

Pumunta naman si Tata sa likurang bahagi ng kanilang bahay. Saksi noon ang mga alitaptap sa kaniyang pagluha at ang mga hamog sa kaniyang pagbuntong-hininga.

Nauutal na si Tata sa paglalahad. Hindi niya rin napigilang maluha. Sa awa, natapik ng aking maruming kamay ang kaniyang likuran. Kumbinsido na rin akong nayanggaw nga ang kaniyang kapatid.

Tatlong araw bago ang Pebrero 2016, dinala nina Aling Minda at Tata si Tonyo sa ikatlong albularyo sa kabilang bayan, sa Esperanza, umaasang may mas malakas na kapangyarihan ang manggagamot. Sakay ng nirentahang dump truck, isinama ni Tata ang walong kapitbahay para may katulong siya sakaling magwala ang kapatid sa gitna ng biyahe. Nakakadena pa rin ang magkabilang kamay ni Tonyo habang hawak-hawak siya ng tatlong kalalakihan papasok sa bahay ng albularyo.

May suot umanong itim na kuwintas ang albularyo, at amoy sa buong bahay nito ang bango ng lana, langis na gawa sa niyog at madalas ginagamit sa panggagamot. Kalmado lamang ang albularyo. Ayon pa kay Tata, takot na takot ang mukha ni Tonyo habang kaharap nito ang manggagamot. Hindi alam ni Tata kung bakit. Naisip ko na baka malakas nga ang kapangyarihan ng albularyo. Ipinasok si Tonyo sa loob ng isang kuwarto na may altar sa bandang gilid katabi ng pintuan. Puno ng nakasinding kandila sa loob. Ito ang nakikita ni Tata mula sa sala. Pinaupo ng albularyo si Tonyo sa dulo ng kaniyang kama at hinawakan ang ulo at tiyan nito. Biglang naglaway si Tonyo habang nanginginig. Naging mas malakas ang pagkakahawak ng albularyo sa namumutlang si Tonyo. Sa huling pagbanggit niya ng orasyon, isinuka ni Tonyo ang napakalapot at napakaitim na likido. Iyon marahil ang laway ng aswang. Tumagal ng mga isang minuto ang pagsusuka ni Tonyo hanggang sa lubusan itong nanghina at humiga na lamang sa kama ng albularyo.

Bagama’t naging matagumpay ang kanilang pakikipaglaban sa itim na kapangyarihan ng aswang, isinangguni pa rin ni Tata ang kapatid sa isang psychiatrist pagkalipas ng isang buwan dahil sa pagpupumilit ng ilang kamag-anak. Naniniwala ako sa kapangyarihan ng albularyong gumamot kay Tonyo, ngunit hindi rin masama na humingi ng opinyon sa isang lisensiyadong manggagamot. Batid kong nababahala si Tata sa kapatid nang sinabi niya sa aking schizophrenic ito ayon sa pagsusuri ng doktor. Dagdag pa ni Tata, kailangang bigyan ng tranquilizer ang kapatid. Itinuturok ito sa braso nito isang beses kada tatlong buwan para maiwasan ang pagkabalisa. Sa tingin ko, schizophrenia ang dahilan kung bakit naging marahas noon si Tonyo, pero hindi ko rin maikakailang nayanggaw ang binata. Mahirap timbangin.

Lumipas ang isang taon. Nabahala si Tata nang magsimulang magsaliksik ang kapatid tungkol sa mga albularyo at aswang. Naabutan umano niyang nagbabasa si Tonyo ng orasyong tila nakasulat sa Latin at nagda-download ng mga larawang may kinalaman sa yanggaw. Pangarap daw ni Tonyo na maging albularyo balang araw. Ngunit hindi bukas si Tata sa posibilidad na makikipaglaban ang kapatid sa itim na kapangyarihan ng mga aswang. Sang-ayon ako kay Tata. Mahirap maging albularyo. Walang yumayaman sa pag-oorasyon at pagriritwal. Ngunit hindi ko masisisi si Tonyo. Mahirap ang kaniyang mga danas. Marahil buong buhay nitong maaalala ang dagok na inilibing ng aswang sa pagkatao nito.

Tumagal nang halos isang oras ang pagkukuwento ni Tata. Bumalik siya sa kaniyang sariling apartment habang iniligpit ko naman ang pinturang natapon. Kinabahan ako sa nakita. Marahil guniguni ko lang iyon, ngunit may hugis na mukha ng bababe na nabuo sa sahig.

Leping ni Ama

By DM Gasparillo Adil II

(This essay was a finalist for the 3rd Lagulad Prize.)

Seven bittersweet years has passed and I am still haunted by the memory of a dollhouse hanging from the ceiling of my father’s bedroom. I remember so much as though the memories have been kept permanently inside me. Shards and fractals of my past flash before me whenever I close my eyes. The only thing I can picture in the frame, however, is the panoramic view of this colorful wooden box, suspended like a coffer in mid-air. It amuses me how and why a thing so concrete could have such control over my subconscious. I want to run away from the memory of it, but I can’t.

I am speaking of a dollhouse. Not the usual one. I own no photograph of it, but if asked about its appearance, I’m pretty certain I could describe it well based on memory.

The dollhouse was rectangular, about the size of a grocery basket. Its roofing was made of two sections of blood-red fabric sloping in opposite directions and parted in the middle to form the ridge. The sides were generously swathed in red and yellow cloth, all the ends tacked tightly on the edges of the wooden frame to keep the cloth from hanging loose. And for embellishments, the dollhouse was surrounded by floral corded laces, and hanging on the sides were tricolored flaglets, tiny versions of something you’d normally see in a kalilang (wedding) and other Maguindanao cultural festivities.

The miniature house was no ordinary playhouse, my late mother claimed. It was the home of a friendly apparition, a spirit that had always been responsible for our family’s protection and had been living with us in our house in Tacurong City, Sultan Kudarat, for as long as she could remember. I was impartial to my mom’s stories, however. I found them absurd and baseless at times. I have to admit, believing in the supernatural was not my thing. I believed there was no dignity in doing so.

But how could I turn a deaf ear to a home nurtured by stories of the unseen? I’d often contemplate. I had to spare an ear and listen to a few tales despite my stubbornness to succumb to them.

The Maguindanao culture is steeped in folklore. Most of the stories woven by the elderly were passed by mouth, the reason why only a few scriptures about our tribe exist. One particular story that has struck me the most is the story of the leping, a spirit-twin bestowed on a few Maguindanao people. From what I’ve heard, a leping is a specter that takes the form of a water animal, oftentimes a snake or a crocodile. In rare cases, it appears in the form of a male or female human being. This knowledge is not new to me because my father’s leping, as described to me by my mom, is a tall and hulking man. He even has a name—Moharidan.

My mom mentioned that I myself was also gifted with a leping. I cannot remember the exact name she called her, but it sounded like Jessica or Janice, which was quite uncanny for me because it was too Western sounding. I felt hostile about the name.

Another thing about lepings, according to my mom, is that they are gender neutral. This allowed me to harbor a leping of the opposite sex. But despite her claims, I never felt my leping’s existence, to the point that I had to question myself whether my cold rejection had effaced the leping from supernatural existence. I honestly don’t know. In any case, I was too detached to care more.

But there were times when it made me ponder, moments that made me think, “Maybe it isn’t that awful to satisfy the idea? Is this my mom’s way of shooing away my femininity?”

I never officially came out to my parents, but a few traces of my homosexuality surfaced even back then. “Maybe Mom’s just unprepared for the kind of person that I’d grow up to be?”I would ask myself. As painful as it was, I had to dismiss the thought. One leping was enough for the family. My heart had no space for one.

My father and I had a huge age gap. When I was in my early teens, Dad was already in his late sixties. Oftentimes, I would be mistaken for his grandson, something that I found reprehensible. My older siblings were no longer connected with us. Most of them were already married and had families of their own. As the youngest, I was left to look after our dad.

My dad and I never really had a strong connection, mostly because of our generation differences. But despite our polarity, I stuck by his side and watched him age every day. Unlike me, Dad was a believer in the supernatural. I often recall those days when rituals were frequently performed in our house. Most of the ceremonies involved burning incense made from the sun-dried skin of marang or lanzones. It wasn’t the most perfumy scent you could imagine as a child. My nose has become so familiar with the stinging, pungent odor of these dried fruit peelings that if they are burned in front of me right now, I will be able to detect them.

In these rituals, food was abundant, as the elderly would normally prepare dulang (food in trays), which in our house usually consisted of black rice cake fashioned in the shape of a crocodile garnished with pieces of chicken. They said that the custom was meant to take captive of lepings and gain spiritual control over them. I shrugged at the idea, but I listened. After all, there’s no harm in lending an ear.

To complete the ritual sagrado (sacred ritual), my dad would then invite a group of panditas (Moro priests) to utter the invocations and raise the offerings to the spirits. We call the feast kanduli, a ceremonial celebration of prayers. This was a common event in our house, and I can no longer keep track of how many rituals I have attended.

