Liko’t Lubak

Ni Allan Ace Dignadice
Sanaysay

 

“How do you see yourself ten years from now?”

Biglang gumulo ang klase. May mga bulong-bulungan at tawanan. Bigla akong kinabahan. Bumilis ang tibok ng aking puso. Napaisip. Napahinto.

Ano na nga ba ako ten years from now? Ano nga ba talaga ang gusto ko?

* * *

Hindi ko na matandaan kung ano ang pinakauna kong “gusto kong maging.” Siguro ang maging guro dahil guro si Lola Eling, si Angkol Val, at ang iba ko pang mga pinsan. Natatandaan ko ring minsan ginusto kong maging isang scientist o astronaut dala na rin siguro ng pagkahumaling ko sa mga pambatang palabas sa telebisyon. Aaminin kong naisip ko ring maging pulis o sundalo, kaso nga lang di ako pinagpala sa tangkad, kaya hindi talaga ako siguro para doon. Oo, pinangarap ko ring makapaglaro sa Wowowee o di kaya’y makapasok sa Pinoy Big Brother—maging artista at maging mayaman.

Minsan, sa exchange gifts noong ako’y nasa ikalawa o ikatlong baitang, niregaluhan ako ng aking monita ng isang pares ng boxing gloves. Nang malaman ni Papang, ginawan niya ako ng punching bag gamit ang sako na pinuno ng mga lumang damit para pag-ensayuhan. Malaki kasi ang pera kung magiging boksingero gaya ni Pacquiao. Masyado nga lang suntok sa buwan.

Pagtuntong ko ng high school, natuon sa agham at sipnayan ang mga hilig ko at ang pinapangarap kong maging balang araw. Nang minsang makasali ako sa isang advocacy campaign para sa pangagalaga ng karagatan, nahabag ako nang sobra at naisipang maging isang marine biologist. Dumagdag pa ang pagkamangha ko sa pag-aaral sa katubigan nang mabasa ko ang Twenty Thousand Leagues Under the Sea ni Jules Verne. Isang kudkuran sa aking haraya ang nobela na para bang inaakit akong halungkatin kung ano pa ang mga itinatago sa kailaliman ng karagatan. Subalit hindi ako marunong lumangoy. Sayang.

Naging career model student naman ako nang grade 10 sa hindi ko malamang dahilan. Ang masaya pa, sa araw ng career guidance, nakalimutan kong kailangan pala naming gumayak gaya ng gusto naming propesyon balang-araw. Kaya naman nang tinawag na ako upang magpakilala, suot ko’y puting T-shirt at khaki pants. Kumuha ako ng rolyo ng kartolina at hiniram ang hard hat ng isa kong kasama.

“Ako nga pala si Allan Ace Dignadice,” pakilala ko. “Gusto kong maging surveyor . . .”

Hindi ko na matandaan kung ano pa ang pinagsasabi ko nang araw na iyon. Ayaw ko na rin namang alalahanin. At isa pa, ayoko naman talagang maging isang surveyor.

Pagsapit ng grade 12, halos lahat ay sabik sa kaliwa’t kanang exams para sa mga kolehiyong nais nilang pasukan. Habang ako ay hindi pa rin alam kung ano nga ba ang tatahakin. Sinubukan kong kumuha ng University of the Philippines College Admission Test dahil libre naman at wala rin akong balak na doon mag-aral, ngunit nang lumabas ang resulta at nakapasa ako sa pinili kong kampus at kurso, magkahalong saya at ligalig ang naramdaman ko.

Kaya ko bang maging isang chemical engineer? tanong ko sa sarili. Masyadong malayo ang Maynila. Hindi ako marunong magluto, maglaba. Paano kung magkasakit ako? Hindi ko kaya. Pero sayang.

Sa mga panahong ito ako napaisip kung ano nga ba ang gusto ko maging. Hindi na puwede ang magkamali. Kinabukasan na ang nakataya.

* * *

Tumayo ako, nanginginig at natatakot. Naramdaman ko ang paglapat ng mga mata ng aking mga kaklase sa akin. Biglang tumahimik ang silid.

“I am Allan Ace Dignadice, and I see myself ten years from now . . . here.” Naramdaman ko ang panunuyo ng aking lalamunan. Nilunok ko ang aking laway. “I’ll be teaching here as a professor at Mindanao State University.”

Noong panahong iyon, hindi ko masukat ang kaba at pananabik kong makita ang hinaharap at magkatotoo ang mga salitang binitiwan ko. Hindi na ako bata upang mangarap ng suntok sa buwan, ngunit hindi ako bata upang hindi manindigan.

Nasa dugo ko na siguro talaga ang maging guro, hindi dahil angkan kami ng mga guro kundi dahil nakita ko ang pangangailangan ng komunidad. Masyado nang marami ang gustong umalis upang maghanap ng karangyaan sa ibang lugar. Masyado nang marami ang nagbabalak na iwan ang lugar na kanilang kinalakihan. Ayaw ko nang dumagdag.

Alam kong masyadong idealistic, masyadong madrama, ’yong tipong papunta na sa ulirang mamamayan. Ngunit sa lahat ng ginusto kong maging, ngayon ako mas sigurado. At ang bawat paliko-liko at mga lubak-lubak na dinaanan ko bago ako pumirmi sa desisyon kong ito ang patunay na anuman ang mangyari, makakarating ako sa kung saan ako dapat sa mundong ito. Alam ko na ang gusto ko—gusto kong makatulong sa aking pamayanan.

