Hindi Sila Natutulog

Ni Allan Ace Dignadice
Maikling Kuwento

 

Nagising si Using sa isang kalabog. Malalim ang gabi at walang kuryente sa kanilang baryo kaya iminulat niya nang husto ang mga mata. Nakita niyang napasayaw ang kurtina ng bintana dahil sa mahinang ihip ng hangin.

Bog. Bog.

Nasundan pa ang mga tunog. Tumingala si Using. Galing sa ikalawang palapag ng bahay ang mga tunog. Inapuhap niya ang ate at ina, ngunit isang pares lang ng paa ang nakapa ng mga kamay niya.

“Baka marinig ka niya,” mahinang sabi ng isang tinig mula sa itaas.

Tinalasan ni Using ang tainga, ngunit wala na siyang narinig pa. Mayamaya hindi na niya namalayang nakatulog na ulit siya.

Nagising na lamang si Using nang magtilaukan ang mga manok. Sumunod ang kaniyang ina. “Using! Ano ba naman kang bata ka, oo,” ang talak nito. “Bumangon ka na riyan at tumulong ka rito sa bahay!”

Makupad na bumangon si Using. Pinahid niya ang nanuyong laway sa gilid ng bibig at nagtungo sa labas ng bahay. Dinampot niya ang walis at nagsimula nang magtrabaho.

Pagdating ng agahan, ikinuwento niya sa ina ang mga kakaibang tunog sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

“Guniguni mo lang siguro ’yon!” sabi ng kaniyang ina. “Di ba sinabi kong bawal umakyat sa itaas? Delikado.”

“Hindi ako umakyat kagabi, Nay,” sabat ni Using. Tahimik lang na kumakain ang kaniyang ate.

Pagsapit ng gabi, natulog na ang mag-iina sa kanilang silid. Hinintay ni Using na bumalik ang mga tunog mula sa ikalawang palapag. Naghintay siya buong magdamag, ngunit wala siyang narinig.

Nang sumunod na gabi, binantayan din niyang magbalik ang mga tunog, ngunit wala pa rin. Hanggang sa sumunod. At sumunod pa.

Sa ikalimang araw ng pagbabantay niya, hindi niya napigilang maidlip. Nagising na lamang siya nang muling may kumalabog sa itaas ng silid. Kinapa niya ang kama, at isang pares lang ulit ng paa ang naroroon. Hindi siya sigurado kung sa ina o sa ate niya ang mga ito. Nagdadalawang-isip din siyang gisingin ang may-ari ng mga paa dahil kung sakaling nanay niya ito, lagot sila ng ate niya. Minabuti niyang hindi na lang gumalaw at makinig lamang sa mga ingay.

“Tama na po,” pakiusap ng tinig.

Bog. Bog. Bog.

Sunod-sunod ang pagkalabog sa itaas. Napakapit sa kama si Using.

Bog!

Isa pang malakas na kalabog ang gumising kay Using. Sumikat na ang araw at lumulusot na sa siwang ng kanilang kuwarto ang mga silahis nito. Naaamoy na niya ang ulam sa umagahan. Isang masarap at mainit-init pang nilaga.

Agad na kumaripas palabas ng silid ang bata, ngunit natigilan siya sa may pintuan patungong kusina. Nakita niya ang ina na may ibinalot sa isang itim na tela at ipinasok sa malaking kaldero. Lumingon ang ina sa pintuan, ngunit nakapagtago na si Using bago pa siya makita nito. Nagtungo sa hagdan paakyat sa ikalawang palapag ang ina ni Using bitbit ang kaldero.

Narinig ni Using ang paglapag ng kaldero at ang katagang, “Salamat.” Dahil sa gulat at takot, agad na bumalik sa kama si Using at nagtakip ng kumot.

Tanghali na nang magising ang bata, at paglabas niya ng silid, nakita niya ang ina na nanananghalian.

“Ang tamad hindi dapat pinapakain!” bulyaw ng ina sa kaniya.

Napatingin si Using sa hapag at nakitang wala ang kapatid.

“Mang, nasaan si Ate?” nagtatakang tanong niya.

