Ni Allan Ace Dignadice
Sanaysay
“How do you see yourself ten years from now?”
Biglang gumulo ang klase. May mga bulong-bulungan at tawanan. Bigla akong kinabahan. Bumilis ang tibok ng aking puso. Napaisip. Napahinto.
Ano na nga ba ako ten years from now? Ano nga ba talaga ang gusto ko?
* * *
Hindi ko na matandaan kung ano ang pinakauna kong “gusto kong maging.” Siguro ang maging guro dahil guro si Lola Eling, si Angkol Val, at ang iba ko pang mga pinsan. Natatandaan ko ring minsan ginusto kong maging isang scientist o astronaut dala na rin siguro ng pagkahumaling ko sa mga pambatang palabas sa telebisyon. Aaminin kong naisip ko ring maging pulis o sundalo, kaso nga lang di ako pinagpala sa tangkad, kaya hindi talaga ako siguro para doon. Oo, pinangarap ko ring makapaglaro sa Wowowee o di kaya’y makapasok sa Pinoy Big Brother—maging artista at maging mayaman.
Minsan, sa exchange gifts noong ako’y nasa ikalawa o ikatlong baitang, niregaluhan ako ng aking monita ng isang pares ng boxing gloves. Nang malaman ni Papang, ginawan niya ako ng punching bag gamit ang sako na pinuno ng mga lumang damit para pag-ensayuhan. Malaki kasi ang pera kung magiging boksingero gaya ni Pacquiao. Masyado nga lang suntok sa buwan.
Pagtuntong ko ng high school, natuon sa agham at sipnayan ang mga hilig ko at ang pinapangarap kong maging balang araw. Nang minsang makasali ako sa isang advocacy campaign para sa pangagalaga ng karagatan, nahabag ako nang sobra at naisipang maging isang marine biologist. Dumagdag pa ang pagkamangha ko sa pag-aaral sa katubigan nang mabasa ko ang Twenty Thousand Leagues Under the Sea ni Jules Verne. Isang kudkuran sa aking haraya ang nobela na para bang inaakit akong halungkatin kung ano pa ang mga itinatago sa kailaliman ng karagatan. Subalit hindi ako marunong lumangoy. Sayang.
Naging career model student naman ako nang grade 10 sa hindi ko malamang dahilan. Ang masaya pa, sa araw ng career guidance, nakalimutan kong kailangan pala naming gumayak gaya ng gusto naming propesyon balang-araw. Kaya naman nang tinawag na ako upang magpakilala, suot ko’y puting T-shirt at khaki pants. Kumuha ako ng rolyo ng kartolina at hiniram ang hard hat ng isa kong kasama.
“Ako nga pala si Allan Ace Dignadice,” pakilala ko. “Gusto kong maging surveyor . . .”
Hindi ko na matandaan kung ano pa ang pinagsasabi ko nang araw na iyon. Ayaw ko na rin namang alalahanin. At isa pa, ayoko naman talagang maging isang surveyor.
Pagsapit ng grade 12, halos lahat ay sabik sa kaliwa’t kanang exams para sa mga kolehiyong nais nilang pasukan. Habang ako ay hindi pa rin alam kung ano nga ba ang tatahakin. Sinubukan kong kumuha ng University of the Philippines College Admission Test dahil libre naman at wala rin akong balak na doon mag-aral, ngunit nang lumabas ang resulta at nakapasa ako sa pinili kong kampus at kurso, magkahalong saya at ligalig ang naramdaman ko.
Kaya ko bang maging isang chemical engineer? tanong ko sa sarili. Masyadong malayo ang Maynila. Hindi ako marunong magluto, maglaba. Paano kung magkasakit ako? Hindi ko kaya. Pero sayang.
Sa mga panahong ito ako napaisip kung ano nga ba ang gusto ko maging. Hindi na puwede ang magkamali. Kinabukasan na ang nakataya.
* * *
Tumayo ako, nanginginig at natatakot. Naramdaman ko ang paglapat ng mga mata ng aking mga kaklase sa akin. Biglang tumahimik ang silid.
“I am Allan Ace Dignadice, and I see myself ten years from now . . . here.” Naramdaman ko ang panunuyo ng aking lalamunan. Nilunok ko ang aking laway. “I’ll be teaching here as a professor at Mindanao State University.”
Noong panahong iyon, hindi ko masukat ang kaba at pananabik kong makita ang hinaharap at magkatotoo ang mga salitang binitiwan ko. Hindi na ako bata upang mangarap ng suntok sa buwan, ngunit hindi ako bata upang hindi manindigan.
Nasa dugo ko na siguro talaga ang maging guro, hindi dahil angkan kami ng mga guro kundi dahil nakita ko ang pangangailangan ng komunidad. Masyado nang marami ang gustong umalis upang maghanap ng karangyaan sa ibang lugar. Masyado nang marami ang nagbabalak na iwan ang lugar na kanilang kinalakihan. Ayaw ko nang dumagdag.
Alam kong masyadong idealistic, masyadong madrama, ’yong tipong papunta na sa ulirang mamamayan. Ngunit sa lahat ng ginusto kong maging, ngayon ako mas sigurado. At ang bawat paliko-liko at mga lubak-lubak na dinaanan ko bago ako pumirmi sa desisyon kong ito ang patunay na anuman ang mangyari, makakarating ako sa kung saan ako dapat sa mundong ito. Alam ko na ang gusto ko—gusto kong makatulong sa aking pamayanan.