Haram

Ni Doren John Bernasol
Dula

Tauhan

OMAR 1 – Omar sa entablado. Ang Omar isang taon na ang nakaraan. May katamtamang taas, makisig ang postura, nakasalamin, at may balabal sa leeg. May kasungitan, malalim ang boses, at may hinhin ang kilos.

OMAR 2 – Omar sa restawran. Ang kasalukuyang Omar. Nakasalamin pa rin at may balabal sa leeg. May maliit na pilat sa kaliwang pisngi, nagkabalbas nang kaunti pagkalipas ng isang taon. Mahinahon ang dating pero bigay todo kung tumula.

MACMAC – Mahusay na aktor na matalik na kaibigan ni Omar. Masayahing tao. May pagtingin kay Jane.

JANE – Isa ring baguhang artista na nakatuluyan ni Macmac. Naging malapit sa dalawang magkaibigan. Mahinhing dalaga.

SOL – Sekretarya ni Omar. May pagtingin sa direktor at medyo maharot ang kilos kapag kasama si Omar.

Tagpuan

Restawran – Dito kasalukuyang nagpe-perform ng spoken poetry si Omar

Entabladong panteatro – Pinapasukan ng tatlong tauhan bilang manunulat at mga artista

Blangkong silid – Ganapan ng monologo

Hiwalay sa entabladong may tabing ang isang maliit na entabladong may mikropono. Ito ang restawrang tanghalan ng spoken poetry. Ang tagapanood ay tila mga tao sa loob ng restawran na naghihintay ng pagtatanghal. Tahimik at madilim ang silid. Sarado ang tabing. Aakyat si Omar 2 sa de-mikroponong entablado. Tututukan siya ng medyo maparam na ilaw, at ite-test niya ang mikropono.

OMAR 2: Magtatalumpati ho ako’t hindi tutula. (Ngingiti.) Di tulad ng dati, di tulad noon. Magtatalumpati ako kahit na alam kong giliw na giliw ka sa mga taludtod na hinango mula pa rito. (Ilalagay ang kamay sa dibdib.) Pero lahat ay wala na. Ayaw ko nang tumula. Ayaw ko nang lumuha. Ayaw ko nang maniwala. (Yuyuko.)

Paglalahuan ng ilaw si Omar 2.

Bubukas ang tabing sa mas malawak na entablado, kung saan nagsasanay si Omar 1 at Macmac para sa isang dulang itatanghal. May hawak na iskrip si Omar 1 at tinuturuan si Macmac kung paano ito iarte.

MACMAC: Kailan ba makakamtan ang pangako mong payapang bayan, Jose?

OMAR 1: Konting emosyon pa, ’tol. (Aakbayan si Macmac.) Siguro pagod lang ’yan. Inaantok ka ba? (Sisigaw sa mga staff) Water break muna!

Aabutan ng tubig ang dalawa. Tatalakayin nila ang tungkol sa audition ng kukuning leading lady ni Macmac.

OMAR 1: Sasama ka ba sa pagpili ng kapareha mo?

MACMAC: Hindi na siguro. Kailangan ko pang kabisaduhin itong iskrip mo eh. Tiwala naman ako sa ’yo pagdating sa mga chick, p’re.

OMAR 1: Huwag mo nga akong igaya sa ’yo. Porke gwapo mabilis magpalit. Di tulad ko. Banayad magmahal.

Aakmang nabulunan sa iniinom na tubig si Macmac.

MACMAC: Bakit, nagkajowa ka na? Sus, sayang ang tamis ng dila mo sa pambobola dahil hanggang iskrip ka lang. Tatalab pa rin kaya ’yan sa babae?

Hindi papansinin ang sinabi ni Macmac at aalis ng entablado si Omar 1.

MACMAC: Kaya hindi ka magkajowa kasi ang suplado mo. Bitter!

Lalabas si Macmac sa salungat na direksyon.

Magdidilim. Magsasara ang tabing. Mahinang sisingit ang isang tugtog at mawawala rin agad. Iilaw sa entablado ng restawran.

OMAR 2: Haram. Ito ay salitang Muslim na ang ibig sabihin ay bawal. Pero ang iyong puso ba ay tatagal? Sa dinami-raming bawal, hangal, puso mo ba ay susugal?

Bawal ang titigan ka lang dahil maraming mga mata.

