Ni Michael B. Egasan
Dula
(Unang itinanghal ang dulang ito sa 3rd Drama Festival ng Apat Sa Taglamig sa St. Alexius College sa Koronadal City, South Cotabato, noong Pebrero 2016.)
Mga Tauhan
Andoy: sampung taong gulang, malanding bading, may lihim na pagtingin kay Khael
Gemma: sampung taong gulang na batang babae, sugarol at magaling sa pera
Khael: labing-isang taong gulang na guwapong lalaki, matalino at masigasig mag-aral
Tagpo
Alas-siyete ng gabi sa buwan ng Pebrero taong 2000, sa parking lot ng isang malaking restaurant malapit sa dagat sa isang siyudad
Eksena 1
Tutugtog ang korus ng kantang “Patuloy ang Pangarap” ni Angeline Quinto. Tatambad ang entabladong ginawang car park. Sa kanlurang bahagi nito, may maliit na concrete barrier at may isang poste ng ilaw na gagawing ilaw ni Khael para mag-aral ng leksiyon. Nakalagay din sa ibaba ng poste ang isang sirang school bag.
Nasa stage ang batang sina Gemma at Khael, nakaupo at nagbibilang ng mga kinitang barya. Nakasuot si Gemma ng tsinelas, shorts, at T-shirt na may floral print na halos hindi na nakikita sa kalumaan. Nakasuot naman si Khael ng tsinelas at uniporme sa isang paaralang elementarya.
Manggagaling si Andoy sa hanay ng mga manonood. Nakasuot siya ng lumang leotards, shorts, at tsinelas. May nakasabit ding sling bag na pambabae sa kaniyang balikat.
ANDOY: Stoooooooop! Antayin ni’yo ako bago kayo magbilang!
KHAEL: Pambihira naman, Andoy. Nakakagulat ka.
GEMMA: O ano, Andoy? Deposited na ba lahat, ha? Tatawa.
ANDOY: Oo. Eto nga o. Amuyin mo. Ipapaamoy ang kamay kay Gemma.
GEMMA: Hmp! Kadiri ka.
KHAEL: Ba’t kasi an’tagal mong makabalik, Andoy? Saan ka pa ba pumunta?
ANDOY: Hmp! Hindi ni’yo ba alam ang nangyari kani-kanina lang do’n sa may banda sa atin?
GEMMA at KHAEL: Hindi.
Tutungo si Andoy sa gitna ng entablado at sasayaw sa tunog ng kantang “Hot Issue.”
ANDOY: May hulihang nangyari kanina do’n sa atin. Super habulan ang drama ng mga pulis at mga tambay do’n. Pero alam ni’yo ba kung sino ang star? Si Mang Teksio at . . .
GEMMA: Sino?
ANDOY: At . . . At si Manong Arnel! ’Yong tiyo mo, Khael. Hinuli ng mga lespu ang Tiyo Arnel mo. Sa wakas! Tatawa.
GEMMA: E ano pa nga ba ang bago sa kaniya? E talaga namang bantog na kawatan ’yang tiyo mo, Khael, at pusher ’yang si Mang Teksio. Buti nga sa kanila.
ANDOY: Check!
Nabagabag si Khael sa nangyari, pero hindi niya ito ipinahalata.
KHAEL: O siya, hali na, magbilang na tayo ng kinita natin.
ANDOY: Bente, bente-uno, bente-dos, bente-tres, bente-kuwatro, bente-singko. Bente-singko? Pambihira naman. Bente-singko pa lang ang kita natin? Kakamot sa ulo.
GEMMA: Bente-singko. Hindi ba halata? Haler!
ANDOY: E sa gusto kong mag-comment. Pakialam mo.
KHAEL: O, nag-aaway na naman kayong dalawa. Mas lalo tayong mamalasin niyan pag nagpatuloy ’yang bangayan ni’yo. Sabi nga ni Tatay, “Relaks, para lumapit ang grasya.”
ANDOY: Hmp! Tatayo at dudukutin sa sling bag ang isang lalagyan ng compact powder at mananalamin. Maganda pa rin ba ang beauty ko, Khael?
