Muwang

Ni Doren John Bernasol
Dagli

 

“’Nak, ibibigay ni sir lahat ng gusto mo,” panghihikayat ng ina. “’Yong bike, maraming chocolates, at iba pang mga laruan. May ipagyayabang ka na ulit sa mga kaklase mo. Di ba gusto mo ’yon, ’nak? Gusto mo ’yon?”

Diniinan ng ina ang hawak sa balikat ng bata. Tumango ang bata.

“Basta huwag kang iyak ha?” dagdag ng ina. “Sumunod ka lang sa gusto niya. Tulad lang ng ginawa mo dati kay sir.”

“Siya pa rin ho ba, Nay?” tanong ng bata.

“Di na, ’nak. Mas mabait ito siya. Kausapin mo. Marunong din siya ng konting Tagalog.”

Kinatok ng ina ang pinto.

Tumambad sa mag-ina ang maamong mukha ng matanda. Nakangiti. Walang balbas, puti ang buhok, at may kalakihan ang tiyan.

“Please be careful with my son, sir,” ang Ingles ng ina.

“Walang problema,” sabi ng matanda, sabay abot ng bayad. “As agreed. I added some.” Pinapapasok nito sa silid ang bata at isinara ang pinto. Umalis na ang nanay.

Umupo sa kama ang matanda at kinandong ang bata. “My dear, what’s your name?”

Di marunong mag-Ingles ang bata, pero natanong na ito sa kaniya dati. Sinagot niya ito ng buong pangalan at edad. Ito ang turo ng nanay niya. Matapos nito ay nagtanong ang bata, “Sabi ho ng nanay ko, bibilhan mo ako ng bike, chocolates, at iba pang laruan?”

“Oo naman,” sabi ng matanda. “Basta sundin mo ako.”

“Ay, hindi na lang ho ’yon.”

“Toy na lang? Tell me ano’ng toy gusto mo.”

“Puwede po bang huwag ni’yo na lang akong ibalik kina Nanay?”

Hindi tumugon ang matanda. Pinag-isipan nito ang gagawin habang akap ang bata.

Advertisements

Editors and Contributors

REGULAR EDITORS

Eric Gerard H. Nebran is an educator and illustrator from General Santos City. He is currently a PhD Comparative Literature student at the University of the Philippines–Diliman. His research interests include orality, history, and literary productions of his hometown.

Jude Ortega is the author of the short story collection Seekers of Spirits (University of the Philippines Press, 2018). He studied political science at Notre Dame of Marbel University in South Cotabato and currently divides his time between Senator Ninoy Aquino and Isulan, both in Sultan Kudarat.

CONTRIBUTORS

Doren John Bernasol is from Koronadal City and a graduate of Bachelor of Arts in Filipino from Mindanao State University in General Santos City. He’s currently working for Zuellig Pharma in Davao City.

Kurt Joshua O. Comendador is an AB English student at Mindanao State University in General Santos City, where he also serves as associate editor of the official student publication and as president of a book reading club. He was a fellow at the 2018 Davao Writers Workshop and at the recently concluded 3rd Nueva Ecija Personal Essay Writing Workshop. His piece that appears in this issue won the inaugural Lagulad Prize, a regionwide essay writing contest organized by Cotabato Literary Journal.

Jermaine Dela Cruz studied Bachelor of Arts in English Language and Literature at Mindanao State University in General Santos City. She works as managing editor of Standout GenSan, the official publication of General Santos City Chamber of Commerce and Industry, Inc., and she currently serves as interim chairperson of Pangandungan, General Santos City’s writers’ association.

Allan Ace Dignadice is from Koronadal City, South Cotabato, and a BS Electronics Engineering student at Mindanao State University in General Santos City. He is a former editor in chief of the official school publication of Koronadal Comprehensive National High School.

Norsalim S. Haron is from Pikit, Cotabato Province, and teaches at Rajah Muda National High School in the same town. He is a graduate of Bachelor in Secondary Education, major in Filipino, at the University of Southern Mindanao in Kabacan, Cotabato Province.

Marc Jeff Lañada was born and raised in General Santos City. He is a graduate of BA Communication Arts in the University of the Philippines–Mindanao. He was a fellow at the 2017 Davao Writers Workshop, and some of his works have appeared in Dagmay, the literary journal of Davao Writers Guild.

Ang Putang Inang Bayan

By Doren John Bernasol (Poetry)

Isa akong puta.
Mandidiri ka
na noong pagkabata
ay makailang beses akong ginahasa,
na tinuruan ako ng santo’t rosaryo,
pinakilala sa isang diyos, pinagmano,
na sa bawat dasal pala ay may suweldo,

na akala ko minahal na ako
kasi nga binihisan, nilinis, pinangalanan,
tinuruan,
pero bakit nilamutak pati laman?
‘Yung sisipsipin ka nang sagaran.

Mandidiri ka. Tawanan mo ako.
Itong braso, labi, ari, at laylay kong suso.
Lahat ito ay sinisid at inangkin
nang inulit-ulit iyon sa akin.

