Epidemya ng Lipunan

Ni John Efrael Igot
Maikling Kuwento
 

Hirap na hirap na sa buhay ang buong pamilya ni Ronald. Limang buwan na rin kasi siyang walang trabaho magmula nang dapuan siya ng sakit sa balat habang nagtatrabaho siya noon sa ibang bansa. Sabi pa ng mga doktor na napagkonsultahan niya, wala na raw itong lunas.

“Itay, may babayaran po kami sa PE namin,” sambit ni Angela, bunsong anak ni Ronald. “Bukas na po ang deadline.”

Napakamot ng batok si Ronald. Pilit niyang iniinda ang kati ng kaniyang buong katawan. “Hayaan mo, bukas, maghahanap ako ng trabaho sa may construction site.”

“Bakit? Maayos ka na ba?” sambit ni Lisa habang iniabot sa asawa ang isang tasa ng tsaang gawa sa halaman.

“Medyo,” tugon naman ni Ronald at kaagad na ininom ang tsaa. “Kailangan kong kumita para makatulong ako sa mga gastusin dito sa bahay.”

“Kunsabagay, kaunti na lang din ang nagpapalabada sa akin ngayon,” ani Lisa. “Nakabili na kasi ng washing machine ang iba nating kapitbahay.”

Kinabukasan, maaga pa lamang ay gising na si Ronald. Nagluto siya ng almusal at nagbihis, at ginising niya ang dalawang anak para makapaghanda sa eskuwela.

“Bakit ang aga mo ngayon, Tay?” tanong ng bagong gising na si Rodel, ang panganay.

“Inayos ko pa kasi ang biodata ko.” Kinamot ni Ronald ang kanang balakang. Nangangati na naman kasi ito.

“May tatanggap po ba sa inyo? Di ba may sakit po kayo sa balat?”

“Hindi ko sasabihin na may sakit ako sa balat. Wala namang mawawala kung susubukan ko.”

Makalipas ang ilang minuto, nagising na rin si Lisa, kaya nagpaalam na si Ronald. Umalis siyang nakangiti at masiglang kumaway sa kaniyang mag-ina. “Dadalhan ko kayo ng pasulubong mamaya pag-uwi ko,” sabi niya sa mga ito.

Nang marating ni Ronald ang construction site na aaplayan niya, nilapitan niya ang isang lalakeng nakasuot ng pulang polo na may mahabang manggas. Nakatayo at nagmamasid ito sa harapan ng mga trabahador. Nahinuha ni Ronald na ito ang amo nila.

“Magandang araw, sir!” pagbati ni Ronald. “Mag-a-aplay po sana ako rito.”

Tiningnan siya ng lalake mula paa hanggang ulo. Doon niya napagtantong hindi pala ito Pinoy. Singkit ang mga mata nito. “Maasahan ba kita?” sabi nito. “At saka Mr. Lim ang itawag mo sa akin.”

Iniabot ni Ronald ang dala-dalang papeles. “Opo, makakaasa po kayo sa akin, Mr. Lim.”

“O, sige.” Tinanggap ni Mr. Lim ang papeles. “Akin na muna ’to. Ibili mo muna ako ng pagkain do’n sa may kanto habang tinitingnan ko ito.”

Mabilis na sumunod si Ronald. Masaya niyang tinakbo ang tindahan sa may kanto. Hindi na siya nanghingi ng pera. Sagot niya na ito. May kaunti pa naman siyang pera kahit papaano.

Pagkatapos makabili, kaagad na bumalik si Ronald. Pumunta siya sa kinaroroonan ng mga trabahador at lumapit kay Mr. Lim. Doon niya napansing hindi pala Pinoy ang karamihang nandoon.

“Ronald, pasensiya na,” sabi ni Mr. Lim. “Hindi na kami tumatanggap ng bagong trabahador.” Ibinalik nito kay Ronald ang papeles, at itinuro nito ang bitbit niyang pagkain. “Akin na ’yan!”

Biglang nangati ang katawan ni Ronald, marahil dahil sa biglaang tensiyon na dulot ng mga nangyayari. Tumakbo siya palabas ng construction site. Ayaw niyang makita ng mga taong nandoon ang sakit niya sa balat. Hindi niya napansing bitbit niya pa rin pala ang pagkaing binili.

Kung gaano kabilis ang kaniyang pagtakbo palabas ay gano’n din kabilis ang pagputok ng isang baril. Bumagsak sa lupa si Ronald.

Nilapitan siya ni Mr. Lim. May hawak itong baril. “Sinasabi ko na nga bang hindi ka maaasahan, e.” Umiiling-iling ito.

“Tumawag kayo ng mga pulis. Sabihin ni’yong napasok tayo ng magnanakaw. Mga Pinoy talaga.” Ito ang mga huling salitang narinig ni Ronald bago tuluyang dumilim ang kaniyang paligid.

 

 

 

 

 

Advertisement