Lepings, said the elderly, must be sheltered in a small house. When I heard of this, I finally understood the presence of that ornament in my dad’s bedroom. My aunt calls it walay a binaning—“the yellow house.” I have to admit, I only saw it as a made-for-play dollhouse, maybe an old toy that my dad owned when he was younger. But I was wrong all along. Even so, I kept my principles unbent.

Unlike other kids, who’d normally cry in fear when told of ghost stories, I didn’t allow superstitions to get the best of me. My mindset was simple: to see is to believe. I held on to this notion to help sort out my thoughts. This liberated me from the overwhelming supernatural universe.

When my curiosity crept up to me one day, I gathered all the courage I could and climbed the cabinet beside the dollhouse. I leaned to get close to the dollhouse, hanging with one arm, my hand gripping the top of the cabinet like a chimpanzee napping on an iron tree, and my feet perched on the side of the cabinet. How pathetic of me to give in to the pressure.

I looked at the dollhouse, even touching it with my hand. I didn’t see anything remarkable there. It seemed to me to be nothing but a plain wooden box wrapped in decoration. What made it special to the other members of my family was a puzzle for me. So I tried to fill my curiosity further.

In the middle was a cloth that separated the house in two. One side was built as a replica of a dining area. Salad plates with traces of days-old food were the primary reason for my assumption. Beside the small porcelain plates was a tall shot glass like the ones used by my titos when drinking liquor. It served as the drinking glass of whoever or whatever was living inside the tiny house. In my memory, the glass was half-empty at the time.

“Where did all the water go?” I asked myself.

A side of me dwelled on the logic—it’s simple: the water dissipated or volatilized into the air because of the high room temperature. However, the other side of my brain couldn’t resist falling into the grotesque. My mind was filled with pictures of my dad’s leping chugging water from the single-ounce glass. Good Lord, I wasn’t prepared for that. Still, I remained firm no matter the dread. When I was done calming my senses, I continued raiding the spirit’s peaceful abode.

The other room, I supposed, was modeled like that of a bedroom. On top of a silken cushion were puffy pillows tucked neatly on the side. “Fancy,” I said. The extravagance of the exterior matched the vibe of the inside. It was an achievement unlocked. For a house made for an unseen force, it was well kept and appropriately designed.

* * *

Years passed, and still I had no close encounter with my dad’s leping, or any leping for that matter. But I sure heard a few stories from many people, mostly from relatives, and some from the clients of my dad, who was a lawyer.

We had a lot of people going in and out of the house. Some claimed to have met Moharidan and had personal encounters with him, while some, like me, just decided to turn a deaf ear on such ridiculous matters.

One story revolved around our dining customs. We ate at a long antique wooden table. And per my dad’s order, we must reserve a seat solely for his leping. The chair that we prepared was draped in purple inaul (Maguindanao handwoven textile). It also had a comfy golden pillow to sit on that served as a warning sign, suggesting that someone was eating on that particular chair and he must not be disturbed.

If you had never been to our home, or let’s say you were a newcomer, you’d probably raise your brow at us. “Who eats with spirits?” you might say. Madmen, I guess. I can’t imagine sharing this story with most of my high school classmates without them freaking out or thinking we are a family of lunatics. 

One of my high school classmates, Haron, whose dad was a close friend of my father’s, once joined a trip with my father to a cave in Cotabato City. Haron remembered the experience well and told me that my dad’s leping was a natural dweller of the cave. They offered Moharidan an abundant meal consisting of unseasoned fried fish and roasted meat, said to be the favorite of lepings.

It’s not just our family that has been involved in this supernatural experience. Our small community also has encounters with my dad’s leping. There has been a lot of cold sightings reported in our neighborhood. This entity has been seen circling our house as if he’s guarding something within. Maybe my mom was right? Is the apparition protecting something from within—our family?

Most people in San Pablo, our barangay, know each other, so whenever an event that’s worthy of attention takes place, it sparks up a round of gossip among the men and women. From the stories of those who have seen Moharidan, he is a spitting image of my dad, only taller and more brusko. This is the reason why a lot of people would engage in conversations with the leping not knowing it wasn’t my dad they were talking to. I can’t imagine the horror that these people felt when they discovered the truth.

In most of their narratives, they described Moharidan as timid and quiet, qualities that would certainly raise speculations if you knew my dad. They were the opposite of his true personality. We knew him as a blathering old man, someone who had enough bandwidth to narrate his entire biography. I witnessed him do it many times, and I cannot be wrong when I say that my dad had a memory similar to that of a high-end computer. He could blab about his experiences for hours on end.

My father’s clients had their own tales as well. My dad was a hospitable man, they told me.  He’d normally accommodate people in our house, conversing with them over tea or coffee and entertaining them with faded pictures of our ancestral tree. Some even slept at our place during long work travels. Ours was an open house. My dad’s friends were free to treat our home as their own. However, it wasn’t a pleasant experience for some. Several guests reported encounters of my dad meandering in the middle of the night. In the morning, when they would ask my dad about it, my dad would just deny the allegations and put the blame on his leping. He’d often joke about it, throw a little laugh and satisfy his ego. “Maybe he was only looking for something cold to drink, maybe a glass of orange juice or a bottle of soda to quench his thirst, and then got a little playful and performed a little spectacle for our cozy visitors. You know, for attention.”

In my father’s defense, he made it clear to our guests that Moharidan was exceedingly territorial. “He’s always like this,” my dad would say. “He’s only protecting us from danger.”

Our humble home had been a mystery to many. But my father chose to settle for the bright side. The leping was a gift to us—a vanguard. As long as we had the spirit, no trace of danger should ever set foot inside our house.

At some point, I had to give him the benefit of the doubt. Though our family had chosen to coexist with a supernatural entity, no occurrences of violent or detrimental events within our neighborhood had been recorded. That alone was enough to justify that Moharidan was a good spirit and not a vile, malevolent phantasm like in horror movies.

* * *

When my mom passed away, my father married again for the fourth time. In our religion, men are allowed to marry multiple women as long as they could sustain their needs. This is known as duwaya, practiced by the Muslim populace under the Sharia or Islamic Law.

My stepmom loved taking pictures of my father. One time, she accidentally took a photo of what we thought was him standing right outside their bedroom door. How could I ever forget that photo? It’s displayed right in the middle of our living room, adjacent to our twenty-five-inch Sharp TV set. The man in that portrait has the weirdest smile that I’ve ever seen in my entire life. It’s so agonizing to look at that I often avert my eyes whenever I come in contact with the portrait. The man in frame emits a bright aura as if a high-intensity flash was used by my stepmother. Our cheap Kodak camera couldn’t achieve that.

At first glance, you’d say that it’s my dad because the “person” in the picture has the same facial features as he had—a bald head, a large, well-chiseled nose, a set of pleading eyes, and a wrinkly smile revealing his not-so-young age. It was my aunt Ola who told us that what was captured in the frame was actually Moharidan. 

Aunt Ola has a firm knowledge of the supernatural and has performed quite a few traditional rituals in our home, mostly healing rituals for my dad. I remember a particular ritual she did on me. It had something to do with correcting what my family believed as my misplaced sexuality. My dad was bothered about me leaning more to my feminine side. Like my mom, he was scared that I’d grow up gay. His speculations were true. But I was against the ritual and had a few grumbles. How could a glass of water make me straight? Thinking of it more only disappointed me.

Whenever I look back at that moment, my objection toward these kinds of rituals strengthens. But I can’t blame my dad. The early 2000s was still a difficult time for gay people. I had no choice but to follow. It was between my pride and that bewitched glass of water. My fear gave the final answer.

When my aunt started reciting incantations, I felt a few chills. She was holding a glass of water while her stare pierced through it. By her mumbling, I was certain that she was talking to someone, something. She then forced me to drink the water until the last drop in exactly three full swallows. Which I only did because of my father.  Did it “cure” the “malady” that I was born with? I don’t think so. I’ve never believed it would, in the first place. All these rituals and counter-rituals were common in our house, but nobody could fully uncover the secrets lurking there.

* * *

When my dad died seven years ago, the miniature house was left in the good hands of my stepmother as she was the only living wife of my father. I thought my father’s death marked the end of all of the encounters, until one day, my stepmom called for another ritual to commemorate my dad’s passing.

Kulintangs were lined up in our living room that day. It was a sacrificial ritual for my dad’s leping. I knew it because we offered food, music, and prayers. As the musicians played the instruments, my stepmom exploded in a loud sob. She started dancing—and crying—and dancing. These two in no particular order. It was the moment I feared the most. I was glued in my chair, jaws wide open, perplexed because of disbelief. I had only seen such a scene in movies, but god, it seemed as though my stepmother was possessed! And I could not discern what was about to happen next.

She was already in her fifties when all of these took place, and seeing her run around our sala like a twenty-year-old ballerina, holding a malong (tubelike wraparound cloth) and a tondong (veil) in her arms, dancing lively while in deep pain, was a terrifying spectacle for me and the housemaids who also witnessed it.

