Ni Omar Akbar Mamento
Sanaysay
Sa bawat dampi ng hangin ay naaalala pa rin ang kahapong nagdaan. Hanggang ngayon ay patuloy pa ring naiisip ang mga tagpong ginawa nating laruan ang oras. Naaalala pa rin ang mga patak ng iyong pawis na sinlagkit ng binignit. Habang magkadikit ang ating mga balat sa sahig, ika’y napapikit sa nararamdamang kaligayahan na sa paghiyaw ay walang katulad.
Ako’y nahirapang umayaw sa iyong mga haplos, sa handog mong kaligayahan. Kaligayang nagpatikim sa katawang naghuhumiyaw sa kalungkutan. Ikaw ang aking pagkain na kahit ’di na kayang kainin ay pilit pa ring isinubo. Hindi ka man diyos ako’y lumuhod sa iyong harapan at sinamba ka habang nilalasap ang handog mong kaligayahan. Ang kadiliman lamang ang saksi sa paghabi natin ng isang gabing kasiyahan, habang umiingit ang kamang iyong pinaglapagan ng pagkaing iniaalay sa akin.
Ang iyong mga mata’y kasing kinang ng mga bituin. Ang iyong nadarama ay kasing saya ng mga dahong isinasayaw ng hangin sa tuwing nilalasap ko ang gatas na iyong alay. Isang inumin na minsan ko nang natikman sa ibang tao. Ngunit ikaw pa lang ang nagpainom sa akin ng ganoon kasarap. Hindi nagmamadali. Hindi nakikipaghabulan sa bawat dampi ng hangin sa ating mga katawan.
Ginagalugad mo ang aking pagkatao nang walang pag-aalinlangan. Hinila ang aking prinsipyo’t itinapon sa basurahang walang laman kundi mga kasalanang nakalukot at pinag-iwanan na ng katotohanan. Ginamit mo ang iyong nakasanayang mapa at tinuklas ang natatanging yaman na mayroon ang aking katawan. Mula sa hilaga, ika’y kumanluran, at tumalilis na parang isang bagyo papuntang silangan, at naglakbay muli papuntang timog. Ang iyong paglalakbay na ’di matapos-tapos ay tayong dalawa lamang ang nakakaalam. Ako ang nakasakay habang ikaw naman ay nagmamaneho sa karwaheng tatlong minuto lamang ang itatagal at masisira nang biglaan dahil sa kapaguran.
Ilang beses ko nang hindi inisip at kinalimutan ang kahapong iyong ipinatikim. Ngunit hindi pa rin natatanggal ang bahid ng kasalanan ng puting likidong nabuhos sa aking katawan. Iniwan mo ako sa pagitan ng mahal kita at mayroon ka nang mahal na iba. Gusto kong tahakin at tuntunin ang daan pabalik sa iyo, ngunit ang iyong kairog ay nagbabantay na para bang siya lang ang nakatikim at nakaranas sa katawan mong pinagsawaan. Gusto ko mang bumalik sa iyong piling ay ’di na maaari.
Ang anim na buwan at dalawampu’t anim na araw na ating pagsasama’y tinapos mo lamang sa salitang “paalam.” Huwag mong kalilimutan na ang pagmamahalan natin ay hindi nasusukat sa oras ngunit nasusukat sa sarap. Huwag mong kalilimutan na higit pa sa tatlong minuto ang kaya kong ibigay. Dahil ako’y iyo, at ang init ng aking katawan ay para sa iyo lamang. Alam ko’t alam mo na ’di niya ibibigay ang tatlong minutong iyong naranasan sa aking piling.
Mahirap bitawan at takasan ang nakaraan, ang pagtikim sa mapusok kong katawan. Ang aking munting hiling lamang ay sana ’di mabura ang mga alaala ng ating pagmamahalan. Gusto ko mang isipin at ulitin muli ang mga araw na hawak-hawak mo ang aking kamay ay ’di na maaari. Dahil ngayo’y hanggang tingin na lamang sa kawalan ang magagawa ko habang ika’y nakakandado at binabantayan ng babaeng makasalanan.
Sana iyong maisip na tayo’y minsang nag-imbak ng tubig na atin lamang. Mahal, sinisimulan na kitang palayain. Salamat sa pagpapatikim ng iyong pagkain. Salamat sa pagtuturo sa akin kung paano lumuhod sa isang anito. Salamat.