Ni Hannah Adtoon Leceña
(Ang sanaysay na ito ay finalist sa 3rd Lagulad Prize.)
Tatawagin ko siyang Mia, hindi niya totoong pangalan, gaya ng iba pang taong babanggitin ko sa kuwentong ito. Masayahing bata si Mia. Kahit no’ng ikinukuwento niya sa amin kung paano napikot ang boypren niya at ipapakasal na sa iba, hindi siya umiyak sa harap ng klase. Isa siya sa unang estudyante ko magmula noong bumalik ako sa aming munting barangay sa probinsiya ng Sarangani bilang isang guro. Malaki ang pinagbago ng aming paaralan, hindi lamang dahil sa dagdag na dalawang malaking building at mga bagong titser na pumapasok araw-araw. Nagbago na rin ang mukha ng lahat. Nakatutuwang isiping binata’t dalaga na ang mga bata noon.
Naging maganda naman ang pasok ng Hunyo sa akin. Nagturo ako sa senior high school, at ang klasrum ko ay malapit lang sa gate, sa covered area, sa canteen, sa Housekeeping Room, at sa Principal’s Office. Mapayapa ang aming paaralan, ngunit ang kapayapaang iyon ay nagimbal dahil sa sunod-sunod na nangyari sa aming mga estudyante—sapi.
Gusto ko sabihing hindi ako naniniwala sa sapi o sanib, pero may mga araw na nahihinto ang klase ko dahil sa sigawan na nangyayari sa labas. Minsan lumabas ang ilang estudyante ko para tumulong, kaya kinailangan ko na ring usisain kung ano ang nangyayari. Nakita ko na binubuhat ng isang co-teacher ko ang isang batang hinimatay, lupaypay, patungo sa Housekeeping Room, ang nagsisilbing parang klinik namin sa mga panahong ’yon dahil wala kaming totoong klinik at meron itong bakanteng kama. At dahil isang divider lang naman ang nakapagitan sa Housekeeping Room at sa aking klasrum, naririnig namin ang mga anasan at paminsan-minsang sigawan sa kabila. “In Jesus’ name!” sigaw ng isang boses. Natulala kami. Napilitan akong tumigil pansamantala sa aking lektyur hanggang sa tumunog ang bell hudyat ng recess.
“Ma’am, parang mangangagat na!” sambit sa akin ng isang estudyanteng humahangos. Kaliwa’t kanang sumbong ang aking narinig mula sa Grade 11 na aking advisory class. Parang gusto kong maniwala, pero parang ayoko rin. Baka kasi may personal na pinagdadaanan ang mga bata kaya emotionally unstable sila. Ganoon din kasi ang nangyari sa ilang estudyante ko noon sa isang private school sa lungsod ng General Santos-hinihimatay tuwing may exam. Noong nasa kolehiyo naman ako, sinasapian din daw ang boardmate kong si B. Ilang beses na rin siyang dinala sa simbahan ng mga kasama kong nangungupahan sa isang boarding house na malapit lang sa paaralan. Ang sabi ng roomate niya, sumuka raw si B ng malagkit at kulay itim na hindi niya rin maipaliwanag kung pagkain ba. Minsan nadadatnan ko rin sila na nagdarasal sa loob ng kuwarto. Takot na takot nga ako no’ng nakitulog si B sa akin isang gabi. Baka kasi atakehin na naman siya. Pero bago ako lumipat sa dormitoryo ng pamantasan, narinig ko sa roommate ko na titigil muna daw sa pag-aaral si B. Mukha raw kasing buntis siya at iniwan ng boypren. ’Yon daw talaga ang totoong dahilan kung bakit wala siya sa sarili.
Noon ding bata pa ako, palagi akong iniiwan ni Mamang upang bantayan sa ospital si Angkol Zaldy. May sakit kasi siya. Hindi na siya kumakain at kailangan niya nang turukan ng pampakalma. Sinasapian daw siya ng mga engkanto sa may punong balete. Pero iba naman ang sinasabi ng mga doktor.
