Nang Minsang Sumakit ang Aking Tiyan

Ni Marvin Ric Mendoza Esteban
Fiction

“Sanggali, sanggalo. Sanggalo, sanggali.”

Hawak ng isang maugat, mabuto, at kulu-kulubot na kamay ang aking tiyan noon. Sa pagkakaalaala ko ay Sabado iyon, walang pasok.

Basta’t walang pasok sa eskuwela, umaakyat kaming magkakaibigan sa mga puno ng bayabas, aratiles, o mangga. Kung hindi naman, nagtatampisaw kami sa mababaw na ilog na di kalayuan sa bahay. Lagi naman akong pinaalalahanan ng aking ina na mag-ingat at baka raw mapagdiskitahan kami ng mga maligno at elementong hindi nakikita. Ang tawag ng matatanda sa naturang parusa ay buyag. At dahil likas na yata sa bata ang sumuway, tumakas ako minsan.

Nang umuwi na, nakaramdam ako ng kakaiba sa aking tiyan. Parang kinukurot ang aking bituka sa umpisa hanggang sa sobrang sakit na. Halos hindi ko na noon maituwid ang aking pagtindig.

Sa sandaling iyon, ewan ko ba sa pagkakataon, naroon ang lola ko sa tuhod na ayon kay Nanay ay mahusay na manggagamot.

Habang namimilipit ako sa sakit, hinawakan ni Lola ang aking tiyan. Pinisil niya ang pusod ko at saka idiniin. Tiningnan ko ang mukha niya, at napako ang aking paningin sa kaniyang bibig. At nakita kong bumulong siya ng mga salitang ni isa man ay wala akong maintindihan.

“Sanggali, sanggalo. Sanggalo, sanggali.”

Kuwento ni Nanay, isa si Lola sa mga hinahangaang albularyo sa Sitio Kulambog sa Lebak, Sultan Kudarat. Halos araw-araw daw sa kaniyang dampa ay may bumibisitang mga may sakit na nagbabaka-sakaling gumaling—mga inatake ng highblood at na-stroke, mga may sakit sa balat, mga nilalagnat o giniginaw, at mga kinulam o binarang. Kahit may kalayuan ang bahay ni Lola at may ospital naman sa sentro ng bayan, pinupuntahan pa rin siya. Mas pinipili ng mga tao na mahirapang umakyat sa matarik na bundok at maglakad nang humigit-kumulang apat na kilometro para lamang sa kagalingan.

Madalas ding nagdadala ng alay ang mga tao kapalit ng inaasahan nilang paggaling. Dumami nga raw ang mga manok at kambing sa bakuran ni Lola dahil dito. Kung minsan naman, pera ang iniiwan ng mga tao sa hagdan bago sila tuluyang umalis. Hindi ko na itinanong pa kay Nanay kung saan napupunta ang mga iyon.

Pinitik ni Lola ang tiyan ko nang pitong beses, paikot sa aking pusod. Bawat pitik niya ay tila pagpapalayas sa sakit na aking nararamdaman. Pagkatapos, bumulong siyang muli at lumura ng laway na kulay dilaw. Humikab din siya at umiling na tila nasasaktan. Parang hinihigop ng katawan niya ang sakit na mula sa aking tiyan.

Hindi ako makapaniwala dahil pagkalipas ng ilang sandali, unti-unting nawala ang kirot ng aking tiyan. Nawala ang sakit kahit wala akong gamot na ininom. Habang tulala, humanga ang aking puso sa isang kapangyarihang bumalot sa pananampalatayang noon ko lang din nakilala.

Ayaw ko sanang maniwala lalo pa’t napanood ko ang pelikula ni Nora Aunor na Himala, at tandang-tanda ko pa nang sabihin niyang, “Walang himala! Hindi totoong may himala. Tayo ang gumagawa ng himala. Tayo ang gumagawa ng mga sumpa!” Pagkatapos noon ay binaril siya.

Sa TV ko unang nasaksihan ang pagbubulgar na ngayon ko lang lubusang inuunawa. Kung tama si Nora Aunor na walang himala, paano ako gumaling? At kung totoo ang himala, bakit may mga ginagamot ding hindi gumagaling?

Ngayon, makalipas ang labinlimang taon, hindi pa rin nawawala sa isipan ko ang pangyayaring nagbukas sa akin sa malawak na katotohanang sinusubukang pasinungalingan at ipaliwanag ng mga eksperto na maaari din namang kasinungalingang nagmukhang totoo lamang sa tulad kong nakaranas ng hiwaga at kababalaghan.

Naalaala ko ang pangyayaring iyon habang nanonood ako sa YouTube ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho. Tungkol ang episode sa isang babaeng gumagamot sa Iloilo na tinatawag na manugbutbot. Nakakukuha siya ng mga bato sa katawan ng ginagamot gamit ang damong plagtiki. Dinarayo rin siya ng mga tao sa kanilang bayan dahil sa mga testimonya ng mga gumaling.

Pero natuklasan sa bandang wakas ng videona dinadaya niya lang pala ang paningin ng mga tao. Hindi totoong galing sa katawan ng mga ginagamot ang mga bato. Iniitsa ito ng isa niyang kamay. Nahagip ito ng kamera kaya hindi na siya makapagkaila. Pero ang mga taong minsang napagaling ay patuloy ang pagtitiwala sa babae.

Bunsod nito, naisip kong marahil ay maaari nga tayong mapagaling ng ating paniniwala. “It is a matter of faith,” sabi nga nila. Kung gusto nating gumaling, maniwala tayong gagaling tayo, at gagaling nga tayo. Pero ang tanong, Sino o ano ang magpapagaling? Ang kapangyarihan sa likod ng pagpapagaling ay hindi na natin malalaman dahil sekreto ito ng kalikasan. Gusto mang ipaalam ng kalikasan, hindi puwede dahil sekreto nga, at sa palagay ko ay hindi ito mahahagip ng kamera kahit kailan.

Lahat ng mga bagay ay pilit na ipinaliliwanag ng siyensiya, mula sa pagkakabuo ng tao hanggang sa bakit namamatay ang tao. Pero may mga pagkakataong puwang ang kasagutan sa mga tanong at tanging puso ng tao ang mag-uutos sa isip kung alin ang dapat paniwalaan. Hindi na nakapagtataka kung wala nang malignong kikilalanin ang susunod na henerasyon dahil na rin sa mga pagbubulgar na ginagawa ng mga siyentista (at pagbubulgar din pala ng  Kapuso Mo, Jessica Soho na kada Linggo ay may episode na mahiwaga).

Puno ng hiwaga ang mundo. Nagkakasakit ang malulusog at gumagaling ang mga masakitin. Humahaba ang buhay ng matatanda, at may mga batang hindi na inaabot ng pagtanda. Gumaganda ang mga pangit at pumapangit ang magaganda. Kung isipin natin, hindi na ito hiwaga. Katotohanan na ito.

Samakatuwid, ang hiwaga ay katotohanan at ang katotohanan ay hiwaga. May mga nangyayari sa mundo na kahit hindi naipaliliwanag ay totoo. Patunay lamang ito na hindi lahat ng katotohanan ay dapat ipaliwanag.

“Sanggali, sanggalo. Sanggalo, sanggali.” Hanggang ngayon ay sinasaliksik ko ang ibig sabihin ng mga salitang ito. May mga orasyon na isinasambit ang mga manggagamot sa baryo o tinatawag na albularyo. Hindi nga lang naiintindihan dahil “gift” daw ang pagkakaroon nito. At madalas, ipinamamana pa ito. Sa kaso ko, gumaling ang sakit ng aking tiyan dahil sa orasyon—talagang hiwaga. Pero mas hiwaga sana kung nalaman ko kung paano manahin ang “gift” na iyon.

Ngayong panahon, sa tuwing nagkakasakit ako, sa ospital na ako pumupunta. Pero minsan, kapag sabay na sumasakit ang aking tiyan at bulsa, naaalaala ko ang lola ko sa tuhod at ang kaniyang mga bulong.

Advertisement

Epidemya ng Lipunan

Ni John Efrael Igot
Maikling Kuwento
 

Hirap na hirap na sa buhay ang buong pamilya ni Ronald. Limang buwan na rin kasi siyang walang trabaho magmula nang dapuan siya ng sakit sa balat habang nagtatrabaho siya noon sa ibang bansa. Sabi pa ng mga doktor na napagkonsultahan niya, wala na raw itong lunas.

“Itay, may babayaran po kami sa PE namin,” sambit ni Angela, bunsong anak ni Ronald. “Bukas na po ang deadline.”

Napakamot ng batok si Ronald. Pilit niyang iniinda ang kati ng kaniyang buong katawan. “Hayaan mo, bukas, maghahanap ako ng trabaho sa may construction site.”

“Bakit? Maayos ka na ba?” sambit ni Lisa habang iniabot sa asawa ang isang tasa ng tsaang gawa sa halaman.

“Medyo,” tugon naman ni Ronald at kaagad na ininom ang tsaa. “Kailangan kong kumita para makatulong ako sa mga gastusin dito sa bahay.”

“Kunsabagay, kaunti na lang din ang nagpapalabada sa akin ngayon,” ani Lisa. “Nakabili na kasi ng washing machine ang iba nating kapitbahay.”

Kinabukasan, maaga pa lamang ay gising na si Ronald. Nagluto siya ng almusal at nagbihis, at ginising niya ang dalawang anak para makapaghanda sa eskuwela.

“Bakit ang aga mo ngayon, Tay?” tanong ng bagong gising na si Rodel, ang panganay.

“Inayos ko pa kasi ang biodata ko.” Kinamot ni Ronald ang kanang balakang. Nangangati na naman kasi ito.

“May tatanggap po ba sa inyo? Di ba may sakit po kayo sa balat?”

“Hindi ko sasabihin na may sakit ako sa balat. Wala namang mawawala kung susubukan ko.”

Makalipas ang ilang minuto, nagising na rin si Lisa, kaya nagpaalam na si Ronald. Umalis siyang nakangiti at masiglang kumaway sa kaniyang mag-ina. “Dadalhan ko kayo ng pasulubong mamaya pag-uwi ko,” sabi niya sa mga ito.

Nang marating ni Ronald ang construction site na aaplayan niya, nilapitan niya ang isang lalakeng nakasuot ng pulang polo na may mahabang manggas. Nakatayo at nagmamasid ito sa harapan ng mga trabahador. Nahinuha ni Ronald na ito ang amo nila.