KHAEL: Oo naman. Ngingiti na para bang nangungutya, saka kukunin ang isang notebook at isang libro mula sa bag at magbabasa sa ilalim ng poste. Pero sa totoo lang, hindi ko rin alam kung aabot ’yong kita natin ngayon sa kailangan ko para sa project. Sa pagkakahuli ng Tiyo, hindi ’yon matitiis ng Tatay. Kaya wala na akong aasahang pera sa kaniya. Tsk!
GEMMA: Ayan, magpapalaki na naman ng utak si Khael. Maglalakad na para bang mabigat ang ulo sa laki ng utak.
ANDOY: Asus! Para saan ’yan, Khael? Sigurado ka bang makakatapos ka ng elementarya?
KHAEL: Oo naman.
GEMMA: E makakatungtong ka ba ng high school? Tatawa.
ANDOY: Bubulong kay Gemma. Dapat sabihan pa natin ang mga tao na magtapon pa ng maraming basura para mas marami ang makakalakal ni Nong Bildo at Nang Badak kasi ’yong anak nila ambisyoso. Tatawa kasabay ni Gemma.
KHAEL: Sige, pagtawanan ni’yo akong pareho. Makikita ni’yo. Ituturo ang dalawang kausap.
Kakanta ng ilang linya mula sa “Mangarap Ka” ng After Image.
GEMMA: Ikaw kasi. Titingin kay Andoy.
ANDOY: Anong ako? Ikaw kaya. Nanlalaki ang mga mata kay Gemma, tapos babaling kay Khael. Kasi naman, Khael, dapat tanggapin na natin na ang tulad nating mga dukha na, pulubi pa, e wala nang mararating. Ga-gradweyt nga tayo ng elementarya, hindi naman sure if maka-high school.
GEMMA: Alam mo, Khael, korek si Andoy. Ako, tanggap ko na rin ’yan, kaya nga ini-enjoy ko na lang ang lahat.
ANDOY: Alam mo, Gemma, bukod sa pareho tayong maganda, pareho rin tayo ng isip minsan. Inuulit ko, minsan. Hali ka, sabayan mo ako, Khael. Ito dapat ang gawin natin sa pagtanggap ng ating kapalaran.
Kakanta ng ilang linya mula sa “Sama-sama” ng Alamid.
KHAEL: A, basta ako, patuloy akong magsusumikap, mag-aaral nang mabuti, at gumawa ng tama. Mali kayo na ang tulad natin e walang tsansa na maging maginhawa.
ANDOY: O sige nga, papano mo gagawin ’yan?
KHAEL: Ang sabi kasi ni Tatay, may mga tumutulong sa mga estudyanteng mahirap pero matalino.
GEMMA: Ha? Meron bang gano’n?
KHAEL: Oo. Ang Department of Social Work and Development, sabi ng Tatay. Sila daw ’yong isa sa mga tumutulong sa mahihirap.
ANDOY: Wow! Social? Siguro ang sososyal ng mga tao diyan. Gusto ko ’yan!
GEMMA: Tse! Tumahimik ka nga. Bobo!
KHAEL: Pero hindi lang naman sila. May mga iba pang tumutulong. Sabi nga rin ni Tatay, may mga politiko rin na nagpapaaral. May mayayaman ding may foundation na tumutulong. Kahit pribadong kompanya, tumutulong din.
ANDOY: Hmp! Paano pag hindi ka matalino? E di ka mapapansin?
KHAEL: Sabi ni ma’am, walang taong bobo. Nagiging bobo ka kasi tamad ka. Sabay turo kay Andoy. Tamad ka lang mag-aral.
ANDOY: Aarte na parang nabaril at hihiga sa sahig. Ouch! Ang sakit no’n ha.
KHAEL: Kaya ako, sisipagan ko ang pag-aaral. Tatayo at tutunguhin ang spotlight sa entablado. At magiging isang mahusay na engineer ako. Habang sinasabi niya ito, para bang nakikita niya ang sarili sa hinaharap. Tutugtog ang musikang “Go the Distance” ni Michael Bolton sa bandang unang koro.
