Ang Paghahanap sa Nawawalang Liwanag

Ni Martsu Ressan Ladia

(Ang sanaysay na ito ay semifinalist sa 3rd Lagulad Prize.)

Naganap ang isang solar eclipse noong Hunyo ng taong ito. Pinakahihintay ito ng mga kakilala ko sa amin sa Sarangani Province. Nagsilabasan sila na dala-dala ang kanilang cellphone upang makunan ng larawan ang pagdilim ng langit sa kalagitnaan ng araw. At habang nakatingala sila’t nag-aabang, pumasok sa aking isipan kung papaano ninakaw ng eclipse ang liwanag ng aking mga mata.

Sa Tagum, Davao del Norte, ako ipinanganak, at katapusan dapat ng Enero ang aking kaarawan, ngunit biglang dinugo si Mama Oktubre pa lang, tatlong buwan bago ang itinakdang kabuwanan niya. Nang mga sumunod na araw, naging malubha siya. Patuloy ang kaniyang pagdurugo. Nalagay sa peligro ang buhay naming dalawa. Kaya sapilitan akong inalis sa sinapupunan ni Mama upang maisalba ang sinumang masuwerte sa amin. Sa awa ng Maykapal, wala ni isa sa amin ang binawian ng buhay. Ngunit may binawian naman ng karapatan sa sapat na liwanag—ang aking kaliwang mata. Ang natitirang liwanag naman sa kanang mata ko ay dahan-dahan ding ninakaw.

Nagtataka noon si Mama habang buhat-buhat niya ako. “Du,” sabi niya kay Papa sa Cebuano, ang kaniyang inang wika, “nganong dili man ni mosunod og tan-aw sa imo ang bata pag naa ka dapit sa wala?” Bakit hindi ko raw sinusundan ng tingin si Papa kapag nasa bandang kaliwa ko ito. Sabi naman ni Papa sa Kalagan, ang kaniyang inang wika, “Paningog pa sagaw kay day, nanga yaning mata nang isu yagkaabo dawman ang kulur?” Nagtataka siya dahil nagkukulay abo raw ang kaliwa kong mata.

Ipinatingin ako ng aking mga magulang sa optometrist at ophthalmologist, mga doktor na dalubhasa sa mata. Isinailalim ako sa iba’t ibang medikal na eksaminasyon, nang lumabas ang mga resulta, sinabi ng mga doktor na isa akong biktima ng retinopathy of prematurity, isang kondisyong medikal na nagdudulot ng pagkabulag sanhi ng kakulangan sa buwan ng itinakdang pagkakasilang. Ngunit natuklasan man ng siyensiya ang kondisyong kinasadlakan ko, palaisipan pa rin noon ang misteryong sinapit ni Mama noong pinagbubuntis pa lamang niya ako.

Si Bapa Abdil, isang manggagamot na Kalagan, ang nakapagbigay ng paliwanag sa hiwaga ng aking pagkasilang—kung bakit umano dinugo si Mama sa hindi nakatakdang panahon, kung bakit ako nabulag, at higit sa lahat, kung sino ang dumukot sa liwanag ng aking mga mata. Paliwanag ng manggagamot, habang ipinagbubuntis daw ako ng aking ina, nakakita marahil siya ng mga bagay na hindi nito dapat tiningnan, pinansin, o binigyan ng atensiyon. Mga representasyon ng pagkabulag ang tinutukoy noon ni Bapa Abdil, gaya ng huling patak ng ilaw sa kandila bago ito mamatay, pagkapundi ng ilaw na dekuryente, at pagkulimlim ng langit.

“Eclipse, du! Nitan-aw ko sa eclipse,” nanginginig na pag-amin ni Mama kay Papa. Noong nagdadalantao siya, naganap din ang isang eclipse, at pinanood niya umano ito. Kinagiliwan niya ang pag-aagawan ng dilim at liwanag hanggang manaig ang dilim. “Pero wala na nako natan-awi ang pagbalik sa adlaw, ang pagngitngit lang,” dagdag ni Mama. Hindi raw niya napanood ang pagbalik ng liwanag, ang pagdilim lang.