Bawal ang magtapat dahil alam kong ako’y idudura, ipagwawalang-bahala.

Bawal magmahal, bawal kang akapin, lalong bawal kang isiping.

O para lang itong baso na nakatikim ng halik ng nalasing ay nabuwal. Tulad ng puso ko na nabasag, naging bubog. Sinubukan kong pulutin. Ako’y nasusog. Ako’y wasak.

Sabay ng paglaho ng ilaw kay Omar 2 ay dagling sisingit ang tugtog. Pagbukas ng tabing ay titigil rin ito agad.

May isang audition na nagaganap. Si Omar 1 ay makikitang nakadekuwatro at may hawak na iskrip. Sa gilid niya ay sekretaryang nagbibigay ng panuto sa lahat ng auditionee.

Tatlong babae ang dadaan at wala siyang mapili.

Mapapagod si Omar 1 at hihingi ng break.

SOL: Sir, ano po ba talaga ang hinahanap mo? ’Yong tatlo maganda, matalino, at may talento pa!

OMAR 1: Pero kasi parang kulang sila eh.

Tutugtog ang isang instrumental na love song.

OMAR 1: Hindi lang maganda, matalino, o talentado. Naghahanap ako ng hinhin, ng hiya, ng may malakas na dating. ’Yong sa mata pa lang, mala-anghel na. Tipong kakikiligan ang kaniyang mga ngiti.

Magpapa-cute si Sol habang iniisa-isa ni Omar 1 ang katangian ng hinahanap niyang leading lady.

OMAR 1: Sol? Sige na. Resume na tayo.

Papasok si Jane na tila nahihiya.

Magaganap ang audition. Papalakpak si Omar 1 pagkatapos.

OMAR 1: Tapos na! Sol, pauwiin mo na ang iba. May napili na tayo.

Lalabas si Sol at maiiwan si Omar 1 at Jane. Magkakamay sila at maginoong babatiin ni Omar 1 si Jane.

OMAR 1: Sa totoo lang, itong audition namin ay hindi paghahanap ng perpektong babae para sa bakanteng role. Kasi . . . naghintay ako ng tamang babae. Naghintay ako na dumating ka.

Biglang tutugtog at biglang titigil din.

OMAR 1: Ako nga pala si Omar, ang direktor at writer na rin.

Mamatay ang ilaw.

Pagbalik ng ilaw, nasa entablado pa rin sina Omar 1 at Jane, masayang nagkukuwentuhan.

OMAR 1: Ang gagampanang mong papel ay si Clara. Siya ay kasintahan ng bidang si Andoy. Ang eksena mo ay magsisimula sa kalagitnaan ng kuwento. Sila pala ang ibang bumubuo sa cast. (Ituturo ang iba pang kasamahan.) Ito pala ang magiging kapares mo, ang— (Matitigilan.)

Makikipagkamay si Macmac kay Jane na tila nabibighani.

MACMAC: Ako nga pala si Macmac, o Andoy sa mga karakter. (Bibitiw sa pakikipagkamay.) Ako ang kasintahan mo rito—magiging kasintahan mo. (Ngingiti nang malandi.)

JANE: Ha? Kasintahan?

MACMAC: Sa iskrip siyempre. Pero . . . ikaw. He-he.

JANE: Ahh . . . Marunong ka ha. (Matatawa.)

Lalapit si Omar 1 na suplado ang mukha. Aabutan ng iskrip si Jane.

OMAR 1: Oh, ito ’yong papel mo. Madaliin mong kabisaduhin ’yan ha?

JANE: Ikaw ba talaga ang sumulat nito? (Sinusuri ang iskrip)

OMAR 1: Oo. Bakit?

JANE: Ang galing mo naman.

OMAR 1: Di naman masyado. Ako na rin ang direktor nito kasi mahirap nang maghanap pa. Makakasundo sa una, mag-aaway rin kalaunan. Tapos maghihiwalay. (Bubuntong-hininga.) Kaya nga nasanay na ako ritong mamahala nang mag-isa. Pero nice working with you.

JANE: Ako rin. Willing ako ng kahit na ano basta ikasasaya mo, boss. (May inihabol na malagkit na tingin kay Omar 1.)

OMAR 1: Talaga? Kahit na ano?

JANE: Oo naman. Kahit na ano basta ikagaganda ng play.

