Ni Kiel Mark C. Guerrero
Tula
(This poem is the winner of the 2018 Sultan Kudarat Poetry Contest.)
Pupunuin ko ng salapi and kawayang may awang sa gitna,
Paunti-unting huhulugan ng mga baryang may tatak ng mga iniidolo ni’yong mga lalaking bayani.
Kalimutan na natin ang mga magiting.
Ipako ninyo ang mga mata sa akin.
Hindi ba’t ako naman ang kumayod?
Ako ang nagbanat ng buto, naghain ng katawan,
Kaya’t magpapakain ako mamayang gabi,
Ihahanda ang sariling laman.
Kailangan ko ng kita.
Barya ’yan, ayoko ng sinsilyo.
Hindi na ito umaga, pinakamababa ko’y isang libo.
May kolorete ako sa hitsura, pero mukha ba akong nagpapatawa?
Hindi ito bugso ng damdamin.
Walang tawag ng laman.
Pero kailangan kong sumalang sa tanghalang
Ang madla’y nanlilisik na mga matang mapanlinlang.
Pinaligiran ng dilim na may banaag ng pulang ilaw
Sa sulok ng makipot na daang walang makikitid na utak.
Ito ang aking palaruan,
Madalas makipaglaro sa mapanuksong kasarinlan.
Tawagin ni’yo na akong tukso,
Pero sa oras na ikaw ay mapikon,
Malipak, tumigas, tumayo,
Dadalhin kita sa nakakahalinang mundo.
Hali na at sumabay sa agos ng kaluguran.
Damhin mo ang bitag ng tuwa.
Panandalian lang ito kaya’t sulitin ang aliw.
Lasapin ang galak at ginhawa bago pa mawala.
Kalimutan ang mga kilay na mapagmataas.
Ako na’ng magpapakababa.
Isusuko ang sariling puri kapalit ang iyong tuwa
At malupit na sampal ng respeto, dangal, at kwarta.
Natutong lumuhod hindi para magdasal.
Hindi ako santo para magpakabanal.
Lahat naman tayo’y makasasala, may kutsilyong nakatutok sa atin,
Ang pinagkaiba lang, ako ang nakakapit sa patalim.
Nag-ipon ng kwarta gamit ang awang sa gitna.
Bibiyakin ang alkansiyang puno ng salapi.
Sa pagbiyak ng kawayan ay libo-libong Adan at nag-iisang Ebang
Tinawag nilang bayaran.