“If lepings aren’t real, why is there so much emotion in this room today?” I asked myself. The emotions that enveloped the room seemed so real that I cannot say that it was only my stepmom’s act. I can still remember the sound of her cry until now. It was a cry for desperation, a series of deep, sharp sobs—the kind that gets your lungs pumping so fast and gasping for air.

Behind the joyous music echoing in the background, there were screams of pain and agony coming from her as though Moharidan was also mourning my father’s death. That was the first and last time that I allowed myself to believe in the supernatural. “Enough!” I pleaded in my mind.

Although I’ve been partly traumatized, I am thankful that I got to experience these events in my childhood. As I am now away from my stepfamily, I am certain that they’re still doing the usual—eating with the leping, leaving food and water for it to eat and drink, and diligently maintaining its peaceful abode hanging from the ceiling of the master’s bedroom.

Now that I’m staying in Davao, a bustling city more than a hundred kilometers away from the province of Sultan Kudarat, I still look back on memories of my hometown and contemplate on the stories that lived with it.

A part of me still does not believe in spirits, but whenever I try to run away, glimpses of my father’s leping drinking water in the shot glass inside the yellow dollhouse recur in my memory. I am trapped in this never-ending cycle, bugged by questions that are so complex the resolve for which I haven’t found yet.

Why do we eat with spirits? Is family not enough as company? Maybe back then my leping was also with my dad and his leping, eating together at our dinner table, in a simulacrum of what a happy home could have been if the world was more accepting. That might have been it.

Sanib

Ni Hannah Adtoon Leceña

(Ang sanaysay na ito ay finalist sa 3rd Lagulad Prize.)

Tatawagin ko siyang Mia, hindi niya totoong pangalan, gaya ng iba pang taong babanggitin ko sa kuwentong ito. Masayahing bata si Mia. Kahit no’ng ikinukuwento niya sa amin kung paano napikot ang boypren niya at ipapakasal na sa iba, hindi siya umiyak sa harap ng klase. Isa siya sa unang estudyante ko magmula noong bumalik ako sa aming munting barangay sa probinsiya ng Sarangani bilang isang guro. Malaki ang pinagbago ng aming paaralan, hindi lamang dahil sa dagdag na dalawang malaking building at mga bagong titser na pumapasok araw-araw. Nagbago na rin ang mukha ng lahat. Nakatutuwang isiping binata’t dalaga na ang mga bata noon.

Naging maganda naman ang pasok ng Hunyo sa akin. Nagturo ako sa senior high school, at ang klasrum ko ay malapit lang sa gate, sa covered area, sa canteen, sa Housekeeping Room, at sa Principal’s Office. Mapayapa ang aming paaralan, ngunit ang kapayapaang iyon ay nagimbal dahil sa sunod-sunod na nangyari sa aming mga estudyante—sapi.

Gusto ko sabihing hindi ako naniniwala sa sapi o sanib, pero may mga araw na nahihinto ang klase ko dahil sa sigawan na nangyayari sa labas. Minsan lumabas ang ilang estudyante ko para tumulong, kaya kinailangan ko na ring usisain kung ano ang nangyayari. Nakita ko na binubuhat ng isang co-teacher ko ang isang batang hinimatay, lupaypay, patungo sa Housekeeping Room, ang nagsisilbing parang klinik namin sa mga panahong ’yon dahil wala kaming totoong klinik at meron itong bakanteng kama. At dahil isang divider lang naman ang nakapagitan sa Housekeeping Room at sa aking klasrum, naririnig namin ang mga anasan at paminsan-minsang sigawan sa kabila. “In Jesus’ name!” sigaw ng isang boses. Natulala kami. Napilitan akong tumigil pansamantala sa aking lektyur hanggang sa tumunog ang bell hudyat ng recess.

“Ma’am, parang mangangagat na!” sambit sa akin ng isang estudyanteng humahangos. Kaliwa’t kanang sumbong ang aking narinig mula sa Grade 11 na aking advisory class. Parang gusto kong maniwala, pero parang ayoko rin. Baka kasi may personal na pinagdadaanan ang mga bata kaya emotionally unstable sila. Ganoon din kasi ang nangyari sa ilang estudyante ko noon sa isang private school sa lungsod ng General Santos-hinihimatay tuwing may exam. Noong nasa kolehiyo naman ako, sinasapian din daw ang boardmate kong si B. Ilang beses na rin siyang dinala sa simbahan ng mga kasama kong nangungupahan sa isang boarding house na malapit lang sa paaralan. Ang sabi ng roomate niya, sumuka raw si B ng malagkit at kulay itim na hindi niya rin maipaliwanag kung pagkain ba. Minsan nadadatnan ko rin sila na nagdarasal sa loob ng kuwarto. Takot na takot nga ako no’ng nakitulog si B sa akin isang gabi. Baka kasi atakehin na naman siya. Pero bago ako lumipat sa dormitoryo ng pamantasan, narinig ko sa roommate ko na titigil muna daw sa pag-aaral si B. Mukha raw kasing buntis siya at iniwan ng boypren. ’Yon daw talaga ang totoong dahilan kung bakit wala siya sa sarili.

Noon ding bata pa ako, palagi akong iniiwan ni Mamang upang bantayan sa ospital si Angkol Zaldy. May sakit kasi siya. Hindi na siya kumakain at kailangan niya nang turukan ng pampakalma. Sinasapian daw siya ng mga engkanto sa may punong balete. Pero iba naman ang sinasabi ng mga doktor.

Isa pang dahilan kung bakit alanganin akong maniwala sa sapi ay dahil minsan na rin akong nagawi sa Housekeeping Room ng paaralan. Doon nakita ko ang isang estudyanteng babae, nag-iisa at umiiyak. No’ng kausapin ko, napag-alaman ko na nag-away pala ang kaniyang mga magulang. Nakakaiyak naman talaga sa tuwing nag-aaway ang mga magulang, lalo na kung parang nagpapatayan na sila. Ganoon ang madalas na eksena sa bahay noong bata pa ako. Wala akong ibang magawa kundi magtakip ng tainga, magtago sa kumot, o magkunwaring nagbabasa ng libro habang humihikbi. Nabuo sa isip ko ang isang haka na baka wala naman talagang nangyayaring sapi o sanib. Baka naman kasi wala talagang sumasanib sa atin bukod sa ating mga sariling takot at lungkot sa loob-loob na hindi natin mailabas. O baka natatakot lang tayong ipakita ang totoo nating sarili, kaya nagkukunwari tayong sinasapian tayo ng ibang tao, ng ibang kaluluwa.

Pero nag-alala ako dahil nang sumunod na araw, maraming mga bata pa ang dinala sa Housekeeping Room dahil sa parehong kondisyon—nawawalan ng malay, nagpupumiglas, umiiyak, nangingisay. Wala pa ring nagpapakalma sa kanila maliban sa mga salita mula sa Bibliya at ng mga kaibigan.

Hanggang sa sinapian ang estudyante ko na mismo na si Ana. Nasa second floor kami at nagtatalakay ng paggawa ng cookbook nang bigla siyang hinimatay sa kaniyang upuan. Agad nagsialisan sa kanilang puwesto ang iba kong estudyante. Nakatayo lang ako sa harap. “Ga, OK ka lang?” tanong ko kay Ana. Agad namang nagmungkahi ang mga bata na dalhin siya sa baba. Saka pa lang ako nakagalaw. Napakabigat niya, kaya kailangan siyang buhatin ng pinakamalaking lalaki sa klase. Nagpupumiglas siya noong ilapag sa kama sa Housekeeping Room. At doon ay parehong senaryo nga ang aking nakita. Sobrang lakas niya, nagpupumiglas, tumatawa. Parang baliw. Parang wala sa katinuan. Tulong-tulong kami sa paghawak sa kaniyang kamay at paa. Dumating ang iba pa para ipagdasal siya. Sumisilip naman sa bintana ang ibang mga bata na para bang nakikinood ng isang palabas sa TV.

“Tawagin mo si Sir Win!” utos ko sa isa kong estudyante. Co-teacher ko si Sir Win. Nag-aral siya ng pagiging pastor, kaya marahil may nalalaman siya tungkol sa exorcism o kung anuman ang tawag sa ginagawang pagtataboy sa masasamang espiritung nang-aagaw ng kaluluwa ng iba.

Nang dumating si Sir Win, umusal siya ng panalangin. “Umalis ang kulang sa pananampalataya!” pasigaw niyang sabi sa aming lahat. Nagdalawang-isip ako kung ano ang gagawin. May takot sa loob ko. May bahagi sa akin na naniniwala at may bahaging hindi. Paano kung totoo? Baka lumipat sa akin ang demonyong nasa loob ni Ana dahil mahina ako. Hindi ako makagalaw. Naghahanap ako ng lakas para kumapit, pero sa bandang huli ay bumitaw rin ako. Hindi ko kaya.