Advertisement

Pastil at Iba Pang Pagninilay

Ni Allan Ace Dignadice
Sanaysay

Abril 20, 2019. Linggo ng Pagkabuhay. Nagising ang aking kaluluwa sa isang pamilyar at nakabubulabog na ingay. Malakas. Dumadagundong. Umuugong. Habang pinupuno ang hangin ng mga tunog na kinukudkod ang dingding ng aking mga tainga, siya ring pagpupumilit na imulat ang puyat kong mga mata. Masakit sa ulo. Nakakairita.

Masaligan ta . . . Aton nga konsehala . . . Aton nga dumdumon sa aton nga balota . . .

Matapos ang kulang-kulang tatlong araw ng pamamahinga, mistulang nagsibangon din muli mula sa kahimlayan ang mga bungangang de-gulong—nagsusumigawan, nagpapalakasan. Mga tinig ng mga kandidatong nais maalala sa darating na eleksiyon. Kani-kaniyang plataporma. Sari-sariling kanta.

Panahon ng Semana Santa nang guminhawang saglit ang musmos kong barangay. Dahil malayo sa sentro ng lungsod, tahimik at matiwasay kalimitan sa amin, tulad ng aking kinagisnan. Nitong Huwebes Santo hanggang Sabado de Gloria, muli kong naranasan ang kapayapaan.

Abril 17, 2019. Miyerkules Santo. Nakauwi ako sa amin. Habang sakay ng bus, hindi ko maiwasang mapaglapatan ng tingin ang sandamakmak at samot-saring mga poster ng mga kandidato. Mula sa mga umaasang maging senador, nais maibalik sa Kongreso, gustong masungkit ang lalawigan, maghari sa siyudad, at lahat na. Sa mga ngising aso at mababangong tagline, isang paalaala: panahon na naman pala ng eleksiyon.

* * *

Hindi na bago para sa pamilya namin ang eleksiyon. Dating kabesa ng barangay ang kapatid ni Lolo Intin na si Lolo Nanding kaya nakabuhol na rin siguro sa pamilya namin ang politika. Naaalala ko pa noong bata pa ako ang pakadto-pakari ng mga tao sa bahay namin. Ang iba ay mga kilala pang politiko noong mga panahong iyon.

Tuwing eleksiyon, maliban sa si Papang ay abala sa pagiging lider ng mga watcher, kami naman ng dalawa ko pang kapatid ay sumasama kay Mamang sa pagnenegosyo. Dahil ilang metro lang ang layo ng bahay namin sa mababang paaralan, sideline na ni Mamang ang magbenta ng mga dulce, softdrinks, sigarilyo, at kung ano-ano pa. Sayang din kasi ang kikitain, sabi niya.

Kaya nga siguro inaabangan naming magpipinsan ang panahon ng eleksiyon—hindi lamang dahil maraming pagkain kundi dahil na rin sa mga maiiwang poster ng mga kandidato.

Nag-uunahan kami noon sa mga streamers nina Manny Villar at Gibo Teodoro dahil sa ang lalaki at matitibay, tamang-tama para sa guryon na papaliparin namin sa wayang sa likod ng bahay ni Lolo Intin. Unahan din kami sa mga tarpaulin bilang dingding ng mga bahay-bahayan na binubuo namin.

Habang lumalaki, hindi ko maiwasang itanong kina Papang kung bakit pabago-bago ang mga grupo tuwing eleksiyon. Ang dating magkasama sa pagkagobernador at kongresista, sa sunod na eleksiyon ay magkalaban na. Ang mga konsehal ni Mayor, ngayon ay konsehal na ni Vice. Para sa isang batang tulad ko, magulo at mahirap intindihin ang ganitong mundo.

Lalo na sa eleksiyon sa barangay. Matapos ang ilang taon ng pamamalagi ng aming apelyido sa serbisyo, na sinundan pa ng mga pinsan kong magkasunod pang naging Sangguniang Kabataan chairman, nasasaktan ako na makitang ang dating mga kaalyado ng pamilya ay kumampi na sa kabilang partido, na ang mga tiyoy ko ay kalaban na sa eleksiyon. Kinalaunan, unti-unting nalimutan ang aming apelyido, kahit pa si Lolo Nanding na. Noong tumakbo siyang muli bilang kagawad, di siya pinalad.

*  *  *

Taong 2016 nang sumubok si Papang bilang kagawad. Labis ang pag-ayaw ko at ni Ate dahil na rin sa mga karanasan ng pamilya kahit wala pa man din sa puwesto si Papang—ang siraan, ang bilihan ng boto, ang gulo, at ang pagkasalimpapaw ng mga tao. Hindi ko makayanan ang ganoong mundo.

May kaklase din akong nakapagtanong kung kaano-ano ko daw ba ang Dignadice na tumatakbo. Hindi niya raw kasi mamukhaan dahil pinagguhit-guhitan ang mukha ng poster nito. Masakit, oo. Ayaw naman nating gawing katuwaan ang ating mga mahal sa buhay. Ayaw kong mapasabak sa mga gulo na hindi naman dapat, sa mga tsismis na di dapat marinig, di dapat patulan.

