Ang Ikawalong Salot

Ni Arville Villaflor Setanos

(Ang sanaysay na ito ay runner-up sa 3rd Lagulad Prize.)

Tuwing umuuwi ako ng Tacurong City, Sultan Kudarat, hile-hilerang puwesto ng mga nagtitinda ng pritong balang ang nadadaanan ko. Mula sa labasan ng General Santos City hanggang sa bukana ng Polomolok, South Cotabato, parang mga kabuteng nagsusulputan sa gilid ng daan ang makukulay na mga payong na ginagamit ng mga nagtitinda. Nakagawian ko nang bumili sa isa sa mga puwesto, at hindi ko matandaan na nawalan ng suplay ang mga nagtitinda. Napapaisip tuloy ako minsan kung may mga alagang balang ang mga nagbebenta na pinaparami at inaani nila gaya ng ginagawa sa tilapia at hito, ngunit alam kong malabo ito, at may nakakalungkot na katanungan sa aking isipan: Ilang taniman kaya ang naubos bago naging paninda ang mga pritong balang?

Sa isang palabas na napanood ko sa National Geographic Channel, ipinaliwanag ng isang entomologist na likas umano na mapag-isa ang mga balang, subalit sa tuwing sasapit ang panahon ng tagtuyot, nagbabago ang ugali nila. Nagsasama-sama sila at naglalakbay ng milya-milya upang manginain sa mga lupaing may natitira pang pananim, at tumitindi ang gana nila. Pagdating ng tag-ulan, mabilisan silang nagpaparami, kasabay ng pag-usbong ng mga luntiang pananim. Sa loob lamang ng isang araw, kaya ng isang buong kawan ng balang na umubos ng mga pananim na sapat upang pakainin ang tatlumpo’t limang libong katao.

Noong nabubuhay pa si Lolo Anoy, ang ama ng aking ina, nagbabahagi siya minsan ng mga alam niya tungkol sa mga balang. Sobrang lakas daw ang pang-amoy ng mga balang, kaya alam ng mga ito kung saang lugar sagana pa ang mga pananim. Sumasabay diumano ang mga ito sa ihip ng hangin upang mabilis na makalipat at makahanap ng mga bagong makainan. Dagdag pa niya, nagdidilim ang kalangitan kahit pa tanghaling tapat kapag sumasalakay ang mga balang. Hindi man nakatapak ng kolehiyo, gamay ni Lolo ang galaw at sistema ng mga balang na para bang bihasa siya sa pag-aaral sa mga ito. Marahil dala na rin iyon ng maraming taong pakikipagbuno niya sa mga mapaminsalang salot tuwing sumasalakay ang mga ito sa Gansing at mga kalapit barangay.

Madalang na akong nakakapunta ng Tacurong simula noong makapag-asawa ako at magkatrabaho sa pampublikong paaralan bilang isang guro. Sa General Santos na lubusang umikot ang mundo ko. Ilang taon na rin ang nagdaan mula noong huli akong makadalaw sa bayang tinubuan ni Nanay. Humigit-kumulang dalawang oras ang biyahe mula General Santos hanggang Tacurong. Tuwing bakasyon lamang ako may pagkakataon na bumisita sa mga kamag-anak at kaibigan ko roon.

Ramdam ng buo kong katawan ang bugso ng hanging aking nakakasalubong na tila ba itinutulak akong pabalik kung saan ako nanggaling. Sumulyap ako sa supot na aking inipit sa bandang harapan ng aking motorsiklo sa pag-aalalang baka nilipad ito ng malakas na ihip. Hindi kabilisan ang aking takbo, kaya naamoy ko ang samyo ng nag-aagaw na ginisang bawang at sili na nakahalo sa pritong balang. Sa isang iglap, may nanumbalik sa aking gunita.

“Tong, itaboy mo na!” isang malakas na hiyaw mula sa malayo.