Isa pang dahilan kung bakit alanganin akong maniwala sa sapi ay dahil minsan na rin akong nagawi sa Housekeeping Room ng paaralan. Doon nakita ko ang isang estudyanteng babae, nag-iisa at umiiyak. No’ng kausapin ko, napag-alaman ko na nag-away pala ang kaniyang mga magulang. Nakakaiyak naman talaga sa tuwing nag-aaway ang mga magulang, lalo na kung parang nagpapatayan na sila. Ganoon ang madalas na eksena sa bahay noong bata pa ako. Wala akong ibang magawa kundi magtakip ng tainga, magtago sa kumot, o magkunwaring nagbabasa ng libro habang humihikbi. Nabuo sa isip ko ang isang haka na baka wala naman talagang nangyayaring sapi o sanib. Baka naman kasi wala talagang sumasanib sa atin bukod sa ating mga sariling takot at lungkot sa loob-loob na hindi natin mailabas. O baka natatakot lang tayong ipakita ang totoo nating sarili, kaya nagkukunwari tayong sinasapian tayo ng ibang tao, ng ibang kaluluwa.
Pero nag-alala ako dahil nang sumunod na araw, maraming mga bata pa ang dinala sa Housekeeping Room dahil sa parehong kondisyon—nawawalan ng malay, nagpupumiglas, umiiyak, nangingisay. Wala pa ring nagpapakalma sa kanila maliban sa mga salita mula sa Bibliya at ng mga kaibigan.
Hanggang sa sinapian ang estudyante ko na mismo na si Ana. Nasa second floor kami at nagtatalakay ng paggawa ng cookbook nang bigla siyang hinimatay sa kaniyang upuan. Agad nagsialisan sa kanilang puwesto ang iba kong estudyante. Nakatayo lang ako sa harap. “Ga, OK ka lang?” tanong ko kay Ana. Agad namang nagmungkahi ang mga bata na dalhin siya sa baba. Saka pa lang ako nakagalaw. Napakabigat niya, kaya kailangan siyang buhatin ng pinakamalaking lalaki sa klase. Nagpupumiglas siya noong ilapag sa kama sa Housekeeping Room. At doon ay parehong senaryo nga ang aking nakita. Sobrang lakas niya, nagpupumiglas, tumatawa. Parang baliw. Parang wala sa katinuan. Tulong-tulong kami sa paghawak sa kaniyang kamay at paa. Dumating ang iba pa para ipagdasal siya. Sumisilip naman sa bintana ang ibang mga bata na para bang nakikinood ng isang palabas sa TV.
“Tawagin mo si Sir Win!” utos ko sa isa kong estudyante. Co-teacher ko si Sir Win. Nag-aral siya ng pagiging pastor, kaya marahil may nalalaman siya tungkol sa exorcism o kung anuman ang tawag sa ginagawang pagtataboy sa masasamang espiritung nang-aagaw ng kaluluwa ng iba.
Nang dumating si Sir Win, umusal siya ng panalangin. “Umalis ang kulang sa pananampalataya!” pasigaw niyang sabi sa aming lahat. Nagdalawang-isip ako kung ano ang gagawin. May takot sa loob ko. May bahagi sa akin na naniniwala at may bahaging hindi. Paano kung totoo? Baka lumipat sa akin ang demonyong nasa loob ni Ana dahil mahina ako. Hindi ako makagalaw. Naghahanap ako ng lakas para kumapit, pero sa bandang huli ay bumitaw rin ako. Hindi ko kaya.
Bumitaw ako sa pagkakahawak kay Ana, at nagimbal ako nang pagbitaw ko ay sumigaw siya, “Sungay! Sungayan!” Halos dinadaganan na siya ng mga taong naroroon para hindi siya makawala. Umalis ako. Nanatili ang iba. Matapos ang mahabang pagdarasal at pakikipagbuno, kumalma si Ana. Inuwi na rin siya pagkatapos. At hindi na siya bumalik pa. Hindi ko alam kung dahil ba sa nangyari sa kaniya o dahil nabu-bully si Ana ng kaniyang mga kaklase. Minsan kong nahuling pinagtatawanan siya ng mga lalaki niyang kaklase, na agad ko namang pinagsabihan. Siguro dahil transferee siya at may tono ang kaniyang pagsasalita. Isa kasi siyang T’boli.
