Ni Luis B. Bahay Jr.
(Ang sanaysay na ito ay semifinalist sa 3rd Lagulad Prize.)
“Tambali nag lana.” (Gamutin mo ’yan ng lana.) Ito ang palaging sinasabi sa akin ng manggagamot kong ama kapag nagkakasugat ako. Madali lang akong masugatan at masaktan, pisikal man o emosyonal. Inaamin kong lampa ako. Mahinhin at malambot ang ikinikilos ko kaya madali lang akong madapa sa tuwing nakikipaglaro. Ang mga peklat sa aking mga binti at paa na mistulang mga isla ng Pilipinas ang palatandaan ng aking kahinaan. Mabagal din akong tumakbo. Mahina ang aking paghinga dahil meron akong hika. Kaya ayaw na ayaw ko sa mga aso. Ayaw kong nakikipaghabulan sa aso dahil minsan ay muntikan na akong makagat nito.
Minsan, nakita kong inatake ng aso ang isang bata. Nasa ikaanim na baitang ako noon. Inutusan ako noon ni Nanay na bumili ng sukang tuba sa tindahan para sa kaniyang lulutuing paksiw. Habang naglalakad ako sa daan, nadaanan ko ang mga batang naglalaro ng tumba-lata at habulan. May isa sa kanilang pinagkatuwaan ang isang aso. Pinaghahampas nito ang hayop ng biyak na kawayan. Nagalit at nagtatahol ang aso, at sinakmal nito sa binti ang bata.
Tinawag ko ang kakilala kong si Kuya Balong, na nasaksihan din ang pangyayari. “Ya, dal-on natu ni siya sa balay” (Ya, dalhin natin siya sa bahay), sabi ko.
Kinarga ni Kuya Balong ang bata at dali-dali naming dinala sa bahay para matayhupan. Tayhup ang pangunahing paraan ng panggagamot ng aking Tatay. Ang tayhup ay mahinang pagbuga ng hininga sa batok ng pasyente at may kasamang orasyon. Ako mismo ay nakaranas nito, at lamig ang nararamdaman ko kapag tinatayhupan ni Tatay. Lamig na parang kinikilabutan.
Nakagisnan ko nang may kakaiba kay Tatay dahil maraming mga tao ang pumupunta sa aming bahay para magpagamot sa kaniya. Kung hindi sila mga nasugatan, mga nakagat ng mga hayop na may rabies. May mga mula pa sa ibang bayan ng South Cotabato. Sabi sa akin ni Nanay, minsan daw ay may taga-Tupi na dinala sa amin sa Tampakan para ipagamot kay Tatay. Babae siya, nasa bente anyos. Kinagat daw siya ng makamandag na ahas, at bakas pa ang pangil sa may bandang dibdib niya. Medyo nagkukulay lila na rin ang kaniyang balat. Nanghihina na ang babae. Lupaypay. Agad siyang tinayhupan ni Tatay. Pagkatapos, pinahiran ni Tatay ng lana ang sugat ng babae at sinabihang bumalik pagkatapos ng tatlong araw.
Nang bumalik ang babae, naghihilom na ang sugat na gawa ng makamandag na ahas. Dagdag pa ni Nanay, lubos ang pasasalamat ng babae kay Tatay dahil gumaling ito at naiwasan ang malaking gastos sa ospital.
Gumagamot din si Tatay ng mga naengkanto at ng mga may lagnat. Kapag nilalagnat ako, tinatayhupan ako ni Tatay. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubusang nalalaman bakit may taglay na ganitong kakayahan si Tatay.
Noong nag-aaral ako sa kolehiyo sa General Santos City, naimbitihan ako ng isang kakilala na dumalo sa kanilang simbahan para sa tinatawag nilang “youth encounter.” Nagdalawang-isip ako noong una, pero sumama pa rin ako. Kalaunan, naging maganda naman ang okasyon. Gusto ko ang lahat ng kanilang itinuturo hinggil sa mga salita ng Diyos. Nakikinig lang ako sa tagapagsalita dahil may konbiksyon ang kaniyang pagsasalita. Mapapa-“Amen” ka na lang palagi sa kaniya. Nang umabot na ang talakayan tungkol sa faith healing, napabuntong-hininga ako. Humina ang pagkakasabi ko ng “Amen.” Hindi talaga tanggap sa kanilang simbahan ang anumang uri ng tradisyunal na panggagamot dahil sa nakasaad tungkol dito sa Banal na Kasulatan. Ang kakayahan daw ng mga manggagamot ay hindi galing sa taas kung hindi galing daw sa itim na kapangyarihan. Bilang isang anak ng manggagamot ay napayuko na lang ako. Tinanong ko ang aking sarili, “Masama ba talaga ang maging isang manggagamot?” Nirespeto ko naman ang kanilang pananampalataya at pinaniniwalaan. Tinapos ko pa rin ang programa.
