Panimula sa Marso 2019 Isyu

Sa politika at komersiyo, hindi na bago ang konsepto ng “sister cities” o “twin towns.” Nitong mga nagdaang araw, napapaisip ako kung may kagaya nito sa panitikan. Para kasing ito ang tinatahak na daan ng General Santos City at ng San Jose City sa Nueva Ecija.

Kagagaling ko lang sa ikatlong Nueva Ecija Personal Essay Writing Workshop, na binuo ng tubo roon at premyadong manunulat na si Wilfredo Pascual. Kasama ko ang katulad kong panelist na si Jade Mark Capiñanes at isa sa mga fellow na si Kurt Joshua Comendador, na parehong mula sa General Santos.

Nagsimula ang ugnayan ng dalawang lungsod noong Pebrero 2017, nang bumisita si Sir Willi sa General Santos sa imbitasyon ng doktor sa kanser at premyadong mananaysay na si Noel Pingoy. Nagbigay ng panayam sa isang mall si Sir Willi, at nagpasa ng isang resolusyon ang Sangguniang Panlungsod na nagdedeklara sa kaniya bilang adopted son ng lugar.

Noong nakaraang taon, binuo ng Cotabato Literary Journal—kasama si Blaise Francisco, isang manunulat na tubong General Santos at nakabase ngayon sa Europa—ang Lagulad Prize, isang patimpalak ng mga personal na sanaysay para sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN. Kinuha namin bilang hurado si Sir Willi, at nagpasya siyang igawad ang premyo sa akda ng labinsiyam na taong gulang na si Kurt. Nagpasya rin siyang gawaran si Kurt ng fellowship sa workshop na inoorganisa niya sa kaniyang kinalakhang bayan. Inimbitahan niya rin kami ni Jade na pumunta upang magbigay ng mga komento sa mga natanggap na gawa.

Kagaya ng mga lungsod na itinambal ng mga opisyal ng gobyerno, halos walang kaugnayan o pagkakatulad ang General Santos at San Jose. Iba ang wikang ginagamit ng mga tao roon. Iba rin ang itsura ng mga jeep. Kita sa kultura ng lugar na umunlad ito dahil sa lapit nito sa Maynila, na kabaligtaran ng General Santos at iba pang lungsod sa Mindanao—umunlad kahit malayo sa Maynila.

Maging sa panitikan, mas hayag ang pagkakaiba kaysa pagkakatulad ng San Jose at General Santos. May kaniya-kaniyang uniberso ang mga kuwento sa Central Luzon at ang mga kuwento sa SOCCSKSARGEN. Kung meron mang nag-uugnay sa dalawang lungsod, umuusbong pa lamang, at ito ay ang adhikain ng mga manunulat na yumabong ang personal na sanaysay sa panitikan ng Pilipinas.

* * *

Kadalasang inilalabas namin ang isyu ng Cotabato Literary Journal sa unang araw ng buwan. Para ngayong Marso 2019, nagpasya kaming hintaying matapos ang Nueva Ecija workshop, na ginanap mula Pebrero 28 hanggang Marso 2. Hinintay naming marebisa ni Kurt ang kaniyang sanaysay dahil nais naming maitampok ang workshop habang sariwa pa ang mga balita tungkol dito. Kasama ang sanaysay ni Kurt, ang dalawang maikling kuwento at tatlong tula sa isyung ito ay nagpapakita na mulat ang mga batang manunulat ng SOCCSKSARGEN. Kilala nila ang mga sarili, alam nila ang mga nangyayari sa paligid, at handa silang mag-eksperimento upang mahasa pa ang kakayahan sa pagsusulat.

Pawang tungkol sa mga bata ang mga kuwentong “Diin na si Simó?” ni Allan Ace Dignadice at “Muwang” ni Doren John Bernasol. Sa panahong nauudyok ang ating mga mambabatas na ibaba ang edad ng criminal liability, isang paalala ang mga kuwento kung paano maging bata. Mga tao rin ang mga bata. Mga tao silang may sariling pananaw sa mundo at may sariling kagustuhan, ngunit dahil wala silang kapangyarihan sa ating lipunan, madalas silang nakakaligtaan at madaling mapagsamantalahan.

Relasyon din ng nasa ilalim ng kapangyarihan at ng may hawak ng kapangyarihan ang nilalaman ng tulang “Patawad, Ama” ni Norsalim S. Haron. Ramdam sa tula ang hirap ng kalagayan ng nagsasalita. Hanggang saan nga ba natin susundin ang ating mga magulang, at kailan natin igigiit ang sariling pagkakakilanlan?

Mula naman sa zine na Bioluminescence ang mga tulang “Ode to the World’s Oldest Lullaby” ni Marc Jeff Lañada at “Cautionary Tale” ni Jermaine Dela Cruz. Mga gawang tungkol sa dagat ang nilalaman ng zine, at binuo ito ng mga batang manunulat sa General Santos para sa SOX Zine Fest, na ginanap noong Nobyembre 2018. Parehong kongkreto ang anyo at unibersal ang tema ng dalawang tula.

May kinalaman din sa tubig ang “To Pull a Hook.” Sa sanaysay, binalikan ni Kurt ang mga karanasan niya sa pamimingwit nang minsang mamalagi siya sa isang lugar na malapit sa ilog. Makikita sa talas ng detalye at maayos na istruktura ng akda ang epekto ng mga palihang pinagdaanan nito.

Upang malinang ang panitikan ng ating rehiyon, nakaugat dapat ang ating mga akda sa ating sariling kasaysayan, pamumuhay, at maging heograpiya, ngunit mahalaga ring nakikipagpalitan tayo ng kaalaman sa ibang lugar at manunulat. Patuloy na makikipag-ugnayan ang Cotabato Literary Journal sa Nueva Ecija Personal Essay Writing Workshop. Hangad naming tumibay pa ang nasimulang samahan ng General Santos at San Jose.

Jude Ortega
Isulan, Sultan Kudarat