Sa Ikalawang Yugto ng Yanggaw

Ni Lino Gayanilo Jr.

(Ang sanaysay na ito ay runner-up sa 3rd Lagulad Prize.)

Isang gabi noong Pebrero 2018, habang nagpipinta ako ng tanawin sa loob ng aking apartment, umupo sa sahig ang kaibigan kong si Tata at nagkuwento tungkol kay Tonyo, ang kaniyang nakatatandang kapatid. (Iniba ko ang pangalan ng mga taong nabanggit sa kuwentong ito.) Sa mga oras na iyon, gusto kong magpinta ng maaliwalas na larawan na maipapalamuti sa loob ng aking kuwarto. Sa unang limang minuto ng paglalahad ni Tata, marahan pa ang pagkakahagod ko ng brotsang ibinabad sa puting pintura para takpan ang magaspang na bahagi ng kanbas na gawa sa lumang katsa. Nawala ang aking pokus nang sabihin ni Tata na biktima ang kaniyang nakatatandang kapatid ng tinatawag na yanggaw.

Ayon sa paniniwala ng maraming Ilonggo, ang yanggaw ay paghahawa o paglilipat sa ibang tao ng itim na kapangyarihan ng isang aswang. Para maisagawa ito, nilalawayan umano ng aswang ang inumin o pagkain ng taong gusto nitong biktimahin. Sa unang yugto ng yanggaw, mararanasan ng biktima ang halusinasyon—tulad ng naranasan ni Tonyo.

Noong Nobyembre 2015 umano nagsimulang magkaroon ng pagbabago sa mga kilos ni Tonyo. Sa kanilang bahay sa Barangay Bai Saripinang sa Bagumbayan, Sultan Kudarat, napansin ni Tata ang pagiging balisa ng kapatid tuwing gabi. Minsan, bandang ala-una ng madaling araw, ginising siya ni Tonyo at sinabihang may babaeng pabalik-balik sa kanilang bakuran. Kutob ni Tata, guniguni lamang ito ng kapatid, ngunit depensa ni Tonyo, totoo at buhay na buhay ang babae sa labas. Bumangon naman si Tata kahit naririnig niya ang mahinang huni ng tiktik, tawag ng mga Ilonggo sa aswang kapag nag-aanyo umano itong parang ibon. Hanggang ngayon, palaisipan pa sa akin ang totoong mukha, hugis, at sukat ng tiktik. Halos karaniwan ang mga tiktik sa probinsiya, kaya marahil, tulad ko, sanay na si Tata sa misteryosong tunog nito. Lumabas siya. Nagtataka ako saan siya humugot ng tapang para lumabas ng bahay nang ganoong oras gayong matatakutin ang tingin ko sa kaniya. Ngunit wala rin naman daw siyang nakita sa kanilang bakuran.

Nang muling pumasok si Tata sa loob, napansin niyang tulala ang kapatid habang nakaupo sa isang sulok. Simula noon, nag-alala siya sa kalagayan nito lalo pa’t may pinsan silang isinailalim sa gamutan dahil sa sakit sa utak.

Hindi lamang si Tata ang nakapansin sa kakaibang ikinikilos ng kapatid dahil nagtataka rin ang kanilang ina, si Aling Minda. Noong dapithapon ng Nobyembre 6, 2015, tumakbo si Tonyo mula sa kanilang bahay at hindi bumalik buong magdamag. Nabahala sina Tata at Aling Minda sa pagkawala ni Tonyo. Unang beses itong nangyari.

Kinaumagahan, humingi ng tulong si Tata sa paghahanap sa kapatid. Sinamahan siya ng dalawang tanod. Sakay sila ng traysikel. Nagtanong-tanong sila sa mga taong nakasalubong sa daan, nagbabaka-sakaling may nakakita kay Tonyo.

Nang matagpuan si Tonyo sa isang manggahan sa Barangay Kinayao, mga walong kilometro ang layo mula sa kanilang bahay, wala itong malay at puno ng putik ang tagiliran, at nang manumbalik ang malay nito, ikinuwento nito sa kapatid ang nangyari. Katwiran ni Tonyo kay Tata, hinabol siya ng aswang mula sa harap ng kanilang bahay hanggang doon sa manggahan. Nang maabutan at mahawakan umano siya ng aswang, sinaksak nito ang kaniyang tiyan sa bandang kanan. Tatlong bituin mula sa itaas ang nakita ni Tonyo bago nandilim ang kaniyang paningin. Wala na rin umano siyang alam sa mga sumunod na nangyari.

