Ni Marvin Ric Mendoza Esteban
Fiction
“Sanggali, sanggalo. Sanggalo, sanggali.”
Hawak ng isang maugat, mabuto, at kulu-kulubot na kamay ang aking tiyan noon. Sa pagkakaalaala ko ay Sabado iyon, walang pasok.
Basta’t walang pasok sa eskuwela, umaakyat kaming magkakaibigan sa mga puno ng bayabas, aratiles, o mangga. Kung hindi naman, nagtatampisaw kami sa mababaw na ilog na di kalayuan sa bahay. Lagi naman akong pinaalalahanan ng aking ina na mag-ingat at baka raw mapagdiskitahan kami ng mga maligno at elementong hindi nakikita. Ang tawag ng matatanda sa naturang parusa ay buyag. At dahil likas na yata sa bata ang sumuway, tumakas ako minsan.
Nang umuwi na, nakaramdam ako ng kakaiba sa aking tiyan. Parang kinukurot ang aking bituka sa umpisa hanggang sa sobrang sakit na. Halos hindi ko na noon maituwid ang aking pagtindig.
Sa sandaling iyon, ewan ko ba sa pagkakataon, naroon ang lola ko sa tuhod na ayon kay Nanay ay mahusay na manggagamot.
Habang namimilipit ako sa sakit, hinawakan ni Lola ang aking tiyan. Pinisil niya ang pusod ko at saka idiniin. Tiningnan ko ang mukha niya, at napako ang aking paningin sa kaniyang bibig. At nakita kong bumulong siya ng mga salitang ni isa man ay wala akong maintindihan.
“Sanggali, sanggalo. Sanggalo, sanggali.”
Kuwento ni Nanay, isa si Lola sa mga hinahangaang albularyo sa Sitio Kulambog sa Lebak, Sultan Kudarat. Halos araw-araw daw sa kaniyang dampa ay may bumibisitang mga may sakit na nagbabaka-sakaling gumaling—mga inatake ng highblood at na-stroke, mga may sakit sa balat, mga nilalagnat o giniginaw, at mga kinulam o binarang. Kahit may kalayuan ang bahay ni Lola at may ospital naman sa sentro ng bayan, pinupuntahan pa rin siya. Mas pinipili ng mga tao na mahirapang umakyat sa matarik na bundok at maglakad nang humigit-kumulang apat na kilometro para lamang sa kagalingan.
Madalas ding nagdadala ng alay ang mga tao kapalit ng inaasahan nilang paggaling. Dumami nga raw ang mga manok at kambing sa bakuran ni Lola dahil dito. Kung minsan naman, pera ang iniiwan ng mga tao sa hagdan bago sila tuluyang umalis. Hindi ko na itinanong pa kay Nanay kung saan napupunta ang mga iyon.
Pinitik ni Lola ang tiyan ko nang pitong beses, paikot sa aking pusod. Bawat pitik niya ay tila pagpapalayas sa sakit na aking nararamdaman. Pagkatapos, bumulong siyang muli at lumura ng laway na kulay dilaw. Humikab din siya at umiling na tila nasasaktan. Parang hinihigop ng katawan niya ang sakit na mula sa aking tiyan.
Hindi ako makapaniwala dahil pagkalipas ng ilang sandali, unti-unting nawala ang kirot ng aking tiyan. Nawala ang sakit kahit wala akong gamot na ininom. Habang tulala, humanga ang aking puso sa isang kapangyarihang bumalot sa pananampalatayang noon ko lang din nakilala.
Ayaw ko sanang maniwala lalo pa’t napanood ko ang pelikula ni Nora Aunor na Himala, at tandang-tanda ko pa nang sabihin niyang, “Walang himala! Hindi totoong may himala. Tayo ang gumagawa ng himala. Tayo ang gumagawa ng mga sumpa!” Pagkatapos noon ay binaril siya.
Sa TV ko unang nasaksihan ang pagbubulgar na ngayon ko lang lubusang inuunawa. Kung tama si Nora Aunor na walang himala, paano ako gumaling? At kung totoo ang himala, bakit may mga ginagamot ding hindi gumagaling?
