Langit sa Karimlan

Ni Jerusalem D. Nalig
Tula

Niyapos mo ako sa himlayan ng ’yong palad,
magaspang, may kalyo, ngunit marahan.
Mula sa lubid ng libidong nakatali sa pahatiran,
sa alapaap natagpuan ang nakatirik na mata
ng araw, nagliliyab, sinusunog ang lamang
kusang ipinagkatiwala sa lagislis
ng matigas mong pag-aari.

Naglalakbay sa baybayin ang bagyong humahagupit,
ngunit inihayag mo ang labas-masok na paglalayag
nang tayo’y sumasagwan sa paghampas ng mga alon.
Magkadikit nating nilalangoy ang bawat daluyong.
Maging karagata’y tinatangay sa kawalan
ang katas ng pawis mula sa pangangabayong
bumabayo ng dumadagundong na ligaya.
Sa rurok pinagsaluhan ang bunga ng pagsisid
tulad ng tupang inalay sa dambanang sagrado.

Minasdan kita’t nakita sa bintana ng iyong kaluluwa
ang lalim ng paglingap. Nakawin mong muli sa gabi
itong tanglaw mula sa buwang nakasilip, sapagkat
madalas sa ’yong karimlan naroroon ang langit.

Advertisement