OMAR 1: Ahhh, OK.

JANE: Bakit pala?

OMAR 1: Wala. Basahin mo na lang ’yan.

JANE: Pero hanga ako sa ’yo, boss, kasi mahilig din ako sa mga tula. Nagsusulat ka rin ba no’n?

Sisingit si Macmac sa usapan.

MACMAC: Ahhm, Jane, gusto mo ipraktis na agad natin ’yan?

JANE: O sige. ’Yong may drama agad.

Lalabas ng entablado si Omar 1. Magsasanay ang dalawang artista. Konting lapat ng musika. Magtatawanan at maghaharutan sila. Maglalaho ang ilaw, at magsasara ang kurtina. Patuloy lang sa pagtugtog ang musika.

Matutuon ang ilaw sa restawran. Hihinto ang musika.

OMAR 2: Pero pinulot ko pa rin kasi umaasa ako na puwede pang ayusin. Ibalik sana sa dati. Dating halik, dating tamis, dating lambing, himbing, at dating akin. Pero sa halip na maayos, napuwing pa ako. Kahit na masakit, nakalimutan kong pumikit. Naluha ako hindi sa sakit ng mata, kirot ng daliri, kundi sa hapdi ng puso. Nang napuwing ako, nakalimutan kong pumikit.

Babalik ang ilaw sa malapad na entablado. May marahang tugtog ng musika. Pagbukas ng tabing, makikita sa gitna si Jane na nakaluhod at mahigpit na yakap ang binti ni Macmac. Ilang sandali pa ay binitawan nila ang yapos na iyon. Magkahawak-kamay silang mag-uusap.

JANE: Andoy, ipangako mong babalik ka.

MACMAC: (Hahawiin ang buhok sa mukha ni Jane patungo sa tainga.) Pangako ’yan, Clara. Babalik ako rito nang buo.  Mahintay mo sana ako.

JANE: Oo. At walang sandali ng buhay ko na hindi ka iisipin, Andoy.

Yayakapin ni Macmac si Jane at magpapatuloy pagkatapos.

MACMAC: Pakakasalan kita pagbalik ko.

JANE: Kahit saang simbahan, Andoy.

Hahawakan ni Macmac ang pisngi ni Jane at mag-iiyakan sila. Dahan-dahang maglalapit ang labi ng dalawa. Padabog na lalapit si Omar 1.

OMAR 1: Ano ba! Ginagalang ko ang ad lib ninyo, pero pwede bang igalang ni’yo rin ang iskrip ko? An’daming walang nabigkas na linya oh. Nagmamadali ba kayong maghalikan? Magsabi lang kayo.

Hihilingin ni Macmac kay Jane na umalis muna ito. Lalabas si Jane.

MACMAC: ’Tol, sorry naman oh. Medyo nadala lang ako. Binuhos ko kasi ang emosyon ko para do’n. Ang . . . ang totoo kasi, ’tol, gusto ko na agad si Jane. OK lang ba sa ’yo?

OMAR 1: (May pagkailang) Oo. Wala namang problema do’n. Una pa lang, halata na kita. Ang akin lang sana, propesyunal lang tayo rito sa stage.

MACMAC: Alam mo na pala. Kung ligawan ko kaya siya, ’tol? Kaya lang . . . Wala ka bang gusto kay Jane?

OMAR 1: Sus! Wala, ’tol. Alam mo naman priorities ko, di ba? Saka na lang ang lovelife lovelife na ’yan. Bawal sa amin sa Islam, ’tol, na mag-asawa ng hindi namin karelihiyon. Haram ang tawag diyan, kaya ’wag ka nang magtaka kung pihikan ako.

MACMAC: So tutulungan mo akong manligaw? Sige na. Sumuporta ka naman sa best friend mo.

OMAR 1: Bakit? Sigurado ka na ba talaga sa kanya? Baka iiwan mo rin lang.

MACMAC: Ngayon lang ako nagkandarapa sa babae nang ganito, iiwanan ko pa?

OMAR 1: Sige. Galingan mo riyan sa eksena ni’yo. Tuturuan kitang tumula. Alam ko mga hilig niya.

Tuwang-tuwa si Macmac. Sabay silang lalabas sa entablado. Magsasara ang tabing at didilim.

Bibigkas ng tula si Omar 2, at unti-unti siyang iilawan.

