Ni Roland Dalisay Maran
(Ang sanaysay na ito ay semifinalist sa 3rd Lagulad Prize.)
Gaano ba katimbang ang nakikita ng mata upang maipaliwanag na totoong may misteryo o hiwaga?
Dalawampu’t anim na taong gulang na ako ngayon, nakatira sa malayong sitio ng Takilay sa Barangay Saravia, Koronadal City, South Cotabato. Kahit isang dekada na ang nakalilipas, sariwa pa rin sa aking alaala ang isang pangyayari sa aming tribu na nagdulot ng matinding pagkabahala at takot.
Isang umaga, bumungad sa amin ang pinsan kong babae na naghahanap ng kaniyang anak. Pinuntahan na raw niya ang mga kabahayan sa aming sitio, ngunit hindi niya makita ang magdadalawang taong gulang pa lang na batang lalaki. Hindi raw niya nabantayan ang bata dahil nagtatalo sila ng kaniyang asawa.
Lumipas ang mga oras. Hindi pa rin natatagpuan ang bata. Lumikha ng ingay at pagtatanong ang pangyayari. Nagambala ang katahimikan ng aming sitio ng mga sigaw, tinatawag ang pangalan ng bata. Humahagulgol na ang pinsan ko habang sambit ang pangalan ng anak. “Bryan, anak ko! Nasaan ka na?” Ngunit walang Bryan ang lumitaw.
Sumama ako sa aking mga kamag-anak sa paghahanap, na umabot ng ilang kilometro. Sa di kalayuan sa kinatatayuan namin, nakarinig kami ng isang pagtawag mula sa isa naming kasama. “Hali kayo! May yapak dito ng bata!” Dali-dali naming tiningnan ang sinasabing mga bakas ng paa. Maliliit ang mga ito at nakaukit sa maputik na lupa. Nagtaka kami. Kung yapak ito ni Bryan, paano nakarating doon ang bata? Hindi mararating ng isang magdadalawang taong gulang pa lang ang bahaging iyon ng daan kung wala itong kasama. Maputik at matarik ang daan dahil patungo iyon sa paanan ng bundok.
Parang pinaglalaruan kami ng mga yapak. Hindi tuloy-tuloy ang mga ito at papunta sa iba’t ibang direksiyon. Sabi ng iba, nagpapahiwatig ang mga ito na may kumandong sa bata at mayamaya’y ibinababa ito. Ngunit sino ang taong ito? Bakit walang bakas na maaari nitong mapagkikilanlan?
Walang tiyak na patutunguhan at kahihinatnan ang paghahanap, at hindi maikakaila na nakadadama ng pagod ang lahat, ngunit wala ni isa ang gustong sumuko. Kailangan naming matagpuan ang bata bago sumapit ang gabi.
Sabi ng iba, baka hindi tao ang kumuha sa bata. Malakas ang paniniwala naming mga Blaan sa mga to la ta en, o mga nilalang na hindi nakikita ng ordinaryong mata ng tao. Nakikita lamang sila kung ibig nila. Kabilang sa kanila si Smaleng, na nandudukot ng mga bata. Kaya umanong gayahin ni Smaleng ang anyo ninuman, ngunit nanlilisik ang mga mata nito, buhaghag ang buhok, at madungis ang katawan.
Upang mabigyang linaw ang pangyayari, napagpasyahan naming humingi ng tulong sa isang kilalang manggagamot sa kabilang bayan ng Tupi. Isang Blaan din ang manggagamot. Pinuntahan ito ng isa sa aking mga pinsan.
Nagpatuloy sa paghahanap ang mga naiwan, subalit hindi na ako kasama ng mga ito dahil hindi ako pinayagan ng aking mga magulang. Mula sa tuktok ng bundok na aming tinitirhan, naglakad sila pababa sa paanan ng bundok upang makipag-ugnayan sa El Gawel, ang karatig na sitio. Mula sa amin, kailangang maglakad ng mga isang oras para marating ang El Gawel, at mula naman sa El Gawel, kailangang maglakad ng mga tatlong oras para marating ang aming sitio.
Magdadapithapon na nang marating ng aking pinsan ang bahay ng manggagamot sa Tupi. Ikinuwento niya sa manggamot ang nangyari at ipinakita rito ang damit ng bata na kaniyang dinala. Tugon ng manggagamot, si Smaleng nga ang kumuha sa bata, ngunit ligtas naman daw ito at maaari naming mabawi. Iniwan umano ito ni Smaleng sa gilid ng isang sapa sa paanan ng bundok. Bagaman makapangyarihan, may isang kahinaan si Smaleng—takot ito sa tubig. Hindi ito makatawid sa sapa.
Dali-daling bumiyahe pauwi ang aking pinsan. Hindi pa uso ang cellphone sa aming tribu ng mga panahong iyon, kaya kailangang siya mismo ang maghatid ng balita. Takipsilim na nang makaabot siya ng El Gawel, at natuklasan niya roon na nakita na ang bata at dinala na ito pauwi sa amin sa Takilay. Bagaman hindi na nagamit ang impormasyon mula sa manggagamot, tumpak naman ito. Natagpuan ang bata sa tabi ng isang sapa sa paanan ng bundok. Pauwi na raw sa El Gawel ang isang magsasaka nang makarinig ito ng iyak ng bata. Dinala ng magsasaka ang bata sa kaniyang bahay, at doon niya nalaman na may nawawalang bata sa Takilay.
Gabi na nang makauwi sa amin ang aking pinsan. Tumuloy siya sa bahay ng bata. Dumagsa rin doon ang mga tao, gustong malaman kung ano pa ang mga sinabi ng manggagamot. Ayon umano sa manggagamot, nakatatakot ang wangis ni Smaleng ngunit may kakayahan itong magbalatkayo. Malamang daw ay ginaya nito ang anyo ng isa sa mga miyembro ng pamilya kaya walang takot na sumama rito ang bata.
Maraming kuwento at pangyayari sa aming tribu na nagpapatunay na totoo si Smaleng. Sabi ng isa kong tiyahin, naging biktima rin daw siya ni Smaleng noong bata pa siya. Hindi siya tuluyang natangay dahil agad siyang nakita ng kaniyang ina. Walang nakaaalam kung ano ang dahilan ng naturang maligno at kung ano ang ginagawa niya sa mga batang nakukuha niya. Masuwerte ang ilang nakakabalik pa.
Hindi ko mapigilan na hindi matakot habang nakikinig sa mga salaysay tungkol kay Smaleng. Hindi lang pala tao ang nangunguha ng bata katulad ng mga napapanood ko sa telebisyon at naririnig sa radyo. May malignong kidnapper pala.
Naging aral sa tribu ang nangyari. Nasukat nito ang pagkakaisa ng lahat at pagbibigay halaga at pagmamahal sa pamilya.
Namamangha ako na sa pamamagitan lang ng pagtingin sa damit, nalaman ng manggagamot kung saan matatagpuan ang nawawalang bata. Nagtataka rin ako bakit takot sa tubig si Smaleng. Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa akin ang nangyari.