Antigong Salamin

Ni PG Murillo
Tula

Nakaharap ako sa
isang antigong salamin
na pamana pa ng aking lolo,
na nabakbak na ang kahoy
dahil sa tagal nang panahon
na pakikipaglaban
sa kaniyang tibay.
Walang bakas ng kahapon
ang namumuo sa pakikipagsapalaran
ng kaniyang linaw.
Maaliwalas pa rin at hindi makikita
na milyong lungkot na
ang sa kaniya’y nakadungaw.
Alam ng mga nagpapaalam
ang sagot sa pagpapaalam,
na hindi ito alam ng mga humihinga
sa kasiyahan. Hindi nagdadamot ang salamin
para ipaubaya ang kalayaan ninuman.
Magkakaroon lang ng balita
kung magpapasakop sa mga nauna.
Ngunit alam kong hindi ito
ang hagdanan at tarangkahan ng langit
na hinahangad nila.
Kasalanan ito sa mata ng Diyos,
ngunit hindi ito kasalanan
sa mga matang bumabalot ng kalungkutan—
ito ang sagot sa mga naghihikahos.
Sa mga oras na ito ako ay nakadungaw sa
napaglumaang salamin,
walang pagbigkas ang namumuo sa labi,
walang bakas ng salita
na didikit sa kaniyang napakaaliwalas na linaw.

Tinignan ko lamang ito,
at halos ayaw pumikit ng aking mga talukap.
Habang sa pagtanaw ko’y
may namumuo nang tubig sa aking mga mata.
Nakaharap na pala ako sa bintana ng aking kaluluwa.

Advertisement