Kaya lubos kong ipinagpasalamat sa Maykapal nang matalo si Papang sa halalan. Kahit alam kong masakit din ito para sa kaniya, ipinaalala lang namin na kaya niya pa ring makatulong kahit wala sa posisyon, na hindi siya dapat magbago, na dapat patuloy lang sa serbisyo.

Ang lahat ng karanasang ito siguro ang nagbunsod sa hindi ko pagkagusto sa panahon ng eleksiyon, at lubusang naglaho ang pananampatalaya ko sa sistema ng demokrasya sa Pilipinas nang magtakip ang 2016 National Elections, nang tuluyang magpaalam ang Pilipinas kay Miriam Defensor Santiago—hindi na maibabalik, kailanman.

* * *

Disyembre 2018 nang muli akong makapanood ng telebisyon matapos ang halos limang buwan. Wala kasing TV ang boarding house na tinutuluyan ko sa General Santos City. Nagsabong ang aking mga kilay nang makapanood ako ng mga patalastas tungkol sa ilang mga pulitiko.

Kung nagawa namin sa Ilocos, kaya sa buong Pilipinas!

Napatanong ako kina Mamang kung nagsimula na ba ang campaign period at kung kailan na ang eleksiyon. Laking gulat ko nang malamang sa darating na Mayo pa pala ang halalan.

Lalo akong nairita dahil habang tumatagal ay dumarami ang patalastas na nagsasabing may ginawa si Kwan para sa pamilya ni Aling Bebang, na si Tarpulano ang nagpasa ng batas para makapag-aral si Junjun, na nakalabas na Siya sa bilangguan, na ang dating alalay ay tatakbo at ang dating tumatakbo ngayon ay alalay, at marami pang ibang paandar. Napapabuntong-hininga na lang ako sa mga ganitong eksena, na talamak at paulit-ulit na lamang na nangyayari sa buong bansa.

Marso 13, 2019 nang nagsimula ang lokal na campaign period. Muling napuno ang ere ng mga jingle ng mga kandidato. May mga himig kundiman, may K-pop ang banat, at may mga sabay sa uso. Napuno hindi lang ang mga radyo at TV kundi ang mga eskinita at kalsada ng mga mukha’t tinig ng mga taong nagbabalak makaupo sa puwesto.

Ang laki-laki, ang laki-laki ng layunin. Ating iboto sa konseho . . . number 15 sa balota ni’yo!

Ilang linggo ring naging maingay ang bawat siyudad at lalawigan. Kahit saan puro tugtugan. Animo’y naging diskuhan ang mga lansangan. Aakalain mong may piyesta sa magkabilang dulo ng siyudad. Halos lahat din ng mga taong kilala ko pareho ang reklamo: Maingay. Magulo.

Hindi mo rin maipagkakaila ang mga hinaing ng mga tao sa social media tungkol sa pambubulabog at pinsalang naidadala ng mga bungangang de gulong. Hanggang sa biglang natapos ang mga bulahaw na ito. Biglang nanahimik.

Abril 19, 2019. Biyernes Santo. Nagising ako. Alas-otso. Tahimik ang paligid. Tamang-tama ang timpla ng araw para makapagnilay-nilay.

Nag-agahan kami ng tuyo at langkang ginataan. Bawal daw kasi ang karne, natatawang rason ni Mamang. Sa hapag hindi naiwasang magkumustahan sa eskuwela, sa trabaho ni Ate. Nang mabaling naman sa politika, naitanong sa akin ni Papang kung sino raw ba ang iboboto kong mayor.

* * *

Labis akong nanghinayang nang hindi ako nakaboto sa Barangay Elections noong nakaraang taon. Pakiramdam ko kasi hindi ko naipakita ang aking pagka-Pilipino. Sa tingin ko, parang hindi ako Pilipino.

Agosto 27, 2018. Araw ng mga Bayani. Dahil itinapat sa Lunes ang holiday, hindi muna ako bumalik sa General Santos at sinadyang magparehistro. Mayroon kasing satellite registration sa bawat barangay ang COMELEC sa Araw ng mga Bayani.

Magkahalong kaba at pagkasabik ang aking nadama dahil sa wakas ay matutupad na ang matagal ko nang ninanais simula nang tumuntong ako ng labinwalong taong gulang.

Pumila ako sa barangay hall ng mga alas-diyes ng umaga, at sa awa ng Diyos, natapos ako bago magtanghali. Halos lahat ng nakasabayan ko sa pagpaparehistro ay mga kaedad ko rin na sabik nang makaboto.

Naisip ko, Araw ng mga Bayani? 

Natawa ako.

* * *

Abril 25, 2019. Huwebes. Habang papauwi kami ni Ate sa aming tinutuluyan, bigla niyang nasambit, “Wala akong ganang bumoto ngayong eleksiyon.”

Daglian din akong sumang-ayon sa kaniya. Ganitong ganito ang nararamdaman ko simula nang makita ko ang listahan ng mga kandidato. Sa animnapu’t dalawang tatakbong senador, mabibilang lang sa kamay ang kilala ko. Ang iba, batikang trapo. May mga iilan na papasa na. At ang iba, bakit pa?

