Ang Sigbin, Si Natoy, at ang Mga Kambing

Ni Jeffriel Cabca Buan

(Ang sanaysay na ito ay semifinalist sa 3rd Lagulad Prize.)

Magmula nang magkamalay ako, alam ko nang anumang oras ay puwede kaming mamatay sa barangay na aming tinitirhan sa Polomolok, South Cotabato. Payak lang naman ang aming barangay, animo isang inosenteng dalaga, ngunit kapag nakilala mo na ito nang lubusan, malalaman mong uhaw ito sa hustisya. Palaging may nangyayaring alitan at bangayan sa bawat pamilya, parang sa dulang Romeo and Juliet—kapag may inutang na buhay ay buhay din ang kapalit. Sabi pa nga ng aking ama, kumakati raw ang kamay ng masasamang tao sa amin kapag wala silang napapadanak na dugo. Kaya naman noong maliit pa ako ay madalas kaming mag-alsa balutan at magkubli sa isang malaking bahay na pag-aari ng isang nakakaangat na pamilya sa aming barangay. Nagsisilbing evacuation center namin ang naturang bahay.

Noong tumuntong na ako ng kolehiyo at tumira sa labas ng aming barangay, napagtanto ko na likas saan mang lugar ang mga bangayan at alitan. Mas namulat din ako sa katotohanan na ang lahat ng tao ay namamatay, kaya lalong lumaki ang aking takot. Hindi ko kasi alam kung saan ako mapupunta—sa langit o sa impiyerno?

Nitong taon lang, nagulat ang aming buong barangay sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga alagang kambing. Karamihan sa mga pamilya sa amin ay nag-aalaga ng mula dalawa hanggang limang kambing sa bakuran, at halos bawat umaga, may natatagpuang kambing na nakahandusay sa lupa—wasak ang katawan at nakakalat ang mga lamanloob maliban sa puso. Nawawala ang puso ng mga kambing. Ayon sa usap-usapan, kagagawan umano ito ng tinatawag na sigbin, isang maalamat na nilalang na kahawig ng aso, kangaroo, at maging kambing at may napakabahong amoy. Ang buntot daw nito ang gamit ng sigbin sa pagpatay ng mga biktima nito. Hindi ako basta-bastang naniniwala sa mga usap-usapan, ngunit aaminin kong kinabahan ako sa nangyayari.

Dumating ang araw na para bang binigyan ako ng palugit ng tadhana upang maniwala. Isang umaga, nanlamig ang aking buong katawan nang ako mismo ang makakita ng patay na kambing. Pagmamay-ari ito ng aming kapitbahay at nakahandusay sa tapat ng aming bahay. Wasak ang katawan nito, wala na ang puso, at kahit ang dugo nito’y walang mahagilap, parang hinigop lahat. Mas lalong lumakas pa ang usap-usapan na sigbin nga raw ang may kagagawan. Kasabay ng pagkalat ng balita ay ang pagkalat din ng takot. Sadyang nakakatakot ang mga bagay na hindi nakikita. Ang nakakasama pa’y kailangan kong magpanggap na natatakot ako, dahil kung hindi, baka ako ang ituring na salarin ng aking mga kabarangay.

Ayon sa usap-usapan, nag-aanyong tao raw ang sigbin, at ang mas malala, baka kasama namin siya sa barangay. Kahit sino na lang ang pinaghihinalaan. Nakakatakot ding magpaliwanag sa aking mga kabarangay tungkol sa agham at mitolohiya na tumatalakay sa mga sigbin. Baka kasi sabihin nilang kaanib ko ang sigbin at pinipilit kong ibahin ang usapan. Sa mga panahong iyon, mas natakot ako sa mga tsismisan at sa mga gawa-gawa nilang kuwento kumpara sa sanhi ng kanilang pinag-uusapan. Mas nakakatakot pa ang tsismis kumpara sa sigbin, dahil kung totoo man ang sigbin, isang beses ka lang nitong papatayin, habang ang tsismis ay araw-araw at habambuhay.

Dumaan ang mga araw, ngunit hindi pa rin nawawala ang balita tungkol sa sigbin. Isang hapon, habang bumibili ako ng gulay sa isang tindahan, narinig ko ang usapan ng ilang kababaihan. “Kung pusilanay lang ni, nagbakwit na ta!” pahayag ng isang matandang babae. Kung giyera daw ang nangyayari, malamang lumikas na kami. Dala-dala niya ang biniling sitaw, na lulutuin niya raw sa hapunan kahit alas tres pa lang ng hapon. Natatakot daw siyang maabutan ng gabi dahil pinaniniwalaang gabi lumalabas ang sigbin.

Dahil sa usap-usapan tungkol sa sigbin, kaliwa’t kanan ang nangyaring prayer meeting kahit mahigpit pang ipinagbabawal noon ang mga pagtitipon dahil kasagsagan ng COVID-19. Naka-social distancing naman daw sila. (Pero naghahawakan sila ng kamay habang kumakanta.) Palagi ko talagang napupuna, bakit ba biglang nagiging madasalin ang mga tao kapag napalapit sa kamatayan o kaya nama’y wala nang makapitan? Inaamin ko, isa rin ako sa mga taong iyon.

