Haram

Ni Doren John Bernasol
Dula

Tauhan

OMAR 1 – Omar sa entablado. Ang Omar isang taon na ang nakaraan. May katamtamang taas, makisig ang postura, nakasalamin, at may balabal sa leeg. May kasungitan, malalim ang boses, at may hinhin ang kilos.

OMAR 2 – Omar sa restawran. Ang kasalukuyang Omar. Nakasalamin pa rin at may balabal sa leeg. May maliit na pilat sa kaliwang pisngi, nagkabalbas nang kaunti pagkalipas ng isang taon. Mahinahon ang dating pero bigay todo kung tumula.

MACMAC – Mahusay na aktor na matalik na kaibigan ni Omar. Masayahing tao. May pagtingin kay Jane.

JANE – Isa ring baguhang artista na nakatuluyan ni Macmac. Naging malapit sa dalawang magkaibigan. Mahinhing dalaga.

SOL – Sekretarya ni Omar. May pagtingin sa direktor at medyo maharot ang kilos kapag kasama si Omar.

Tagpuan

Restawran – Dito kasalukuyang nagpe-perform ng spoken poetry si Omar

Entabladong panteatro – Pinapasukan ng tatlong tauhan bilang manunulat at mga artista

Blangkong silid – Ganapan ng monologo

Hiwalay sa entabladong may tabing ang isang maliit na entabladong may mikropono. Ito ang restawrang tanghalan ng spoken poetry. Ang tagapanood ay tila mga tao sa loob ng restawran na naghihintay ng pagtatanghal. Tahimik at madilim ang silid. Sarado ang tabing. Aakyat si Omar 2 sa de-mikroponong entablado. Tututukan siya ng medyo maparam na ilaw, at ite-test niya ang mikropono.

OMAR 2: Magtatalumpati ho ako’t hindi tutula. (Ngingiti.) Di tulad ng dati, di tulad noon. Magtatalumpati ako kahit na alam kong giliw na giliw ka sa mga taludtod na hinango mula pa rito. (Ilalagay ang kamay sa dibdib.) Pero lahat ay wala na. Ayaw ko nang tumula. Ayaw ko nang lumuha. Ayaw ko nang maniwala. (Yuyuko.)

Paglalahuan ng ilaw si Omar 2.

Bubukas ang tabing sa mas malawak na entablado, kung saan nagsasanay si Omar 1 at Macmac para sa isang dulang itatanghal. May hawak na iskrip si Omar 1 at tinuturuan si Macmac kung paano ito iarte.

MACMAC: Kailan ba makakamtan ang pangako mong payapang bayan, Jose?

OMAR 1: Konting emosyon pa, ’tol. (Aakbayan si Macmac.) Siguro pagod lang ’yan. Inaantok ka ba? (Sisigaw sa mga staff) Water break muna!

Aabutan ng tubig ang dalawa. Tatalakayin nila ang tungkol sa audition ng kukuning leading lady ni Macmac.

OMAR 1: Sasama ka ba sa pagpili ng kapareha mo?

MACMAC: Hindi na siguro. Kailangan ko pang kabisaduhin itong iskrip mo eh. Tiwala naman ako sa ’yo pagdating sa mga chick, p’re.

OMAR 1: Huwag mo nga akong igaya sa ’yo. Porke gwapo mabilis magpalit. Di tulad ko. Banayad magmahal.

Aakmang nabulunan sa iniinom na tubig si Macmac.

MACMAC: Bakit, nagkajowa ka na? Sus, sayang ang tamis ng dila mo sa pambobola dahil hanggang iskrip ka lang. Tatalab pa rin kaya ’yan sa babae?

Hindi papansinin ang sinabi ni Macmac at aalis ng entablado si Omar 1.

MACMAC: Kaya hindi ka magkajowa kasi ang suplado mo. Bitter!

Lalabas si Macmac sa salungat na direksyon.

Magdidilim. Magsasara ang tabing. Mahinang sisingit ang isang tugtog at mawawala rin agad. Iilaw sa entablado ng restawran.

OMAR 2: Haram. Ito ay salitang Muslim na ang ibig sabihin ay bawal. Pero ang iyong puso ba ay tatagal? Sa dinami-raming bawal, hangal, puso mo ba ay susugal?

Bawal ang titigan ka lang dahil maraming mga mata.

Bawal ang magtapat dahil alam kong ako’y idudura, ipagwawalang-bahala.

Bawal magmahal, bawal kang akapin, lalong bawal kang isiping.

O para lang itong baso na nakatikim ng halik ng nalasing ay nabuwal. Tulad ng puso ko na nabasag, naging bubog. Sinubukan kong pulutin. Ako’y nasusog. Ako’y wasak.

Sabay ng paglaho ng ilaw kay Omar 2 ay dagling sisingit ang tugtog. Pagbukas ng tabing ay titigil rin ito agad.

May isang audition na nagaganap. Si Omar 1 ay makikitang nakadekuwatro at may hawak na iskrip. Sa gilid niya ay sekretaryang nagbibigay ng panuto sa lahat ng auditionee.

Tatlong babae ang dadaan at wala siyang mapili.

Mapapagod si Omar 1 at hihingi ng break.

SOL: Sir, ano po ba talaga ang hinahanap mo? ’Yong tatlo maganda, matalino, at may talento pa!

OMAR 1: Pero kasi parang kulang sila eh.

Tutugtog ang isang instrumental na love song.

OMAR 1: Hindi lang maganda, matalino, o talentado. Naghahanap ako ng hinhin, ng hiya, ng may malakas na dating. ’Yong sa mata pa lang, mala-anghel na. Tipong kakikiligan ang kaniyang mga ngiti.

Magpapa-cute si Sol habang iniisa-isa ni Omar 1 ang katangian ng hinahanap niyang leading lady.

OMAR 1: Sol? Sige na. Resume na tayo.

Papasok si Jane na tila nahihiya.

Magaganap ang audition. Papalakpak si Omar 1 pagkatapos.

OMAR 1: Tapos na! Sol, pauwiin mo na ang iba. May napili na tayo.

Lalabas si Sol at maiiwan si Omar 1 at Jane. Magkakamay sila at maginoong babatiin ni Omar 1 si Jane.

OMAR 1: Sa totoo lang, itong audition namin ay hindi paghahanap ng perpektong babae para sa bakanteng role. Kasi . . . naghintay ako ng tamang babae. Naghintay ako na dumating ka.

Biglang tutugtog at biglang titigil din.

OMAR 1: Ako nga pala si Omar, ang direktor at writer na rin.

Mamatay ang ilaw.

Pagbalik ng ilaw, nasa entablado pa rin sina Omar 1 at Jane, masayang nagkukuwentuhan.

OMAR 1: Ang gagampanang mong papel ay si Clara. Siya ay kasintahan ng bidang si Andoy. Ang eksena mo ay magsisimula sa kalagitnaan ng kuwento. Sila pala ang ibang bumubuo sa cast. (Ituturo ang iba pang kasamahan.) Ito pala ang magiging kapares mo, ang— (Matitigilan.)

Makikipagkamay si Macmac kay Jane na tila nabibighani.

MACMAC: Ako nga pala si Macmac, o Andoy sa mga karakter. (Bibitiw sa pakikipagkamay.) Ako ang kasintahan mo rito—magiging kasintahan mo. (Ngingiti nang malandi.)

JANE: Ha? Kasintahan?

MACMAC: Sa iskrip siyempre. Pero . . . ikaw. He-he.

JANE: Ahh . . . Marunong ka ha. (Matatawa.)

Lalapit si Omar 1 na suplado ang mukha. Aabutan ng iskrip si Jane.

OMAR 1: Oh, ito ’yong papel mo. Madaliin mong kabisaduhin ’yan ha?

JANE: Ikaw ba talaga ang sumulat nito? (Sinusuri ang iskrip)

OMAR 1: Oo. Bakit?

JANE: Ang galing mo naman.

OMAR 1: Di naman masyado. Ako na rin ang direktor nito kasi mahirap nang maghanap pa. Makakasundo sa una, mag-aaway rin kalaunan. Tapos maghihiwalay. (Bubuntong-hininga.) Kaya nga nasanay na ako ritong mamahala nang mag-isa. Pero nice working with you.

JANE: Ako rin. Willing ako ng kahit na ano basta ikasasaya mo, boss. (May inihabol na malagkit na tingin kay Omar 1.)

OMAR 1: Talaga? Kahit na ano?

JANE: Oo naman. Kahit na ano basta ikagaganda ng play.

OMAR 1: Ahhh, OK.

JANE: Bakit pala?

OMAR 1: Wala. Basahin mo na lang ’yan.

JANE: Pero hanga ako sa ’yo, boss, kasi mahilig din ako sa mga tula. Nagsusulat ka rin ba no’n?

Sisingit si Macmac sa usapan.

MACMAC: Ahhm, Jane, gusto mo ipraktis na agad natin ’yan?

JANE: O sige. ’Yong may drama agad.

Lalabas ng entablado si Omar 1. Magsasanay ang dalawang artista. Konting lapat ng musika. Magtatawanan at maghaharutan sila. Maglalaho ang ilaw, at magsasara ang kurtina. Patuloy lang sa pagtugtog ang musika.

Matutuon ang ilaw sa restawran. Hihinto ang musika.

OMAR 2: Pero pinulot ko pa rin kasi umaasa ako na puwede pang ayusin. Ibalik sana sa dati. Dating halik, dating tamis, dating lambing, himbing, at dating akin. Pero sa halip na maayos, napuwing pa ako. Kahit na masakit, nakalimutan kong pumikit. Naluha ako hindi sa sakit ng mata, kirot ng daliri, kundi sa hapdi ng puso. Nang napuwing ako, nakalimutan kong pumikit.

Babalik ang ilaw sa malapad na entablado. May marahang tugtog ng musika. Pagbukas ng tabing, makikita sa gitna si Jane na nakaluhod at mahigpit na yakap ang binti ni Macmac. Ilang sandali pa ay binitawan nila ang yapos na iyon. Magkahawak-kamay silang mag-uusap.

JANE: Andoy, ipangako mong babalik ka.

MACMAC: (Hahawiin ang buhok sa mukha ni Jane patungo sa tainga.) Pangako ’yan, Clara. Babalik ako rito nang buo.  Mahintay mo sana ako.

JANE: Oo. At walang sandali ng buhay ko na hindi ka iisipin, Andoy.

Yayakapin ni Macmac si Jane at magpapatuloy pagkatapos.

MACMAC: Pakakasalan kita pagbalik ko.

JANE: Kahit saang simbahan, Andoy.

Hahawakan ni Macmac ang pisngi ni Jane at mag-iiyakan sila. Dahan-dahang maglalapit ang labi ng dalawa. Padabog na lalapit si Omar 1.

OMAR 1: Ano ba! Ginagalang ko ang ad lib ninyo, pero pwede bang igalang ni’yo rin ang iskrip ko? An’daming walang nabigkas na linya oh. Nagmamadali ba kayong maghalikan? Magsabi lang kayo.

Hihilingin ni Macmac kay Jane na umalis muna ito. Lalabas si Jane.

MACMAC: ’Tol, sorry naman oh. Medyo nadala lang ako. Binuhos ko kasi ang emosyon ko para do’n. Ang . . . ang totoo kasi, ’tol, gusto ko na agad si Jane. OK lang ba sa ’yo?

OMAR 1: (May pagkailang) Oo. Wala namang problema do’n. Una pa lang, halata na kita. Ang akin lang sana, propesyunal lang tayo rito sa stage.

MACMAC: Alam mo na pala. Kung ligawan ko kaya siya, ’tol? Kaya lang . . . Wala ka bang gusto kay Jane?

OMAR 1: Sus! Wala, ’tol. Alam mo naman priorities ko, di ba? Saka na lang ang lovelife lovelife na ’yan. Bawal sa amin sa Islam, ’tol, na mag-asawa ng hindi namin karelihiyon. Haram ang tawag diyan, kaya ’wag ka nang magtaka kung pihikan ako.

MACMAC: So tutulungan mo akong manligaw? Sige na. Sumuporta ka naman sa best friend mo.

OMAR 1: Bakit? Sigurado ka na ba talaga sa kanya? Baka iiwan mo rin lang.

MACMAC: Ngayon lang ako nagkandarapa sa babae nang ganito, iiwanan ko pa?

OMAR 1: Sige. Galingan mo riyan sa eksena ni’yo. Tuturuan kitang tumula. Alam ko mga hilig niya.

Tuwang-tuwa si Macmac. Sabay silang lalabas sa entablado. Magsasara ang tabing at didilim.

Bibigkas ng tula si Omar 2, at unti-unti siyang iilawan.

OMAR 2: Nakalimutan kong pumikit nang magkakilala tayo. Ni kisapmata ay kinalimutan ko.

Nakalimutan kong pumikit nang ako’y unang kinausap mo. Ngingiti-ngiti ako sa pagkukuwento kahit ano. Kahit magulo.

Nakalimutan kong pumikit nang nagkasundo tayo. Lunok ako nang lunok ng laway para tumino.

Nakalimutan kong pumikit nang isang beses nagtagpo ang ating mga mata na tila nagpapaliwanag ng ano’ng mayroon ka.

Nakalimutan kong pumikit nang tuluyan akong nahulog sa iyo, nang inakala kong buo itong puso.

Pero bago pa man nahugot ang puso rito sa dibdib, inunahan na ako ng lungkot, at lahat ay pumait . . .

Biglang dilim. May nangingibabaw na boses na tumutula. Makikita mula sa dahan-dahang pagbukas ng kurtina si Omar 1 na nagtuturo ng pagbigkas ng tula kay Macmac para ipagmayabang kay Jane.

May mahinang tugtog at maliwanag na ilaw kay Macmac.

MACMAC: Paraluman, sa aking paggising

Ngiti mo’y ibinabalik ako sa paghimbing.

Batid mo kaya aking daing?

Habambuhay nawa ika’y kapiling.

OMAR 1: Basta damhin mo lang na parang ang bawat salita ay sa ’yo. Tapos konting pikit. Lasapin mo ito nang dahan-dahan.

Itutuon ang ilaw kay Omar 1. Didilim ang paligid, at tutula siya nang malakas. May kasabay pang hampas ng kamay at kaunting kumpas na rin.

Habang binibigkas ni Omar 1 ang tula, nili-lip sync ito ni Macmac sa harap ni Jane sa kabilang sulok ng entablado.

OMAR 1: Paraluman, sa aking paggising

Ngiti mo’y ibinabalik ako sa paghimbing.

Batid mo kaya aking daing?

Habambuhay nawa ika’y kapiling.

Kinikilig na papalakpak si Jane. Maiiwang mag-isa at nakatunganga si Omar 1, tinititigan ang dalawa. Iiling-iling si Omar 1 at lalabas sa eksena. Pupunta sa gitna ang dalawa.

MACMAC: Una pa lang tayong nagkita, Jane, naging magaan na agad ang loob ko sa ’yo. Minsan lang naman akong dapuan ng ganitong damdamin, kaya sasagarin ko na. Jane, aking Clara, mahal kita. (Hahawakan ang kamay ni Jane.)

JANE: Alam ko. At naghihintay lang naman talaga ako. Oo, Macmac, aking Andoy, mahal din kita.

Matutuwa si Macmac at yayakapin nang mahigpit ang kapareha. Magsasara ang tabing at magbubukas.

Magkayakap pa rin ang dalawa subalit iba na ang suot. Nagtatanghal na sila ng dula.

MACMAC: Mahal kita, Clara.

JANE: Mahal din kita, Andoy.

Magpapalakpakan. Tatawagin ang iba pang cast ng dula. Huling tatawagin si Omar 1. Papagitnaan ng dalawang lalaki si Jane.

Pahihintuan ni Macmac ang lahat at kukunin ang kanilang ng atensiyon.

MACMAC: Nais ko pong ipaalam sa lahat na ako at ang leading lady kong si Jane ay ikakasal na. Totoo ito at hindi arte lang. Sabik na akong makapiling at maging katuwang siya habambuhay. Imbitado ho ang lahat. Direk, ’tol, best man ka ha?

Tatango lamang si Omar 1 at babatiin ang kaibigan. Kinikilig na mag-uusap ang iba pang tao. Isa-isa silang lalabas hanggang si Omar 1 na lang ang matitira.

OMAR 1: Nang malaman kong mayroon ka nang iba, na kayo na, nakalimutan kong pumikit.

Nakalimutan kong pumikit, maging ang huminga, nang sinabi mong, “Best, kami na.”

Nakalimutan kong pumikit, maging ang lamig at tigas ng sahig, ang alak, ang pait. Bakit?

Lalabas si Omar 1 na umiiyak, at papasok ulit siya na may bote ng alak sa kaliwang kamay, paluray-luray hanggang sa gitna. Sasandal siya sa pader. Tutugtog ang kantang “Ikakasal Ka Na.”

Lalabas sa projector ang mga larawang kuha nina Macmac at Jane bilang magkasintahan. Sasayaw ang isang pares ng contemporary dance na naaayon sa tugtog habang sawing-sawi si Omar 1.

Isasara ang tabing. Balik ang tagpuan sa restawran. Magpapatuloy sa pagtula si Omar 2.

OMAR 2: Tulad ng mga bote ng alak na katabi ko noong gabing ikinakasal kayo—nagkita sa altar, nagbanggit ng pangako at dasal. An’saya. Parang fairy tale na meant to be. Best wishes.

Walang mag-aakala, walang mag-iisip na may taong sawi, pusong sira. Buti pa nga rito sa entablado, malaya akong magsabi nito . . .

Mahal kita. Mahal kita . . . Mahal kita, putang ina! Paano ako? Mahal kita, paano ako? Mahal kita, pero nakikita kong kayo. Mahal kita, pero haram na maging tayo.

Didilim. Tutugtog ang isang recording.

Kriiiing . . . kriiiing . . .

OMAR 1: Hello? Jane? Si Omar ito.

JANE: Oh, Omar, kumusta ka na? An’tagal nang hindi ka nagparamdam ah? Nagtaka nga rin si Macmac eh.

OMAR 1: Mangingibang-bansa na ako, Jane. Sa huling beses sana, puwede ba tayong magkita? May ipagtatapat lang ako.

JANE: (Pabulong) Ha? Sige, pero i-text mo na lang saan at kailan. Baka marinig tayo ng asawa ko.

Toot!

Bubukas ang tabing. Makikita si Jane hawak ang shoulder bag at nagmamadali. Tatawid siya sa kabilang dulo ng entablado. Nakasunod si Macmac sa kaniya na tila nagdurusa.

Didilim at babalik ang ilaw.

Makikita si Omar 1 na naghihintay kay Jane. Sabik na magyayakapan ang dalawa. Tatanungin ni Jane si Omar 1 kung bakit matagal itong hindi nagpapakita. Biglang susulpot si Macmac at susuntukin nang dalawang beses si Omar 1.

Dudugo ang ilong ni Omar 1. Maglalabas ng kutsilyo si Macmac at sasaksakin si Omar 1 sa mukha, ngunit iilag ito. Madadaplisan sa kaliwang pisngi si Omar 1.

MACMAC: ’Tang ina ka! Kaya pala wala ang best man sa kasal namin. Hudas ka, ’pre. Kasal na kami sisingit ka pa. Sabi mo haram. Sabi mo masaya ka para sa akin. Ba’t ka nagtaksil?

Aakma si Macmac na susuntukin muli si Omar 1, ngunit papagitnaan ni Jane ang dalawa.

OMAR 1: Oo, ’tol. Masaya ako para sa ’yo. Ang suwerte mo kay Jane. Pero mali ka, ’tol. Mali ang akala ni’yong lahat. Oo, haram. Bawal. Bawal ang magkagusto sa hindi namin karelihiyon. Bawal din magmahal ng pareho naming kasarian.

’Tol, gago ka. Minahal kita! Kaya ako lumayo, nagparaya. Mahal kita, ’tol. Maliwanag na? Ipagtatapat ko sana ito kay Jane bago ako umalis. Mahal kita!

Mahinang tugtog. Babalik ang tagpo sa entablado ng restawran.

OMAR 2: Haram. Ito ay salitang Muslim na ang ibig sabihin ay bawal. Pero ang iyong puso ba ay tatagal? Sa dinami-raming bawal, hangal, puso mo ba ay susugal? O para lang itong baso na nakatikim ng halik ng nalasing ay nabuwal? Tulad ng puso ko na nabasag, naging bubog. Sinubukan kong pulutin. Ako’y nasusog, Ako’y wasak.

Nakalimutan ko mang pumikit, naalala kong ngumiti. Ngumiti akong sa loob ko’y mga bubog na naging susog na nagpapuwing, nagpaluha.

Pero oo, ang tulang ito ay pagtatapat. Sinadya kong huwag pumikit at maging dilat. Dilat sa katotohanang pangarapin ka lang ay sapat. Katotohanang ang pagmamahal minsan talaga ay sukat. Ito ay totoo. Aminin nating lahat.

Advertisements

Hawla

Ni Allan Ace Dignadice
Dulang May Isang Yugto


Mga Tauhan

Moi
Kuya

Tagpuan
Isang kwarto. Buwan ng Pebrero sa di malamang taon.

