Pastil at Iba Pang Pagninilay

Ni Allan Ace Dignadice
Sanaysay

Abril 20, 2019. Linggo ng Pagkabuhay. Nagising ang aking kaluluwa sa isang pamilyar at nakabubulabog na ingay. Malakas. Dumadagundong. Umuugong. Habang pinupuno ang hangin ng mga tunog na kinukudkod ang dingding ng aking mga tainga, siya ring pagpupumilit na imulat ang puyat kong mga mata. Masakit sa ulo. Nakakairita.

Masaligan ta . . . Aton nga konsehala . . . Aton nga dumdumon sa aton nga balota . . .

Matapos ang kulang-kulang tatlong araw ng pamamahinga, mistulang nagsibangon din muli mula sa kahimlayan ang mga bungangang de-gulong—nagsusumigawan, nagpapalakasan. Mga tinig ng mga kandidatong nais maalala sa darating na eleksiyon. Kani-kaniyang plataporma. Sari-sariling kanta.

Panahon ng Semana Santa nang guminhawang saglit ang musmos kong barangay. Dahil malayo sa sentro ng lungsod, tahimik at matiwasay kalimitan sa amin, tulad ng aking kinagisnan. Nitong Huwebes Santo hanggang Sabado de Gloria, muli kong naranasan ang kapayapaan.

Abril 17, 2019. Miyerkules Santo. Nakauwi ako sa amin. Habang sakay ng bus, hindi ko maiwasang mapaglapatan ng tingin ang sandamakmak at samot-saring mga poster ng mga kandidato. Mula sa mga umaasang maging senador, nais maibalik sa Kongreso, gustong masungkit ang lalawigan, maghari sa siyudad, at lahat na. Sa mga ngising aso at mababangong tagline, isang paalaala: panahon na naman pala ng eleksiyon.

* * *

Hindi na bago para sa pamilya namin ang eleksiyon. Dating kabesa ng barangay ang kapatid ni Lolo Intin na si Lolo Nanding kaya nakabuhol na rin siguro sa pamilya namin ang politika. Naaalala ko pa noong bata pa ako ang pakadto-pakari ng mga tao sa bahay namin. Ang iba ay mga kilala pang politiko noong mga panahong iyon.

Tuwing eleksiyon, maliban sa si Papang ay abala sa pagiging lider ng mga watcher, kami naman ng dalawa ko pang kapatid ay sumasama kay Mamang sa pagnenegosyo. Dahil ilang metro lang ang layo ng bahay namin sa mababang paaralan, sideline na ni Mamang ang magbenta ng mga dulce, softdrinks, sigarilyo, at kung ano-ano pa. Sayang din kasi ang kikitain, sabi niya.

Kaya nga siguro inaabangan naming magpipinsan ang panahon ng eleksiyon—hindi lamang dahil maraming pagkain kundi dahil na rin sa mga maiiwang poster ng mga kandidato.

Nag-uunahan kami noon sa mga streamers nina Manny Villar at Gibo Teodoro dahil sa ang lalaki at matitibay, tamang-tama para sa guryon na papaliparin namin sa wayang sa likod ng bahay ni Lolo Intin. Unahan din kami sa mga tarpaulin bilang dingding ng mga bahay-bahayan na binubuo namin.

Habang lumalaki, hindi ko maiwasang itanong kina Papang kung bakit pabago-bago ang mga grupo tuwing eleksiyon. Ang dating magkasama sa pagkagobernador at kongresista, sa sunod na eleksiyon ay magkalaban na. Ang mga konsehal ni Mayor, ngayon ay konsehal na ni Vice. Para sa isang batang tulad ko, magulo at mahirap intindihin ang ganitong mundo.