GEMMA: Wiw! Andoy, tara na nga. Maglaro muna tayo ng tumbo. Baka kasi Yolandahin tayo rito sa lakas ng hangin.
Tatakbo ang dalawa sa kabilang bahagi ng entablado at maglalaro habang naiwang mag-isa si Khael na nagbabasa.
GEMMA: One, two, three . . . Yes! Panalo!
ANDOY: Ay, malas!
GEMMA: One, two, three . . . Tatawa. Ako na naman ulit!
ANDOY: Sandali, sandaleeeeeh! Bakit ikaw na lang lagi? Mandaraya ka. Tulisan! Kawatan! Ganid!
GEMMA: Talunan! Boba! Hindi ko kasalanan na parati kang talo.
ANDOY: Palibhasa, mana ka sa nanay mong sugarol. Pamilya kayo ng mga sugarol! Sasabunutan si Gemma.
KHAEL: Hoy! Ano ba kayong dalawa?
ANDOY: Si Gemma kasi, madaya.
GEMMA: Hindi kita dinaya. Sadyang bobo ka lang talaga. Ang mga bobo, walang mararating.
KHAEL: Gemma, tama na.
GEMMA: At ang sakit-sakit ng pagkasabunot mo sa akin ha. Kakanta ng ilang linya mula sa “Babae Po Ako” ni Tuesday Vargas.
Maiiyak si Andoy. Aakap siya kay Khael.
ANDOY: Hindi ko kasalanan ang maging bobo. Hindi ko rin gusto ang maging bobo.
KHAEL: Tama na, Andoy. Hindi sinasadya ni Gemma ’yong mga nasabi niya.
Bahagyang kikiligin si Andoy, papahiran ang luha, at tutungo sa spotlight ng poste, saka magpo-pose na para bang isang ramp model.
ANDOY: Oo, bobo na nga ako. Kasi sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay jinujumbag ako ng aking fadir. Kaya masyado nang naaalog ang aking utak. Hali kayo at tingnan ni’yo ang aking bagong pasa sa leeg. Kukunin ang panyo sa leeg. Sinubukan akong patayin ng aking fadir kagabi. Sinakal niya ako. Mangiyak-ngiyak. Dahil lang sa nakita niya ang mga ito. Bubunutin sa shoulder bag ang mga larawang naka-sketch na may iba’t ibang disenyo ng damit at itatapon sa sahig. Buti na lang ando’n ang mga kuya at naawat siya.
GEMMA: Pupulutin ang isang sketch. Wow, bakla, ang ganda-ganda naman nito.
KHAEL: Gawa mo ang lahat ng mga ito, Andoy?
ANDOY: Hindi. Gawa ng mga sirena do’n sa dagat. May itinuturo kunwari. Siyempre, oo!
KHAEL at GEMMA: Wow!
ANDOY: Pangarap kong maging isang fashion designer ng mga sikat na artista sa mundo. Bibihisan ko sila ng aking mga nilikhang damit. Rarampa na para bang isang ramp model kasabay ang tugtog na “Bongga Ka, Day!” ng The Hotdogs. Natatakot lang ako dahil kay fadir.
KHAEL: Alam mo, tama ’yan, Andoy. Hindi ka man magaling sa academics, may talento ka naman sa pagde-design ng mga damit.
ANDOY: ’Yon nga lang, ayaw ng aking fadir ang talent ko. Sabi niya, salot daw ang maging bayot. Malas daw ako sa pamilya. Iiyak nang bahagya.
KHAEL: Nakalagay kaya sa libro natin na karapatan ng isang bata ang kilalanin siya kung ano siya. Karapatan din nating mga bata ang magkaroon ng isang mabuti at maligayang pamilya at ng mga pangarap. ’Yong ginagawa sa iyo ng tatay mo, labag sa ating mga karapatan at sa batas.
GEMMA: Kriminal ang fadir ni Andoy?
KHAEL: Kailangan lang ng tatay ni Andoy na maunawaan ang ating mga karapatan.
GEMMA: Tama. Nakita ko no’n sa TV ’yong Bantay Bata 163 na hinuhuli nila ’yong mga nanay at tatay na nananakit ng mga anak. Baka puwede tayong humingi ng tulong do’n.
