Ni Mariz J. Leona
Maikling Kuwento
(Ang akdang ito ay naging finalist sa Get Lit!, isang patimpalak sa pagsusulat ng maikling kuwento para sa kabataan, na isinagawa ngayong 2018 ng Pangandungan, ang samahan ng mga manunulat sa General Santos City.)
Hindi ko maiwasang mapanganga sa ganda ng aking nakikita: ang mga ulap na parang isinasayaw ng liwanag na nagmumula sa buwan. Masaya pala sa pakiramdam ang lumipad sa alapaap, na abot-kamay mo na lang ang mga ulap na madalas mo lang tinitingala, mga ulap na nagbibigay babala kung uulan ba o kung puwedeng maglaba.
“Tea, coffee, and a full bar service will be available throughout the flight. If you require any special assistance, please contact a flight attendant nearest you.”
Napukaw ang atensiyon ko sa panonood sa labas ng bintana nang magsalita ang flight attendant. Ito ang una kong sakay sa eroplano, kaya natatakot ako pag nagsasalita na sila. Hindi ko alam kung bakit, ngunit parang may bumubulabog sa kaloob-looban ko na dapat akong makinig sa anumang sabihin nila para na rin sa aking kaligtasan. Nakita ko ang papalapit na mga attendant, tulak-tulak ang isang cart na naglalaman ng pagkain. Nakaramdam ako ng gutom dahil hindi pa ako nakakakain ng hapunan. Alas-singko ng hapon pa kasi akong nasa airport, at alas-otso ng gabi pa pala ang aking flight. Masyadong sabik lang siguro akong makasakay ng eroplano, o takot lang akong maiwanan nito dahil napakamahal ng ticket. Wala akong perang pambili ulit.
Bumili ang katabi ko ng kape at biskwit. Gusto ko rin sanang bumili, kaso ang mahal naman pala ng ibinebenta nila. Pareho lang naman ang biskwit nila sa biskwit na itinitinda ng lola ko sa tindahan niya. Siguro kung dito si lola magtitinda sa eroplano, limang biskwit pa lang, solb na ang kapital niya sa biniling isang dosenang biskwit. Naaamoy ko ang kape na iniinom ng katabi ko. Gusto ko rin sanang humigop ng mainit-init upang maibsan ang lamig na aking nararamdaman dahil sa aircon, pero dahil wala akong pera, hinigpitan ko na lang ang hawak sa aking jacket, na bigay ng aking nobyo.
Upang makalimutan ang gutom na aking nararamdaman, itinuon ko na lamang ang aking pansin sa labas ng bintana. Walang ulap. Ang sinag lamang ng buwan ang aking nakikita. Napakalungkot naman ng buwan, walang kasama sa malamig at tahimik na kalawakan. Bakit ba iniiwan ng ulap at mga bituin ang buwan? Kung tutuusin, kahit saan mang parte naroroon sila, sa tahimik at malamig na gabi, sinasamahan naman sila nito. Siguro sadyang maunawain lang talaga ang buwan sapagkat alam niya ang pakiramdam ng nag-iisa. Ngayong abot-kamay ko na ang buwan, nais kong maging kagaya niya—malakas at maunawain. Kahit tinalikuran na ng lahat, handa pa ring samahan ang sinumang nangangailangan. Nais kong magkaroon ng ganoong lakas dahil alam ko rin ang pakiramdam ng palaging iniiwan at kinukumusta lang kung sila’y may kailangan.
“Ladies and gentlemen, the captain has turned on the ‘Fasten Seat Belt’ sign. We are now crossing a zone of turbulence. Please return to your seats and keep your seat belts fastened. Thank you.”