Nakakadismaya.

Nawala ang kasabikan kong bumoto sa darating na halalan. Para bang walang karapat-dapat na maluklok sa posisyon. Kung meron man, iilan lang.

Ang eleksiyon ngayon ay parang pagkain lang sa Mindanao State University, ang paaralan ko. Pastil, pastil, pastil. Dahil wala nang pagpipilian. Hindi dahil masarap o kapana-panabik kundi dahil ito ang mura. Dahil ito lang ang kaya.

Kaya hindi ko inaasahang aabot din pala sa punto na ang pipiliin mo na lang sa halalan ay ang masama kaysa sa mas masama. Nawala na ang pagiging karapat-dapat at pinalitan na lang ng mga pastil.

* * *

Abril 20, 2019. Linggo ng Pagkabuhay. Nagising ang aking kaluluwa sa isang pamilyar at nakabubulabog na ingay.

Malapit na pala ang eleksiyon. Masisira na naman ang mga pamilya. Magbabangayan ang magkakaibigan. Mapupuno ang Twitter at Facebook ng iba’t ibang patutsada. Magaganap na naman ang isa sa kinasasabikang tagpo sa Pilipinas, kasunod ng Miss Universe.

Maingay na ang kalsada. Dapat bumangon na. Natanong ko ang aking sarili: Babangon na nga ba?

Paano Magsakay ng Tricycle sa General Santos City

By Jade Mark Capiñanes
Nonfiction

Paano Magsakay at Maghintay Maglarga ang Tricycle

Biglang naghinto ang tricycle sa kanto.

Nagbaba ang driver at nagtawag ng mga pasahero. Bukod sa kanya, dalawa lang kasi kami na nasa loob ng tricycle, na anim ang kayang isakay (o isiksik). Akala ko madali lang siya maghinto, pero naglagpas na lang ang sampung minuto hindi pa din naglarga. Wala pa din kasing ibang nagsakay.

Medyo nainip na ako, gaupo sa front seat at gatingin-tingin sa relo. 6:20 p.m. na. Dapat 6:30 p.m. nasa downtown na ako. Madalas nasa 30 minuto ang byahe, kaya baka lampas 7 p.m. na ako magdating doon.

Wait lang, ha? gi-text ko ang kaibigan kong gahintay sa downtown. Naghinto kasi ang tricycle, gipaliwanag ko.

Walang problema, gi-reply ng kaibigan ko. Wala namang deadline, gidagdag niya pa.

Nahalata yata ng driver ang pagkainip ko. Hintay lang, ha? gisabi siya. Dalawang pasahero na lang, gihangyo niya.

Hindi ako nagsagot.

Nagdaan pa ang mga nasa sampung minuto. May nagsakay nang dagdag na dalawang pasahero. Nagsakay na ulit ang driver sa tricycle at gipaandar niya na ito. Salamat, giisip ko, maglarga na talaga.

Pero akala ko lang pala. Naghintay pa din kasi ng dagdag na pasahero ang driver.

Gusto ko mang magalit pero hindi ko nagawa. Giisip ko na lang na habang gamadali akong magpunta sa downtown para magkita kami ng kaibigan ko, alam kong kailangan lang din ng driver, na halos kaedad ko lang yata, na magkita ng pera.

Mabilis akong mainis sa mabangga ko sa daan kapag gamadali ako, akala ko siguro na sa akin lang gaikot ang mundo, na ang ibang tao ay harang lang sa kung saan ko gusto magpunta. Pero hindi lang man yata ako ang may nabangga. Hindi lang man yata ako ang may puntahan.

Bente ang pamasahe ng tricycle galing sa amin papunta sa downtown. Bente lang din ang pagitan ng desisyon ng driver na maglarga o maghintay pa ng isang pasahero.

Maya-maya ay may nagsakay na na isang dagdag na pasahero, at gipalarga na talaga ng driver ang tricycle.

Habang gatingin ako sa driver na diretso at seryoso ang tingin sa daan,  giisip ko na baka ginaisip niya din na pagkatapos ng biyahe niya ngayon ay may mauwi na siya sa kanila, kahit maliit, kahit papaano.

At naalala ko lang bigla ang commercial ng Cornetto. Hanggang saan mag-abot ang bente mo?

Alam ko na yata kung saan.

*

Paano Magpara ng Tricycle at Mapagkamalan

Ako na magdala ng gamit mo, gisabi ko sa kanya, kasi gentleman ako.

Nagpara kami ng tricycle, at nag-upo kaming dalawa sa may front seat. Gikandong ko ang shoulder bag niya, at ang isang supot kung saan niya gilagay ang sandal niyang naputol ang strap.

Ihatid ko siya pauwi.

Mga ilang minuto sa byahe may nakita kaming checkpoint sa unahan. Ginapara at ginapahinto ng mga sundalo ang mga gadaan. Martial law na talaga, gisabi ko sa sarili. Gikabahan ako kasi baka maghanap sila ng ID. Wala akong dalang ID, pero giisip ko na lang na at least wala akong kamukhang miyembro ng Maute.

Gipara na kami ng sundalo. Naghinto ang tricycle namin, pero bigla lang din itong naglarga. Gitoktok ng sundalo ang gilid ng tricycle, sabay hangyo sa driver: Huwag ka magmadali.