Bumitaw ako sa pagkakahawak kay Ana, at nagimbal ako nang pagbitaw ko ay sumigaw siya, “Sungay! Sungayan!” Halos dinadaganan na siya ng mga taong naroroon para hindi siya makawala. Umalis ako. Nanatili ang iba. Matapos ang mahabang pagdarasal at pakikipagbuno, kumalma si Ana. Inuwi na rin siya pagkatapos. At hindi na siya bumalik pa. Hindi ko alam kung dahil ba sa nangyari sa kaniya o dahil nabu-bully si Ana ng kaniyang mga kaklase. Minsan kong nahuling pinagtatawanan siya ng mga lalaki niyang kaklase, na agad ko namang pinagsabihan. Siguro dahil transferee siya at may tono ang kaniyang pagsasalita. Isa kasi siyang T’boli.

Akala ko hindi na mauulit pa ang nangyari. Pero hindi doon nagtapos ang lahat. Nagkaklase na naman ako nang biglang may dumating sa klasrum namin. Dala-dala na naman ng ibang co-teacher ko ang isang batang babae. “Ma’am, close ang Housekeeping Room,” sabi niya sa akin. Pinapasok ko sila, at inilapag nila sa sahig ang katawan ng estudyanteng lupaypay. Hinawakan nila ito. Marami sila. “Diyos ko! Na naman?” sabi ko sa sarili. Sabi ng mga bata, lalaki lang daw ang puwedeng humawak sa katawan ng batang babae. Pamahiin. Aaminin ko, nag-alala ako na baka pisikal nang nasasaktan ang estudyanteng babae. Paano kung wala naman talagang kaluluwang sumasapi sa mga bata? Paano kung niloloko lang kami ng mga batang ito?

Kaliwa’t kanan na ang narinig kong kuwento ng sanib mula sa mga bata. Naungkat na rin ang sabi-sabing may namatay na sa paaralan namin noon. Buntis. Asawa ng unang principal. Nahulog umano ito sa hagdan. Ang sabi ng iba, itinulak daw ito, ngunit hindi napatunayan kung sino. Doon mismo sa building na pinagtuturuan ko. Hanggang sa naalala namin ang school guard na si Mando na namatay rin dahil nahulog mula sa mababang bahagi ng puno at nabagok ang ulo. Dead on the spot siya. At paminsan-minsan daw ay nagpaparamdam siya sa mga bata.

Ang sabi ng iba, nagdadrama lang ang ibang bata para makakuha ng atensiyon o dahil sa mainit na panahon. Kulang kasi sa electric fan ang paaralan, bukod sa katotohanang siksikan ang mga bata sa loob ng klasrum at ang iba naman ay hindi nakapag-agahan. Ang sabi naman ng iilan, baka depresyon-may problema ang mga bata at kailangan nila ng mapagsasabihan.

Mass hysteria—ito ang tawag ng mga eksperto sa ganitong penomenon. Sinasabing psychological illness. Hirap sa paghinga, pananakit ng ulo, pagkahilo, pag-ubo, at pagkapagod ang nararamdaman ng mga taong nasa ganitong sitwasyon, mga bagay na nakita ko sa aming mga estudyante. Hindi lamang ito nangyari sa paaralan namin o sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Anupaman ang totoong dahilan ng mga nangyayari, nagdesisyon ang aming principal na mag-pray over sa buong kampus. Hapon na ng alas-tres nang matapos ang aming paglilibot at pagdarasal. Wala namang nangyaring pagkalampag sa mga pintuan, pagkalaglag ng mga libro, o kiskisan ng mga upuan, tuld ng mga nangyayari sa mga horror na pelikula at sa mga kuwento-kuwento.

Makaraan ang ilang linggo, naging mapayapa ulit ang paaralan. Wala nang sinasaniban. Wala nang mga sigawan. Wala nang araw-araw na pagpi-pray over sa mga batang di makahinga at umiiyak nang walang dahilan. Wala nang pagkaantala ng klase. Makakapagpahinga na kami emotionally at mentally.

Hanggang si Mia na nga ang sinaniban. Dinala rin siya sa Housekeeping Room ng kaniyang mga kaklase at titser. Nakita ko si Mia, nangingisay.

Sinabi nilang may pinagdadaanan si Mia. Dahil siguro sa problema sa pagitan nila ng co-teacher ko. Pinatawag siya sa Guidance Office, at hindi ko sinasadyang marinig ang naging pag-uusap. Nasa comfort room kasi ako noon. Doon ko napagtantong napakalaki ng papel na ginagampanan naming mga guro sa mental health ng aming mga estudyante. Puwede kaming bumuo at magwasak. Matapos mabigyan ng resolusyon ang nangyari, hindi na pumasok si Mia sa paaralan. Sabi ng iba, hindi lang siya basta na-stress, na-depress siya. Napahiya raw kasi siya sa buong paaralan. Pero kung ang co-teacher ko naman ang tatanungin, si Mia ang hindi nagsasabi ng totoo. Bukod sa hindi magandang nangyari sa pagitan nila, nagkautang din daw si Mia ng malaking halaga sa ibang tao nang pumasok ito sa online selling.

Hanggang sa pumunta ang Nanay ni Mia sa paaralan habang may flag ceremony. Gano’n pa rin daw ang kondisyon ni Mia, sinasaniban, at kailangang papuntahin ang kaniyang mga kaklase sa kanilang bahay para ipagdasal siya. Iba ito sa nangyari sa iba naming estudyante. Sinusundan ba si Mia ng kung anumang nakikitira sa katawan niya pati sa bahay nila? Matapos ang ilang linggo, nabalitaan naming namatay siya at muling nakabalik sa mundo ng tao.

Noong una, marami ang hindi makapaniwala. Kahit ako. Hanggang sa nabalitaan naming nakakapagpagaling ng maysakit si Mia at nahuhulaan niya ang lahat ng nangyari sa buhay ng nagpapagamot sa kaniya at mga pagnanakaw, pagsisinungaling, pambabarang—lahat ng sikreto. Hindi ko sinasabing walang nagduda, pero mas marami ang naniwala. Mabilis na kumalat sa aming lugar ang nangyari kay Mia. Nagbago ang lahat. Sa halip na pag-usapan ang ibinibintang sa kaniyang kasalanan, nakalimutan ito ng buong paaralan. Itinuring siya ng mga tao na isang tagapagligtas.

Naalala ko ang sabi sa akin ni Mama. Baka raw may elementong nakipagkaibigan kay Mia dahil naawa sa kaniya. Baka binigyan siya ng kapangyarihan ng kaniyang tinatawag sa Cebuano na abyan o aghuy para makapagpagaling siya, at para ipagtanggol din ang kaniyang sarili.

“Delikado kung pupunta ka doon kasama ang asawa mo,” sambit ng aming kapitbahay kay Mamang. “Naku, mabubulgar ang di dapat mabulgar!” Isinalaysay nito kay Mamang ang samu’t saring kuwento ng mga nagpagamot kay Mia at gumaling.

Noong mga panahong iyon, namatay dahil sa motorcycle accident ang aking estudyanteng si Francis at ang dalawa pa niyang kasama. Pumunta raw kay Mia ang nanay ng isa sa kanila dahil nakakausap daw ni Mia ang kaluluwa nila. Naglalaboy pa rin daw ang kaluluwa ng mga ito. Hanggang sa halos lahat na ng mga namatayan sa aming barangay ay pumunta kay Mia para malaman kung ano ang nangyari sa mga mahal nila na pumanaw na, lalo na ’yong mga namatay nang biglaan, nang basta-basta, ’yong mga taong hindi man lang nakapagpaalam. Nakikita raw ni Mia ang lalaking sinaksak at napatay dahil sa nangyaring riot sa diskuhan sa amin noong piyesta. Hawak-hawak daw nito ang sariling bituka. Nakita rin ni Mia ang kagawad namin na matagal nang patay dahil binaril ng mga di nakikilalang kalalakihan. Mukhang gusto ring tukuyin ng pamilya kung sino ang tunay na maysala. Pero nanatiling lihim ang lahat sa pagitan nila. Nandito lang daw ang mga biktima, hindi pa rin nakakapunta sa itaas, gumagala. At nakita rin daw ni Mia ang langit at impiyerno. Habang sinasabi ni Mia ito sa mga nagpapagamot sa kaniya, napapanatag naman ang kalooban nila, na para bang makakahinga na sila nang maluwag dahil nabigyan na ng kasagutan ang kanilang mga tanong.

Sinabi naman sa akin ni Fely, isang kaklase ni Mia, na nakakausap ni Mia ang namayapang ina ni Fely. “Paano naman niya malalaman ’yong sinabi ng Nanay ko sa akin, ma’am, eh wala naman siya sa bahay no’ng buhay pa si Nanay?” sambit ni Fely, na kinukumbinsi akong maniwala sa mga sinasabi niya.

“Bakit hindi mo siya subukang tanungin, ma’am, para maniwala ka?” sabi ni Helen. “Kahit anong tanong.”