Binitawan ko ang aking jacket at nangunyapit sa aking upuan. Natatakot ako. Nakakatakot ang pagyugyog ng eroplano. Ang dilim sa labas ng bintana, parang kami ay nasa loob ng makapal na ulap. Nasusuka ako at naiihi sa sobrang takot. Naiiyak rin ako, ngunit umusal pa rin ako ng munting panalangin na sana kami ay makarating sa aming paroroonan nang buhay pa. Ayaw ko pang mamatay. Bata pa ako, marami pang pangarap sa buhay. Lord, ’wag naman sana. Pinikit ko na lamang ang aking mga mata at hinintay na ito’y matapos na.
“Ladies and gentlemen, welcome to Mactan International Airport. Local time is nine forty-five PM, and the temperature is twenty-eight degrees Celsius.”
Nandito na pala kami. Nakapikit lang ako kahit na natapos na ang pagyugyog ng eroplano kanina. Inilabas ko ang aking selpon at tinext ang mga susundo sa akin. Sabi nila napakalayo raw ng airport dito sa airport doon sa amin. Tama nga sila, napalaki ng kanilang airport dito. At dahil takot akong maligaw, sinundan ko ang bulto ng mga pasahero.
Nakasakay na ako ng kotse. Ang ganda ng aming nadadaanan. Ganito ba ang tawag nilang city life at night life? Ang daming tao at ang liwanag ng paligid. Napakalayo sa lugar namin. Doon ay masaya na ang mga katulad ko sa isang poste ng ilaw kada purok. Mahilig kaming tumambay sa waiting shed ng aking mga kaibigan, nanonood ng alapaap, nakikinig sa mga kuliglig, at nag-uusap tungkol sa aming mga pangarap sa buhay. Ngayon pa lang nami-miss ko na sila. Ano kaya ang magiging kapalaran ko sa lugar na ito?
“Day, ito ang magiging kuwarto mo. Pasensiya na at maliit lang,” sabi ni Ate nang ihatid niya ako sa isang silid. Hindi naman ito maliit para sa akin. Napakaganda nga. Unang beses kong magkaroon ng sariling silid. Doon kasi sa amin, sama-sama kami sa iisang papag. Nagpahinga na ako dahil napagod ako sa biyahe. Bukas ko na lang ilalagay sa aking aparador ang aking mga gamit.
Alas-tres pa lang gising na ako. Ang tahimik pa ng paligid. Tulog pa ang mga tao. Doon sa amin, ganitong oras pa lang, naghahanda na ang mga tao upang magtrabaho sa bukid. Hindi ko pa gamay ang pamamalakad nila sa loob ng bahay, kaya nilagay ko na lang muna ang aking mga gamit sa aparador. Napangiti ako sa isiping may aparador ako. Doon kasi sa amin, sa karton lang namin inilalagay ang mga gamit namin. Naalala ko na hindi pa pala ako nakapag-text sa kanila na nandito na ako sa Cebu. Agad akong nag-type at sinend ito. Hindi na ako mapakali sa aking higaan, kaya lumabas na ako at dumiretso sa kusina. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko o lulutuin, kaya naisipan ko na lamang maglinis dahil pareho lang naman ito sa amin. Walis lang ang kailangan. Meron namang Gasul at rice cooker doon sa amin, sa isa kong kaibigan, ngunit hindi ako marunong gumamit nito. Kahoy at uling lang ang gamit namin sa bahay.
Natapos akong maglinis bandang alas-singko na. Lumabas na rin ang haring araw at gising na rin sina Ate.
“Day, tulog pa si Andy. Pahinga ka muna diyan. Si Nene na ang bahalang magluto ng agahan.”
Tumango ako at ngumiti. Ang saya naman dito. Iba’t ibang tao ang gumagawa ng mga gawain. Doon kasi sa amin, ako lahat ang gumagawa dahil ako raw ang babae at pinakabata.
Biglang umalingawngaw ang iyak ng isang batang lalaki.
“O, gising na si Andy. Day, pakikuha siya roon sa kuwarto.” Nag-aatubili man, pumunta pa rin ako sa kuwarto ni Andy. Hindi ko alam kung magugustuhan niya ba ako o hindi. Sana naman magustuhan niya.
