’Wag Tularan

Ni Jean Martinez Fullo
Maikling Kuwento

Iyakan. Nasa labas pa lang ako ng gate nang marinig ko ang iyakan na nanggagaling sa loob ng aming tahanan. Natataranta at nagmamadali kong kinuha ang susi sa aking bag at nanginginig na binuksan ang gate. Nakabukas ang pinto, kaya agad na akong pumasok sa madilim naming tahanan. Ang dating puting dingding, may bakas na ng kalumaan. Takip-silim na ngunit walang nakaalalang magsindi ng ilaw sa sala, at ang tanging liwanag ay nanggagaling lamang sa maliit na kuwarto ni Papa.

“Papa! Papa!” hagulgol ng aking mga kapatid.

Dali-dali kong tinunton ang kuwarto, at sa aking pagpasok, nakita ko si Papa na nakahandusay sa kama. Nagsilapitan ang aking dalawang nakababatang kapatid na babae. Ang lalaki kong kapatid, tila ayaw umalis sa tabi ni Papa.

“Ate, si Papa!” sambit ng isa sa aking mga kapatid! “Wala na si Papa!”

Dahan-dahan akong lumapit, nanlalamig at nanginginig. Maliban sa sakit, naramdaman ko rin ang mainit na dampi ng luha sa aking mga pisngi.

Tuwing umaga, ang una kong naririnig ay ang makapal ngunit may halong lambing na boses niya.

“Anak, kain na.”

Pagmulat ko ng aking mga mata, masisilayan ko agad ang puting kisame ng aking kuwarto. Pakikinggan ko ang pagtimpla ni Papa ng kaniyang kape, ang paglapat ng kutsara sa mug hanggang sa haluin niya ito. Minsan kapag masyadong napapaaga ang gising ko, maririnig ko ang paghanda niya ng aming almusal, ang amoy ng bawang at sibuyas sa ginigisang sardinas o kaya’y ang amoy ng pinritong tuyo. Pagkalipas ng ilang segundo o minutong pagmamatyag, babangon ako at gigisingin ang aking mga kapatid. Lalabas kami ng kuwarto at mag-uunahan sa banyo para maligo. Kapag nakapaghanda na ang lahat, sabay sa pagsikat ng araw, sama-sama kaming mag-aalmusal. Ang unang pasahero ni Papa sa umaga ay kaming mga anak niya. Una niyang ihahatid ang dalawa kong nakababatang kapatid, sina Ebele at Emine. Sunod naman niyang ihahatid kami ni Ari.

Ngayon wala na siya. Tanging alaala na lang ang natitira sa kung paano niya kami inalagaan. Tatlong taon na ang nakalipas simula noong yumao si Mama. Ngayon, bumabalik lahat ng sakit gayong wala na rin si Papa.

Naisip ko, Paano ko nga ba natanggap noong nawala si Mama? Paano ko ba hinarap ang bawat araw na wala siya? Maraming katanungan ang bumabalot sa aking isipan. Paulit-ulit. Paano na kaming magkakapatid?

Hindi ko kakayanin na wala si Papa. Imposible nang mapalitan ng kagalakan ang kalungkutan sapagkat siya na ang nagsilbing ina at ama sa aming magkakapatid. Siya ang naging sandigan ko sa panahong malungkot ako, at sa panahon ng kasiyahan, siya rin ang kasama ko. Ngayon, sino na?

Lumipas ang mga araw at gabi simula noong gabing pumasok akong nanginginig sa kaniyang kuwarto. Naging gawain ko na yata bago matulog ang pagpasok dito. Uupo ako sa kaniyang kama, pagmamasdan ang bawat sulok ng kuwarto, iniisip kung paano niya tinititigan ang mga ito sa panahong nalulungkot siya. Minsan, hihiga ako sa kaniyang kama at makikipagtitigan sa kisame. Ang hirap sanayin ang sarili na wala na si Papa, pero kailangan. Kailangan ko maging matatag para sa aming magkakapatid.

* * *

Nagising ako dahil sa sikat ng araw. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako sa kuwarto ni Papa. Nakakasilaw ang sikat ng araw. Nakakatamad bumangon pero kailangan kong ipagluto ng almusal ang aking mga kapatid. Napatanong ako sa sarili, Sa ganitong paraan din ba nagigising si Papa? May mga panahon din kaya na gusto niya pang matulog o magpahinga pero kailangan niyang bumangon para lang ipagluto kami?

Bumangon ako. Nakaramdam ako ng pananakit ng likod. Naisip ko ulit si Papa. Nakakalungkot sapagkat ni minsan, hindi man lang siya nagpamasahe ng likod niya, at ang mas masakit isipin ay hindi man lang ako nagkusang magmasahe ng likod niya. Umunat ako nang kaunti at lumabas. Kinatok ko ang silid na katabi lamang ng kay Papa, kung saan natutulog sina Ebele at Emine. Sunod ko namang kinatok ang pinto ng kuwarto ni Ari.

