Ni Allan Ace Dignadice
Dulang May Isang Yugto
Mga Tauhan
Moi
Kuya
Tagpuan
Isang kwarto. Buwan ng Pebrero sa di malamang taon.
Pagbukas ng ilaw, makikita ang isang kalendaryo na nakasabit sa dingding. Walang taon pero nakasulat ang PEBRERO at naka-ekis ang mga araw mula 1 hanggang 22. May isang drawer at isang kama sa silid. May isang pinto sa gawing kanan.
Nakaupo sa sahig sa baba ng kalendaryo ang isang lalaki na naka-T shirt at basketball shorts.
Unti-unti namang babangon si MOI, isang batang nakasando at brief, mula sa pagkakahiga sa kama.
MOI: (Kukurap-kurap at magmamasid sa paligid) Nasa’n . . . ako?
KUYA: Hindi ko rin alam.
MOI: Ano’ng . . . hindi mo alam? (Biglang sasakit ang kaliwang sentido) Ahh! Sino . . . Ahmm . . . Ano’ng ginagawa natin dito?
KUYA: Wala ka bang naaalala? Ano’ng pangalan mo?
MOI: M-Moi? Ahmmm . . . Moi. Ako siguro si Moi. I-ikaw? Sino ka?
KUYA: Wala.
MOI: Wala? May pangalan bang gano’n?
KUYA: Paano mo malalaman eh wala ka ngang maalala?
MOI: Ano ngang pangalan mo?
KUYA: Wala namang magbabago kahit sabihin ko pa.
MOI: Suplado. Sige, ayos lang ba na Kuya ang itawag ko sa ’yo? Halata namang mas matanda ka sa akin. (Tatawa)
KUYA: Ba’t ka tumatawa?
MOI: Wala. Ang cute mo pala kapag suplado ka.
KUYA: Ano?
MOI: (Hahawakan ang sentido) Ang sakit ng ulo ko . . . parang hinampas siguro ng kung ano.
Bababa sa kama si MOI at maglalakad-lakad.
MOI: Kuya, may kasintahan ka?
Tatango si KUYA.
MOI: Babae o lalaki?
Mapapatingin si KUYA kay MOI.
MOI: Di ba sinabi ko sa ’yo bawal magsinungaling?
KUYA: Paanong—
MOI: Mahal mo siya?
KUYA: (Magbubuntong-hininga) Alam mo ba ang pakiramdam ng magkaroon ng sirang plaka sa loob ng utak mo? Nakakangilo pero ayaw tumigil, di mapatay-patay?
MOI: Hala, pasensiya na, Kuya. Gusto ko lang na mas makilala ka.
KUYA: Hindi mo pa ba ako kilala?
MOI: Dapat bang makilala kita? Sino ka nga ba?
KUYA: Sino ako?
MOI: Ikaw. Sino ka ba sa tingin mo? Ano ba ang mga nagawa mo? Ano ba ang mga dapat di mo ginawa? Ikaw ba ang mga bagay na pinagsisisihan mo o ang mga bagay na nais mong maulit? Sino ka nga ba? (Ngingiti) Ano ka nga ba?
Lalapit si KUYA at akmang susuntukin si MOI.
Puwang.
Hahalikan ni MOI si KUYA.
Puwang.
Matitigilan si KUYA at aatras.
MOI: Mabuti ka naman palang tao.
KUYA: Di mo dapat ’yon ginawa.
MOI: Bakit hindi?
KUYA: Hindi ka ba nag-aalala at naggising ka sa isang silid nang wala man lang maalala . . . kasama ang isang taong hindi mo naman kilala?
MOI: Dapat ba akong mag-alala? (Hindi kikibo si KUYA) Kung may masama kang balak sa akin, malaya kang gawin ang lahat. Pero alam ko namang wala kang masamang gagawin.
Magbubuntong-hininga si KUYA at uupo sa gilid ng kama.
MOI: Wala bang maiinom dito? Nauuhaw ako, Kuya. Kuya?
KUYA: Ano?
MOI: Sabi ko, uhaw na ako. May maiinom ba dito?
Hindi sasagot si KUYA.
MOI: Naku, nagpapa-cute ka na naman. Pero totoo, mas pogi ka, Kuya, kapag suplado.
Lalapit si MOI sa drawer at bubuksan ang pinakamataas na pinto. Ilalabas ni Moi ang isang martilyo na may mantsa ng dugo.
MOI: Ano ’to?
KUYA: Ano ba sa tingin mo?
MOI: Panghampas ng ulo? Ano nga’ng tawag dito? Ma . . . mat . . .
KUYA: Martilyo.
MOI: Ay, oo nga! Martilyo. (Sisimangot) Hindi naman ito naiinom.
Ilalabas ni MOI ang isang puting bra.
MOI: Naku, bakit may ganito dito? Kuya, sa ’yo ba ‘to?
KUYA: E kung ipakain ko sa ’yo ’yan?
MOI: Hala! Galit ka? Sige ka, magagalit din ako. (Seryoso) Alam mo naman kung paano ako magalit, di ba? (Masaya) Akin na lang ’to kung hindi naman sa ’yo.
KUYA: Puta!
MOI: Sige, Kuya, gawin mo ’kong puta. Gusto mo isukat ko?
KUYA: Bahala ka sa buhay mo!
MOI: Akong bahala sa buhay mo.
Aktong huhubarin ni MOI ang sando.
MOI: Kuya?
KUYA: Ano?