OMAR 2: Nakalimutan kong pumikit nang magkakilala tayo. Ni kisapmata ay kinalimutan ko.

Nakalimutan kong pumikit nang ako’y unang kinausap mo. Ngingiti-ngiti ako sa pagkukuwento kahit ano. Kahit magulo.

Nakalimutan kong pumikit nang nagkasundo tayo. Lunok ako nang lunok ng laway para tumino.

Nakalimutan kong pumikit nang isang beses nagtagpo ang ating mga mata na tila nagpapaliwanag ng ano’ng mayroon ka.

Nakalimutan kong pumikit nang tuluyan akong nahulog sa iyo, nang inakala kong buo itong puso.

Pero bago pa man nahugot ang puso rito sa dibdib, inunahan na ako ng lungkot, at lahat ay pumait . . .

Biglang dilim. May nangingibabaw na boses na tumutula. Makikita mula sa dahan-dahang pagbukas ng kurtina si Omar 1 na nagtuturo ng pagbigkas ng tula kay Macmac para ipagmayabang kay Jane.

May mahinang tugtog at maliwanag na ilaw kay Macmac.

MACMAC: Paraluman, sa aking paggising

Ngiti mo’y ibinabalik ako sa paghimbing.

Batid mo kaya aking daing?

Habambuhay nawa ika’y kapiling.

OMAR 1: Basta damhin mo lang na parang ang bawat salita ay sa ’yo. Tapos konting pikit. Lasapin mo ito nang dahan-dahan.

Itutuon ang ilaw kay Omar 1. Didilim ang paligid, at tutula siya nang malakas. May kasabay pang hampas ng kamay at kaunting kumpas na rin.

Habang binibigkas ni Omar 1 ang tula, nili-lip sync ito ni Macmac sa harap ni Jane sa kabilang sulok ng entablado.

OMAR 1: Paraluman, sa aking paggising

Ngiti mo’y ibinabalik ako sa paghimbing.

Batid mo kaya aking daing?

Habambuhay nawa ika’y kapiling.

Kinikilig na papalakpak si Jane. Maiiwang mag-isa at nakatunganga si Omar 1, tinititigan ang dalawa. Iiling-iling si Omar 1 at lalabas sa eksena. Pupunta sa gitna ang dalawa.

MACMAC: Una pa lang tayong nagkita, Jane, naging magaan na agad ang loob ko sa ’yo. Minsan lang naman akong dapuan ng ganitong damdamin, kaya sasagarin ko na. Jane, aking Clara, mahal kita. (Hahawakan ang kamay ni Jane.)

JANE: Alam ko. At naghihintay lang naman talaga ako. Oo, Macmac, aking Andoy, mahal din kita.

Matutuwa si Macmac at yayakapin nang mahigpit ang kapareha. Magsasara ang tabing at magbubukas.

Magkayakap pa rin ang dalawa subalit iba na ang suot. Nagtatanghal na sila ng dula.

MACMAC: Mahal kita, Clara.

JANE: Mahal din kita, Andoy.

Magpapalakpakan. Tatawagin ang iba pang cast ng dula. Huling tatawagin si Omar 1. Papagitnaan ng dalawang lalaki si Jane.

Pahihintuan ni Macmac ang lahat at kukunin ang kanilang ng atensiyon.

MACMAC: Nais ko pong ipaalam sa lahat na ako at ang leading lady kong si Jane ay ikakasal na. Totoo ito at hindi arte lang. Sabik na akong makapiling at maging katuwang siya habambuhay. Imbitado ho ang lahat. Direk, ’tol, best man ka ha?

Tatango lamang si Omar 1 at babatiin ang kaibigan. Kinikilig na mag-uusap ang iba pang tao. Isa-isa silang lalabas hanggang si Omar 1 na lang ang matitira.

OMAR 1: Nang malaman kong mayroon ka nang iba, na kayo na, nakalimutan kong pumikit.

Nakalimutan kong pumikit, maging ang huminga, nang sinabi mong, “Best, kami na.”

Nakalimutan kong pumikit, maging ang lamig at tigas ng sahig, ang alak, ang pait. Bakit?

Lalabas si Omar 1 na umiiyak, at papasok ulit siya na may bote ng alak sa kaliwang kamay, paluray-luray hanggang sa gitna. Sasandal siya sa pader. Tutugtog ang kantang “Ikakasal Ka Na.”

