Ang Pagkatuyo ng Lupa at Puso

Ni Mubarak Tahir
Maikling Kuwento

Unti-unti kong pinagmasdan ang sakahan. Nalungkot ako sa aking nakita. Sa kabila no’n ay nagpatuloy ako sa pagtalunton ng pilapil ng sakahan ni A’mâ habang hila-hila ko ang tali ng aming kalabaw na si Masbod. Nang mapadaan ako sa isang batis, napansin kong unti-unti nang nabibiyak ang tuyong putik nito. Ang mga damo, kangkong, at iba pang pananim ay unti-unti na ring nalalanta. Napailing ako at napabuntonghininga. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang narating ko ang isang malaking puno na unti-unti na ring nalalagas ang mga dahon. Sa lilim ng puno ay iniwan ko si Masbod na paikot-ikot na naghahanap ng mga damong makakain niya. Bahagya kong niluwangan at hinabaan ang tali niya nang marating niya ang ilang damo na papalanta na rin.

Iniwan ko si Masbod at tinungo ko ang sakahan ni A’mâ. Ang dating malaginto at luntiang palayan ay napalitan ng tuyong lupain. Wala na rin ang mga lawin sa sakahan upang manghuli ng mga dagambukid. Ang mga susô sa gilid ng pilapil ay pawang bahay na lamang ang makikita. Nang marating ko ang bakanteng sakahan, pinagmasdan ko ito. Napaupo ako sa tuyong pilapil. Napatingala ako at napaluha na lamang. Bumigat ang aking pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. Naalala ko si A’ma.

* * *

Allahu akbar, Allahu akbar!

Isang malakas na boses ang gumising sa akin. Tinig iyon ni A’ma na hudyat para magsambayang sa umaga. Inaantok at mabigat man ang buong katawan, pinilit kong bumangon, kung hindi ay isang tábô ng malamig na tubig ang tatanggapin ko mula kay A’ma. Umupo muna ako.

Alhamdulillahi ahyana ba’da ma amatana wa ilayhin nushur, bulong ko sa sarili, isang pasasalamat sa Allah para sa panibagong umaga.

Dahan-dahan kong itinali sa beywang ko ang inaul na malong upang hindi mabasa sa pag-aabdas. Gamit ang lumang bao ng niyog, sinalok ko ang tubig na mula sa lumang banga. Nang ilublob ko ang kanang kamay ko sa bao ay naramdaman ko ang lamig ng tubig. Bigla akong nahimasmasan sa pagkakaantok. Pagkatapos kong hugasan ang dalawa kong kamay ay kumuha ako ulit ng tubig. Nilanghap ko ang amoy ng tubig. Amoy malinis at preskong tubig ng balon. Nagmumog ako nang tatlong beses. Panghuli kong hinugasan ang dalawa kong paa. Nang makabalik ako sa kama kong gawa sa kawayan ay agad kong hinanap ang sajadah upang magsambayang ng sub’h.

Mababanaag na ang sikat ng araw. Dumungaw ako sa bintana, at bumungad sa akin ang silahis ng araw. Napatingala ako habang nakapikit. Marahang huminga. Pumasok sa ilong ko patungong lalamunan ang malamig na simoy ng hangin kasama ng mabangong simoy ng gintong palay na nagmumula sa sakahan.

Wata mama, ikëta ka i kabaw a, paalala ni A’ma na noo’y naglilinis ng kaniyang mga kagamitan sa pagsasaka gaya ng araro.

Uway, sagot ko.

Pumanaog ako, at pagbaba ko ay napuno ng amoy ng sibuyas at bawang na ginigisa sa lanâ a tidtô ang buong bahay. Hinanap ko si I’nâ. Abala siya sa pagsi-sinakô ng malamig na kanin.

I’nâ, masu masarap ang niluluto mo, paglalambing ko.

Napangiti si I’nâ.