“Gumising na kayo,” sambit ko.

Dumiretso ako sa kusina upang ipagluto ang aking mga kapatid ng ginisang sardinas, katulad ng madalas ipagluto sa amin ni Papa noon. Maaaring tama ang pagluto ko dahil ganitong-ganito ang amoy ng niluluto ni Papa. Tatlong sardinas lang ang meron kami ngayon. Maaaring ito rin ang ulam namin maghapon. Kailangan kong tipirin ang kakaunting sahod na meron ako sa pagtatrabaho bilang crew sa isang fast-food chain. Dati, para lamang ito sa aking kakaunting pangangailangan. Di ko inaasahan na ang dating pinagkakasya ko sa kakaunting pangangailangan ko ay pagkakasyahin ko sa aming magkakapatid.

Nabaling ang atensiyon ko sa aking niluluto na pawang masusunog na. Nakakaiyak. Kung nandito lang sana si Papa. Kung nandito lang sana siya para turuan ako ng mga nararapat kong gawin.

Inilapag ko sa hapag-kainan ang kagabi pang tirang kanin at ang ulam na kakaluto ko lamang. Kumuha ako ng limang plato at inilapag sa mesa. Napakalaki tingnan ng mesa dahil sa kakaunting kanin at ulam. Nalungkot ako hindi dahil sa kakaunting pagkain na meron kami. Nalungkot ako sa pagkaalalang wala na si Papa. At alam kong mas malaking tingnan ang mesa sapagkat apat na lamang kami ang magsasamasamang kakain dito.  Kinuha ko ang isang sobrang plato sa mesa at inilagay na lamang sa lababo. Kung dati masigla kong hinaharap ang bawat umaga sa pagkakaalam na may nagmamahal at nag-aalaga sa amin, ngayon iba na. Kailangan ko maging malakas. Hindi puwedeng umiyak ako sa harap ng aking mga kapatid.

“Kain na!” tawag ko sa kanila.

Agad namang tumungo sa kusina sina Ebele at Emine. Unang umupo si Ebele. Si Emine naman ay nakatayo lamang habang tinititigan ang kakaunting pagkain na parang dumi lamang sa mesa. “Ate, ’yan lang ba ang meron tayo?” tanong niya.

Nilingon siya ni Ebele at tiningnan nang may galit. Nagkunwari na lang ako na hindi ko narinig ang tanong ni Emine. Sa halip, ako ang nagtanong sa kanila, “Bakit wala pa ang Kuya Ari ni’yo?”

“Hindi ko alam. Hindi pa naman siya lumalabas ng kuwarto niya,” sagot ni Ebele.

Inutusan ko si Emine na katukin si Ari sa kaniyang kuwarto. Padabog niya namang sinunod ang aking utos. Dinig ko ang pagkatok niya sa pinto ng kuwarto ni Ari at ang pagtawag niya sa pangalan nito.

“Kuya, kakain na raw!” pasigaw na sambit ni Emine.

“Mamaya na,” sagot naman ni Ari. “Susunod ako.”

Nakasanayan sa pamamahay na ito na sa tuwing umaga ay sabay kaming lahat sa pag-aalmusal—ito ang turo ni Papa, maging sa panahong nabubuhay pa si Mama. Tinungo ko si Ari sa kaniyang kuwarto. Mahina kong kinatok ang pinto at humingi ng pahintulot upang pumasok. Pinagbuksan niya ako ng pinto. Pansin ko ang pamumugto ng kaniyang mga mata, subalit nagkunwari na lang ako na hindi ito pansin at umupo na lamang sa tabi niya.

“Ate, pasensiya. Masakit lang talaga ulo ko.”

“Napapadalas na ’ata ’yan? Teka, bibili ako ng gamot.”

Nang patayo na ako, pinigilan niya ako. Hindi ko matukoy ang ekspresyon sa kaniyang mukha. Hindi ko alam kung sa paanong paraan ko siya kakausapin.

“Ate,” paunang sambit niya, “’wag na. Wala lang ito. Mabuti pang kumain na lang tayo. Gutom lang ito.”

Sabay kaming tumungo sa kusina. Sabay-sabay kaming kumaing magkakapatid. Hindi na ito katulad ng dati, masaya. Kung nandito lamang si Papa, malamang marami kaming mapag-uusapan.

Bago pumasok sa eskuwela, kinausap ko si Ari.

“Ari, sigurado ka ba na mabuti ang iyong pakiramdam?” tanong ko sa kaniya, sabay kapa sa kaniyang noo.

“Ate, mabuti naman ang pakiramdam ko,” sagot niya at inilayo ang kaniyang mukha sa kamay ko. “Ate, pahingi naman ng dalawandaang piso,” dagdag niya.