Nag-brake pinabigla ang driver.

Pakibukas ng mga bag ninyo, gisabi ng sundalo, sabay bukas ng flashlight niya.

Giuna ng sundalo ang mga pasahero sa likod. Pagkatapos sa likod sa front seat naman.

Buksan mo bag mo, gisabi ng sundalo sa akin.

Gusto ko sana sabihin na hindi sa akin ang shoulder bag, pero baka isipin ng sundalo na defensive o may ginatago ako. Gibuksan ko na lang ang shoulder bag.

Nagtambad sa sundalo ang pulbo, lipstick, salamin, at ilan pang gamit na hindi akin. Hindi ako nagtingin sa kanya.

Ano ang laman niyan? gisabi ng sundalo, habang gaturo sa supot na ginakandong ko.

Gibuksan ko ang supot, gitutok ng sundalo ang flashlight, at nakita niya ang sandal na naputol ang strap. Wala na siyang gisabi.

Gitoktok ulit ng sundalo ang gilid ng tricycle.

Naglarga na ulit ang tricycle.

Hindi pa kami masyado nakalayo nang nagtingin ako ulit pabalik sa checkpoint. Nakatingin pa din pala ang sundalo sa tricycle namin, tapos nagtagpo ang mga mata namin.

Iba ang titig niya.

*

Paano Magbaba sa Tricycle sa Downtown sa GenSan kung Gabi na at Gaulan pa Talaga

  1. Magbigay ka ng bente sa driver kasi wala kang barya.
  2. Magtingin ka sa kung paano ipasok ng driver ang kamay niya sa maliit na sling bag niya.
  3. Maghintay ka sa sukli.
  4. Magtanggap ka ng dalawang singko galing sa driver.
  5. Pwede ka nang magbaba, o pwede ka pang maghintay pa.
  6. Pero maghintay ka pa. Kailangan mong maghintay.
  7. Magtingin ka ulit sa kung paano ipasok ng driver ang kamay niya sa maliit na sling bag niya. Mas malalim na yata ang pagpasok niya ng kamay niya sa sling bag niya ngayon.
  8. Magtanggap ka ng dagdag na dalawang piso galing sa driver. Hindi mo alam kung bakit, pero parang mas mabigat sila kumpara sa dalawang singko kanina.
  9. Magbaba ka na.
  10. Magtakbo ka agad sa pinakamalapit na masilungan, kung saan ka magtingin sa gapalayo nang gapalayo na tricycle. Mag-isip ka kung bakit parang gasakay ka pa din doon.

Aden Bon Besen Uyag-uyag

By Mubarak M. Tahir
Essay

(This essay won the third prize at the 2017 Palanca Awards.)

Kilala ang bayan ng Maguindanao bilang isa sa mga tampulan ng gulo, tulad ng Maguindanao Massacre. Ito ang pagkakakilala at naging tatak ng hindi man lahat ngunit ng karamihang tao, lalo na ang mga hindi naman bahagi ng kuwento ng bawat may buhay sa Maguindanao. Mga kuwentong maaari sanang maunawaan ngunit marami ang hindi nakakaunawa dahil sa kawalan ng kamalayan at kaalaman. Hindi maiintindihan dahil sa hindi pagkakapantay-pantay ng kinalalagyan sa lipunan. Hindi mauunawaan dahil sa hindi magkaparehong pananaw sa pananampalataya.

Isa sa mga barangay ng Maguindanao ang ang Kitango, Datu Piang. Ito ang bayang kinamulatan ko. Ang bayang humulma sa aking pagkatao. Ang bayang humubog sa aking prinsipyo, pananaw, at paniniwala sa buhay. Ang bayang nagbuklod sa aking kinalakhang pamilya. Ang bayang namuhay sa katotohanang sa kabila ng lahat, maaari akong mamuhay at magpatuloy sa buhay.

Pitong taong gulang ako nang magsimulang mahubog ang aking pananaw at pagmamahal sa bayang kinalakhan. Wala mang kamuwang-muwang sa tunay na imahen ng buhay, patuloy namang naglalayag ang aking kamalayan sa aking kapaligiran, sa aking bayan.

Malaking bahagi ng populasyong bumubuo sa Maguindanao ay mga Muslim na Maguindanaoan. Kaya naman, ang kultura, tradisyon, at paniniwala ng lahat ay nakabatay sa Islam. Isa sa mga pinakamahalagang araw sa buhay ng bawat nananampalatayang Muslim ang pag-aayuno na tinatawag na Saw’m, dahil kabilang ito sa limang haligi ng Islam. Hindi ganap ang pagka-Muslim ng sinumang nag-aangking Muslim kung hindi isasagawa ito. Ang dakilang buwang isinasagawa ito ay tinatawag na Ramadhan — buwan ng pag-aayuno, buwan ng pagsasakripisyo, buwan ng paghingi ng kapatawaran, at buwan ng paggunita sa Allah. Ang lahat ng mamamayan sa Kitango, Maguindanao, bata at matanda, ay naghahanda at sabik sa unang araw ng pag-aayuno. Inaasahang mag-aayuno ang lahat, maliban sa mga batang hindi pa umabot ang edad sa pitong taong gulang, matatandang wala ng kakayahan o mahina na ang pangangatawan, mga nagdadalantao at nagpapasuso ng sanggol, mga babaeng may regla, mga nagbibiyahe ng malayo, at siyempre ang mga hindi naman Muslim.