“Magandang araw, sir!” pagbati ni Ronald. “Mag-a-aplay po sana ako rito.”

Tiningnan siya ng lalake mula paa hanggang ulo. Doon niya napagtantong hindi pala ito Pinoy. Singkit ang mga mata nito. “Maasahan ba kita?” sabi nito. “At saka Mr. Lim ang itawag mo sa akin.”

Iniabot ni Ronald ang dala-dalang papeles. “Opo, makakaasa po kayo sa akin, Mr. Lim.”

“O, sige.” Tinanggap ni Mr. Lim ang papeles. “Akin na muna ’to. Ibili mo muna ako ng pagkain do’n sa may kanto habang tinitingnan ko ito.”

Mabilis na sumunod si Ronald. Masaya niyang tinakbo ang tindahan sa may kanto. Hindi na siya nanghingi ng pera. Sagot niya na ito. May kaunti pa naman siyang pera kahit papaano.

Pagkatapos makabili, kaagad na bumalik si Ronald. Pumunta siya sa kinaroroonan ng mga trabahador at lumapit kay Mr. Lim. Doon niya napansing hindi pala Pinoy ang karamihang nandoon.

“Ronald, pasensiya na,” sabi ni Mr. Lim. “Hindi na kami tumatanggap ng bagong trabahador.” Ibinalik nito kay Ronald ang papeles, at itinuro nito ang bitbit niyang pagkain. “Akin na ’yan!”

Biglang nangati ang katawan ni Ronald, marahil dahil sa biglaang tensiyon na dulot ng mga nangyayari. Tumakbo siya palabas ng construction site. Ayaw niyang makita ng mga taong nandoon ang sakit niya sa balat. Hindi niya napansing bitbit niya pa rin pala ang pagkaing binili.

Kung gaano kabilis ang kaniyang pagtakbo palabas ay gano’n din kabilis ang pagputok ng isang baril. Bumagsak sa lupa si Ronald.

Nilapitan siya ni Mr. Lim. May hawak itong baril. “Sinasabi ko na nga bang hindi ka maaasahan, e.” Umiiling-iling ito.

“Tumawag kayo ng mga pulis. Sabihin ni’yong napasok tayo ng magnanakaw. Mga Pinoy talaga.” Ito ang mga huling salitang narinig ni Ronald bago tuluyang dumilim ang kaniyang paligid.

 

 

 

 

 

’Wag Tularan

Ni Jean Martinez Fullo
Maikling Kuwento

Iyakan. Nasa labas pa lang ako ng gate nang marinig ko ang iyakan na nanggagaling sa loob ng aming tahanan. Natataranta at nagmamadali kong kinuha ang susi sa aking bag at nanginginig na binuksan ang gate. Nakabukas ang pinto, kaya agad na akong pumasok sa madilim naming tahanan. Ang dating puting dingding, may bakas na ng kalumaan. Takip-silim na ngunit walang nakaalalang magsindi ng ilaw sa sala, at ang tanging liwanag ay nanggagaling lamang sa maliit na kuwarto ni Papa.

“Papa! Papa!” hagulgol ng aking mga kapatid.

Dali-dali kong tinunton ang kuwarto, at sa aking pagpasok, nakita ko si Papa na nakahandusay sa kama. Nagsilapitan ang aking dalawang nakababatang kapatid na babae. Ang lalaki kong kapatid, tila ayaw umalis sa tabi ni Papa.

“Ate, si Papa!” sambit ng isa sa aking mga kapatid! “Wala na si Papa!”

Dahan-dahan akong lumapit, nanlalamig at nanginginig. Maliban sa sakit, naramdaman ko rin ang mainit na dampi ng luha sa aking mga pisngi.

Tuwing umaga, ang una kong naririnig ay ang makapal ngunit may halong lambing na boses niya.

“Anak, kain na.”

Pagmulat ko ng aking mga mata, masisilayan ko agad ang puting kisame ng aking kuwarto. Pakikinggan ko ang pagtimpla ni Papa ng kaniyang kape, ang paglapat ng kutsara sa mug hanggang sa haluin niya ito. Minsan kapag masyadong napapaaga ang gising ko, maririnig ko ang paghanda niya ng aming almusal, ang amoy ng bawang at sibuyas sa ginigisang sardinas o kaya’y ang amoy ng pinritong tuyo. Pagkalipas ng ilang segundo o minutong pagmamatyag, babangon ako at gigisingin ang aking mga kapatid. Lalabas kami ng kuwarto at mag-uunahan sa banyo para maligo. Kapag nakapaghanda na ang lahat, sabay sa pagsikat ng araw, sama-sama kaming mag-aalmusal. Ang unang pasahero ni Papa sa umaga ay kaming mga anak niya. Una niyang ihahatid ang dalawa kong nakababatang kapatid, sina Ebele at Emine. Sunod naman niyang ihahatid kami ni Ari.

Ngayon wala na siya. Tanging alaala na lang ang natitira sa kung paano niya kami inalagaan. Tatlong taon na ang nakalipas simula noong yumao si Mama. Ngayon, bumabalik lahat ng sakit gayong wala na rin si Papa.

Naisip ko, Paano ko nga ba natanggap noong nawala si Mama? Paano ko ba hinarap ang bawat araw na wala siya? Maraming katanungan ang bumabalot sa aking isipan. Paulit-ulit. Paano na kaming magkakapatid?

Hindi ko kakayanin na wala si Papa. Imposible nang mapalitan ng kagalakan ang kalungkutan sapagkat siya na ang nagsilbing ina at ama sa aming magkakapatid. Siya ang naging sandigan ko sa panahong malungkot ako, at sa panahon ng kasiyahan, siya rin ang kasama ko. Ngayon, sino na?

Lumipas ang mga araw at gabi simula noong gabing pumasok akong nanginginig sa kaniyang kuwarto. Naging gawain ko na yata bago matulog ang pagpasok dito. Uupo ako sa kaniyang kama, pagmamasdan ang bawat sulok ng kuwarto, iniisip kung paano niya tinititigan ang mga ito sa panahong nalulungkot siya. Minsan, hihiga ako sa kaniyang kama at makikipagtitigan sa kisame. Ang hirap sanayin ang sarili na wala na si Papa, pero kailangan. Kailangan ko maging matatag para sa aming magkakapatid.

* * *

Nagising ako dahil sa sikat ng araw. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako sa kuwarto ni Papa. Nakakasilaw ang sikat ng araw. Nakakatamad bumangon pero kailangan kong ipagluto ng almusal ang aking mga kapatid. Napatanong ako sa sarili, Sa ganitong paraan din ba nagigising si Papa? May mga panahon din kaya na gusto niya pang matulog o magpahinga pero kailangan niyang bumangon para lang ipagluto kami?

Bumangon ako. Nakaramdam ako ng pananakit ng likod. Naisip ko ulit si Papa. Nakakalungkot sapagkat ni minsan, hindi man lang siya nagpamasahe ng likod niya, at ang mas masakit isipin ay hindi man lang ako nagkusang magmasahe ng likod niya. Umunat ako nang kaunti at lumabas. Kinatok ko ang silid na katabi lamang ng kay Papa, kung saan natutulog sina Ebele at Emine. Sunod ko namang kinatok ang pinto ng kuwarto ni Ari.

“Gumising na kayo,” sambit ko.

Dumiretso ako sa kusina upang ipagluto ang aking mga kapatid ng ginisang sardinas, katulad ng madalas ipagluto sa amin ni Papa noon. Maaaring tama ang pagluto ko dahil ganitong-ganito ang amoy ng niluluto ni Papa. Tatlong sardinas lang ang meron kami ngayon. Maaaring ito rin ang ulam namin maghapon. Kailangan kong tipirin ang kakaunting sahod na meron ako sa pagtatrabaho bilang crew sa isang fast-food chain. Dati, para lamang ito sa aking kakaunting pangangailangan. Di ko inaasahan na ang dating pinagkakasya ko sa kakaunting pangangailangan ko ay pagkakasyahin ko sa aming magkakapatid.

Nabaling ang atensiyon ko sa aking niluluto na pawang masusunog na. Nakakaiyak. Kung nandito lang sana si Papa. Kung nandito lang sana siya para turuan ako ng mga nararapat kong gawin.

Inilapag ko sa hapag-kainan ang kagabi pang tirang kanin at ang ulam na kakaluto ko lamang. Kumuha ako ng limang plato at inilapag sa mesa. Napakalaki tingnan ng mesa dahil sa kakaunting kanin at ulam. Nalungkot ako hindi dahil sa kakaunting pagkain na meron kami. Nalungkot ako sa pagkaalalang wala na si Papa. At alam kong mas malaking tingnan ang mesa sapagkat apat na lamang kami ang magsasamasamang kakain dito.  Kinuha ko ang isang sobrang plato sa mesa at inilagay na lamang sa lababo. Kung dati masigla kong hinaharap ang bawat umaga sa pagkakaalam na may nagmamahal at nag-aalaga sa amin, ngayon iba na. Kailangan ko maging malakas. Hindi puwedeng umiyak ako sa harap ng aking mga kapatid.

“Kain na!” tawag ko sa kanila.

Agad namang tumungo sa kusina sina Ebele at Emine. Unang umupo si Ebele. Si Emine naman ay nakatayo lamang habang tinititigan ang kakaunting pagkain na parang dumi lamang sa mesa. “Ate, ’yan lang ba ang meron tayo?” tanong niya.

Nilingon siya ni Ebele at tiningnan nang may galit. Nagkunwari na lang ako na hindi ko narinig ang tanong ni Emine. Sa halip, ako ang nagtanong sa kanila, “Bakit wala pa ang Kuya Ari ni’yo?”

“Hindi ko alam. Hindi pa naman siya lumalabas ng kuwarto niya,” sagot ni Ebele.

Inutusan ko si Emine na katukin si Ari sa kaniyang kuwarto. Padabog niya namang sinunod ang aking utos. Dinig ko ang pagkatok niya sa pinto ng kuwarto ni Ari at ang pagtawag niya sa pangalan nito.

“Kuya, kakain na raw!” pasigaw na sambit ni Emine.

“Mamaya na,” sagot naman ni Ari. “Susunod ako.”

Nakasanayan sa pamamahay na ito na sa tuwing umaga ay sabay kaming lahat sa pag-aalmusal—ito ang turo ni Papa, maging sa panahong nabubuhay pa si Mama. Tinungo ko si Ari sa kaniyang kuwarto. Mahina kong kinatok ang pinto at humingi ng pahintulot upang pumasok. Pinagbuksan niya ako ng pinto. Pansin ko ang pamumugto ng kaniyang mga mata, subalit nagkunwari na lang ako na hindi ito pansin at umupo na lamang sa tabi niya.