At doon, sa kanayunan ni Papa, tinukoy ni Bapa Abdil, ayon sa kultura ng mga Kalagan, na ang eclipse ang salarin sa pagkawala ng liwanag ng aking mga mata. Sa aking paglaki, gamit ang lakas ng natitirang liwanag sa aking kanang mata, sumulyap ako sa eclipse nang minsang maganap itong muli sa gitna ng gabi. Isa itong lunar eclipse, iba sa solar eclipse na natanaw dati ni Mama. Kinagiliwan ko rin ito.

Ngunit hindi lahat ng kinagigiliwan ay pinaniniwalaan. Para sa akin, oo, totoong nagnanakaw ng liwanag ang solar eclipse, subalit hindi ang liwanag ng mga mata ng tao ang ninanakaw nito. Totoo mang nanakawan ako ng liwanag, walang kinalaman ang eclipse dito. Lumaki man ako sa kultura ni Papa, naniniwala ako sa makabagong pamamaraan ng pag-unawa sa mga kaganapan sa buhay ng tao. Tahasan kong iwinawaksi ang pagkakaugnay ng eclipse sa lahat ng hirap na dinanas ko dulot ng aking pagkakabulag.

Hahanapin ko ang aking nawawalang liwanag saan man, kailan man. Sino man ang haharang, hahawiin ko, at kakapain ko ang direksiyon tungo sa kinaroroonan ng aking liwanag. Hindi ko iindahin ang mga pagkadapa at pagkatisod, ang mga bukol sa makailang ulit na pagkabunggo. Maglalakad ako, at patuloy akong maghahanap dahil ang liwanag ay pag-asa—pag-asang balang araw ay aking makakamit na parang aking mga pangarap sa buhay.

Dumalo ako minsan sa isang seminar-workshop sa Quezon City na naglalayong ihanda ang mga visually impaired sa buhay kolehiyo. Halos lahat kaming partisipante ay magkakaedad, at may mangilan-ngilang mas matanda. Ang noo’y lubos kong pinagtataka, kaming mga magkakaedad, pare-pareho ang naging sanhi ng aming pagkabulag—retinopathy of prematurity. Iba-iba naman ang mga naging dahilan ng pagkabulag ng mga mas nakakatanda sa amin, tulad ng glaucoma, retinitis  pigmentosa, at aksidente. Sapantaha ko noon, marahil nabulag ang mga kaedad ko dahil kinagiliwan din ng kanilang mga ina ang parehong eclipse na kinagiliwan ni Mama.

Dahil sa matinding bugso ng emosyon, ibinahagi ko sa aking mga kasama ang mga sinabi ni Bapa Abdil tungkol sa eclipse. Sari-sari ang naging reaksiyon nila. May mga nagulantang, nagimbal, at namangha. May mga naniwala, at tulad ko, may mga nagsawalang bahala lang. Tumawag pa ang iba sa kanilang mga magulang at nagtanong tungkol sa nangyaring eclipse noong 1996, noong ipinagbubuntis kami.

Bago ang pagtitipong iyon, hindi sumagi sa isip ko ang posibilidad na nangyari rin sa ibang bata ang sinapit ko. Mga batang kasinggulang ko. Marami pala kami. Kami na nabuhay sa parehong panahon at nagkaroon ng parehong bating panimula sa kani-kaniyang buhay. Kaming mga napagnakawan ng liwanag. Kaming mga binulag ngunit patuloy na hinahanap ang aming mga nawawalang liwanag dahil ang liwanag ay pag-asa—gabay, tulay sa inihandog na pagkakataon upang kami’y mabuhay. Pero masasabi kong mas masuwerte ako. Ang ibang mga kaibigan ko, wala nang liwanag na natira sa kanila, samantalang sa akin ay may kakarampot pa, bagay na masasabi kong kinainggitan nila sa akin at ikinalulungkot kong hindi maibabahagi sa kanila.