Sa gitna ng mga prayer meeting, lumabas ang balitang hinabol daw ng sigbin si Natoy (hindi totoong pangalan), isang pipi. Matandang binata si Natoy at mag-isang namumuhay sa hindi kalayuan sa aming bahay. Lumabas ako para alamin ang kuwento mula sa kaniya mismo.

Nadaanan ko ang isang umpukan ng mga tao na pinag-uusapan ang nangyari. Tumigil ako sandali para makinig sa kanila. “Gigukod gud sa sigbin ang amang. Tan-awa, nakatingog siya og pinakalit,” bulalas ng isang binatilyo. Dahil daw sa paghabol ng sigbin kay Natoy, nakapagsalita ito. Napagkatuwaan ng mga tao ang nangyari. Kalimitan kasi, kapag nahaharap sa panganib ang isang tao, hindi ito nakakapagsalita. Dahil pipi si Natoy, kabaligtaran daw ang nangyari.

Nagtaka ako. Sa dami ng tao sa aming barangay, bakit kay Natoy nagpakita ang sigbin? Bakit hindi sa akin? Dahil ba gusto itong makakita ng tao na hindi lahat ng nakikita ay sasabihin sa iba? Siguro iyon ang nakita niya kay Natoy na hindi niya nakita sa akin.

Nadatnan ko si Natoy sa bahay niya na kausap ang ilan naming kabarangay. Galit na galit siya habang sumesenyas. Naguluhan ako. Hindi ba dapat natatakot siya? Ipinaliwanag ang mga senyas ni Natoy ng kaniyang mga kamag-anak na nakakaintindi sa kaniya at naroroon din para makiusyuso. Hinabol daw si Natoy ng sigbin, at muntik na raw siyang yakapin nito. Mabuti na lang at nakakuha siya ng matalim na kawayan. Inumang niya raw ang kawayan sa tiyan ng sigbin, kaya kumaripas ito ng takbo palayo sa kaniya.

“Basig naibog sa imoha ang sigbin, bay?” pabirong tanong ng isang lalaki. Baka raw may gusto ang sigbin kay Natoy. Dagdag ng iba, baka sigbin daw ang nakatakda kay Natoy. Inis na inis si Natoy sa narinig. Ako nama’y napaisip din. Posible kayang hindi lahat ng nakatakdang makasama natin habambuhay ay tao? Papayag kaya ang mundong ito na mayroong pag-ibig na mamuo sa pagitan ng isang sigbin at isang tao—kay Natoy?

Makalipas ang ilang gabi, hindi pa rin ako nililisan ng aking mga guniguni. Hindi ko maiwasang hindi atupagin sila kapag bumibisita sa aking isipan. Masyado silang marami, sanhi upang hindi ako makatulog. Ayon pa rin sa mga usap-usapan, lumalapit daw ang sigbin sa mga taong mahihina ang puso. Nilapitan ba ng sigbin si Natoy dahil mahina ang puso nito? At paano ba naging mahina ang kaniyang puso? Dahil ba palagi itong nalulungkot dahil walang gustong tumanggap nito? Gusto bang samahan ng sigbin ang mga taong nag-iisa katulad ni Natoy?

Hiniling kong huwag sana kaming magkita ng sigbin kahit hindi ako lubusang naniniwala na totoo talaga ito. Baka kasi maramdaman niya ang aking puso. Baka malaman niyang palagi akong nalulungkot kahit walang dahilan. Baka tulad ng mga nangyari sa kambing, kunin niya rin ang puso ko. Ayaw ko munang huminto ito sa pagtibok. Gusto kong maramdaman kung paano magkaroon ng pusong malakas, at kung pagbibigyan man ng panahon, gusto kong magkaroon ng pusong hindi nasasaktan.

Marami na ang nagbago sa aming barangay. Hindi ko alam kung ako lang ba ang hindi na nakakakilala nang lubos sa kaniya o siya rin ay nahihirapang kilalanin ako. Wala namang masyadong nagbago sa akin. Mas marami lang akong nabasa.

Tumigil na sa pag-atake ang sigbin matapos itong makabiktima ng halos dalawampung kambing, ayon sa ginawang datos ng mga opisyal ng barangay. Ang mga tao nama’y patuloy pa rin sa pag-iisip ng paraan kung paano makakaiwas o maililigtas ang kanilang mga alagang kambing kung sakaling magkaroon ng pangalawang pag-atake. Hanggang ngayon, usap-usapan pa rin ng mga tao ang naging karanasan nila, at nananatili pa ring tanong kung bakit kambing ang gustong biktimahin ng sigbin at kung bakit sa lahat ng mga lugar, sa barangay pa namin ito naghasik ng lagim.

Dati’y baril at bala lang ang kinatatakutan ko, ang inisip kong maaaring pumigil sa tinatamasa kong magandang buhay, ang maaaring maging sanhi ng takot. Dahil sa nangyari sa aming barangay at kay Natoy, napag-alaman kong lahat pala ng bagay ay puwedeng katakutan.