Si Nene at Ako sa Pagitan ng Gabi at Liwanag

By Estrella Taño Golingay

(Ang tulang ito ay nanalo ng unang gantimpala noong 1994 sa patimpalak ng Home Life magazine.)

Hatinggabi na, Nene
Hindi ka pa natutulog
Baka ka mabingi
Sa bulungan ng gabi
At ng mga lamok
Tingnan mo’t manhid na
Itong aking mundo
Pagod na rin ang utak ko
Sa kahahawak sa guniguni mo
At kasasagot sa mga tanong mo
Makulit kang talaga
Tama na sabi ’yang mga haplos mo
Sa kaluluwa ko
At baka makalimutan na
Hugis ng aking mundo
Hindi mo ba nakikita?
Ayan at nakakulong na
Sa mga saknong na itinanim ko
Matitinis na hagikhik mo
At mabibilog mong mata
Pumikit ka na
At baka magising sila
Hayaan mo’t bukas ay dadalawin ka
At hahatdan ng mga bulaklak
Kaya, matulog ka na, anak
At sa lamig ng tulugan mo’y dalhin
Ang init ng hatinggabi ko
Sa pisngi ko’y nag-uunahan

Hatinggabi na nga pala
Sana, sana’y antukin na ako

Advertisements