Kumatok ako sa pinto ng kuwarto kung saan ko naririnig ang hikbi ni Andy. Pagbukas ko ng pintuan, bumungad sa akin ang isang batang edad dalawa, nakadapa at nginangatngat ang kaniyang unan. Tinawag ko siya sa kaniyang pangalan, at mabilis niya akong tiningnan. Bigla siyang ngumiti at umupo sa kaniyang higaan.
“Heyow po, Andy,” binati ko siya at lumapit sa kaniya.
“Are you my new yaya?”
Nanlambot ako dahil Ingles ang gamit niyang pananalita. Nakakaintindi naman ako ngunit hindi ako sanay gumamit nito. Doon kasi sa amin, tatawanan ka kung Ingles ang iyong gamit na pananalita. Sasabihan ka pang nagmamagaling, kaya siguro hindi sanay ang mga kabataan doong gumamit nito dahil mayayaman lang daw ang puwede gumamit nito.
“Carry me please,” sabi ng bata habang nakataas ang kaniyang mga kamay. Nagpapabuhat ito. Agad ko naman siyang binuhat at lumabas na kami ng kaniyang kuwarto.
Habang pinapakain ko si Andy, biglang sumama ang aking pakiramdam. Nasusuka ako sa amoy ng kinakain niya. Hindi ko na napigilan at napatakbo ako sa CR at doon nagsuka. Nag-aalalang lumapit sa akin si Nene. Wala na sina Ate dahil pumunta na sa trabaho.
“Ano’ng nangyayari sa ’yo?” tanong niya. Mas matanda ako ng isang taon kay Nene. Kinse siya at dise-sais naman ako. “Naku! Baka buntis ka ha?”
Nabigla ako kaya nasigawan ko siya. Parang hihimatayin ako bigla sa sinabi niya. Hindi ako puwedeng mabuntis dahil ang bata ko pa.
“Ganiyan na ganiyan ’yong mga buntis,” dugtong pa niya at umalis na sa aking harapan.
Inayos ko naman ang aking sarili at binalikan na sa kusina si Andy, ngunit wala na siya roon at ubos na ang pagkain niya. Kinabahan ako at agad siyang hinanap. Unang araw ko pa lang dito at parang magkakasala na ako. Wala siya sa loob ng bahay, kaya lumabas na ako. Nakita ko siyang naglalaro kasama ang iilang mga bata. Lumapit ako sa kanila.
“Hi! Ikaw ang bagong yaya ni Andy?” tanong ng isang babae. Mukhang hindi nagkakalayo ang edad namin. Tumango ako at nginitian siya. “Sana magtagal ka.”
Kumunot ang aking noo sa kaniyang sinabi, at napansin niya siguro ito dahil dinugtungan niya ang kaniyang litanya. “Wala kasing nagtatagal na yaya si Andy kahit mabait namang bata.”
Tiningnan ko si Andy na masayang nakikipaglaro sa dalawang batang babae. “Alaga ko ’yan sila, kambal.” Hindi ko namalayan ang oras dahil sa mga kuwento ni Sabel. Sabel pala ang pangalan niya, at dalawumpu’t anim na taong gulang na siya. “Sige, Day, pasok na kami dahil ligo time na ng kambal.”
