Bihag

Ni Norsalim S. Haron
Maikling Kuwento

Buhay ba ang kapalit ng mga luha ko? Ito ang katanungan sa aking isipan habang nasa bingit ng kamatayan.

Sakay ako ng rumaragasang Bajaj, napapagitnaan ng dalawang di kilalang lalaki, patungo sa posible kong katapusan. Sa gano’ng kalagayan ay naglakbay ang aking isipan sa nakaraan.

Isang larawan ang aking nakita: Naghahalikan.

Nagsimula ang lahat sa isang mapusok na halik. Nakipagkita ako sa aking ka-chat sa unang pagkakataon, at noong araw mismo, tinukso ako ng demonyong bumulong sa aking tenga. Halikan ko raw ang aking ka-chat. Sumunod naman ang aking katawan. Pikit-mata, inilapit ko nang dahan-dahan ang aking labi at idinampi sa kaniyang labi. Naramdaman ko ang init ng kaniyang hininga, at  ninamnam naming pareho ang tamis ng aming unang halik.

Nalikha ang aming pagsinta. Subalit di nagtagal ay naghiwalay din kami dahil humadlang ang aking ina. Marami siyang ibinigay na paliwanag, na pawang hindi malinaw, ngunit sinunod ko ang kaniyang kagustuhan.

Makalipas ang dalawang buwan, nakatanggap ako ng text mula sa dati kong kasintahan. Nais niyang magkita kami bago siya umalis papuntang Manila. Nag-a-apply raw siya bilang kasambahay sa Saudi. Binanggit din niya na may isang anghel na bumibisita sa kaniyang panaginip, at ang sanggol na iyon ay bunga ng aming pagmamahalan na palihim niyang pinagkaitang huminga. Noong oras na iyon mismo ay pinuntahan ko siya sa Cotabato Plaza.

Habang naglalakad at nag-uusap kami sa tabi ng highway, napansin kong tila meron siyang hinahanap na hindi niya mahagilap. Nauna ako sa kaniya nang mga dalawang hakbang, at nang lingunin ko siya, nagulat na lamang ako nang may lalaking naka-jacket na itim at nakasuot ng helmet ang umakbay sa akin at pasimple akong sinakal ng kaniyang braso. Naramdaman ko ring may kung anong matulis na bagay siyang inuumang sa aking tagiliran, at bumulong siya na huwag daw akong maingay kung gusto ko pang mabuhay.

Hindi ko kailanman naisip na ang madalas kong mapanood sa mga pelikulang aksyon ay mararanasan ko sa totoong buhay—ang makidnap.

Sapilitan niya akong pinasakay sa isang motorsiklo, sa likuran ng drayber na nakasuot din ng jacket at helmet. Umupo siya sa aking likuran, at agad humarurot ang motorsiklo. Tantiya ko’y walumpung kilometro kada oras ang bilis ng takbo nito, papunta sa landas ng kapahamakan.

Tinitigan ko nang mabuti ang bawat kantong nadaraanan namin, wari ba’y kinukunan ko ng litrato. Pinilit kong isaulo ang daan, nagpabaling-baling upang makahanap ng palatandaan kung nasaan na kami. Ngunit walang katangi-tangi sa mga tindahan at bahay na nadaanan namin. Napayuko na lang ako, sumuko sa laban.

Bakit ba humantong ang lahat sa ganito? Akala ko ba tadhana na ang bahala sa aming dalawa, pero bakit pati si Kamatayan nakikialam pa? Bakit? Napakaraming tanong sa aking isipan.

Narating namin ang isang lumang bahay sa tabi ng ilog, malapit sa tulay. Hinila ako ng dalawang lalaki papasok ng bahay. Paghakbang ko sa pintuan, labis akong nagtaka dahil masayang mukha ng may edad na mag-asawa ang sumalubong sa akin.

Kinuha ng dalawang lalaking dumukot sa akin ang mga gamit ko—cellphone, pitaka, pati mga barya. Dinala nila ako sa ikalawang palapag, at nakita ko roon ang aking dating kasintahan, nakaupo sa sahig, tila naghihintay sa aking pagdating. Hindi siya makatingin sa akin nang diretso. Hindi ko alam kung nahihiya ba siya o natatakot. Nawala ang takot ko dahil nandoon siya at mukhang alam niya ang nangyayari. Napagtanto kong mga magulang niya ang mag-asawang nasa ibaba.

Pagkatapos naming maghapunan, kinausap ako ng ina ng dati kong kasintahan. Napansin ko sa lalim ng kaniyang ngiti na parang kilala na niya ako kahit iyon pa lang ang una naming paghaharap, at sinabi nga niya na magpinsan sila ng aking ina. Kaya pala, naisip ko. Sumagi rin sa isip ko ang labis na pagtutol ni ina noon sa pag-iibigan namin ng mahal ko. Ito marahil ang dahilan. Magkamag-anak kami.

Sa loob ng anim na araw ay naging bihag ako, nagmistulang isang ibong nasa loob ng hawlang ako mismo ang gumawa.

Madalas akong nakatayo sa may bintana, nagmamasid sa kapaligiran at naghahanap ng paraan upang makatakas. Pinanonood ko ang luntiang palayan na sumasayaw sa himig ng kalikasan. Umaawit ang mga palaka, nagsasagawa ng isang ritwal upang umulan, at kahit walang ulap sa langit ay pumapatak ang ulan mula sa aking mga mata.