Dahil bata pa noong nangyari ang karanasang aking ibabahagi, hindi ako obligadong mag-ayuno, ngunit bilang paghahanda ay sinanay na ako nina A’ma at I’na kahit hindi ko man maisagawa sa buong araw. Dahil sa pagkasabik ko sa unang araw, isinama ako ni A’ma sa padiyan upang mamili ng kakailanganin sa unang araw ng pag-aayuno. Habang sakay ng bisikleta si A’ma at nasa kaniyang likuran ako, masaya kong pinagmasdan ang kabuuan ng aking bayang sinilangan. Napalibutan na ng makukulay na bandila o pandi ang bawat kalye na tila kumakaway ang matitingkad nitong kulay na pula, dilaw, at berde habang hinahampas ng hangin. Hindi rin nakatakas sa aking munting pandinig ang tugtog ng kulintang at agong na mas lalong nagpapasigla sa lahat. Paminsan-minsan ko lang din marinig ang mga instrumentong ito dahil pinapatugtog lamang ito kapag may mahahalagang pagdiriwang, gaya ng kasal. Kasabay ng bawat ritmo ng tugtog ay ang kagalakan ng bawat isa sa bayan. Kapansin-pansin na halos lahat ay abala, ngunit mas nangingibabaw ang ngiti o tawa ng bawat isa. Ngiti ng kapayapaang namumutawi sa puso ng bawat Maguindanaoan.

Nang makarating kami ni A’ma sa padiyan, abalang-abala ang halos lahat ng may paninda sa pagsasaayos, pagpapanday, at pagpapatayo ng barong-barong na paglalagyan ng paninda. Habang hawak-hawak ni A’ma ang aking kanang kamay, hindi maalis sa aking paningin ang ilang batang kasing-edad ko na tumutulong sa kanilang magulang sa paghahanda. Lalo akong nabuhayan dahil ramdam ko ang katiwasayan ng pamumuhay naming lahat.

Magdadapithapon na nang makauwi kami ni A’ma mula sa pamamalengke. Hindi pa man nakaakyat sa hagdan ng bahay, dumating ang panawagan sa pagdarasal na tinatawag na bang o adzan. Nang mailagay sa hapag ang mga pinamili, agad naming tinungo ni A’ma ang balon na pagkukunan ng tubig na panghugas ng katawan bago magdasal. Habang nagdarasal, abala naman si I’na sa paghahanda ng hapunan. Ginisang sariwang kangkong na nangingibabaw ang amoy ng tanglad at pritong galunggong ang inihanda ni I’na. Tanging ilaw ng lampara ang nagpapaliwanag sa aming hapag habang kumakain. Habang ninanamnam ang pagkain, hindi ko naiwasang titigan ang mga mukha ng aking mga magulang. Bakas ang katandaan sa kanilang mga noo. Ang mga mata nila ay tila kasasalaminan ng katiwasayan ngunit nangingibabaw ang pagkabahala at takot. Hindi ko man lubos maunawaan ang mga ito, naniniwala akong may kapayapaan sa bawat ngiti nina A’ma at I’na. Pagkatapos maghapunan, muli kaming nagdasal para sa I’sa, ang dasal sa gabi. Nakaugalian na sa aming nayon na hindi pa man kalaliman ng gabi ay nasa loob na kami ng aming mga kulambo bilang paghahanda na rin sa unang araw ng pag-aayuno. Ako’y masaya sa ganitong mga oras dahil alam kong ako’y ligtas at panatag dahil napapagitnaan ako ng pagmamahal nina A’ma at I’na.

Nagising na lamang ako sa mainit na dampi ng kamay ni I’na bilang hudyat na ng pagkain. Kahit hirap at pilit na iminulat ang mga mata ay masigla akong bumangon. Agad kong tinungo ang bangang may tubig at naghilamos. Habang kumakain, pilit na hinihila ng antok ang aking gising na balintataw sa aking bawat mabilis na pagsubo. Kinakailangang bago pa man sumapit ang adzan sa pagdarasal sa Sub’h, dasal sa madaling araw, ay tapos na kaming kumain. Hindi na kami maaari pang kumain o uminom ng anuman hanggang hindi sumasapit ang adzan sa pagdarasal sa Maghrib, ang pagdarasal sa gabi. Pagkatapos kumain, hindi na muna kami natulog upang magdasal sa umaga. Muli kaming bumalik sa aming higaan at natulog.

Sa buong araw ng pag-aayuno, maliban sa pagdarasal sa Duh’r, ang dasal sa tanghali, at ang As’r, ang dasal sa hapon, ay kinakailangang lagi nang gunitain ang Allah gaya ng paulit-ulit na pagsambit sa Allahuakbar (dakila ang Allah), Subhanallah (sambahin ang Allah), Alhamdulillah (ang pasasalamat ay sa Allah), at La Ilaha Illa Allah (walang ibang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah). Hindi rin dapat kaligtaan ang pagbabasa ng banal na kasulatan ng Allah na ang Qur’an, dahil ang banal na kasulatang ito ay ibinaba sa pamamagitan ni Anghel Gabriel sa sugo na si Propeta Muhammad (sumakaniya nawa ang kapayapaan). Naniniwala kami na ang bawat titik na nababasa sa aklat ay katumbas ng sampung mabuting gantimpala. Maliban sa hindi maaaring pagkain at pag-inom ng anuman ay hindi rin ipinapahintulutang magtalik ang mag-asawa. Ang mga maliit na kasalanan gaya ng pagsisinungaling ay pinupuna rin.