Pagbukas ng ilaw, makikita ang isang kalendaryo na nakasabit sa dingding. Walang taon pero nakasulat ang PEBRERO at naka-ekis ang mga araw mula 1 hanggang 22. May isang drawer at isang kama sa silid. May isang pinto sa gawing kanan.

Nakaupo sa sahig sa baba ng kalendaryo ang isang lalaki na naka-T shirt at basketball shorts.

Unti-unti namang babangon si MOI, isang batang nakasando at brief, mula sa pagkakahiga sa kama.

MOI: (Kukurap-kurap at magmamasid sa paligid) Nasa’n . . . ako?

KUYA: Hindi ko rin alam.

MOI: Ano’ng . . . hindi mo alam? (Biglang sasakit ang kaliwang sentido) Ahh! Sino . . . Ahmm . . . Ano’ng ginagawa natin dito?

KUYA: Wala ka bang naaalala? Ano’ng pangalan mo?

MOI: M-Moi? Ahmmm . . . Moi. Ako siguro si Moi. I-ikaw? Sino ka?

KUYA: Wala.

MOI: Wala? May pangalan bang gano’n?

KUYA: Paano mo malalaman eh wala ka ngang maalala?

MOI: Ano ngang pangalan mo?

KUYA: Wala namang magbabago kahit sabihin ko pa.

MOI: Suplado. Sige, ayos lang ba na Kuya ang itawag ko sa ’yo? Halata namang mas matanda ka sa akin. (Tatawa)

KUYA: Ba’t ka tumatawa?

MOI: Wala. Ang cute mo pala kapag suplado ka.

KUYA: Ano?

MOI: (Hahawakan ang sentido) Ang sakit ng ulo ko . . . parang hinampas siguro ng kung ano.

Bababa sa kama si MOI at maglalakad-lakad.

MOI: Kuya, may kasintahan ka?

Tatango si KUYA.

MOI: Babae o lalaki?

Mapapatingin si KUYA kay MOI.

MOI: Di ba sinabi ko sa ’yo bawal magsinungaling?

KUYA: Paanong—

MOI: Mahal mo siya?

KUYA: (Magbubuntong-hininga) Alam mo ba ang pakiramdam ng magkaroon ng sirang plaka sa loob ng utak mo? Nakakangilo pero ayaw tumigil, di mapatay-patay?

MOI: Hala, pasensiya na, Kuya. Gusto ko lang na mas makilala ka.

KUYA: Hindi mo pa ba ako kilala?

MOI: Dapat bang makilala kita? Sino ka nga ba?

KUYA: Sino ako?

MOI:  Ikaw. Sino ka ba sa tingin mo? Ano ba ang mga nagawa mo? Ano ba ang mga dapat di mo ginawa? Ikaw ba ang mga bagay na pinagsisisihan mo o ang mga bagay na nais mong maulit? Sino ka nga ba? (Ngingiti) Ano ka nga ba?

Lalapit si KUYA at akmang susuntukin si MOI.

Puwang.

Hahalikan ni MOI si KUYA.

Puwang.

Matitigilan si KUYA at aatras.

MOI: Mabuti ka naman palang tao.

KUYA: Di mo dapat ’yon ginawa.

MOI: Bakit hindi?

KUYA: Hindi ka ba nag-aalala at naggising ka sa isang silid nang wala man lang maalala . . . kasama ang isang taong hindi mo naman kilala?

MOI: Dapat ba akong mag-alala? (Hindi kikibo si KUYA) Kung may masama kang balak sa akin, malaya kang gawin ang lahat. Pero alam ko namang wala kang masamang gagawin.

Magbubuntong-hininga si KUYA at uupo sa gilid ng kama.

MOI: Wala bang maiinom dito? Nauuhaw ako, Kuya. Kuya?

KUYA: Ano?

MOI: Sabi ko, uhaw na ako. May maiinom ba dito?

Hindi sasagot si KUYA.

MOI: Naku, nagpapa-cute ka na naman. Pero totoo, mas pogi ka, Kuya, kapag suplado.

Lalapit si MOI sa drawer at bubuksan ang pinakamataas na pinto. Ilalabas ni Moi ang isang martilyo na may mantsa ng dugo.

MOI: Ano ’to?

KUYA: Ano ba sa tingin mo?

MOI: Panghampas ng ulo? Ano nga’ng tawag dito? Ma . . . mat . . .

KUYA: Martilyo.

MOI: Ay, oo nga! Martilyo. (Sisimangot) Hindi naman ito naiinom.

Ilalabas ni MOI ang isang puting bra.

MOI: Naku, bakit may ganito dito? Kuya, sa ’yo ba ‘to?

KUYA: E kung ipakain ko sa ’yo ’yan?

MOI: Hala! Galit ka? Sige ka, magagalit din ako. (Seryoso) Alam mo naman kung paano ako magalit, di ba? (Masaya) Akin na lang ’to kung hindi naman sa ’yo.

KUYA: Puta!

MOI: Sige, Kuya, gawin mo ’kong puta. Gusto mo isukat ko?

KUYA: Bahala ka sa buhay mo!

MOI: Akong bahala sa buhay mo.

Aktong huhubarin ni MOI ang sando.

MOI: Kuya?

KUYA: Ano?

MOI: Huwag kang tumingin!

KUYA: Bakit, ano ba’ng itinatago mo?

MOI: Gusto mo bang wala na akong itago?

KUYA: Anak ng . . . Sige na, tatalikod na. (Tatalikod kay MOI)

MOI: (Habang hinuhubad ang sando at isinusuot ang bra) Kuya, sa kasintahan mo ba ’to?

KUYA: Hin . . . hindi.

MOI: Bawal magsinungaling. Madadagdagan ang parusa.

KUYA: Hindi nga sabi. Hindi siya nagsusuot ng ganiyan.

MOI: Talaga?

Puwang.

MOI: Sige na, Kuya. Puwede ka nang humarap.

Haharap si KUYA at tititigan si MOI.

MOI: Ma . . . maganda ba ako, Kuya?

Hindi sasagot si KUYA.

MOI: Hindi ba ako maganda? (Iiyak) Pangit ba ako? K-kuya naman eh. Mas gusto mo ba kung naging babae ako? Kung sana dalawa ang butas ko? Kasalanan ko bang ipanganak ako na ganito? Hindi naman ako ang pumili nito.

KUYA: Ano ba ang problema mo?

MOI: Bakit di mo kasi ako sagutin? Maganda ba ako?

KUYA: (Magbubuntong-hininga) Oo na! Maganda ka naman. Ano ba’ng dapat mong patunayan? Dapat ka bang magbago? Dapat ka bang magpumilit na pumasa sa panlasa ng ibang tao? Hindi. Hindi.

MOI: Talaga, Kuya? Maganda ako kaysa—

KUYA: Oo nga sabi—

MOI: Sa kasintahan mo?

Matitigilan si KUYA.

MOI: (Ngingiti) Sino’ng mas maganda sa amin? Sige na, Kuya. Sabihin mo na. Promise, di ko ipagkakalat. Cross my heart, hope to die!

KUYA: Sana nga mamatay ka na lang . . .

MOI: Ako o siya?

KUYA: Ano ba’ng makukuha mo sa akin?

MOI: Ako o siya?

KUYA: Tigilan mo na ako!

MOI: Ako o siya!

KUYA: Diyos ko! Ikaw. Sige na. Ikaw. Diyan ka naman masaya.

MOI: Mapagbiro ka talaga. Alam ko namang lamang ang kasintahan mo kaysa sa akin. Matangkad. Maputi. Matangos ang ilong. Mahaba ang . . . ang buhok. (Tatawa) Kaya ba siya ang unang nakatira sa ’yo?

KUYA: Itigil mo na. Please lang, maawa ka.

MOI: Kuya, nauuhaw pa rin ako.

KUYA: Diyos ko, isang beses lang naman ’yon. Isa lang!

MOI: Kuya, sige na. (Habang hinihipo ang sarili) Nauuhaw ako.

KUYA: (Mahuhulog ang ulo sa mga palad) Isa lang . . . isa lang . . .

Hahawakan ni MOI ang mukha ni KUYA.

MOI: Kuya! Uhaw na uhaw na ako sabi eh!

Puwang.

Luluhod si MOI pababa sa mga binti ni KUYA.

Unti-unti niyang ibubuka ang mga nanginginig na hita nito habang tinititigan sa mata si KUYA.

MOI: Bakit ka nanginginig? Hindi mo ba nagugustuhan?

Puwang.

Tatayo si MOI at itutulak si KUYA pahiga sa kama at uupo sa baywang nito.

MOI: Kuya, bakit kaya hindi mapatid ang uhaw ko? (Mag-iisip) Kasalanan mo kasi. Kasalanan mo, Kuya! Hindi ka kasi nakontento.

Ilalapit ni MOI ang pisngi sa pisngi ni KUYA.

MOI: Alam mo na ba kung sino ka? Kung sino ka nga talaga? (Ngingiti) Isang guhit sa nakaraan. Isang kasaysayan na hindi mananatili. Ang mga alaalang may bahid lang ng ikaw. Ganoon ka lang. Pare-pareho kayong lahat.

Hahalikan ni MOI si KUYA.

Magpupula ang ilaw at gugulong sa gilid ang dalawa at magpapalit ng posisyon.

MOI: Sinabi ko naman sa ’yo. Hindi mo ’ko matatakasan. Hindi mo matatakasan ang isang alaala. Hindi ka magwawagi.

Hahalikan ni KUYA si MOI.

KUYA: Patawarin mo ’ko.

MOI: Hindi ako ang Diyos.

Kukurap-kurap ang ilaw habang tatakpan ni KUYA ng unan ang ulo ni MOI.

Magpupumiglas si MOI habang dinadaganan siya ni KUYA.

Ilang saglit pa’y titigil sa pagkurap ang ilaw at ganoon din sa paggalaw si MOI.

Magdidilim ang ilaw.

Puwang.

Muling magbubukas ang ilaw.

Makikitang nakahiga pa rin si MOI sa kama habang nakahiga naman sa sahig si KUYA.

Maaalimpungatan si KUYA at agad magigising.

KUYA: Puta.

Lalapit si KUYA sa dingding at susuntukin ang kalendaryo.

Maglalabas siya ng marker mula sa pinakababang drawer at lalagyan ng ekis ang ika-23 araw sa kalendaryo.

Bigla namang babangon si MOI mula sa pagkakahiga sa kama at hinahapo.

MOI: Nasa’n . . . ako?

Unti-unting magdidilim ang ilaw at magsasara ang tabing.

Pisokol

Ni Michael B. Egasan
Dula

 

(Unang itinanghal ang dulang ito sa 3rd Drama Festival ng Apat Sa Taglamig sa St. Alexius College sa Koronadal City, South Cotabato, noong Pebrero 2016.)

 

Mga Tauhan

Andoy: sampung taong gulang, malanding bading, may lihim na pagtingin kay Khael

Gemma: sampung taong gulang na batang babae, sugarol at magaling sa pera

Khael: labing-isang taong gulang na guwapong lalaki, matalino at masigasig mag-aral

 

Tagpo

Alas-siyete ng gabi sa buwan ng Pebrero taong 2000, sa parking lot ng isang malaking restaurant malapit sa dagat sa isang siyudad

 

Eksena 1

Tutugtog ang korus ng kantang “Patuloy ang Pangarap” ni Angeline Quinto. Tatambad ang entabladong ginawang car park. Sa kanlurang bahagi nito, may maliit na concrete barrier at may isang poste ng ilaw na gagawing ilaw ni Khael para mag-aral ng leksiyon. Nakalagay din sa ibaba ng poste ang isang sirang school bag.

Nasa stage ang batang sina Gemma at Khael, nakaupo at nagbibilang ng mga kinitang barya. Nakasuot si Gemma ng tsinelas, shorts, at T-shirt na may floral print na halos hindi na nakikita sa kalumaan. Nakasuot naman si Khael ng tsinelas at uniporme sa isang paaralang elementarya.

Manggagaling si Andoy sa hanay ng mga manonood. Nakasuot siya ng lumang leotards, shorts, at tsinelas. May nakasabit ding sling bag na pambabae sa kaniyang balikat.

ANDOY: Stoooooooop! Antayin ni’yo ako bago kayo magbilang!

KHAEL: Pambihira naman, Andoy. Nakakagulat ka.

GEMMA: O ano, Andoy? Deposited na ba lahat, ha? Tatawa.

ANDOY: Oo. Eto nga o. Amuyin mo. Ipapaamoy ang kamay kay Gemma.

GEMMA: Hmp! Kadiri ka.

KHAEL: Ba’t kasi an’tagal mong makabalik, Andoy? Saan ka pa ba pumunta?

ANDOY: Hmp! Hindi ni’yo ba alam ang nangyari kani-kanina lang do’n sa may banda sa atin?

GEMMA at KHAEL: Hindi.

Tutungo si Andoy sa gitna ng entablado at sasayaw sa tunog ng kantang “Hot Issue.”

ANDOY: May hulihang nangyari kanina do’n sa atin. Super habulan ang drama ng mga pulis at mga tambay do’n. Pero alam ni’yo ba kung sino ang star? Si Mang Teksio at . . .

GEMMA: Sino?

ANDOY: At . . . At si Manong Arnel! ’Yong tiyo mo, Khael. Hinuli ng mga lespu ang Tiyo Arnel mo. Sa wakas! Tatawa.

GEMMA: E ano pa nga ba ang bago sa kaniya? E talaga namang bantog na kawatan ’yang tiyo mo, Khael, at pusher ’yang si Mang Teksio. Buti nga sa kanila.

ANDOY: Check!

Nabagabag si Khael sa nangyari, pero hindi niya ito ipinahalata.

KHAEL: O siya, hali na, magbilang na tayo ng kinita natin.

ANDOY: Bente, bente-uno, bente-dos, bente-tres, bente-kuwatro, bente-singko. Bente-singko? Pambihira naman. Bente-singko pa lang ang kita natin? Kakamot sa ulo.

GEMMA: Bente-singko. Hindi ba halata? Haler!

ANDOY: E sa gusto kong mag-comment. Pakialam mo.

KHAEL: O, nag-aaway na naman kayong dalawa. Mas lalo tayong mamalasin niyan pag nagpatuloy ’yang bangayan ni’yo. Sabi nga ni Tatay, “Relaks, para lumapit ang grasya.”

ANDOY: Hmp! Tatayo at dudukutin sa sling bag ang isang lalagyan ng compact powder at mananalamin. Maganda pa rin ba ang beauty ko, Khael?

KHAEL: Oo naman. Ngingiti na para bang nangungutya, saka kukunin ang isang notebook at isang libro mula sa bag at magbabasa sa ilalim ng poste. Pero sa totoo lang, hindi ko rin alam kung aabot ’yong kita natin ngayon sa kailangan ko para sa project. Sa pagkakahuli ng Tiyo, hindi ’yon matitiis ng Tatay. Kaya wala na akong aasahang pera sa kaniya. Tsk!

GEMMA: Ayan, magpapalaki na naman ng utak si Khael. Maglalakad na para bang mabigat ang ulo sa laki ng utak.

ANDOY: Asus! Para saan ’yan, Khael? Sigurado ka bang makakatapos ka ng elementarya?

KHAEL: Oo naman.

GEMMA: E makakatungtong ka ba ng high school? Tatawa.

ANDOY: Bubulong kay Gemma. Dapat sabihan pa natin ang mga tao na magtapon pa ng maraming basura para mas marami ang makakalakal ni Nong Bildo at Nang Badak kasi ’yong anak nila ambisyoso. Tatawa kasabay ni Gemma.

KHAEL: Sige, pagtawanan ni’yo akong pareho. Makikita ni’yo. Ituturo ang dalawang kausap.

Kakanta ng ilang linya mula sa “Mangarap Ka” ng After Image.

GEMMA: Ikaw kasi. Titingin kay Andoy.

ANDOY: Anong ako? Ikaw kaya. Nanlalaki ang mga mata kay Gemma, tapos babaling kay Khael. Kasi naman, Khael, dapat tanggapin na natin na ang tulad nating mga dukha na, pulubi pa, e wala nang mararating. Ga-gradweyt nga tayo ng elementarya, hindi naman sure if maka-high school.

GEMMA: Alam mo, Khael, korek si Andoy. Ako, tanggap ko na rin ’yan, kaya nga ini-enjoy ko na lang ang lahat.

ANDOY: Alam mo, Gemma, bukod sa pareho tayong maganda, pareho rin tayo ng isip minsan. Inuulit ko, minsan. Hali ka, sabayan mo ako, Khael. Ito dapat ang gawin natin sa pagtanggap ng ating kapalaran.

Kakanta ng ilang linya mula sa “Sama-sama” ng Alamid.

KHAEL: A, basta ako, patuloy akong magsusumikap, mag-aaral nang mabuti, at gumawa ng tama. Mali kayo na ang tulad natin e walang tsansa na maging maginhawa.

ANDOY: O sige nga, papano mo gagawin ’yan?

KHAEL: Ang sabi kasi ni Tatay, may mga tumutulong sa mga estudyanteng mahirap pero matalino.

GEMMA: Ha? Meron bang gano’n?

KHAEL: Oo. Ang Department of Social Work and Development, sabi ng Tatay. Sila daw ’yong isa sa mga tumutulong sa mahihirap.

ANDOY: Wow! Social? Siguro ang sososyal ng mga tao diyan. Gusto ko ’yan!

GEMMA: Tse! Tumahimik ka nga. Bobo!

KHAEL: Pero hindi lang naman sila. May mga iba pang tumutulong. Sabi nga rin ni Tatay, may mga politiko rin na nagpapaaral. May mayayaman ding may foundation na tumutulong. Kahit pribadong kompanya, tumutulong din.

ANDOY: Hmp! Paano pag hindi ka matalino? E di ka mapapansin?

KHAEL: Sabi ni ma’am, walang taong bobo. Nagiging bobo ka kasi tamad ka. Sabay turo kay Andoy. Tamad ka lang mag-aral.

ANDOY: Aarte na parang nabaril at hihiga sa sahig. Ouch! Ang sakit no’n ha.

KHAEL: Kaya ako, sisipagan ko ang pag-aaral. Tatayo at tutunguhin ang spotlight sa entablado. At magiging isang mahusay na engineer ako. Habang sinasabi niya ito, para bang nakikita niya ang sarili sa hinaharap. Tutugtog ang musikang “Go the Distance” ni Michael Bolton sa bandang unang koro.

GEMMA: Wiw! Andoy, tara na nga. Maglaro muna tayo ng tumbo. Baka kasi Yolandahin tayo rito sa lakas ng hangin.

Tatakbo ang dalawa sa kabilang bahagi ng entablado at maglalaro habang naiwang mag-isa si Khael na nagbabasa.

GEMMA: One, two, three . . . Yes! Panalo!

ANDOY: Ay, malas!

GEMMA: One, two, three . . . Tatawa. Ako na naman ulit!

ANDOY: Sandali, sandaleeeeeh! Bakit ikaw na lang lagi? Mandaraya ka. Tulisan! Kawatan! Ganid!

GEMMA: Talunan! Boba! Hindi ko kasalanan na parati kang talo.

ANDOY: Palibhasa, mana ka sa nanay mong sugarol. Pamilya kayo ng mga sugarol! Sasabunutan si Gemma.

KHAEL: Hoy! Ano ba kayong dalawa?

ANDOY: Si Gemma kasi, madaya.

GEMMA: Hindi kita dinaya. Sadyang bobo ka lang talaga. Ang mga bobo, walang mararating.

KHAEL: Gemma, tama na.

GEMMA: At ang sakit-sakit ng pagkasabunot mo sa akin ha.  Kakanta ng ilang linya mula sa “Babae Po Ako” ni Tuesday Vargas.

Maiiyak si Andoy. Aakap siya kay Khael.

ANDOY: Hindi ko kasalanan ang maging bobo. Hindi ko rin gusto ang maging bobo.

KHAEL: Tama na, Andoy. Hindi sinasadya ni Gemma ’yong mga nasabi niya.

Bahagyang kikiligin si Andoy, papahiran ang luha, at tutungo sa spotlight ng poste, saka magpo-pose na para bang isang ramp model.

ANDOY: Oo, bobo na nga ako. Kasi sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay jinujumbag ako ng aking fadir. Kaya masyado nang naaalog ang aking utak. Hali kayo at tingnan ni’yo ang aking bagong pasa sa leeg. Kukunin ang panyo sa leeg. Sinubukan akong patayin ng aking fadir kagabi. Sinakal niya ako. Mangiyak-ngiyak. Dahil lang sa nakita niya ang mga ito. Bubunutin sa shoulder bag ang mga larawang naka-sketch na may iba’t ibang disenyo ng damit at itatapon sa sahig. Buti na lang ando’n ang mga kuya at naawat siya.

GEMMA: Pupulutin ang isang sketch. Wow, bakla, ang ganda-ganda naman nito.

KHAEL: Gawa mo ang lahat ng mga ito, Andoy?

ANDOY:  Hindi. Gawa ng mga sirena do’n sa dagat. May itinuturo kunwari. Siyempre, oo!

