Ni Rexcel Samulde
(Ang sanaysay na ito ay winner ng 3rd Lagulad Prize.)
Masangsang na amoy ang sumalubong sa amin sa Lake Sebu nang mamasyal kami roon ng aking tiyuhin noong Pebrero 2017. Habang nakadungaw kami sa bintana ng van, nakapatong ang kaliwang hintuturo ni Tiyo sa kaniyang nguso at nakasandal ang kaniyang balikat sa pintuan ng sasakyan. Nakakunot rin ang kaniyang noo, at wala siyang kibo. Nakatingin lang siya sa lawak ng lawang tila ayaw ipasilip ng kakahuyan at kabahayan sa kalsada. Halatang dismayado sa lugar si Tiyo. Nahiya ako sa kaniya dahil galing pa siya ng Iloilo, at naengganyo siyang magrenta ng van mula sa amin sa Surallah, South Cotabato, dahil labis kong ipinagmalaki ang ganda ng Lake Sebu noong nagbabalak pa lamang siyang magbakasyon dito sa Mindanao. Hindi naman maitatanggi na ang lawa ay gayuma para sa mga matang nasasabik sa kagandahan ng kalikasan. Subalit kahit ako man ay nagtaka kung bakit kakaibang Lake Sebu ang aming nadatnan kumpara sa kung paano ko ito inilarawan kay Tiyo.
Kasama ang drayber ng van, pumasok kaming nakatakip ang ilong sa isang resort, sa poblacion ng bayang ipinangalan sa lawa. Mukhang kami lang ang pumunta roon noong araw. Nakamaskara pa ang mga empleyado sa resort. Kakaibang uri ng katahimikan ang narinig ko kung ikukumpara ko ito sa mga nakaraan kong pagpunta. Noon, ang katahimikan ay tila pagyakap ni Fun Bulul, diyos ng kabundukan ng mga T’boli, sa mga bisitang sabik na matanaw ang kaniyang kaharian, ngunit ang katahimikan ng mismong araw ay walang kabuluhan. Hindi ramdam ng marami ang pagbati at basbas ng mga T’boli sa lugar. Tila may sumaklob na sumpa sa puso ng lawa.
Sa pagpasok pa lang namin sa poblacion ay marami nang nasayang na karanasan ang aking tiyo. Una, ang malanghap ang preskong simoy na hinihinga ng paraiso. Hindi rin mahagilap sa hangin ang mga nagtatalong aroma ng nilagpang at inihaw na tilapya mula sa abala sanang kusina. Pangalawa, hindi niya nasipat ang mga nasa paligid na t’nalak, ang makulay na tela ng mga T’boli na hinabi ng kamay at ginagawang damit o ginagamit sa mga kagamitan at palamuti . Alam kong mamamangha si Tiyo kapag sinabi kong nagmula ang disenyo ng mga t’nalak sa panaginip ng manghahabi. Nais ko rin sanang masaksihan ni Tiyo ang iba’t ibang uri ng madal, o sayaw, na inihahandog ng resort sa entrada, lalo na kung paano ipinapagaspas ng mga katutubong mananayaw ang kanilang mala-malong na kumu na tila mga ibon sa palayan habang sinasayaw ang madal tahaw. Ngunit wala ang mga mananayaw sa resort. Wala ang pagsalubong ng nakagagalak na musika, sayaw, kulay, at samyo. Medyo nalungkot ako para kay Tiyo.
Niyaya ko silang manaog ng hagdan dahil naroon sa baba ang magagandang kubo kung saan mapagmamasdan namin nang malapitan ang tubig. Nang pababa na kami ay nakita kong naduduwal si Tiyo sa likod ng kaniyang panyo. Namuo ang luha sa gilid ng kaniyang mata. Tahimik lang ako noon habang nakapisil ang ilong. Sa isip ko, bakit hindi niya kaya ang masangsang na amoy ng lawa gayong isa naman siyang mandaragat? Sa pagkakaalam ko kasi, kapag nasanay ang isang tao sa mabahong amoy ay nagiging samyo na lang ito sa kaniya, katulad ng sariling amoy, o katulad ng mga nagtatrabaho sa slaughterhouse na ordinaryo na lang sa kanila ang lansa ng dugo.