Mabalahibo ang mukha, mahaba at buhaghag ang buhok, purong itim ang damit, magaspang at mahaba ang itim na pakpak, pulang-pula ang alikmata—ganito isinalarawan ni Tata ang anyo ng aswang ayon sa nakita ng kapatid.

Isang linggo matapos ang insidente, naging madalas ang pagsusuka ni Tonyo ng itim na likido at pagbabawas ng itim na dumi. Napansin din ni Tata na naging mas madalas din ang paghuni ng tiktik tuwing gabi. Sinasabayan pa ito ng alulong ng mga aso. May mga hatinggabing nakatayo lamang si Tonyo sa labas ng bahay, tulala at hindi makausap. 

Gusto ko sanang itanong kay Tata kung bakit hindi sila kumonsulta sa doktor, pero naisip ko na baka walang wala sila nang mga panahong iyon. Isa pa, kung sakaling nayanggaw nga si Tonyo, maaaring makasasama sa kaniya ang pagpapagamot sa ospital. Ito ang paniniwala ng ilang Ilonggo, kasama na ang aking lolo. Nagkaroon umano si Lolo ng isang kakilala na inoperahan sa bituka at namatay, at napagtanto ng pamilya na nayanggaw pala ang pasyente at dapat sana ay ipinatingin muna ito sa albularyo bago inilapit sa propesyunal na manggagamot. Simula noon, kapag may nagkakasakit sa pamilya ni Lolo, sa albularyo ito unang dinadala. Hindi ko alam kung dapat ba itong sundin. May ilan kasing albularyong huwad—minsan mas mahal pang maningil kaysa sa totoong doktor.

Sa pagpapatuloy ni Tata ng kaniyang kuwento, napansin kong naging matapang ang kulay ng pinturang inilapat ko sa katsa, kaya kumuha ako ng katamtamang dami ng puting acrylic para ihalo nang paunti-unti sa aking paleta.

Noong Disyembre 2015, naging saksi naman si Tata sa kakaibang pagbabago sa anyo ng kapatid. Hindi niya maipaliwanag ang kaniyang nakita. Noong una, nakaupo lang daw si Tonyo habang tulala sa kanilang sala. Mayamaya, napansin niya na humaba ang mga daliri at kuko nito. Nanlisik at naging pula rin ang mga mata ni Tonyo. Nang mapatingin si Tata sa sahig, laking gulat niya nang makita ang malaking anino ng kapatid—parang anino ng babaeng may mahabang buhok.

Tinanong ko si Tata kung gaano kalayo ang ilaw mula sa kinauupuan ni Tonyo. Maaari kasing mas malaki ang mabuong anino kaysa sa mismong sukat ng tao depende sa kaniyang layo sa pinagmumulan ng liwanag. Mariing tugon ni Tata, nasa bandang harap ni Tonyo ang nag-iisang nakasabit na bombilya. “Bakit nasa harap din ang anino?” tanong niya. Tinanong niya rin ako kung paano ko raw maipapaliwanag ang biglaang paghaba ng mga kuko ni Tonyo. Tulad niya, hindi ko rin alam ang kasagutan.

Hindi mapakali sina Tata at Aling Minda sa nangyayari kay Tonyo. Minabuti nilang dalhin ito kay Mang Tiyong, isang albularyo na naninirahan sa paanan ng bundok sa Barangay Tuka.

Maliit lamang ang bahay ni Mang Tiyong, ayon kay Tata. Sa loob nito, naaamoy niya ang halimuyak ng pinaghalong sampaguita at olive oil. Mapapansin din sa loob ang matingkad na muwebles at ang magarang altar sa bandang dulo. Tinanong ko si Tata kung anong klaseng altar meron si Mang Tiyong. Sa pagkakaalam ko, maaaring malaman kung anong klaseng kapangyarihan meron ang isang albularyo sa pamamagitan ng kaniyang altar. May mga manggagamot kasing gumagamit ng itim na kapangyarihan at may nakalagay sa kanilang altar na mga simbolo ng diyablo, tulad ng ulo ng mga hayop na may mahahabang sungay, at may iba ring nagmumula ang kapangyarihan sa mapaghimalang Birheng Maria o sa mga sagradong santo. “May nakalagay na imahen ng Holy Family sa altar,” tugon ni Tata.  

