Kanser

Ni Adrian Pete Medina Pregonir
Tula

Matagal na iyon—at totoong may hardin ka.
Una akong pinahawak mo noong holen
sa iyong dibdib kung saan nakapuwesto
ang malawak na hardin. Doon
ay nagsasalimbayan ang pag-aaruga mo
sa akin na tila kampanilyang puti na
nagsisilbing banderitas sa iyong
pananalita. Ang pumpon ng mga
daisy ay sambulat ng munting talang
dinidëagan ng maraming kulay
ng pagpapalawak ng haraya.

Sa iyong dibdib, habang nakapatong
ang iyong paa sa nangingiliting bermuda
grass ay hinehele mo ako habang
hinahaplos ng iyong kamay ang
buhok ng ginintuang mais sa aking noo,
sabi mo.

Ngunit nagbago ang lahat, ang siklo, lumaki ako.
Ang bulaklak na noon ay palagi mong
dinidiligan, inaawitan, tuwing umaga
ay unti-unting nanlupaypay, pati
ang platong kinakainan na may guhit ng
mga bulaklak ay naging mapusyaw.
Ang basong may talahib na guhit
sa transparen na balat nito’y napupusyaw
na rin.

Nagbago pati ang mga bulaklak na nakikita ko.
Hindi na harding may awit ang nauulinigan
kundi ang bulong ng aircon sa loob ng kuwartong
puti ang pintura kung saan nakasabit ang
krusipiho. Hindi na bango ng daisy, santan, yellow bell
ang pragransiyang nanunuot sa aking mga baga
kundi ang bulok na suha at saging,
anastrozole at dekstros ng ICU.

Nakahiga ka lang habang konektado
ang dekstros sa nanlalambing mong kamay.
Nag-uunahan at nagtatakbuhan ang kurba-kurbang
berdeng guhit sa ventilator at nakapatong
ang breath bag sa iyong nag-iisang suso.

Sa pagpasok ay tinungo ko ang iyong katawan,
inilapat ang halubigat ng aking kanang kamay
sa iyong noo at pinanuot ang init na tila
tarragon sa mainit na tsaa sa nanlalapsi’t
kumukunot mong mukha—umiyak ka.

Ngunit sa hindi ko inaasahang mangyari,
ang isang hardinerang umaawit sa pinapalaking orkidya,
kasama ng santan, daisy, yellow bell, ay nilagutan
ng hininga. Hindi mo na ako kailanman
madidiligan ng sanlibong timbang luha ng saya, at
wala nang maglilinis ng ligalig sa aking mata.

Sabi ko, dekadang pasakit ang lalambigit
sa dibdib kung mawalan. Isang dekadang
pag-alala sa hindi malulunasang sakit,
ng sakit sa pagkahidlaw,
ng sakit sa proseso ng inilambigit na tanikala
sa nakadaop na palad,
ng sakit na walang ina.

Advertisement