KHAEL: Pero hindi na siguro natin paabutin do’n. Andoy, gusto mo bang kausapin ni Tatay si Tatay mo para naman maliwanagan siya? Puwede niyang yayain ang tatay mo na mag-volunteer do’n sa DSWD.
ANDOY: Bet na bet ko ’yan! Ang problema naman ay baka ako naman ang pagbalingan ni fadir.
KHAEL: Baka nakakalimutan mo, mag-best friend si Tatay mo at Tatay ko.
ANDOY: Ay, oo nga pala! Papalakpak saka babaling ang tingin sa isang sulok. Uy, di ba si Princess ’yon? ’Yong crush ni Khael na taga-condominium. Princess! Princess! Andito si Khael, o!
KHAEL: Uy, ’wag kayong ganiyan.
GEMMA: Uuuy, si Prinsipe o, nahihiya.
ANDOY: Kikiligin. Ayyyy! Tinatawag ka niya o! Dali, puntahan mo na.
KHAEL: Hala, nakakahiya. Aayusin ang sarili at tatakbo palabas ng stage.
GEMMA: Makikitsismis na rin ako. Susunod kay Khael.
ANDOY: Sige, dito lang ako. Susundan ng tingin ang dalawa. Mag-e-emote kasabay ng kantang “Bakit nga ba Mahal Kita” ni Rosselle Nava.
GEMMA: Papasok ng entablado kasama si Khael na kinikilig pa rin. Hoy, Andoy! Ang ganda talaga ni Princess pag sa malapitan. Perfect talaga silang dalawa ni Khael—guwapo at maganda.
Ibabaling ni Andoy ang tingin kay Gemma.
ANDOY: O, halos nakalimutan ko, may prinsesa pala ng sugal tayong kasama rito.
GEMMA: Tse! Gusto mong ako ang jumumbag sa ’yo ngayon? Aakmang susuntukin si Andoy, at saka tutunguhin ang spotlight ng poste. Simula ngayong gabi, idedeklara kong hindi ako titigil hangga’t hindi ko nakakamit ang aking pangarap!
ANDOY: Maging reyna ng tumbo at pyat-pyat? Tatawa.
GEMMA: Mali! Kikilalanin ako sa buong barangay bilang si Gemma, ang magaling na labandera! Sa tugtog ng kantang “Gloria Labandera,” rarampa na parang isang beauty queen na pakaway-kaway. Mababakas sa mukha ang pagiging proud sa kaniyang trabaho.
Matatawa nang husto sina Andoy at Khael.
ANDOY: Grabe! Ang taas ng pangarap mo, Gemma. Natatawa pa rin.
KHAEL: Nalula ako do’n a. Natatawa pa rin.
GEMMA: Pagtawanan ni’yo ako. Magkukusot ako at magkukula. Makikilala ako rito sa ating barangay bilang ang labanderang pinakamalinis at pinakamabango ang mga nilabhan. Lahat ng mayayaman dito e magkukumahog na malabhan ko ang kanilang maruruming damit. Lalakasan ang boses. At kahit ano pa man, marangal po ang pangarap kong ito!
KHAEL: Oo nga naman, Andoy. Marangal na trabaho ang pagiging labandera. Sina Tatay at Nanay nga, nagbabasura, at ang tatay mo kargador, pero marangal ang kanilang mga trabaho. Nagbabanat sila ng buto para sa mga pang-araw-araw na kailangan natin.
ANDOY: Oo nga naman. Pinipigilan ang tawa.
KHAEL: Kaya tayo, magsumikap na makatapos ng pag-aaral. ’Yon ang pinakamahalaga sa lahat. Pahalagahan ang pagsusumikap ng ating mga magulang para sa atin. Mangarap tayo at pagsikapan na maabot.
ANDOY at GEMMA: Opo, kuya! Tatawa.
KHAEL: Kuya kayo diyan. Hoy, halos hindi na magkakalayo ang mga edad natin.
ANDOY: Mas gagalingan ko pa ngayon ang pagkanta at pag-awit para mas malaki ang kita natin!