Hawak ang mahabang sanga ng ipil-ipil na binali ko mula sa likod ng bahay nina Lola, hinampas ko nang hinampas ang damuhan na tila ba isa akong lasing na nag-aamok. Kaalinsabay ng aking walang direksiyong hagupit ay ang pagsiliparan ng mga balang na nanginginain sa talahiban. Nakabibingi ang pagaspas ng mumunti ngunit libo-libong pakpak. Halos magdilim ang buong paligid. Hawak ang magkabilang dulo ng nakabukang kulambo, nakaabang na ang mga kaibigan kong sina Norman at Taruk sa pagpasok ng mga nais nilang hulihin. Sa isang kisapmata’y halos napuno ang panlambat ng dalawa! Mabilis nilang inilapat sa lupa ang bunganga ng kulambo at pinagdikit ang dalawang dulo nito upang siguruhing walang makakatakas.

“May ulam na tayo,” nakangising wika ni Taruk. Sa tatlo kong matalik na kaibigan, madalas na siya ang hindi ko nakakasundo. Lagi niyang iniisip na parang laro at biro lang ang lahat. Ako naman ang pikon at halos siniseryoso ang lahat ng bagay.

“Mangangamoy balang na ang mga bunganga natin nito,” sabi ko na nakakunot ang noo. Magdadalawang-araw na rin na halos panay balang ang inuulam namin sa hapag. Isang araw pa at baka isipin na ng mga balang na isa ako sa kanila dahil sa amoy ng aking hininga.

“Ipaluto na natin kay Manang Gamay para mapaghatian na natin mamaya,” nasasabik na sabat ni Norman, na ang tinutukoy ay ang aming tiyahin. Pinsan ko si Norman at siya rin ang kinikilalang lider ng aming grupo, marahil sa kadahilanang siya ang pinakamatanda sa aming magkakaibigan. Ang tatlo sa amin ay nasa ikaanim na baitang, samantalang siya naman ay nasa unang taon na sa hayskul.

“Saan nga pala si Natoy?” dugtong ni Norman habang ibinabaling ang paningin kaliwa’t kanan. Magdadalawang araw na rin mula noong huli naming makita si Natoy. Bagama’t siya ang pinakabata, si Natoy ang may pinakamaraming nalalaman sa aming apat pagdating sa mga pasikot-sikot sa bukid. Ito ay sa kadahilanang lumaki siyang katuwang ng kaniyang amang magsasaka.

“Baka nag-ani ng palay,” sagot ni Taruk. “Uwi na tayo. Malapit na ang tanghalian.” Halatang nabibigatan siya sa pagbitbit ng halos kalahating sako ng balang na nahuli kanina, kaya inalalayan siya ni Norman.

Pansamantala akong naiwan sa aking kinatatayuan. Nilingon ko ang hilera ng mga puno ng niyog sa dulo ng malapad na damuhan. Sa likod ng mga nagkukumpulang punong ito ay bahagyang maaaninag mula sa malayo ang maliliit na kubo na nakaharap sa malawak na taniman ng palay. “Kumusta na kaya si Natoy?” bulong ko sa aking sarili.

Taong 1998 iyon. Tuwing bakasyon sa Mayo, bumibisita ang pamilya namin sa Barangay Gansing upang makasama ang mga kamag-anak at upang doon na rin hintayin ang muling pagbubukas ng klase. Sa ganitong panahon ko rin nakakasama ang aking mga kaibigan.

Apat kaming magkakaibigan. Si Norman ay anak ng nakatatandang kapatid ni Nanay na si Manong Eddie. Si Taruk at Natoy naman ay mga anak ng kapitbahay. Pangingisda sa sapa, pagsakay sa kalabaw, paliligo sa irigasyon, at kung ano-ano pang puwedeng gawin sa buong maghapon ang madalas na pampalipas namin ng oras. Nagkataon na sa buwan na iyon ay di inasahang sumalakay ang mga kawan ng balang, kaya naidagdag ang panghuhuli nito sa aming mga pinagkaabalahan.