KHAEL at GEMMA: Wow!

ANDOY: Pangarap kong maging isang fashion designer ng mga sikat na artista sa mundo. Bibihisan ko sila ng aking mga nilikhang damit. Rarampa na para bang isang ramp model kasabay ang tugtog na “Bongga Ka, Day!” ng The Hotdogs. Natatakot lang ako dahil kay fadir.

KHAEL: Alam mo, tama ’yan, Andoy. Hindi ka man magaling sa academics, may talento ka naman sa pagde-design ng mga damit.

ANDOY: ’Yon nga lang, ayaw ng aking fadir ang talent ko. Sabi niya, salot daw ang maging bayot. Malas daw ako sa pamilya. Iiyak nang bahagya.

KHAEL: Nakalagay kaya sa libro natin na karapatan ng isang bata ang kilalanin siya kung ano siya. Karapatan din nating mga bata ang magkaroon ng isang mabuti at maligayang pamilya at ng mga pangarap. ’Yong ginagawa sa iyo ng tatay mo, labag sa ating mga karapatan at sa batas.

GEMMA: Kriminal ang fadir ni Andoy?

KHAEL: Kailangan lang ng tatay ni Andoy na maunawaan ang ating mga karapatan.

GEMMA: Tama. Nakita ko no’n sa TV ’yong Bantay Bata 163 na hinuhuli nila ’yong mga nanay at tatay na nananakit ng mga anak. Baka puwede tayong humingi ng tulong do’n.

KHAEL: Pero hindi na siguro natin paabutin do’n. Andoy, gusto mo bang kausapin ni Tatay si Tatay mo para naman maliwanagan siya? Puwede niyang yayain ang tatay mo na mag-volunteer do’n sa DSWD.

ANDOY: Bet na bet ko ’yan! Ang problema naman ay baka ako naman ang pagbalingan ni fadir.

KHAEL: Baka nakakalimutan mo, mag-best friend si Tatay mo at Tatay ko.

ANDOY: Ay, oo nga pala! Papalakpak saka babaling ang tingin sa isang sulok. Uy, di ba si Princess ’yon? ’Yong crush ni Khael na taga-condominium. Princess! Princess! Andito si Khael, o!

KHAEL: Uy, ’wag kayong ganiyan.

GEMMA: Uuuy, si Prinsipe o, nahihiya.

ANDOY: Kikiligin. Ayyyy! Tinatawag ka niya o! Dali, puntahan mo na.

KHAEL: Hala, nakakahiya. Aayusin ang sarili at tatakbo palabas ng stage.

GEMMA: Makikitsismis na rin ako. Susunod kay Khael.

ANDOY: Sige, dito lang ako. Susundan ng tingin ang dalawa. Mag-e-emote kasabay ng kantang “Bakit nga ba Mahal Kita” ni Rosselle Nava.

GEMMA: Papasok ng entablado kasama si Khael na kinikilig pa rin. Hoy, Andoy! Ang ganda talaga ni Princess pag sa malapitan. Perfect talaga silang dalawa ni Khael—guwapo at maganda.

Ibabaling ni Andoy ang tingin kay Gemma.

ANDOY: O, halos nakalimutan ko, may prinsesa pala ng sugal tayong kasama rito.

GEMMA: Tse! Gusto mong ako ang jumumbag sa ’yo ngayon? Aakmang susuntukin si Andoy, at saka tutunguhin ang spotlight ng poste. Simula ngayong gabi, idedeklara kong hindi ako titigil hangga’t hindi ko nakakamit ang aking pangarap!

ANDOY: Maging reyna ng tumbo at pyat-pyat? Tatawa.

GEMMA: Mali! Kikilalanin ako sa buong barangay bilang si Gemma, ang magaling na labandera! Sa tugtog ng kantang “Gloria Labandera,” rarampa na parang isang beauty queen na pakaway-kaway. Mababakas sa mukha ang pagiging proud sa kaniyang trabaho.

Matatawa nang husto sina Andoy at Khael.

ANDOY: Grabe! Ang taas ng pangarap mo, Gemma. Natatawa pa rin.

KHAEL: Nalula ako do’n a. Natatawa pa rin.

GEMMA: Pagtawanan ni’yo ako. Magkukusot ako at magkukula. Makikilala ako rito sa ating barangay bilang ang labanderang pinakamalinis at pinakamabango ang mga nilabhan. Lahat ng mayayaman dito e magkukumahog na malabhan ko ang kanilang maruruming damit. Lalakasan ang boses. At kahit ano pa man, marangal po ang pangarap kong ito!

KHAEL: Oo nga naman, Andoy. Marangal na trabaho ang pagiging labandera. Sina Tatay at Nanay nga, nagbabasura, at ang tatay mo kargador, pero marangal ang kanilang mga trabaho. Nagbabanat sila ng buto para sa mga pang-araw-araw na kailangan natin.

ANDOY: Oo nga naman. Pinipigilan ang tawa.

KHAEL: Kaya tayo, magsumikap na makatapos ng pag-aaral. ’Yon ang pinakamahalaga sa lahat. Pahalagahan ang pagsusumikap ng ating mga magulang para sa atin.  Mangarap tayo at pagsikapan na maabot.

ANDOY at GEMMA: Opo, kuya! Tatawa.

KHAEL: Kuya kayo diyan. Hoy, halos hindi na magkakalayo ang mga edad natin.

ANDOY: Mas gagalingan ko pa ngayon ang pagkanta at pag-awit para mas malaki ang kita natin!

GEMMA: Ako rin!

KHAEL: Kaya nga dapat magpraktis tayo ngayon. Dapat ’yong maganda talagang sayaw at kanta para malaki ang ibibigay ng customers natin. Di ba alam ni’yo naman na may project ako? Kakaunti pa lang kasi ’yong kita natin ngayon.

ANDOY: Tama! ’Yong bonggang-bonggang production number. Sige, Khael, anong kanta ba ang gusto mong kantahin natin?

KHAEL: ’Yong makabagbag-damdamin para maantig ang puso ng customers, plus pamatay sa galing na choreo. Ikaw, Gem?

ANDOY: Hoy, Gemma, bruha! Ano’ng tinutunganga mo diyan?

GEMMA: Tinitingnan ko lang ’yong bata at pamilya sa loob.  Tutunguhin nina Andoy at Khael ang tinitingnan niya. Siguro birthday niya kasi may malaking cake tapos may siyam na kandila. At ang saya-saya nila. Pangarap ko na sana minsan pag-uwi ko ng bahay, may cake din ako. Hindi pa talaga ako nakakatikim ng cake na ganiyan kalaki, o kahit na anong cake tuwing birthday ko.

ANDOY: Sister, ako rin, hindi pa nakakatikim ng cake na ganiyan. Ano kayang lasa niyan?

KHAEL: Hmmm . . . May naisip na ako. Ipikit natin ang ating mga mata at isipin natin ang lasa.

GEMMA: Ha? Paano? E hindi pa nga tayo nakakatikim ng cake?

KHAEL: Isipin natin ang masasayang alaala natin. Kasi ’yon ang mararamdaman natin pag nakakatikim tayo ng masarap na pagkain. Di ba ’yon ’yong naramdaman natin no’ng pinakain tayo ng pansit ni Mamang Guard diyan sa restawran? Kaya ngayon, isipin natin ang pinakamasayang sandali nating tatlo. Tiyak super masarap ito!

GEMMA, KHAEL, at ANDOY: Ipipikit ang mga mata. Mmmmmmm . . .

GEMMA: An’sarap! Naalala ko tuloy kung gaano ako kasaya no’ng naging magkaibigan tayo at natuto tayong kumanta.

Tutugtog ang kantang “Kayganda ng Ating Musika” ni Hajji Alejandro.

ANDOY: Hali na kayo, practice muna tayo.

Lalabas ng entablado ang tatlong bata. Lights off.

 

Eksena 2

Tutugtog ang kantang “In my Life” ng Beatles. May papasok na isang bading na mukhang sopistikada at sosyal. May kausap ito sa phone.

BADING: Girl, asan ka na ba? Alam mo, hindi pa rin kayo nagbabago. Always late. Masisira na ang beauty ko. Pleeeaaassseee! Oo, he called na, on the way na rin siya. Gaga. Aba siyempre, kinikilig pa rin ako sa kaniya. Tatawa. Sige na, magmadali ka na diyan. Yes, I know, kaya binook ko ’yong flight ko pabalik ng Milan a day after ng opening ng pansampung laundry shop mo. You’re welcome. OK, OK, ciao!  Ibababa ang phone, iikot sa car park, at makikita sa mukha nito ang ngiti na para bang may naalala.

Papasok ang tatlong bata na para bang nag-uusap pa sa kanilang choreo.

ANDOY: Uy, may customer!

Tatakbo ang tatlo at magsisimulang kumanta ng “Bakit Pa?” ni Jessa Zaragoza.

KHAEL, ANDOY, at GEMMA: Piso, kol! Sabay-sabay na nakaharap ang kanilang mga palad sa tatlong may edad.

BADING: Anong piso? Pam-five hundred ang performance ni’yo! Sabay abot ng pera sa palad ni Khael.

Tatakbo ang tatlong bata palabas ng entablado na tumatawa sa saya.

Lights off.

Lights on.

BADING: Ay, punyeta! Pupulutin ang red sling bag ni Andoy na naiwan. Mapapaisip. Fifteen years ago, ganitong shoulder bag din ’yong naiwan ko no’n dito! Aakmang para bang masaya na nagulat.

Lights off.

Bulawan

Ni Anna Liz V. Cabrido
Dulang May Isang Yugto

MGA TAUHAN
MELU—24 taong gulang, isang Blaan na naninirahan sa kabundukan ng Tampakan, South Cotabato, maprinsipyo
ELMA—24 taong gulang, mahinhin, relihiyosa, mestisahin

TAGPO
Gabi, mag-aalas-dose.
Ang dula ay mangyayari sa loob ng bahay. Isang kingki ang nagsisilbing ilaw sa buong entablado. Nakatalungko si Elma sa isang papag. Pinupunasan nito ang mga bala ng .45 na baril. Tititigan ang mga bala at magpapatuloy sa pagpupunas. Nakasarado ang mga bintana sa likuran nito. Matagal nitong tititigan ang apoy sa kingki. Bahagyang itong magugulat sa pagkahol ng aso na nasa di kalayuan. Magmamadali itong itago ang mga bala sa kaban na nasa kaliwang bahagi ng entablado. Sisilip sa bintana. Babalik din sa gitna ng entablado. Panay ang buntonghininga. May inaabangan. Muling magugulat si Elma sa ingay ng mga nagkakahulang aso. Bigla itong tatayo at agad na lalapit sa gilid ng pintuan. Magmamatyag. Sisilipin sa siwang ng dingding ang nasa labas. Ilalagay nito ang dalawang kamay sa dibdib. Kakabahan. Papalakas ang mga asong kumakahol. Mapapaatras din si Elma palayo sa pintuan.

MELU: Pabulong. Elma! Elma, asawa ko. Fafusokkam agu, fabl teek!

ELMA: Matutulala at titingnan lang ang pintuan. Matatakot.

MELU: Elma!

ELMA: Melu? Melu, asawa ko. Karang! Dali-dali nitong bubuksan ang pintuan. Sandali muna ang mga itong magtititigan bago magyayakapan.

MELU  Dali-dali nitong isasara ang pinto. Lalapit ito sa bintanta at sisilip sa siwang ng bintana. Lalapit ito kay Elma. Yayakapin ito nang mahigpit.

ELMA: Ginabi ka. Yayakapin din nito ang asawa nang mahigpit.

MELU: Galing ako sa bayan. Usap-usapan doon ang nasunog na eskwelahan dito sa atin. Alam na ba kung sino ang may gawa?

ELMA: Hindi pa, Melu. Makikita sa mukha ang pagkabalisa. Pero may hinala ang mga sundalo kung sino ang may gawa. Halos maubos ng sunog ang isa sa dalawang silid-aralan. Nag-aalala ako sa magiging epekto nito sa mga mag-aaral dito sa atin. Ilang taon din ang hinintay ng mga tagarito para lang magkaroon ng eskwelahan.

MELU: Hindi na nga nakakatuntong ng sekondarya ang karamihan sa atin, nasunog pa ang eskwelahan. Ang buong akala ko pa naman, ang ipinatayong paaralan sa ibaba ang pag-asang makapagtapos kahit elementarya man lang ang bagong henerasyon—magbilang, magbasa, para naman hindi tayo maloko.

ELMA: Nag-aalala ako sa mga bata. Mga halos isang oras din ang layo ng pinakamalapit na paaralan at ilang ilog din ang tatawirin ng mga ito. Akala ko tayo na ang huling grupo ng mga mag-aaral na tatawid sa ilog para lang makapag-aral.

MELU: Naalala ko dati, sabay tayong umaalis nang maaga para hindi mahuli sa klase.

ELMA:Mapapangiti. At hindi ka umaalis hanggang hindi ako ang kasama mo. At kung liliban ako sa klase, asahan ng lahat na hindi ka rin papasok.

MELU: Gustong-gusto mong kasabay ako pagtawid sa ilog dahil mahahawakan mo ang mga kamay ko. Tama ba, asawa ko?

ELMA:Kikiligin. Kung tutuusin—

Matitigil sa pagsasalita si Elma dahil hahawakan ni Melu ang mukha ng asawa at tititigan ang mga mata. Isang musika ang maririnig.

MELU: Elma, asawa ko. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Kung mamamatay ako ngayon at mabubuhay muli, lo ge nalek gu.

ELMA: Alam kong ako pa rin, Melu. Bakit ka ba nagsasalita ng ganiyan, asawa ko? Hindi ka mamamatay. Walang mamamatay sa atin. Naiintindihan mo ba ako? Kakawala sa mga bisig ng asawa. Oo, may problema tayo, pero walang mangyayaring masama sa atin. Naiintindihan mo ba ako? Tingnan mo ako, Melu. Walang problemang hindi nalulusutan—tumatagal, oo, pero sa kalaunan, nagiging maayos ang lahat.

MELU: Narinig ko sa radyo na may hinahanap silang suspek sa nangyaring sunog sa ibaba, Elma.

ELMA: Hindi ko gusto ang mga tanong mo, Melu, tulad ng biglaan mong pag-uwi ngayon.

Magtitinginan ang dalawa. Tahimik. Gusto mo bang ibalik ko sa ’yo ang tanong mo? Kilala mo ba kung sino ang may gawa nito, ha? Abmalah ge, Melu! Sumagot ka!

MELU: Ipinatayo ng minahan ang eskwelahan na ’yan, Elma.

ELMA: Ipinatayo ang eskwelahan para sa mga bata rito sa atin, Melu. Matagal na nating idinadaing ’yan sa gobyerno. Hindi lang ang mga tagarito ang nakapag-aaral sa eskwelahan kundi pati na rin ang mga taga-kabilang ibayo. Kung ang pagsunog sa eskwelahan ang sagot sa hindi natin pagkaintindihan dito sa ating lugar, isang kahangalan ’yan! Ang eskwelahan na ’yan ang babangon sa atin sa kamangmangan.

MELU: Hindi ang gobyerno ang nagpatayo ng eskwelahan, Elma, kundi ang minahan. Bingi ang gobyerno sa daing natin. Dini-Diyos ng lahat dito ang minahan dahil ang buong akala nila, ipinatayo ang paaralan dahil may malasakit sila sa atin. Pero hindi ’yan ang totoo. Ang eskwelahan na ’yan ang pambayad nila sa pagpapaalis sa atin.

ELMA: Akala ko tayo na ang huling grupo ng mag-aaral na tatawid sa ilog at maglalakad sa init ng araw papuntang eskwelahan, Melu. Pero hindi pala. Mauulit na naman ang paghihirap na dinanas natin. Ang mga anak mo ang sasalo nito. Ang pagkawala ng eskwelahan ang maglulugmok uli sa tribu. Hindi mo ba narinig sa pulong-pulong sa bahay ni Kapitan na ang eskwelahan na ’yan ay magkatuwang na ipinatayo ng minahan at ng gobyerno? Ang gobyerno ang nagpapasahod sa mga guro, at ang minahan naman ang nagpatayo ng gusali. Nasaan diyan ang lamangan, Melu?

MELU: Para mo na ring sinabi, Elma, na kung hindi dumating ang minahan, hindi makapag-isip ang gobyerno na magpatayo ng eskwelahan dito sa atin. Ang ibig mo bang sabihin, utang na loob pa natin ngayon ang ipinatayong eskwelahan?

ELMA: Melu, ang sa akin lang ay marunong dapat tayong magpasalamat sa mga tao o grupong naging tulay upang maipatayo ang paaralan.

MELU: At ano ang akala mo sa akin, asawa ko, hindi ako nagpapasalamat? Isisigaw. Salamat, minahan! Salamat, gobyerno! May eskwelahan na kami! Hindi na kami habambuhay na bobo, walang alam!

ELMA:Pabulong. Melu! Magigising mo ang mga bata, ang mga kapitbahay.

MELUMahinang tinig. Asawa ko, mali ka. Lubos kong ipinapasalamat sa gobyerno na may eskwelahan tayo rito. Nakalimutan mo na yata na isa ako sa kalalakihan dito na nagbayanihan para lang maipatayo ang eskwelahan na ’yan. Hindi ako kasinsama ng iba na hindi marunong magpasalamat. Kilala mo ako, Elma. Hindi pa man nangyari ang sunog sa ibaba, isa na akong mabuting mamamayan dito sa atin, sumusunod sa patakaran.

ELMA: Nasaan ka nang mangyari ang sunog, Melu?

MELU: Titingnan lamang si Elma. Nagtatanong ang mga mata.

ELMA: Sagutin mo ako, Melu. Nasaan ka nang mangyari ang sunog?

MELU: Pinagdududahan mo ba ako, Elma?

ELMA: Tinatanong kita, Melu. Nasaan ka nang mangyari ang sunog?

MELU: Nasa bukid, nagbabantay ng ating taniman.

ELMA: Nasaan ka nang eksaktong mangyari ang sunog?

MELU: Tulog.

ELMA: Sagutin mo ako ng totoo.

MELU: Gising at nakita ko ang sunog.

ELMA: Puwede kang tumulong na apulahin ang sunog, Melu. Bakit hindi mo ginawa? Malapit lang ang taniman natin sa eskwelahan. Bakit hindi ka humingi ng tulong sa ating mga ka tribu kung nakita mong nasusunog ang eskwelahan?

MELU: Sabihin mo na nang diretsahan sa akin, Elma, ang gusto mong sabihin.

ELMA        Alam nating pareho na ayaw kong kinakampihan ang mga baluktot, ang mga hindi sumusunod sa patakaran . . . kahit asawa pa kita.

MELU: Ano’ng ibig mong sabihin, Elma? Hindi ka naniniwalang wala akong alam?

ELMA: Tumutugma sa ’yo, Melu, ang deskripsyon ng mga sundalo.

MELU: Uh adwata ge! Panginoon! Kung sasabihin kong wala akong kinalaman, maniniwala ka ba sa akin?

ELMA: May tao silang nakitang pabalik ng bundok at tumigil sa—

MELU: Kasinungalingan!

ELMA: Ngayon, sabihin mo nga sa aking hindi ikaw ’yon. Walang bahay sa taas ng bundok malapit sa eskwelahan kundi ang kubo natin, Melu!

KATAHIMIKAN

MELU: Taliwas sa aking ipinaglalaban ang idamay ang isang bagay na alam kung mag-aahon sa aking mga anak at sa mga bata rito sa atin—ang sunugin ang eskwelahang alam kung tutulong na mabago ang buhay nila kahit pa man ipinatayo ’yon ng kompanya. Hindi ako traidor! Kung lalaban ako, Elma, hindi patalikod. Duwag ang tawag sa mga taong gano’n.

ELMA: Iiyak. Hindi ka ba napapagod sa pakikipaglaban, Melu? Noong bertdey ng anak mo, hindi ka umuwi dahil nando’n ka sa bayan kasama ang mga taga-kabilang barangay. May piket kayo. At noong may activity ang panganay natin sa paaralan, naghintay kami, pero hindi ka dumating dahil nasa kabilang bayan ka. May piket din ang grupo. Ilang linggo, buwan, ka na bang hindi umuuwi dahil hinahabol ka ng mga sundalo? Pinagdududahan ka na ring kasapi ng mga namumundok at kalaban ng gobyerno. Mag-iisang taon na tayong ganito, Melu. Hindi ko na alam kung makakaya ko pa.

MELU: Sumusuko ka na ba, Elma? Sinusukuan mo na ba ang paglaban para sa lupang pinaghirapan ng mga ninuno mo at gusto mo na ring ibigay ito sa kompanya? Kasali ka na rin ba sa ibang katribu natin na nasilaw sa salaping naitapal sa kanilang mukha? Nasaan ang iyong pagmamahal sa lupa?

ELMA: Walang duda ang pagmamahal ko sa ating lupa, Melu. Wala akong pakialam kung tayo na lang ang natitirang tribu na nakatayong nakikipaglaban para sa ating lupain. Pero hanggang kailan tayo ganito, Melu?