Aaminin ko, namamangha ako tuwing naririnig ko ang mga ito. Parang gusto kong kausapin si Mia. Gusto kong malaman kung galit ba ang tatlo kong kapatid dahil namatay sila dahil sa akin, dahil buayahon daw ako at hinihigop ang kanilang buhay, sabi ng mga tao. Ilang beses na akong nagpa-kudlit, isang ritwal na isinasagawa ng mga albularyo tuwing kabilugan ng buwan. Sinugatan nila ang palad ko gamit ang punyal tapos tinakpan nila ng itim na tela. Pero mukhang hindi naman tumalab sa akin. Sabi ni Mamang, nawalan daw ng bisa ang mga ritwal dahil hindi ako naniwala. Kailangan daw kasing maniwala ka para gumaling ka. Naisip ko tuloy, ’Yong mga kapatid ko, naniniwala rin kaya sila na ako ang pumatay sa kanila? O baka galit sila dahil hinayaan ko lang na maghiwalay sina Mamang at Papang. At natatawang naaawa ako sa sarili ko hanggang ngayon sa tuwing naalala kong naiisip ko ang mga ito. Ako, kakausapin ang mga nasa kabilang buhay? Ni hindi ko nga magawang kausapin ang mga buhay.

Dahil sa mga nangyari, minsan ko na lang makita si Mia sa paaralan. At hindi na rin normal ang tingin ng iba sa kaniya. Minsan para siyang artista na hinahangaan. Minsan para siyang may sakit na iniiwasan. Doon ako mas nalungkot. Ang sabi ng iba, inatake rin siya habang nasa on-the-job training sa Tourism Office ng aming bayan. Pagkatapos niyang makabalik sa kaniyang katawan, ipinagtapat niya ang nakita niya sa tagapamahala ng opisina. Sinabi niya na marami na raw ang namatay sa lugar na iyon. Namangha naman ang tagapamahala kung paano nalaman ni Mia na dati ngang sementeryo ang kinatitirikan ng opisina.

Dumami na nga nang dumami ang nagpapagamot kay Mia. Sa tuwing pumupunta ako ng General Santos City, nadadaanan ko ang prusisyon ng maraming tao sa gulod kung saan sila nakatira. Hanggang tanaw lamang ako sa kanilang munting tahanan. May mga tao sa tabi ng kalsada na nagpapahinga sa ilalim ng trapal dahil mahaba pa ang pila, may mga sasakyan at kotseng nakaparada, may mga bagong tayong tindahan para sa mga nagugutom at nauuhaw. Nang minsang pauwi ako sa amin sakay ng bus, may isang matandang nagtanong sa konduktor kung nasaan daw ang bahay ng batang nanggagamot dahil doon siya bababa. Itinuro ko ang direksiyon. Nagtanong ang mga katabi ko sa bus kung paano ko nalaman. Sinabi ko na estudyante ko si Mia. At sinundan ’yon ng mga kuwento nila na marami na nga ang pinagaling ni Mia, hindi lamang mula sa amin kundi sa mga karatig probinsiya. Kahit daw ang mayor ng bayan namin ay pumunta sa kaniya. Nahuhulaan ni Mia ang lahat-lahat. Pero hindi siya nagpapabayad. Tinatanggap niya lang kung ano’ng iniaabot sa kaniya.

“Ma’am, ’yong lolo ko, ang priority number umabot na sa nine hundred plus,” sabi sa akin ng estudyante kong si Lily isang araw. Halos malaglag ang panga ko sa sahig ng klasrum. Ganoon karami ang nagpapagamot kay Mia? Hanggang sa ipinakita sa akin ng estudyante kong si Harold ang larawan ng mga nagpapagamot sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ordinaryo ang sakit ng mga ito. May taong parang dalawa ang ulo, may nakalunok ng buto ng manok at sumabit sa lalamunan, at may mga hindi maipaliwanag ang karamdaman, tulad ng sakit sa balat, susong nagnanaknak, at iba pang hindi mo kayang sikmurain. Hindi kumain ang mga bata pagkatapos nila iyong ipakita sa akin.

Tubig ang paraan ng panggagamot ni Mia. Dinadasalan niya ang tubig at ipinapainom sa maysakit. Narinig ko isang araw sa office ang sabi ng isa kong co-teacher habang nagla-log in. May nagpaggamot daw kay Mia na may third eye, at nakita nito ang isang anino na sumanib kay Mia habang nanggagamot. At nangitim daw ang mga mata ni Mia. Kinilabutan kaming mga nakarinig.

Hindi ko pa rin alam kung ano ang paniniwalaan ko, bukod sa katotohanang anak ako ng mga magulang ko at hindi na sila magkakabalikan pa, bukod sa katotohanang may Diyos. Hindi ko na alam kung ano pa ang puwedeng paniwalaan at hindi. Kay daling isiping ang mabuting nangyayari ay bunga ng kabutihan. Pero wala namang nakakaalam kung ano nga ang sumanib kay Mia. At kung ano ang sumanib sa mga bata. O kung ano ang sumasanib sa atin. O kung may sumasanib nga ba sa kanila o sa atin.

Maka-Diyos si Mia. Alam ko. Pastor ang kaniyang Tatay. Mabait din siyang bata sa pagkakaalam ko. May mga panahon pa rin na sa tuwing pumapasok siya mahihimatay na naman siya. Maliit ang boses niya, matinis, parang sa duwende. Nakita mismo ng dalawang mata ko ang nangyayari sa kaniya. Iba ’yon sa nakita kong sanib sa mga bata. Si Mia, hindi sumisigaw, hindi umiiyak, hindi nangangagat, pero nangingisay. Parang nagsasayaw. Parang ritwal. Parang babaylan. Gano’n daw talaga siya lalo na kapag may malalang nagpagamot sa kaniya. Mukhang hinihigop ni Mia ang sakit ng mga nagpapagamot para gumaling sila.

Isang tiyuhin ko ang nagpagamot kay Mia. Para na kasi siyang elyen. Nangangayayat at tumutulis ang kaniyang tenga. Parang bungo. Puting-puti ang kaniyang mukha. Kamukha niya ang paniki. “Ang guwapo ni’yo naman, kuya, kasi nililigawan kayo ng reyna ng mga paniki,” ang sabi ni Mia. Natawa raw ang mga nakarinig. Ang sabi pa ni Mia, may nakatirang paniki sa loob ng tiyo ko at malapit na siyang maging paniki. Hindi ko alam kung kumusta na ang tiyo ko ngayon, kung gumaling ba siya o hindi, kung naniwala ba siya o hindi.

Ang sabi ni Mia, hindi niya mapapagaling ang mga tao kung wala ang Panginoon. Ang sabi ng mga tao sa aming barangay, pananampalataya ang nagpapagaling sa kanila. Dahil naniniwala sila. At may mga tao namang hindi naniniwala. Sabi ng iba, wala namang mawawala kung maniwala. Pero hindi ba’t malaki ang mawawala kapag tuluyan tayong naniwala sa lahat ng puwedeng paniwalaan?

Malaki ang pinagbago ni Mia simula noong sinapian siya. Naisip ko, hindi tulad ng ibang estudyante na nakabalik sa dati, si Mia iba na no’ng bumalik. Ibang Mia ang bumalik. Hindi talaga siya nagbalik sa kaniyang dating sarili. At pati na rin kami.

Ang Sigbin, Si Natoy, at ang Mga Kambing

Ni Jeffriel Cabca Buan

(Ang sanaysay na ito ay semifinalist sa 3rd Lagulad Prize.)

Magmula nang magkamalay ako, alam ko nang anumang oras ay puwede kaming mamatay sa barangay na aming tinitirhan sa Polomolok, South Cotabato. Payak lang naman ang aming barangay, animo isang inosenteng dalaga, ngunit kapag nakilala mo na ito nang lubusan, malalaman mong uhaw ito sa hustisya. Palaging may nangyayaring alitan at bangayan sa bawat pamilya, parang sa dulang Romeo and Juliet—kapag may inutang na buhay ay buhay din ang kapalit. Sabi pa nga ng aking ama, kumakati raw ang kamay ng masasamang tao sa amin kapag wala silang napapadanak na dugo. Kaya naman noong maliit pa ako ay madalas kaming mag-alsa balutan at magkubli sa isang malaking bahay na pag-aari ng isang nakakaangat na pamilya sa aming barangay. Nagsisilbing evacuation center namin ang naturang bahay.

Noong tumuntong na ako ng kolehiyo at tumira sa labas ng aming barangay, napagtanto ko na likas saan mang lugar ang mga bangayan at alitan. Mas namulat din ako sa katotohanan na ang lahat ng tao ay namamatay, kaya lalong lumaki ang aking takot. Hindi ko kasi alam kung saan ako mapupunta—sa langit o sa impiyerno?

Nitong taon lang, nagulat ang aming buong barangay sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga alagang kambing. Karamihan sa mga pamilya sa amin ay nag-aalaga ng mula dalawa hanggang limang kambing sa bakuran, at halos bawat umaga, may natatagpuang kambing na nakahandusay sa lupa—wasak ang katawan at nakakalat ang mga lamanloob maliban sa puso. Nawawala ang puso ng mga kambing. Ayon sa usap-usapan, kagagawan umano ito ng tinatawag na sigbin, isang maalamat na nilalang na kahawig ng aso, kangaroo, at maging kambing at may napakabahong amoy. Ang buntot daw nito ang gamit ng sigbin sa pagpatay ng mga biktima nito. Hindi ako basta-bastang naniniwala sa mga usap-usapan, ngunit aaminin kong kinabahan ako sa nangyayari.