“Ate, pasensiya. Masakit lang talaga ulo ko.”

“Napapadalas na ’ata ’yan? Teka, bibili ako ng gamot.”

Nang patayo na ako, pinigilan niya ako. Hindi ko matukoy ang ekspresyon sa kaniyang mukha. Hindi ko alam kung sa paanong paraan ko siya kakausapin.

“Ate,” paunang sambit niya, “’wag na. Wala lang ito. Mabuti pang kumain na lang tayo. Gutom lang ito.”

Sabay kaming tumungo sa kusina. Sabay-sabay kaming kumaing magkakapatid. Hindi na ito katulad ng dati, masaya. Kung nandito lamang si Papa, malamang marami kaming mapag-uusapan.

Bago pumasok sa eskuwela, kinausap ko si Ari.

“Ari, sigurado ka ba na mabuti ang iyong pakiramdam?” tanong ko sa kaniya, sabay kapa sa kaniyang noo.

“Ate, mabuti naman ang pakiramdam ko,” sagot niya at inilayo ang kaniyang mukha sa kamay ko. “Ate, pahingi naman ng dalawandaang piso,” dagdag niya.

“Aanhin mo naman ang pera, ha?” usisa ko.

“Kailangan ko lang sa eskuwela.”

Dumukot ako sa aking bag. Kumuha ako ng pera at iniabot sa kaniya. Ngumiti siya at niyakap ako. “Salamat, ate. Salamat.”

* * *

Mag-aalas-onse na ng gabi. Madalas, umuuwi ako ng alas-diyes, subalit sa pagkakataong ito, marami akong dapat tapusin sa trabaho at eskuwela. Umuwi akong pagod. Nasa labas pa lang ako ng gate, nakaramdam na ako ng inis sapagkat wala na namang nakaalalang magsindi ng ilaw sa labas. Mayamaya’y naisip ko na mas mabuti na ngang gano’n upang mas makatipid. Dahan-dahan kong binuksan ang gate. Kasabay nito ang mahinang tunog na tanda ng kalumaan. Nang makapasok ako sa bakuran, natanaw ko agad ang bukas na pinto. Sa tuwing nandito ako sa bahay, naaalala ko si Papa. Sa bawat gagawin, bawat desisyon ko sa buhay, naaalala ko si Papa.

Wala sa sala ang aking mga kapatid. Pumunta ako sa kuwarto para alamin kung naroon na sina Ebele at Emine. Hindi na ako kumatok. Sa halip, dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Bumungad sa aking paningin ang dalawa kong kapatid na mahimbing na natutulog. Sunod kong sinilip ang kuwarto ni Ari. Nakakapagtaka sapagkat wala siya rito. Kadalasan, sa ganitong oras, nakauwi na si Ari. Kung may pagkakataon man na may lakad siya o mahuhuli siya sa pag-uwi, nagpapaalam naman siya. Nabalot ako ng pag-aalala. Hinintay ko siya sa sala. Baka-sakaling lumabas lang saglit, nagpahangin. Makalipas ang labinlimang minuto, wala pa rin si Ari. Sinubukan kong tanggalin ang pag-aalala na bumabalot sa akin. Nagbigay ako ng limang minutong palugit. Makalipas ang limang minuto, sinubukan ko na namang alisin ang pag-aalala at nagbigay ulit ng limang minutong palugit. Lumipas ang maraming limang minuto at inabot ako ng alas-dose na. Inaantok na ako subalit pinipigilan akong magpahing ng aking pag-aalala.

Tumayo ako nang marinig kong bumukas ang gate. Sumilip ako sa bintana, at kahit hindi masyadong maliwanag, tanaw ko si Ari. Dali-dali kong binuksan ang pinto. Nasilayan ko ang aking kapatid. Gulat na gulat siya. Namumula ang kaniyang mukha at magulo ang buhok. Hindi ito ang Ari na kilala ko. Tiningnan ko lang siya. Pilit kong iniiwasan na magalit. Dumiretso siya sa loob na parang wala ako sa kaniyang harapan, na parang hindi niya ako nirerespeto. Sinundan ko siya hanggang sa kaniyang kuwarto.

“Saan ka galing?” mahinahon kong tanong.

“Sa labas lang,” sagot niya.

Amoy alak ang hininga niya. Bigla akong nakaramdam ng galit at sakit. Galit dahil ang perang pinaghirapan ko ay napunta lang sa wala. Sakit dahil halatang hindi pinahahalagahan ni Ari ang aking mga paghihirap.

“Kaya naman pala palaging sumasakit ’yang ulo mo sa umaga!” pasigaw kong sambit. “Kailan ka pa ba natutong uminom?”

Wala akong natanggap na sagot. Umupo lang siya sa kaniyang kama at yumuko.

“Ari, pinaghirapan ko ang perang pinang-inom mo. May mga kapatid pa tayo na nag-aaral din. At saka, sa palagay mo ba magugustuhan ni Papa na nagkakaganiyan ka?”

Gusto nang kumawala ng mga luha ko, ngunit pilit kong pinigilan. Hindi ako iiyak sa harap niya o kahit ninuman. Hindi ko na siya hinintay na makapagsalita. Lumabas ako ng kuwarto niya at dumiretso sa kuwarto ni Papa. Sa unang pagkakataon, bumuhos ang aking luha. Luhang matagal ko nang inipon. Kumawala lahat ng emosyon na matagal ko nang pinipigilan simula noong araw na yumao si Papa.

* * *

Limang araw at apat na gabi nang hindi ako kinakausap ni Ari. Sa bawat tangka kong kausapin siya, palagi niyang sinasabing, “Abala ako ngayon.” Sa gabi naman, sinisilip ko siya sa kaniyang kuwarto subalit hindi ko siya naaabutang gising. Kahit ganoon, panatag na ang loob ko sa pagkakaalam na hindi na siya ginagabi sa pag-uwi.

Balak ko siyang kausapin kinaumagahan, anuman ang mangyari, sabihin niya mang abala siya. Kung kailangan, kukulitin at magmamakaawa ako sa kaniya. Gusto ko siyang kausapin. Kailangan ko siyang kausapin. Alam kong ’yon din ang gagawin ni Papa. Ayaw kong mapariwara ang aking mga kapatid.

Kinaumagahan, dali-dali akong bumangon at nagluto. Pagkatapos ay masigla kong tinawag silang lahat. Dumating sina Ebele at Emine. Nilingon ko ang kuwarto ni Ari.

“Gigisingin ko ba si kuya, ate?” tanong ni Ebele.

“Ako na,” sagot ko.

Tinunton ko ang kuwarto ni Ari at kinatok, subalit wala akong natanggap na sagot. Kumatok ako ulit. “Ari, gising na. Kakain na tayo.”

Wala pa ring sagot, kaya binuksan ko na lang ang pinto. Nadismaya ako sapagkat wala siya roon. Hindi ako nakaramdam ng galit. Maaaring maaga lang siyang pumunta sa eskuwela. Bumalik na lang ako sa kusina at sinabayan sa pagkain sina Ebele at Emine.

Hindi ko na masyadong pinag-alala ang aking sarili. Makakausap ko rin siya mamayang gabi. Kakausapin ko siya mamayang gabi.

Katulad pa rin ng dati, pumasok ako ng eskuwela, at pagkatapos ng klase, pumunta ako sa trabaho.

Tila mabilis ang paglipas ng mga oras. Pauwi na ako at gustong gusto kong makita ang aking mga kapatid.

Buong araw, ang nasa isip ko ay ang pagiging makasarili ko. Inisip ko lang kung papaanong paraan ko malalagpasan ang sakit na nararamdaman ko nang mawala si Papa at hindi man lang sinubukang pansinin ang sakit na nararamdaman ng aking mga kapatid. Patawarin sana ako ng Diyos.

Wala na nga si Papa pero nariyan pa naman ang aking mga kapatid. Patuloy pa rin ang buhay ko ngayon dahil sa kanila. Paano na sila kapag wala ako? Paano na sila kapag nanatili akong mahina? Sila ang rason kung bakit kailangan kong bumangon sa umaga, mag-aral, at magtrabaho. Nakakapagod pero para naman sa kanila. Sa kabila ng lahat, naniniwala pa rin ako na may pahinga sa bawat pagod at may gamot sa bawat sugat. Alisin man ng tadhana ang aking responsibilidad bilang anak sa aking ina at ama, iniwan naman sa akin ang responsibilidad bilang ate sa aking mga kapatid. “Panginoon, gabayan ni’yo ako,” dalangin ko.

Saktong sahod ko kaya bumili ako ng kaunting pagsasaluhan namin. Naisip ko si Ari. Kakausapin ko siya ngayon.

Nang malapit na ako sa kanto namin, dumaan ang sasakyan ng pulisya. Nakakabingi ang sirena nito at nakakasilaw ang pula’t asul na ilaw. Lumiko ito sa aming kanto. Bumilis ang tibok ng aking puso. Tanaw ko ang paghinto ng sasakyan sa kumpulan ng mga tao. May ilang tao sa likuran ko na tumatakbo papunta sa direksiyon na iyon. Nakiusisa ako sa grupo. Sumilip ako, patalon-talon. Sa tabi ng daan, sa tapat ng isang bakanteng lote, ilang metro lamang ang layo sa bahay, nakita kong may nakahandusay na lalaki. Mas bumilis ang tibok ng puso ko. Nanlalamig ako. Nanginginig. Pamilyar ang suot ng lalaki.

Nakipagsiksikan ako lalo. Nang mabigyan ako ng puwang, napahinto ako. Nanigas ang buo kong katawan. Malinaw ang aking nakikita. May mga pasa ang kaniyang mukha, duguan ang kaniyang katawan, at nakatali ang kaniyang mga kamay at paa. Gusto kong lumapit, subalit may pumigil sa aking dalawang nakaitim na lalaki.

“Kilala ko siya!” sigaw ko habang rumaragasa ang luha sa aking mga mata. “Ari!” dagdag ko.

Nanghihina ang aking mga tuhod na parang hindi na kakayanin nng mga ito na suportahan ang aking katawan. Masyadong mabigat para tumayo. Mabigat ang aking kalooban. Napaupo ako. Patuloy pa rin sa pagdaloy ang aking luha. Pilit akong inalalayang ng dalawang lalaking humarang sa akin. Nilingon ko ang nakahandusay na katawan ni Ari. Nabasa ko ang nakasulat sa karatulang nakapatong sa kaniyang katawan: DRUG PUSHER AKO. ’WAG TULARAN.