Akala ko hindi na mauulit pa ang nangyari. Pero hindi doon nagtapos ang lahat. Nagkaklase na naman ako nang biglang may dumating sa klasrum namin. Dala-dala na naman ng ibang co-teacher ko ang isang batang babae. “Ma’am, close ang Housekeeping Room,” sabi niya sa akin. Pinapasok ko sila, at inilapag nila sa sahig ang katawan ng estudyanteng lupaypay. Hinawakan nila ito. Marami sila. “Diyos ko! Na naman?” sabi ko sa sarili. Sabi ng mga bata, lalaki lang daw ang puwedeng humawak sa katawan ng batang babae. Pamahiin. Aaminin ko, nag-alala ako na baka pisikal nang nasasaktan ang estudyanteng babae. Paano kung wala naman talagang kaluluwang sumasapi sa mga bata? Paano kung niloloko lang kami ng mga batang ito?
Kaliwa’t kanan na ang narinig kong kuwento ng sanib mula sa mga bata. Naungkat na rin ang sabi-sabing may namatay na sa paaralan namin noon. Buntis. Asawa ng unang principal. Nahulog umano ito sa hagdan. Ang sabi ng iba, itinulak daw ito, ngunit hindi napatunayan kung sino. Doon mismo sa building na pinagtuturuan ko. Hanggang sa naalala namin ang school guard na si Mando na namatay rin dahil nahulog mula sa mababang bahagi ng puno at nabagok ang ulo. Dead on the spot siya. At paminsan-minsan daw ay nagpaparamdam siya sa mga bata.
Ang sabi ng iba, nagdadrama lang ang ibang bata para makakuha ng atensiyon o dahil sa mainit na panahon. Kulang kasi sa electric fan ang paaralan, bukod sa katotohanang siksikan ang mga bata sa loob ng klasrum at ang iba naman ay hindi nakapag-agahan. Ang sabi naman ng iilan, baka depresyon-may problema ang mga bata at kailangan nila ng mapagsasabihan.
Mass hysteria—ito ang tawag ng mga eksperto sa ganitong penomenon. Sinasabing psychological illness. Hirap sa paghinga, pananakit ng ulo, pagkahilo, pag-ubo, at pagkapagod ang nararamdaman ng mga taong nasa ganitong sitwasyon, mga bagay na nakita ko sa aming mga estudyante. Hindi lamang ito nangyari sa paaralan namin o sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Anupaman ang totoong dahilan ng mga nangyayari, nagdesisyon ang aming principal na mag-pray over sa buong kampus. Hapon na ng alas-tres nang matapos ang aming paglilibot at pagdarasal. Wala namang nangyaring pagkalampag sa mga pintuan, pagkalaglag ng mga libro, o kiskisan ng mga upuan, tuld ng mga nangyayari sa mga horror na pelikula at sa mga kuwento-kuwento.
Makaraan ang ilang linggo, naging mapayapa ulit ang paaralan. Wala nang sinasaniban. Wala nang mga sigawan. Wala nang araw-araw na pagpi-pray over sa mga batang di makahinga at umiiyak nang walang dahilan. Wala nang pagkaantala ng klase. Makakapagpahinga na kami emotionally at mentally.
Hanggang si Mia na nga ang sinaniban. Dinala rin siya sa Housekeeping Room ng kaniyang mga kaklase at titser. Nakita ko si Mia, nangingisay.