Lalo na sa eleksiyon sa barangay. Matapos ang ilang taon ng pamamalagi ng aming apelyido sa serbisyo, na sinundan pa ng mga pinsan kong magkasunod pang naging Sangguniang Kabataan chairman, nasasaktan ako na makitang ang dating mga kaalyado ng pamilya ay kumampi na sa kabilang partido, na ang mga tiyoy ko ay kalaban na sa eleksiyon. Kinalaunan, unti-unting nalimutan ang aming apelyido, kahit pa si Lolo Nanding na. Noong tumakbo siyang muli bilang kagawad, di siya pinalad.

*  *  *

Taong 2016 nang sumubok si Papang bilang kagawad. Labis ang pag-ayaw ko at ni Ate dahil na rin sa mga karanasan ng pamilya kahit wala pa man din sa puwesto si Papang—ang siraan, ang bilihan ng boto, ang gulo, at ang pagkasalimpapaw ng mga tao. Hindi ko makayanan ang ganoong mundo.

May kaklase din akong nakapagtanong kung kaano-ano ko daw ba ang Dignadice na tumatakbo. Hindi niya raw kasi mamukhaan dahil pinagguhit-guhitan ang mukha ng poster nito. Masakit, oo. Ayaw naman nating gawing katuwaan ang ating mga mahal sa buhay. Ayaw kong mapasabak sa mga gulo na hindi naman dapat, sa mga tsismis na di dapat marinig, di dapat patulan.

Kaya lubos kong ipinagpasalamat sa Maykapal nang matalo si Papang sa halalan. Kahit alam kong masakit din ito para sa kaniya, ipinaalala lang namin na kaya niya pa ring makatulong kahit wala sa posisyon, na hindi siya dapat magbago, na dapat patuloy lang sa serbisyo.

Ang lahat ng karanasang ito siguro ang nagbunsod sa hindi ko pagkagusto sa panahon ng eleksiyon, at lubusang naglaho ang pananampatalaya ko sa sistema ng demokrasya sa Pilipinas nang magtakip ang 2016 National Elections, nang tuluyang magpaalam ang Pilipinas kay Miriam Defensor Santiago—hindi na maibabalik, kailanman.

* * *

Disyembre 2018 nang muli akong makapanood ng telebisyon matapos ang halos limang buwan. Wala kasing TV ang boarding house na tinutuluyan ko sa General Santos City. Nagsabong ang aking mga kilay nang makapanood ako ng mga patalastas tungkol sa ilang mga pulitiko.

Kung nagawa namin sa Ilocos, kaya sa buong Pilipinas!

Napatanong ako kina Mamang kung nagsimula na ba ang campaign period at kung kailan na ang eleksiyon. Laking gulat ko nang malamang sa darating na Mayo pa pala ang halalan.

Lalo akong nairita dahil habang tumatagal ay dumarami ang patalastas na nagsasabing may ginawa si Kwan para sa pamilya ni Aling Bebang, na si Tarpulano ang nagpasa ng batas para makapag-aral si Junjun, na nakalabas na Siya sa bilangguan, na ang dating alalay ay tatakbo at ang dating tumatakbo ngayon ay alalay, at marami pang ibang paandar. Napapabuntong-hininga na lang ako sa mga ganitong eksena, na talamak at paulit-ulit na lamang na nangyayari sa buong bansa.

Marso 13, 2019 nang nagsimula ang lokal na campaign period. Muling napuno ang ere ng mga jingle ng mga kandidato. May mga himig kundiman, may K-pop ang banat, at may mga sabay sa uso. Napuno hindi lang ang mga radyo at TV kundi ang mga eskinita at kalsada ng mga mukha’t tinig ng mga taong nagbabalak makaupo sa puwesto.

Ang laki-laki, ang laki-laki ng layunin. Ating iboto sa konseho . . . number 15 sa balota ni’yo!

Ilang linggo ring naging maingay ang bawat siyudad at lalawigan. Kahit saan puro tugtugan. Animo’y naging diskuhan ang mga lansangan. Aakalain mong may piyesta sa magkabilang dulo ng siyudad. Halos lahat din ng mga taong kilala ko pareho ang reklamo: Maingay. Magulo.