Isang Puta

Ni Prince Vincent M. Tolorio
Maikling Kuwento

Nakikita ko siya tuwing hatinggabi, nakasandal sa isang estante sa tabi ng daan, may nakasungalngal na sigarilyo sa labi. Siya si Elisa. Narinig ko lang ang kaniyang pangalan sa mga tumatawag sa kaniya. Maganda siya. Malaperlas sa ningning ang kaniyang mga binti, na kitang-kita dahil lagi siyang nakasuot ng pekpek shorts.

Nakita ko siya isang gabi na may kasamang lalake. Medyo matanda na ito at pangmayaman ang porma. Sinundan ko sila patungo sa isang lugar na puwedeng parausan nang ilang oras pero hindi masyadong mahal. Pumasok sila sa isang kuwarto. Narinig ko ang boses ni Elisa. “Ah, ah, ah. Sige pa. Ipasok mo pa. Bayuhin mo pa ako.” Paulit-ulit ko siyang narinig hanggang siya’y tumahimik. Pagkalipas ng ilang minuto, lumabas ang lalaki na may ngiting sa demonyo.

Napalitan ng pandidiri at pagkasuka ang pagkahumaling ko sa ganda ni Elisa. Hindi pala sa panlabas na kaanyuan nakikita ang ganda. Panakip lang ito sa katauhang marumi pa sa agos ng tubig sa squatter’s area.

Ilang linggo ring hindi ako dumaan sa kalyeng iyon. Siguro ayaw ko siyang makita, o nasasayangan lang talaga ako sa mukha at katauhan niya. Noong gabing para akong espiya sa isang pelikula, hindi ako makatulog pagkatapos. Palagi ko siyang naaalala. Ewan ko ba kung naaawa ako sa kaniya o nasasayangan sa ganda niya. Hindi niya ginamit ang ganda niya sa tamang paraan. Kaya hindi umuunlad ang bansang ito ay dahil sa mga taong gustong kumita nang mabilisan. Di bale nang ibenta pati kaluluwa at dignidad nila basta’t instant ang pagkayaman. Talagang iniisip ng tao ngayon ay pera ang nagpapaikot ng mundo. Ngunit ibahin ni’yo ako. Naghahanap ako ng tunay na ganda sa mundong ito. ’Yon bang gandang ipagmamalaki mo kahit kanino nang walang pag-aalinlangan dahil walang bahid ng kadumihan at kasamaan.

Tatlong linggo ang lumipas simula nang nahumaling ako sa maling babae. Pumunta ako sa palengke, nagbabakasakali na may mabiling bagong pantalon na gagamitin ko sa opisina. Pagkababa ko pa lang sa kotseng sinasakyan ko, agad na nahagip ko ang mukha ni Elisa, mukhang nagmamadali at parang may hinahanap. Agad ko naman siyang sinundan, at ito na naman ako, parang ulol na nagmamasid sa kaniya.

Bumili siya ng islaks at puting T-shirt at agad binayaran ito sa tindera. Sinundan ko siya hanggang makaabot siya sa kanilang bahay. Malapit lang pala sa palengke ang bahay niya, sa dulo ng squatter’s area. Ang liit nito at hindi lang siya ang nakatira.

Ilang sandali pa lang ako sa pagmamasid ay agad akong nakarinig ng mga kumalansing na mga bagay. “Putang ina kang bata ka! Di ba sabi ko, bumili ka ng pampulutan ko doon sa palengke? Ba’t mga damit ang binili mo? Letse ka talagang bata ka. Akin na. Akin na ang pera mo. Ako na ang bibili!” Lumabas sa bahay ang isang matabang lalake na lasing at may dala-dalang pera.

May mga babaeng nakikiusyoso sa nangyari sa bahay ni Elisa. Narinig ko ang usapan nila.

“Kawawa naman si Elisa. Napilitang gamitin ang ganda para mapakain ang pamilya.”

“Mukhang binilhan niya ng uniporme ang nag-aaral na kapatid.”

“Nagalit pa ang tatay. Inuuna ang bisyo. Walang kuwenta talaga.”

Nanlumo ako sa aking mga narinig. Agad kong pinagsisihan ang mga naisip ko dati. Parang hindi ko mapatawad ang aking sarili. Agad kong hinusgahan ang isang taong hindi ko alam kung bakit ginagawa ang mga bagay na kaniyang ginagawa.

Umuwi ako ng bahay nang nakayuko ang ulo. Hindi ko alam kung magagalit ako sa sarili ko o sa tatay ni Elisa na tamad at walang ginagawa para itama ang buhay ng kaniyang anak.

Natuklasan ko ang aking sarili sa tabi ng daan nang gabing iyon, lumalapit  kay Elisa. Hindi ako makahinga. Hindi ako tiyak sa gagawin. Nagpang-abot ang aming mga mata. Mga ilang sandali rin akong hindi makakilos. Tutok na tutok lang ako sa mapang-akit niyang mga mata.

Hinawakan niya ako sa kamay, at ngumiti siya sa akin, ’yong ngiting naglalandi. Para akong matigas na puno na kahit anong bagyo ang dumaan ay hindi maalis-alis sa kinatatayuan, at sa pagbalik ng aking wisyo, ang isa pa niyang kamay ay nasa harapan na ng aking pantalon, pumipisil nang dahan-dahan hanggang sa bumilis. Bumilis din ang tibok ng puso ko. Huminto siya at sinabing, “Ilan ba ang dalang pera mo diyan?” Siyempre, ako ’tong si gago na kinakabahan at hindi alam ang gagawin, kaya sinabi ko ang totoo. “Tatlong libo.”

Pumunta kami sa isang motel. Agad siyang naghubad sa aking harapan. Kitang-kita ko ang lahat sa kaniya. Ibinalik ko ang tingin sa mukha niya. “Ayoko,” bigla kong nasambit.

Nagulat siya. Nainsulto siya marahil dahil baka ako pa lang ang tumanggi sa matatayog niyang bundok. “Bakit mo ako tinitingnan na parang asong ulol kanina kung ayaw mo sa akin?” sabi niya.

Hindi ako makasagot.

“Para namang kalakihan eh mas malaki pa nga ang hinliliit ko sa titi mo,” dagdag niya.

Hindi ko pinansin ang galit niya. “Bat mo ginagawa ’to?” tanong ko.

Siya naman ang hindi makasagot.

“Maganda ka,” patuloy ko. “May potensiyal. Magkakapera ka kahit hindi itong paghuhubad ang gawin mo.”

Tinalikuran niya ako at nagbihis, at bago siya lumabas ng kuwarto, sinagot niya ako, “Bakit? Makukuha ko ba sa isang marangal na trabaho ang perang kinikita ko sa isang gabi lang? Ang mga maykaya lang ang may karapatang magkaroon ng marangal na trabaho. Hindi lahat nakakain sa sinasabi mo.”

Nanatili ako sa kuwartong iyon nang gabing iyon. Ginunita ko lahat ng nangyari at sinabi niya. Naaalala ko ang mukha niya. Kahit mahinahon ang kaniyang pagsasalita, may nasilayan akong luha sa tagiliran ng kaniyang mga mata. Nakatulog ako na ang mukha niya ang nakikita ko.

Makalipas ang ilang araw, pinuntahan ko si Elisa sa bahay niya. Gulat na galit ang reaksiyon niya. Nagtataka malamang siya kung bakit alam ko kung saan siya nakatira. Agad siyang umaktong pagsarhan ako ng pinto, ngunit hinarang ko ito at iniabot sa kaniya ang isang liham na matagal kong pinag-isipan at isinulat.

Umalis lang ako nang tinanggap niya ang liham. Hindi ko na hinintay na basahin niya. Hindi ko rin alam kung babasahin niya o hindi, ngunit hiling ko na basahin niya para hindi ako manatiling nagmamasid sa kaniya sa tabi ng daan tuwing gabi.

Manang Arsilinda

Ni Adrian Pete Medina Pregonir
Maikling Kuwento

Maliit lamang sa simula ang pumpon ng mga taong nagtipon, ngunit nang tumaas ang sikat ng araw at kumalat sa bayan ng Sto. Niño ang balitang namatay ang isang kapitana dahil sa karumal-dumal na pagtaga, tila guguho ang isang bakuran sa dami ng mga taong nais makahagilap ng tsismis.

Nagkakagulo, nagsisiksikan, nagtutulakan, nagsisigawan, at ang bawat isa’y naghahangad na makalapit sa balkonahe ni Manang Arsilinda.

“Matuod bala, Nang?” tanong sa kaniya ng isang tanod na sumasawata sa nagkakagulong mga tao.

“Ginasukot niya ako sang diyes mil, kag ginbuno ko siya gilayon sa tuman niya nga pagpamilit!” tumatayong tuwid habang nangangatwiran si Manang Arsilinda. Mahigpit ang hawak niya sa isang pitaka. Tila umaapoy ang kaniyang mga titig sa mga taong nasa palibot. May bahid pa ng dugo’t putik ang suot niyang kupas na daster.

“Pirti!” anang tanod na humihingal. “Indi ako makapati sa nabuhat mo, Nang. Abi ko kon nakalampuwas kamo sang magsara ang Kapa. Indi gid ko ya makapati.”

Hindi na nagsalita si Manang Arsilinda. Hinahaplos na lamang niya ang kaniyang batok. Sa hindi kalayuan mula sa kinatatayuan niya ay papalapit ang mga pulis upang damputin siya. Ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga tao dahil ibig nilang makita ang suspek. Sa mahabang oras na pakikipagtalastasan ng mainit na hangin sa kulumpon ng mga tao ay walang landong ang tumama sa kanila.

“Ngaa bawion niya sa akon ang diyes mil?” muling sabi ni Manang Arsilinda. “Ginluib ko bala siya? Abi ko kon maka-pay out dira na kami magtururunga sang blessing? Tapos siling niya ipadakop niya ko kon waay ako sing may mahatag? Tinonto!”

Pinilit siya ng mga pulis na sumama sa kanila sa presinto, ngunit nagunyapit sa balkonahe si Manang Arsilinda, at nagawa pa niyang hambalusin ng kamay si SPO2 Demavivas nang poposasan na sana siya.