Binigyan kami ng pagkakataon na ibahagi ang aming mga naging masalimuot na karanasan sa buhay bilang visually impaired. At gaya ng aming pagkakapareho ng dahilan sa pagkabulag, napag-alaman naming pare-pareho lang din ang aming mga pinagdaanan. Tila iisang salamin ang sabay naming tinitingnan, hindi lang ng aming mukha kundi ng mga pagsubok sa paaralan, sa pook-pasyalan, sa kahit saan man kami magawi.

Ibinahagi namin ang aming mga naging takot. Takot sa asignaturang matematika sapagkat hindi namin matingnan ang pisara at ang mga paliwanag sa likod ng mga naglalarong numero, ang mga pagkakasunod-sunod ng proseso sa pagkuha ng sagot sa nawawalang halaga ng ekis. Takot mapahiya kaya tinanggap na lamang ang mga paglalarawang hindi namin maintindihan dahil hindi angkop ang pagpapaliwanag ng asignatura para sa aming mga batang may espesyal na kondisyon. Ang naging bunga ng takot na ito ay mas kahindik-hindik. Ang karamihan sa amin, natatakot nang mag-aral, natatakot tumuntong sa kolehiyo dahil kulang pa ang kanilang kaalaman.

Ito ang totoong eclipse. Ang representasyon ng eclipse na pinaniniwalaan at kinatatakutan ko. Ang nagnakaw ng liwanag ng aming hinaharap at binigyang dilim ang aming mga katauhan. Ang patuloy na nakakintal sa isipan ng nakararami na kami ay walang mga kakayahan. Ang kawalan ng konsiderasyon sa loob ng paaralan sa aming espesyal na kalagayan. Ang patuloy na diskriminasyon mula sa mga kapwa estudyante, maging minsan mula sa mga guro at ibang mga magulang. Ang mga tao sa likod ng aming panghihina at hindi pagkilala sa aming sariling kakayahan—sila ang tunay na magnanakaw ng liwanag. Sila ang mapaminsalang eclipse na kinagigiliwan din ng iilan.

Naranasan kong lait-laitin ng isang kaklase noon. Sabi niya sa akin, “expired” na raw ang mga mata ko at kahit pa kumain ako ng isang plantasyong taniman ng kalabasa, walang magbabago. “Ang kalabasa, pampalinaw ng mata, pero sa ’yo, wala nang pag-asa,” ang patulang panlalait na kaniyang inimbento upang hamakin ako. Naranasan ko rin ang di angkop na pakikitungo ng isang guro. Hindi raw dapat ako bigyan ng espesyal na ayuda sa pagbabasa at pagsusulat. “Do not assist him, or else I’ll mark you zero!” sabi niya sa aking mga kaklase nang minsang magkaroon kami ng pagsusulit. Wala akong maisagot dahil hindi ko naman nababasa ang mga tanong.

Tulad ko, nakaranas din ng diskriminasyon ang aking mga kapwa visually impaired na kasama sa seminar. Subalit kakaiba sa ilan sa kanila, kakaiba sa paglabas ng eclipse, hindi ako nag-antay sa pagbabalik ng liwanag sa kalangitan. Gaya ng ginawa ni Mama, hindi ko hinintay ang liwanag dahil hindi naman talaga hinihintay ang pagbabalik nito. Dapat itong hanapin. Kaya pinagsikapan ko. Pinatunayan kong kaya ko at dahan-dahan kong binuo ang aking nagkagutay-gutay na pangalan sa mga matang nakakakita. Dahil hindi ito ang nakagigiliw na astronomikal na eclipse. Ito ang sosyal na representasyon ng eclipse kung saan ang dilim ay ang pagsubok sa ating buhay at ang liwanag na siyang ninakaw ay ang kalutasang di dapat na hintayin bagkus ay nararapat na hanapin.

