Ni Norsalim S. Haron
Tula
Sa ilalim ng saya ng puno,
may kubong nakayuko,
wari’y mga aliping nakaluhod
sa harap ng kanilang panginoon.
Sa tapat ng mesa,
sa ilalim ng patay-sinding ilaw,
may isang larawan ng masayang pamilya
ang nakasabit sa inaanay na haligi.
Ang katabing bintana ay nagsisilbi bilang sinehan—
pinanonood ko ang mga batang nagtatagisan,
pati na rin ang ganda’t tayog ng lipad
ng isang saranggolang ipinagtatabi sa ulap.
Sa piling ng bangkong may gulong
umiikot ang buhay ko.
Araw-gabi akong nakatanaw
sa punyal, espada’t katanang naghahabulan
sa kaloob-looban ng aming orasan.
Nakapako man ako sa upuan,
malaya namang nakalilipad ang isipan.
Kung napasusunod ko lamang yaring mga paa,
sasayaw ako katulad ng malumanay na indayog ng alon,
kekembot katulad ng bangkang gumigiling
upang makasabay sa bagong henerasyon.
Ngunit tila mananatili na ako sa kubo
nang may galak sa piling ng aking anino.