Ni Doren John Bernasol
Dagli
“’Nak, ibibigay ni sir lahat ng gusto mo,” panghihikayat ng ina. “’Yong bike, maraming chocolates, at iba pang mga laruan. May ipagyayabang ka na ulit sa mga kaklase mo. Di ba gusto mo ’yon, ’nak? Gusto mo ’yon?”
Diniinan ng ina ang hawak sa balikat ng bata. Tumango ang bata.
“Basta huwag kang iyak ha?” dagdag ng ina. “Sumunod ka lang sa gusto niya. Tulad lang ng ginawa mo dati kay sir.”
“Siya pa rin ho ba, Nay?” tanong ng bata.
“Di na, ’nak. Mas mabait ito siya. Kausapin mo. Marunong din siya ng konting Tagalog.”
Kinatok ng ina ang pinto.
Tumambad sa mag-ina ang maamong mukha ng matanda. Nakangiti. Walang balbas, puti ang buhok, at may kalakihan ang tiyan.
“Please be careful with my son, sir,” ang Ingles ng ina.
“Walang problema,” sabi ng matanda, sabay abot ng bayad. “As agreed. I added some.” Pinapapasok nito sa silid ang bata at isinara ang pinto. Umalis na ang nanay.
Umupo sa kama ang matanda at kinandong ang bata. “My dear, what’s your name?”
Di marunong mag-Ingles ang bata, pero natanong na ito sa kaniya dati. Sinagot niya ito ng buong pangalan at edad. Ito ang turo ng nanay niya. Matapos nito ay nagtanong ang bata, “Sabi ho ng nanay ko, bibilhan mo ako ng bike, chocolates, at iba pang laruan?”
“Oo naman,” sabi ng matanda. “Basta sundin mo ako.”
“Ay, hindi na lang ho ’yon.”
“Toy na lang? Tell me ano’ng toy gusto mo.”
“Puwede po bang huwag ni’yo na lang akong ibalik kina Nanay?”
Hindi tumugon ang matanda. Pinag-isipan nito ang gagawin habang akap ang bata.