Habang nanonood ang ibang tao ng solar eclipse noong Hunyo, naisip ko na paulit-ulit pa rin ang kaganapan ng eclipse na pinaniniwalaan ko, subalit nalulugod ako dahil nakaya kong hindi magpatinag sa dilim na hatid nito dahil naririyan ang Panginoon; ang aking pamilya na sumusuporta sa akin at patuloy na naniniwala sa aking kakayahan at halaga bilang isang tao; ang aking mga kaibigang tinanggap ako at ang aking espesyal na kondisyon na para bang walang malaking pagkakaiba sa ibang taong kanilang nakasasalamuha; ang aking mga naging gurong nagbahagi ng kanilang kaalaman sa akin upang hubugin ako at ang aking potensiyal upang maging isang ganap na propesyunal; at ang aking mga paaralang nagbigay sa akin ng malawakang edukasyon at naging gabay sa buhay.

Misteryo man ang hatid ng eclipse noong 1996 sa mga batang ipinagbubuntis noon at nawalan ng paningin, hindi narararapat na manatiling isang misteryo ang aming pagkakilanlan. Pagtanggap ang unang hakbang tungo sa pag-unawa. Nakakalungkot na sa tatlumpung batang dumalo sa aming seminar-workshop, tatlo lamang kaming nakapagtapos ng kolehiyo at wala pa ni isa sa amin ang nagkakaroon ng permanenteng trabaho. Pare-pareho man ang aming mga bating panimula sa kadilimang sumubok sa aming katatagan, labis kong ikinalulungkot na ang pagdating ng aming pinakahihintay na liwanag ay hindi sabay-sabay.

Hindi ko alam kung hinintay nila ang pagbabalik ng kanilang nawawalang liwanag. Sa akin, hinanap ko ito dahil wala namang katiyakan kung gaano ako katagal maghihintay at wala ring katiyakan kung ang nawawalang liwanag ay magbabalik pa ba. Nawala man ang liwanag ng aking kaliwang mata, nakatagpo naman ako ng panibagong liwanag na siyang naging aking pag-asa.

May magaganap pang eclipse sa mga susunod na taon. May mga liwanag pang dapat na matagpuan. At kung ako ang tatanungin, masasabi kong itong dagok na kinasasadlakan ng ating mundo sa panahong ito ay isang eclipse na hindi astronomikal. Dapat na patuloy nating hanapin ang liwanag, at walang panahong dapat na sayangin.

Nagsisilbing paalala sa akin ang eclipse na sa buhay at pamumuhay ng tao, sasapit ang dilim nang hindi inaasahan at makikipag-agawan ito sa liwanag, at ito ang hudyat ng panibagong pakikibaka sa isang paglalakbay upang mahanap ang pag-asa. Habang nakikinig ako noong Hunyo sa pagkamangha ng ibang tao sa muling pagpapakitang gilas ng eclipse, inihahanda ko ang aking sarili para sa panibagong taon sa law school at sa mga hatid na pagsubok nito sa akin. Muli kong sisimulan ang paglalakbay. Pansamantala na namang isasarado ang pinto ng kuwaderno ng literatura at bubuksan ang mga librong tinatalakay ang batas.

Ito ang dilim na sinusuong ko ngayon, at naniniwala akong sa likod nito ay ang liwanag na siyang katuparan ng aking pangarap. At balang araw, magbabalik ako sa hanay ng mga batang hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sa pagbabalik ng kanilang nawawalang liwanag. Kung ako man ang matagal na nilang hinihintay, nararapat na mahanap ko muna ang sarili kong liwanag. Ano man ang mangyari, ikalulugod ko na maging gabay nila sa daan patungo sa kani-kanilang liwanag.

Advertisement