By Rio Alma
Poetry
Bahagi ang akdang ito ng librong Hulíng Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas Kong Mahal, na inilathala ng C&E Publishing, Inc. noong 2009.
Isang proposisyon ang bawat taluktok túngo sa paglilimayon—
Walang-hanggan at walang-hanggahan—ng bagwis at simoy;
Isang pagsamba sa maharlikang pag-iisa ng gagamba;
Isang pagtamasa sa hamog at alige ng pihikang asoge’t asupre
Sa ibabaw ng mga tunggalian at alingawngaw ng bayan,
Sa lilim ng laging-lungting ligaya’t mga eternal na kariktan.
Hindi maimamatwid ang mga ngipin ng bangin sa paligid
O gilagid ito ng matalahib na lalamunan ng bulkan.
Walang-kapalit ang sansaglit na silakbo ng tilin at utong.
Maganap man ito sa Mayon, Apo, Banahaw, Isarog, Kanlaon,
Sa tag-ulan o tag-araw, sa umaga, tanghali, o takipsilim,
At dumatal na pagkakataon pagkatapos makipagmook,
Tiyak na ikasisiyá ng hininga ang haplos sa pilikmata,
Ang kandungang sintarik ng mga una’t sinaunang pithaya.
Ito ang lunggati ng korales paghawi sa buhok ng dagat.
Ang mithi ng tore. Ang pangarap na puntod sa bahay ng pagong.
Inihahandog ngayon ang bítag sa kilay ng zigzag at ziggurat.
Ang langaw sa tangos ng ilong. Ang túlog ng tutubi sa duklay.
Laging nása tugatong ang trono. Nagpapataasan ang piramide,
Palasyo’t gusali upang ipagmalaki ang pangalan ng tagumpay.
Upang tingalain. Upang maibukod ang iilang anak ng diyos
Sa maraming maralita’t may karaniwang rabaw ng pakiramdam.
Inihahandog din ngayon ang laya sa pakpak ng paruparo,
Nakatirik sa tilos ng samyo’t talulot, tiwalig sa buhawi ng mundo.
Ritwal ito ng pagkitil sa sirena at regular na repertory ng relo,
Ng payapang pagpuksa sa kaliit-liitang butil ng alabok sa litid at atay.
Ngunit iba ba ang kidlat ng liwanag sa Bundok ng Bungo
Kaysa bahaghari ng pitóng silahis sa ilalim ng Piedras Platas?
Bakit kailangang sundan ang bakás ng umakyat na ulap?
Paimbulog din ang landas ng maitim na usok.
Higit bang banal ang pag-ilanglang sa halimuyak ng ilang-ilang
Kaysa putikang pag-aabang sa dukhang mutya ng saging?
Bawal mag-usisa. Malimit nililingon ang sinulid ng kasaysayan
Sa loob ng laberintong tigib sa sampung libong pusang itim.
Ang tugatog, estasyon din ito ng isang pulgasin at ulyaning áso—
Matapat na tanod sa pintong ipinid-ibukás ng halay ng hangin.
Tingnan, sumusupling ang disyerto sa anino ng bawat piramide;
Ngunit sinisilaw ng sariling ningning ang nása taluktok.
At tingnan pa, bumababâ mula sa langit at bundok ang tubig
Upang magdulot ng katarungan sa lahat:
Sa lahat ng hikahos na sulok at makirot na himagsik ng bukid,
At kahit sa lawas ng mga mangmang at ilahas na damdamin.