KATAHIMIKAN

MELU: Wala along kinalaman sa sunog na nangyari, Elma. Oo, nando’n ako, pero wala na akong magawa dahil nangalahati na ang  sunog. Pero may nakita ako mula sa kamalig natin.

ELMA: Ano ang nakita mo? Hindi kaya hinahabol ka ng mga sundalo dahil may alam ka?

MELU: At hindi rin ako namundok katulad ng ipinapalabas ng mga sundalo. Itinago ako ng mga katribu natin sa hilaga. Bukod sa pamilya natin, ang mga tagahilaga na lang ang hindi nakapagbenta ng lupa. Kung susumahin, ang lupa natin at ang lupa ng mga tagahilaga ang puntirya ng kompanya dahil nasa atin daw ang pinakamalaking deposito ng bulawan.

ELMA: At may lupa pa ang pamilya mo sa hilaga, Melu. Kung magsasanib tayo at ang mga tagahilaga, malaki ang mawawala sa kanila. Tama ba ako, asawa ko?

MELU: Ang lupain natin ang pinakaimportanteng bahagi ng lahat ng mga lupain sa bayang ito. Kung gagalawin nila ang pamilya natin, Elma, malaking gulo ito. Pero hindi ko iniisip kahit minsan man lamang na sumanib sa idelohiya ng mga nag-alsa laban sa gobyerno. Simple lang ang ibig kong ipaabot sa lahat—ang mamuhay tayo ayon sa tradisyon ng ating pamilya, ng ating mga ninuno. Atin ang lupa, Elma—sa mga anak natin, sa mga kapatid ko, sa mga kapatid mo. Ilang taon bang walang gobyerno sa bahaging ito ng bundok? Ang gobyerno ay nasa patag, doon sa may maraming tao, sa may maraming boto. Kailan lang ba tayo mahalaga sa kanila? Tuwing eleksiyon? Fanmati la! Mga demonyo!

ELMA: Pero puwede naman tayong makipagtulungan sa kanila, Melu. Puwede namang pag-usapan ang lahat. Noong isang buwan, nakipagpulong si Kapitan sa mga tagaminahan para sa mas maayos na proseso sa trabaho, at sumang-ayon naman ang lahat. Natapos nga na masaya ang lahat, hindi ba?

MELU: Oo nga, Elma, pero iba ang sinasabi sa ginagawa. Tingnan mo kung ano ang nagyari sa pamilya ng asawa ng kapatid mo sa ibayo. Hindi ba sila ay pinagbintangang nanguna sa iligal na pagmina? Ang alam ng lahat dito sa atin, legal ang ginawa nila dahil inutusan sila ng nagpakilalang tagakompanya na puwedeng imina ang parte ng bundok sa timog. Ano’ng nangyari? Hinuli ng mga pulis ang bayaw mo, Elma.

ELMA: Hindi ko masisisi ang ibang katribu natin kung ibenenta nila ang kanilang lupain sa kompanya, Melu, at nilisan ang lugar natin at doon na namalagi sa bayan. Nakapag-aral nang maayos ang kanilang mga anak. May trabahong inaasahang magbibigay ng kaginhawaan kahit papaano. Kasalanan bang maghangad din ako ng ganito, Melu, para sa ating mga anak?

MELU: Hindi kita pinagbabawalang maghangad ng katulad ng sinasabi mo, Elma. Hindi nga ba kahit noong mga bata pa tayo, gusto mo naman talagang umalis dito? Mas gusto mo pa ngang maglagi sa bayan kaysa sa umuwi dito sa atin tuwing Sabado at Linggo.

ELMA: Ang nangyari sa dalawang sundalo sa may timog ng bundok, ikaw din ba ang may gawa? ’Yan ang lumabas na balita bago ka nawala. Bakit kailangan mong gawin ang mga ito?

MELU: Ilang ulit ko bang ipagtatanggol ang sarili ko sa iyo at sa lahat, Elma? Mga baliw ang kalaban ko. Sila ang may pakana na sa akin ibintang ang kasalanan. Hindi ako rebelde. Lalong lalo nang hindi ako kriminal. Wala silang mahuli kaya ako ang itinuturo nila. Wala silang mapagbintangan kaya ikinakaladkad nila ang pangalan ko.

ELMA: ’Yon ang alam ng lahat dito sa atin, Melu. Sumama ka nang mamundok.

MELU: At ’yon na rin ang pinaniwalaan mo, Elma, tama ba?

Biglang magkahulan ang mga aso sa labas. Magkahiwalay na tatakbo si Melu at Elma. Sa pintuan mapupunta si Melu. Sisilip ito sa siwang ng dingding. Sa may bintana naman pupuwesto si Elma at sisilip din sa siwang ng bintana kung may tao sa labas.

ELMA: Mag-iisang linggo ka nang hinahanap ng mga sundalo sa akin, Melu. Baka nalaman nila na nandito ka.

MELU: Hindi ko napansing may sumusunod sa akin, Elma. Naging maingat ako sa pagbalik dito sa atin.

ELMA: Sino bang may alam na pupunta ka ngayong gabi?

MELU: Ang mga tao sa hilaga, at alam kong hindi nila ako isusuplong sa mga sundalo.

ELMA: Maraming mata ang mga sundalo, Melu.

MELU: Kagaya na lamang ng sinungaling nilang mata na ipinagdidiinang ako ang nakita nila nang gabing masunog ang eskwelahan.

ELMA: Natatakot ako sa pagpunta mo ngayong gabi, asawa ko. Kaya pala naitanong ng isang sundalo sa baraks kanina kung ano ang iluluto ko ngayong gabi. Hindi ko gusto ang aking nararamdaman, Melu.

MELU: Huminahon ka, Elma. Walang mangyayari ngayong gabi. Wala akong kasalanan.

ELMA: Pero nagtatago ka, Melu.

MELU: Walang kasiguruhang tatratuhin nila ako nang mabuti. Tingnan mo kung anong nangyari sa bayaw mo, Elma. Pinaniwala nilang iimbitahin lang at may itatanong, pero ano’ng nangyari? Hayon, hindi na nakabalik dito sa atin, at ngayon nakakulong na sa salang hindi niya alam.

ELMA: Melu, iligal ang ginawa niya. Hindi niya alam na iligal ang buhos na mina, pero hindi sapat na rason ito. ’Yan ang nagagawa ng kamangmangan, asawa ko.

MELU: Pero sino ba ang nag-utos sa bayaw mo, Elma, na puwede ang ginawa nya? Hindi ba ang malalaking tao din sa loob ng kompanya? Ang alam lang niya, magtrabaho, kumita ng pera. Ginamit  sila ng kompanya.

Muling magkakahulan ang mga aso sa labas ng bahay. Magugulat sina Elma at Melu.

MELU: Patayin mo ang ilaw sa gasera, Elma. Dali!

Tatalima si Elma.

MELU: May tao sa labas. Lalapitan nito si Elma. Hahawakan nito ang pisngi ng asawa. Hindi ako ang nagpasimula ng sunog, Elma. Kailan man hindi ko magagawa ’yon. Hindi rin ako ang humarang sa grupo ng mga sundalo na ikinamatay ng dalawa sa kanila.

ELMA: Naniniwala ako sa ’yo, Melu, pero ano’ng gagawin natin ngayon? Natitiyak kong marami sila sa labas.

MELU: Aalis ako. Dadaan ako sa may lagusan sa likod. Alam kong hindi nila alam ’yon. Kung magpupumilit silang pumasok, hayaan mo, pero ’wag na ’wag kang lumabas ha, Elma?

ELMA: Tama na, Melu. Sumuko ka na. Bumalik ka na sa amin ng mga anak mo.

MELU: Elma! Sa tingin mo ba pag sumuko ako, hindi ako mawawala sa inyo ng mga anak natin?

ELMA: Pero mas mapapanatag ang loob ko kung nasa kanila ka. Kung wala ka sa mga sundalo, hindi ako sigurado kung babalik ka, asawa ko, at baka tuluyan mo na kaming lisanin ng mga anak mo. Naiintindihan mo ba ako?

MELU: Ipinapaako mo sa akin ang kasalanang hindi ko naman ginawa, Elma. ’Yan ba ang ibig mong mangyari?

ELMA: Hindi, Melu. Ibig ko lang na mapatunayan nilang wala kang kasalanan. Patunayan nating wala kang kasalanan.

MELU: Mahirap tayo, Elma, baka nakalimutan mo. Para sa mga mahihirap na katulad natin, wala ang gobyerno.

ELMA: Ano na ba ang nangyari sa ’yo, Melu? Bakit ka ba nagkakaganiyan? Kung ang pinaghuhugutan mo ng galit ay ang pagkatanggal mo sa trabaho sa kompanya, nakaraos naman tayo, hindi ba?

KATAHIMIKAN

MELU: Para sa ating mahihirap, Elma, nakabibingi ang katahimikan ng gobyerno.

ELMA: Hindi kailangang iasa natin ang lahat sa gobyerno, Melu. Puwede tayong magsumikap. Kaya nga pinaaaral natin ang mga anak natin para hindi sila magaya sa atin—laging nag-aalangan at natatakot dahil hindi tayo nakapag-aral. Nakakasama rin minsan kapag masyado tayong nakadepende sa mga benepisyo. Hindi na nagtatrabaho ang ibang katribu natin dahil umaaasa sa buwanang renta sa lupa. At ang ilan namang sa bayan nakatira, kinalimutan na ang ating mga tradisyon.

MELU: Mas marami nga silang nalaman dahil nakapag-aral, ngunit nawalan naman ng puso para sa kanilang pinanggalingan. Mas nanaisin ko na lamang ikulong ang mga anak natin sa pusod ng gubat na ito, Elma.

ELMA: Asawa ko, makinig ka. Ang eskwelahan ang nagtuturo para makapag-isip nang mabuti ang isang bata, pero tayo pa rin ang magtuturo sa mga anak natin ng puso, ng damdamin. Kung ang paaralan ang pangalawang tahanan ng mga ito, tayo ang unang tahanan, Melu. Tandaan mo ’yan. Kung tayong mga magulang ay may pagpapahalaga sa tribu, sa lupa, at sa paligid, makikita at mamamana ’yan ng ating mga anak at madadala nila sa pakikipagsalamuha nila sa eskwelahan. ’Yan ang hindi maituturo ng mga guro.

MELU: Hindi mo ako makukumbinsing sumama sa mga sundalo, Elma. Patawad, asawa ko. Aalis na ako. Hahalikan nito sa pisngi si Elma at maghahanda na sa pag-alis.

ELMA: Ang sabi sa radyo, may warrant of arrest ka na raw. Kung pupunta ang mga pulis dito, puwede nilang pasukin ang bahay natin para hanapin ka. Puwede ka nilang damputin. Ang dokumento raw na ’yon ang nagpapatunay na may kinalaman ka sa sunog sa eskwelahan.

MELU: Hindi ko kagagawan ang sunog, Elma. Alam mo ba kung sino ang nakita ko, ha? Mula sa taas, sa kubo natin, nakita ko mag-aalas-onse ng gabi na may pumaradang sasakyan sa harap ng eskwelahan. Nang bumaba ang mga nakasakay, nakita kong nakasuot sila ng katulad ng uniporme ng mga sundalo. Isa-isa nilang ibinaba ang mga timba. Ang akala ko para lang sa gagawing outreach—’yong may darating na mga doktor para tingnan at gamutin ang mga may sakit dito sa atin. Pero isa-isa nilang ibinuhos ang laman ng mga timba sa palibot ng dalawang silid-aralan. Nagulat ako, Elma. Nagpaputok ako para kunin ang kanilang atensyon at para na rin pigilan sila. Ginantihan nila ako ng putok. Pero hindi ako natakot sa kanila, asawa ko. Kailangan ko silang pigilan.

ELMA: May mga taong magpapatunay, Melu, na may kinalaman ka sa nangyaring sunog. Si Kapitan. Si kapitan ang magpapatunay na ikaw ang pasimuno ng sunog, kaya lumabas ka na at sumuko ka nang maayos.

MELU: Hindi, Elma. Makinig ka. Umalis ang mga sundalo nang naglalagablab na ang eskwelahan. Dali-dali akong pumunta sa bahay ni Kapitan at ikinuwento sa kaniya ang nangyari. Alam ni Kapitan na hindi ako ang may gawa. Sinamahan pa niya ako para pagtulungan naming apulahin ang apoy, pero huli na ang lahat. Malamang ginipit nila si Kapitan para idiin ako sa nangyari. Aalis na ako, Elma. Tatayo na ito.

ELMA: Lalabas ako, Melu. Patawad. Gagawin ko ito hindi para sa akin o sa ’yo. Gagawin ko ito dahil may mga anak ako. Mas mahalaga sa akin ang mga anak ko at hindi ang sarili ko.

MELU: Elma! Yayakapin ang asawa. Hindi mo alam ang likaw ng bituka ng iba sa kanila, asawa ko.

ELMA: Magpupumiglas itong makawala sa bisig ng asawa. Tatakbo sa may pintuan.

MELU: ’Wag kang lumabas, asawa ko. Pakiusap.

ELMA: Lilingunin ang asawa. Hindi. Sasabihin ko sa kanila ang totoo na wala kang kinalaman.

MELU: Papaano kung hindi ka nila paniwalaan, Elma? Ako na ang aalis para matapos na ang lahat ng ito.

ELMA: Paniniwalaan nila ako, Melu. Makikiusap ako.

MELU: Asawa ko, maniwala ka sa akin. Hindi ka nila paniniwalaan dahil alam nila na sila ang may gawa. Kung lalabas ako ngayon, sigurado ka bang bubuhayin nila ako? Kung lalabas ka, sigurado ka bang hindi ka nila sasaktan dahil alam nilang alam mo na rin ang totoo? ’Wag kang lumabas, asawa ko. Pakiusap.

ELMA: Hindi ko malalaman ang sagot sa mga tanong natin, Melu, kung hindi ako lalabas. Paano kung papanigan tayo ng batas at maniniwala sila sa mga isisiwalat ko? Babae ako. Paniniwalaan nila ako.

MELU: Walang babae sa kanila kung ibig nilang patahimikin ang ikukuwento mo, Elma. Wala silang pakialam do’n.

ELMA: Naniniwala akong may gobyerno, may batas pa rin para sa atin, Melu. Magtiwala ka lang.

MELU: Walang maniniwala sa mga kuwento mo, Elma. Hindi ba’t akala nila isa akong rebelde? Sino’ng maniniwala sa isang katulad mo? Kahit ipagsigawan mo pa na wala akong kinalaman, walang makikinig sa ’yo. Magbarilan man tayo rito ngayon, walang tutulong dahil nasa kabilang bundok ang kapitbahay natin. Gusto mo akong lumabas, at para ano? Makiusap at baka naman may mangyari? Sa mga taong ’yan ka ba makikiusap, Elma? Magsasayang ka lang ng oras sa kanila. Sila ang mga taong nagpapabulok sa gobyerno. Ang mga taong ganiyan, hindi dapat pinagkakatiwalaan.

ELMA: Makikiusap ako sa kanila, Melu. Naniniwala akong may natitira pa sa kanilang makakaunawa. Kukunin sa kaban ang mga itinagong bala at ibibigay sa asawa. Alam kong hindi ikaw ang nagtanim ng granada na ikinamatay ng dalawang sundalo, Melu, at alam ko ring hindi ikaw ang nagpasimuno ng sunog sa eskwelahan sa ibaba. Lalapit na ito sa pintuan. Nang hinuli at ikinulong ng mga sundalo ang bayaw kong si Kidit, hindi na siya muling nakita ng kapatid ko. May nakapagsabi, Melu, na wala na sa kampo si Kidit at dinala siya sa ibang bayan. Nagmakaawa ang kapatid ko sa mga sundalo na payagan siyang makita ang asawa, pero sinabi nilang tumakas ito. At may nakapagsabi sa kapatid ko na pinatay daw ito ng mga sundalo. Galit na galit ako, Melu. Gustong sumabog ng dibdib ko nang araw na ’yon dahil iniisip ko, paano kung mangyari din ’yon sa akin—ang mawala ka. Hindi ko kaya. Pero kung paiiralin ko ang takot, baka habangbuhay ko na lang pagsisihan ang pagkakataong may magagawa ako ngunit wala akong ginawa.

MELU: Hindi ko alam ’yan, asawa ko.

ELMA: Hindi ba matagal kang hindi nanatili rito? Mag-iisang taon na rin. Sige na, lalabas ako.

MELU: Elma, sa—saan mo nakuha ang mga balang ito?

ELMA: Melu, hindi lang ikaw ang puntirya ng mga sundalo. Pati na rin ako.

MELU: Pero bakit? Paano?

ELMA: Sige na, lalabas na ako.

MELU: Isa ka ba sa dalawang babaeng nakita nila, Elma? Sumagot ka. Magmumura. Tinatanong kita, asawa ko. Yayakapin ang asawa. Biglang magkakahulan ang mga aso, at may mga yabag ng paa na maririnig.

ELMA: Kakawala sa bisig ni Melu si Elma at pupunta sa pintuan. Lalabas na ako.

MELU: ’Wag kang lumabas, pakiusap.

Tuluyang lalabas ng pintuan si Elma. Hahabulin ni Melu ang asawa, pero sa kalagitnaan pa lamang ito ng entablado, aalingawngaw ang putok ng baril.

MELU: Elma! Asawa ko! Mahuhulog ang mga bala na hinahawakan nito. Lalong lalakas ang kahol ng mga aso. Muling maririnig ang putok ng baril, at magugulat si Melu. Elma! Papalapit na mga yabag ng paa ang maririnig. Pupulutin ni Melu ang mga bala at dali-daling tatayo at aalis, pero mahuhulog ang ibang bala. Sound effects ng kalansing ng bala na nahuhulog. Magdidilim ang entablado, at mapupuno ito ng hagulhol ng isang lalaki.

TABING

Liar Goes to Hell

By Allan Ace Dignadice
One-act Play

Mga Tauhan
Christian
Lucipher
Isang Lalaki

Tagpuan
Kasalukuyang panahon, sa ganghaan ng impiyerno.

Pagbukas ng ilaw at tabing, makikita ang isang malaking pulang pinto. Puti ang buong paligid maliban sa pinto. Sa gilid nito, may isang matandang lalaking nakaupo sa bangko. May darating na mas batang lalaki.

CHRISTIAN: Excuse me po, Manong, nasaan po tayo? Anong lugar po ito?

LUCIPHER: Nasa pinto ka papuntang impiyerno, iho.

CHRISTIAN: Naku! Sinasabi ko na nga ba! Sandali lang, kuya ha. Klaruhin lang natin. May rubrics ba kung paano ni’yo malalaman kung saan mapupunta ang tao pag namatay?

LUCIPHER: Nagbabasa ka ba ng Bibliya?

CHRISTIAN: O-oo naman!

LUCIPHER: E, bakit ka pa nagtatanong?

CHRISTIAN: E, kasi nga, nagsisimba ako tuwing Linggo. Nangungumpisal, nangongomunyon. Hindi ba sapat ‘yong mga saging na ino-offer ko tuwing Pasko? Saan napupunta ‘yong mga sukli na inilalaglag ko sa donation box?  Nagdarasal naman ako . . . Kaya nga, Manong, tinatanong kita, may rubrics ba kung paano mo malalaman ang kahahantungan ng isang tao?

LUCIPHER: Una, may iilang mali sa mga sinabi mo, iho. Base sa Bibliya, ang Sabbath Day ay nasa huling araw ng isang linggo, kaya kung pagbabasehan mo ang Gregorian Calendar, Sabado ka dapat magsimba. Pagkatapos, kung may reklamo ka tungkol sa pangungumpisal, komunyon, at mga offering mo, hindi naman ako ang arsobispo ng parokya ni’yo. Hindi dito ang lugar para magreklamo ka tungkol sa relihiyon mo. At panghuli, hindi ako ang nagpapasya kung saan mapupunta ang namatay na mga tao.

CHRISTIAN: E, sino?

LUCIPHER: Nagbabasa ka nga ba talaga ng Bibliya?

CHRISTIAN: Ano . . . A, kasi . . . Sige na nga, wala namang magbabago. Hindi! Ni minsan hindi.

LUCIPHER: Talaga! Hindi mo alam ang John 3:16? Kahit ang 1 John 4:8 na “God is love”?

CHRISTIAN: Nakikita ko lang ‘yong isang verse sa bus na lagi kong sinasakyan.

MATANDANG LALAK: Meron naman pala. Ano naman ‘yan?

CHRISTIAN: YBL 62019, “God Bless Our Trip.”

LUCIPHER: Hindi ka nga nagbabasa ng Bibliya. Teka, teka. Nagsisimba ka rin nga ba?

CHRISTIAN: Ay, oo naman. Kahit ‘yan, pagsisinungalingan ko pa ba?

LUCIPHER: Mamatay man?

CHRISTIAN: ‘Yan pa talaga ang banta mo sa akin, ha?

LUCIPHER: Kung nagawa mong magsinungaling na nagbabasa ka ng Bibliya, kaya mo ring magsinungaling na nagsisimba ka.

Hindi kikibo si Christian.

