Ni John Dave B. Pacheco
(Ang sanaysay na ito ay semifinalist sa 3rd Lagulad Prize.)
Maliit pa lamang ako ay hinahangaan ko na si Mama, hindi lang sa kung paano niya kami alagaan kundi sa husay din niyang magsalaysay ng mga kuwentong pambata at kaganapan sa kaniyang buhay noong maliit pa siya. Madalas mag-brown out dati sa lugar namin sa General Santos City. Pinapaupo ni Mama kaming magkakapatid sa isang gilid ng aming kuwarto, at magkukuwento siya ng katatakutan habang pinapagitnaan namin ang kandila.
Isa sa mga kuwento ni Mama na tumatak sa aking isipan ay ang tungkol sa dalawang batang kapitbahay nila sa Malungon, Sarangani Province. Nakita umano ni Mama na tumatawa nang malakas ang mga ito habang sakay ng kalabaw. Sa isang kisapmata, tinamaan ang mga ito ng kulay puting dagitab. Yumanig ang lupa at kumulog nang pagkalakas-lakas. Para umanong may naghulog ng bomba galing sa itaas. Agad nawalan ng buhay ang mga bata. Sunog ang katawan ng mga ito. Hindi nasunog ang katawan ng kalabaw, ngunit namatay rin ito.
Sabi ni Mama, naniniwala ang mga katribu naming Tagakaolo na isang gaba ang nangyari. Kapag pinaglaruan o tinawanan mo raw ang isang hayop, tatamaan ka ng lipak (kilat sa Cebuano at kidlat sa Tagalog) bilang parusa. Malamang daw na pinagtatawanan ng dalawang bata ang sinasakyan nilang kalabaw. Sasabihin marahil ng ibang tao na nagkataon lang ang pagtawa ng mga bata at ang pagtama ng kidlat dahil tumatama naman talaga ang kidlat sa matataas na bahagi ng lupa, pero para sa mga Tagakaolo, direktang magkaugnay ang dalawang bagay.
Sa murang isipan, napakaraming tanong ang bumagabag sa akin noong mga oras na iyon. Sa mga napapanood kong mga pelikula, kapag nakukuryente o tinatamaan ng kidlat ang bida, nagkakaroon pa ito ng hindi pangkaraniwang kakayahan imbes na mamatay. Hindi ko maintindihan bakit may ganoong paniniwala ang mga katribu naming Tagakaolo. Hindi naman talaga dapat pinagtatawanan ang mga hayop, pero totoo kaya ang gaba, o tinatakot lang kami ni Mama para hindi namin pagtawanan ang mga hayop? May mga bagay talaga sa mundo na hindi mo mapaniniwalaan kung hindi mo ito makita—o maranasan.
Nang magbakasyon kami sa Malungon noong 2012, noong siyam na taong gulang ako, sumasama-sama ako sa mga pinsan kong hindi malayo ang edad sa akin. Isang umaga, bumaba kami sa isang bangin para maligo sa balon at mag-igib ng tubig. Maraming ikinuwento ang mga pinsan ko tungkol sa mga kababalaghan sa aming sitio, pero binalewala ko ang kanilang mga sinabi. Nasanay kasi ako sa Gen San na halos wala nang naniniwala sa mga naturang bagay.
Sa kasagsagan ng kuwentuhan, napansin ko si Makmak na isinusuksok ang kamay sa maputik na gilid ng sapa. “Ano’ng ginagawa mo?” tanong ko sa kaniya. Sinagot niya ako sa magkahalong wika, “Gapanguha ako ng native na crabs.” Nakahuli siya ng dalawang maliit na alimango, at ibinigay niya ang mga ito sa akin. Masaya ako dahil iyon ang unang beses na makakakain ako ng ganoong pagkain. Mga alimango nga raw ang isa sa mga pantawid-gutom ng mga kamag-anak ko tuwing walang ani. Nakita ko kung gaano sila katibay para makaraos sa araw-araw, para sumalungat sa ragasang kagutuman ng tadhana.