Papanhik na kami sa balkonahe ng bahay nina Lolo Anoy at Lola Meding nang makasalubong namin si Manang Gamay, ang kanilang bunsong anak. “Balang na naman ba ’yan?” tanong ni Manang na nakapamaywang. “Hindi ba kayo nagsasawang kumain niyan?” Mababasa sa kaniyang mukha na batid niyang siya na naman ang pakikiusapan naming magluto. “Opo, Manang,” sagot ni Norman, sabay kamot sa ulo. “Dalhin ni’yo ’yan sa kusina,” nakasimangot na tugon ni Manang Gamay. Bagama’t mahilig at magaling siyang magluto, halatang nauumay na si Manang sa kakaprito ng mga inuuwi naming balang. Halos araw-araw kasi namin itong ginagawa.

Parang may mahika ang sandok na ginagamit ni Manang Gamay sa pagluluto. Kahit anong putahe ay kaya niyang pasarapin. Pabiro naman itong kinontra ni Taruk nang minsang mapag-usapan namin ito. Kaya nga madalas kaming hindi magkasundo. Sabi ni Taruk, sumasarap ang mga lutuin ni Manang Gamay dahil marami itong inilalagay na betsin. Hindi ako naniwala sapagkat si Taruk mismo ang pinakamalakas kumain at madalas nakakaubos sa mga luto ni Manang. Para sa akin, ganoon lang talaga siguro ang lasa kapag nagluluto ka na may halong pagmamahal.

Isa-isang nilinis ni Manang Gamay ang mga balang na kaniyang lulutuin. Tinanggal niya ang mga pakpak at inalis ang laman-loob ng mga ito at pagkatapos ay hinugasan sa tubig nang dalawang beses. Sunod niyang inihanda ang mga gagamiting rekado. Hiniwa niya ang bawang, sibuyas, sili, dahon ng sibuyas, at inilabas ang kung ano-ano pang mga pampalasang nakasilid sa mga maliliit na garapon na nakahilera sa kaniyang lalagyang kahon sa kusina. Masugid naming pinagmasdan ang bawat galaw ni Manang sa entabladong kaniyang pinagtatanghalan. Nakikita ko si Nanay sa kaniya.

Inilapag ni Manang ang malaking kawali sa nag-aapoy na kalan, at nilagyan niya ng mantika ang kawali.  Winisikan niya ng tubig ang mantika, at nang kumulo ay maingat niyang inihulog ang mga pampalasang sahog. Sunod niyang inihalo ang mga nalinisang balang. Tumitilamsik ang mantika. Binalot ng nakagugutom na amoy ang buong kusina. Nang maging mamula-mula na ang pinipritong balang ay sinandok ni Manang ang mga ito at inilagay sa isang malaking mangkok. Tandang-tanda ko pa ang mga mukha nina Norman at Taruk habang nakatitig sa inihain—nakanganga, naglalaway.

Matapos ang tanghalian, napagpasyahan naming tatlo na dalawin si Natoy. Sa niyugang bahagi malapit sa tirahan nina Natoy ay nadaanan namin ang malawak na damuhan kung saan madalas kaming naglalaro. Ang lupang noo’y nababalutan ng luntiang mga damo ay gutay-gutay na mga halaman na lamang ang makikita. Sa aming bawat hakbang ay siya namang lipad ng mga libo-libong balang na lumilipat ng madadapuan. Naabutan namin si Natoy sa bakuran ng bahay nila, namumulot ng mga tuyong sanga. Bagama’t nasa murang edad, bakas sa pangangatawan niya ang pagkahubog sa labis na mga gawaing bukid.

“Toy, kumusta ka na?” halos sabay naming tatlong bati kay Natoy. Mula sa pagkakaupo ay tumayo siya at inginuso ang malawak na taniman ng palay sa harap ng mga kabahayan. Sinundan ito ng aming mga tingin. Ang dating taniman na namumutiktik sa gintong butil ay nagmistulang dinaanan ng sigwa. Halos wala nang maiwan sa ekta-ektaryang palayan maliban sa gulagulanit nitong anyo at ang libo-libong salot na walang tigil na nilalantakan ang kung ano pang kaunti na lang na natitira sa mga pananim. Napagtanto naming kaya pala hindi nagpapakita si Natoy nang mga nagdaang araw ay dahil naging abala ito sa pagtulong sa kaniyang mga magulang at iba pang magsasaka na isalba ang kung ano pa ang puwedeng maisalba. Sinamahan namin siyang mamulot ng mga panggatong. Tahimik lang ang lahat.