Pamagayas ka den san, Wata. Sundin mo na ang utos ni A’mâ mo, ani I’nâ. Makadtanay, pag-uwi mo handa na ang tilagaran natin, dugtong pa niya.

Nagmadali akong lumabas upang dalhin sa bakanteng sakahan si Masbod upang makapanginain ito sa mayayabong na damo. Sumakay ako kay Masbod na hawak-hawak ang kaniyang tali.

Hing! Hing! Pamagayas ka, sabi ko habang ikinikiskis ko ang mga paa sa tagiliran ni Masbod upang magmadali ito. Dali na, Masbod! Uuwi pa ako para mag-almusal.

Gustuhin ko mang latiguhin si Masbod dahil sa inis sa kaniya, mas pinili kong pabayaan ito habang sumasabsab ito ng masasaganang damo sa gilid ng daan.

Nang maitali ko na ang tali ni Masbod sa isang puno, kumaripas ako ng takbo pauwi. Ilang metro na lamang ay mararating ko na ang aming bahay. Mas lalo akong nagmadali nang maamoy ko ang pinipritong tamban ni I’nâ. Halos matisod ako sa pilapil.

N’ya ako den! nakangisi kong bungad kina I’nâ at A’mâ.

Hindi pa man ako nakakaupo ay bigla akong sinita ni A’mâ. Nginan, Wata? Hindi ka ba marunong magsalam kapag papasok sa walay?

Napalunok na lamang ako at tinabihan si A’mâ. A’mâ, gusto mo gawan kita ng kape a netib? paglalambing ko sa kaniya.

Napansin kong nakatingin sa akin si I’nâ at nakangiti. Alam na alam niya kung papaano ko hulihin ang kiliti ni A’mâ.

Uway, ’wag masyadong matamis a, sagot ni A’mâ. Mas masarap pa rin ang kape a netib na medyo mapait.

Sa isang tasa na yari sa lata ay ibinuhos ko ang mainit na tubig na nasa takure na nasa abuhan. Sa isang lumang garapon, kumuha ako ng isang kutsara ng netib na kape. Nilagyan ko rin ng kalahating kutsara ng pulang asukal at saka hinalo. Binalot ng bango ng kape ang buong banggerahan. Ganito ang tamang pagtitimpla ng kape ni A’mâ. Mangiti-ngiti kong inihatid at inilagay sa kaniyang harap ang umuusok na kape. Nakita kong ngumiti siya nang masamyo ang bango ng kape. Sa wakas, napasaya ko siya sa pinakasimpleng paraan.

Nang matapos mag-almusal, kinuha ni A’mâ ang kaniyang lumang salakot na nakasabit sa dingding ng bahay. Naghanda siya upang tingnan ang kaniyang sakahan. Nalalapit na rin ang anihan.

Wata, ihanda mo ang kubong at ’yong inihanda ni I’nâ mo na nilëpët na babaon natin, utos ni A’mâ habang nirorolyo niya ang kaniyang tabako.

Mabilis kong hinanap ang kubòng. Inilagay ko na rin sa lumang supot ang nilëpët na gawa ni I’nâ.

Dinaanan namin ni A’mâ si Masbod na nagtatampisaw sa batis. Sumakay kaming dalawa kay Masbod patungong sakahan.

Wata, kapët ka, sabi ni A’mâ nang may pag-aalala.

Mahigpit akong kumapit sa beywang ni A’mâ. Nakaramdam ako ng kapanatagan at kaligtasan. Napangiti ako. Minsan pa’y inilapat ko ang aking mukha sa likod niya. Naamoy ko ang katandaan niya. Hindi amoy ng pawis kundi amoy ng sakripisyo at pagsisikap. Pagsasaka na ang kinamulatang trabaho ni A’mâ. Ito rin ang ikinabubuhay namin. Parang gulong ang pagsasaka—minsan masagana at kung minsan naman ay hindi sinisuwerte. Gayon pa man, nagpapatuloy si A’mâ. Hindi siya nagpadaig sa hamon ng buhay ng magsasaka gaya ng mga sakuna dulot ng bagyo. Kaya ganoon na lamang ang hanga ko sa kaniya.