Lumapit sa akin ang ama ng dati kong kasintahan at inabot sa akin ang isang cellphone. Ang sabi niya, tawagan ko raw ang aking mga magulang at sabihing inuwian ko ang kaniyang anak, kaya sa lalong madaling panahon ay kailangan naming makawing. Hindi naman ako makatanggi dahil hawak nila ang aking buhay.

Maayos naman ang pagtrato sa akin ng pamilya, ngunit napansin kong kakatwa ang kanilang pagkain. May lasang hinahanap ng dila ko, at sa pag-oobserba ko sa kanilang kusina, napagtanto kong hindi sila gumagamit ng bawang, ngunit hindi ko sila tinanong bakit.

Nang dumating ang Sabado ng gabi, bago kami natulog ay nag-usap kami ng aking mapapangasawa kung ano ang gagawin pagkatapos ng kawing. Ang dami niyang gustong gawin. Ganito, ganiyan, tapos doon, dito, at kung ano-ano pa. Samantalang ako, nakatitig lang sa kaniya. Hindi ko alam, pero kapag gabi, lalong lumiliwanag ang ganda niya. Hindi naman siya gaanong maputi, pero kapag niyayakap siya ng dilim ay parang nagliliwanag ang balat niya. Pakiramdam ko tuloy ay isang diwata ang aking kaharap. Ibang-iba siya sa umaga, lalo na sa tanghali—mukha siyang manang.

Kabilugan ng buwan nang gabing iyon, malamig ang haplos ng hangin. Nasa kalagitnaan ako ng panaginip nang bigla na lamang makarinig ng sigaw mula sa ibaba ng bahay. Agad kong pinuntahan ang ingay, at natulala ako sa aking nasaksihan. Mistula akong nanonood ng telebisyon. Nakita ko ang mapapangasawa ko na nakahiga, tirik ang mata, magulo ang buhok, umuungol, nagwawala, sumisigaw nang malakas, at ibig kumawala sa pagkahawak ng kaniyang mga kapamilya na para bang gusto niyang lumipad.

Tila sinasapian siya ng kung anong masamang espiritu o diyablo. Pabaling-baling siya sa mga dingding at bintana, waring naghahanap ng madadaanan. Hindi naman magkamayaw ang kaniyang ina sa pagdikdik ng bawang at saka hinalo ito sa asin at sinaboy sa kaniyang katawan. Kapag natatamaan ang kaniyang balat, agad itong namamaga na para bang napaso. Lalong lumakas ang sigaw niya, na para siyang hinahagupit.

Hinawakan ng kaniyang ama ang kaniyang ulo at pilit binugahan ng hininga sa ilong. Bigla siyang tumigil sa pagwawala. Niluwagan nila ang pagkakahawak sa kaniya. Nahiga siya sa sahig nang nakadipa.

Ngunit bigla siyang bumangon at tumakbo patungo sa pintuan. Hinawakan agad ng kaniyang ama ang kaniyang beywang upang di makawala, at tuluyan nila siyang iginapos gamit ang isang lubid. Inihiga siya nila sa sahig at muling hinipan sa ilong.

Tulala pa rin ako sa nangyayari. Ibig kong humingi ng saklolo. Nakasindi pa ang ilaw ng mga kapitbahay, at naaaninag ko ang kanilang mga anino. Ngunit ang nakapagtataka, kahit tagos sa dingding ang sigaw ng mapapangasawa ko, tila wala silang naririnig. Walang ibig sumaklolo, o baka hindi na kakaiba sa kanila ang nangyayari.

Lumipas ang gabing iyon na maraming tanong sa aking utak.

Kinaumagahan, nagtanong ako sa lalaking magiging biyenan ko tungkol sa nangyari. Ang sabi niya, normal lang daw iyon. Gano’n lang daw talaga kapag may naaamoy siya at ang kaniyang mga anak na bagong dugo. Nalunok ko ang aking dila sa aking narinig.

Alam ko na ang totoong dahilan bakit labis ang pagtutol ni Ina sa pag-iibigan namin ng aking kasintahan. Hindi ito dahil magpinsan sila ng ina nito. Ito ay dahil kilala niya ang ama nito. Ayaw ni Inang makapag-asawa ako ng may lahing m’ning.

Linggo ng hapon nang dumating ang aking pamilya kasama ang isang ustadz. Nagdala sila ng maraming pagkain at isang titulo ng lupa, ang magiging mahr namin. Gusto nilang maganap ang kawing sa araw na iyon mismo upang makabalik na ako sa amin. Isang linggo na kasi akong absent at baka ma-drop na ako sa unibersidad na aking pinag-aaralan.

Subalit tumutol ang ama ng aking mapapangasawa. Ang nais niya ay pitong araw pa simula sa araw na iyo gaganapin ang kawing. Tingin ko ay dahil ayaw nitong palabasin sa kuwarto ang anak, na puno pa rin ng mga sugat at pasa dahil sa nangyari nang nakaraang gabi. Ayaw nitong magtanong ang aking pamilya at tuluyang makompirma ang matagal nang hinala ng mga tao tungkol sa kanila.

Isinama ako ng aking pamilya pauwi sa amin, ngunit hindi na kami bumalik. Hindi nagkasundo ang aking pamilya at ang pamilya ng aking mapapangasawa. Walang naganap na kawing.

Mula noon, kinatatakutan ko ang gabi.

Advertisements