Ngayon, makalipas ang labinlimang taon, hindi pa rin nawawala sa isipan ko ang pangyayaring nagbukas sa akin sa malawak na katotohanang sinusubukang pasinungalingan at ipaliwanag ng mga eksperto na maaari din namang kasinungalingang nagmukhang totoo lamang sa tulad kong nakaranas ng hiwaga at kababalaghan.
Naalaala ko ang pangyayaring iyon habang nanonood ako sa YouTube ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho. Tungkol ang episode sa isang babaeng gumagamot sa Iloilo na tinatawag na manugbutbot. Nakakukuha siya ng mga bato sa katawan ng ginagamot gamit ang damong plagtiki. Dinarayo rin siya ng mga tao sa kanilang bayan dahil sa mga testimonya ng mga gumaling.
Pero natuklasan sa bandang wakas ng videona dinadaya niya lang pala ang paningin ng mga tao. Hindi totoong galing sa katawan ng mga ginagamot ang mga bato. Iniitsa ito ng isa niyang kamay. Nahagip ito ng kamera kaya hindi na siya makapagkaila. Pero ang mga taong minsang napagaling ay patuloy ang pagtitiwala sa babae.
Bunsod nito, naisip kong marahil ay maaari nga tayong mapagaling ng ating paniniwala. “It is a matter of faith,” sabi nga nila. Kung gusto nating gumaling, maniwala tayong gagaling tayo, at gagaling nga tayo. Pero ang tanong, Sino o ano ang magpapagaling? Ang kapangyarihan sa likod ng pagpapagaling ay hindi na natin malalaman dahil sekreto ito ng kalikasan. Gusto mang ipaalam ng kalikasan, hindi puwede dahil sekreto nga, at sa palagay ko ay hindi ito mahahagip ng kamera kahit kailan.
Lahat ng mga bagay ay pilit na ipinaliliwanag ng siyensiya, mula sa pagkakabuo ng tao hanggang sa bakit namamatay ang tao. Pero may mga pagkakataong puwang ang kasagutan sa mga tanong at tanging puso ng tao ang mag-uutos sa isip kung alin ang dapat paniwalaan. Hindi na nakapagtataka kung wala nang malignong kikilalanin ang susunod na henerasyon dahil na rin sa mga pagbubulgar na ginagawa ng mga siyentista (at pagbubulgar din pala ng Kapuso Mo, Jessica Soho na kada Linggo ay may episode na mahiwaga).
Puno ng hiwaga ang mundo. Nagkakasakit ang malulusog at gumagaling ang mga masakitin. Humahaba ang buhay ng matatanda, at may mga batang hindi na inaabot ng pagtanda. Gumaganda ang mga pangit at pumapangit ang magaganda. Kung isipin natin, hindi na ito hiwaga. Katotohanan na ito.
Samakatuwid, ang hiwaga ay katotohanan at ang katotohanan ay hiwaga. May mga nangyayari sa mundo na kahit hindi naipaliliwanag ay totoo. Patunay lamang ito na hindi lahat ng katotohanan ay dapat ipaliwanag.
“Sanggali, sanggalo. Sanggalo, sanggali.” Hanggang ngayon ay sinasaliksik ko ang ibig sabihin ng mga salitang ito. May mga orasyon na isinasambit ang mga manggagamot sa baryo o tinatawag na albularyo. Hindi nga lang naiintindihan dahil “gift” daw ang pagkakaroon nito. At madalas, ipinamamana pa ito. Sa kaso ko, gumaling ang sakit ng aking tiyan dahil sa orasyon—talagang hiwaga. Pero mas hiwaga sana kung nalaman ko kung paano manahin ang “gift” na iyon.
Ngayong panahon, sa tuwing nagkakasakit ako, sa ospital na ako pumupunta. Pero minsan, kapag sabay na sumasakit ang aking tiyan at bulsa, naaalaala ko ang lola ko sa tuhod at ang kaniyang mga bulong.