Dumating ang araw na para bang binigyan ako ng palugit ng tadhana upang maniwala. Isang umaga, nanlamig ang aking buong katawan nang ako mismo ang makakita ng patay na kambing. Pagmamay-ari ito ng aming kapitbahay at nakahandusay sa tapat ng aming bahay. Wasak ang katawan nito, wala na ang puso, at kahit ang dugo nito’y walang mahagilap, parang hinigop lahat. Mas lalong lumakas pa ang usap-usapan na sigbin nga raw ang may kagagawan. Kasabay ng pagkalat ng balita ay ang pagkalat din ng takot. Sadyang nakakatakot ang mga bagay na hindi nakikita. Ang nakakasama pa’y kailangan kong magpanggap na natatakot ako, dahil kung hindi, baka ako ang ituring na salarin ng aking mga kabarangay.

Ayon sa usap-usapan, nag-aanyong tao raw ang sigbin, at ang mas malala, baka kasama namin siya sa barangay. Kahit sino na lang ang pinaghihinalaan. Nakakatakot ding magpaliwanag sa aking mga kabarangay tungkol sa agham at mitolohiya na tumatalakay sa mga sigbin. Baka kasi sabihin nilang kaanib ko ang sigbin at pinipilit kong ibahin ang usapan. Sa mga panahong iyon, mas natakot ako sa mga tsismisan at sa mga gawa-gawa nilang kuwento kumpara sa sanhi ng kanilang pinag-uusapan. Mas nakakatakot pa ang tsismis kumpara sa sigbin, dahil kung totoo man ang sigbin, isang beses ka lang nitong papatayin, habang ang tsismis ay araw-araw at habambuhay.

Dumaan ang mga araw, ngunit hindi pa rin nawawala ang balita tungkol sa sigbin. Isang hapon, habang bumibili ako ng gulay sa isang tindahan, narinig ko ang usapan ng ilang kababaihan. “Kung pusilanay lang ni, nagbakwit na ta!” pahayag ng isang matandang babae. Kung giyera daw ang nangyayari, malamang lumikas na kami. Dala-dala niya ang biniling sitaw, na lulutuin niya raw sa hapunan kahit alas tres pa lang ng hapon. Natatakot daw siyang maabutan ng gabi dahil pinaniniwalaang gabi lumalabas ang sigbin.

Dahil sa usap-usapan tungkol sa sigbin, kaliwa’t kanan ang nangyaring prayer meeting kahit mahigpit pang ipinagbabawal noon ang mga pagtitipon dahil kasagsagan ng COVID-19. Naka-social distancing naman daw sila. (Pero naghahawakan sila ng kamay habang kumakanta.) Palagi ko talagang napupuna, bakit ba biglang nagiging madasalin ang mga tao kapag napalapit sa kamatayan o kaya nama’y wala nang makapitan? Inaamin ko, isa rin ako sa mga taong iyon.

Sa gitna ng mga prayer meeting, lumabas ang balitang hinabol daw ng sigbin si Natoy (hindi totoong pangalan), isang pipi. Matandang binata si Natoy at mag-isang namumuhay sa hindi kalayuan sa aming bahay. Lumabas ako para alamin ang kuwento mula sa kaniya mismo.

Nadaanan ko ang isang umpukan ng mga tao na pinag-uusapan ang nangyari. Tumigil ako sandali para makinig sa kanila. “Gigukod gud sa sigbin ang amang. Tan-awa, nakatingog siya og pinakalit,” bulalas ng isang binatilyo. Dahil daw sa paghabol ng sigbin kay Natoy, nakapagsalita ito. Napagkatuwaan ng mga tao ang nangyari. Kalimitan kasi, kapag nahaharap sa panganib ang isang tao, hindi ito nakakapagsalita. Dahil pipi si Natoy, kabaligtaran daw ang nangyari.

Nagtaka ako. Sa dami ng tao sa aming barangay, bakit kay Natoy nagpakita ang sigbin? Bakit hindi sa akin? Dahil ba gusto itong makakita ng tao na hindi lahat ng nakikita ay sasabihin sa iba? Siguro iyon ang nakita niya kay Natoy na hindi niya nakita sa akin.

Nadatnan ko si Natoy sa bahay niya na kausap ang ilan naming kabarangay. Galit na galit siya habang sumesenyas. Naguluhan ako. Hindi ba dapat natatakot siya? Ipinaliwanag ang mga senyas ni Natoy ng kaniyang mga kamag-anak na nakakaintindi sa kaniya at naroroon din para makiusyuso. Hinabol daw si Natoy ng sigbin, at muntik na raw siyang yakapin nito. Mabuti na lang at nakakuha siya ng matalim na kawayan. Inumang niya raw ang kawayan sa tiyan ng sigbin, kaya kumaripas ito ng takbo palayo sa kaniya.

“Basig naibog sa imoha ang sigbin, bay?” pabirong tanong ng isang lalaki. Baka raw may gusto ang sigbin kay Natoy. Dagdag ng iba, baka sigbin daw ang nakatakda kay Natoy. Inis na inis si Natoy sa narinig. Ako nama’y napaisip din. Posible kayang hindi lahat ng nakatakdang makasama natin habambuhay ay tao? Papayag kaya ang mundong ito na mayroong pag-ibig na mamuo sa pagitan ng isang sigbin at isang tao—kay Natoy?

Makalipas ang ilang gabi, hindi pa rin ako nililisan ng aking mga guniguni. Hindi ko maiwasang hindi atupagin sila kapag bumibisita sa aking isipan. Masyado silang marami, sanhi upang hindi ako makatulog. Ayon pa rin sa mga usap-usapan, lumalapit daw ang sigbin sa mga taong mahihina ang puso. Nilapitan ba ng sigbin si Natoy dahil mahina ang puso nito? At paano ba naging mahina ang kaniyang puso? Dahil ba palagi itong nalulungkot dahil walang gustong tumanggap nito? Gusto bang samahan ng sigbin ang mga taong nag-iisa katulad ni Natoy?

Hiniling kong huwag sana kaming magkita ng sigbin kahit hindi ako lubusang naniniwala na totoo talaga ito. Baka kasi maramdaman niya ang aking puso. Baka malaman niyang palagi akong nalulungkot kahit walang dahilan. Baka tulad ng mga nangyari sa kambing, kunin niya rin ang puso ko. Ayaw ko munang huminto ito sa pagtibok. Gusto kong maramdaman kung paano magkaroon ng pusong malakas, at kung pagbibigyan man ng panahon, gusto kong magkaroon ng pusong hindi nasasaktan.

Marami na ang nagbago sa aming barangay. Hindi ko alam kung ako lang ba ang hindi na nakakakilala nang lubos sa kaniya o siya rin ay nahihirapang kilalanin ako. Wala namang masyadong nagbago sa akin. Mas marami lang akong nabasa.

Tumigil na sa pag-atake ang sigbin matapos itong makabiktima ng halos dalawampung kambing, ayon sa ginawang datos ng mga opisyal ng barangay. Ang mga tao nama’y patuloy pa rin sa pag-iisip ng paraan kung paano makakaiwas o maililigtas ang kanilang mga alagang kambing kung sakaling magkaroon ng pangalawang pag-atake. Hanggang ngayon, usap-usapan pa rin ng mga tao ang naging karanasan nila, at nananatili pa ring tanong kung bakit kambing ang gustong biktimahin ng sigbin at kung bakit sa lahat ng mga lugar, sa barangay pa namin ito naghasik ng lagim.

Dati’y baril at bala lang ang kinatatakutan ko, ang inisip kong maaaring pumigil sa tinatamasa kong magandang buhay, ang maaaring maging sanhi ng takot. Dahil sa nangyari sa aming barangay at kay Natoy, napag-alaman kong lahat pala ng bagay ay puwedeng katakutan.

Si Smaleng

Ni Roland Dalisay Maran

(Ang sanaysay na ito ay semifinalist sa 3rd Lagulad Prize.)

Gaano ba katimbang ang nakikita ng mata upang maipaliwanag na totoong may misteryo o hiwaga?

Dalawampu’t anim na taong gulang na ako ngayon, nakatira sa malayong sitio ng Takilay sa Barangay Saravia, Koronadal City, South Cotabato. Kahit isang dekada na ang nakalilipas, sariwa pa rin sa aking alaala ang isang pangyayari sa aming tribu na nagdulot ng matinding pagkabahala at takot.

Isang umaga, bumungad sa amin ang pinsan kong babae na naghahanap ng kaniyang anak. Pinuntahan na raw niya ang mga kabahayan sa aming sitio, ngunit hindi niya makita ang magdadalawang taong gulang pa lang na batang lalaki. Hindi raw niya nabantayan ang bata dahil nagtatalo sila ng kaniyang asawa.