Nang hindi na siya makatiis, tinanong ako ni Tiyo kung bakit mabaho. “Hindi ko rin alam,” sagot ko sabay kibit-balikat. Ako na rin mismo ang nagyaya sa kaniya at sa drayber na huwag nang magtagal sa ibaba kahit pa mapang-akit ang mga liryo sa luntiang lawa. Pumayag naman sila, pero bago pa man namin talikuran ang lawa ay may dumaan malapit sa amin na tatlong owung, ang tradisyunal na bangka ng mga T’boli na gawa sa puno ng lawaan. Halos puno ng isda ang maliliit na bangkang sinasagwan ng matatandang lalaki. Namangha si Tiyo sa nakita, at kahit may takip na panyo ang kaniyang ilong at bibig ay sumigaw pa rin siya para magtanong kung magkano ang isang kilong tilapya. Pasigaw ring sumagot ang isang matanda, pero hindi namin malinaw na narinig ang sinabi nito. Paulit-ulit lang nitong binanggit ang salitang kamahong habang itinuturo ang tubig. Doon lang namin napansin na may nakalutang na mga isda sa lawa. Unang beses kong narinig ang salitang kamahong noon, pero sa pagturo pa lang ng lalaki sa berdeng lawa, alam ko nang hindi maganda ang kahulugan nito. Hindi ako nagkamali. Mga patay na isda ang sanhi ng umaalingasaw at nakasusukang amoy sa gitna ng bayan. Sinakop na pala ng tinatawag na putrescine ang atmospera. Nabasa ko kumakailan lang na ang putrescine ay isang kemikal sa katawan na dahilan ng pangangamoy ng patay na tao o hayop. Kapag nalanghap ito ng tao, nagbibigay ito ng malakas na chemosensory signalna may masamang nangyari o may panganib sa lugar kaya dapat itong lisanin. Hindi ko man alam ang ganitong paliwanag noon, malamang na ang nabubulok na simoy ang nag-udyok sa amin na umuwi na lang.
Itinuloy namin ang pag-akyat nang matakpan ang mga owung ng magkakatabing kubo at nawala ang mga ito sa aming paningin. Habang tahimik kong binilang ang mga hakbang sa hagdan, doon na nagkaniya-kaniya sina Tiyo at ang drayber ng haka-haka patungkol sa sitwasyon ng lawa.
Kuwento ng drayber ng van, maliit lang na bilang ng patay na tilapya ang tumambad sa amin, dahil ilang araw na raw nang simulang hakutin ng mga mangingisda at ng lokal na pamahalaan ang mga palutang-lutang na biktima ng kamahong. Alam na pala ng drayber ang kalagayan ng lawa, pero dahil naghahanap ng pagkakakitaan, itinuloy niya pa rin ang paghatid sa amin. Dagdag niya, sa simula ng sakuna, libo-libong tilapya ang nakasalansan sa ibabaw ng tubig, at aakalain mong sinadya silang itambak sa maliit na espasyo ng kulungan. Sinabi rin niyang dahil daw ang kamahong sa asupre na umusbong sa lawa mula sa Mt. Melibengoy, na mas kilala sa tawag na Mt. Parker. Nilason daw ng asupre ang mga isda kaya sila namatay. Mukhang malabo ang teorya ng drayber dahil nasa bayan ng T’boli ang Mt. Parker at halos apatnapung kilometro pa ang layo ng naturang bulkan sa Lake Sebu. Pero may nabasa akong hindi naman imposibleng tumaas ang sulfuric acid ng lawa lalo na kapag maulan ang panahon. May sinabi rin sa akin noon ang kaibigan kong tubo ng bayan. May paniniwala raw silang mga T’boli na may isang taob na bulkan sa lugar, at tinatawag nila itong Tebewow. Ito raw ang dahilan kung bakit maitim at malabo ang tubig ng lawa at kung bakit may mga panahong namamatay ang mga isda. Kung totoo ang paniniwala nila, naisip kong posibleng sa Tebewow nanggagaling ang asupreng tinutukoy ng drayber at hindi sa Mt. Parker.
Iba naman ang paliwanag ni Tiyo. Sa tingin niya ay lubhang bumaba ang lebel ng hangin sa lawa na likha ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagdami ng mga kulungan. Mas lalo lang nagbigay ng katanungan sa akin ang kaniyang bersiyon ng kamahong. Kailangan pala ng hangin ng mga isda? Sa edad na bente-dos noon ay para akong batang walang alam sa agham, at mas pinaniwalaan ko pa ang ideya kong pinatay ng higanteng halimaw ang mga isda dahil sobra na ang populasyon nila.
