Lababo

Ni Alvin Pomperada
Tula

Mahirap maghugas ng pinggan. Sa pagkuskos ng espongha paikot sa plato’y nakakatha ng orasyong napapasailalim sa gunita ng isang salusalo ng pamilya: nalito ang ilong sa kakalanghap sa sarap ng putahe. Hindi pa dumampi sa dila ang pagkain, nabusog na ang mga tenga sa nakahaing kuwentuhan. Natakam ang lahat nang sinimulang halukayin ng ate ang asin sa kape. Sinamantala nila ang aking pagkabalat-sibuyas. Nakisawsaw muna ako sa toyo ng utak ni kuya bago kagatin ang malutong na biro ni mama. Naging lantang gulay ako sa panggigisa ng tatay kung ilan na ba ang natikmang talaba. Sagot ko, “Wala kapag ang dagat ay mapula.”

Hindi pa nakakalayo sa bunganga ng kaldero ang ulam, umusling parang kawali na ang mga tiyan namin. Kay dami pang nilulutong kuwento ngunit ayaw paawat sa pagkagat ng sandali ang orasan.

Binanlawan ko na ng mga luha ang mamantika kong damdamin. Kay tagal ko sa lababo. Isang plato lang naman ang hinugasan ko.

Kay hirap ngang maghugas ng pinggan.

Advertisement