Hikbi ng Batang Matadero

By Dan Joseph Zapanta Rivera
Poetry

Pagkaraan ng dulang Si Maria Isabella at ang Guryon ng mga Tala ni Eljay Casto Deldoc at ng kuwentong “The Kite of Stars” ni Dean Francis Alfar

Ilang taon na ang nakalipas ngunit naalala ko pa rin
ang mga segundong galak lamang
ang ating nararamdaman sa paglalakbay,
ang mga minutong hindi alintana ang pagod at gutom
mabuo lang natin ang minimithi mong guryon,
ang mga oras na ating winaldas
upang mapunta tayo sa tinatawag nilang wakas.

Alam mo minsan, naiisip kong
paano kaya kung hindi ako sumama sa iyo?
Siguro ngayon, malaki na ang mga anak ko.
Siguro ngayon, ipinagluluto na ako ng asawa ko.
Siguro ngayon, may taong nagmamahal sa akin nang totoo
at hinding-hindi ako iiwan magunaw man ang mundo.

“Lorenzo, Lorenzo,” ang sigaw ng puso mo,
ngunit naisip mo ba ni minsang nandito akong nagmamahal sa iyo?
Naisip mo ba ni minsang nandito ako sa tabi mo,
kasama kang binubuo ang mga pangarap mo?
Naisip mo ba ni minsang mahalin ang isang katulad ko?

Malamang hindi.
Hindi ako kasingmestiso ni Lorenzo.
Hindi ako kasingyaman ng pamilya mo.
Higit sa lahat, wala akong teleskopyong kasinlaki ng kay Lorenzo.

Ano’ng magagawa ko kung patay na patay ka
sa lalaking ni hindi man lamang alam ang pangalan mo?
Maria Isabella, mahal na mahal kita,
ngunit ano’ng magagawa ko kung mas pinili mong
maging isa sa kaniyang milyon-milyong tala
sa halip na magsilbing liwanag at buwan sa buhay kong
tanging sa iyo lamang magkagulo-gulo man?

Ngayon, ako ay tuluyan mo nang nilisan,
ipinagpalit kay Lorenzong wala nang paningin.
Ngunit wala pa ring pagbabago sa aking pagtingin
sa mukha mong tila talang nagniningning
sa puso kong wala nang ibang hinangad kundi mahalin
ng isang babaeng katulad mo, Maria Isabella.

Paalam, aking tala.
Ni hindi mo man lamang nalaman ang aking pangalan.

Advertisements

Ako Si Dan

By Dan Joseph Zapanta Rivera
Spoken Word Poetry

(Itinanghal ang akdang ito sa Hugot sa Kalye, na isinagawa sa Koronadal City noong Setyembre 2017 ng lokal na grupo ng mga manunulat at ng South Cotabato Provincial Tourism Council.)

Ako si Dan,
isang Pilipinong galing sa Mindanao,
na ayon sa iba’y magulo raw.

Ako si Dan,
isang Pilipinong naninirahan sa isang bansang malaya,
sa bansang makakarinig ka ng putok sa bawat sulok.

Ako si Dan,
naturingang isang mangmang,
walang kaalam-alam sa mundong ginagalawan.

Tama nga naman sila.
Ako lang si Dan.

Si Dan na pag narinig ang salitang Cotabato,
ang iniisip agad ay gulo—at wala nang iba kundi gulo.

Si Dan na pag nakapatay ng isang terorista,
may sandaang libong pisong naghihintay sa kanya at sa kanyang pamilya.

Si Dan na pag nakalikom ng 5,000 followers sa Facebook,
matatawag niya na ang sariling tagapagbalita ng bayan.

Si Dan na wala nang ginawa kundi magreklamo
at isisi ang lahat sa gobyerno, pati na ang kanyang kahirapan.

Si Dan na walang pakialam pag nanggahasa ang isang adik
ng isang babaeng walang kalaban-laban,
ngunit pag ang adik ay natokhang
gagawin ang lahat, makamit lang ang katarungan.

Pasensiya na, ako lang si Dan.

Mas pipiliin ko pang makinig kay Mocha Uson
kaysa mga taong sumasakit na ang puson dahil sa gutom.

Si Dan na mas pipiliin pang magprotesta
at magpabayad sa midya magkaroon lamang ng pera.

Sino nga ba ako sa mundong ito?
Ako lang si Dan.

Si Dan na mas maniniwala pa sa matamis na kasinungalingan
kaysa napakapait na katotohanan.

Si Dan na tinatawag ang sarili niyang alagad ng Diyos,
ngunit kung makapagsuway sa utos ay sobra pa sa isang busabos.

Si Dan na magaling manghusga ng tao
subalit ni minsa’y di niya magawang magpakatotoo.

Ano ba ang magagawa ko?
Ako lang si Dan.

Minsan nang naniwala sa akin si Rizal at tinawag akong pag-asa ng bayan,
ngunit heto ako ngayon nagpe-Facebook, Twitter, at Instagram,
nakadamit ng magagandang kasuotan upang tingalain ako
at inyong isipin na may pakialam ako sa ating bansa,
na may pakinabang ako sa ating lipunan.

Pagod na ako.
Pagod na ako sa lahat ng nangyayari sa ating bansa.
Pagod na akong matakot sa mga taong dapat nagpoprotekta sa atin.
Pagod na akong maniwala sa mga pangakong iniiwan ng mga politiko
lalo na pag nangangailangan sila ng aking boto.
Pagod na akong magsalita para sa mga taong di naman ako nakikita.
Pagod na pagod na ako.
Pagod na akong magpakatanga at magpakabobo.

Ako si Dan.
Alam kong pagod na rin kayo.
Kaya kung gusto ninyo ng pagbabago, umpisahan ninyo sa sarili.
‘Wag ninyong hayaang tapakan ang inyong mga karapatan.
‘Wag na ‘wag kayong manapak ng karapatan ng iyong kababayan,
dahil hindi namatay ang ating mga bayani para tayo’y magkasakitan.

Pakiusap, buksan ninyo ang inyong mga mata,
ang inyong mga tainga, at ang inyong isipan.
Magising na kayo sa katotohanan.
Pakinggan ang dapat ninyong pakinggan.
Tingnan ang dapat ninyong tingnan.
Tulungan ang dapat ninyong tulungan.

Ako si Dan,
Tayo ay mga Dan.
Tayo ay mga Pilipino.