Nagsagawa ng orasyon si Mang Tiyong habang hinahawakan ang noo ni Tonyo, malapit sa altar na may nakasinding kandila. Pagkatapos, naglabas ang albularyo ng palangganang may katamtamang lalim, at inilatag niya sa loob ang isang itim na tela bago binuhusan ng tubig. Naghulog siya ng itlog ng manok sa tubig. Lumubog, pumahiga, at pumailalim ito. Makalipas ang mga tatlumpung segundo, nagulat si Tata nang makita ang itlog na muling tumayo at lumutang mula sa pagkakahiga.

 “Baka baog lang ang itlog?” pabirong tanong ko kay Tata.

Nadismaya siya sa aking tanong at biglang huminto sa pagkukuwento. Tumahimik saglit sa loob ng aking apartment. Biglang natumba ang aking kabalyete, marahil sa lakas ng hangin mula sa bentilador o baka natapik ko itong nang hindi ko namamalayan. Natapunan ng itim na pintura ang kalahating bahagi ng katsang pinipintahan ko. Lalo akong nawala sa pokus. Sa halip na magpinta ng tanawin, nagdesisyon na lamang akong gumuhit ng larawang abstrak.

“Ano ang sinabi ni Mang Tiyong, Ta?” naiilang na tanong ko sa kaibigan. Muli niya ring ipinagpatuloy ang pagsasalaysay.

Nayanggaw umano si Tonyo ayon sa albularyo, at iminungkahi nito na magsagawa ng isang ritwal si Tata para sa kapatid. Ginawa ito ni Tata isang Biyernes ng gabi noong Disyembre 2015. Habang nasa loob lang ng bahay si Tonyo, kinailangang ikutin ni Tata ang labas ng kanilang bahay nang pitong beses. Bitbit ni Tata ang itim na manok na may malaking hiwa sa leeg. Sa una hanggang ikalimang beses na pag-ikot ni Tata, maayos pa ang kaniyang pakiramdam. Siniguro niyang pumapatak sa lupa ang dugo ng manok kasabay ng kaniyang pag-ikot. Nang aktong ihakbang niya ang paa para sa ikaanim na pag-ikot, nandilim ang kaniyang paningin, at nakita niya ang anyo ng itim na nilalang sa di kalayuan. Mariing itinugon ng albularyo na dapat tuloy-tuloy ang ritwal, kaya muli niyang nilakasan ang loob hanggang sa matapos niya ang ikapitong pag-ikot bago nawalan ng malay.

Natulala lamang ako sa mukha ng aking kaibigan. Hindi ko lubos maisip na may nakatagong kakaibang tapang sa likod ng kaniyang payat na pangangatawan.

Tinanong ko si Tata kung paano nayanggaw si Tonyo, at sinabi niya sa akin na nakikain umano ito sa isang bahay na pagmamay-ari ng isang taong hindi nito lubusang kilala. Nagtatrabaho noon si Tonyo sa ibang bayan, at niyaya lang siya ng mga katrabaho na makikain sa bahay na ’yon. Bihon na may halong tinapa ang inihain sa kanila, at masangsang ang amoy nito. Dalawang kutsara pa lamang ang nakakain ni Tonyo, pakiramdam niya ay nakakain siya ng isang platong bulok na lamanloob ng isda. Ngunit dahil sa pagod at gutom, ipinagpatuloy niya ang pagkain. Huli na nang may makapagsabi sa kaniya na pinaghihinalaang aswang ang may-ari ng bahay.

Naalala ko ang isang pangyayari noong labinwalong taong gulang pa lang ako, nang pumunta kami ng aking pinsan sa bahay ng bago niyang kakilala. Halos masuka ako noon dahil sa nakaing ulam. May matapang na lasa ang karneng isda, at may malansang amoy naman ang karneng baboy. Hindi naman ako nayanggaw noon dahil wala naman akong kakaibang naramdaman nang makauwi ng bahay. Isa pa, baka may matapang na sangkap lamang na inihalo sa ulam. Gayunpaman, naging mas maingat na ako dahil sa kuwento ni Tata. Hindi na ako basta-basta kumakain sa ibang bahay lalo na sa hindi ko kakilala.

Wala pa ring magandang pagbabago sa kondisyon ni Tonyo, kaya humanap sila ng bagong albularyo. Napag-alaman nila na may isang albularyo sa General Santos City na bihasa umano sa panggagamot sa mga taong nayanggaw, kaya binayaran nila ito upang pumunta sa kanilang bahay sa Bagumbayan. Gumawa ng ritwal ang albularyo gamit ang itim na kandila at insenso habang may inuusal na orasyon. Ngunit sa kabila ng isinasagawang ritwal, tila mas malakas ang kapangyarihang nagpapahirap kay Tonyo, dahilan para umabot siya sa ikalawang yugto ng yanggaw—ang pagiging marahas.