Narating namin ang sakahan. Nadatnan din namin si Bapa Dima na nagbubungkal ng pilapil upang dumaloy ang tubig patungo sa kabilang palayan na dahan-dahan nang nawawalan ng tubig.

Kanakan den pala ang wata mo Kagi Tasil, ani ni Bapa Dima kay A’mâ.

Benal ba nagbibinata na, kaya sinasanay ko na sa mga gawain dito sa sakahan. Mabilis ang panahon ngayon. Di natin alam kung kailan natin iiwan ’tong sinasaka natin, paliwanag ni A’mâ habang nakatanaw sa kaniyang malawak na sakahan.

Nang marinig ko ang mga sinabi niya ay nakaramdam ako ng pagkalungkot sa mga oras na iyon. Hindi ko maipaliwanag, ngunit biglang sumikip ang dibdib ko. Gusto kong hawakan nang mahigpit ang mga kamay ni A’mâ.

Damangiyas ka mambu, Kagi. Huwag ka nga magbiro ng ganiyan. Syempre matagal pa ’yon, sa lakas mong ’yan, nakangiting sabi ni Bapa Dima.

Sa mga sinabi ni Bapa Dima ay nagkaroon ako ng lakas ng loob kahit papaano. Sa kabila noon ay hindi ko maiwasang hindi itago sa isipan ko ang mga binitawang salita ni A’mâ.

Iniwan namin si Bapa Dima sa kaniyang gawain. Pinuntahan at inikot namin ni A’mâ ang kaniyang sinasakang palayan. Tila inilatag na ginto ang mga butil ng palay. Ilang araw na lamang marahil ay aanihin na ito. Hinahawakan at pinagmamasdan ni A’mâ ang mga butil na aming nadaraanan. Napapangiti siya dahil masagana ang kaniyang sinasaka, hindi tulad noong nagdaang taon na hindi umabot sa tatlong sako ng palay ang kaniyang naaani dahil sa matinding insekto na sumalanta sa palayan.

Nagulat ako nang bigla akong akbayan ni A’mâ. Wata, tadëmi ka. Kahit anong yaman mo sa mundo, kung hindi ka kusang magsisikap ay mawawalan ito ng saysay. Kaya ikaw, habang bata ka pa, magsimula ka nang abutin ang mga pangarap mo. Pahalagahan mo ang bawat oras dahil ang bawat segundo, kapag dumaan, hindi mo na ito maibabalik pa, malumanay na sabi ni A’mâ habang nakatanaw sa malayo. Maliban sa pagsasaka, gusto kong makapagtapos ka ng pag-aaral mo. Mas magiging masaya kami ni I’nâ mo kung may makikita kaming nakasabit na diploma at hindi lamang mga salakot sa dingding ng bahay natin, dugtong pa niya habang nakatingin sa akin nang nakangiti.

Hindi ko alam kung papaano ko sasagutin si A’mâ. Nawalan ng lakas ang aking dila upang sabihin kung ano ang nararamdaman ko habang binibitawan niya ang mga salitang ’yon. Napakabigat. Napaiwas ako ng tingin. Huminga nang malalim at pilit na itinago sa kaniya ang pagpatak ng aking mga luha. Ayaw kong makita niya kung gaano ako kahina. Gusto kong malaman niya na nagiging matatag at malakas lamang ako kapag nandiyan siya. Inalis niya ang pagkakalapat ng kaniyang kamay sa aking balikat. Agad ko itong sinalo at mahigpit na hinawakan. Ayaw kong bumitaw sa mga kamay niya. Ilang saglit pa ay bumitaw siya sa aking mga kamay at humakbang. Hindi ko alam, ngunit nakaramdam ako ng pangungulila sa kaniya habang pinagmamasdan siyang humahakbang palayo sa akin.