Pagkatapos ng masayang pagtampisaw at kuwentuhan, umakyat na kami pabalik sa kabahayan. Dala-dala ang isang lumang galon na may lamang tubig at isang puting plastik na may lamang alimango, halos gumapang ako sa pagod. Matarik ang bangin. Sanay sa pag-akyat doon ang aking mga pinsan, hindi tulad ko na hinahawakan pa sila para makaungos.
Nang makarating na kami sa taas, nagpahinga kami saglit. Habang naaaliw ako sa makapigil-hiningang tanawin, napansin ko na umaakyat sa sisidlan ang isa sa mga alimango. Kinuha ko ito at tiningnan. Gumagalaw-galaw pa rin ang mga paa nito. Naisipan kong kumanta ng budots, at natawa ako dahil parang sumasayaw ang alimango. Sumasabay ang galaw ng mga paa nito sa ritmo ng kanta. “Bay, tan-awa ra gud ning crab,” sabi ko kay Makmak.
“Huwag mo ’yan paglaruan!” agad na sabi ni Makmak. “Makilatan ka!” Inagaw niya ang alimango.
“Makilatan?” tanong ko.
Tumango siya.
“Atik uy,” sagot ko. “Lufot man kaayo ka.”
“Hoy, John,” sabi ng iba kong pinsan. “Totoo bitaw ’yan.”
Natakot ako. Hindi ko naman sinadya na paglaruan ang alimango. Nadala lang ako sa kuryosidad. Ngunit nagdadalawang-isip din ako kung maniniwala ba ako sa mga pinsan ko. Baka tinatakot lang nila ako dahil gusto nilang makaganti; ipinagyayabang ko kasi sa kanila ang mga karanasan ko sa Gen San, at hayagan kong ipinapakita sa kanila na hindi ako naniniwala sa mga kababalaghang ikinukuwento nila.
Mahirap pala ’pag magkaiba kayo ng mga lugar na pinanggalingan ng iyong mga pinsan. Parang isang Katoliko na nakapangasawa ng isang Muslim o isang banyaga na napadpad sa ibang bansa. Kailangan mong unawain ang iba at makibagay—sa pananalita, mga gawain, at marami pang iba.
“Kwaa ang buhok sa imuhang patilya,” sabi ni Tata sa akin.
Dahil di ko naman makita ang aking patilya, si Makmak ang gumawa. Nagpaubaya lang ako. Naniniwala ako na para sa kabutihan at kaligtasan ko ang ginagawa nila.
Inilagay ni Makmak sa katawan ng alimango ang nakuha niyang buhok sa akin, at dinuraan niya ang alimango. “Adto kaw butu ikabuluran!” (Doon ka sa ibang bundok magpasabog!) sabi niya, sabay tapon ng alimango sa malayo.
Hindi ko na naitanong sa mga pinsan ko paano naging pangontra sa lipak ang buhok sa patilya. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin naiintindihan ang parang ritwal na ginawa nila. Nabanggit din nila na ang isa pa raw na pangontra ay ngipin ng kidlat. Ito ay bato na nakikita o nakukuha sa mga lugar na natamaan ng kidlat. Siyempre, walang dala-dalang ganoon ang mga pinsan ko.
Mayamaya’y nilamon ng ulap ang araw at bumuhos ang ulan. Lalo akong natakot. Sumilong kami sa isang kubo, at napansin kong dumidistansiya sa akin ang aking mga pinsan—ayaw nilang madamay kung sakaling matamaan ako ng lipak! Kumukulog at kumikidlat. Mangiyak-ngiyak na ako sa takot. Sa sandaling iyon, naniniwala na ako sa kapangyarihan ng lipak. Nagdasal ako nang mataimtim na sana hindi matuloy ang sinabi ng aking mga pinsan. Nagmakaawa at humingi ako ng tawad sa mga diwata. Mayamaya’y nahinto ang galit ng langit. Napatanong ako sa sarili kung totoo at epektibo ang ginawa namin.