Madalas umanong sinusumpong si Tonyo tuwing Biyernes. Ang hula ko, sa ganoong araw malakas ang kapangyarihan ng aswang dahil sa parehong araw naganap ang kamatayan ng Panginoong Hesukristo. Ikatlong linggo naman noong Enero 2016 nang mapansin ni Tata ang pangingitim ni Tonyo. Pagpatak ng alas-diyes ng gabi, nagsimulang magwala ang kapatid. “Aswang ka! Aswang ka!” sigaw ni Tonyo habang may itinuturo sa tabi nina Tata at Aling Minda. Walang ibang tao sa loob maliban sa kanilang tatlo. Naglalaway rin si Tonyo. Habang ikinikuwento ito ni Tata sa akin, ramdam ko ang panginginig niya. Hindi ko namalayang nabali ko ang isang pinsel na hawak-hawak ng aking kaliwang kamay.

Dali-daling isinara ni Tata ang pinto sa takot na baka muling tumakbo palabas at mawala ang kapatid. Nanginginig umano ang mga kamay ni Tonyo. Walang tigil sa pag-ikot ang balikat at ulo nito, at habang nanlilisik ang mga mata, hinagis nito ang isang upuan kay Aling Minda. Tinamaan ang kanang balikat ng ina. Dahil doon, lumabas si Tata para humingi ng tulong sa kanilang kapitbahay, mga dalawandaang metro pa ang layo mula sa kanilang bahay. Lumabas din si Aling Minda sa takot na baka saktan siya ulit ng anak. Naririnig ni Aling Minda ang mga hiyaw ng anak mula sa loob. Nang dumating si Tata kasama ang limang kalalakihan, pumasok sila sa loob para kontrolin si Tonyo.

Walang magawa si Tata sa pagiging marahas ni Tonyo. Naiyak na lamang siya nang makitang kumuha ng lubid ang isang kapitbahay para gapusin ang nagwawalang kapatid. Nakahiga umano si Tonyo habang mahigpit na hinahawakan ng apat na kalalakihan. Dahil sa higpit ng pagkakagapos, namumula ang mga kamay at paa ni Tonyo, at naninilaw naman ang dulo ng mga daliri nito. Punit na rin ang pang-itaas na damit ni Tonyo. Habang nagsasalaysay si Tata, napapansin kong naluluha rin ang kaniyang mga mata. Tahimik lang ako. Hindi ko alam ang gagawin para maibsan ang sakit ng kaniyang kalooban.

Napagdesisyunan naman ni Aling Minda na tawagin ang kaabag, taong sumailalim sa pagsasanay para magsagawa ng Bible services sa kapilya sa mga panahong wala ang nakatalagang pari. Naisip ni Aling Minda na baka sinasapian ng masamang espiritu ang kawawang anak. Habang hawak ang Bibliya at Rosaryo, pasigaw na nagdasal ang kaabag sa harap ng nagwawalang si Tonyo. Binasbasan din nito si Tonyo ng dala nitong holy water, ngunit parang wala itong epekto. Mukha pa ngang naging mas malakas si Tonyo. Hindi sapat ang kapal ng lubid para pigilan ito, kaya humanap si Tata ng kadena para mapalitan ang lubid. Humahagulhol siya habang inaabot sa isang lalaki ang kadena, na higit tatlong metro ang haba at may dalawang kandadong nakakabit sa dulo. Ikinadena ng kalalakihan si Tonyo, hindi lang sa kamay kundi maging sa paa, at itinali nila sa haligi ang dulo ng kadena.

Ramdam ko ang sakit at lungkot sa pagsasalaysay ni Tata. Tuluyan na akong nawalan ng pokus sa pagpipinta. Masisikmura ko rin kayang ikadena ang sariling kapatid? Kung sakaling ako ang nasa kalagayan ni Tata, marahil nanaisin ko na lamang na maging bulag at bingi.

Naging mas malupit si Tonyo nang ikadena ito. Isang linggo makalipas itong gawin, bandang alas onse ng gabi, nakita ni Tata na nanlilisik ang mga mata ng kapatid. Umiyak siya sa takot. Naglalaway rin kasi si Tonyo, parang nauuhaw sa laman ng tao, at walang humpay sa paggalaw ang balikat nito na tila gusto nitong lumipad mula sa pagkakagapos. “Diyos ko, Diyos ko,” usal ni Aling Minda.