“Aanhin mo naman ang pera, ha?” usisa ko.

“Kailangan ko lang sa eskuwela.”

Dumukot ako sa aking bag. Kumuha ako ng pera at iniabot sa kaniya. Ngumiti siya at niyakap ako. “Salamat, ate. Salamat.”

* * *

Mag-aalas-onse na ng gabi. Madalas, umuuwi ako ng alas-diyes, subalit sa pagkakataong ito, marami akong dapat tapusin sa trabaho at eskuwela. Umuwi akong pagod. Nasa labas pa lang ako ng gate, nakaramdam na ako ng inis sapagkat wala na namang nakaalalang magsindi ng ilaw sa labas. Mayamaya’y naisip ko na mas mabuti na ngang gano’n upang mas makatipid. Dahan-dahan kong binuksan ang gate. Kasabay nito ang mahinang tunog na tanda ng kalumaan. Nang makapasok ako sa bakuran, natanaw ko agad ang bukas na pinto. Sa tuwing nandito ako sa bahay, naaalala ko si Papa. Sa bawat gagawin, bawat desisyon ko sa buhay, naaalala ko si Papa.

Wala sa sala ang aking mga kapatid. Pumunta ako sa kuwarto para alamin kung naroon na sina Ebele at Emine. Hindi na ako kumatok. Sa halip, dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Bumungad sa aking paningin ang dalawa kong kapatid na mahimbing na natutulog. Sunod kong sinilip ang kuwarto ni Ari. Nakakapagtaka sapagkat wala siya rito. Kadalasan, sa ganitong oras, nakauwi na si Ari. Kung may pagkakataon man na may lakad siya o mahuhuli siya sa pag-uwi, nagpapaalam naman siya. Nabalot ako ng pag-aalala. Hinintay ko siya sa sala. Baka-sakaling lumabas lang saglit, nagpahangin. Makalipas ang labinlimang minuto, wala pa rin si Ari. Sinubukan kong tanggalin ang pag-aalala na bumabalot sa akin. Nagbigay ako ng limang minutong palugit. Makalipas ang limang minuto, sinubukan ko na namang alisin ang pag-aalala at nagbigay ulit ng limang minutong palugit. Lumipas ang maraming limang minuto at inabot ako ng alas-dose na. Inaantok na ako subalit pinipigilan akong magpahing ng aking pag-aalala.

Tumayo ako nang marinig kong bumukas ang gate. Sumilip ako sa bintana, at kahit hindi masyadong maliwanag, tanaw ko si Ari. Dali-dali kong binuksan ang pinto. Nasilayan ko ang aking kapatid. Gulat na gulat siya. Namumula ang kaniyang mukha at magulo ang buhok. Hindi ito ang Ari na kilala ko. Tiningnan ko lang siya. Pilit kong iniiwasan na magalit. Dumiretso siya sa loob na parang wala ako sa kaniyang harapan, na parang hindi niya ako nirerespeto. Sinundan ko siya hanggang sa kaniyang kuwarto.

“Saan ka galing?” mahinahon kong tanong.

“Sa labas lang,” sagot niya.

Amoy alak ang hininga niya. Bigla akong nakaramdam ng galit at sakit. Galit dahil ang perang pinaghirapan ko ay napunta lang sa wala. Sakit dahil halatang hindi pinahahalagahan ni Ari ang aking mga paghihirap.

“Kaya naman pala palaging sumasakit ’yang ulo mo sa umaga!” pasigaw kong sambit. “Kailan ka pa ba natutong uminom?”

Wala akong natanggap na sagot. Umupo lang siya sa kaniyang kama at yumuko.

“Ari, pinaghirapan ko ang perang pinang-inom mo. May mga kapatid pa tayo na nag-aaral din. At saka, sa palagay mo ba magugustuhan ni Papa na nagkakaganiyan ka?”

Gusto nang kumawala ng mga luha ko, ngunit pilit kong pinigilan. Hindi ako iiyak sa harap niya o kahit ninuman. Hindi ko na siya hinintay na makapagsalita. Lumabas ako ng kuwarto niya at dumiretso sa kuwarto ni Papa. Sa unang pagkakataon, bumuhos ang aking luha. Luhang matagal ko nang inipon. Kumawala lahat ng emosyon na matagal ko nang pinipigilan simula noong araw na yumao si Papa.

* * *

Limang araw at apat na gabi nang hindi ako kinakausap ni Ari. Sa bawat tangka kong kausapin siya, palagi niyang sinasabing, “Abala ako ngayon.” Sa gabi naman, sinisilip ko siya sa kaniyang kuwarto subalit hindi ko siya naaabutang gising. Kahit ganoon, panatag na ang loob ko sa pagkakaalam na hindi na siya ginagabi sa pag-uwi.