Dinadalaw man ng pagkagutom at pagkauhaw, pilit ko itong nilalabanan. Minsan, hinahayaan ko na lamang ang aking sarili na dalawin ng antok upang hindi mabatid ang pagsasakripisyong dinaranas sa buong maghapon. Ramdam ko ang katahimikang bumabalot sa buong pamayanan dahil sa panatang ginagawa. Walang ingay. Tanging langitngit lamang ng kawayan at lagaslas ng tubig ang aking naririnig, senyales ng katahimikan at kapayapaang namumutawi sa aming bayan.

Pagkatapos magdasal ng As’r ay inanyaya ako ni A’ma na sumama sa padiyan. May kahinaan mang dinanas, sumama pa rin ako. Muli ko na namang naulinigan ang bawat ritmo ng kulintang at agong habang papunta sa padiyan. Nadatnan namin ni A’ma ang padiyan na hindi mahulugan ng karayom. Bata at matanda, babae at lalaki ay abala sa pamimili ng mga ihahanda para sa buka o iftar. Nakipagsiksikan si A’ma na bumili ng mga sariwang isda gaya ng tilapya, hito, at iba pang uri ng isda na karaniwang matatagpuan sa ilog ng Maguindanao. Hindi rin nakawala sa aking paningin ang pangkat ng matatandang lalaki na abala rin sa pamimili ng tabako. Nakita ko si A’ma na nakisali na rin at marahang itinaas ang isang hibla ng tabako. Mababakas sa mukha niya ang pagkasabik sa paghithit ng tabako. Pag-angat niya ng tabako ay akmang lalanghapin na sana niya ang halimuyak ng tabako ngunit agad rin niya itong nailayo sa kaniyang ilong dahil bawal ang kusang pag-amoy sa anumang bagay na makakapaghatid ng tintasyon na maaaring maging dahilan ng pagkawala ng bisa ng pag-aayuno. Binigyan naman ako ni A’ma ng limang piso upang bumili ng bloke ng yelo. Kung may mabenta man sa lahat sa padiyan, iyon ang yelo na halos pag-agawan ng lahat. Ilang minuto rin akong nakipagsiksikan makakuha lang ng yelo, pampawala ng tigang na lalamunan. Nang pauwi, huminto kami upang bumili ng mga kakanin. Hindi kompleto ang handaan kapag walang kakanin ng Maguindanoan gaya ng dudol (gawa sa katas ng niyog at pulang bigas), inti (gawa sa katas ng niyog at bigas na kulay dalandan), plil (hinulma galing sa dinurog na hinog na saging), at tinadtag (gawa sa harina na hinulma na parang bihon). Magdadapithapon na nang makauwi kami ni A’ma sa bahay.

Bang! Bang! Boooom! Bang! Ang mga tunog na nagpagising sa amin nang madaling araw bago pa man sumapit ang Saw’m. Mga tunog na kailanman ay hindi ko pa narinig. Mga tunog na gumimbal sa katahimikan ng buong bayan. Napatakbo si A’ma sa labas ng bahay at tinawag ang aming kapitbahay. Ilang beses ding tumawag si A’ma ngunit mga putok lamang ng nagsasalubungang bala ang bumalot sa aming pandinig. Mas lalo pang lumakas ang putukan. Napagapang na lamang si A’ma palapit sa amin ni I’na na nagyakapan sa isang sulok ng bahay, na niyuyugyog naman ng malakas na ingay ng putukan. Gumagapang kami nang biglang mabuwal ang haligi na aming kinalagyan. Natagpuan namin ang aming mga nagimbal na kaluluwa sa banggerahan. Nakita ko si I’na, namumutawi sa kaniyang mga mata ang pagkabahala at takot habang mahigpit akong yakap ng kaniyang mga bisig. Tanging Allahuakbar, Subhanallah, at Astaghfirullah ang mga katagang naibubulalas ni I’na. Niyugyog ng ingay ng malalaking sasakyan na may lulang mga sundalo ang kinatatayuan ng aming bahay. Balot na rin ng alikabok ang labas ng aming bahay. Bilang ko na rin ang mga butas sa bawat bubong at haligi ng bahay na gawa ng nagsisulputang mga bala. Sa mga butas ko na rin naaninag ang bawat silahis ng araw, ngunit mahapdi sa paningin. Umaga na pala…

La Ilaha Illa Allah! Alhamdulillah! Dalawang salita na nakapagpanatag sa aming kalooban nang sambitin ni A’ma. Narinig namin ang sigaw ng isang lalaki na, “Ceasefire!” Hudyat ito na panandaliang titigil ang putukan. Nagmadali kaming lumisan sa bahay sa takot na maabutan ng kasunod na bakbakan. Tinunton naming tatlo ang mabato at maalikabok na daan patungong bayan. Habang naglalakad, napagtanto ko ang malaking pagbabago sa kapaligiran. Kay tahimik. Wala na ang tugtog ng kulintang at agong. Tanging alingawngaw na lamang ng putukan sa may di kalayuan ang nakikisabay sa pagpintig ng aking puso. Doon ko rin lamang napagtanto, na ang tanging dala ko ay ang  sambayangan na karpet na ginagamit sa pagdarasal bukod sa suot kong luma at punit-punit na damit. Magkakahawak-kamay naming tinunton ang daan patungo sa padiyan.

