Ni Luis B. Bahay Jr.
Tula
Mababasa rin ang lupa
Ng pawis
Na tumatagaktak
Mula sa balat na nakabilad
Sa araw, sa kamay na makalyo,
Sa dumi ng mga kuko, sa mga paang pasmado.
Tuloy ang pagtatrabaho.
Mababasa rin ang lupa
Ng mga luhang
Tumatagas
Mula sa mga matang malabo
Ang paningin, sa sikmurang walang
Makain, sa ulam na palaging asin.
Tuloy ang pagtatanim.
Mababasa rin ang lupa
Ng marahas na ulan mula sa umuulang
Bala—
Mga balang dadanak ng dugo,
Mga balang sa bibig isinubo.
Mababasa rin ang lupa
Hindi ng pawis, hindi
Ng luha, hindi ng ulan.
Dugo ang siyang didilig sa
Lupang tuyo.