Tumingin lang sa kaniya ang ina at nagpatuloy sa paghigop ng sabaw. Lumapit sa mesa ang bata at tiningnan ang laman ng mangkok sa hapag. Ang mangkok ng nilaga.

“Mang, saan ka kumuha ng karne?” usisa ni Using.

Napatigil sa pagkain ang ina. “Kung kakain ka, wala nang maraming tanong.”

Tumakbo patungo sa labas ng bahay si Using.

“Saan ka pupunta?” sigaw ng ina niya.

Hindi lumingon si Using. Nang ilang metro na ang layo niya ay saka pa lang lumingon si Using sa bahay. Kita niya mula sa kinaroroonan ang bintana sa ikalawang palapag at ang pigura ng isang tao. Sa ibabang pintuan naman ay nakatayo ang ina at may sinasambit na hindi na niya maunawaan.

Dahil sa hindi naman niya alam kung ano’ng gagawin at saan pupunta, bumalik siya sa loob ng bahay. Pinihit ng ina ang kaniyang tenga at pinagalitan siya. Pinaupo siya nito sa hapagkainan at nagpatuloy ito sa panananghalian.

Hindi kumain si Using. “Tapatin mo ’ko, Mang. Totoo bang—”

“Oo,” sagot agad ng ina. “Oo, Using. Hindi kinaya ng ate mo. Napuruhan siya kaya ganoon.”

Muling natahimik ang hapagkainan, at tanging pagbangga ng kubyertos lamang ang naging tunog buong tanghali.

“Ayoko po,” sambit ni Using habang umaagos ang mga luha sa kaniyang pisngi.

“Hindi maaari.” Hinawakan ng kaniyang ina ang nanginginig niyang kamay. “Paano tayo mabubuhay?”

Napabulahaw ng iyak si Using. Tumayo ang ina at niyakap ang bata.

“Malupit talaga ang kapalaran, Using. Ganiyan din ang naramdaman ko noong una akong nakatikim ng tao. Nandiri ako sa sarili ko. Nahiya.” Pinilit ng ina na pihitin ang ulo ng bata patungo rito. “Ngunit hindi tayo makasalan. Hindi ito kasalanan. Sadyang may mga bagay lang na mali sa paningin ng iba. Hindi mali ang mabuhay, Using. Tandaan mo ’yan.”

Kumuha ang ina ng isang maliit na mangkok at nilagyan ito ng mainit na sabaw at isang malaking hiwa ng karne. “Dalhin mo ’to sa taas,” utos nito sa tinig na hindi tatanggap ng pagsuway.

Tumango si Using at pinahid ang mga luha sa pisngi. Nanginginig niyang hinawakan ang mangkok at naglakad patungo sa ikalawang palapag. Ramdam niya ang bigat ng bawat yapak niya sa hagdan. Para bang pasan niya ang mundo sa isang karerang ayaw niyang mapagtagumpayan.

Kabog ng dibdib niya ang tanging ugong na pumupuno sa kaniyang mga tenga—ngunit hindi sa takot sa kung ano ang nasa taas kundi sa takot na tama ang kaniyang inaasahan. Alam ni Using sa sarili niya kung ano ang misteryo sa ikalawang palapag, ngunit takot siyang makompirma ito.

Isa pang yapak. Isa pa. Isang pinto.

Dahan-dahang binuksan ni Using ang pinto at tumambad sa kaniya ang ate niya. Kalahati ng katawan nito ay nakatayo habang nakahiga ang kalahati. Inilapit ni Using ang sabaw sa nakahigang kalahati kung saan naroon ang ulo ng kapatid. Naawa si Using sa sinapit ng ate. May mga sugat ito sa kanang tagiliran na nilapatan ng mga dahon, at may mga gasgas din ito sa braso at mukha. Hindi naman napaano ang mga paa nito.

Nang magising ang kapatid, inalalayan niya ito at pinahigop ng sabaw. Nang maubos na ang laman ng mangkok, tumayo na si Using para lumabas.

Hinawakan siya ng ate sa kamay. Lumingon si Using.

“Using, bantayan mo lagi ang mga paa ko ha,” sambit ng ate.

Ngumiti ang bata at tiningnan ang ibabang kalahati ng ate na nakatayo sa isang tabi. Naglakad siya palabas at isinara ang pinto.

Advertisements