Naniniwala akong may halimaw sa ilalim ng lawa dahil sa sabi-sabi. May malaking ahas o higanteng isda raw sa lawa, kaya mabigat ang pakiramdam ko sa tuwing tinitingnan ko ang lawa lalo na sa gabi. Madalas kaming pumupunta sa Lake Sebu simula pa dati. Doon ikinasal ang tiyahin ko, doon ang pasyalan ng pamilya, at paboritong lugar rin ito ng aming unibersidad kapag nagkakaroon ng seminar-workshops sa diyurnalismo. Inaabot kami ng ilang gabi doon, kaya palagi kong napagmamasdan ang lawa. Hindi naman nag-iiba ng anyo ang lawa kahit mulat na mulat ang buwan, pero ang katahimikan nito kapag nagtatago sa dilim ay may dalang kilabot. Naniniwala ang aming angkan na mariit ang lawa. Sa mismong lawa kasi namatay ang aming lolo. Lasing siya noon. Umihi siya sa kawayan sa gilid ng lawa, nadulas, at nalunod. Ayon kay Lola Shirley, hinila raw si Lolo ng halimaw hanggang sa kailaliman dahil hindi niya nirespeto ang lugar. Pagkatapos ng trahedya, lumipat si Lola sa Surallah para kalimutan ang nangyari, ngunit hangang ngayon, dala niya pa rin ang pagkapoot sa lugar.
Katulad ng pagkapit ng trauma kay Lola Shirley, hindi rin kami iniwanan ng nakakasulasok na amoy ng nabubulok na mga isda. Sumama sa aming pag-uwi sa Surallah ang amoy ng kamahong. Nanatili pa ito sa aming mga baga. Doon ko lang napagtanto kung bakit ganoon ang reaksiyon ni Tiyo kahit sanay siya sa maalat at malansang amoy ng dagat. Hindi siya nag-inarte. Naduwal siya dahil imposibleng tanggapin ng kaniyang sistema bilang samyo ang amoy ng kamatayan. Ang alingasaw ay maikukumpara sa amoy ng isinupot na lamanloob ng isda na ilang araw nang nakakubli sa basurahan, ninakaw ng aso, at ikinalat sa lupa. Ngunit kahit ganoon kalubha, ipinaalala naman nito sa akin ang nakasanayan kong biyahe patungong Glan, Sarangani Province, nang nagtuturo ako doon noong 2015. Sa bayan ng Alabel, Sarangani, kasi ay may isang bahaging pareho ang amoy sa kamahong dahil sa komersiyal na pag-aalaga nila ng hipon. Noong mga unang buwan ng pagbibiyahe ko sakay ng van, pigil-hininga ako kapag nakikita ko na ang kapitolyo ng Sarangani dahil doon banda ang baybaying may masangsang na simoy. Kinalaunan ay nasanay rin akong balewalain ito, at naging hudyat pa nga sa akin ang amoy na ilang minuto na lang ay masusulyapan ko na ang paliko-likong kalsada sa gilid ng baybayin patungo sa naghihintay kong katre sa Glan. Minsan pala, hindi lang ang mabango at pabango ang nostalhik. Pero kung ganoon nga, ano ang maipapaalala sa akin ng amoy ng kamahong maliban sa pagguhit ng lungkot sa mga mata ng matatandang sinasagwan ang kanilang owung sa lawak ng naghihingalong lawa?
Mahirap ngang maging samyo ang kamahong.
Mas lalo ring ipinalimot sa akin ng kamahong ang lasa ng tilapya. Ilang taon na akong hindi kumakain ng tilapya dahil may taluhiyang ako rito. Noong 2014, namaga ang sugat ko sa paa at nagpasya akong uminom ng antibiotic nang walang gabay ng doktor. Simula noon, nagkakataluhiyang na ako kapag umiinom ng antibiotic (maliban sa amoxicillin trihydrate) at kapag nakakakain ng malalansang pagkain. Nangangati ako nang todo at nahihirapang huminga. Nang minsang inatake ako, kinailangan akong dalhin sa ospital upang maturukan ng antihistamine. Kaya maingat na talaga ako ngayon sa mga pagkain. Gayunpaman, hindi man ako kumakain ng tilapya, ramdam ko ang kawalan ng mga tao sa Lake Sebu. Malaking dagok ang kamahong sa kanilang kabuhayan. Isinailalim ang lugar sa state of calamity nang taong iyon, at ipinagbawal ang pagkonsumo at pagbenta ng tilapyang apektado ng kamahong. Ngunit sa kabila ng kautusan, namakyaw pa rin si Lola Shirley ng tilapya, ginawang tuyo ang mga ito, at ibenenta. Pinilit niya kaming bumili dahil di hamak na mas masarap daw ang mga nakamahong na tuyo kumpara sa ordinaryong isda. Hindi kami kumbinsido. Hindi kami bumili. Pero iniwanan niya pa rin kami ng ilang piraso bago siya umalis.
