Bagyo

Ni Gwyneth Joy Prado
Maikling Kuwento

Isang bagyo na naman ang namataan sa loob ng Philippine Area of Responsibility. Inaasahan na tatama ang bagyo sa ating bansa sa darating na Biyernes, Setyembre 14, 2018. Maging handa at alisto tayong lahat.

“Ale, heto po ang bayad ko para sa biskwit,” ang sabi ko sa nagtitinda, sabay abot sa kaniya ng sampung pisong barya mula sa bulsa ng luma kong paldang pang-eskwela.

“Ineng, kulang ka ng dalawang piso,” sabi ng Ale.

“Babalikan ko na lang ho mamaya,” tugon ko.

“Sige.”

Tumalikod ako at sinimulang kainin ang binili kong biskwit. May paparating na namang bagyo. Mag e-evacuate na naman kami ni Tatay neto. Binilisan ko ang lakad upang sabihin sa kaniya ang narinig kong balita.

“May bagong bagyo. Sana malakas para masuspende na naman ang klase natin. Ha-ha-ha!”

“Oo nga. Nakakatamad mag-aral. Sana nga wala tayong pasok.”

Dinig ko ang pag-uusap ng dalawang dalagang nakasalubong ko sa daan. Imbes na magalit, ipinagwalang-bahala ko na lamang ito at ipinagpatuloy ang aking paglalakad hanggang marating ang munti at tagpi-tagping barong-barong na tinitirhan namin.

Binuksan ko ang pinto. Sa lakas, muntik ko pa itong masira. Agad akong humalik sa pisngi ni Tatay. Ibinahagi ko sa kaniya ang masamang balita na aking narinig kanina. Nag-impake na rin ako kaagad upang maging handa sa parating na sakuna.

Binasag ko ang alkansiyang kawayan na limang buwan ko ring pinag-ipunan. Binilang ko ang laman at umabot ito ng P583. Bumalik ako sa tindahan. Binayaran ko ang kulang ko kanina at bumili ng mga pagkain.

Kinabukasan, pumasok pa rin ako ng paaralan kahit basang-basa ang sapatos ko. Umulan kasi ng nakaraang gabi, at may butas pa ang bubong namin. Bawat sulok ng paaralan, bukambibig ang paparating na bagyo.

“Umulan nang malakas kagabi. Sana hindi na lang tumigil nang sa gayo’y wala tayong pasok.”

“Sana bumaha hanggang bewang para masuspende ang klase.”

“Sana umabot ng isang linggo ang bagyo para isang linggo ring walang pasok.”

Kahit punong-puno na ako, ipinagwalang bahala ko na lang ang ulit ang mga naririnig ko. Hindi kasi nila naiintindihan ang kalagayan ng isang tulad ko.

Bumuhos na naman ang malakas na ulan, at heto na naman ako, tinatakpan ang mga butas ng aming bubong. Dahil sa lakas ng ulan, umidlip lang ako sandali. Malamig kasi at napakasarap matulog. ’Yon nga lang, maingay dahil sa mga kulog at patak ng ulan sa yero.

Nagising ako sa ingay na nanggagaling sa labas ng aming barong-barong. Bumaba ako ng kama at nagulat dahil lagpas beywang na pala ang tubig sa loob ng aming bahay. Napasigaw ako sa gulat. Agad ko namang hinablot ang aking bag at tumungo sa pinto ng aming barong-barong.

Pupunta na sana ako sa evacuation center nang maalala ko si Tatay. Kinuha ko ang kaniyang litrato sa itaas ng aking kabinet. Niyapos ko ito at hinalikan.

“Hinding-hindi na ulit kita bibitawan sa mga ganitong sakuna, Tay,” bulong ko sa litrato, at sabay naming sinuong ang malakas na hampas ng ulan, ihip ng hangin, at lagpas beywang na baha sa gitna ng gabi.

Advertisement