Balak ko siyang kausapin kinaumagahan, anuman ang mangyari, sabihin niya mang abala siya. Kung kailangan, kukulitin at magmamakaawa ako sa kaniya. Gusto ko siyang kausapin. Kailangan ko siyang kausapin. Alam kong ’yon din ang gagawin ni Papa. Ayaw kong mapariwara ang aking mga kapatid.

Kinaumagahan, dali-dali akong bumangon at nagluto. Pagkatapos ay masigla kong tinawag silang lahat. Dumating sina Ebele at Emine. Nilingon ko ang kuwarto ni Ari.

“Gigisingin ko ba si kuya, ate?” tanong ni Ebele.

“Ako na,” sagot ko.

Tinunton ko ang kuwarto ni Ari at kinatok, subalit wala akong natanggap na sagot. Kumatok ako ulit. “Ari, gising na. Kakain na tayo.”

Wala pa ring sagot, kaya binuksan ko na lang ang pinto. Nadismaya ako sapagkat wala siya roon. Hindi ako nakaramdam ng galit. Maaaring maaga lang siyang pumunta sa eskuwela. Bumalik na lang ako sa kusina at sinabayan sa pagkain sina Ebele at Emine.

Hindi ko na masyadong pinag-alala ang aking sarili. Makakausap ko rin siya mamayang gabi. Kakausapin ko siya mamayang gabi.

Katulad pa rin ng dati, pumasok ako ng eskuwela, at pagkatapos ng klase, pumunta ako sa trabaho.

Tila mabilis ang paglipas ng mga oras. Pauwi na ako at gustong gusto kong makita ang aking mga kapatid.

Buong araw, ang nasa isip ko ay ang pagiging makasarili ko. Inisip ko lang kung papaanong paraan ko malalagpasan ang sakit na nararamdaman ko nang mawala si Papa at hindi man lang sinubukang pansinin ang sakit na nararamdaman ng aking mga kapatid. Patawarin sana ako ng Diyos.

Wala na nga si Papa pero nariyan pa naman ang aking mga kapatid. Patuloy pa rin ang buhay ko ngayon dahil sa kanila. Paano na sila kapag wala ako? Paano na sila kapag nanatili akong mahina? Sila ang rason kung bakit kailangan kong bumangon sa umaga, mag-aral, at magtrabaho. Nakakapagod pero para naman sa kanila. Sa kabila ng lahat, naniniwala pa rin ako na may pahinga sa bawat pagod at may gamot sa bawat sugat. Alisin man ng tadhana ang aking responsibilidad bilang anak sa aking ina at ama, iniwan naman sa akin ang responsibilidad bilang ate sa aking mga kapatid. “Panginoon, gabayan ni’yo ako,” dalangin ko.

Saktong sahod ko kaya bumili ako ng kaunting pagsasaluhan namin. Naisip ko si Ari. Kakausapin ko siya ngayon.

Nang malapit na ako sa kanto namin, dumaan ang sasakyan ng pulisya. Nakakabingi ang sirena nito at nakakasilaw ang pula’t asul na ilaw. Lumiko ito sa aming kanto. Bumilis ang tibok ng aking puso. Tanaw ko ang paghinto ng sasakyan sa kumpulan ng mga tao. May ilang tao sa likuran ko na tumatakbo papunta sa direksiyon na iyon. Nakiusisa ako sa grupo. Sumilip ako, patalon-talon. Sa tabi ng daan, sa tapat ng isang bakanteng lote, ilang metro lamang ang layo sa bahay, nakita kong may nakahandusay na lalaki. Mas bumilis ang tibok ng puso ko. Nanlalamig ako. Nanginginig. Pamilyar ang suot ng lalaki.

Nakipagsiksikan ako lalo. Nang mabigyan ako ng puwang, napahinto ako. Nanigas ang buo kong katawan. Malinaw ang aking nakikita. May mga pasa ang kaniyang mukha, duguan ang kaniyang katawan, at nakatali ang kaniyang mga kamay at paa. Gusto kong lumapit, subalit may pumigil sa aking dalawang nakaitim na lalaki.

“Kilala ko siya!” sigaw ko habang rumaragasa ang luha sa aking mga mata. “Ari!” dagdag ko.

Nanghihina ang aking mga tuhod na parang hindi na kakayanin nng mga ito na suportahan ang aking katawan. Masyadong mabigat para tumayo. Mabigat ang aking kalooban. Napaupo ako. Patuloy pa rin sa pagdaloy ang aking luha. Pilit akong inalalayang ng dalawang lalaking humarang sa akin. Nilingon ko ang nakahandusay na katawan ni Ari. Nabasa ko ang nakasulat sa karatulang nakapatong sa kaniyang katawan: DRUG PUSHER AKO. ’WAG TULARAN.

Advertisement