Ulang Kumbektibo

By PG Murillo
Poetry

Dumadagundong ang tibok
nitong dibdib
May paparating na unos.

Maaraw naman kanina.
Sobra pa nga ang init.
Ngunit biglang nagdilim ang langit.

Ang ulan, di pa nga pumapatak
Ay nakapanlalabo na ng pananaw.
Paano pa kaya kung magtampisaw?

Ang mga namamagang pamunglo’y
Daig pa’ng sinuntok ng iyong kamao.
Dagdag bigat sa pinapasang puso.

T’wing pipikit, kasabay na pumapatak
Ulan at mga imahe ng alaalang nangangaral
Kung bakit ganito tayo sa kasalukuyan.

Ngunit basâ man at tumutulo,
May nakahanda pa ring magpasukob
Ipaubaya sa kanila ang baldeng pangsahod.

Ingatan mo ang iyong parte.
Di bale nang sumobra.
Sa bawat pananim, hardin ang aking mga mata.

Advertisement