LUCIPHER: Tingnan mo na.

CHRISTIAN: O siya. Hindi na nga ako nagsisimba kasi Sunday shift ako sa paaralan. Pero kung walang pasok sa Linggo, dumadaan naman ako sa harap ng simbahan at nangungurus.

LUCIPHER: Totoo din kaya ‘yong kumpisal, aber?

CHRISTIAN: Kung minsan nga lang. Tapos pili lang. Kaya ko bang sabihin sa pari na nanonood ako ng porn?  Na nagma-masturbate ako sa mga magasing nabili ko sa may kanto? Hindi ko kayang sabihin ‘yon!

LUCIPHER: Sapat na bang rason ‘yon para hindi ka umako sa mga kasalanan mo sa Diyos?

CHRISTIAN: Mapagpatawad naman ang Diyos, di ba? Lagi naman siyang umiintindi. Ano pa ang dahilan na isusumbong ko ang mga kasalanan ko sa pari kung papatawarin din naman ako ng Diyos?

LUCIPHER: Ikaw ang bahala.

CHRISTIAN: Tapos hindi pa ba ako mapapatawad ng Diyos kung palagi naman akong naghuhulog ng barya sa donation box? May paprutas din akong offering kung may okasyon, Pasko, anniversary ng parokya, at Semana Santa.

LUCIPHER: Sino ba ang kumukuwestiyon sa panata mo?

CHRISTIAN: Ikaw! Kanina mo pa kinukuwestiyon ang pananampalataya ko! Hindi naman nasusukat ang pagkabanal kung palagi kang nasa simbahan. ‘Yong iba nga, mas masahol pa sa akin pero kung makaiyak sa misa akala mo nag-aparisyon sa kanila ang Birhen ng Barangay. May mga kakilala nga ako na imbes maghulog sa offering ay nangungupit pa.

LUCIPHER: Bakit mo ikinokompara ang sarili mo sa iba? Hindi ba ang kaligtasan ay indibidwal at hindi naman grupo-grupo.

CHRISTIAN: Pakiramdam ko kasi nadaya ako.

LUCIPHER: Paano ka naman nadaya?

CHRISTIAN: No’ng lumapit sa bahay namin ang mga katekista, sinabi nilang gawin ko ito, gawin ko iyan upang masalba. Gano’n din ang sinabi ng mga misyonaryong ‘Kano. At no’ng mga naggigitara na may dalang mga sobre. Tapos sa huli, wala namang nangyari. Impiyerno pa rin ang bagsak ko!

LUCIPHER: Kasi nga, wala namang relihiyon ang makakasalba. Ikaw lang at ikaw ang nakakaalam kung sapat ba ang pananampalataya mo para tanggapin ka sa Langit.

CHRISTIAN: Hindi na ba talaga ako makakapunta sa Langit?

LUCIPHER: Bakit mo naman naitanong?

CHRISTIAN: Mabait naman ang Diyos, di ba? Baka kung makiusap lang ako sa kaniya, sabihin ang mga pandaraya na sinabi ng mga tao sa akin. Ang mga rason kung bakit hindi ako laging nakakasimba o nakakakumpisal. Na sadyang nagmamadali lang ako tuwing umaga kaya di na ako nakakadasal at sa gabi nama’y pagod na kaya mabilis naiidlip. Kung makakausap ko lang ang Diyos, baka-sakaling makalusot pa ako papuntang Langit.

LUCIPHER: Bakit, ayaw mo ba dito sa Impiyerno?

CHRISTIAN: Di ba nga, tulad do’n sa mga pelikula, mainit, madilim, at nakakatakot ang Impiyerno. May di maapulang apoy, naglalagablab na mga bato, at nakakatakot na mga nilalang ang nagkukubli sa kadiliman ng Impiyerno!

Tatawa si Lucipher.

LUCIPHER: Alam mo, hindi ka lang sinungaling, madali ka pang maloko! Tingnan mo ngayon ang paligid. Ito ba ang mainit, madilim, at nakakatakot na lugar na iniisip mo? Pinananatili ko kayang malinis ang lahat dito . . . Naiinitan ka ba?

CHRISTIAN: Hindi.

LUCIPHER: Kasi nga hindi naman mainit sa Impiyerno. Ni hindi nga madilim o nakakatakot. Payapa, di ba?

Titingin sa paligid si Christian.

CHRISTIAN: Oo nga no? E, kung payapa rin dito, ano ang pinagkaiba ng Langit?

LUCIPHER: Wala! Wala talaga! Gusto lang ng Diyos na kasama niya ang mababait at malayo sa kaniya ang mga di masyadong mabait. ‘Yong mababait kasi, alam ng Diyos na madali silang susunod sa mga utos niya kaya gusto niya sila doon.

CHRISTIAN: Parang mga . . . alalay?

LUCIPHER: Kung sa konsepto mo bilang tao, e di oo.

CHRISTIAN: Nakasulat din ba ‘yan sa  Bibiliya?

LUCIPHER: Oo naman! Tingnan mong naidulot sa ‘yo ng hindi mo pagbabasa ng pinakaimportanteng aklat sa lupa.

CHRISTIAN: (Sa sarili) Kung gayon . . . A, kaya pala . . . (Sa kausap) Teka muna, sino ka ba? Bakit alam mo ang lahat ng ito? Ikaw ba ang Diyos?

LUCIPHER: Malapit na. Pero isang rangko lang na mas mababa.

CHRISTIAN: A . . . Ano . . . A.  Sirit na!

LUCIPHER: (Tatayo) Ako si Lucipher, ang “Tagapagdala ng Liwanag sa Kaharian ng Diyos!”

CHRISTIAN: Satanas? Ikaw si Satanas!

LUCIPHER: Saan mo naman napulot ang pangalang iyan?

CHRISTIAN: Diyan ka kilala sa lupa. Ikaw si Satanas, ang panginoon ng mga demonyo!

LUCIPHER: Ano? Ganyan ako sa lupa? Hindi ang “Tagapagdala ng Liwanag sa Kaharian ng Diyos?” Ang sakit naman!

CHRISTIAN: Bakit, mabait ka ba talaga at hindi masama?

LUCIPHER: Grabe naman ang tanong mo! Masyadong personal.

CHRISTIAN: Pero sabi mo sunod ka sa rangko ng Diyos, e bakit nandito ka sa Impiyerno?

LUCIPHER: At bakit hindi? Ito ang pangalawa sa mga kalupaan ng Diyos. Isa itong napakalaking responsibilidad na sinuman ay mangangarap na kunin.

CHRISTIAN: Kung gayon, ipinagkatiwala sa ‘yo ito ng Diyos mismo?

LUCIPHER: Oo, Christian. Tama ka.

CHRISTIAN: Paano mo nalaman ang pangalan ko?

LUCIPHER: Matagal na kitang sinusubaybayan, Christian. Nakita ko ang paghihirap mo upang maipakita ang pananampalataya mo. Kahit alam mong mali. Pero alam ko ang nasa puso mo. Isa kang mabuting tao.

CHRISTIAN: Isang napakalaking papuri naman muli sa ’yo, Ginoong Lucipher.

LUCIPHER: Ginoong Ipe na lang. Ipe ang palayaw ko.

CHRISTIAN: Salamat, Ginoong Ipe. Bakit ni’yo naman ako pinapanood mula dito sa Impiyerno?

LUCIPHER: Nagdaan na ang palugit ng buhay ko, Christian. Ilang dantaon na rin ang inilagi ko sa serbisyo sa ating Diyos. Inabot na ako ng katandaan at kailangan na ring magpahinga. Christian, alam kong ikaw ang pinakabagay upang humalili sa posisyong aking iiwan.

CHRISTIAN: Talaga! Ikalawa sa pinakamataas na posisyon sa Diyos? Sa akin mo talaga ibibigay?

LUCIPHER: Nakita ko kung paano mo ipinaglaban ang katotohanan sa likod ng bawat kasinungalingan sa iyong puso. Alam kong gusto mong magbago . . . Kaya tulad ng iyong hiling, kakausapin ka niya upang ipaalam sa iyo ang mga katungkulan sa bago mong posisyon.

CHRISTIAN: Hindi talaga ako makapaniwala. Kanina lang pa—

Matitigilan si Christian.

LUCIPHER: Oo, hindi ka pa patay. Hindi puwedeng magbantay sa ikalawang kalupaan ng Diyos ang isang patay. Ang kailangan ay isang buhay na taong kinayang labanan ang mga kasinungalingan na nananahan sa kaniyang puso.

CHRISTIAN: Paano naman tayo makakapunta sa Diyos? May malaki bang kamay na kukuha sa atin o may ilaw na hihigop sa atin pataas?

LUCIPHER: Ano sa tingin mo ang pintong ito?

CHRISTIAN: Huwag mong sabihing . . .

LUCIPHER: Wala talaga tayo sa Impiyerno, Christian. Narito lang tayo sa Langit. Sa labas ng Opisina ng Diyos. Kaya pumasok ka na at alam kong hinihintay ka na niya.

CHRISTIAN: Maraming salamat, Ginoong Ipe! Hindi kita bibiguin sa pagpili mo sa akin!

Mabilis na pumasok sa pinto si Christian. Agad itong nagsara. Maririnig ang mga sigaw at iyak sa likod ng pinto habang umupo muli sa bangko si Lucipher. Biglang itinaas ni Lucipher ang kaniyang palad at huminto ang lahat ng tunog.

May darating na isang lalaki.

ISANG LALAKI: Nasaan ho tayo, Manong?

Magdidilim ang ilaw at magsasara ang tabing.

Hapagkainan

By Jim Raborar
Play

(Itinanghal ang dulang ito sa 1st Drama Festival ng Apat sa Taglamig Productions, Inc. noong Pebrero 2012, sa pagdiriwang ng National Arts Month ng South Cotabato noong 2013, at sa Koronadal National Comprehensive High School noong 27-29 Disyembre 2014.)

Mga Tauhan

ELI: 36, tiyo nina Elton at Elias, matandang binata, nagsisilbing padre de pamilya ng mga Salcedo

ELIAS: 18, bunsong kapatid ni Elton, binata, 2nd year HRM na estudyante sa Maynila, guwapo at may pagkapilyo

ELLA: 23, kaibigan ng pamilya Salcedo, wedding coordinator nina Elton at Sophie

JANINE: 26, kabarkada at isa sa matatalik na kaibigan ni Elton; isang doktor sa Cebu Medical, mataray at fashionista

KELVIN: 26, best friend ni Elton, isang engineer

MIA: 26, naging classmate at matalik na kaibigan ni Elton, public teacher, unang nagkaroon ng anak sa barkada

NOAH: 6, anak ni Mia, matalinong bata

BRIGIDA: 23, assistant wedding coordinator ni Ella

ELTON: 26, kapatid ni Elias, magiging bana ni Sophie, civil engineer, katamtaman ang pangangatawan, guwapo

SOPHIE: 24, magiging asawa ni Elton, civil engineer, anak ng prominenteng pamilya sa Pampanga, maganda, matalino at mayaman pero mapagkumbaba

*

Panahon

Disyembre, taong kasalukuyan; magdadapithapon

*

Tagpo

Mangyayari ang dula sa pangalawang palapag ng bahay ng Salcedo, partikular sa palibot ng hapagkainan (na isang dining table na maaaring lapatan ng kobremesa o table runner at patungan ng isang center piece na panay prutas). Vintage type ang interior ng silid, capiz ang mga bintana, at nagkikintabang mga tabla ang dingding. Mayroon ding kahoy na estante na kinalalagyan ng picture frames ng barkada, mga libro, at mga palamuti. Sa isa pang aparador, may dinnerware na pinong tsina, glassware, at koleksiyong pangkomedor. Malapit sa lababo nakalapag ang oven toaster, blender, coffee maker, at iba pang gamit. Katabi naman ng aparador ang refrigerator at water dispenser. Sa kaliwang bahagi ng hapagkainan ang sala set na yari sa mga katutubong materyal at na may center table na pinapatungan ng mga magasin. Narito rin ang mga palamuting pam-Pasko at mga regalo para sa kasal. Sa kaliwang dulo naman ang lagusan pababa sa unang palapag.

Nasa hapagkainan si Eli na nagkakape. Naroon din si Ella na abala sa pagtsetsek ng reminders mula sa organizer nito.

Madilim ang tanghalan. Magsisimula ang overture. Musikang medley sa tugtog na pam-Pasko, pangkasal, at pambarkada. Titimplahin ang tugtog ayon sa temang komedya, malungkot, at masaya. Tatagal lamang ito ng tatlumpung segundo hanggang isang minuto.

Unti-unting liliwanag ang tanghalan kasabay ng paghina ng musika.

*

Eksena 1

ELLA: Naku, Tito Eli!  Hindi na yata kayo makakatulog nito mamaya. Imagine, magsisidatingan na ang mga barkada ni Kuya Elton. Ever supportive talaga sila sa kasalan. Si Ate Janine, dadaan daw dito sa Pantua bago tutuloy ng The Farm. Si Kuya Kelvin naman hahabol na lang daw mamaya sa dinner, tatapusin niya na lang ang isang area sa Gensan. Si Ate Mia, naku, nagloloko pa ang anak kaya baka ma-late daw sila sa dinner. Nag-iinarte pa kasi si Noah.  And the rest of the barkada ng kuya ay hahabol na lang. O, basta ang caterer, maya-maya lang ay magse-set up na ‘yon. So kailangang makapag-meet muna lahat ng kasali sa entourage bago simulan ang kainan.

ELI: E, kaya nga ako nagkakape. Para yatang ako na ang tumatayong magulang nina Elton at Elias.

ELLA: Ay, hindi halata!

ELI: Pambihira talaga ‘tong mga magulang nina Elton at Elias, ang suwerte naman! Ano pa ang magagawa nila e bukas pa sila darating. Itong si ate kasi, lahat inasa na sa ‘yo. Palibhasa’y mamera. Kawawang Elton.

Sandaling katahimikan.

ELLA: Choks lang ‘yan, Tito Eli. Kumikita naman ako.

ELI: Umayos ka. Maaga pa ako sa airport bukas at susunduin sina Ate at Kuya. Naku, wala na yatang pahingaan ‘to. Kanina, panay ang follow-up ko sa mga kaibigan ni Ate Ellen. Lahat dapat daw um-attend bukas. Kulit nang kulit kagabi pa, na isa-isahin ko raw puntahan ang invited friends niya. Sabi ko nga e, “Di pa ba sapat ‘yung invitations na ipinadala sa kanila?” Hayun, e lahat naman dadalo. Itong si Elias din, mula no’ng dumating ‘yan dito last Wednesday, aba’y bakasyunista! Alis nang alis ng bahay. Ayaw atang mawalay saglit sa siyota.  Daig pa nila ang mga langgam at kuneho!

ELLA: Kuneho, Tito? Matatawa.

ELI: Ayan inumaga na ng uwi, namumula pa ng tsikinini. Lokong batang ‘yun, wala na ngang maitulong dito sa bahay, panay pa ang labas ng kotse. Palibhasa pag nag-i-iskul ‘yun sa Maynila e nagko-commute.

ELLA: Speaking of Elias, Tito, kailangan mai-fit niya muna ang barong. Tumawag kanina ang modista, hindi pa raw nasusukat ni Elias ang damit. Kailangan daw masukat ‘yon bago dalhin

sa hotel bukas. Kailangan yatang maisukat ‘yong lalim ng armhole.

ELI: Ha! Naku, ibang lalim ang sinusukat ni Elias, Ella. Ibang hole! Matatawa.

ELLA: Tito! Matatawa rin. Whatever hole man ang dinaanan niya, basta kailangan niyang mai-fit ang barong para sa armhole niya. Or else, ihuhulog ko siya sa manhole. May maririnig na busina mula sa ibaba kaya dudungaw mula sa bintana. Ay, saglit lang, dumating na ang caterer. Bababa na muna ako.

ELI: Pakisabi namang ‘wag munang ipa-chop ang letson. At na sa komedor na lang ilapag ang softdrinks.

ELLA: Si! Tito Eli. Bababa mula sa hagdanan sa kaliwa.

*

Eksena 2

Lalabas mula sa kanang bahagi ng entablado si Elias na kagigising lang. Kukuha siya ng juice sa ref at uupo sa hapagkainan saka magbabasa ng magasin.

ELIAS: Tito, ba’t magulo sa ibaba? Ano’ng meron?

ELI: May delubyo. O, ano naman ang plano mo sa kuya mo? Go-groomsman ka ba bukas o hindi? Tawag nang tawag na ang modista, hindi mo pa raw nasusukat ang lalim. Kasi naman ibang lalim ang inaatupag mo, Elias. Naku, pag nalaman to ng Kuya Elton mo, lagot ka, sige ka.

ELIAS: Naitahi na po.

ELI: Alin? Ang lalim?

ELIAS: Tito naman e, ang barong po. Hiramin ko po sana uli ang kotse mamaya. Susunduin ko lang po si Mae.

ELI: O, kagigising mo pa lang e, si Mae na naman ang nasa kukote mo. Kahihiwalay n’yo lang kaninang madaling araw. Nagkita din kayo sa panaginip mo kanina lang. Ngayon, gising lang ang pagitan, babalikan mo na naman. Ang asikasuhin mo ay ‘yung mga pinagagawa sa iyo ni Ella. Maligo ka na nga doon! Amoy… hmmmp! Amoy “L” ka talaga.

ELIAS: Ano na naman hong “L” ‘yan? Sasabihin n’yo namang LIBOG.

ELI:  “L”… “ELIAS!” Sige na, maligo ka na. Darating ang mga barkada ng Kuya Elton mo.

ELIAS: Opo. Uubusin ang juice at gagawi na ng kuwarto niya. Tito, pahingi naman ng imported shampoo, ha.

ELI: Gamitin mo na lahat sa banyo, ‘wag lang ang towel ko.

ELIAS: Tamang-tama, dry na po ‘yung bikini n’yo sa banyo. Tatawa. Joke lang po!

ELI: Lokong batang ‘to.

*

Eksena 3

Babalik si Ella sa itaas papasok mula sa kaliwang bahagi ng tanghalan na magsisilbing lagusan patungong hagdanan, pero hindi na makikita ng mga manonood ang hagdanan.

ELLA: Okey na po, Tito. Kumpleto ang menu at may dagdag pang mga champagne. Tiyak na mag-e-enjoy tayong lahat mamaya. And you know, Tito, may bonus! A, e, sa akin na lang po

‘yon.

ELI: Naku, Ella, anong bonus-bonus na naman ‘yan, ha? Tigilan mo ako. Naku, pag hindi masarap ‘yang caterer na ‘yan e lagot ka kay Elton mamaya.

ELLA: Tito, naman, i-discount ko po, dahil nga in love sa akin ‘yong caterer! Panay ang kindat ba naman sa akin. Kaya pala no’ng nag-kitchen test kami last week e aligid nang aligid sa akin. Sinubuan pa ako. Hay, ang sarap sa lalamunan! Hahaplusin ang lalamunan saka dudungaw sa bintana. Hayun! Halika, Tito. Ang landi ng tingin, o! Dali na, Tito, tingnan mo. Kakawayan ko, ha. Magmumuwestra ng kaway, tatawa, at medyo maglalandi.

ELI: Sasama sa pagdungaw sa bintana. Magtataka at maghahanap. Alin diyan? Saan?

ELLA: ‘Yon po, o, ‘yong naka-blue. Ano ka ba, Tito? ‘Yong kumakaway.

ELI: Ha! Ilusyonada ka ba naman, Ate. Tumigil ka kung ayaw mong isang araw e home for the aged na ang catering services niyan at ikaw e maging caregiver wife. E, ang tanda na niyan! May mapapansin sa mamang naka-blue. Oy teka, pansinin mo nga kung may nunal siya sa kanang pisngi?

ELLA: Eksakto! Tandang-tanda ko po, kasi naman ‘yon lang ang bagay na gumuhit sa paningin ko no’ng idinilat ko ang mga mata ko matapos niya akong subuan.

ELI: Sigurado ka?

ELLA: Oo naman!

ELI: Siya nga!

ELLA: Oo, siya nga!

ELI: E, siya ‘yung ninong ni Elias na hindi sumipot sa binyag noong araw dahil… Naku, Ella, lagot ka diyan. Buti na lang bukas pa ang dating nina Kuya at Ate.

ELLA: Bakit ano po ‘yon? Kilala ba siya ni Elias?

ELI: Hindi! Ng Kuya Ben, oo, pero ayaw ng Ate Ellen. Naku, patay! Basta mahabang kuwento!

ELLA: Nobela?

ELI: Epiko! May fantasy pa!

ELLA: Hay naku! Naguguluhan ako. Tito Eli naman, magkuwento nga kayo.

ELI: Ang haba nga e.

ELLA: Buod! Lagom! Summary! Precis! Gist! Sige na. Or gusto n’yo, papatuluyin ko siya dito sa hapagkainan nang magkita sila ni Elias. Para maipakilala natin siya kay Elias.

ELI: Huwag! ‘Yan ang huwag mong gawin, Ella. Okey, okey, ganito kasi ‘yun… Lalapitan si Ella at ibubulong ang buod ng kuwento tungkol sa mamang naka-blue. Hindi na ito maririnig ng mga manonood.   Mandidiri at parang nasusuka si Ella.