Alam ng mga nakatira sa Lake Sebu ang malaking kadahilanan ng sunod-sunod na paglutang ng mga walang buhay na tilapya. Malaki ang ambag ng fish feeds sa kamahong. Nabulok kasi ang fish feeds na pumailalim sa lawa, nagsanhi ng polusyon, at nilason ang mga isda. Ganoon pala gumanti ang lawa. Pinipigilan nito ang sariling paghinga, at pinapanood kung paano nawawalan ng pag-asa ang mga tao habang unti-unting tumatahimik ang mga tilamsik. Binagsak nito ang akuwakultura ng bayan. Puro bulok ang aning kanilang naiuwi. Naalala ko ang mga nakita kong mangingisda na nagsasagwan ng owung noon. Ilang beses kaya silang nagpabalik-balik upang hakutin ang mga patay na isda? At anong lakas ang gamit nila sa pagsagwan gayong tunay na nakapanghihina ang ganti ng lawa?
Halos dalawang taon pa bago ako nakabalik sa Lake Sebu. Walang balita, walang pangungumusta. Niyaya lang ako ng mga kaibigan kong pumunta ulit sa bayan dahil matagal na rin silang hindi nakakabalik. Noong Disyembre 2019, itinuloy namin ang planong mamasyal. Sina Beth at Halima ay parehong galing ng Sultan Kudarat, at dahil ako ang pinakamalapit na naninirahan sa Lake Sebu, ako ang inulan nila ng mga katanungan sa loob ng van. Saan ang magandang puntahan? Ano ang masarap kainin? Nakakatakot bang mag-zipline? Nilagay ko na naman ang sarili sa posibleng kahihiyan nang magmayabang ulit ako sa pagsagot. Hindi ko naiwasang mag-alala; baka hindi pa rin kasi nilisan ng parusa ang malawak na bahagi ng lawa. Ilang minuto lang ay nakaapak nang muli ang aming mga paa sa Lake Sebu. Inikot ko ang aking tingin. Tinalasan ko ang aking pang-amoy, at nagsimulang magkumpara ng kasalukuyan at nakaraan ang aking utak at ilong.
Una naming pinuntahan ang mismong resort na binisita namin ni Tiyo dati. Pagpasok pa lang namin sa entrada, naramdaman ko na ang panunumbalik ng sigla. Napabuntong-hininga ako. Sa wakas, pagkatapos ng dalawang taon ay muli na naman akong napahanga ng madal at ng mga instrumentong humihiyaw ng katutubong musika. Maririnig na sa paligid ang naglalakbay na tunog ng kulintang, sludoy, at d’wegey na hindi ko narinig noong 2017. Pati ang pasipol na himig ng pagkaskas ng troli sa kable ng zipline para sa mga pagkain ay nakawiwili ring pakinggan. Nagtutunggalian na ang mga aroma ng tinolang manok sa kawayan, escabeche, at rebozadong tilapya na nakawala sa hangin mula sa abalang kusina. Bumaba kami ng hagdan, ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi na ako nagbilang pa ng mga hakbang. Hiniling ko na sana ay nandoon din si Tiyo para mapatunayan niya mismo ang mga sinabi ko noon. Hindi pa naman siguro huli ang lahat para magbago ang tingin niya sa lawa.
Sa hindi kalayuan, natanaw ko ang isang lalaking nakatayo sa kaniyang owung. Halatang gamay na niya ang pagbalanse sa maliit na bangka sa kabila ng magkakasabay na paggalaw ng hangin at tubig. Nagsaboy siya ng fish feeds sa mga lambat. Pinag-agawan ng mga tilapya ang mga pinong butil na pumailalim sa tubig, at sumayaw ang mga tilamsik ng tubig. Tiningnan ko ang aking mga kasama. Nakangiti sila. Palipat-lipat ang tingin sa langit, sa lawa, at sa mga turistang kinukunan ng litrato ang isa’t isa. Hindi dismayado. At habang naglalakad ay suminghot-singhot ako hanggang nakarating kami sa kubo. Wala na nga talaga ang amoy ng kamahong. Presko na ang hangin kahit dumadampi muna ito sa pisngi ng lawa bago namin ito malanghap. Wala nang bahid ng kamatayan. Ganito ang Lake Sebu, sabi ko sa sarili. Natulala ako dahil sa nakabibighaning tanawin na saklaw ng aking pananaw, at muli na naman akong nabihag ng mga liryong hinahawi ng mga sagwan.