Magpumiglas man,
wala akong laban.
Mangmang ako sa puri at kinang.

Ako ang putang ipinagtanggol ni Rizal,
ikinamatay ni Bonifacio’t del Pilar,
nagsanhi ng maraming putukan
na nag-uwi noon ng mga bangkay at sugatan.
Ako ang putang tinubuan ninyo ng muwang,
pinagtamnan ng pangarap at maraming kahilingan.

Sige! Pandirihan niyo ako
kaya kahit ako rin mismo,
hindi ko kayang mabura ang mga nagwawalang halik,
mga yapos na kanilang ginigiit,
ang pagpasok nila sa akin nang paulit-ulit,
nandidiri ako sa mga nanuyong laway sa aking leeg,
ang naaagnas kong sikmura, ang pagod ko nang bibig.
At lalo ang pandidiri ng aking mga anak
nang malamang ako’y puta, ginahasa,
at pinulutan lang ng iba.

Oo puta ako, sa Kastila, Kano, Hapon, at muli sa Kano,
na ang minamatamis kong kalayaan ay pambobola lang ng mga dayuhan.

Paano, mga anak kong
nakipaglaban para sa akin?
Paano silang naging kalasag sa maraming digmaan,
na humarang para hindi lang malapastangan?
Kahit sa mga anak ko lang,
kahit sila lang pakiusap.
KALAYAAN!

Pangarap ni Ija

By Doren John Bernasol (Fiction)

Nang dumating si Ija sa kanilang bahay, agad niyang ibinalita sa ina ang mataas na markang nakuha niya sa pagsusulit. “At alam mo, Nay,” dagdag ng dalagita, “ang sabi ni ma’am, dapat maging guro rin ako tulad niya kasi magaling daw ako sa klase.”

Hindi umimik si Tuya. Naalala niya na sa susunod na buwan pala ay magtatapos na ng hayskul ang kanyang bunsong anak. Ni handa para sa pagtatapos nito ay nahihirapan na sila, paano pa kaya ang paghagilap sa hiling nitong pangkolehiyo?  Lunok-laway niyang tinapat si Ija na baka hindi na kayanin pang maipagkolehiyo ito.

Hindi na humingi ng paliwanag si Ija nang marinig ang ina. Batid na rin niya ang sitwasyon nila.

“Magsaing ka na,” utos ni Tuya. “Medyo damihan mo kasi dito raw maghahapunan si Sir Pablo.”

Nabuhayan ng loob si Ija nang marinig ang pangalan ng kakilala nilang maykaya. “Nay, baka po matulungan tayo ni Sir Pablo. Baka may alam siyang scholarship para sa akin, o kahit mapapasukang trabaho na lang po. Ayaw ko pong huminto.”

Umiwas ng tingin si Tuya at hindi tumugon. Pumasok na lamang si Ija sa kuwarto at nagbihis.

Nang dumating si Lano, ang ama ni Ija, muling nagkuwento ang dalagita tungkol sa kanyang mataas na marka at sa sinabi ng guro, ngunit tulad ni Tuya, iling at malulungkot na salita lang din ang naging tugon ni Lano.

Nanlumo si Ija. Matutulad lang siya sa kanyang mga nakatatandang kapatid. Nagbukod ang mga ito nang maaga at hindi nagkaroon at nakatupad ng matatayog na pangarap.

Ilang sandali pa ay dumating na si Pablo nang nakamotor. Nagdala ang bisita ng litsong manok at pansit gisado. Parehong mainit pa. May nakasupot din siyang dalawang lapad. Malapit siya sa mag-anak na katutubo dahil matagal nang nagtratrabaho sa kanyang lupain si Lano, at si Tuya ay naging yaya ng kanyang mga anak noong iwan siya ng asawa.

Akmang sasalubungin ng malakas na ulan ang pagdating ng gabi, kaya bago pumikit ang dapithapon ay sumilong na ang lahat. Habang nag-iihaw ng tilapya ang mag-ina, nag-inuman sina Pablo at Lano. Halos tungkol kay Pablo ang naging usapan. Malaki ang negosyo nitong pautang at malawak ang lupain, kaya napag-aral nito ang tatlong anak sa lungsod, at ang mga ito ay may magagandang trabaho at maaayos na pamumuhay na ngayon doon.

Sarap na sarap si Ija sa kanilang hapunan. Minsan lang sila magkaroon ng gan’on karaming ulam. Tinanong siya ni Pablo kung ano ang napipisil niyang kurso para sa kolehiyo. “Gusto ko pong maging guro,” walang pag-aalinlangan niyang sagot.

Natahimik sina Lano at Tuya, at lihim na nagpasalamat nang hindi na sinundan pa ni Pablo ang tanong.

Bumuhos ang ulan sa kalagitnaan ng kanilang hapunan, at lalo pa itong lumakas nang matapos silang kumain. Inalok ni Lano ang amo na doon na lang magpalipas ng gabi.

“Oo nga, sir,” dugtong ni Tuya. “Tiyak madulas ang daan pauwi sa inyo mamaya. Delikado. Nakamotor pa naman kayo.”

