Burol ng Kamusmusan

Ni Angelo Lenard Yu
Tula

Habang naghahanda para sa panibagong paglalakbay,
Mataimtim na inaalala ang maiiwang paraiso—
Ang tuktok ng nakabibighaning Pedro Colina,
Natatanaw na malawak na lupain ng Cotabato.

Ang bawat umaga ay tila mahikang gigisingin ng adhan sa mosque
Habang tahimik na humihimlay sa kuta ang naglalakihang bato.
Tatangayin ng hangin ang mga bulak sa matatayog na puno ng kapok,
Hahalik sa alapaap, patungo sa aking imahinasyon at pangarap.

Ang tanghali sa Parke ng Tantawan ay may nakakahalinang ingay
Mula sa malakas na alingawngaw ng kampana sa simbahan
At busina ng mga kumpol-kumpol na sasakyan sa daan.
Hatid nito ay ligayang pumipintig sa aking bawat sandali.

Ang bawat gabi ay tila misteryong kumakatok sa aming pintuan
Habang dahan-dahang hinihintay na mabuhay ang buwan,
Tiyak paghaharian ng mga dambuhalang paniki
Mula sa kuwebang humihinga sa mga lagusan.

Subalit ang lahat ng ito ay mananatili na lamang sa alaala,
Mga kinagisnang bagay na di kayang kalimutan.
Sabi ni Ina kailangang mag-aaral at hanapin ang kapalaran
Sa lugar kung saan banayad ang mga alon sa karagatan.

Advertisement