Lumipas ang mga oras. Hindi pa rin natatagpuan ang bata. Lumikha ng ingay at pagtatanong ang pangyayari. Nagambala ang katahimikan ng aming sitio ng mga sigaw, tinatawag ang pangalan ng bata. Humahagulgol na ang pinsan ko habang sambit ang pangalan ng anak. “Bryan, anak ko! Nasaan ka na?” Ngunit walang Bryan ang lumitaw.

Sumama ako sa aking mga kamag-anak sa paghahanap, na umabot ng ilang kilometro. Sa di kalayuan sa kinatatayuan namin, nakarinig kami ng isang pagtawag mula sa isa naming kasama. “Hali kayo! May yapak dito ng bata!” Dali-dali naming tiningnan ang sinasabing mga bakas ng paa. Maliliit ang mga ito at nakaukit sa maputik na lupa. Nagtaka kami. Kung yapak ito ni Bryan, paano nakarating doon ang bata? Hindi mararating ng isang magdadalawang taong gulang pa lang ang bahaging iyon ng daan kung wala itong kasama. Maputik at matarik ang daan dahil patungo iyon sa paanan ng bundok.

Parang pinaglalaruan kami ng mga yapak. Hindi tuloy-tuloy ang mga ito at papunta sa iba’t ibang direksiyon. Sabi ng iba, nagpapahiwatig ang mga ito na may kumandong sa bata at mayamaya’y ibinababa ito. Ngunit sino ang taong ito? Bakit walang bakas na maaari nitong mapagkikilanlan?

Walang tiyak na patutunguhan at kahihinatnan ang paghahanap, at hindi maikakaila na nakadadama ng pagod ang lahat, ngunit wala ni isa ang gustong sumuko. Kailangan naming matagpuan ang bata bago sumapit ang gabi.

Sabi ng iba, baka hindi tao ang kumuha sa bata. Malakas ang paniniwala naming mga Blaan sa mga to la ta en, o mga nilalang na hindi nakikita ng ordinaryong mata ng tao. Nakikita lamang sila kung ibig nila. Kabilang sa kanila si Smaleng, na nandudukot ng mga bata. Kaya umanong gayahin ni Smaleng ang anyo ninuman, ngunit nanlilisik ang mga mata nito, buhaghag ang buhok, at madungis ang katawan.

Upang mabigyang linaw ang pangyayari, napagpasyahan naming humingi ng tulong sa isang kilalang manggagamot sa kabilang bayan ng Tupi. Isang Blaan din ang manggagamot. Pinuntahan ito ng isa sa aking mga pinsan.

Nagpatuloy sa paghahanap ang mga naiwan, subalit hindi na ako kasama ng mga ito dahil hindi ako pinayagan ng aking mga magulang. Mula sa tuktok ng bundok na aming tinitirhan, naglakad sila pababa sa paanan ng bundok upang makipag-ugnayan sa El Gawel, ang karatig na sitio. Mula sa amin, kailangang maglakad ng mga isang oras para marating ang El Gawel, at mula naman sa El Gawel, kailangang maglakad ng mga tatlong oras para marating ang aming sitio.

Magdadapithapon na nang marating ng aking pinsan ang bahay ng manggagamot sa Tupi. Ikinuwento niya sa manggamot ang nangyari at ipinakita rito ang damit ng bata na kaniyang dinala. Tugon ng manggagamot, si Smaleng nga ang kumuha sa bata, ngunit ligtas naman daw ito at maaari naming mabawi. Iniwan umano ito ni Smaleng sa gilid ng isang sapa sa paanan ng bundok. Bagaman makapangyarihan, may isang kahinaan si Smaleng—takot ito sa tubig. Hindi ito makatawid sa sapa.

Dali-daling bumiyahe pauwi ang aking pinsan. Hindi pa uso ang cellphone sa aming tribu ng mga panahong iyon, kaya kailangang siya mismo ang maghatid ng balita. Takipsilim na nang makaabot siya ng El Gawel, at natuklasan niya roon na nakita na ang bata at dinala na ito pauwi sa amin sa Takilay. Bagaman hindi na nagamit ang impormasyon mula sa manggagamot, tumpak naman ito. Natagpuan ang bata sa tabi ng isang sapa sa paanan ng bundok. Pauwi na raw sa El Gawel ang isang magsasaka nang makarinig ito ng iyak ng bata. Dinala ng magsasaka ang bata sa kaniyang bahay, at doon niya nalaman na may nawawalang bata sa Takilay.

Gabi na nang makauwi sa amin ang aking pinsan. Tumuloy siya sa bahay ng bata. Dumagsa rin doon ang mga tao, gustong malaman kung ano pa ang mga sinabi ng manggagamot. Ayon umano sa manggagamot, nakatatakot ang wangis ni Smaleng ngunit may kakayahan itong magbalatkayo. Malamang daw ay ginaya nito ang anyo ng isa sa mga miyembro ng pamilya kaya walang takot na sumama rito ang bata.

Maraming kuwento at pangyayari sa aming tribu na nagpapatunay na totoo si Smaleng. Sabi ng isa kong tiyahin, naging biktima rin daw siya ni Smaleng noong bata pa siya. Hindi siya tuluyang natangay dahil agad siyang nakita ng kaniyang ina. Walang nakaaalam kung ano ang dahilan ng naturang maligno at kung ano ang ginagawa niya sa mga batang nakukuha niya. Masuwerte ang ilang nakakabalik pa.

Hindi ko mapigilan na hindi matakot habang nakikinig sa mga salaysay tungkol kay Smaleng. Hindi lang pala tao ang nangunguha ng bata katulad ng mga napapanood ko sa telebisyon at naririnig sa radyo. May malignong kidnapper pala.

Naging aral sa tribu ang nangyari. Nasukat nito ang pagkakaisa ng lahat at pagbibigay halaga at pagmamahal sa pamilya.

Namamangha ako na sa pamamagitan lang ng pagtingin sa damit, nalaman ng manggagamot kung saan matatagpuan ang nawawalang bata. Nagtataka rin ako bakit takot sa tubig si Smaleng. Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa akin ang nangyari.

Lipak

Ni John Dave B. Pacheco

(Ang sanaysay na ito ay semifinalist sa 3rd Lagulad Prize.)

Maliit pa lamang ako ay hinahangaan ko na si Mama, hindi lang sa kung paano niya kami alagaan kundi sa husay din niyang magsalaysay ng mga kuwentong pambata at kaganapan sa kaniyang buhay noong maliit pa siya. Madalas mag-brown out dati sa lugar namin sa General Santos City. Pinapaupo ni Mama kaming magkakapatid sa isang gilid ng aming kuwarto, at magkukuwento siya ng katatakutan habang pinapagitnaan namin ang kandila.

Isa sa mga kuwento ni Mama na tumatak sa aking isipan ay ang tungkol sa dalawang batang kapitbahay nila sa Malungon, Sarangani Province. Nakita umano ni Mama na tumatawa nang malakas ang mga ito habang sakay ng kalabaw. Sa isang kisapmata, tinamaan ang mga ito ng kulay puting dagitab. Yumanig ang lupa at kumulog nang pagkalakas-lakas. Para umanong may naghulog ng bomba galing sa itaas. Agad nawalan ng buhay ang mga bata. Sunog ang katawan ng mga ito. Hindi nasunog ang katawan ng kalabaw, ngunit namatay rin ito.

Sabi ni Mama, naniniwala ang mga katribu naming Tagakaolo na isang gaba ang nangyari. Kapag pinaglaruan o tinawanan mo raw ang isang hayop, tatamaan ka ng lipak (kilat sa Cebuano at kidlat sa Tagalog) bilang parusa. Malamang daw na pinagtatawanan ng dalawang bata ang sinasakyan nilang kalabaw. Sasabihin marahil ng ibang tao na nagkataon lang ang pagtawa ng mga bata at ang pagtama ng kidlat dahil tumatama naman talaga ang kidlat sa matataas na bahagi ng lupa, pero para sa mga Tagakaolo, direktang magkaugnay ang dalawang bagay.

Sa murang isipan, napakaraming tanong ang bumagabag sa akin noong mga oras na iyon. Sa mga napapanood kong mga pelikula, kapag nakukuryente o tinatamaan ng kidlat ang bida, nagkakaroon pa ito ng hindi pangkaraniwang kakayahan imbes na mamatay. Hindi ko maintindihan bakit may ganoong paniniwala ang mga katribu naming Tagakaolo. Hindi naman talaga dapat pinagtatawanan ang  mga hayop, pero totoo kaya ang gaba, o tinatakot lang kami ni Mama para hindi namin pagtawanan ang mga hayop? May mga bagay talaga sa mundo na hindi mo mapaniniwalaan kung hindi mo ito makita—o maranasan.