“Sa kalinti!” bulyaw ng isang pamangkin ni Kapitana mula sa bayan ng Banga. “Waay mo tani ginbuno si Kapitana! Sin-o gali ang nangawat sang papeles sang basakan ni Kapitana kag ginbaligya sa balor nga mil kinyentos?”

Taas-noong nakatayo ang lalaki sa pagitan ng maraming tao. “Wala ka bala nahuya nga ang basakan nga ginbaligya mo amo ang lupa nga ginatanoman mo, kag si Kapitana amo ang imo agalon?” panunumbat nito kay Manang Arsilinda.

Mas naggigitgitan ang mga tao. Mas gumulo pa, at napakahirap pigilan ang sigawan na ikulong si Manang Arsilinda. Kaya biglang nagpaputok ng baril ang isang pulis. Ilan sa matatandang naroon ay nahimatay sa takot, ngunit nagpatuloy ang kaguluhan.

“Arsilinda, dapat ka prisohon!”

“Ginpatay mo ang bangka sang Kapa nga buwas-damlag naton!”

Nang hindi na nakayanan ng mga pulis ang mga pagsisiksikan at sigawan, bigla nilang hinablot si Manang Arsilinda upang ipasok sa sasakyan. Ngunit malakas siyang pumiglas at kinuha ang maliit na kutsilyo sa hawak na pitaka. Sumigaw siya, “Para sa hustisya, agod nga magbukas liwan, buhaton ko ini. Tatay Digong, pamatii kami!”

Lalong lumakas ang sigawan nang kaniyang tinaga ang sariling leeg.

Bihag

Ni Norsalim S. Haron
Maikling Kuwento

Buhay ba ang kapalit ng mga luha ko? Ito ang katanungan sa aking isipan habang nasa bingit ng kamatayan.

Sakay ako ng rumaragasang Bajaj, napapagitnaan ng dalawang di kilalang lalaki, patungo sa posible kong katapusan. Sa gano’ng kalagayan ay naglakbay ang aking isipan sa nakaraan.

Isang larawan ang aking nakita: Naghahalikan.

Nagsimula ang lahat sa isang mapusok na halik. Nakipagkita ako sa aking ka-chat sa unang pagkakataon, at noong araw mismo, tinukso ako ng demonyong bumulong sa aking tenga. Halikan ko raw ang aking ka-chat. Sumunod naman ang aking katawan. Pikit-mata, inilapit ko nang dahan-dahan ang aking labi at idinampi sa kaniyang labi. Naramdaman ko ang init ng kaniyang hininga, at  ninamnam naming pareho ang tamis ng aming unang halik.

Nalikha ang aming pagsinta. Subalit di nagtagal ay naghiwalay din kami dahil humadlang ang aking ina. Marami siyang ibinigay na paliwanag, na pawang hindi malinaw, ngunit sinunod ko ang kaniyang kagustuhan.

Makalipas ang dalawang buwan, nakatanggap ako ng text mula sa dati kong kasintahan. Nais niyang magkita kami bago siya umalis papuntang Manila. Nag-a-apply raw siya bilang kasambahay sa Saudi. Binanggit din niya na may isang anghel na bumibisita sa kaniyang panaginip, at ang sanggol na iyon ay bunga ng aming pagmamahalan na palihim niyang pinagkaitang huminga. Noong oras na iyon mismo ay pinuntahan ko siya sa Cotabato Plaza.

Habang naglalakad at nag-uusap kami sa tabi ng highway, napansin kong tila meron siyang hinahanap na hindi niya mahagilap. Nauna ako sa kaniya nang mga dalawang hakbang, at nang lingunin ko siya, nagulat na lamang ako nang may lalaking naka-jacket na itim at nakasuot ng helmet ang umakbay sa akin at pasimple akong sinakal ng kaniyang braso. Naramdaman ko ring may kung anong matulis na bagay siyang inuumang sa aking tagiliran, at bumulong siya na huwag daw akong maingay kung gusto ko pang mabuhay.

Hindi ko kailanman naisip na ang madalas kong mapanood sa mga pelikulang aksyon ay mararanasan ko sa totoong buhay—ang makidnap.

Sapilitan niya akong pinasakay sa isang motorsiklo, sa likuran ng drayber na nakasuot din ng jacket at helmet. Umupo siya sa aking likuran, at agad humarurot ang motorsiklo. Tantiya ko’y walumpung kilometro kada oras ang bilis ng takbo nito, papunta sa landas ng kapahamakan.

Tinitigan ko nang mabuti ang bawat kantong nadaraanan namin, wari ba’y kinukunan ko ng litrato. Pinilit kong isaulo ang daan, nagpabaling-baling upang makahanap ng palatandaan kung nasaan na kami. Ngunit walang katangi-tangi sa mga tindahan at bahay na nadaanan namin. Napayuko na lang ako, sumuko sa laban.

Bakit ba humantong ang lahat sa ganito? Akala ko ba tadhana na ang bahala sa aming dalawa, pero bakit pati si Kamatayan nakikialam pa? Bakit? Napakaraming tanong sa aking isipan.

Narating namin ang isang lumang bahay sa tabi ng ilog, malapit sa tulay. Hinila ako ng dalawang lalaki papasok ng bahay. Paghakbang ko sa pintuan, labis akong nagtaka dahil masayang mukha ng may edad na mag-asawa ang sumalubong sa akin.

Kinuha ng dalawang lalaking dumukot sa akin ang mga gamit ko—cellphone, pitaka, pati mga barya. Dinala nila ako sa ikalawang palapag, at nakita ko roon ang aking dating kasintahan, nakaupo sa sahig, tila naghihintay sa aking pagdating. Hindi siya makatingin sa akin nang diretso. Hindi ko alam kung nahihiya ba siya o natatakot. Nawala ang takot ko dahil nandoon siya at mukhang alam niya ang nangyayari. Napagtanto kong mga magulang niya ang mag-asawang nasa ibaba.

Pagkatapos naming maghapunan, kinausap ako ng ina ng dati kong kasintahan. Napansin ko sa lalim ng kaniyang ngiti na parang kilala na niya ako kahit iyon pa lang ang una naming paghaharap, at sinabi nga niya na magpinsan sila ng aking ina. Kaya pala, naisip ko. Sumagi rin sa isip ko ang labis na pagtutol ni ina noon sa pag-iibigan namin ng mahal ko. Ito marahil ang dahilan. Magkamag-anak kami.

Sa loob ng anim na araw ay naging bihag ako, nagmistulang isang ibong nasa loob ng hawlang ako mismo ang gumawa.

Madalas akong nakatayo sa may bintana, nagmamasid sa kapaligiran at naghahanap ng paraan upang makatakas. Pinanonood ko ang luntiang palayan na sumasayaw sa himig ng kalikasan. Umaawit ang mga palaka, nagsasagawa ng isang ritwal upang umulan, at kahit walang ulap sa langit ay pumapatak ang ulan mula sa aking mga mata.

Lumapit sa akin ang ama ng dati kong kasintahan at inabot sa akin ang isang cellphone. Ang sabi niya, tawagan ko raw ang aking mga magulang at sabihing inuwian ko ang kaniyang anak, kaya sa lalong madaling panahon ay kailangan naming makawing. Hindi naman ako makatanggi dahil hawak nila ang aking buhay.

Maayos naman ang pagtrato sa akin ng pamilya, ngunit napansin kong kakatwa ang kanilang pagkain. May lasang hinahanap ng dila ko, at sa pag-oobserba ko sa kanilang kusina, napagtanto kong hindi sila gumagamit ng bawang, ngunit hindi ko sila tinanong bakit.

Nang dumating ang Sabado ng gabi, bago kami natulog ay nag-usap kami ng aking mapapangasawa kung ano ang gagawin pagkatapos ng kawing. Ang dami niyang gustong gawin. Ganito, ganiyan, tapos doon, dito, at kung ano-ano pa. Samantalang ako, nakatitig lang sa kaniya. Hindi ko alam, pero kapag gabi, lalong lumiliwanag ang ganda niya. Hindi naman siya gaanong maputi, pero kapag niyayakap siya ng dilim ay parang nagliliwanag ang balat niya. Pakiramdam ko tuloy ay isang diwata ang aking kaharap. Ibang-iba siya sa umaga, lalo na sa tanghali—mukha siyang manang.

Kabilugan ng buwan nang gabing iyon, malamig ang haplos ng hangin. Nasa kalagitnaan ako ng panaginip nang bigla na lamang makarinig ng sigaw mula sa ibaba ng bahay. Agad kong pinuntahan ang ingay, at natulala ako sa aking nasaksihan. Mistula akong nanonood ng telebisyon. Nakita ko ang mapapangasawa ko na nakahiga, tirik ang mata, magulo ang buhok, umuungol, nagwawala, sumisigaw nang malakas, at ibig kumawala sa pagkahawak ng kaniyang mga kapamilya na para bang gusto niyang lumipad.

Tila sinasapian siya ng kung anong masamang espiritu o diyablo. Pabaling-baling siya sa mga dingding at bintana, waring naghahanap ng madadaanan. Hindi naman magkamayaw ang kaniyang ina sa pagdikdik ng bawang at saka hinalo ito sa asin at sinaboy sa kaniyang katawan. Kapag natatamaan ang kaniyang balat, agad itong namamaga na para bang napaso. Lalong lumakas ang sigaw niya, na para siyang hinahagupit.

Hinawakan ng kaniyang ama ang kaniyang ulo at pilit binugahan ng hininga sa ilong. Bigla siyang tumigil sa pagwawala. Niluwagan nila ang pagkakahawak sa kaniya. Nahiga siya sa sahig nang nakadipa.

Ngunit bigla siyang bumangon at tumakbo patungo sa pintuan. Hinawakan agad ng kaniyang ama ang kaniyang beywang upang di makawala, at tuluyan nila siyang iginapos gamit ang isang lubid. Inihiga siya nila sa sahig at muling hinipan sa ilong.

Tulala pa rin ako sa nangyayari. Ibig kong humingi ng saklolo. Nakasindi pa ang ilaw ng mga kapitbahay, at naaaninag ko ang kanilang mga anino. Ngunit ang nakapagtataka, kahit tagos sa dingding ang sigaw ng mapapangasawa ko, tila wala silang naririnig. Walang ibig sumaklolo, o baka hindi na kakaiba sa kanila ang nangyayari.

Lumipas ang gabing iyon na maraming tanong sa aking utak.