Lalabas sa projector ang mga larawang kuha nina Macmac at Jane bilang magkasintahan. Sasayaw ang isang pares ng contemporary dance na naaayon sa tugtog habang sawing-sawi si Omar 1.

Isasara ang tabing. Balik ang tagpuan sa restawran. Magpapatuloy sa pagtula si Omar 2.

OMAR 2: Tulad ng mga bote ng alak na katabi ko noong gabing ikinakasal kayo—nagkita sa altar, nagbanggit ng pangako at dasal. An’saya. Parang fairy tale na meant to be. Best wishes.

Walang mag-aakala, walang mag-iisip na may taong sawi, pusong sira. Buti pa nga rito sa entablado, malaya akong magsabi nito . . .

Mahal kita. Mahal kita . . . Mahal kita, putang ina! Paano ako? Mahal kita, paano ako? Mahal kita, pero nakikita kong kayo. Mahal kita, pero haram na maging tayo.

Didilim. Tutugtog ang isang recording.

Kriiiing . . . kriiiing . . .

OMAR 1: Hello? Jane? Si Omar ito.

JANE: Oh, Omar, kumusta ka na? An’tagal nang hindi ka nagparamdam ah? Nagtaka nga rin si Macmac eh.

OMAR 1: Mangingibang-bansa na ako, Jane. Sa huling beses sana, puwede ba tayong magkita? May ipagtatapat lang ako.

JANE: (Pabulong) Ha? Sige, pero i-text mo na lang saan at kailan. Baka marinig tayo ng asawa ko.

Toot!

Bubukas ang tabing. Makikita si Jane hawak ang shoulder bag at nagmamadali. Tatawid siya sa kabilang dulo ng entablado. Nakasunod si Macmac sa kaniya na tila nagdurusa.

Didilim at babalik ang ilaw.

Makikita si Omar 1 na naghihintay kay Jane. Sabik na magyayakapan ang dalawa. Tatanungin ni Jane si Omar 1 kung bakit matagal itong hindi nagpapakita. Biglang susulpot si Macmac at susuntukin nang dalawang beses si Omar 1.

Dudugo ang ilong ni Omar 1. Maglalabas ng kutsilyo si Macmac at sasaksakin si Omar 1 sa mukha, ngunit iilag ito. Madadaplisan sa kaliwang pisngi si Omar 1.

MACMAC: ’Tang ina ka! Kaya pala wala ang best man sa kasal namin. Hudas ka, ’pre. Kasal na kami sisingit ka pa. Sabi mo haram. Sabi mo masaya ka para sa akin. Ba’t ka nagtaksil?

Aakma si Macmac na susuntukin muli si Omar 1, ngunit papagitnaan ni Jane ang dalawa.

OMAR 1: Oo, ’tol. Masaya ako para sa ’yo. Ang suwerte mo kay Jane. Pero mali ka, ’tol. Mali ang akala ni’yong lahat. Oo, haram. Bawal. Bawal ang magkagusto sa hindi namin karelihiyon. Bawal din magmahal ng pareho naming kasarian.

’Tol, gago ka. Minahal kita! Kaya ako lumayo, nagparaya. Mahal kita, ’tol. Maliwanag na? Ipagtatapat ko sana ito kay Jane bago ako umalis. Mahal kita!

Mahinang tugtog. Babalik ang tagpo sa entablado ng restawran.

OMAR 2: Haram. Ito ay salitang Muslim na ang ibig sabihin ay bawal. Pero ang iyong puso ba ay tatagal? Sa dinami-raming bawal, hangal, puso mo ba ay susugal? O para lang itong baso na nakatikim ng halik ng nalasing ay nabuwal? Tulad ng puso ko na nabasag, naging bubog. Sinubukan kong pulutin. Ako’y nasusog, Ako’y wasak.

Nakalimutan ko mang pumikit, naalala kong ngumiti. Ngumiti akong sa loob ko’y mga bubog na naging susog na nagpapuwing, nagpaluha.

Pero oo, ang tulang ito ay pagtatapat. Sinadya kong huwag pumikit at maging dilat. Dilat sa katotohanang pangarapin ka lang ay sapat. Katotohanang ang pagmamahal minsan talaga ay sukat. Ito ay totoo. Aminin nating lahat.

Advertisement