Parehong sentimyento ang ipinahayag ng mga nakatatanda sa aming hapunan kinagabihan. Lubos na umaasa sa biyaya ng lupa ang lungsod ng Tacurong. Dito nakasalalay ang ikinabubuhay ng marami sa mga naninirahan sa lugar. “Dinadapuan na tayo ng salot kasi hindi nagsisimba ang mga tao rito,” sambit ni Lola habang inaabot kay Lolo ang lalagyan ng kanin. Malamang nasabi ito ni Lola sapagkat wala ni kahit kapilya ang nakatayo sa barangay. Kung sakaling gustong magsimba ng mga tagaroon, kailangan pa nilang pumunta sa kabilang barangay. “Hindi lang naman itong lugar natin ang sinalakay ng balang,” sagot ni Lolo na nakakunot ang noo. Halos lahat ng taniman sa Tacurong ay dinapuan ng peste. Bagama’t walang lupang sinasaka, nag-aalaga ng kalabaw si Lolo na pinaparentahan niya kapag panahon ng pag-aararo. Maliban dito, nag-aalaga din ang aming pamilya ng bibe na pinapaitlog at ginagawang balut. Madalas na sa taniman na katatapos lang pinag-anihan pinapakain ang mga bibe. Kapag walang pag-aning nagaganap, walang nakakain ang mga bibe. Wala ring itlog.

“Ipagdasal na lang natin na matapos na ito,” malumanay na sagot ni Nanay. “Baka may mensaheng nais ihatid ang Diyos. Biyaya ang turing dito ng iba.” Humahanga ako kung paano tinitingnan ni Nanay ang mga bagay at kung paano niya iyon iniuugnay sa kaniyang paniniwala. Madalas niyang ipaliwanag na may rason ang Diyos kung bakit nangyayari ang lahat, at kung ano man iyon, tanging Diyos lang din ang nakakaalam.

“Masarap din naman talagang kainin ang balang, Nay,” natutuwa kong dugtong habang iniisip ang tanghalian kanina. Sa likod ng isip ko, marahil paraan lang din iyon ni Nanay upang pagaanin ang pakiramdam ng bawat isa.

Malakas ang paniniwala ko na malapit sa puso ng Diyos ang mga ina. Naaalala ko noon ang kuwento ni Nanay mula sa Bibliya na ginamit ng Diyos ang pagsalakay ng mga balang bilang ikawalong salot upang ibigay ng paraon ng Ehipto ang kalayaang nararapat para sa mga Israelita. Nabanggit din niya na ang pagsalakay ng mga balang ay isa sa mga senyales ng mga Huling Araw at ng muling pagbabalik ni Panginoong Hesus. Marahil ito ang dahilan kung bakit ang pagdating ng mga balang ay iniuugnay ng karamihan sa pagkapoot ng Diyos o kaya’y tinitingnang isang signos na malapit na ang katapusan ng mundo.

Ang nakapagtataka, nabanggit ni Nanay na hindi lubusang masama ang presensiya ng mga balang ayon mismo sa Bibliya. Sa katunayan, nagsisilbi itong pagkain ng mga tagasunod ni Hesu-Kristo noong unang panahon kapag wala silang makain sa disyerto, gaya na lang ni Juan Bautista. Maging ang Diyos mismo ay nag-utos sa aklat ng Leviticus na ang lahat ng uri ng balang ay ibinigay niya at pinahihintulutang kainin ng sangkatauhan. Ayon sa mga napanood kong dokumentaryo, hanggang ngayon ay ginagawa ngang pagkain ang mga balang bilang bahagi ng iba’t ibang kultura ng mga tao sa daigdig. Nagsisilbing negosyo o hanapbuhay rin ito ng iilan. Napaisip tuloy ako kung ano ang gustong iparating ng Diyos sa nangyaring pagsalakay ng mga salot sa aming lugar. May nais ba siyang hingiin na kailangan naming palayain? Isa ba itong parusa? Isang malagim na paalala? O isang nakakubling biyaya?