Sinabi nilang may pinagdadaanan si Mia. Dahil siguro sa problema sa pagitan nila ng co-teacher ko. Pinatawag siya sa Guidance Office, at hindi ko sinasadyang marinig ang naging pag-uusap. Nasa comfort room kasi ako noon. Doon ko napagtantong napakalaki ng papel na ginagampanan naming mga guro sa mental health ng aming mga estudyante. Puwede kaming bumuo at magwasak. Matapos mabigyan ng resolusyon ang nangyari, hindi na pumasok si Mia sa paaralan. Sabi ng iba, hindi lang siya basta na-stress, na-depress siya. Napahiya raw kasi siya sa buong paaralan. Pero kung ang co-teacher ko naman ang tatanungin, si Mia ang hindi nagsasabi ng totoo. Bukod sa hindi magandang nangyari sa pagitan nila, nagkautang din daw si Mia ng malaking halaga sa ibang tao nang pumasok ito sa online selling.
Hanggang sa pumunta ang Nanay ni Mia sa paaralan habang may flag ceremony. Gano’n pa rin daw ang kondisyon ni Mia, sinasaniban, at kailangang papuntahin ang kaniyang mga kaklase sa kanilang bahay para ipagdasal siya. Iba ito sa nangyari sa iba naming estudyante. Sinusundan ba si Mia ng kung anumang nakikitira sa katawan niya pati sa bahay nila? Matapos ang ilang linggo, nabalitaan naming namatay siya at muling nakabalik sa mundo ng tao.
Noong una, marami ang hindi makapaniwala. Kahit ako. Hanggang sa nabalitaan naming nakakapagpagaling ng maysakit si Mia at nahuhulaan niya ang lahat ng nangyari sa buhay ng nagpapagamot sa kaniya at mga pagnanakaw, pagsisinungaling, pambabarang—lahat ng sikreto. Hindi ko sinasabing walang nagduda, pero mas marami ang naniwala. Mabilis na kumalat sa aming lugar ang nangyari kay Mia. Nagbago ang lahat. Sa halip na pag-usapan ang ibinibintang sa kaniyang kasalanan, nakalimutan ito ng buong paaralan. Itinuring siya ng mga tao na isang tagapagligtas.
Naalala ko ang sabi sa akin ni Mama. Baka raw may elementong nakipagkaibigan kay Mia dahil naawa sa kaniya. Baka binigyan siya ng kapangyarihan ng kaniyang tinatawag sa Cebuano na abyan o aghuy para makapagpagaling siya, at para ipagtanggol din ang kaniyang sarili.
“Delikado kung pupunta ka doon kasama ang asawa mo,” sambit ng aming kapitbahay kay Mamang. “Naku, mabubulgar ang di dapat mabulgar!” Isinalaysay nito kay Mamang ang samu’t saring kuwento ng mga nagpagamot kay Mia at gumaling.
Noong mga panahong iyon, namatay dahil sa motorcycle accident ang aking estudyanteng si Francis at ang dalawa pa niyang kasama. Pumunta raw kay Mia ang nanay ng isa sa kanila dahil nakakausap daw ni Mia ang kaluluwa nila. Naglalaboy pa rin daw ang kaluluwa ng mga ito. Hanggang sa halos lahat na ng mga namatayan sa aming barangay ay pumunta kay Mia para malaman kung ano ang nangyari sa mga mahal nila na pumanaw na, lalo na ’yong mga namatay nang biglaan, nang basta-basta, ’yong mga taong hindi man lang nakapagpaalam. Nakikita raw ni Mia ang lalaking sinaksak at napatay dahil sa nangyaring riot sa diskuhan sa amin noong piyesta. Hawak-hawak daw nito ang sariling bituka. Nakita rin ni Mia ang kagawad namin na matagal nang patay dahil binaril ng mga di nakikilalang kalalakihan. Mukhang gusto ring tukuyin ng pamilya kung sino ang tunay na maysala. Pero nanatiling lihim ang lahat sa pagitan nila. Nandito lang daw ang mga biktima, hindi pa rin nakakapunta sa itaas, gumagala. At nakita rin daw ni Mia ang langit at impiyerno. Habang sinasabi ni Mia ito sa mga nagpapagamot sa kaniya, napapanatag naman ang kalooban nila, na para bang makakahinga na sila nang maluwag dahil nabigyan na ng kasagutan ang kanilang mga tanong.