MOI: Huwag kang tumingin!
KUYA: Bakit, ano ba’ng itinatago mo?
MOI: Gusto mo bang wala na akong itago?
KUYA: Anak ng . . . Sige na, tatalikod na. (Tatalikod kay MOI)
MOI: (Habang hinuhubad ang sando at isinusuot ang bra) Kuya, sa kasintahan mo ba ’to?
KUYA: Hin . . . hindi.
MOI: Bawal magsinungaling. Madadagdagan ang parusa.
KUYA: Hindi nga sabi. Hindi siya nagsusuot ng ganiyan.
MOI: Talaga?
Puwang.
MOI: Sige na, Kuya. Puwede ka nang humarap.
Haharap si KUYA at tititigan si MOI.
MOI: Ma . . . maganda ba ako, Kuya?
Hindi sasagot si KUYA.
MOI: Hindi ba ako maganda? (Iiyak) Pangit ba ako? K-kuya naman eh. Mas gusto mo ba kung naging babae ako? Kung sana dalawa ang butas ko? Kasalanan ko bang ipanganak ako na ganito? Hindi naman ako ang pumili nito.
KUYA: Ano ba ang problema mo?
MOI: Bakit di mo kasi ako sagutin? Maganda ba ako?
KUYA: (Magbubuntong-hininga) Oo na! Maganda ka naman. Ano ba’ng dapat mong patunayan? Dapat ka bang magbago? Dapat ka bang magpumilit na pumasa sa panlasa ng ibang tao? Hindi. Hindi.
MOI: Talaga, Kuya? Maganda ako kaysa—
KUYA: Oo nga sabi—
MOI: Sa kasintahan mo?
Matitigilan si KUYA.
MOI: (Ngingiti) Sino’ng mas maganda sa amin? Sige na, Kuya. Sabihin mo na. Promise, di ko ipagkakalat. Cross my heart, hope to die!
KUYA: Sana nga mamatay ka na lang . . .
MOI: Ako o siya?
KUYA: Ano ba’ng makukuha mo sa akin?
MOI: Ako o siya?
KUYA: Tigilan mo na ako!
MOI: Ako o siya!
KUYA: Diyos ko! Ikaw. Sige na. Ikaw. Diyan ka naman masaya.
MOI: Mapagbiro ka talaga. Alam ko namang lamang ang kasintahan mo kaysa sa akin. Matangkad. Maputi. Matangos ang ilong. Mahaba ang . . . ang buhok. (Tatawa) Kaya ba siya ang unang nakatira sa ’yo?
KUYA: Itigil mo na. Please lang, maawa ka.
MOI: Kuya, nauuhaw pa rin ako.
KUYA: Diyos ko, isang beses lang naman ’yon. Isa lang!
MOI: Kuya, sige na. (Habang hinihipo ang sarili) Nauuhaw ako.
KUYA: (Mahuhulog ang ulo sa mga palad) Isa lang . . . isa lang . . .
Hahawakan ni MOI ang mukha ni KUYA.
MOI: Kuya! Uhaw na uhaw na ako sabi eh!
Puwang.
Luluhod si MOI pababa sa mga binti ni KUYA.
Unti-unti niyang ibubuka ang mga nanginginig na hita nito habang tinititigan sa mata si KUYA.
MOI: Bakit ka nanginginig? Hindi mo ba nagugustuhan?
Puwang.
Tatayo si MOI at itutulak si KUYA pahiga sa kama at uupo sa baywang nito.
MOI: Kuya, bakit kaya hindi mapatid ang uhaw ko? (Mag-iisip) Kasalanan mo kasi. Kasalanan mo, Kuya! Hindi ka kasi nakontento.
Ilalapit ni MOI ang pisngi sa pisngi ni KUYA.
MOI: Alam mo na ba kung sino ka? Kung sino ka nga talaga? (Ngingiti) Isang guhit sa nakaraan. Isang kasaysayan na hindi mananatili. Ang mga alaalang may bahid lang ng ikaw. Ganoon ka lang. Pare-pareho kayong lahat.
Hahalikan ni MOI si KUYA.
Magpupula ang ilaw at gugulong sa gilid ang dalawa at magpapalit ng posisyon.
MOI: Sinabi ko naman sa ’yo. Hindi mo ’ko matatakasan. Hindi mo matatakasan ang isang alaala. Hindi ka magwawagi.
Hahalikan ni KUYA si MOI.
KUYA: Patawarin mo ’ko.
MOI: Hindi ako ang Diyos.
Kukurap-kurap ang ilaw habang tatakpan ni KUYA ng unan ang ulo ni MOI.
Magpupumiglas si MOI habang dinadaganan siya ni KUYA.
Ilang saglit pa’y titigil sa pagkurap ang ilaw at ganoon din sa paggalaw si MOI.
Magdidilim ang ilaw.
Puwang.
Muling magbubukas ang ilaw.
Makikitang nakahiga pa rin si MOI sa kama habang nakahiga naman sa sahig si KUYA.
Maaalimpungatan si KUYA at agad magigising.
KUYA: Puta.
Lalapit si KUYA sa dingding at susuntukin ang kalendaryo.
Maglalabas siya ng marker mula sa pinakababang drawer at lalagyan ng ekis ang ika-23 araw sa kalendaryo.
Bigla namang babangon si MOI mula sa pagkakahiga sa kama at hinahapo.
MOI: Nasa’n . . . ako?
Unti-unting magdidilim ang ilaw at magsasara ang tabing.