Naimbitahan din akong dumalo ng isang seminar para sa binyag. Kinuha kasi ako ng aking pinsan na maging ninong ng kaniyang anak. Bago kasi mabinyagan ang isang bata, kinakailangang dumalo muna ng seminar sa simbahan ang mga magulang at ang mga ninong at ninang. Doon, nakinig ako sa mga ibinahagi ng katekista sa amin tungkol sa mga salita ng Diyos. Tinalakay din kung ano ang mga dapat pagdaanan ng isang miyembro sa Simbahang Katolika. Bahagyang natalakay din ang tungkol sa faith healing. Napayuko na lang ulit ako. Napatanong ulit ako sa sarili, “Masama ba talaga ang maging isang manggagamot?”
Ako palagi ang alalay ni Tatay tuwing may ginagamot siya. Tatlong klase ang kaniyang gamot na lana—lana para sa mga sugat, gaya ng mga hiwa sa balat, tusok ng matutulis na bagay, at gasgas; lana para sa mga naengkanto; at lana para sa mga nakagat ng makamandag na hayop. Ang ginagawa niya ay tatayhupan o hihipan ang pasyente sa may batok, mag-oorasyon, at lalawayan ang kaniyang hintuturo at ipapahid sa sugat. Kasunod niyan, bubuhusan ko ng lana ang bulak upang ilapat niya sa sugat. Panghuli, magbibigay si Tatay ng mga bawal gawin o kainin ng pasyente.
Napansin ko na iba-iba ang halagang inaabot kay Tatay bilang bayad, kaya tinanong ko si Nanay tungkol dito. Sagot ni Nanay, nasa nagpapagamot na raw ang desisyon. “Bahalag pila lang basta naay ikahatag,” (Kahit magkano lang basta may maibigay), sabi niya. Hindi man pinepresyuhan ni Tatay ang kaniyang serbisyo, kailangang may ibigay ang nagpagamot, kasi kapag wala, hindi raw tatalab ang tayhup. Dagdag pa ni Nanay, kapag gumaling na raw ang nagpagamot, mapupunta kay Tatay ang la, o ang kamandag na galing sa hayop, at kung malakas talaga ang la, may ngiping malalagas kay Tatay. ’Yon daw ang kapalit. Kaya pala unti-unting nauubos ang ngipin ni Tatay, na pinagtatawan ko pa noon, at minsan ay may sumusulpot na parang mga pasa sa kaniyang balat.
Ibinunyag din sa akin ni Nanay ang mga kagamitang pang-orasyon ni Tatay na nakatago sa baul sa ilalim ng kanilang kama, at sa aking pagkamausisa ay pinakialam ko at binuksan ang baul na nilipasan na ng panahon. Nakita ko sa loob ang maliliit na kuwadernong may mga nakasulat sa lenggwaheng Latin. Sa nabasa ko sa isang pag-aaral, “libritos” ang tawag sa maliit na librong ito na pinaniniwalaang galing sa isang espíritu at nagsisilbing gabay ng manggagamot. Saglit kong binasa ang mga nakasulat, pero hindi ko maintindihan. Mayroon din doong luma at kulay gatas na panyo na maraming guhit—may mga bilog-bilog na tao, mga linya, at mga nakaimprentang salitang Latin. Hindi ko na ipinagpatuloy ang paghahalungkat dahil nakaramdam ako ng takot.
Sinabi ko kay Nanay ang ginawa ko sa mga gamit ni Tatay, at pinagalitan niya ako. Di raw kasi dapat pakialaman ang mga ’yon dahil inilalabas lang daw ang mga ’yon ni Tatay tuwing Mahal na Araw. Ginagamit ni Tatay ang libritos sa pag-oorasyon sa kaniyang mga lana. Malakas daw kasi ang epekto ng mga gamot na Mahal na Araw ginawa.