Umuwi na kami pagtila ng ulan. Agad kumalat ang balita sa mga kamag-anak ko at kalapit na bahay. Napakasuwerte ko raw at nakaligtas ako. Napagtanto ko kung gaano katibay ang paniniwala ng aking mga katribu sa kapangyarihan ng lipak at sa pangontra dito. Nagkaroon ng kaginhawaan ang aking kalooban. Ngunit hindi pa pala tapos ang lahat.
Naabutan ako ng dilim sa isang bahay ng mga pinsan ko, sa ibabang parte ng sitio, at napansin namin ang maliwanag na pagkurap ng langit na parang kumukuha ito ng litrato sa buong sitio—parang idinodokumento ang susunod na paparusahan. Agad akong nagpaalam na uuwi na sa itaas sa bahay ni Lola. Nag-aagaw ang paniniwala sa isip ko kung dadaan lang ba ulit ang masamang panahon o tuluyan na akong makakatanggap ng gaba.
Sa aking pag-uwi, marami ang nakatingin sa akin. Tumatakbo ako sa maputik na daan. Nang masira ang aking tsinelas, nagpatuloy akong nakapaa. Tuliro ako. Gusto kong humingi ng tulong sa iba ko pang kakilala, pero sa tingin pa lang nila, alam ko nang ayaw nila akong palapitin. At ano naman ang maitutulong nila sa akin? Ito na siguro ang kapalaran ko. Puwede kong igalaw ang mga paa, ngunit hindi ako makakatakas. Naririnig ko ang paghalakhak ng kulog at kidlat—ako ang alimango sa palad ng Tagapangalaga.
Pagdating ko sa bahay ni Lola, hinanap ko si Mama, ngunit wala siya. Sa aking palagay ay sinadya ito ng mga diwata at ng tadhana para hindi ako matulungan. Totoo nang nagsisi ako sa ginawa ko sa alimango. Naiiyak akong napaupo na lang at nagdasal.
Napansin ako ni Lola. “Naunsa ka?” tanong niya.
“La, gidulaan ug gikataw-an nako ang crabs,” sagot ko.
“Ning bataa ni,” sabi niya.
Binuksan ni Lola ang isang lumang baul at inilabas mula rito ang isang misteryosong bato at isang maliit na sisidlan ng pomada na may lamang lana at maliit na sanga ng kahoy. Naalala ko ang sinabi ng iba na manggagamot daw si Lola ngunit matagal na itong huminto sa kadahilanang hindi namin alam. Pinahiran ni Lola ng lana ang bato at dinuraan ito ng laway. Bumulong-bulong siya na parang nagriritwal—parang nakikipag-usap sa Tagapangalaga. Pagkatapos, gamit ang bato, hinimas niya ang iba’t ibang parte ng aking katawan, habang umuusal ng mga salitang hindi ko naiintindihan.
Naisip ko na ang bato ay ang ngipin ng kidlat na binanggit sa akin ng mga pinsan ko. Hindi ko natanong si Lola tungkol dito, ngunit mukhang tama ang hinala ko. Matapos ang paghimas sa akin ng bato, unti-unting humina ang pagkulog at pagkidlat hanggang sa tuluyang nawala.
Napakasuwerte ko at naligtas ako. Dumaan ang mga araw na hindi umuulan, kumukulog, o kumikidlat. Mas lalong tumaas ang respeto ko at pagpapahalaga sa mga hayop at sa lahat ng nilalang sa mundo. Ngayon, sa tuwing may nakikita akong hayop na pinaglalaruan at pinagtatawanan, sa bahay namin o saan mang lugar, iniiwasan kong matawa at sinasaway ko ang mga taong gumagawa nito.
Marami pa akong hindi nalalaman tungkol sa mga katribu kong Tagakaolo. Marami pang nananatiling misteryo sa akin. Ngunit paunti-unti, natututunan kong mahalin ang aming kultura, paniniwala, at tradisyon. Sa tuwing may nalalaman akong bago, parang kidlat ang paggulat ng katotohanan.