Sinabi naman sa akin ni Fely, isang kaklase ni Mia, na nakakausap ni Mia ang namayapang ina ni Fely. “Paano naman niya malalaman ’yong sinabi ng Nanay ko sa akin, ma’am, eh wala naman siya sa bahay no’ng buhay pa si Nanay?” sambit ni Fely, na kinukumbinsi akong maniwala sa mga sinasabi niya.
“Bakit hindi mo siya subukang tanungin, ma’am, para maniwala ka?” sabi ni Helen. “Kahit anong tanong.”
Aaminin ko, namamangha ako tuwing naririnig ko ang mga ito. Parang gusto kong kausapin si Mia. Gusto kong malaman kung galit ba ang tatlo kong kapatid dahil namatay sila dahil sa akin, dahil buayahon daw ako at hinihigop ang kanilang buhay, sabi ng mga tao. Ilang beses na akong nagpa-kudlit, isang ritwal na isinasagawa ng mga albularyo tuwing kabilugan ng buwan. Sinugatan nila ang palad ko gamit ang punyal tapos tinakpan nila ng itim na tela. Pero mukhang hindi naman tumalab sa akin. Sabi ni Mamang, nawalan daw ng bisa ang mga ritwal dahil hindi ako naniwala. Kailangan daw kasing maniwala ka para gumaling ka. Naisip ko tuloy, ’Yong mga kapatid ko, naniniwala rin kaya sila na ako ang pumatay sa kanila? O baka galit sila dahil hinayaan ko lang na maghiwalay sina Mamang at Papang. At natatawang naaawa ako sa sarili ko hanggang ngayon sa tuwing naalala kong naiisip ko ang mga ito. Ako, kakausapin ang mga nasa kabilang buhay? Ni hindi ko nga magawang kausapin ang mga buhay.
Dahil sa mga nangyari, minsan ko na lang makita si Mia sa paaralan. At hindi na rin normal ang tingin ng iba sa kaniya. Minsan para siyang artista na hinahangaan. Minsan para siyang may sakit na iniiwasan. Doon ako mas nalungkot. Ang sabi ng iba, inatake rin siya habang nasa on-the-job training sa Tourism Office ng aming bayan. Pagkatapos niyang makabalik sa kaniyang katawan, ipinagtapat niya ang nakita niya sa tagapamahala ng opisina. Sinabi niya na marami na raw ang namatay sa lugar na iyon. Namangha naman ang tagapamahala kung paano nalaman ni Mia na dati ngang sementeryo ang kinatitirikan ng opisina.
Dumami na nga nang dumami ang nagpapagamot kay Mia. Sa tuwing pumupunta ako ng General Santos City, nadadaanan ko ang prusisyon ng maraming tao sa gulod kung saan sila nakatira. Hanggang tanaw lamang ako sa kanilang munting tahanan. May mga tao sa tabi ng kalsada na nagpapahinga sa ilalim ng trapal dahil mahaba pa ang pila, may mga sasakyan at kotseng nakaparada, may mga bagong tayong tindahan para sa mga nagugutom at nauuhaw. Nang minsang pauwi ako sa amin sakay ng bus, may isang matandang nagtanong sa konduktor kung nasaan daw ang bahay ng batang nanggagamot dahil doon siya bababa. Itinuro ko ang direksiyon. Nagtanong ang mga katabi ko sa bus kung paano ko nalaman. Sinabi ko na estudyante ko si Mia. At sinundan ’yon ng mga kuwento nila na marami na nga ang pinagaling ni Mia, hindi lamang mula sa amin kundi sa mga karatig probinsiya. Kahit daw ang mayor ng bayan namin ay pumunta sa kaniya. Nahuhulaan ni Mia ang lahat-lahat. Pero hindi siya nagpapabayad. Tinatanggap niya lang kung ano’ng iniaabot sa kaniya.
