Ni Adrian Pete Medina Pregonir
(Ang sanaysay na ito ay nanalo ng ikatlong gantimpala sa kategoryang Kabataan Sanaysay sa 69th Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, ngayong 2019.)
Paghahalinghing ito na tinutuldukan ng hinaing ang labis na pagkamuhi sa bawat galaw ng oras na ang manusya ay umaalingasaw sa hangin.
Takna ito na ang pagkakataon ay kumakatok upang maibuwag ang nakapinid na hilagyo ng maraming proseso buhat nitong aking pakikipag-usap sa sariling isip.
Anong oras pa lang. Hindi pa naaninawan ang umuunat na liwanag sa butas ng aming sawaling dingding habang bumabalot ang hamog sa balat ng kapunuan na wala pang tigyaok ang tandang. Wala pang bakya ang lumulundong sa kawayang sahig. Sa ilang sandaling pagpanaw ay kumakalabit pa ang masiglang basag na nota na parang Betamax na nagsasalita ng pangako mula kahapon. Dalisay pa ang nagtatangging magpakuhang muta sa abandonadong holen at sa bulwagan ng nag-uumpugang kilay. Ngunit nakaiirita nang pakinggan ang mga awiting dumadagundong sa kadalanan na inuuyog pati mga bato at kapunuan sa buong magdamag na pagroronda. Jusko! Nagawa pang magplahiyo ng awiting Momoland at baga’y sinakop na tayo ng mga Koreyano. Nakakaulaw dahil mapapaspageti-pababa ang yaring katawan kung sasabay sa jingle habang nagdi-“Dear Charo” ang kandidato. Ito ang tanging namumukaw sa akin mula sa higaan, kaya parang sinuway ko na ang pagsuway ng bakya ni Yê.
Sa paulit-ulit na propaganda at mga proposisyon ay lumulutang ang huwad na pagkatao tuwing kapihan sa Purok Plaza. Tila mga dagang inumpok ang lahat na mga táong nagsisiksika’t nag-aagawan ng pan de sal at kape sabay na nakikinig sa nang-aakit at nangungusap na mga labi ng kakandarapang konsehal, mayor, at gobernador. Walang lisyang maaga pang gumuho ang bakuran nina Aleng Inday nang hindi malulutsan ng sinulid ang nagsasawata’t naggigitgitang tao. Naghahalong mga salita. Naghahalong hininga. Hiningang may halong kasinungalingan. At dahil sa pagsisiksikang ito nakatagpo ko ang katatagpuin sa lumalaong panahon.
Sa aking pagbukas ng tarangkahan doon sa tapat, mariing nagtaka ako. Marahil hindi na pala Disyembre ang aming piyesta. Abril na. Marami nang mga sinampay na karatula at tarpaulin sa kuryente, sa mga kudal, sa dingding ng bahay, sa kahit saan mang sulok nitong aming lunan. Makikitang aliwalas ang dagway ng pare-parehong mukha, may iba’t ibang itinatagong ipupunla sa panghunahuna.
Isa-isa sa amin ang inaalayan ng tarpaulin na may tatak TOTOO SA SERBISYO. Itinuring nila kaming mga dahak-dahak, ganid sa pera. Kung hindi nila kami makayanang akitin, walang lisya’y pagkaumaga makakikita ka na lang ng sobreng puting nakasabit sa kudal na may nakasulat, “Botoha ako pagka-gobernador, kinyentos para sa imo.” Limandaang piso ang balor ng boto.
Nakagawian ko itong pangyayari tuwing sasapit ang umaga ng Marso at Abril kada tatlong taon. Nakagawian ko ang pagkusot ng kana’t kaliwang mata kung may bumabagabag na alalahaning nagpapatuliro ng aking diwa. Ng aking katauhan. Bilang kabataan. Bilang anak nitong Lupang Sinilangan. Bilang taong may karapatang hanapin ang katotohanan sa minsang pagkaligaw sa maraming panalgan ng pambibilog at pagyurak. Nakalulugod at lubos na ikalulunod ang tuwa kung ito ang pangyayari, ngunit iyan ang danas na itinuring kong kasuklam-suklam. Kapangit tingnan. Pagbebenta ng boto. Pagsisinungaling. Platapormang dati pang kasinungalingan. At minsang isinisikretong pagpaslang ng mga mangangamkam ng sakahan sa kapwa ko Blaan na hindi sumang-ayon sa kanilang panlilinlang na tila mga propeta na tagapagpalaganap ng maling impormasyon sa kanilang edukasyon—nakamit, nagawa, at gagawin pa sa sariling bayan.
Napapatanong na lang ako kung bakit dito kami itinadhana sa panahong talamak ang pagmamaskara. Kung bakit sa lambong ng ulap na umuunat tuwing sasapit ang umaga, sa tanghaling tapat na tutok ang sarili sa sariling pagbilad sa araw, o sa gabing naglalabasan ang kuwentong lamang-lupa ay hindi pa rin nawawala ang pakpak ng balitang hunyango.