“Saka hindi pa natin nabubuksan ang ikalawang lapad,” sabi ni Lano, sabay tawa nang bahagya.

“Ipatuloy na lang natin ang inuman,” sagot ni Pablo. “Pero uuwi ako kapag tumila ang ulan.”

Matapos ang hapunan ay inilatag sa mesa ang isa pang lapad at ang mga tirang ulam para gawing pulutan. Nagpatuloy sa pag-inom sina Pablo at Lano. Nakisali sa kanilang usapan si Tuya.

Lumalim ang gabi. Dumako roon at rito ang usapan, at patuloy pa rin ang bugso ng ulan. Naubos nila ang pangalawang lapad, at nadagdagan pa ito ng tinatagong tuba ni Tano. Nang muling mag-alok ang mag-asawa na doon na siya magpalipas ng gabi, hindi na tumanggi si Pablo.

Ginawa ni Ija ang kanyang takdang aralin at nagpaalam sa matatanda na mauunang matulog, ngunit hindi siya nakahiga agad dahil narinig niya ang kanyang pangalan. Pinag-uusapan siya ng matatanda. Nilapat niya ang tenga sa dingding na pawid at nakinig sa usapan.

Sa hapag-kainan, ipinapaliwanag ni Tuya kay Pablo ang kalagayan ni Ija. “Gusto sanang humingi ng tulong ng anak namin sa ’yo, kasi hindi na namin magawang mapag-aral siya ng kolehiyo. Baka may kakilala kang makakatulong sa kanya o kahit mapapasukang trabaho habang nag-aaral siya.”

Ilang sandaling nangalumbaba si Pablo, pagkatapos ay sinabing, “May mga kalabaw ako, at may ilang ektaryang lupaing hindi ko na naaasikaso. Sapat na sigurong dori iyon para kay Ija?”

Nagising ang inaantok na diwa ni Ija. Kahit kailan hindi sumagi sa isip niya na mamutawi ang ganung salita sa bibig ni Pablo. Kahit normal sa tribu nila na ipagkasundo ang babaeng anak sa taong may kakayahang magbigay ng dori, anuman ang edad ng lalaki, hindi niya inakalang mapapasok siya sa gan’ong sitwasyon. Buo na ang isip niya dati pa man na magtatapos siya ng pag-aaral at gagawa ng mga sariling desisyon.

Ang mag-asawang Lano at Tuya naman ay hindi na masyadong nagulat sa tinuran ni Pablo. Noon pa man ay nagpaparinig na ito hinggil sa pagnanais nitong may makakasama at mag-aalaga sa pagtanda.

“Nabanggit ko na ito sa inyo dati pa,” sabi ni Pablo. “Naidulog ko na nga ito sa datu ng inyong tribu.”

“Ngunit, sir,” sabi ni Tuya, “hindi pa ganoon ka handa ang anak ko sa hinihiling mo. Musmos pa siya para maging ina.”

“Hindi ko naman nais na magkaanak pa, o magkaanak kaagad. Paaralin ko si Ija. Tutuparin ko ang pangarap niyang maging guro.”

Sa loob ng kuwarto, narinig ni Ija ang ama. Hindi klaro sa kanya ang mga salita nito dahil mahina ang boses nito, nag-aalala ngunit hindi umaalma. Parang alam na ni Ija ang pasiya ng ama.

Hindi alam ni Ija kung ano ang gagawin. Puwede siyang lumayas, ngunit saan siya pupunta? Puwede siyang magtrabaho, ngunit ano’ng trabaho ang kaya niya, at sapat ba ang kikitain niya para mapaaral ang sarili? Puwede siyang tumanggi sa alok ni Pablo at huminto na lang sa pag-aaral, ngunit paano na ang mga pangarap niya?

Ang matatanda ay patuloy pa rin sa pagkakasundo kasabay sa paglunok ng matamis na tuba, ang mahalagang pagpapasiya. Hanggang sa unti-unti na rin silang nagligpit at wakasan ang gabi sa pamamahinga. Unti-unti na rin sa wakas napagod ang ulan. Ang marahan nitong buhos ng mga natitirang patak ay salungat sa bumabalisbis na luha ni Ija. Itinago niya ang pag-iyak sa pamamaluktot at mahigpit na yakap sa unan. Ang bigat ng sumaklob na hinagpis na iyon sa kanya ay simbigat ng katitilang ulan.

Kinaumagahan, hindi pa nakadungaw ang araw sa langit ay nagising na si Tuya. Niyugyog nito si Ija. “Anak, gising na. May mahalaga tayong lakad ngayon.”

Nagmulat ng mata si Ija.

“Bangon na,” sabi ni Tuya. “Maghanda ka ng isusuot mo.”

“Handa na dati pa ang uniporme ko, Inay.”

“Hindi. Liliban ka muna ngayong araw sa klase. May mahalaga tayong lakad nina Sir Pablo at ng itay mo.”

“Saan po?” pagmamaang-maangan ni Ija.

“Sa datu.”

Hindi umimik si Ija. Bumangon siya at tinulungan ang inang tiklupin ang banig.