Pagdating namin sa padiyan, akala ko ay araw ng pamamalengke. Doon pala nagtipon-tipon ang mga taong apektado ng bakbakan. Isa sa ipinagtataka ko ay tila walang naganap na kaguluhan sa bawat reaksiyon ng bawat isa.

Ilang oras lang mula nang lisanin namin ang bahay, muling sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng mga Moro Islamic Liberation Front o MILF laban sa mga sundalo ng pamahalaan. Hindi ko man maintindihan ang dahilan ng hidwaan ng dalawang grupong iyon, alam kong marami ang apektadong mamamayan. Sa araw na iyon, hindi ako nakapag-ayuno ngunit isinagawa pa rin ito nina A’ma at I’na. Ipinagpatuloy nila ang pag-aayuno kahit hindi sila kumain sa madaling araw.

Pinagpahinga ako nina A’ma at I’na sa isang barong-barong sa padiyan. Ilang araw din ang aming pananatili sa padiyan. Minsan, natutulog kami sa mga paaralang nagsisilbing kanlungan namin. Kapag ceasefire naman, paisa-isang kinukuha ni A’ma ang gamit naming naiwan sa bahay. Minsan pa, naisipan kong maglakad-lakad sa padiyan. Pinagmasdan ko ang kapaligiran ng aking kinagisnang bayan. Tanging buntonghininga ko na lamang ang aking naririnig habang bumubulong ang mga putok sa kabilang bayan. Tanging alikabok na amoy pulbura ang aking nalalanghap at hindi na ang iba’t ibang amoy ng mga kakanin. Wala na rin ang mga nakikipagsiksikang mamimili. Tanging nakaharang na lamang na mga sasakyang pandigma ang nakatambay sa bawat kanto.  Tanging wasak na mga kawayan na lamang din ang kumakaway at hindi na ang makukulay na mga bandila. Mga anino at imahen na lamang ng kahapong matiwasay ang nanatili sa aking isipan. Ngunit mas takot ako sa kaisipang ang imaheng iyon ay mananatiling imahen na lamang at hindi na magiging realidad.

Kasabay nang putukang nagaganap sa may di kalayuan, naikintal sa aking murang isipan ang pangyayaring iyon. Isa lamang ang aking napagtanto sa pagkakataong iyon, maaari pala kaming mamuhay sa bayang binabalot ng gulo. Nabubuhay sa musika ng mga bala. Humihinga sa usok ng pulbura. Patuloy na mamamayagpag ang katiwasayan ng buhay sa kabila ng suliraning kinakaharap ng aming bayan. Patuloy sa paglalayag ang bawat mumunting pangarap ng mga Maguindanaoan sa kabila ng katotohanang kay hirap abutin, tulad ng paghahangad namin ng kapayapaan.

Wala mang kamuwang-muwang sa lahat ng nangyari, batid kong hindi ito tama, na hindi ito ang hinahangad ng bawat isa. Ang pangyayaring ito ang tunay na magpapatibay at huhubog ng aking pagkatao. Ang pangyayari sa aking bayang sinilangan ang huhulma sa aking kinabukasan. Ang bawat putok ng bala ang tutugtog habang tutuntunin ang daan tungo sa hinaharap. Ang simoy at hamog ng pulbura ang magbibigay ng anyo sa aking mga pangarap. Ang kislap at tilamsik ng bawat bala ang iilaw sa aking landas, sa aming bayan.

Simula pa lamang ang lahat ng masalimuot na pangyayari tungo sa pagbuo ng sampung titik ng salitang kapayapaan. Umaasang sa bawat titik ng salitang ito ay hindi tunog ng baril ang maririnig kundi ang ritmo ng kulintang at agong. Darating ang panahon na ang bawat mamamayan ng Maguindanao ay magtitipon-tipon sa padiyan hindi dahil kami ay nagsilikas kundi dahil ipagdiriwang namin ang salitang kapayapaan. Umaasa akong ang bawat bandila na nasa gilid ng daan ay patuloy na itataas, maiwawagayway, at kailanman ay hindi kukupas ang matitingkad nitong kulay.

Ang bayang aking kinalakhan at kinamulatan ay hindi naghihingalo. Ang bayan ko ay dinapuan lamang ng matinding sakit na hanggang ngayon ay hinahanapan ng lunas. Hanggang tumitibok ang puso ng mga mamamayan ng aking bayan, patuloy itong hihinga at hindi hahayaang tuluyang malason ng pulbura ng digmaan. Hanggang umuusbong ang mapa ng Maguindanao sa rehiyon ng ARMM, magpapatuloy na makikilala at tatatak ang pangalan nito dahil may buhay at mabubuhay kami sa kabila ng suliraning kinakaharap.