Kinaumagahan, nagtanong ako sa lalaking magiging biyenan ko tungkol sa nangyari. Ang sabi niya, normal lang daw iyon. Gano’n lang daw talaga kapag may naaamoy siya at ang kaniyang mga anak na bagong dugo. Nalunok ko ang aking dila sa aking narinig.

Alam ko na ang totoong dahilan bakit labis ang pagtutol ni Ina sa pag-iibigan namin ng aking kasintahan. Hindi ito dahil magpinsan sila ng ina nito. Ito ay dahil kilala niya ang ama nito. Ayaw ni Inang makapag-asawa ako ng may lahing m’ning.

Linggo ng hapon nang dumating ang aking pamilya kasama ang isang ustadz. Nagdala sila ng maraming pagkain at isang titulo ng lupa, ang magiging mahr namin. Gusto nilang maganap ang kawing sa araw na iyon mismo upang makabalik na ako sa amin. Isang linggo na kasi akong absent at baka ma-drop na ako sa unibersidad na aking pinag-aaralan.

Subalit tumutol ang ama ng aking mapapangasawa. Ang nais niya ay pitong araw pa simula sa araw na iyo gaganapin ang kawing. Tingin ko ay dahil ayaw nitong palabasin sa kuwarto ang anak, na puno pa rin ng mga sugat at pasa dahil sa nangyari nang nakaraang gabi. Ayaw nitong magtanong ang aking pamilya at tuluyang makompirma ang matagal nang hinala ng mga tao tungkol sa kanila.

Isinama ako ng aking pamilya pauwi sa amin, ngunit hindi na kami bumalik. Hindi nagkasundo ang aking pamilya at ang pamilya ng aking mapapangasawa. Walang naganap na kawing.

Mula noon, kinatatakutan ko ang gabi.

Ang Pagkatuyo ng Lupa at Puso

Ni Mubarak Tahir
Maikling Kuwento

Unti-unti kong pinagmasdan ang sakahan. Nalungkot ako sa aking nakita. Sa kabila no’n ay nagpatuloy ako sa pagtalunton ng pilapil ng sakahan ni A’mâ habang hila-hila ko ang tali ng aming kalabaw na si Masbod. Nang mapadaan ako sa isang batis, napansin kong unti-unti nang nabibiyak ang tuyong putik nito. Ang mga damo, kangkong, at iba pang pananim ay unti-unti na ring nalalanta. Napailing ako at napabuntonghininga. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang narating ko ang isang malaking puno na unti-unti na ring nalalagas ang mga dahon. Sa lilim ng puno ay iniwan ko si Masbod na paikot-ikot na naghahanap ng mga damong makakain niya. Bahagya kong niluwangan at hinabaan ang tali niya nang marating niya ang ilang damo na papalanta na rin.

Iniwan ko si Masbod at tinungo ko ang sakahan ni A’mâ. Ang dating malaginto at luntiang palayan ay napalitan ng tuyong lupain. Wala na rin ang mga lawin sa sakahan upang manghuli ng mga dagambukid. Ang mga susô sa gilid ng pilapil ay pawang bahay na lamang ang makikita. Nang marating ko ang bakanteng sakahan, pinagmasdan ko ito. Napaupo ako sa tuyong pilapil. Napatingala ako at napaluha na lamang. Bumigat ang aking pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. Naalala ko si A’ma.

* * *

Allahu akbar, Allahu akbar!

Isang malakas na boses ang gumising sa akin. Tinig iyon ni A’ma na hudyat para magsambayang sa umaga. Inaantok at mabigat man ang buong katawan, pinilit kong bumangon, kung hindi ay isang tábô ng malamig na tubig ang tatanggapin ko mula kay A’ma. Umupo muna ako.

Alhamdulillahi ahyana ba’da ma amatana wa ilayhin nushur, bulong ko sa sarili, isang pasasalamat sa Allah para sa panibagong umaga.

Dahan-dahan kong itinali sa beywang ko ang inaul na malong upang hindi mabasa sa pag-aabdas. Gamit ang lumang bao ng niyog, sinalok ko ang tubig na mula sa lumang banga. Nang ilublob ko ang kanang kamay ko sa bao ay naramdaman ko ang lamig ng tubig. Bigla akong nahimasmasan sa pagkakaantok. Pagkatapos kong hugasan ang dalawa kong kamay ay kumuha ako ulit ng tubig. Nilanghap ko ang amoy ng tubig. Amoy malinis at preskong tubig ng balon. Nagmumog ako nang tatlong beses. Panghuli kong hinugasan ang dalawa kong paa. Nang makabalik ako sa kama kong gawa sa kawayan ay agad kong hinanap ang sajadah upang magsambayang ng sub’h.

Mababanaag na ang sikat ng araw. Dumungaw ako sa bintana, at bumungad sa akin ang silahis ng araw. Napatingala ako habang nakapikit. Marahang huminga. Pumasok sa ilong ko patungong lalamunan ang malamig na simoy ng hangin kasama ng mabangong simoy ng gintong palay na nagmumula sa sakahan.

Wata mama, ikëta ka i kabaw a, paalala ni A’ma na noo’y naglilinis ng kaniyang mga kagamitan sa pagsasaka gaya ng araro.

Uway, sagot ko.

Pumanaog ako, at pagbaba ko ay napuno ng amoy ng sibuyas at bawang na ginigisa sa lanâ a tidtô ang buong bahay. Hinanap ko si I’nâ. Abala siya sa pagsi-sinakô ng malamig na kanin.

I’nâ, masu masarap ang niluluto mo, paglalambing ko.

Napangiti si I’nâ.

Pamagayas ka den san, Wata. Sundin mo na ang utos ni A’mâ mo, ani I’nâ. Makadtanay, pag-uwi mo handa na ang tilagaran natin, dugtong pa niya.

Nagmadali akong lumabas upang dalhin sa bakanteng sakahan si Masbod upang makapanginain ito sa mayayabong na damo. Sumakay ako kay Masbod na hawak-hawak ang kaniyang tali.

Hing! Hing! Pamagayas ka, sabi ko habang ikinikiskis ko ang mga paa sa tagiliran ni Masbod upang magmadali ito. Dali na, Masbod! Uuwi pa ako para mag-almusal.

Gustuhin ko mang latiguhin si Masbod dahil sa inis sa kaniya, mas pinili kong pabayaan ito habang sumasabsab ito ng masasaganang damo sa gilid ng daan.

Nang maitali ko na ang tali ni Masbod sa isang puno, kumaripas ako ng takbo pauwi. Ilang metro na lamang ay mararating ko na ang aming bahay. Mas lalo akong nagmadali nang maamoy ko ang pinipritong tamban ni I’nâ. Halos matisod ako sa pilapil.

N’ya ako den! nakangisi kong bungad kina I’nâ at A’mâ.

Hindi pa man ako nakakaupo ay bigla akong sinita ni A’mâ. Nginan, Wata? Hindi ka ba marunong magsalam kapag papasok sa walay?

Napalunok na lamang ako at tinabihan si A’mâ. A’mâ, gusto mo gawan kita ng kape a netib? paglalambing ko sa kaniya.

Napansin kong nakatingin sa akin si I’nâ at nakangiti. Alam na alam niya kung papaano ko hulihin ang kiliti ni A’mâ.

Uway, ’wag masyadong matamis a, sagot ni A’mâ. Mas masarap pa rin ang kape a netib na medyo mapait.

Sa isang tasa na yari sa lata ay ibinuhos ko ang mainit na tubig na nasa takure na nasa abuhan. Sa isang lumang garapon, kumuha ako ng isang kutsara ng netib na kape. Nilagyan ko rin ng kalahating kutsara ng pulang asukal at saka hinalo. Binalot ng bango ng kape ang buong banggerahan. Ganito ang tamang pagtitimpla ng kape ni A’mâ. Mangiti-ngiti kong inihatid at inilagay sa kaniyang harap ang umuusok na kape. Nakita kong ngumiti siya nang masamyo ang bango ng kape. Sa wakas, napasaya ko siya sa pinakasimpleng paraan.

Nang matapos mag-almusal, kinuha ni A’mâ ang kaniyang lumang salakot na nakasabit sa dingding ng bahay. Naghanda siya upang tingnan ang kaniyang sakahan. Nalalapit na rin ang anihan.

Wata, ihanda mo ang kubong at ’yong inihanda ni I’nâ mo na nilëpët na babaon natin, utos ni A’mâ habang nirorolyo niya ang kaniyang tabako.

Mabilis kong hinanap ang kubòng. Inilagay ko na rin sa lumang supot ang nilëpët na gawa ni I’nâ.

Dinaanan namin ni A’mâ si Masbod na nagtatampisaw sa batis. Sumakay kaming dalawa kay Masbod patungong sakahan.

Wata, kapët ka, sabi ni A’mâ nang may pag-aalala.

Mahigpit akong kumapit sa beywang ni A’mâ. Nakaramdam ako ng kapanatagan at kaligtasan. Napangiti ako. Minsan pa’y inilapat ko ang aking mukha sa likod niya. Naamoy ko ang katandaan niya. Hindi amoy ng pawis kundi amoy ng sakripisyo at pagsisikap. Pagsasaka na ang kinamulatang trabaho ni A’mâ. Ito rin ang ikinabubuhay namin. Parang gulong ang pagsasaka—minsan masagana at kung minsan naman ay hindi sinisuwerte. Gayon pa man, nagpapatuloy si A’mâ. Hindi siya nagpadaig sa hamon ng buhay ng magsasaka gaya ng mga sakuna dulot ng bagyo. Kaya ganoon na lamang ang hanga ko sa kaniya.

Narating namin ang sakahan. Nadatnan din namin si Bapa Dima na nagbubungkal ng pilapil upang dumaloy ang tubig patungo sa kabilang palayan na dahan-dahan nang nawawalan ng tubig.

Kanakan den pala ang wata mo Kagi Tasil, ani ni Bapa Dima kay A’mâ.

Benal ba nagbibinata na, kaya sinasanay ko na sa mga gawain dito sa sakahan. Mabilis ang panahon ngayon. Di natin alam kung kailan natin iiwan ’tong sinasaka natin, paliwanag ni A’mâ habang nakatanaw sa kaniyang malawak na sakahan.

Nang marinig ko ang mga sinabi niya ay nakaramdam ako ng pagkalungkot sa mga oras na iyon. Hindi ko maipaliwanag, ngunit biglang sumikip ang dibdib ko. Gusto kong hawakan nang mahigpit ang mga kamay ni A’mâ.