GEMMA: Ako rin!
KHAEL: Kaya nga dapat magpraktis tayo ngayon. Dapat ’yong maganda talagang sayaw at kanta para malaki ang ibibigay ng customers natin. Di ba alam ni’yo naman na may project ako? Kakaunti pa lang kasi ’yong kita natin ngayon.
ANDOY: Tama! ’Yong bonggang-bonggang production number. Sige, Khael, anong kanta ba ang gusto mong kantahin natin?
KHAEL: ’Yong makabagbag-damdamin para maantig ang puso ng customers, plus pamatay sa galing na choreo. Ikaw, Gem?
ANDOY: Hoy, Gemma, bruha! Ano’ng tinutunganga mo diyan?
GEMMA: Tinitingnan ko lang ’yong bata at pamilya sa loob. Tutunguhin nina Andoy at Khael ang tinitingnan niya. Siguro birthday niya kasi may malaking cake tapos may siyam na kandila. At ang saya-saya nila. Pangarap ko na sana minsan pag-uwi ko ng bahay, may cake din ako. Hindi pa talaga ako nakakatikim ng cake na ganiyan kalaki, o kahit na anong cake tuwing birthday ko.
ANDOY: Sister, ako rin, hindi pa nakakatikim ng cake na ganiyan. Ano kayang lasa niyan?
KHAEL: Hmmm . . . May naisip na ako. Ipikit natin ang ating mga mata at isipin natin ang lasa.
GEMMA: Ha? Paano? E hindi pa nga tayo nakakatikim ng cake?
KHAEL: Isipin natin ang masasayang alaala natin. Kasi ’yon ang mararamdaman natin pag nakakatikim tayo ng masarap na pagkain. Di ba ’yon ’yong naramdaman natin no’ng pinakain tayo ng pansit ni Mamang Guard diyan sa restawran? Kaya ngayon, isipin natin ang pinakamasayang sandali nating tatlo. Tiyak super masarap ito!
GEMMA, KHAEL, at ANDOY: Ipipikit ang mga mata. Mmmmmmm . . .
GEMMA: An’sarap! Naalala ko tuloy kung gaano ako kasaya no’ng naging magkaibigan tayo at natuto tayong kumanta.
Tutugtog ang kantang “Kayganda ng Ating Musika” ni Hajji Alejandro.
ANDOY: Hali na kayo, practice muna tayo.
Lalabas ng entablado ang tatlong bata. Lights off.
Eksena 2
Tutugtog ang kantang “In my Life” ng Beatles. May papasok na isang bading na mukhang sopistikada at sosyal. May kausap ito sa phone.
BADING: Girl, asan ka na ba? Alam mo, hindi pa rin kayo nagbabago. Always late. Masisira na ang beauty ko. Pleeeaaassseee! Oo, he called na, on the way na rin siya. Gaga. Aba siyempre, kinikilig pa rin ako sa kaniya. Tatawa. Sige na, magmadali ka na diyan. Yes, I know, kaya binook ko ’yong flight ko pabalik ng Milan a day after ng opening ng pansampung laundry shop mo. You’re welcome. OK, OK, ciao! Ibababa ang phone, iikot sa car park, at makikita sa mukha nito ang ngiti na para bang may naalala.
Papasok ang tatlong bata na para bang nag-uusap pa sa kanilang choreo.
ANDOY: Uy, may customer!
Tatakbo ang tatlo at magsisimulang kumanta ng “Bakit Pa?” ni Jessa Zaragoza.
KHAEL, ANDOY, at GEMMA: Piso, kol! Sabay-sabay na nakaharap ang kanilang mga palad sa tatlong may edad.
BADING: Anong piso? Pam-five hundred ang performance ni’yo! Sabay abot ng pera sa palad ni Khael.
Tatakbo ang tatlong bata palabas ng entablado na tumatawa sa saya.
Lights off.
Lights on.
BADING: Ay, punyeta! Pupulutin ang red sling bag ni Andoy na naiwan. Mapapaisip. Fifteen years ago, ganitong shoulder bag din ’yong naiwan ko no’n dito! Aakmang para bang masaya na nagulat.
Lights off.