Nanlamig si Tata nang muling makita ang malaki at hugis babaeng anino ng naglalaway na kapatid. Hindi gumagalaw ang anino—taliwas sa hugis ng katawan ni Tonyo na walang tigil sa pagwawala kahit nakagapos.

“Imposible ngang anino ’yon ni Tonyo,” sabi ko. Habang humahaba ang kuwento ni Tata, naging mas bukas ako sa posibilidad na biktima ng yanggaw, hindi ng sapi, si Tonyo. Kung sakali mang tama ang suspetsa ni Aling Minda noon na sinasapian ng masamang espiritu ang anak, di ba dapat takot ito sa bawat patak ng sagradong tubig? Wala naman kasing naging epekto ang pagbasbas ng kaabag kay Tonyo. Inaamin ko na marami sa ikinuwento ni Tata ang hindi ko kayang ipaliwanag—maging siguro ng siyensiya.

Marami ang nakasaksi sa mga ikinilos ni Tonyo nang mga sumunod na gabi. Mistulang may piyesta lamang sa labas ng bahay nina Tata at Aling Minda dahil marami sa kanilang mga kapitbahay, maging ang ilang opisyal ng kanilang purok, ang pumunta para tumulong sa pamilya. Kasama nina Tata at Aling Minda ang tatlong kamag-anak sa loob habang nagbabantay kay Tonyo. Naisipan ulit ni Aling Minda na tawagin ang kaabag para humingi ng tulong ispiritwal. Kasama ng kaabag ang mga katekista. Tumawag din ng tanod si Tata. Kasama ng dalawang tanod si Goyo, isang pulis sa kanilang barangay na gusto ring tumulong.

Nagtulong-tulong ang kalalakihan para ilabas si Tonyo dahil nasira na niya ang isang haligi sa kanilang sala. Nang matagumpay na nailabas si Tonyo, ikinadena siya sa puno ng sarisa. Mahigpit pa rin ang pagkakagapos sa kaniya, kaya namamaga umano ang kaniyang nakakadenang paa. Nagsimulang magdasal ang kaabag at mga katekista sa harap ni Tonyo. Nakapikit ang kanilang mga mata, walang tigil sa pagsambit ng dalangin at awa mula sa Diyos at sa Birheng Maria. Lalong tumindi ang pagsisigaw at pagwawala ni Tonyo sa bawat salitang binabanggit ng mga katekista. Naglalaway siya. Nagtitigasan ang kaniyang mga daliri. Makikita sa kaniyang naglalakihang ugat sa mga kamay at paa ang intensiyong manakit sa sinumang lalapit sa kaniya. Walang tigil sa paggalaw at pag-ikot ang kaniyang balikat. Nagpapahiwatig ng pagtubo ng bagong pakpak ang kaniyang dalawang buto sa likuran. Tila gusto niyang lumipad.

“Sir Goyo, barilin mo na lang ang anak ko kung maging aswang siya,” sabi ni Aling Minda habang nanginginig sa takot at awa.

Nagulat si Tata sa sinabi ng kaniyang ina. Hindi siya sang-ayon na barilin ang kapatid. Umalis siyang umiiyak at ipinasa-Diyos na lamang ang kalagayan ni Tonyo.

Ganoon ang naging desisyon ni Aling Minda dahil marahil hindi niya kakayaning maging bagong yanggaw ang sariling anak. Sa palagay ko, mas matimbang sa kaniya ang kapakanan ni Tata at ng ibang tao sa paligid sakaling maging aswang si Tonyo. Masakit man para kay Tata, sang-ayon ako kay Aling Minda. Mahirap mawalan ng kapatid, pero mas mahirap magkaroon ng halimaw na anak.

Naghanda ng isang baril at limang itak ang mga taong nakapaligid kay Tonyo sakaling umabot ito sa huling yugto ng yanggaw—ang pagtubo ng pakpak at tuluyang paglipad.

Nang kantahin ng mga katekista ang “Ama Namin,” unti-unting huminto ang paglalaway ni Tonyo. Tumigil naman sa pag-ikot ang kaniyang balikat at ulo. Napagod ang dating pagkalakas-lakas na mga braso at paa. Nanghihina ang kaniyang mga daliri. Naging maamo ang dating nanlilisik na mga mata. Parang wala siyang kamalay-malay sa nangyari. Alas-tres na ng umaga nang tuluyang kumalma si Tonyo.

