Issue 2 Introduction

Tagpuan ng sari-sari ang lupain ng Cotabato. Kung susundan, halimbawa, ang pagsasatao ng rehiyon, matutunghayang unang nanirahan ang mga Blaan, Tboli, Manobo, at iba pang katutubòng tinatawag na ngayon bílang ang mga Lumad, kasáma ng mga Meranaw, Magindanawon, at iba pang pangkating nananalig sa Islam. Wala pang Filipinas noon, at malayang nakikipag-ugnayan ang mga tao sa rehiyon sa iba pang pangkat sa karatig na mga “bansa.” Mayroon namang mga naging paglusob at pagdalaw ang mga Espanyol ngunit hindi nila naipalaganap ang kanilang gahum sa rehiyon. Ang kasunod nang naging malakihang paggalaw ay ang pagdagsa ng mga migrante mula sa Luzon at Visayas tungo sa Mindanaw, na tinawag ng pamahalaan noon bílang ang “Lupain ng Pangako.” Ay, hindi ba’t kalasangan at alikabok ng Dust-diangas ang bumungad sa kanilang pagdating?

Hindi nakapagtatakang nagbubunga ang mga serye ng paggalaw ng mga tao, at maging ng mga ideya at pananaw, ng mga pagitan, pagsáma-sáma, kasalimuotan, at mga bagong kakanyahan—lahat sabay-sabay na nahubog at patuloy na hinuhubog sa rabaw ng Cotabato.

settlement-matutum

Isa sa mga unang bahay ng mga migrante sa rehiyon. Mula sa ‘The Tuna Country at the Southern Edge of Mindanao: 1939-2000’ ni Andrea Villano-Campado, Ph.D.

Sa isyung ito, muli táyong dudungaw sa pagkasari-sari ng rehiyong ito sa pamamagitan ng pagtatampok ng mga akda mula sa iba’t ibang yugto ng paglikha ng panitikan sa rehiyon. Pinakauna na rito si Rita Gadi, na bagaman kasalukuyang naninirahan sa labas ng rehiyon, ay lagi’t laging umuugat sa lungsod ng Kidapawan sa lalawigan ng (Hilagang) Cotabato. Sa isyung ito, mapapansing saligan ng kaniyang mga tula, na kinilala sa Palanca Awards noong 1964, ang pananalig/pagsandig sa relihiyon.  Isa namang dayo mula sa Kabisayaan si Generoso Opulencia at namamalagi na ngayon sa Koronadal. Pinarangalan sa Home Life Poetry Contest noong 1999 at 2000 ang kaniyang mga tula, na mga ehemplo ng kahusayan sa masining na paglalarawan. Noong 1994 naman kinilala sa parehong patimpalak ang tula ni Estrella Golingay, na isang retiradong propesor mula sa Surallah sa lalawigan ng Timog Cotabato. Bagabag at lambing ang inuusal ng persona sa kaniyang tula upang mapahimbing ang anak. Silang tatlo, kasáma ng mga naitampok na at itatampok pa sa journal na ito, ang mga ‘magulang’ ng panitikan sa rehiyon.

Kabilang din sa isyung ito ang mga makabagong tinig sa panulat. Nariyan ang kuwento ni Prescilla Dorado, na mula sa dakbayan ng General Santos at nag-aral ng malikhaing pagsulat sa Davao. Mabisa niyang kinasangkapan ang kuwentong ito upang magparamdam ng kaba, tákot, pag-asa(m), at pagkamulat ng mga batà. Mga kuwento at tulang hugot naman ang inihahandog nina Jude Ortega at Alvin Pomperada. Mula si Ortega sa Sultan Kudarat at kilalá nang manunulat sa bansa at tagapagtaguyod ng panitikan ng rehiyon ng Cotabato. Natatangi ang isang akda niya rito dahil sa paggamit ng baryasyon ng Filipino sa kanilang lugar. At mula rin si Pomperada sa General Santos at kilalá sa mga pagtatanghal niya ng spoken word. Tulad ng marami niyang tula, humuhugot ng talinghaga ang mga tula niya sa isyung ito sa kakanyahang Filipino.

Iba’t ibang wika, lugar, anyo, estilo, damdamin, pananaw, pagkatao…

Wala bang nagbubuklod sa mga ito? Walang maipapangako ang isyung ito. Marahil, mayroon kang makita, ngunit hindi ba’t hindi lagi’t laging mahalaga na mayroong nagbubuklod? Tiyak lámang sa mga akda rito ang sari-sari—ang katotohanang nananalaytay sa búhay ng mga táong kinikilála ang Cotabato na kanilang tahanan.

Advertisement