* * *

Pauwi na ako. Katatapos lamang ng aking klase. Bago pa man tuluyang magdapit-hapon ay sinisikap kong makadaan sa sakahan upang tingnan ang kalagayan ng palayan ni A’mâ. Maayos naman ang palayan, kaya agad din akong umalis. Sakay ng biniling bisikleta ni A’ma, mabilis akong pumadyak lalo’t natatanaw ko na ang aming bahay, na tanging liwanag lamang ng lampara ang bumubuhay.

Habang nasa harap ako ng hagdan, bigla akong napatingala. Nakarinig ako ng mahihinang pag-iyak. Napansin ko rin ang iilang tsinelas na nasa kinatatayuan ko. Umakyat ako. Bumungad sa akin ang isang puting tela na dahan-dahang ginugupit nina Babo Taya at Babo Samira. Nakaramdam ako ng kabang hindi maipaliwanag. Sa isang silid ay nakita ko sina Bapa Dima at ilan pang tao. Hindi malinaw sa akin kung bakit wala silang imik at nakatalikod silang lahat.

Assalamu alaykom! Babo, ano’ng nangyari? tanong ko.

Napalingon sina Babo Taya, at nagkatitigan sila ng kaniyang kasama. Hindi sila makakibo. Tanging malungkot na mga titig ang kanilang tugon sa akin. Pumasok ako sa silid. Nakita ko sa isang sulok si I’nâ, humahagulgol nang patago. Agad ko siyang nilapitan at hinawakan ang magkabilang balikat. Naramdaman ko ang bigat. I’nâ? Nginan? Ano’ng nangyari?

Isang mahigpit na yakap ang itinugon ni I’nâ sa akin habang humagulgol siya. Hindi ko maintindihan ang lahat ng nangyayari. Naguluhan ako.

Minunot dën sa limo no Allah si A’mâ nëngka, mahinang sabi ni I’nâ. Kaninang tanghali, pagkatapos niyang magsambayang ng dhuh’r, bigla siyang inatake ng hayblad habang nananabako, dagdag ni I’nâ na hirap na rin sa paghinga.

Hindi ako nakapagsalita. Nanghina ako sa narinig ko. Agad kong pinuntahan ang nahihimlay na bangkay ni A’mâ. Pinagmasdan ko ang kaniyang mukha. Ngayon ko lang nakita ang maaliwalas at masaya niyang mukha. Napahagulgol na lamang ako habang yakap-yakap siya. Gusto kong sumigaw upang mailabas ang sakit na nararamdaman ko, ngunit hindi ko magawa dahil isa itong kasalanan sa Allah, kaya nauunawaan ko kung bakit walang imik ang lahat sa loob ng bahay.

Nang mapaliguan si A’mâ, muli ko siyang hinagkan at niyakap sa huling pagkakataon. Nang balutin na siya ng puting tela ay wala akong nagawa kundi maupo sa tarangkahan at di namamalayan ang pagdaloy ng aking mga luha. Dumating na ang araw na kinatatakutan ko. Ganitong-ganito ang naramdaman ko nang bitawan ni A’mâ ang aking kamay habang humahakbang siya papalayo sa akin sa sakahan. Wala na si A’mâ na nagpapalakas sa akin.

* * *

Ilang araw na lamang ay anihan na sa aming lugar. Halos lahat ay naghahanda na ng kani-kanilang kagamitan sa pag-aani. Si Bapa Dima ay nagpakanduli pa para sa masaganang ani bilang pasasalamat isang araw bago ang anihan. Hindi namin magawa ni I’nâ na magsaya sa mga panahong yaon lalo’t hindi pa umaabot ang ikaapatnapu’t araw ng pagkamatay ni A’mâ. Ngunit sinikap ko pa rin paghandaan ang pagdating ng araw ng anihan.