Pumunta naman si Tata sa likurang bahagi ng kanilang bahay. Saksi noon ang mga alitaptap sa kaniyang pagluha at ang mga hamog sa kaniyang pagbuntong-hininga.

Nauutal na si Tata sa paglalahad. Hindi niya rin napigilang maluha. Sa awa, natapik ng aking maruming kamay ang kaniyang likuran. Kumbinsido na rin akong nayanggaw nga ang kaniyang kapatid.

Tatlong araw bago ang Pebrero 2016, dinala nina Aling Minda at Tata si Tonyo sa ikatlong albularyo sa kabilang bayan, sa Esperanza, umaasang may mas malakas na kapangyarihan ang manggagamot. Sakay ng nirentahang dump truck, isinama ni Tata ang walong kapitbahay para may katulong siya sakaling magwala ang kapatid sa gitna ng biyahe. Nakakadena pa rin ang magkabilang kamay ni Tonyo habang hawak-hawak siya ng tatlong kalalakihan papasok sa bahay ng albularyo.

May suot umanong itim na kuwintas ang albularyo, at amoy sa buong bahay nito ang bango ng lana, langis na gawa sa niyog at madalas ginagamit sa panggagamot. Kalmado lamang ang albularyo. Ayon pa kay Tata, takot na takot ang mukha ni Tonyo habang kaharap nito ang manggagamot. Hindi alam ni Tata kung bakit. Naisip ko na baka malakas nga ang kapangyarihan ng albularyo. Ipinasok si Tonyo sa loob ng isang kuwarto na may altar sa bandang gilid katabi ng pintuan. Puno ng nakasinding kandila sa loob. Ito ang nakikita ni Tata mula sa sala. Pinaupo ng albularyo si Tonyo sa dulo ng kaniyang kama at hinawakan ang ulo at tiyan nito. Biglang naglaway si Tonyo habang nanginginig. Naging mas malakas ang pagkakahawak ng albularyo sa namumutlang si Tonyo. Sa huling pagbanggit niya ng orasyon, isinuka ni Tonyo ang napakalapot at napakaitim na likido. Iyon marahil ang laway ng aswang. Tumagal ng mga isang minuto ang pagsusuka ni Tonyo hanggang sa lubusan itong nanghina at humiga na lamang sa kama ng albularyo.

Bagama’t naging matagumpay ang kanilang pakikipaglaban sa itim na kapangyarihan ng aswang, isinangguni pa rin ni Tata ang kapatid sa isang psychiatrist pagkalipas ng isang buwan dahil sa pagpupumilit ng ilang kamag-anak. Naniniwala ako sa kapangyarihan ng albularyong gumamot kay Tonyo, ngunit hindi rin masama na humingi ng opinyon sa isang lisensiyadong manggagamot. Batid kong nababahala si Tata sa kapatid nang sinabi niya sa aking schizophrenic ito ayon sa pagsusuri ng doktor. Dagdag pa ni Tata, kailangang bigyan ng tranquilizer ang kapatid. Itinuturok ito sa braso nito isang beses kada tatlong buwan para maiwasan ang pagkabalisa. Sa tingin ko, schizophrenia ang dahilan kung bakit naging marahas noon si Tonyo, pero hindi ko rin maikakailang nayanggaw ang binata. Mahirap timbangin.

Lumipas ang isang taon. Nabahala si Tata nang magsimulang magsaliksik ang kapatid tungkol sa mga albularyo at aswang. Naabutan umano niyang nagbabasa si Tonyo ng orasyong tila nakasulat sa Latin at nagda-download ng mga larawang may kinalaman sa yanggaw. Pangarap daw ni Tonyo na maging albularyo balang araw. Ngunit hindi bukas si Tata sa posibilidad na makikipaglaban ang kapatid sa itim na kapangyarihan ng mga aswang. Sang-ayon ako kay Tata. Mahirap maging albularyo. Walang yumayaman sa pag-oorasyon at pagriritwal. Ngunit hindi ko masisisi si Tonyo. Mahirap ang kaniyang mga danas. Marahil buong buhay nitong maaalala ang dagok na inilibing ng aswang sa pagkatao nito.

Tumagal nang halos isang oras ang pagkukuwento ni Tata. Bumalik siya sa kaniyang sariling apartment habang iniligpit ko naman ang pinturang natapon. Kinabahan ako sa nakita. Marahil guniguni ko lang iyon, ngunit may hugis na mukha ng bababe na nabuo sa sahig.

Advertisement