Damangiyas ka mambu, Kagi. Huwag ka nga magbiro ng ganiyan. Syempre matagal pa ’yon, sa lakas mong ’yan, nakangiting sabi ni Bapa Dima.

Sa mga sinabi ni Bapa Dima ay nagkaroon ako ng lakas ng loob kahit papaano. Sa kabila noon ay hindi ko maiwasang hindi itago sa isipan ko ang mga binitawang salita ni A’mâ.

Iniwan namin si Bapa Dima sa kaniyang gawain. Pinuntahan at inikot namin ni A’mâ ang kaniyang sinasakang palayan. Tila inilatag na ginto ang mga butil ng palay. Ilang araw na lamang marahil ay aanihin na ito. Hinahawakan at pinagmamasdan ni A’mâ ang mga butil na aming nadaraanan. Napapangiti siya dahil masagana ang kaniyang sinasaka, hindi tulad noong nagdaang taon na hindi umabot sa tatlong sako ng palay ang kaniyang naaani dahil sa matinding insekto na sumalanta sa palayan.

Nagulat ako nang bigla akong akbayan ni A’mâ. Wata, tadëmi ka. Kahit anong yaman mo sa mundo, kung hindi ka kusang magsisikap ay mawawalan ito ng saysay. Kaya ikaw, habang bata ka pa, magsimula ka nang abutin ang mga pangarap mo. Pahalagahan mo ang bawat oras dahil ang bawat segundo, kapag dumaan, hindi mo na ito maibabalik pa, malumanay na sabi ni A’mâ habang nakatanaw sa malayo. Maliban sa pagsasaka, gusto kong makapagtapos ka ng pag-aaral mo. Mas magiging masaya kami ni I’nâ mo kung may makikita kaming nakasabit na diploma at hindi lamang mga salakot sa dingding ng bahay natin, dugtong pa niya habang nakatingin sa akin nang nakangiti.

Hindi ko alam kung papaano ko sasagutin si A’mâ. Nawalan ng lakas ang aking dila upang sabihin kung ano ang nararamdaman ko habang binibitawan niya ang mga salitang ’yon. Napakabigat. Napaiwas ako ng tingin. Huminga nang malalim at pilit na itinago sa kaniya ang pagpatak ng aking mga luha. Ayaw kong makita niya kung gaano ako kahina. Gusto kong malaman niya na nagiging matatag at malakas lamang ako kapag nandiyan siya. Inalis niya ang pagkakalapat ng kaniyang kamay sa aking balikat. Agad ko itong sinalo at mahigpit na hinawakan. Ayaw kong bumitaw sa mga kamay niya. Ilang saglit pa ay bumitaw siya sa aking mga kamay at humakbang. Hindi ko alam, ngunit nakaramdam ako ng pangungulila sa kaniya habang pinagmamasdan siyang humahakbang palayo sa akin.

* * *

Pauwi na ako. Katatapos lamang ng aking klase. Bago pa man tuluyang magdapit-hapon ay sinisikap kong makadaan sa sakahan upang tingnan ang kalagayan ng palayan ni A’mâ. Maayos naman ang palayan, kaya agad din akong umalis. Sakay ng biniling bisikleta ni A’ma, mabilis akong pumadyak lalo’t natatanaw ko na ang aming bahay, na tanging liwanag lamang ng lampara ang bumubuhay.

Habang nasa harap ako ng hagdan, bigla akong napatingala. Nakarinig ako ng mahihinang pag-iyak. Napansin ko rin ang iilang tsinelas na nasa kinatatayuan ko. Umakyat ako. Bumungad sa akin ang isang puting tela na dahan-dahang ginugupit nina Babo Taya at Babo Samira. Nakaramdam ako ng kabang hindi maipaliwanag. Sa isang silid ay nakita ko sina Bapa Dima at ilan pang tao. Hindi malinaw sa akin kung bakit wala silang imik at nakatalikod silang lahat.

Assalamu alaykom! Babo, ano’ng nangyari? tanong ko.

Napalingon sina Babo Taya, at nagkatitigan sila ng kaniyang kasama. Hindi sila makakibo. Tanging malungkot na mga titig ang kanilang tugon sa akin. Pumasok ako sa silid. Nakita ko sa isang sulok si I’nâ, humahagulgol nang patago. Agad ko siyang nilapitan at hinawakan ang magkabilang balikat. Naramdaman ko ang bigat. I’nâ? Nginan? Ano’ng nangyari?

Isang mahigpit na yakap ang itinugon ni I’nâ sa akin habang humagulgol siya. Hindi ko maintindihan ang lahat ng nangyayari. Naguluhan ako.

Minunot dën sa limo no Allah si A’mâ nëngka, mahinang sabi ni I’nâ. Kaninang tanghali, pagkatapos niyang magsambayang ng dhuh’r, bigla siyang inatake ng hayblad habang nananabako, dagdag ni I’nâ na hirap na rin sa paghinga.

Hindi ako nakapagsalita. Nanghina ako sa narinig ko. Agad kong pinuntahan ang nahihimlay na bangkay ni A’mâ. Pinagmasdan ko ang kaniyang mukha. Ngayon ko lang nakita ang maaliwalas at masaya niyang mukha. Napahagulgol na lamang ako habang yakap-yakap siya. Gusto kong sumigaw upang mailabas ang sakit na nararamdaman ko, ngunit hindi ko magawa dahil isa itong kasalanan sa Allah, kaya nauunawaan ko kung bakit walang imik ang lahat sa loob ng bahay.

Nang mapaliguan si A’mâ, muli ko siyang hinagkan at niyakap sa huling pagkakataon. Nang balutin na siya ng puting tela ay wala akong nagawa kundi maupo sa tarangkahan at di namamalayan ang pagdaloy ng aking mga luha. Dumating na ang araw na kinatatakutan ko. Ganitong-ganito ang naramdaman ko nang bitawan ni A’mâ ang aking kamay habang humahakbang siya papalayo sa akin sa sakahan. Wala na si A’mâ na nagpapalakas sa akin.

* * *

Ilang araw na lamang ay anihan na sa aming lugar. Halos lahat ay naghahanda na ng kani-kanilang kagamitan sa pag-aani. Si Bapa Dima ay nagpakanduli pa para sa masaganang ani bilang pasasalamat isang araw bago ang anihan. Hindi namin magawa ni I’nâ na magsaya sa mga panahong yaon lalo’t hindi pa umaabot ang ikaapatnapu’t araw ng pagkamatay ni A’mâ. Ngunit sinikap ko pa rin paghandaan ang pagdating ng araw ng anihan.

Madilim pa man ay nakarinig na ako ng pagragasa ng mga karosa at yapak ng mga kalabaw. Maagang pumunta sa kani-kanilang sakahan ang mga magsasaka. Kaya bumangon na lang din ako upang makapagsambayang at makapaghanda. Nang papunta ako sa banggerahan upang mag-abdas, nakita ko si I’nâ na naghahanda ng tilagaran. Hindi na siya kasinsigla noong nabubuhay pa si A’mâ. Mula nang mawala si A’mâ ay wala nang lamang kape na netib ang garapon namin. Hindi na rin siya naghahanda ng linëpët. Maraming nagbago nang maiwan kami.

Kinuha ko ang salakot na dating si A’mâ ang gumagamit. Isinakay ko na rin kay Masbod ang kagamitan sa pag-aani. Nang paalis na ako sa bahay, napansin kong may paparating sa may di kalayuan. Tumatakbo. Nang malapit na ay bumungad si Bapa Dima sa akin na hinihingal. Kamar! Kamar! Nasayang lahat, sabi nito na halos mapaluhod.

Bapa? Ano’ng ibig ni’yong sabihin? tanong ko sa kaniya.

Inatake ng mga insekto ang palayan natin! Halos wala nang natira para anihin, sagot niya.

Mabilis kong nilatigo ng tali si Masbod, at kumaripas ito ng takbo. Hindi ako makapaniwala sa ibinalita sa akin ni Bapa Dima. Habang mabilis na tumatakbo si Masbod ay naisip ko si A’mâ.

Di mapakay! Hindi maaaring masira lamang ang huling pananim ni A’mâ, bulong ko sa sarili.

Narating ko ang palayan. Nababalot ng pagkadismaya at lungkot ang kapaligiran ng mga magsasaka. Amoy na amoy ko rin ang mga insektong nanalasa sa palayan. Pinuntahan ko ang palayan ni A’mâ. Ang mga gintong butil ng palay ay nabalot ng maiitim na insekto. Naninilaw na rin ang mga berdeng dahon ng mga palay. Napaluhod na lamang ako sa aking nakita.

Ampon, A’mâ ko! Hindi ko naisalba ang inyong palayan, tanging nasabi ko habang pinagmasdan ang buong palayan.

Bago pa man magtanghali ay nagsiuwiang dismayado ang halos lahat ng magsasaka maliban kay Bapa Dima na nakatulalang nakaharap sa kaniyang palayan na maluha-luha. Bumaba ako sa pagkakasakay kay Masbod.

Matagal-tagal na naman bago tayo makakabangon nito, malungkot niyang sabi. Hindi na ’to bago sa amin. Sabi nga ni Kagi Tasil, pagsubok lamang ito sa ating mga magsasaka. Ang susuko sa hamon ay laging talo. Ang kaibahan lamang ngayon ay wala na akong karamay sa mga ganitong panahon.

Nilapitan ko si Bapa Dima. Hinawakan ko ang kaniyang balikat.

Bapa, simula ngayon ako na ang makakaramay ninyo dito sa sakahan. Ipagpapatuloy ko ang nasimulan ni A’ma habang nag-aaral, malakas na loob kong sabi kay Bapa Dima.

* * *

Bumalik lamang ang ulirat ko nang makaramdam ako ng pagpatak ng tubig sa tuyo kong balat. Napatingala ako. Isa-isang pumapatak ang ulan.

Masbod! Masbod! Bagulan! Bagulan, Masbod! masaya kong sigaw habang tumatakbo patungo kay Masbod.

Labis-labis ang saya ko sa araw na iyon. Matagal na rin naming hinihintay ang pagbagsak ng malakas na ulan sa aming sakahan. Ang mga tuyong lupain at pananim ay muling makakatikim ng tubig. Magkakaroon na rin kaming mga magsasaka ng bagong pagkakataon upang magsimulang magtanim. Ang naghihingalong mga sakahan ay muling mabubuhay, tulad ng mga puso naming tuyo na dahan-dahang mababasa ng paghilom.