Nang magbakasyon kami sa Malungon noong 2012, noong siyam na taong gulang ako, sumasama-sama ako sa mga pinsan kong hindi malayo ang edad sa akin. Isang umaga, bumaba kami sa isang bangin para maligo sa balon at mag-igib ng tubig. Maraming ikinuwento ang mga pinsan ko tungkol sa mga kababalaghan sa aming sitio, pero binalewala ko ang kanilang mga sinabi. Nasanay kasi ako sa Gen San na halos wala nang naniniwala sa mga naturang bagay.

Sa kasagsagan ng kuwentuhan, napansin ko si Makmak na isinusuksok ang kamay sa maputik na gilid ng sapa. “Ano’ng ginagawa mo?” tanong ko sa kaniya. Sinagot niya ako sa magkahalong wika, “Gapanguha ako ng native na crabs.” Nakahuli siya ng dalawang maliit na alimango, at ibinigay niya ang mga ito sa akin. Masaya ako dahil iyon ang unang beses na makakakain ako ng ganoong pagkain. Mga alimango nga raw ang isa sa mga pantawid-gutom ng mga kamag-anak ko tuwing walang ani. Nakita ko kung gaano sila katibay para makaraos sa araw-araw, para sumalungat sa ragasang kagutuman ng tadhana.

Pagkatapos ng masayang pagtampisaw at kuwentuhan, umakyat na kami pabalik sa kabahayan. Dala-dala ang isang lumang galon na may lamang tubig at isang puting plastik na may lamang alimango, halos gumapang ako sa pagod. Matarik ang bangin. Sanay sa pag-akyat doon ang aking mga pinsan, hindi tulad ko na hinahawakan pa sila para makaungos.

Nang makarating na kami sa taas, nagpahinga kami saglit. Habang naaaliw ako sa makapigil-hiningang tanawin, napansin ko na umaakyat sa sisidlan ang isa sa mga alimango. Kinuha ko ito at tiningnan. Gumagalaw-galaw pa rin ang mga paa nito. Naisipan kong kumanta ng budots, at natawa ako dahil parang sumasayaw ang alimango. Sumasabay ang galaw ng mga paa nito sa ritmo ng kanta. “Bay, tan-awa ra gud ning crab,” sabi ko kay Makmak.

“Huwag mo ’yan paglaruan!” agad na sabi ni Makmak. “Makilatan ka!” Inagaw niya ang alimango.

“Makilatan?” tanong ko.

Tumango siya.

 “Atik uy,” sagot ko. “Lufot man kaayo ka.”

“Hoy, John,” sabi ng iba kong pinsan. “Totoo bitaw ’yan.”

Natakot ako. Hindi ko naman sinadya na paglaruan ang alimango. Nadala lang ako sa kuryosidad.  Ngunit nagdadalawang-isip din ako kung maniniwala ba ako sa mga pinsan ko. Baka tinatakot lang nila ako dahil gusto nilang makaganti; ipinagyayabang ko kasi sa kanila ang mga karanasan ko sa Gen San, at hayagan kong ipinapakita sa kanila na hindi ako naniniwala sa mga kababalaghang ikinukuwento nila.

Mahirap pala ’pag magkaiba kayo ng mga lugar na pinanggalingan ng iyong mga pinsan. Parang isang Katoliko na nakapangasawa ng isang Muslim o isang banyaga na napadpad sa ibang bansa. Kailangan mong unawain ang iba at makibagay—sa pananalita, mga gawain, at marami pang iba.

“Kwaa ang buhok sa imuhang patilya,” sabi ni Tata sa akin.

Dahil di ko naman makita ang aking patilya, si Makmak ang gumawa. Nagpaubaya lang ako. Naniniwala ako na para sa kabutihan at kaligtasan ko ang ginagawa nila.

Inilagay ni Makmak sa katawan ng alimango ang nakuha niyang buhok sa akin, at dinuraan niya ang alimango. “Adto kaw butu ikabuluran!” (Doon ka sa ibang bundok magpasabog!) sabi niya, sabay tapon ng alimango sa malayo.

Hindi ko na naitanong sa mga pinsan ko paano naging pangontra sa lipak ang buhok sa patilya. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin naiintindihan ang parang ritwal na ginawa nila. Nabanggit din nila na ang isa pa raw na pangontra ay ngipin ng kidlat. Ito ay bato na nakikita o nakukuha sa mga lugar na natamaan ng kidlat. Siyempre, walang dala-dalang ganoon ang mga pinsan ko.

Mayamaya’y nilamon ng ulap ang araw at bumuhos ang ulan. Lalo akong natakot. Sumilong kami sa isang kubo, at napansin kong dumidistansiya sa akin ang aking mga pinsan—ayaw nilang madamay kung sakaling matamaan ako ng lipak! Kumukulog at kumikidlat. Mangiyak-ngiyak na ako sa takot. Sa sandaling iyon, naniniwala na ako sa kapangyarihan ng lipak. Nagdasal ako nang mataimtim na sana hindi matuloy ang sinabi ng aking mga pinsan. Nagmakaawa at humingi ako ng tawad sa mga diwata. Mayamaya’y nahinto ang galit ng langit. Napatanong ako sa sarili kung totoo at epektibo ang ginawa namin.

Umuwi na kami pagtila ng ulan. Agad kumalat ang balita sa mga kamag-anak ko at kalapit na bahay. Napakasuwerte ko raw at nakaligtas ako. Napagtanto ko kung gaano katibay ang paniniwala ng aking mga katribu sa kapangyarihan ng lipak at sa pangontra dito. Nagkaroon ng kaginhawaan ang aking kalooban. Ngunit hindi pa pala tapos ang lahat.

Naabutan ako ng dilim sa isang bahay ng mga pinsan ko, sa ibabang parte ng sitio, at napansin namin ang maliwanag na pagkurap ng langit na parang kumukuha ito ng litrato sa buong sitio—parang idinodokumento ang susunod na paparusahan. Agad akong nagpaalam na uuwi na sa itaas sa bahay ni Lola. Nag-aagaw ang paniniwala sa isip ko kung dadaan lang ba ulit ang masamang panahon o tuluyan na akong makakatanggap ng gaba.

Sa aking pag-uwi, marami ang nakatingin sa akin. Tumatakbo ako sa maputik na daan. Nang masira ang aking tsinelas, nagpatuloy akong nakapaa. Tuliro ako. Gusto kong humingi ng tulong sa iba ko pang kakilala, pero sa tingin pa lang nila, alam ko nang ayaw nila akong palapitin. At ano naman ang maitutulong nila sa akin? Ito na siguro ang kapalaran ko. Puwede kong igalaw ang mga paa, ngunit hindi ako makakatakas. Naririnig ko ang paghalakhak ng kulog at kidlat—ako ang alimango sa palad ng Tagapangalaga.

Pagdating ko sa bahay ni Lola, hinanap ko si Mama, ngunit wala siya. Sa aking palagay ay sinadya ito ng mga diwata at ng tadhana para hindi ako matulungan. Totoo nang nagsisi ako sa ginawa ko sa alimango. Naiiyak akong napaupo na lang at nagdasal.

Napansin ako ni Lola. “Naunsa ka?” tanong niya.

“La, gidulaan ug gikataw-an nako ang crabs,” sagot ko.

“Ning bataa ni,” sabi niya.

Binuksan ni Lola ang isang lumang baul at inilabas mula rito ang isang misteryosong bato at isang maliit na sisidlan ng pomada na may lamang lana at maliit na sanga ng kahoy. Naalala ko ang sinabi ng iba na manggagamot daw si Lola ngunit matagal na itong huminto sa kadahilanang hindi namin alam. Pinahiran ni Lola ng lana ang bato at dinuraan ito ng laway. Bumulong-bulong siya na parang nagriritwal—parang nakikipag-usap sa Tagapangalaga. Pagkatapos, gamit ang bato, hinimas niya ang iba’t ibang parte ng aking katawan, habang umuusal ng mga salitang hindi ko naiintindihan.

Naisip ko na ang bato ay ang ngipin ng kidlat na binanggit sa akin ng mga pinsan ko. Hindi ko natanong si Lola tungkol dito, ngunit mukhang tama ang hinala ko. Matapos ang paghimas sa akin ng bato, unti-unting humina ang pagkulog at pagkidlat hanggang sa tuluyang nawala.

Napakasuwerte ko at naligtas ako. Dumaan ang mga araw na hindi umuulan, kumukulog, o kumikidlat. Mas lalong tumaas ang respeto ko at pagpapahalaga sa mga hayop at sa lahat ng nilalang sa mundo. Ngayon, sa tuwing may nakikita akong hayop na pinaglalaruan at pinagtatawanan, sa bahay namin o saan mang lugar, iniiwasan kong matawa at sinasaway ko ang mga taong gumagawa nito.

Marami pa akong hindi nalalaman tungkol sa mga katribu kong Tagakaolo. Marami pang nananatiling misteryo sa akin. Ngunit paunti-unti, natututunan kong mahalin ang aming kultura, paniniwala, at tradisyon. Sa tuwing may nalalaman akong bago, parang kidlat ang paggulat ng katotohanan.