Hindi mo rin maipagkakaila ang mga hinaing ng mga tao sa social media tungkol sa pambubulabog at pinsalang naidadala ng mga bungangang de gulong. Hanggang sa biglang natapos ang mga bulahaw na ito. Biglang nanahimik.

Abril 19, 2019. Biyernes Santo. Nagising ako. Alas-otso. Tahimik ang paligid. Tamang-tama ang timpla ng araw para makapagnilay-nilay.

Nag-agahan kami ng tuyo at langkang ginataan. Bawal daw kasi ang karne, natatawang rason ni Mamang. Sa hapag hindi naiwasang magkumustahan sa eskuwela, sa trabaho ni Ate. Nang mabaling naman sa politika, naitanong sa akin ni Papang kung sino raw ba ang iboboto kong mayor.

* * *

Labis akong nanghinayang nang hindi ako nakaboto sa Barangay Elections noong nakaraang taon. Pakiramdam ko kasi hindi ko naipakita ang aking pagka-Pilipino. Sa tingin ko, parang hindi ako Pilipino.

Agosto 27, 2018. Araw ng mga Bayani. Dahil itinapat sa Lunes ang holiday, hindi muna ako bumalik sa General Santos at sinadyang magparehistro. Mayroon kasing satellite registration sa bawat barangay ang COMELEC sa Araw ng mga Bayani.

Magkahalong kaba at pagkasabik ang aking nadama dahil sa wakas ay matutupad na ang matagal ko nang ninanais simula nang tumuntong ako ng labinwalong taong gulang.

Pumila ako sa barangay hall ng mga alas-diyes ng umaga, at sa awa ng Diyos, natapos ako bago magtanghali. Halos lahat ng nakasabayan ko sa pagpaparehistro ay mga kaedad ko rin na sabik nang makaboto.

Naisip ko, Araw ng mga Bayani? 

Natawa ako.

* * *

Abril 25, 2019. Huwebes. Habang papauwi kami ni Ate sa aming tinutuluyan, bigla niyang nasambit, “Wala akong ganang bumoto ngayong eleksiyon.”

Daglian din akong sumang-ayon sa kaniya. Ganitong ganito ang nararamdaman ko simula nang makita ko ang listahan ng mga kandidato. Sa animnapu’t dalawang tatakbong senador, mabibilang lang sa kamay ang kilala ko. Ang iba, batikang trapo. May mga iilan na papasa na. At ang iba, bakit pa?

Nakakadismaya.

Nawala ang kasabikan kong bumoto sa darating na halalan. Para bang walang karapat-dapat na maluklok sa posisyon. Kung meron man, iilan lang.

Ang eleksiyon ngayon ay parang pagkain lang sa Mindanao State University, ang paaralan ko. Pastil, pastil, pastil. Dahil wala nang pagpipilian. Hindi dahil masarap o kapana-panabik kundi dahil ito ang mura. Dahil ito lang ang kaya.

Kaya hindi ko inaasahang aabot din pala sa punto na ang pipiliin mo na lang sa halalan ay ang masama kaysa sa mas masama. Nawala na ang pagiging karapat-dapat at pinalitan na lang ng mga pastil.

* * *

Abril 20, 2019. Linggo ng Pagkabuhay. Nagising ang aking kaluluwa sa isang pamilyar at nakabubulabog na ingay.

Malapit na pala ang eleksiyon. Masisira na naman ang mga pamilya. Magbabangayan ang magkakaibigan. Mapupuno ang Twitter at Facebook ng iba’t ibang patutsada. Magaganap na naman ang isa sa kinasasabikang tagpo sa Pilipinas, kasunod ng Miss Universe.

Maingay na ang kalsada. Dapat bumangon na. Natanong ko ang aking sarili: Babangon na nga ba?

Advertisement