Kung Di Mo Na Kaya

Ni Rustom M. Gaton
Maikling Kuwento

 

Sa unang pagkakataon, nakita kong maayos ang kuwarto ko. Nakatupi ang kumot, tama at walang yukot ang bedsheet, nakapuwesto ang mga unan. Wala na ring laman ang laundry bin, at wala ring nagkalat na damit sa itaas at ilalim ng kama.

Maging study table ko sa gilid ay nailigpit ding maigi. Nakasalansan ang mga papel, at nakasilid lahat sa garapon ang mga bolpen at lapis. Ang nakatuping papel sa gitna ng mesa ay maayos rin ang pagkapatong.

Maayos na sana lahat kung wala lang ang malamig kong katawan na nakabitay sa ceiling fan at ang nakatumbang monobloc chair sa ilalim.

Dapat talaga masaya ako ngayon eh kasi sa wakas ay naayos ko na lahat. Naiwan ko na lahat ng pagod ko. Hinihintay ko na lang ang liwanag na kukuha sa akin.

Ang tagal. Parang dinudurog ang puso ko sa paghihintay. Sino ang mag-aakala na maaari ko rin palang kaawaan ang sarili kong kalagayan?

Tinitigan ko ang nakabitay kong katawan na ngayon ay wala nang kabuhay-buhay. Ang putla na nito. Kulay kahel na rin ang mga labi nito. Gayunpaman, mukha lang mahimbing na natutulog ang bangkay. Tila ba wala itong dinadalang anumang pasanin sa buhay.

Napansin ko ang mga daliri ng katawan. B-bakit kusang gumagalaw ang mga ito? nausal ko sa aking isip, at mas lalo pang nanlaki ang mga mata ko nang makitang unti-unting nabubuo ang isang ngiti sa mga labi ng katawan. Dahan-dahan ding bumuklat ang mga mata.

Napaatras ako sa aking nakikita. Bakit nabubuhay ang aking bangkay?

Umangat ang mga kamay ng katawan at hinawakan ang taling nakapulupot sa leeg nito, pilit itong kinakalas. Maya-maya pa’y nakawala sa tali ang katawan at nahulog sa sahig.

Bumangon ang katawan. Halatang labis itong nanghihina at paminsan-minsan pang umuubo.

Kinuha nito ang nakatumbang monobloc at pinatayo sa likod ng study table. Umupo ito at sumalampak ang ulo sa mesa.

Patay na ba siya ulit? Paano nangyari ’yon? Natutulog lang ba siya? Ako pa ba ’yan? Labis akong naguguluhan habang pinagmamasdan ang katawang natutulog sa mesa. May paminsan-minsan pang pumapatak na luha sa mga mata nito.

Halos isang oras din akong naghintay bago nagising muli ang katawan. Iniangat nito ang ulo mula sa mesa at pinahiran ang mga natuyong luha. Pagkatapos dinampot nito ang nakatuping papel, na naglalaman ng isinulat kong pamamaalam.

Hawak ng dalawang kamay, binasa nito ang nakasulat. “Hindi ko pala kayang gawin ito,” sabi nito maya-maya.

Kumunot ang noo ko. Ngunit nandito ako. Nandito pa ako sa labas ng katawan ko.

Pinunit nito ang papel at itinapon sa basurahan. Tumungo ito sa aparador at kinuha ang paborito kong kulay abong jacket. Isinuot rin nito ang bunny slippers ko na pink bago tuluyang lumabas ng silid.

Naiwan sa loob ng kuwarto na naguguluhan.

“Sabi ko na eh, susuko ka rin,” narinig kong may nagsabi sa likuran ko. “Mahirap talagang kontrolin ang babaeng iyon. Masyadong matigas ang ulo.”

Kaboses ko ang nagsasalita.

Lumingon ako, at sa sobrang gulat ko, napaatras ako sa aking kinatatayuan. Isang babae ang nakatayo sa harap ko. Mata-sa-matang tumitingin ito sa akin.

Kilalang-kilala ko ang mukha niya. “B-bakit kamukha kita?” nausal ko na lamang.

“Gaya mo, minsan din akong nasa loob ng babaeng iyon,” sagot nito. “Gaya mo, nasawi rin ako.” Inangat nito ang isang kamay, at nakita kong may hiwa ito sa pulso.

“Hindi pa tayo kinukuha ng liwanag dahil hihintayin pa natin ang kamatayan niya.” Isa na namang pamilyar na boses ang nagsalita. “Hindi pa niya oras.”

Tiningnan ko ang pinanggalingan ng boses, at nakakita ako ng isa na namang babaeng kamukha ko. May butas na gawa ng bala sa noo nito. Sa likuran nito, nakatayo ang marami pang babaeng kamukha ko.

Marami na kaming sumuko?

Muwang

Ni Doren John Bernasol
Dagli

 

“’Nak, ibibigay ni sir lahat ng gusto mo,” panghihikayat ng ina. “’Yong bike, maraming chocolates, at iba pang mga laruan. May ipagyayabang ka na ulit sa mga kaklase mo. Di ba gusto mo ’yon, ’nak? Gusto mo ’yon?”

Diniinan ng ina ang hawak sa balikat ng bata. Tumango ang bata.

“Basta huwag kang iyak ha?” dagdag ng ina. “Sumunod ka lang sa gusto niya. Tulad lang ng ginawa mo dati kay sir.”

“Siya pa rin ho ba, Nay?” tanong ng bata.

“Di na, ’nak. Mas mabait ito siya. Kausapin mo. Marunong din siya ng konting Tagalog.”

Kinatok ng ina ang pinto.

Tumambad sa mag-ina ang maamong mukha ng matanda. Nakangiti. Walang balbas, puti ang buhok, at may kalakihan ang tiyan.

“Please be careful with my son, sir,” ang Ingles ng ina.

“Walang problema,” sabi ng matanda, sabay abot ng bayad. “As agreed. I added some.” Pinapapasok nito sa silid ang bata at isinara ang pinto. Umalis na ang nanay.

Umupo sa kama ang matanda at kinandong ang bata. “My dear, what’s your name?”

Di marunong mag-Ingles ang bata, pero natanong na ito sa kaniya dati. Sinagot niya ito ng buong pangalan at edad. Ito ang turo ng nanay niya. Matapos nito ay nagtanong ang bata, “Sabi ho ng nanay ko, bibilhan mo ako ng bike, chocolates, at iba pang laruan?”

“Oo naman,” sabi ng matanda. “Basta sundin mo ako.”

“Ay, hindi na lang ho ’yon.”

“Toy na lang? Tell me ano’ng toy gusto mo.”

“Puwede po bang huwag ni’yo na lang akong ibalik kina Nanay?”

Hindi tumugon ang matanda. Pinag-isipan nito ang gagawin habang akap ang bata.

Bagyo

Ni Gwyneth Joy Prado
Maikling Kuwento

Isang bagyo na naman ang namataan sa loob ng Philippine Area of Responsibility. Inaasahan na tatama ang bagyo sa ating bansa sa darating na Biyernes, Setyembre 14, 2018. Maging handa at alisto tayong lahat.

“Ale, heto po ang bayad ko para sa biskwit,” ang sabi ko sa nagtitinda, sabay abot sa kaniya ng sampung pisong barya mula sa bulsa ng luma kong paldang pang-eskwela.

“Ineng, kulang ka ng dalawang piso,” sabi ng Ale.

“Babalikan ko na lang ho mamaya,” tugon ko.

“Sige.”

Tumalikod ako at sinimulang kainin ang binili kong biskwit. May paparating na namang bagyo. Mag e-evacuate na naman kami ni Tatay neto. Binilisan ko ang lakad upang sabihin sa kaniya ang narinig kong balita.

“May bagong bagyo. Sana malakas para masuspende na naman ang klase natin. Ha-ha-ha!”

“Oo nga. Nakakatamad mag-aral. Sana nga wala tayong pasok.”

Dinig ko ang pag-uusap ng dalawang dalagang nakasalubong ko sa daan. Imbes na magalit, ipinagwalang-bahala ko na lamang ito at ipinagpatuloy ang aking paglalakad hanggang marating ang munti at tagpi-tagping barong-barong na tinitirhan namin.

Binuksan ko ang pinto. Sa lakas, muntik ko pa itong masira. Agad akong humalik sa pisngi ni Tatay. Ibinahagi ko sa kaniya ang masamang balita na aking narinig kanina. Nag-impake na rin ako kaagad upang maging handa sa parating na sakuna.

Binasag ko ang alkansiyang kawayan na limang buwan ko ring pinag-ipunan. Binilang ko ang laman at umabot ito ng P583. Bumalik ako sa tindahan. Binayaran ko ang kulang ko kanina at bumili ng mga pagkain.

Kinabukasan, pumasok pa rin ako ng paaralan kahit basang-basa ang sapatos ko. Umulan kasi ng nakaraang gabi, at may butas pa ang bubong namin. Bawat sulok ng paaralan, bukambibig ang paparating na bagyo.

“Umulan nang malakas kagabi. Sana hindi na lang tumigil nang sa gayo’y wala tayong pasok.”

“Sana bumaha hanggang bewang para masuspende ang klase.”

“Sana umabot ng isang linggo ang bagyo para isang linggo ring walang pasok.”

Kahit punong-puno na ako, ipinagwalang bahala ko na lang ang ulit ang mga naririnig ko. Hindi kasi nila naiintindihan ang kalagayan ng isang tulad ko.

Bumuhos na naman ang malakas na ulan, at heto na naman ako, tinatakpan ang mga butas ng aming bubong. Dahil sa lakas ng ulan, umidlip lang ako sandali. Malamig kasi at napakasarap matulog. ’Yon nga lang, maingay dahil sa mga kulog at patak ng ulan sa yero.

Nagising ako sa ingay na nanggagaling sa labas ng aming barong-barong. Bumaba ako ng kama at nagulat dahil lagpas beywang na pala ang tubig sa loob ng aming bahay. Napasigaw ako sa gulat. Agad ko namang hinablot ang aking bag at tumungo sa pinto ng aming barong-barong.

Pupunta na sana ako sa evacuation center nang maalala ko si Tatay. Kinuha ko ang kaniyang litrato sa itaas ng aking kabinet. Niyapos ko ito at hinalikan.

“Hinding-hindi na ulit kita bibitawan sa mga ganitong sakuna, Tay,” bulong ko sa litrato, at sabay naming sinuong ang malakas na hampas ng ulan, ihip ng hangin, at lagpas beywang na baha sa gitna ng gabi.