“Ma’am, ’yong lolo ko, ang priority number umabot na sa nine hundred plus,” sabi sa akin ng estudyante kong si Lily isang araw. Halos malaglag ang panga ko sa sahig ng klasrum. Ganoon karami ang nagpapagamot kay Mia? Hanggang sa ipinakita sa akin ng estudyante kong si Harold ang larawan ng mga nagpapagamot sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ordinaryo ang sakit ng mga ito. May taong parang dalawa ang ulo, may nakalunok ng buto ng manok at sumabit sa lalamunan, at may mga hindi maipaliwanag ang karamdaman, tulad ng sakit sa balat, susong nagnanaknak, at iba pang hindi mo kayang sikmurain. Hindi kumain ang mga bata pagkatapos nila iyong ipakita sa akin.
Tubig ang paraan ng panggagamot ni Mia. Dinadasalan niya ang tubig at ipinapainom sa maysakit. Narinig ko isang araw sa office ang sabi ng isa kong co-teacher habang nagla-log in. May nagpaggamot daw kay Mia na may third eye, at nakita nito ang isang anino na sumanib kay Mia habang nanggagamot. At nangitim daw ang mga mata ni Mia. Kinilabutan kaming mga nakarinig.
Hindi ko pa rin alam kung ano ang paniniwalaan ko, bukod sa katotohanang anak ako ng mga magulang ko at hindi na sila magkakabalikan pa, bukod sa katotohanang may Diyos. Hindi ko na alam kung ano pa ang puwedeng paniwalaan at hindi. Kay daling isiping ang mabuting nangyayari ay bunga ng kabutihan. Pero wala namang nakakaalam kung ano nga ang sumanib kay Mia. At kung ano ang sumanib sa mga bata. O kung ano ang sumasanib sa atin. O kung may sumasanib nga ba sa kanila o sa atin.
Maka-Diyos si Mia. Alam ko. Pastor ang kaniyang Tatay. Mabait din siyang bata sa pagkakaalam ko. May mga panahon pa rin na sa tuwing pumapasok siya mahihimatay na naman siya. Maliit ang boses niya, matinis, parang sa duwende. Nakita mismo ng dalawang mata ko ang nangyayari sa kaniya. Iba ’yon sa nakita kong sanib sa mga bata. Si Mia, hindi sumisigaw, hindi umiiyak, hindi nangangagat, pero nangingisay. Parang nagsasayaw. Parang ritwal. Parang babaylan. Gano’n daw talaga siya lalo na kapag may malalang nagpagamot sa kaniya. Mukhang hinihigop ni Mia ang sakit ng mga nagpapagamot para gumaling sila.
Isang tiyuhin ko ang nagpagamot kay Mia. Para na kasi siyang elyen. Nangangayayat at tumutulis ang kaniyang tenga. Parang bungo. Puting-puti ang kaniyang mukha. Kamukha niya ang paniki. “Ang guwapo ni’yo naman, kuya, kasi nililigawan kayo ng reyna ng mga paniki,” ang sabi ni Mia. Natawa raw ang mga nakarinig. Ang sabi pa ni Mia, may nakatirang paniki sa loob ng tiyo ko at malapit na siyang maging paniki. Hindi ko alam kung kumusta na ang tiyo ko ngayon, kung gumaling ba siya o hindi, kung naniwala ba siya o hindi.
Ang sabi ni Mia, hindi niya mapapagaling ang mga tao kung wala ang Panginoon. Ang sabi ng mga tao sa aming barangay, pananampalataya ang nagpapagaling sa kanila. Dahil naniniwala sila. At may mga tao namang hindi naniniwala. Sabi ng iba, wala namang mawawala kung maniwala. Pero hindi ba’t malaki ang mawawala kapag tuluyan tayong naniwala sa lahat ng puwedeng paniwalaan?
Malaki ang pinagbago ni Mia simula noong sinapian siya. Naisip ko, hindi tulad ng ibang estudyante na nakabalik sa dati, si Mia iba na no’ng bumalik. Ibang Mia ang bumalik. Hindi talaga siya nagbalik sa kaniyang dating sarili. At pati na rin kami.