Iisa ang katotohanan, at kailangang halukayin ang mga kasinungalingan upang ito ay matagpuan. Ito ang karaniwang paniniwala. Ngunit sa ating kasalukuyan, ang katotohanan sa isang tao ay maaaring kasinungalingan sa iba. Maraming anyo ang katotohanan sa bawat pagkakataon, o nagbabago ang anyo nito sa pag-usad ng panahon. Maaaring ang lahat ng sangkot ay tama o walang tama. Maaaring ang katotohanan ay hindi batay sa katunayan kundi sa paniniwala. Tinatalakay, tinitimbang, at tinatanong ang katotohanan ng anim na akdang tampok sa isyung ito.
Nanalo ngayong taon sa 69th Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang akdang “Noon Akto-o Hén Fa Gali Em (May Katotohanan Pa Pala)” ni Adrian Pete Medina Pregonir. Ikatlong gantimpala ang nakamit ng akda sa kategoryang Kabataan Sanaysay, na bukas sa mga labinwalong taong gulang pababa at umiikot dapat sa temang “Sa panahon na laganap ang pagkalat ng maling impormasyon, paano mo matutulungan ang mga tao, lalo na ang kabataan, na hanapin ang katotohanan?” Sa sanaysay, ipinahayag ni Pregonir ang kaniyang panlulumo sa hayagang panloloko ng mga politiko at kanilang mga tagapagtanggol sa mga karaniwang tao, lalo na sa mga katutubo. Sa tema ng patimpalak at sa akda, ipinapalagay at isinusulong na hawak ng mga naaapi ang katotohanan at sinisikil ito ng mga kasinungalingang ikinakalat ng mga nasa kapangyarihan.
Sa “Nag-agi ang Agi,” isang sanaysay sa wikang Kinaray-a, isinalaysay ni Jerico L. Marcelino ang pangugutyang kaniyang naranasan sa kaniyang paaralan, pamayanan, at maging sariling pamilya dahil sa paningin ng ibang tao sa kaniyang kasarian. Iginigiit niya na mas kilala niya ang sarili at mas alam niya ang katotohanan. Isang magandang palaisipan ang kaniyang sinabi tungkol sa kung paano natin sinusukat ang pagkatao ng ating kapwa: “ang mga tao talaga isa lang ang masasabi sa ’yo—at ’yan ay kung ano lang ang nakikita nila sa ’yo.”
Sa “Buayahon,” isang sanaysay sa wikang Cebuano, ibinahagi ni Hannah Adtoon Leceña kung paano nakaapekto sa kaniyang tingin sa sarili ang paniniwala ng kaniyang mga kaanak at kakilala na may kaakibat siyang sumpa. Malabuwaya umano si Leceña ayon sa guhit ng kaniyang palad, at siya ang dahilan kung bakit namatay ang tatlo niyang nakababatang kapatid at laging nakukunan ang kaniyang ina. Hindi siya lubusang naniniwala na totoo ang sumpa, kaya hindi rin siya lubusang naniniwala sa mga ritwal na ginagawa sa kaniya upang maputol ang sumpa, at ito raw ang dahilan kung bakit hindi pa siya tuluyang nakakawala rito. Kapag parehong malakas ang hatak sa isang tao ng makabagong kaalaman at makalumang kaugalian, mahirap matukoy kung ano ang dapat paniwalaan.
Katotohanan tungkol sa sariling nararamdaman naman ang tinutuklas sa tulang “Antigong Salamin” ni PG Murillo. Hindi natatangi ang dalamhati ng isang tao, ngunit sa huli, sarili at sarili lang din ang tanging karamay: maaliwalas pa rin at hindi makikita/ na milyong lungkot na/ ang sa kaniya’y nakadungaw. Sino man ang dahilan ng o kasama sa pinagdadaanan, marahil sa pagharap sa sariling repleksiyon lang makakamit ang hinahangad, masasagot ang mga katanungan, o matatanggap ang kinasadlakan.
Sa maikling kuwentong “Isang Puta” ni Prince Vincent M. Tolorio, ipinapakitang muli ang dalawang mukha ng katotohanan—mula sa pananaw ng humuhusga at mula sa pananaw ng hinuhusgahan. Halos likas sa atin na ikahon sa ating isipan ang ibang tao ayon sa ating nakikita o kinalakihang pananaw, ngunit minsan, kaunting pagkahabag o pag-unawa lang ang ating kailangan upang makita natin ang kanilang kagandahan o kabutihan.
Sa maikling kuwentong “Manang Arsilinda,” muling ibinunyag ni Adrian Pete Pregonir ang mga panlolokong nangyayari sa ating lipunan at paano nagdudusa ang mga mahihirap, na siyang kadalasang biktima. Batay ang kuwento sa malawakang investment schemes na luminlang sa libo-libong tao sa rehiyon kumakailan. Nang ipinasara ng gobyerno ang mga kompanya, tinatayang mahigit dalawang bilyong piso ang nakulimbat sa General Santos City pa lang. Maraming buhay ang tumigil, at maraming pangarap ang nawasak. Isang siksik na bersyon ng nangyaring kaguluhan ang kuwento. Hanggang ngayon, marami pa ring naniniwala na totoo ang malalangit na pangako ng Kapa at mga kahalintulad na kompanya, at umaasang maibabalik ang mga puhunan nila.
Laging mananatiling palaisipan ang katotohanan, at batay sa nangyayari sa ating bansa ngayon, madalas pinagbabalat-kayong katotohanan ang mga kasinungalingan, at nilalamon naman nang buong-buo ang mga ito ng maraming Pilipino. Sa mga diskusyon, lalo na sa social media, walang kakulangan sa mga pag-uutos at pagpapaalala na maging mapanuri sa mga nababasa, ngunit halos walang nagbibigay daan sa mga naggigiriang pangkat at hindi natitibag ang pader sa kanilang pagitan. Dito marahil maaaring pumasok ang panitikan. Hayaan nating ipaalala sa atin ng mga kuwento, sanaysay, tula, at iba pa na halos wala tayong pinagkaiba sa isa’t isa. Hindi man natin makita, mahawakan, o mapanghawakan ang katotohanan, maaari natin itong madama.
Jude Ortega
Isulan, Sultan Kudarat