Isang pangyayari noon, itong lubos kong pinaniwalaan bilang Mindanawon. Akala ko nga ito ang tama kong akala. At, dito nanibago ako sa salitang fake news. Nanibago ako na may bago palang reyna para rito—Mocha Uson ang katawagan. Nanibago ako dahil minsan din lang akong makakalap ng balita. Ngunit itong paksa kong sasabihin ay tunay na pagsisinungaling mula sa kaniya.
Kabilang ako sa nakipagsiksikan, nagpadala sa kaniyang dila. Akala ko nga ito ang pag-aakalang bigyan kami ng pansin at kalinga sa mga biyayang bigay ni D’wata. Minsan hinahayaan kong dumalaw ang kaluluwa ng aking mga kamag-anak na nadawit sa extrajudicial killings. Ang mga tala ng aking pagpapalapad ng imahinasyon sa tala ay parang pagsasakripisyo dahil binusog kami sa walang kahihiyang panlilinlang. Sa kaniyang plataporma’t propaganda, babaguhin niya raw ang lupaing ito, ang lahat ng pulo, ngunit iba itong aking nadatnan nang nakuha niya ang posisyon. Isang pagpapatiwakal para sa amin. Isang walang proseso ng kahandaan. Isang walang kapararakang paghahanap ng kinagisnang lahi. Isang walang kulay na pagpaslang sa aking kadugo, pag-agaw ng aming lupain na siyang susi sana na ipagbantayog ang aming kalayaan, sa pagpahayag, sa pagsisid sa tunay na katotohanan na ang batayan ay hindi plataporma.
Hindi naman nagkamali noon ang mensahero ni Emilio sa pagpakalap ng katotohanan. Hindi naman nagkamali ng paniniwala si Kudalat sa kaniyang prinsipyo. Ngunit bakit ito ang samu’t saring ganito? Ginawang mapusyaw ang kulay ng paglingon sa aming nasusong tradisyon. Batid ko ang tumoy nito sapagkat dahil din ito sa aking pinili. Gagapang ako upang iangat ang mga sigaw ng nasa bitag ng pagkaparool at nasa laylayang binibigkis ng katiwalian.
Masasabing sa pasan kong isang malapad na kahon na napupulutan ng unti-unting lumuluwag na maninipis na balat ng mais at sakbat, ay kasabay nito ang aking pagkamuhi at muling pagkatuto na hustong aangatin nito ang kanan kong paa patungo sa loob na dapat at marapat paniwalaan. Ito pala ang aming pagdusa dahil sa kawalang kaalaman namin.
Nagkakandalipit sa napuruhang bahagi ng punyal na nakapagpalugmok sa aking pagkawalang timbang ng damdamin ang makailang ulit kong pagkusot sa mata na gayon pa rin ang mga pahina ng plastik na kinababalutan sa hingahang huwad.
Walang makukuha sa akalang tama ang pag-aakala. Walang balor ang limandaang piso upang ibenta ang boto sa isang taong nagkalap ng maling impormasyon, propaganda, at plataporma. Mga butang na nagpilit gumulong sa isip na maging isang katotohanan. Nungkang maniwala sa nambubugaw na dila. Tama ngang may tradisyon akong ganito para mabawasan ang pangambang sumasanib sa aking katawan, isang hindi batayan na tunay niyang isinisiwalat sa lahat ang dapat isiwalat.
Iyan lang. Ngunit, mayroon pa, ito ang huli kong tulong na dapat mong mabatid. Na dapat mabatid ng lahat. Nakalilito man, ngunit ikaw bilang tao ay kailangang maghukay sa maraming paliko-liko, kagaya sa paliko-likong pagpapanggap ng mga politiko mong pinili:
Pabalik-balik ang patutunguhan ng mga bata’t matanda. Lumalangitngit, lumalawiswis ang kawayan. Alam mo iyan. Lumalagaslas ang tubig na minsang yumayakap sa iyong pandinig. May pakpak ang balita. Alam kong alam ng lahat iyan.
Subalit ang dapat na alamin ay hukayin ang mga tagdan kahit yari ito sa semento o sa establisiyemento ng maraming ganid sa yaman na kinagawian ang ritwal ng pagpapakalap ng hunyangong impormasyon upang maibaligtad ang dapat. Mismo, tayo ang magrorolyo ng panibagong paglalakbay gamit ang dugo ng panitik. Gamit ang isip sa pagpili na dapat may kredibilidad at pananalig.
Kaya, ito ako, isang Blaan sa Banga, Timog Cotabato. Isang netibong walang pinag-agam-agam sa maraming baklad ng pagtanaw na may pag-asang makapagtatanong na may katotohanan pa pala.