ELLA: Ha! Si Uncle Ben? Eew!

ELI: O, dahan-dahan! Bubulong muli.

ELLA: Ano? Naki-love triangle ang pari?

ELI: Shhhh! Patuloy sa pagbulong.

ELLA: Ano’ng nangyari?

ELI: Bubulong at wawakasan ang kuwento.

ELLA: Ay, ayaw ko na! Yucks! Dudungaw muli sa bintana at hahanapin ang mamang naka-blue. Magmumuwestra ng belat. Naku, Tito, buti na lang at bukas pa nga ang dating nina Uncle Ben.   At hindi na nga maabutan ‘yang caterer na ‘yan! So, dapat hindi niya makikilala si Elias, baka kung ano pa ang sumunod sa epiko!

ELI: Kaya nga, e.  Ikaw ba naman kasi, kung bakit sila pa ‘yung kinuha mong caterer?

ELLA: E, masarap siya! Este ang sarap niya, ay este masarap ‘yong luto nila. Ano ba?

ELI: Hay, ang buhay nga naman. Kukunin ang cellphone at titingnan ang mensahe. Babasahin nang walang tunog. O, kailangan ko munang sunduin sina Mia sa mall. Si Noah kasi, ayaw bumitiw ng X-Box. Ikaw na muna ang bahala rito. Maghahabilin kay Elias ngunit hindi na papasok ng silid. Elias! Gagamitin ko muna ang kotse, mag-single ka na lang mamaya. Basta pag nasa Koronadal ka lang, kahit ilang libot niyan sa roundball okay ‘yan! Elias? Elias, narinig mo ba ako? Kay Ella.  Ikaw na nga ang magsabi diyan. O, tuloy na ako.

ELLA: Sige po, Tito! Ingat kayo. Lapitan n’yo si Mr. Blue. Bulungan n’yo ng “Utot mo blue!”

ELI: Hindi, sasabihin kong patay na patay ka sa kanya. Papalabas ng entablado sa kaliwa.

ELLA: Oy, Tito, joke lang ‘yon. Tito!!!

*

Eksena 4

Maririnig ang busina ng kotse mula sa ibaba. Dudungaw muli si Ella sa bintana. Mae-excite.  

ELLA: Mula sa bintana. Ate Janine! Ate Janine! Akyat ho kayo. Hoy, lalaki, pakitulungan naman si Ate Janine sa mga bitbit. Ingatan n’yo, galing Cebu ang mga ‘yan. Salamat! Sasalubungin mula sa hagdanan si Janine. Ate kumusta kayo? Miss yah, miss yah! Ang ganda n’yo pa rin.

JANINE: Okey lang ako. Medyo nakakapagod lang. Davao kasi ang flight na available, booked na lahat ng Gensan. Siyempre, almost five hours pa din ‘yon papunta dito sa South Cotabato. Idagdag mo pa ang 50 km/hr ng Polomolok at… life is too slow in Tupi! Puchaks, kuwarenta! Takbo ng porlon! O si Elton? Nasaan ang pogi kong classmate at groom to be? Si Tito Eli? May mapapansin. Ella, you’re blooming! You must have someone na, iha.

Kailan ka huling na-in love? Hay, makaupo nga.

ELLA: A, e, Ate, gano’n ho ba? Na in love? A, e, kani-kanina lang din po… at kabe-break lang din.

JANINE: Really? Why? What happened?

ELLA: It’s a long story to tell, basta change topic na lang.

JANINE: Pa-secret-secret ka pa diyan!  Bakit, nobela?

ELLA: Epiko po. May fantasy pa. Sa mahinang boses na may dalang hiya.

JANINE: Saglit lang! Kahit ending lang!

ELLA: Bubulong.

JANINE: Ha! Really? Oh, oh my, Uncle Ben!

ELLA: Oy, Ate, never tell anybody ha? Lagot ako kay Tito Eli niyan.

JANINE: Matatawa. Swear! Oh my gosh! By the way, nasaan na ang mga pinsan mo? Si Tito Eli? Si

Elias? Asan na si Elton?

ELLA: Ay oo nga po pala. Si Tito Eli, sinundo lang sina Ate Mia sa mall. Ayaw kasi paawat si Noah, kanina pa laro nang laro ng X-Box. Si Elias naman, nasa kabilang kuwarto lang, nagpapahinga. Sina Kuya Elton at Sophie naman ay nasa location ng pictorial nila sa Barangay Paraiso yata. Kanina lang kasi dumating ang photographers from Davao. Humabol ng pre-nuptial pictorial. Tamang-tama, mga ala-sais ng gabi mamaya, makakapag-start tayo ng orientation bago tayo mag-dinner.

JANINE: A, gano’n ba. Kaya pala busy ang caterer sa ibaba. O, siya sige, ilapag mo na lang muna ang mga pasalubong ko diyan at ‘yong gift ko, dito na ‘yan. Huwag nang dalhin ‘yan sa reception bukas. Magdadala ako ng iba. At Ella, makinig ka. Gift ko dapat ang bubuksan bukas. Ako ang dadala ng maliit na gift. Kung may mas maliit pa, huwag mong kunin. Gift ko dapat ang bubuksan. Nagkakaintindihan ba tayo?

ELLA: Your wish is my command, Ate Janine. Ikaw pa. Noon pa man e ang lakas mo na sa akin.

JANINE: At teka nga Ella, ‘yong Sophie ba na ‘yan ay nakita na rin nina Mia at ng barkada? Never ko siya na meet in person. Sa Facebook kasi never ko siyang in-accept. Duh! Ano naman

kaya ang nakain nitong Elton ba’t napunta ‘yang Sophie na ‘yan sa kanya. Gurang  na, ang landi pa. Alam mo, tama ang kutob ko sa babaeng ‘yan. Siya ‘yong lady “S” na may sex scandal sa YouTube. Ito namang Elton, akala ko noong araw, fling-fling lang ‘yan. Aba’y nagulat na lang ako last month, inobliga na akong mag-maid of honor. Buti na lang, na-set ko na agad ang pagbabakasyon. So, si Ate na muna ang magma-manage ng clinic sa Cebu.

ELLA: You know naman, Ate Janine, napaka-sweet ng Sophie na ‘yan. And what about the YouTube scandal? Talaga ho? Oy, matingnan nga natin. Hiramin natin ang laptop ni Elias.  Excited na tutungong kuwarto ni Elias. Elias? Elias?

JANINE: Naku, naku, Ella! Not tonight. Maaga ka bukas sa hotel. Doon na natin panoorin. Matatawa.   Exciting!

ELLA: Talaga ho, Ate? May itinatago pala ‘tong Sophie na ‘to. Matingnan nga. Pero wala na akong magagawa niyan, Ate Janine, ha. Bilang wedding coordinator at pinsan ni Kuya Elton, bayad ho ako nito. Sobra-sobra na nga ang dina-download from America ng Tita Ellen para sa wedding na ito.

JANINE: Who cares, Ella? Ano nga ang surname ng Sophie na ‘yan?

ELLA: Kapalaran po.

JANINE: Makapal! Matatawa. O paano, tutuloy na muna ako ng hotel. Tawagan mo na lang ako mamaya pag handa na ang lahat. Please tell, Tito Eli na magpe-freshen up lang ako.

ELLA: Sure, Ate. Sige ihatid na kita sa baba. Tutunguhin nila ang hagdanan pababa.

*

Eksena 5

Lalabas mula sa kuwarto si Elias, ngayo’y bagong ligo at kausap sa cellphone si Mae. Tinititigan din ni Elias ang mga pasalubong at regalo sa hapagkainan.

ELIAS: Daanan kita diyan, Babes… Ya, don’t worry… In an hour, ginamit pa ng tito ko ang kotse… Oo, sige na, isasabay kita sa modista mamaya then tutuloy na tayo dito sa bahay… Miss you too… Love you, love you. Papatayin ang cellphone at ikakabit ang earphones sa I-pod. Magbabasa ng adult men’s magazine.

Ilang saglit lang ay may bubusina mula sa ibaba at may mga aakyat. Si Mia at ang anak nitong si Noah. Bitbit ni Mia ang paper bags ng sapatos na gagamitin kinabukasan at mga pinamili para sa anak. Mauunang papasok mula sa kaliwang bahagi ng tanghalan si Noah.

NOAH: Excited na papasok at sasalubungin si Elias nang may pagkasabik. Yayakapin nito si Elias. Tito Elias! Merry Christmas po! Tito, miss ko na po kayo. Kailan po kayo dumating?

ELIAS: Merry Christmas! Oy, Noah kumusta na ang baby naming? Ang laki mo na, a. Saan sina Mommy at Daddy?

NOAH: Okey lang po ako, Tito. Nasa baba po si Mommy. May overtime pa po si Daddy sa work.  Tito, pasalubong ko po, ha. Tito, ring bearer po ako bukas ni Tito Elton.

ELIAS: Gano’n ba? Oo naman, dinalhan kita ng favorite toys mo. Galing Maynila lahat ‘yun. Christmas gift ko na ‘yun, ha! Mamaya, bubuksan natin.

NOAH: Yehey! Yehey! Thank you po, Tito!

ELIAS: Basta good boy palagi, ha.

Papasok mula sa hagdanan si Mia sa gawing kaliwa.

MIA: Oy, Elias! Kumusta ka na? Ang pogi mo na, a. Kailan ka dumating?

ELIAS: Hi, Ate Mia! Tatayo mula sa kinaroroonan at makaligtaang naiwang nakabukas ang adult men’s magazine sa itaas ng coffee table na mapapansin naman ni Noah. Hahalik kay Mia. Okey lang po ako, Ate. No’ng Wednesday lang po ako dumating. Tamang-tama nga at Christmas break na rin sa Saint Benilde.

MIA: Oo nga ano. Merry Christmas! Buti na lang at nataon din sa bakasyon ang wedding ni Elton.   Kakapagod nga, bago lang din ang break namin sa public schools. Si Noah, naku, ayaw paawat ng X-Box kanina sa mall. Hayun, nagpasundo na kami kay Tito Eli.

ELIAS: Nasaan na po si Tito Eli? gamit n’yo po ba ang kotse?

Papasok si Noah sa eksena, bitbit ang nakabukas na pahina ng adult men’s magazine.

NOAH: Tito Elias, meron din po nito si Daddy sa office. Katulad din po nito. Sabi ng Mommy, bad daw po ito. Mommy, bad din po si Tito?

ELIAS: Magugulat at tangkang aagawin sa bata ang magazine ngunit naisara na ni Mia. A, e, Noah! Kakamot sa batok at akmang napahiya. Ngingiti na lamang.

MIA: Hoy diyos ko, Anak. A, e, hindi bad si Tito. Hindi lang puwede ito sa mga bata, Anak. Para lang ito sa mga… sa mga, sa mga matanda.

NOAH: Pati po kay Lolo?

MIA: Naku! Naku, paano ba ito? Anak, oo at hindi. Basta sa susunod, malalaman mo rin, ha.   Mamaya na sa bahay magpapaliwanag si Mommy, ha. Ibalik na natin to kay Tito, Anak.   Magmumuwestra kay Elias na itago ang magazine.

NOAH: Opo, Mommy. Babalik sa sofa at maglalaro ng games sa cellphone.  

ELIAS: A, Ate, pasensiya po. Maupo na ho kayo. Antayin na lang natin sina Kuya Elton at Ate Sophie. Tutunguhin ang kabinet at ipapatong ang magazine sa mataas na bahagi. Babalikan si Noah at kukulitin.

MIA: ‘Yon nga at nasa pictorial pa ang dalawa. Nagkasalubong din kami ni Janine sa baba at babalik lang daw siya later. Hayun, hinatid na ni Tito Eli sa hotel. Sina Kelvin at Caesar, hahabol din mamaya. Naku, ang ibang barkada, bukas na siguro ‘yon kasi naman napaka-busy nga naman ng panahon, Friday pa kasi e. Oy, Elias, maiba ako. Totoo ba’ng tsismis na ‘yan kay Sophie? Honestly, hindi ko pa ‘yan nakita in person, ha, pero kung ano-ano nang balita ang nakakarating sa amin. Totoo ba ‘yong Lady “S” sa YouTube? Naku, dapat nagdahan-dahan muna ‘tong Elton na ‘to. At saka ang tanda-tanda na ng Sophie na ‘yan, ha.   Mukha na siyang nanay ni Elton. Hay, no’ng high school pa man kami, lapitin talaga ng kahit sinong babae ‘yang kuya mo na ‘yan.Feeling ko nga nadali ‘yan ng gayuma. Ano sa palagay mo, Elias?

ELIAS: Gayuma ho? Matatawa. Okey naman po si Ate Sophie. Bukod sa sexy, ang ganda no’n, Ate.

MIA: Hmp! Salcedo ka nga talaga, Elias! Matatawa rin. Maglilibot sa bandang likod ng hapagkainan at mapapansin ang mga dating larawang nakakuwadro sa estante. Hahawakan ang mga ito at wari’y may maaalala. Nakaka-miss ang high school life. Imagine anim na taon na si Noah, saka pa lang ikakasal si Elton, parang ang bilis-bilis ng mga pangyayari. Kailan lang ako nabuntis, ngayon, ring bearer na ang anak ko. Kaya ikaw, Elias, ‘wag kang tumulad sa amin na napaaga ang responsibilidad bilang magulang. Gayahin mo si Kuya Elton mo na nasa tamang edad na,   may plano, at handa pa. Pero huwag na huwag mong gayahin ang pagkatanga ng kuya mo sa pagpili sa mapapangasawa, ha? Bukod sa eskandalosa na, matanda pa. Magtataray.

ELIAS: Matatawa nang bahagya. Okay po kami ni Mae, Ate. Kay Noah. Halika, Noah, pasyal tayo diyan sa labasan. Magmomotorsiklo tayo.

NOAH: Yehey! Sige po, Tito. Sa roundball tayo. Hihilain pababa si Elias.

ELIAS: Ate, sandali lang kami sa ibaba.

MIA: Sige, mag-ingat kayo. Dito na ako mag-aantay. Pagod pa ako. Noah, ‘wag masyadong malikot, ha? Mauupo sa sofa at magmumuni-muni.

NOAH: Opo, Mommy.

ELIAS: Halika na. Bababa.

*

Eksena 6

May mapapansin si Mia sa CD rack. Magpapatugtog ito ng kantang “I Say a Little Pray for You,” await, at may maaalala.   Ilang saglit pa, darating sina Kelvin, Janine, Eli, at Ella. Tamang-tama at aabot sa koro nito ang kanta na siya namang sasabayan ng awit ng mga papasok sa hapagkainan. Kasama si Mia, mapapasayaw din sila. Maaring lapatan ng kaunting choreography ang kanta, kunwa’y dating nakasanayan na sayaw ng magkakabarkada noong high school. Maghihiyawan ang magbabarkada.

MIA/JANINE: Janine!/Mia!

KELVIN: Hey guys, kumusta? Yayakap at magbebeso kay Mia. Parang walang anak ‘tong si Mia, a. Si Pareng Nilo darating ba?

MIA: Male-late ‘yon. O, kumusta na ang engineer naming bro? Buti napaaga ang dating n’yo. Talagang totohanan na ang pagiging best man mo bukas?

KELVIN: ‘Yun nga e. E ako ang best friend, ano ang magagawa ko? Buti na lang at pareho kaming may panahon ni Janine. Kay Janine. Ano, Dok?

JANINE: I can’t afford to miss my cute classmate and friend’s wedding ‘no. E kung hindi lang si Elton, magki-clinic na lang ako sa Cebu. At siyempre, puwede ba kitang hayaan na lang na mag-isang maglakad sa aisle? Siyempre, hindi. Yayakapin si Kelvin. I missed you, Kelvin. O, kailan naman ang plano n’yo ni Joan?

KELVIN: Joan is just around. Masyadong busy pa kami at hindi pa namin napag-uusapan ang kasalan.  Hopefully in a year or two.

JANINE: Well good for you. Ang saya lang, ‘no. Kahit once a year lang tayo nagkikita pero buo pa rin ang barkada. Isn’t it funny na gaano man ka-busy ang mga buhay-buhay natin ay napapanahunan natin ang magsiuwian?

ELI: O, paano naman kasi, pag nagyayaan kayo, e hindi n’yo naman iniisip minsan ang panahon at hindi n’yo rin matiis.

ELLA: Pagkatapos, pinipilit n’yo akong pauuwiin from duty para pagsilbihan kayong lahat. At ang Kuya Elton naman e pagtatrabahuin ako ng sangkatutak na paperworks pagkatapos ng reunion n’yo. Matatawa.

MIA: At nagmimistulang bistro ang bahay na ito. Imagine, mula high school hangggang nagkaroon na tayo ng propesyon, not to mention my little Noah, saksi na yata ang hapagkainan na ito sa bawat kabanata ng ating pagsasamahan. Walang nabago sa anyo. Ang mga capiz na bintana, mga larawan sa kuwadro, ‘tong mesa, ang sofa, bahay Salcedo pa rin. Ilang toneladang luha na kaya ang tumulo rito?

JANINE: Not to mention the sipon. Ang lakas mo pa naman pag sipunan na ang labanan, Mia.  Matatawa.

MIA: Oy, not much ha. Mag iisip muli at may maaalala. Libo-libong bangayan, tampuhan, halakhakan… Hay, nakaka-miss.

KELVIN: Kahit ngayon dramatista ka talaga, Mia. Siyempre naman. E, bakit kasi dito na ang nakasanayan nating tambayan? May iiba pa ba sa hapagkainang ito?

ELLA: Actually meron, Kuya! Ang hapagkainan sa ibaba, dahil doon may handa, dito wala. Ay teka lang, check ko na muna ang iba n’yong barkada. Tatawag lang ako sa landline sa ibaba. Sira kasi ‘tong extension phone. Ituturo ang phone sa side table. Si Brigida, parating na ‘yon. Siya ang assistant coordinator ko. Pag pumanhik ‘yon dito mamaya, paki-coordinate n’yo na lang ang prepared CD ng visual presentation n’yo mamaya, ha. Ayoko ko ng flash drive. CD lang! Sa kanya lahat ng AVP. Bababa na muna ako. Bababa.

ELI: O, paano Kelvin, Mia, Janine, sige. Medyo nahilo ako. Iidlip lang muna ako saglit sa kuwarto.  Kayo na muna ang bahala. Kabisado n’yo naman ang bahay. Sa inyo kaya ‘to. Sige, iwan ko na muna kayo.

KELVIN: Sige ho, Tito Eli. Kailangan n’yo pong magpahinga. Kami na ang bahala dito. Hindi na ho kayo nasanay.

ELI: O, sige. Salamat. Papasok na sa kuwarto.

*

Eksena 7

JANINE: Hay, timing!  Eto, Kelvin, makinig ka. Naalala mo ‘yong tinext ko sa ‘yo last time about Sophie?

MIA: Hoy, maghunos-dili kayo.

KELVIN: Oh, what about it, Jan? Which one, ‘yung YouTube thing?

JANINE: Exactly! Mia, dumito ka nga. Anyayahin si Mia at kunwa’y may iko-convene. Now, I have two set of CDs here. Remember what I have told you last week? Na gagawa ako ng AVP for the reception na ang laman ay ‘yong mga sex scandal ng Sophie na ‘yan?

KELVIN: Hindi kaya makakaeskandalo tayo niyan, Janine. Ano sa palagay mo, Mia?

MIA: No, no! Sabihin nating maling video lang ang nai-feed ng mag-o-operate ng AVP. At hindi naman maniniwala ang mga dadalo at si Elton na sa atin nanggaling ang mga ‘yon, di ba?

KELVIN: Itong Elton kasi ni hindi niya man lang napakilala nang husto ‘tong si Sophie sa akin. Ang laswa nga ng mga pinaggagawa no’n sa YouTube. At saka, ano ba ang itatawag natin sa kaniya? Ate? Mauupo sa sofa at magbabasa ng magazine.

JANINE: Hahalakhak. Tita! O di kaya, lola!

Papasok mula sa hagdanan si Brigida. Bitbit ang isang pouch, folders, at organizers.

BRIGIDA: Hi! Good afternoon po. Kayo po ‘yong mga kasali sa entourage na kaibigan ng groom?

MIA: You must be Brigida? ‘Yong assistant ni Ella bukas?

BRIGIDA: Gano’n nga po. Bridge for short. Ako po ‘yong mag-a-assist sa technicals bukas. So, kasali po kayo sa entourage bukas, Ma’am. Kay Mia.

MIA: Naku, ako hindi. Ang anak kong si Noah, oo. Maupo ka.

BRIGIDA: Salamat. Ay, oo nga po pala, kayo po ‘yong may magri-ring bearer na anak. Anyway, nandito po sa akin ang program para bukas sa reception. Nakalagay po dito ‘yong ten-minute audio visual presentation na cared of barkada. So need ko po ‘yon para ma set ko na po.