Madilim pa man ay nakarinig na ako ng pagragasa ng mga karosa at yapak ng mga kalabaw. Maagang pumunta sa kani-kanilang sakahan ang mga magsasaka. Kaya bumangon na lang din ako upang makapagsambayang at makapaghanda. Nang papunta ako sa banggerahan upang mag-abdas, nakita ko si I’nâ na naghahanda ng tilagaran. Hindi na siya kasinsigla noong nabubuhay pa si A’mâ. Mula nang mawala si A’mâ ay wala nang lamang kape na netib ang garapon namin. Hindi na rin siya naghahanda ng linëpët. Maraming nagbago nang maiwan kami.

Kinuha ko ang salakot na dating si A’mâ ang gumagamit. Isinakay ko na rin kay Masbod ang kagamitan sa pag-aani. Nang paalis na ako sa bahay, napansin kong may paparating sa may di kalayuan. Tumatakbo. Nang malapit na ay bumungad si Bapa Dima sa akin na hinihingal. Kamar! Kamar! Nasayang lahat, sabi nito na halos mapaluhod.

Bapa? Ano’ng ibig ni’yong sabihin? tanong ko sa kaniya.

Inatake ng mga insekto ang palayan natin! Halos wala nang natira para anihin, sagot niya.

Mabilis kong nilatigo ng tali si Masbod, at kumaripas ito ng takbo. Hindi ako makapaniwala sa ibinalita sa akin ni Bapa Dima. Habang mabilis na tumatakbo si Masbod ay naisip ko si A’mâ.

Di mapakay! Hindi maaaring masira lamang ang huling pananim ni A’mâ, bulong ko sa sarili.

Narating ko ang palayan. Nababalot ng pagkadismaya at lungkot ang kapaligiran ng mga magsasaka. Amoy na amoy ko rin ang mga insektong nanalasa sa palayan. Pinuntahan ko ang palayan ni A’mâ. Ang mga gintong butil ng palay ay nabalot ng maiitim na insekto. Naninilaw na rin ang mga berdeng dahon ng mga palay. Napaluhod na lamang ako sa aking nakita.

Ampon, A’mâ ko! Hindi ko naisalba ang inyong palayan, tanging nasabi ko habang pinagmasdan ang buong palayan.

Bago pa man magtanghali ay nagsiuwiang dismayado ang halos lahat ng magsasaka maliban kay Bapa Dima na nakatulalang nakaharap sa kaniyang palayan na maluha-luha. Bumaba ako sa pagkakasakay kay Masbod.

Matagal-tagal na naman bago tayo makakabangon nito, malungkot niyang sabi. Hindi na ’to bago sa amin. Sabi nga ni Kagi Tasil, pagsubok lamang ito sa ating mga magsasaka. Ang susuko sa hamon ay laging talo. Ang kaibahan lamang ngayon ay wala na akong karamay sa mga ganitong panahon.

Nilapitan ko si Bapa Dima. Hinawakan ko ang kaniyang balikat.

Bapa, simula ngayon ako na ang makakaramay ninyo dito sa sakahan. Ipagpapatuloy ko ang nasimulan ni A’ma habang nag-aaral, malakas na loob kong sabi kay Bapa Dima.

* * *

Bumalik lamang ang ulirat ko nang makaramdam ako ng pagpatak ng tubig sa tuyo kong balat. Napatingala ako. Isa-isang pumapatak ang ulan.

Masbod! Masbod! Bagulan! Bagulan, Masbod! masaya kong sigaw habang tumatakbo patungo kay Masbod.

Labis-labis ang saya ko sa araw na iyon. Matagal na rin naming hinihintay ang pagbagsak ng malakas na ulan sa aming sakahan. Ang mga tuyong lupain at pananim ay muling makakatikim ng tubig. Magkakaroon na rin kaming mga magsasaka ng bagong pagkakataon upang magsimulang magtanim. Ang naghihingalong mga sakahan ay muling mabubuhay, tulad ng mga puso naming tuyo na dahan-dahang mababasa ng paghilom.

Advertisement