Magdadapithapon na nang dumating ako sa bahay nina Lola. Hindi ko na napansin ang takbo ng oras sa biyahe. Gising akong dinalaw ng mga pangyayari sa nakalipas. Matapos ang maikling kwentuhan at pagbati, nabatid kong marami na ang nagbago sa mga nakalipas na taon. May sari-sariling pamilya na sina Taruk at Norman at parehong naninirahan sa karatig na bayan ng Isulan. Si Manang Gamay, na piniling hindi mag-asawa, ang natitirang kasama ni Lola sa bahay matapos pumanaw si Lolo ilang taon na ang nakakalipas.

Nang magtakipsilim, may bumati sa akin mula sa labas ng bakuran habang nakaupo ako sa balkonahe. “Tong,” tawag ng lalaki, “long time no see ah!” Hindi ko maaninag nang maayos ang kaniyang mukha. Tinitigan ko siyang mabuti, at napagtanto kong si Natoy pala ang ang tumatawag sa akin.

“Toy! Ikaw pala ’yan?” Abot-langit ang ngiting itinugon ko sa kaniya. Mula sa aking kinauupuan ay napansin ko ang plastik na lalagyang hawak niya. “Ano ’yang dala mo?”

“Tuba, Tong,” nakangising sagot ni Natoy. “Nilalako ko diyan sa mga tindahan. Uuwi muna ako sandali. Babalikan kita agad upang marami tayong mapag-usapan. Ako na ang bahala sa inumin.” Sa dating bahay pa rin nila nakatira si Natoy. Hindi pa ito nakakapag-asawa sapagkat abala itong tinutulungan ang kaniyang matandang ama sa pagsasaka.

“Sige, Toy,” sambit ko na may halong pananabik. “Tamang-tama, may dala akong pritong balang na puwede nating pampulutan.”

Halos magdamag kaming nagkuwentuhan ni Natoy sa balkonahe. Masaya naming sinariwa ang masasarap na luto ni Manang Gamay na kinakain namin noon, at ibinahagi niya ang mga nangyari kay Norman at Taruk. Ibinahagi rin niya na malapit na ang anihan ng palay. Sariwa pa rin sa kaniya ang masakit na alaalang dala ng pananalanta ng balang noong aming kabataan. Matapos ang pangyayari, mukhang noong gabi lang ulit namin ito napag-usapan. Tahimik lang akong nakinig.

Kuwento ni Natoy, tunay na nakakapanghina ang dulot ng salanta sa kanila na umaasa lamang sa biyayang bigay ng lupa. Higit pa rito, nakakapanghina raw ang hirap na kailangang gawin upang makabangon. Napatitig ako sa mga natirang piraso ng pritong balang sa ibabaw ng pinggan. Unang beses kong naulinigan si Natoy na ganito. Nasanay ako na naririnig lamang siyang nagkukuwento kung paano manghuli ng palaka sa may palayan. Kunsabagay, hindi sapat ang isang buwan lamang bawat taon na pagbisita ko noon sa Tacurong; maikli ang isang buwan upang lubusang maintindihan ang kanilang mga dinanas pagkatapos ng delubyo.

Nakuwento rin ni Natoy ang ginagawa nilang pagtitipon ng mga tuyong dayami sa apat na sulok ng taniman. Nakagawian na itong gawin ng mga magsasaka bilang paghahanda kung sakaling sumalakay ang mga balang. Ang usok na lilikhain nito kapag sinindihan ay magsisilbing panangga upang itaboy ang nagbabadyang pagdapo ng mga salot. Kung sakali mang hindi na maagapan ang pagsalakay, kinakailangan namang sunugin ang buong taniman upang siguruhing hindi makapangitlog ang mga balang na posible pang dumami at makapanira ng marami pang pananim. Hindi man niya direktang sabihin, bakas sa boses niya ang nakatagong dalangin—sa kabila ng paghahanda, sana’y hindi kailanman kailangang sindihan ang mga tuyong dayami.

