Ni Mary Divine Escleto
Tula
Ikaw ang araw at ako ang buwan.
Marahan mong iniaangat ang iyong sarili
Sa pagkakaipit sa likod ng kabundukan
Upang maghatid ng kapanatagan sa kapatagan.
Sa pag-iisa’y wala akong karagatan na hinahagkan
Habang dumadanak ang gintong dugo mo’t humahalo
Sa tubig-alat at ako nama’y nahihimbing lamang
At iniinda ang ginaw kasama ang aking mga tala
Na hinubog sa iyong wangis.
Ako ang buwan at ikaw ang araw,
Parating nakakubli sa likod mo pagsapit ng liwanag.
Madalas ang dinadala ko’y lamig mula sa madilim
Na kasaysayan ng nilimot na pag-ibig
Kasabay ng pagbibigay mo ng init sa nilalamig.
Nang ninais ko’y pahinga, nang paghinga’y gustong madama,
Dumating ka, pinalakas pusong nanghihina.
At minsan nga’y nagkatotoo ang hinangad na pagtatagpo
Ng liwanag at dilim, ng puti at itim. Ngunit instrumento lamang
Ng umaga at gabi, hindi itinakda upang magsama.
Ngunit binubuhay ang pangako
Na narito lang para sa isa’t isa. Maaring may pag-ibig
Na mabubuhay mula sa magkabilang dulo
At doon tayo gugunitain sa paraang ako’y handa na,
Maging kalasag mo hanggang sa maibalik ang apoy na singsing
Na siyang ipinagkait ng itinuring mong mundo.