JANINE: Perfect!  Makinig ka iha, maglalaro tayo at may premyo ka. Huhugutin ang mga CD mula sa bag.   Makikita sa di kalayuan ang reaksiyon ni Kelvin. Hindi mapakali sa pinaplano ng barkada. Dalawang CD ang mga ito. Ang “A” ang original na AVP. Pero ang una mong isasalang ay itong “B” na ang laman ay scandal! Kunwari nagkamali ka lang ng salang at siyempre hindi mo alam kung kanino galing ito. Maliwanag?

BRIGIDA: So part ho ba talaga ito ng presentation? Hindi akalain na totohanang scandal ang laman ng CD.

MIA: Exactly! Ganyan ang choreography! Sundin mo lang ang instruction sa ‘yo at tiyak na matutuwa ‘tong sina Sophie at Elton. Intiendes?

BRIGIDA: Okey po. Sige, makakaasa po kayo. Mamaya, magse-set ng orientation si Ella sa flow ng ating program bukas. Pag makumpleto po ‘yong entourage mamaya saka niya na uumpisahan.   Hindi ko po alam if makakabalik pa ako mamaya. Kapag matapos ko na po ang order ng mga itutugtog, saka na siguro. What is important po ay nandito na ang mga ‘to sa akin.  Dadaanan ko muna ang mga pina-splice kong house music for the weddng sa shop. See you when I see you po. Bye! Akmang aalis.

JANINE: Pahingi pala ng number mo, iha.

BRIGIDA: Huhugutin mula sa organizer ang calling card. Ito po. Just text or call me if may additional info pa po kayo.

JANINE: Sosyal!  Salamat. Sige, ingat sila sa iyo.

BRIGIDA: Okey po. Bye!  Aalis subalit sadyang maiiwan sa sofa ang pouch na kinalalagyan ng cellphone nito.  Folders lamang ang mabibitbit nito.

JANINE/MIA: Bye! Matatawa at matatawa at matatawa.

*

Eksena 8

Aakyat sina Elias at Noah.   

NOAH: Tatakbo papasok. Mommy, may pasalubong po ako sa kuwarto ni Tito Elias.

MIA: O, dahan-dahan. O, bless to your Ninong and Ninang.

KELVIN: Oy, ang laki na ng Noah naming, a. Hahaplusin sa ulo si Noah at kakargahin. Magmamano si Noah.

JANINE: Bless, anak. Be a good boy always, ha?

NOAH: Opo, Ninang. Hahalikan si Janine.

JANINE: Kay Elias. Oy, Elias, kumusta na ang binata namin?

ELIAS: Hahalik kay Janine. Okey lang po ako, Ate. Heto, bakasyon na po.

JANINE: Mabuti. Ayusin ang pag-aaral, ha? Naku, ang pogi mo na.

ELIAS: Ngingiti na lamang. Kay Kelvin. Kuya, buti napaaga ang dating n’yo. Sabay kumusta.

KELVIN: Oo, maagang natapos ‘yung area ko sa Gensan. O, pagbutihin mo ang pagne-nursing mo, ha.

ELIAS: HRM po sa Saint Benilde. Salamat, Kuya.

KELVIN: A, De La Salle. Okey, may future chef na kami ha.

ELIAS: Kay Noah. Halika, Noah, bubuksan na natin ang mga laruan mo sa kuwarto.

NOAH: Bababa mula kay Kelvin at tutungo sila ni Elias sa kuwarto. Sige po. Yehey!

*

Eksena 9

Papasok si Ella. Mauupo na ang barkada palibot sa hapagkainan.

ELLA: Hay naku! Male-late talaga ang iba n’yong barkada. Anyways, umpisahan na lang natin.   Asan na nga ba si Tito Eli. Tatawagin si Eli. Tito Eli, Tito Eli… halina po kayo. Start na tayo.

MIA: Nagpapahinga pa ‘yon, Ella.

ELLA: Hay naku! Dapat nandito na siya. Anyways, uumpisahan ko na sa mga roles n’yo. Una kayo, Kuya Kelvin, ang best man. Kailangan kayo sa wine toasting tomorrow, about one minute lang ang script n’yo dito, tapos cheers agad. Then dapat most of the time aaligid kayo dapat kay Kuya Elton para a-assist kayo palagi.

KELVIN: Okey. Copy, Ella.

ELLA: Next kayo po, Ate Janine, ang maid of honor. Dapat wala po kayong masyadong bitbit bukas aside sa pouch ninyo at bouquet. Dahil most of the time, aaligid rin kayo kay Ate Sophie.   Kayo din po ni Kuya Kelvin ang in charge sa party poppers, na maggagaling lahat ‘yon sa akin bukas. Maliwanag ho, Ate Janine?

JANINE: Tse! Ang ganda mo, Ella.

ELLA: Natural ‘yang kagandahan ko, Ate.

JANINE: E, iga-guide mo pa rin naman ako bukas, Ella, ‘no? Just give me cues. Magtataray.

ELLA: Magmumuwestra ng kagandahan. Kayo naman po, Ate Mia, sisiguraduhin n’yo pong nakaligo na si Noah ng alas-dos ng hapon bukas. Nasa hotel na dapat kayo by 3 PM. May pictorial pa ng 4 PM lahat ng nasa entourage bago pumunta ng simbahan. Huwag n’yo pong painumin ng maraming tubig si Noah para hindi maghanap ng CR sa kalagitnaan ng ceremony. At please inform Kuya Nilo na magdala ng lighter sa bulsa para sa candle bukas. Nakuha n’yo po?

MIA: Proceed, Ella.

*

Eksena 10

Papasok si Eli at mauupo din sa hapagkainan. Biglang papasok si Elton dala-dala pa ang mga ekstrang damit na ginamit sa pictorial. Makikipagkumustahan at ilalapag ang mga damit sa sofa.   

ELTON: At kumusta naman ang aking barkada? Oy, miss ko na kayo, a. Hahalikan at yayakapin sina Janine at Mia pagkatapos ay yayapusin si Kelvin. Kanya-kanyang reaksiyon ang magmumula sa mga barkada. Pasensiya kayo at medyo natagalan kami sa pictorial. Paiba-iba kasi ng location at hinahabol ang sinag ng araw. Naks naman, excited na yata ang lahat, a? Ano, Ella?

ELLA: Everything is under control, Kuya.

Biglang papasok si Sophie ngunit batid na hindi alam ng barkada na siya ang tunay na Sophia Kapalaran. Hahalik ito sa bawat isa sa barkada.   

SOPHIE: Hi! Saka tatabi kay Elton sa isang banda.

ELTON: Guys, for the very first time, I would like you to meet my fiancée, Sophia Elizalde Kapalaran, 24, a businesswoman based in Subic. Her family owns a real estate in Pampanga and Sophie manages the marketing department. I met her in December last year during the World Building Expo in Manila. We both have the same profession. She’s also a civil engineer. Sophie, meet my closest friends. Kelvin is my best friend and an engineer also. This is Mia, a teacher. And this Janine, a medical practitioner based in Cebu.  Of course, Ella and Tito Eli.

Halatang mapapahiya ang barkada. Hindi naman alintana ni Sophie ang bawat reaksiyon ng barkada. Hindi mapakali ang tatlo sa nasaksihang taliwas sa kanilang inisip.

SOPHIE: Pasensiya na kayo kung medyo sinorpresa namin kayo ng ganito kasagad, to think na bukas na ang wedding at ngayon lang talaga ako ipinakilala ni Elton. Sinadya itong lahat ni Elton.   Itinago na niya ako nang husto from you. Pero simula pa man no’ng naging kami ay isa-isa niya nang ikinukuwento kayo sa akin. Kaya medyo alam ko na ‘yong pinagsamahan n’yo.  Hayaan niyo later tonight, pupunta dito ang family ko para maipakilala ko rin kayo sa kanila.   Kararating lang nila all the way from Pampanga. Ako nga ang na-surprise at ganito ka-close ang samahan n’yo. Hayaan n’yo, mamahalin ko nang lubos si Elton. And one more thing, if you happen to browse over the net ‘yong kapangalan ko po na may sex scandal sa YouTube, definitely, hindi po ako ‘yon. At sa edad at mukha po, ang layo. Matatawa kaunti.

Mananatili ang pagkagulat ng barkada.

ELTON: Definitely that’s not Sophie. Si Lady “S” ‘yon. Anyway, it’s my entire plan to really surprise you, guys!  Tiyak ‘yong ibang barkada natin tonight masosorpresa din. Kay Sophie. So, maupo ka na, Hon. Sige, Ella,  ipagpatuloy mo na ang orientation.

ELLA: Ayan. Pati ako at si Tito Eli ay ingat na ingat sa mga detalye ni Kuya Elton na dapat ni picture ay walang makikita dito sa bahay dahil nga surprise. Anyways, saan na nga ba ako? Titingnan ang kopya.

Papasok si Elias at hahalik kay Sophie. Mauupo din sa hapagkainan. Biglang aalis ng mesa sina Janine at Mia, tutungo sa isang banda at tatawagan si Brigida. Mahahalata ng mga manonood na nagmamadaling matawagan agad si Brigida upang bawiin ang naipadalang CD. At bawiin ang plano. Subalit halatang hindi ito nakokontak.  

JANINE: Nagda-dial. Sasambitin ang pangalan ni Brigida. Mag-uusap din sila ni Mia nang mahina lamang. Bridge, Bridge, sagutin mo ako. Dali, Bridge.

MIA: Ano na? Sinasagot ka ba?

JANINE: Ayaw. Putol nang putol.

MIA: Ako nga diyan. Akin na. Da-dial at mag-aantay. Bridge, Bridge, sumagot ka.

Tatawag, mapuputol, sisimulan uli, mapuputol. Babalik sila ng upuan at magda-dial uli sa isang tabi.

ELLA: Okey, dito na nga pala tayo sa reception. Mapapansin ni Ella ang dalawa. Oy, mga ateng!   Mamaya na po ‘yan, makinig muna kayo. Ano na namang tulay ‘yan?

JANINE: A, e, bridge over troubled waters, Ella! Matataranta.

ELLA: Ang alin?

MIA/JANINE: Kami! Ay wala, wala.

JANINE: Ano ka ba, Mia?  Maupo na nga tayo uli.

ELTON: Are you okay, Mia, Janine?

ELIAS: Juice po mga ate, gusto n’yo?

ELLA: Naku po, magkaka-trouble talaga pag hindi kayo makikinig. Okey, balik tayo sa reception, sa reception..

Biglang papasok si Brigida. At biglang magugulat sina Mia, Kelvin, at Janine. 

BRIGIDA: I’m back!  Naka-full smile.

MIA/JANINE/KELVIN: Bridge!

BRIGIDA: A, e, naiwan ko po ang cellphone ko sa pouch po. Nasa sofa yata. Nakakagulat naman kayo.

MIA/JANINE/KELVIN: Ha!

SOPHIE: Bridge!? Tatayo at hahagkan si Brigida.

ELLA: O, parang gulat na gulat kayo?

BRIGIDA: Sophie? As in Sophia Elizalde Kapalaran? Ikaw nga! Ay! Hahagkan muli. Naku, Ella, I didn’t expect na si Sophie pala ang magiging wife ni Kuya Elton. I thought ka batch n’yo rin. What a small world! Si Sophie, dating kaklase ko sa Ateneo de Manila no’ng first year! Kumusta ka na? Napadpad ka dito sa aming probinsiya!

SOPHIE: Oo, Bridge. Pati ba naman ikaw, isinekreto din sa ‘yo ni Ella? I missed you so much. I lost contact with you na kasi. Oo, si Elton. Kay Elton. Hon, si Bridge, ang dating kaklase ko sa Maynila. Nag-transfer kasi siya dito after a year. Naku, ako yata ang na-surprise sa mga pangyayari. It’s a blessing talaga na nagkita tayo muli. At sa wedding ko pa!

ELTON: What a perfect time! Every person na malapit sa atin nasa palibot lang natin. ‘Yan ang masayang naidudulot ng sorpresa.

ELLA: Wow, what a small world talaga! Oo, si Sophie nga Brigida. At tiyak bukas marami pang sorpresang darating. O Bridge, kumusta ang business n’yo kay Ate Janine?

JANINE: A kuwan, ano, Bridge…

MIA: ‘Yong ano sana…

KELVIN: E puwede bang… ayusin lang sana…

BRIGIDA: Ayos na po ‘yon lahat! Nothing to worry na sa transaction natin, mga ate at kuya.  Everything is set already. Napagawan ko na po ng master copy. Lahat ng part sa program bukas, naipasok ko na po sa flash drive na ‘to para tuloy-tuloy na. Naka-prepare na po ‘yon at final na ho ‘yon lahat. Nothing to worry na po. Ako pa. Basta matutuwa kayo, Sophie. Though hindi ko pa talaga napapanood kasi nagmamadali ‘yong technician kanina. Basta may aabangan tayong lahat! It’s here already. Huhugutin mula sa bra nito ang USB na nakakabit sa isang USB sling at ipapaikot patalikod nang dahan-dahan na akma namang aabutin sana ng barkada  subalit hindi ito nahablot. Naka-full smile ulit.

KELVIN: Naku patay! Sa mahinang tono.

ELI: Bago pa man lumamig ‘yung pagkain sa ibaba, mabuti na sigurong ipagpatuloy na lang natin mamaya ang pag-uusap. Pag kumpleto na rin ang entourage.

BRIGIDA: Maigi pong mag-group picture muna. Sige ako na ang kukuha. Poposisyon sa isang banda at huhugutin ang camera.

ELTON: Elias, tawagin mo na si Noah sa kuwarto.

ELIAS: Opo. Papasok sa kuwarto at sasabay na lalabas si Noah at ngayo’y sasali sa pictorial.

Matataranta pa rin sina Janine at Mia. Mula sa hapagkainan, sasabay sa group pictorial. Papagitna sina Sophie at Elton.   Sa kaliwa sina Mia, Kelvin, at Janine. Sa kanan naman sina Ella, Eli, Elias, at Noah. Mahahalatang ngiting aso ang barkada samantalang naka-full smile ang lahat. Sa bilang na tatlo mula kay Brigida, mag po-pose ang lahat sa kani-kanilang eksena. Mananatili ang eksena pagkatapos ng isang flash mula sa camera.

BRIGIDA: Okey, ready… 1, 2, 3, smile! Mahahalata ng mga manonood ang reaksiyon ng barkada. Ay isa pa. Ihahanda uli ang camera ngunit nasabit ang sling ng USB mula sa leeg nito. Chaka! Nasabit. Huhugutin ang USB at ilalapag sa mesa. Ready, okey, ready… 1, 2, say BRIDGEEEEE!

LAHAT: BRIDGEEEEEEE!!!!!!!

Eksaktong magpa-flash ang camera nang mag-uunahang kunin ng barkada ang USB sa mesa. Freeze.

Sasabay ang pagdilim ng tanghalan. 

Ire-reprise ang musika.

Tabing.

Ang Call Center Sister

by Hiyasmin Gabriela Espejo (Play)

Mga Pangunahing Tauhan
ROSALINDA DELA CRUZ –Isang babaeng nasa kanyang early 20’s.
JOCELYN DELA CRUZ –Kapatid ni Rosalinda. 19 years old.
MICHELLEABAD –Supervisor ni Rosalinda. Isang babaeng nasa late 40’s.
KATRINA –Kaibigan at kasamahan ni Rosalinda sa trabaho. Nasa early 30’s.
TERESA –Isang newbie sacall center.Nasa early 20’s.

Tagpo
Sa isang boarding house at sa call center.

Oras
Kasalukuyan.

*

SCENE 1

Sa kuwarto ni Rosalinda. 

(Nakapokus ang ilaw sa kama kung saan nakahiga si ROSALINDA.  Tutunog ang alarm ng cellphone niya.)

FLASH: 9:25 PM

ROSALINDA
Argh! Five more minutes, please!

(Pipindutin ni ROSALINDA ang cellphone. Tutunog muli ang alarm.)

FLASH: 9:30 PM

ROSALINDA
Trabaho na naman!

(Tatayo si ROSALINDA at lalabas ng entablado.)

SFX: Umaagos na tubig mula sa shower.

(Lalabas si ROSALINDA na pormal ang gayak – blusa, slacks, itim na sapatos at may dalang bag. Lalabas si ROSALINDA ng kuwarto at pupunta sa kusina.)

Sa kusina.

(Daratnan ni ROSALINDA si JOCELYN na nakaunipormeng pangkolehiyo at may binabasang libro.)

ROSALINDA
Jo! May natira pa bang pagkain from dinner?

JOCELYN
Naku, pasensiya. Ubos na ang ulam, Ate. Pero may kanin pa diyan. Magluto ka na lang ng ulam mo.

ROSALINDA
Wow! Try niyo rin minsan tirhan ako ng ulam, ha? Kahit naman iba ang takbo ng oras ko sa oras ninyo, nagugutom din naman ako, girl.

JOCELYN
I’m sorry, my call center sister.

(Titingin kay ROSALINDA at tatawa.)

Magluto ka na lang ng itlog at hotdog. Tutal, oras ng almusal mo naman, e.

ROSALINDA
Nevermind, sa office na lang ako kakain.

JOCELYN
It ups to you, my call center sister!

(Titingnan si ROSALINDA mula ulo hanggang paa.)

Teka, anong meron? Ba’t ganyan ang bihis mo? Businesswoman ang peg, te? Yung totoo, sa call center ka ba nagtatrabaho o sa World Trade Center?

(Tatawa.)

ROSALINDA
Tse! Teka, yung bill ng boarding house, dumating na ba?

JOCELYN
Hay, naku. Last month pa, te! Baka nga mapaalis na tayo dito, e! Kaya nga sinasadya kong gabi na umuwi, e. Kasi naman kinukulit na ako ni Madam.

ROSALINDA
(Bubuntonghininga)

Don’t worry. Sabihin mong magbabayad ako sa susunod na sahod.

JOCELYN
Did you sure about that, my call center sister?

ROSALINDA
Oo naman. Sige, alis na ko. Male-late na ako.

JOCELYN
Ay, teka, te. Pahingi ng baon.

ROSALINDA
Ano? Kabibigay ko lang nung Monday, ah!

JOCELYN
Sabado nung huli mo akong bigyan, te, ng limandaan. Sandaan kada araw, di ba?

ROSALINDA
Oo nga, pero nung Monday lang yun!

JOCELYN
Sabado yun, te! Huwebes ngayon.

ROSALINDA
Kaya nga nagtataka ako kung bakit ka nanghihingi na naman ngayon.

JOCELYN
Ate, Sabado yun. NSTP ko nun, e. Humingi nga ako ng ekstra para pambili ko ng NSTP shirt, pero sabi mo sa susunod na sahod mo na lang ibibigay.

(Tatawa)

Ayan ka na naman, e. Nalilito ka na naman sa araw at oras mo. Wala ba kayong tense of time sa trabaho ninyo?

ROSALINDA
Sense of time, boba.

(Titingin sa taas naparang may iniisip.)

Ay, oo nga, noh? Saturday nga yun.

(Kukunin at bubuksan ang kanyang wallet mula sa kanyang bag. Ilalabas ang buong limandaang piso.)

Wala akong change, e. Ano oras ba pasok mo bukas?

JOCELYN
Ala-una ng hapon.

ROSALINDA
Bigay ko na lang sa ’yo bukas. Alas-otso naman out ko, e. Uuwi rin ako agad.

JOCELYN
You sure that one, my call center sister! Or else I cannot goes to school!

ROSALINDA
Eto na nga lang pera ko, e! OMG! One week to go pa before sahod!

JOCELYN
Good luck! Kasi naman, pag araw ng sahod, Starbucks, taxi. Pero kahit wala kang pera, magaling ka pa ring tumayming, Ate. May 3-in-1 akong kape riyan, baunin mo na lang sa trabaho.

(Tatawa)

ROSALINDA
‘Wag na. Hindi naman ume-effect sa akin ‘yan, e. Bibili na lang ako ng Cobra sa kanto.

JOCELYN
Samahan mo pa ng yosi at nang maging super malusog ka na.

(Tatawa)

ROSALINDA
Tse! Alis naako.

JOCELYN
Goodbye and thank you, my call center sister!

(Lalabas ng entablado si JOCELYN. Si ROSALINDA naman ay maglalakad papuntang convenience store.)

Sa counter ng convenience store.

ROSALINDA
Miss, isang Marlboro. Tens. Red. Tapos isang Cobra rin.

(Iaabot ang limandaang piso mula sa wallet.)

TINDERA
Wala po ba kayong smaller amount, Ma’am?

ROSALINDA
Wala, e.

TINDERA
Sure po kayo, Ma’am?

ROSALINDA
Ano ba’ng sabi ko? Wala nga, di ba?

(Padabog na kukunin ng tindera ang sigarilyo.)

ROSALINDA
(Magagalit)

Nagdadabog ka ba, Miss?

TINDERA

Hindi po, Ma’am.

ROSALINDA
Siguraduhin mo, ha? Huwag na huwag mo akong babanggain, Miss, ha? Because I am a customer service representative. Alam ko ang rights ko as your customer. Remember, the customer is always right. It’s your job na maghanap ng change. O baka gusto mong kausapin ko manager mo?