Tiningnan ko si Natoy habang inaabot ang baso ng tuba alinsabay ng pagbanggit niya sa gagawing pag-aani sa mga susunod na araw. Sa ganitong mga panahon lamang sila nakakabawi sa pagod na iginugugol nila sa bukid. Nagliliwanag ang kaniyang mukha tuwing nababanggit niya ito, sa kabila ng pamumula ng kaniyang mga pisnging halatang nalalasing na sa inumin.

Magmamadaling-araw na kaming natapos sa dami ng mga kuwentong kailangan naming habulin at mga alaalang masarap balik-balikan. Halos tanghali na ako nagising kinabukasan. Kung hindi pa sa mga bulungang narinig ko sa labas ng bahay ay hindi ako babangon. Lumabas ako ng silid. Naabutan ko si Manang Gamay at Lola sa balkonahe na parehong nakatingala. Lumapit ako sa kanila na wala pa sa tamang ulirat. Ang mga tao sa kalapit na mga bahay ay nasa labas din at nagkukumpulan. Kinuskos ko ang aking mga mata at tumingala sa direksiyon na kanilang tinitingnan.

“Bakit madilim pa ang langit gayong magtatanghaling tapat na?” tanong ko sa aking sarili. Mula sa malayo ay natatanaw ko ang makapal na ulap. Pinagmasdan ko itong mabuti. Mabilis ang pagbabago ng hugis nito kasabay ng malakas na hanging umiihip mula sa likuran. Sa aking pagtitig, dahan-dahang nabuo sa aking hinuha na hindi ulap ang aking nakikita—dahil sa tunog ng pagaspas ng maliliit na pakpak at ang galaw ng kulay kalawang na hugis na tila sumasabay sa saliw ng orkestrang tinutugtog ng hangin.

Ibinaling ko ang aking paningin sa mga nagkukumpulang kapitbahay. Bakas ang pagkabahala sa kanilang mga galaw. Lumingon ako kina Lola at Manang Gamay. Nakasulat sa kanilang mga mukha ang labis na pag-aalala. Muli kong tiningnan ang madilim na langit. Umalingawngaw sa aking gising na diwa ang mga turan ni Nanay tungkol sa pagsalakay ng mga salot—ang nalalapit na pagbabalik ng Diyos at ang parusang dala ng kaniyang pagkapoot. Sa hindi mawaring dahilan, saglit ding nanumbalik sa aking isip ang amoy at lasa ng luto ni Manang Gamay, ang tunog ng kumukulong mantika, ang tilamsik ng ginigisang bawang, ang tawanan naming magkakaibigan habang naglalaro sa malawak na damuhan. Bumigat ang aking pakiramdam.

Pumasok ako ng bahay. Hinalukay ko ang mga gamit sa kusina at agad ding lumabas ng pinto. Sa bugso ng mga sandaling lumipas, tinakbo ko ang hilera ng mga punong niyog na ikinukubli ang malawak na bukirin. Bumungad sa aking balintataw si Natoy at ang mga kasamahan nitong mga magsasaka, nakatayo sa pilapil at tinitingala ang buhay na alapaap. Saglit siyang napalingon sa akin. Hawak-hawak ang kalawanging karit ni Lolo sa aking kanang kamay, ang lumang gasera sa kaliwa, sinulyapan ko ang nagdidilim na langit. Sinundan ng aking mga mata ang sayaw sa sigwa ng lumilipad na kawan, sa ibabaw ng ngayo’y nagliliyab at umuusok na mga pananim.

Naalala ko ang liwanag sa mukha ni Natoy, ang kaniyang tuwa at saya habang ikinukuwento ang nalalapit na anihan. At sa hindi namalayang sandali, dagling gumuhit ang malamlam na ngiti sa aking mukha.