Nasa dugo na namin siguro ang pagiging manggagamot. Sabi sa akin ng isa kong tiyahin, may mga kamag-anak kami sa Davao, Cebu, at Negros na manggagamot din. Tiyuhin ni Tatay ang taga-Negros. Tayhup din daw ang paraan nito ng pangggagamot, at mayroon din daw itong mga lana at libritos. At nang mamatay ito, ipinasa daw nito ang gahum nito sa kaniyang anak na lalaki, kaya ngayon, ang anak naman ang ang nagtatayhup kapag may nakakagat na aso o kaya’y may naeengkanto sa kanilang lugar.
Ayon sa mga kuwento sa mga baryo, kung sino daw ang may gahum na taglay, ’pag namatay ay kailangang maipasa para magpatuloy ang tradisyon. Kung ganoon man, wala akong takas sakaling sa akin ipasa ni Tatay ang gahum. Sa akin din kasi niya ibinilin ang kaniyang pangalan, bilang kaniyang junior. Kailangang may isa sa mga anak niya na magpatuloy ng pagtatayhup. Pero mahina ako at hindi ako matapang para tanggapin ang kakaibang responsibilidad. May sakit ako sa baga. Baka hindi ko pa natatapos ang orasyon ay atakihin na ako ng aking hika.
Noong 2014, na-admit si Tatay sa isang ospital dahil sa komplikado niyang sakit sa baga at kidney. Dahil na rin malamang sa kaniyang katandaan. Noong una, ayaw niya talagang magpaospital dahil nga siya mismo ay isang manggagamot. Parang ayaw niyang maniwala na magagamot siya ng doktor sa ospital, pero dahil awang-awa na kami sa kalagayan niya, pinilit namin siya, at wala na siyang nagawa. Sa pagkakatanda ko, araw noon ng Linggo, bandang alas siyete y media ng umaga, nang biglang nagpupumiglas si Tatay sa kaniyang higaan. Parang barkong unti-unti nang lumulubog ang kaniyang boses. Hindi ko na maintindihan. Ipinagkakait na sa kaniya ang mga letra at salita. Binabalibag na para bang sinasapian ang kaniyang katawan. Ganito raw ang nangyayari sa katawan ng taong may gahum kapag ilalabas na niya ito at walang tatanggap. Nagsilabasan na rin ang mga pasa na dulot ng mga la sa katawan ni Tatay. Nag-aagaw-buhay na siya. Tumawag si Nanay ng doktor, at ako ang naiwan sa tabi ni Tatay.
Inihahanda ko na ang aking sarili nang panahong iyon. Mahina na kung mahina. Lampa na kung lampa. Mahinhin na kung mahinhin. Sa puntong iyon, hinayaan ko na lang na tumagas ang gripo sa aking mga mata. Ayaw kong magpanggap na malakas at matapang sa paningin niya dahil hindi iyon ako. Gusto ko kasing makita niya sa kahuli-hulihan niyang pagsulyap kung sino ako, kung ano ako. Nabibilang ko na ang bawat paghinga niya, at sinubukan niyang ilabas ang kaniyang dila, pero naputulan siya ng hininga. Naiwang nakabuka ang kaniyang bunganga.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, hindi magawang maitikom ni Nanay ang bunganga ni Tatay. Hinawakan ko ang kanang palad ni Tatay ng aking kanang palad, at kasabay ng pagpikit ko sa kaniyang mga mata, napatikom ko rin ang kaniyang bunganga. Alam kong payapa siyang namahinga. Alam kong hindi na siya mahihirapan pa.
Nawala man si Tatay dito sa mundo, alam kong maraming tao ang nagpapasalamat sa kaniya lalo na sa mga nagamot niya. Hindi man nakalulugod sa mata ng iba, taliwas man sa itinuturo ng Simbahang Katolika, para sa akin, ang tayhup ay hindi masama. Hindi masama ang panggagamot. Hindi masama ang pagtulong sa kapwa. Hanggang ngayon, ayaw ko pa rin sa mga aso, hindi dahil natatakot akong makagat kung hindi dahil palaging ipinapaalala nito sa akin na minsan, may isang magaling na mananayhup na nagpapahilom ng aking mga sugat.