TINDERA
(Yuyuko habang inaabot ang sukli.)

Eto na po change n’yo, Ma’am.

ROSALINDA
See, may change ka naman pala, e!

(Lalabas ng convenience store si ROSALINDA.)

TINDERA
Kala mo kung sino. I-English-English pa!

(Aktong babalikan ni ROSALINDA ang TINDERA ngunit matitigilan siya. Titingnan niya ang kanyang cellphone.)

FLASH: 10:11 PM

Kung di lang ako male-late. Humanda ka sa susunod! Kay aga-aga, bubuwisitin na ako? Aba!

(Magsisindi ng sigarilyo. Iinumin ang dalang bote ng Cobra Energy Drink. Bibilangin ang sinukli ng TINDERA.)

So, four-fifty. Paano ko pagkakasyahin ‘to ng isang linggo? Bibigyan ko pa si Jocelyn ng two hundred. OMG.

(Hihithitin ang sigarilyo.)

Ba’t ba kasi ako nagpadala dun sa hulugang Michael Kors na bag? Paano ‘to? What if hindi ko na lang muna babayaran? Payag kaya si Katrina? Sana. Teka, anong oras na ba?

(Titingin sa cellphone.)

FLASH: 10:21 PM

Male-late na ako.

(Iinom ulit ng Cobra. Itatapon ang sigarillyo at maglalakad nang mabilis palabas ng entablado. Lights off.)

*

SCENE 2

Sa lobby ng opisinang Perfect Global Solutions.

FLASH: 10:59 PM

(Tatakbo si ROSALINDA at isa-swipe ng tatlong beses ang kanyang ID sa barcode machine. Tutunong ang barcode machine.)

SFX: Tatlong short beeps.

ROSALINDA
Woooh! Muntikan na akong ma-late, a! Buti nakaabot pa!

(Tatakbo papuntang locker, kukunin ang tumbler at headset. Kukunin mula sa bag ang cellphone at itatago ito sa kanyang bulsa. Ipapasok ang bag sa locker. Tatakbo papuntang production floor.)

Sa production floor.

ROSALINDA
Good morning po, Miss Michelle!

MICHELLE
(Nakaharap sa computer.)

Good morning –

(Titingnan si ROSALINDA.)

You’re late again.

ROSALINDA
Hindi a, 10:59 po ang barcode ko.

(Ngingiti.)

MICHELLE
You’re still late. At 10:59, you should already be taking calls. How many times do I have to remind you to –

ROSALINDA
Be at the office, fifteen to thirty minutes before your shift so that you can prepare your station and your tools.

MICHELLE
See, you’ve even memorized it but what are you doing about it, Rosalinda?

ROSALINDA
Rosalinda agad? Full name agad? Hindi ba pwedeng Rosa muna?

MICHELLE
EOP. English Only Policy, Rosa. We have clients who are visiting today, remember?

ROSALINDA
I forgot. Sorry, Miss.

MICHELLE
Go ahead and prepare your station. Log in right away, okay?

ROSALINDA
Yes, Miss.

(Tatakbo papunta sa mga cubicle. Uupo sa cubicle na nasa kanan ni KATRINA at susubuking i-on ang computer.)

Ayaw mag-on! Sira ba itong station na ‘to? Ba’t kasi nang-aagaw ng station, e!

KATRINA
Kung di ka lang sana late, Rosa. Alam ko namang gustong-gusto mong umupo sa tabi ng crush mo, e! Naagawan ka tuloy. Alam mo namang may newbies, e!

ROSALINDA
(Kakausapin ang katabi sa kanan.)

Hi! Newbie ka?

TERESA
Yes, Ma’am.

ROSALINDA
‘Wag mo nga akong mina-Ma’am. Pareho lang tayong agent.

(Kikindat.)

By the way, I’m Rosa. What’s your name, baby girl?

TERESA
Teresa po.

ROSALINDA
Wala bang “for short” ‘yan, baby girl?

TERESA
Tere, na lang po.

ROSALINDA
Tere, hmmm. Medyo mahirap tandaan ‘yang pangalan na ‘yan. Saka hindi tunog-American. Naisip mo na ba anong pangalan ang gagamitin mo?

TERESA
Terry po sana yung gagamitin ko.

ROSALINDA
Hindi mabait pakinggan, e. What if, “Therese”? Oh, di ba? Very nice. Virginal. Therese.

TERESA
Oo nga, no? Sige, I’ll use Therese.

ROSALINDA
Awesome! So magte-take na ba kayo ng calls?

TERESA
Mamaya pa raw, e. Call listening daw muna kami. Side-by-side.

ROSALINDA
So sa akin ka magko-call listen?

TERESA
Kung okay lang sana sa iyo.

ROSALINDA
Sure! No problem. Wait lang, ha. Prepare ko muna yung tools.

(Magbubukas ng mga ginagamit na software sa computer.)

Okay, shoot!

(Da-dial sa teleponong Avaya at pipindutin ang Log In button nito.)

Alright! Avail pa naman pala e. Wala pang calls. So, kumusta naman tech training ninyo?

TERESA
Nose bleed.

(Tatawa.)

ROSALINDA
Nose bleed talaga. Technical support, e! Sukang-suka na nga ako sa mga routers, modems, at kung anik-anik pang maisipan nilang ibenta at sirain.

TERESA
Mahirap ba ang technical support?

ROSALINDA
At first, yes. Lalo na kapag wala ka talagang background sa technical support, tulad ko. Pero, sa awa ng Diyos, nakapasa naman. At ngayong tenured na ako, kahit half-asleep ako, mareresolve ko pa rin ang problems nina John Smith, Rashid Patel, at Tom Nguyen.

TERESA
John Smith? Sino sila?

ROSALINDA
Sila ang mga customer natin. Mga karaniwang names ng customers natin. Pero alam mo, kahit antagal ko na dito, nangangapa pa rin ako when it comes to reaching the targets. Kasi naman, pa-change-change sila ng call flow, Quality Assurance or QA guidelines, at sales metrics. Nakakaloka minsan. Lalo na ang mga customers. Get ready for irate customers. Pero, normal namang umiyak sa first call mo or sa first experience mo with an irate customer. Noon nga, e –

SFX: Long beep.

(Matitigilan si Rosalinda at pipindutin ang mute button sa Avaya. Susuotin niya ang dalang headset.)

Wait, may call na ako.

(Pipindutin muli ang mute.)

Thank you for calling Connected Home technical support. My name is Rose. How may I help you today?

(Tatahimik si Rose at pipindutin ang mute.)

Wow! Jackpot! Indian! First call, Indian agad? Kung minamalas ka nga naman.

TERESA
Bakit?

ROSALINDA
You’ll find that out soon, baby girl. Balik muna ako sa call ko.

(Pipindutin muli ang mute.)

I see. So, you lost inner-net connection? I’m so sorry to hear that, Sir. But don’t worry, I’ll be more than happy to assist you with that. Before we proceed, though, I would need to gather some information so I can create a case for you in the system.

(Pipindutin muli ang mute at kakausapin si TERESA.)

Ay, putang ina! Hindi niya raw maintindihan English ko? Sure ka na ba, Sir, o hindi ka lang talaga nakakaintindi ng English, period?

(Pipindutin ang mute.)

I’m sorry about that, Sir.

(Magsasalita nang mabagal.)

I was just saying that I would need to create a case for you here in the system. May I have your first name?

(Pipindutin ang mute.)

Struggle, baby girl, ang kumuha ng pangalan ng Indian na customer. Listen and learn.

(Pipindutin ang mute.)

I’m sorry, I didn’t catch that. Do you mind spelling it out for me?

(Pipindutin ang loudspeaker button.)

CUSTOMER
(Voice-over. Indian accent.)

A for epol. N for no. I for I know. R for royal. U for you and me. D for dool. D for dool. Ech for hooray.

ROSALINDA
See? Torture! Nakuha mo ba name niya?

TERESA
Hindi. Ang hirap kaya!

ROSALINDA
My point, exactly. Wait ha.

(Pipindutin muli ang loudspeaker button.)

I’m sorry. Was that A for alpha, N for November, I for India –

(Pipindutin ang loudspeaker at tatawa. Pipindutin ulit ang mute.)

R for Romeo, U for uniform, B for bravo or D for delta?

(Naiirita.)

Yeah, but what do you mean by B? B as in ball, banana or D as in dog, daddy? Okay, so that’s D for daddy or delta. Then another D for delta. And, was that X for x-ray?

(Pipindutin ang mute.)

Tang-ina, Sir! 3 minutes na ang lumipas, first name niyo pa lang nakukuha ko? Ang AHT ko! Please! By the way, Tere, AHT is Average Handling Time or the time you spend talking to a customer. So, sa tantiya ko dito, 45 minutes ito. Target, by the way is 15 minutes. So, good luck to me!

(Pipindutin ang mute.)

I see. H for hotel. Okay. And your last name? Oh, Patel. So that’s Aniruddh Patel. Okay. So, by the way, you mentioned that you’re not on the place where the router is? Oh, I see. There are many things that we need to check in order to fix your router. First, we need to check if you have inner-net connection from your cable modem. And we can only do that if you’re on the place where the modem and router are. Ahuh, yes, Sir. Don’t worry. I’ll be giving you a reference number. Yup! Do you have a pen and a paper handy? Okay. It is DDA or delta delta alpha. I’m sorry?

(Pipindutin ang mute at kakausapin ulit si TERESA.)

Tere! Gagong customer, o. Sabi ko DDA as in delta delta alpha, punyeta. Sabi ba naman, can you spell delta?

(Pipindutin ang mute.)

TERESA
(Tatawa.)

Gosh!

ROSALINDA
Yeah, that’s right. 156785. So it’s DDA156785. Okay. Sure! You’re welcome, Mr. Patel. Thank you so much for calling Connected Home tech support. You have a wonderful day and do take care!

(Ibababa ang headset.)

Tangina. Wala naman pala sa bahay. Panira ng sales conversion. Nagyo-yosi ka ba, Tere?

TERESA
Hindi.

ROSALINDA
Tara, samahan mo ako!

(Sisigaw kay MICHELLE)

Miss, aux one! Bye!

(Pipindot ng Aux button sa Avaya at kukunin ang yosi at lighter.)

Sa smoking area.

ROSALINDA
(Kukuha ng isang stick ng sigarilyo at sisindihan ito.)

Alam mo, Tere. Nakakainis talaga ‘yang mga customer na ‘yan. Minsan, tatanga-tanga. Tulad nung isa, tatawag para ipaayos yung connection niya, e, wala naman siya sa bahay. Asar.

TERESA
Pero ganyan ka ba talaga, Rosa? I mean, irate agent?

ROSALINDA
Hindi naman always. Minsan, may puso rin naman ako. Like one time, nagka-customer ako na super tanda na, and differently-abled pa. Super naawa ako at ang ending, umiyak ako nang bongga.

(Tatawa.)

May naging customer din akong may cancer at halos di na makapagsalita. Naiyak na naman ako.

(Katahimikan.)

Depende naman ‘yan sa customer, e. Kung nice sila, nice din ako. Kung hindi naman, good luck.

TERESA
Pero, di ba, may sanction pag nahuli ka ng QA for rudeness?

ROSALINDA
Oo, termination pa nga aabutin mo niyan e. Kaso alam mo yun, yung andami mong kailangan habulin – AHT, QA, sales conversion – hindi mo na mapapagsabay-sabay! Naisip ko nga, mahirap din ‘tong trabahong ‘to. Andami mong kailangan habuling target. Mafi-feel mo lang ‘yan pag nasa floor ka na, taking actual calls. Sikat na sikat dito sa call center ang “Hindi araw-araw Pasko.” Minsan, dami mong sales, panay mababait yung customers mo. Pero may mga araw ring buwisit na nga silang lahat, nahihirapan ka na nga sa problema ng customer mong may tatlong iMac, limang iPad, dalawang iPhone at sandamakmak na printer, binibuwisit ka pa ng supervisor mo na bumenta ng mga router. Kaya minsan, wala kang choice kundi bolahin yung customer na “You need this, you need that.” para lang makahabol sa sales. Tapos yung tipong super serious ka na sa troubleshooting mo ng dalawang router ng customer plus sandamakmak na gadgets, e, kukulitin ka na naman ng supervisor kasi 30 minutes ka na sa call. Tapos pag nagtangka kang mag-explain, ang sasabihin sa iyo ay you need to balance everything. Avoid unnecessary troubleshooting. Hello! Hindi mo naman siguro kasalanang trip ng customer mong pakyawin yung buong iCenter at i-connect silang lahat sa Internet, di ba?

TERESA
Hindi ka pa ba nahuhuli ng QA?

ROSALINDA
Hindi pa naman. Nahuhuli ako ni Sup Michelle but kinakausap lang din naman ako nang mabuti. Naku, pag ako nahuli, patay! Dadaanin ko na lang siguro sa petiks. I don’t know.

TERESA
Pero di mo pa ba naisip na magbago bago ka mahuli?

ROSALINDA
Come what may ako. Kung matatanggal, e di go. But I don’t think they can let me go. First, tenured agent ako. Second, bongga din naman ang sales ko.

TERESA
May pinapag-aral ka ba? O asawa at mga anak?

ROSALINDA
Pinapag-aral, yes. Asawa? Anak? No. Wala akong oras para sa mga ganyan. And speaking of oras, malapit na akong ma-OB!

TERESA
OB?

ROSALINDA
Overbreak!

(Hihithit ng sigarilyo at itatapon ito.)

Tara na!

(Tatakbo pabalik ng production floor.)

MICHELLE
Rosa! OB!

ROSALINDA
Sorry, Miss.

MICHELLE
What’s wrong, Rosa?

(Pabulong.)

Kanina, muntik ka na ma-late. Ngayon, OB?

ROSALINDA
Sorry po, Sup. Di na po mauulit.

(Tatakbo pabalik sa cubicle.)

OB nga ng 2 minutes.

(Susuotin ang headset.)

Thank you for calling Connected Home technical support. My name is Rose. How may I help you today?

(Binaba ang headset at pinindot ulit ang Avaya.)

Wow, wala na atang mas a-irate pa dito. Hala, sige. Dumakdak ka nang dumakdak diyan. Kuha muna ako ng tubig.

(Tatayo, kukuha ng tubig. Pagbalik niya ay isusuot niya ulit ang headset.)

Yes, I’m here. I apologize for the inconvenience, Sir.

(Pasigaw.)

No! I understand where you’re coming from. I understand the frustration. I will be more than happy to assist you with fixing your router.

(Pinindot ang Avaya.)

Mas bobo ka! Akala mo kung sino! Bobo ka nga di ba, kaya nga tumatawag ka ng tech support?

(Pinindot ulit ang Avaya.)

Okay, Sir. I really would want to help you with this issue. Before we proceed, let me gather some information so I can create a case for you. May I have your full name, starting with your first name, please?

(Pinindot ang Avaya at naiirita na.)

Isa na lang, Sir. Last na lang talaga. Promise.

(Pinindot muli ang Avaya.)

I hope that makes you feel good about yourself.

(Pinindot ang mute at tatawa nang malakas.)

Boom! Sabi ko naman kasi last ka na. Grabe, Kat, stupid and incompetent daw ako? Release ko kaya ‘tong gagong ‘to?

KATRINA
(Pinindot ang mute.)

Alam mo namang bawal ‘yan. Mahigpit na ang QA ngayon. Remember, si Justin, ganyan din yung kaso.

(Pinindot ang mute.)

ROSALINDA
Alam mo rin naming super hate ko ‘yang mayayabang na Kano. Nakakainis!

KATRINA
(Pinindot ang mute.)

Whether we like it or not, the customer is always right.

ROSALINDA
No. This customer is wrong!

(Pinindot ang Avaya.)

TERESA
Ano’ng nangyari sa call?

ROSALINDA
Ssshh. Ni-release ko. Corny e. Buwisit. Di bale, di naman ako gumawa ng case, e, so hindi ako mate-trace.

(Tatawa)

Tayming pa. Avail ulit!

TERESA
Ano nang mangyayari sa customer?

MICHELLE
Rosa, press Aux Meeting.

ROSALINDA
Coaching, Sup?

MICHELLE
Just press Aux Meet.

ROSALINDA
(Pinindot ang Aux Meet sa Avaya.)

Done, Sup!

(Tumayo at naglakad papunta sa station ni MICHELLE.)

MICHELLE
The QA sent me an email. They have monitored your live calls today. By they, I meant not just the QA, but a client as well. Do you remember what you did with your last call?

ROSALINDA
Yes, Sup. Gago naman yung customer, e.

MICHELLE
Sa three years mo dito, Rosa, I’m sure alam mo na maraming ganyang customer. Hindi ka naman irate noon, a? Don’t tell me that I haven’t warned you. Sabi ko naman, di ba. ‘Wag maging kampante. Pero hindi ka pa rin pala nadala?

ROSALINDA
Sup, hindi ko naman ire-release yung call kung hindi irate yung gagong yun, e.

MICHELLE
So ni-release mo? Oh, no.

ROSALINDA
E, sinabihan na ako ng stupid, e.

MICHELLE
Alam mo namang may SOP tayo diyan. Paano natin to ie-explain?

ROSALINDA
Na na-disconnect? Pinetiks ko naman yun, Sup, e. Di naman release button yung pinress ko. So hindi nila matse-check yun sa released calls tracker.

MICHELLE
Aba, ang galing mo sa workaround, a? I’m sorry, Rosa. Just to set your expectations, baka hindi tayo makalusot dito. Live call, e. So, sa ngayon, mag-lunch ka muna at pinapapunta nila ako sa conference room to deliberate.

ROSALINDA
Sup! Natatakot ako!

MICHELLE
Ikaw naman may gawa niyan sa sarili mo e.

ROSALINDA
Hindi naman ako matatanggal, diba?

MICHELLE
It’s up to the upper management. I’m sorry.

(Lights off.)

*

SCENE 3

Sa smoking area.

ROSALINDA
(Magsisindi ng sigarilyo.)

Tatanggalin nila ako? E, ang dami ko kayang sales contribution. Buwiseeet. No, I don’t think tatanggalin nila ako. Importante naman siguro ako para sa kompanyang ito, no? Pero, OMG, paano na’ng bills? Ang boarding house, ang installment kong bag, ang kapatid kong nag-aaral?

(Tatawa)

No, Rosa. They wouldn’t do that to you. Don’t worry. Everything will be fine. They will consider the three years you have spent with the company. They will. They definitely will. Kaya, relax, Rosa.

(Hihithitin ang sigarilyo.)

Relax.

(Itatapon ang sigarilyo at babalik sa production floor.)

Sa production floor.

MICHELLE
Rosa. Come here.

(Uupo si Rosa sa station sa tabi ni Michelle.)

This is not easy for me. In fact, I don’t know how to say this –

ROSALINDA
Tanggal na ako, ganun ba, Sup?

MICHELLE
Alam mo naming mortal sin ang mang-release ng call, Rosa. And naungkat yung mga dati mong kasalanan, AWOL, pagdadala ng cellphone sa floor –

ROSALINDA
It’s okay.

MICHELLE
I’m so sorry. I tried to –

ROSALINDA
It’s fine, Sup. I understand.

MICHELLE
(Yuyuko.)

Okay. Please proceed to the HR for your clearance.

(Enter Teresa.)

TERESA
Rosa! Ano’ng nangyari?

ROSALINDA
Ayun, terminated. Kaya ikaw, umayos ka. Kung sa tingin mong hindi bagay sa iyo itong call center, ‘wag ka ng tumuloy. College graduate ka ba?

TERESA
Oo.

ROSALINDA
Good for you. Ako kasi hindi, kaya wala akong choice. Try mong maghanap ng mas magandang trabaho. Ganun din naman uwi ng lahat ng college graduates, e. Ginagawang stepping stone ang call center. And, it’s fine, Tere. Come and go naman talaga ang mga tao sa BPO, sa call center.

TERESA
Pero, paano ang kapatid na pinapag-aral mo?

ROSALINDA
Yun nga pinoproblema ko. Nangako ako sa parents kong aakuin ang pagpapaaral sa kapatid ko. But, that’s fine! Andaming call center dito no!

(Nakapokus ang ilaw kay ROSALINDA. Titingnan nito ang kanyang cellphone.)

SFX: standard text message ring tone.

FLASH: Message from Katrina

Rosa, i’ve head… sori… nga pala, ok lng b f kunin ko na yung payment para sa bag? sinisingil na kasi ako ni ate… magbabayad daw siya ng credit card… i knw na d 2 mgndang timing, pero sori tlga…

FLASH: Message from Jocelyn

TEEEEEEEHHH! wrU na pOh? kLngAn ko na pMuNta skHuL. aLowAnce ko? 🙂

FLASH: Message from Landlady

Good morning, Rosa. Please settle your balance sa bhaus. P6,500. Thank you.

(Lights off.)

*

SCENE 4

Sa boarding house.

ROSALINDA
Jo! Jocelyn!

(Magtatanggal ng sapatos si Rosalinda at dederetso ito sa kusina. Titingnan niya ang mesa at iaangat ang food cover. Makikita niyang wala itong laman.)

Right. Wala na namang pagkain.

(Lights off.)