Ang bilis lumipas ng isang buong araw. Masaya ako at si Andy ang alaga ko. Napakabait at sweet na bata, kaya hindi ko lubos maisip kung bakit walang nakakatagal na yaya sa kaniya. Nakahiga na ako sa aking kama at nakahawak sa aking selpon. Hinihintay ko ang reply ng aking nobyo. Kagabi pa ako nag-text sa kaniya, ngunit hanggang ngayon wala pa rin siyang reply. Inisip kong wala siyang load, kaya pinaload-an ko na lang siya kanina kay Sabel. Bukod sa pagiging yaya, naglo-load din pala siya rito sa subdivision. Extra income daw. Nag-send muli ako ng mensahe kay Benjo. Miss ko na siya. Unang beses namin itong magkahiwalay. Sabay kaming lumaki, nag-aral ng hayskul, at nangarap ng magandang buhay, kaya nga nakipagsapalaran ako rito sa Cebu upang makapag-ipon kami at makapagpakasal kung kami’y nasa tamang edad na. Noong una, ayaw niya akong umalis, ngunit kung doon lang din ako at tatambay kasama niya, walang mangyayari sa aming dalawa.
Nag-vibrate ang aking selpon. Magiliw ko itong tiningnan. Lumapad ang mga ngiti sa aking labi nang makitang si Benjo ang nag-text. “Ayos naman ako, mahal. Salamat pala sa load. Wala akong pera e.”
Agad ko naman siyang nireplyan. Naaalala ko pa ang sabi sa akin ni Tatay na wala daw akong kinabukasan kay Benjo. Isa rin sa mga dahilan kung bakit ako narito ngayon sa Cebu ay si Tatay. Gusto niyang malayo ako kay Benjo dahil masama raw itong impluwensiya sa akin. Hindi ko maintindihan si Tatay kung bakit ayaw niya kay Benjo. Oo nga’t medyo may pagkatamad ito ngunit mabait naman at mahal ako. Siya lang ang tanging lalaking nagbibigay halaga sa akin. Siya lang ang tanging taong naniniwala sa aking mga pangarap sa buhay. Hindi man siya matalino o mayaman, maalaga naman siya at maunawain.
Lumipas nang mabilis ang mga araw na naduduwal ako sa umaga at naghahanap ng mga pagkain na hindi ko naman gusto noon.
“Aminin mo na kasing buntis ka,” sabi sa akin ni Nene. Palagi niyang pinipilit sa akin na buntis daw ako. Kapag wala sina Ate sa bahay, ako ang palaging pinag-iinitan ni Nene. Minsan kapag nakaalis na sina Ate, umaalis din ito ng bahay. Sinusundo siya ni Jun, boypren niya raw. Sabi ni Sabel, matanda na raw ’yong si Jun, mga kuwarenta na. Sa tingin ko alam lahat ni Sabel ang mga buhay-buhay ng mga tao rito sa subdivision dahil ’yon ang palagi niyang ikinukuwento sa akin. Kuwento niya pa na magkaibigan daw sila dati ni Nene, ngunit nabuntis daw ito at ipinalaglag ang bata. Hindi sang-ayon si Sabel sa ginawa nito at isinumbong niya ito kay Ate. Doon daw nagsimula ang away nilang dalawa.
“Alam na ba ’yan ng mga magulang mo?” Nabalik ako sa reyalidad sa sinabi ni Nene. “Ay, mali. Alam mo ba kung sino ang tatay niyan?” Hindi ko lubos maisip kung bakit ganito magsalita si Nene. Kung tutuusin, mas matanda ako sa kaniya. Nang napagtanto niyang hindi ako sasagot ay tinalikuran na niya ako.
Pinapakain ko na ng tanghalian si Andy nang biglang may nag-text sa akin. Si Benjo. “Mahal, nakuha ko na ’yong motor. Salamat sa down payment. I love you.”
Napangiti ako. Pangarap kasi naming dalawa na magkaroon ng motor. Ako ang nagbayad ng down payment, at siya na raw ang bahala sa buwan-buwang bayad dahil gagamitin niya naman ito sa pamamasada. Mabenta kasi ang habal-habal doon sa amin, kaya paniguradong makakaipon kami nang husto. Sinabi kong ’wag niya na lang muna ipagsabing sa akin galing ang pera at baka umabot ito kay Tatay at sa aking mga kuya. Tatlo lahat ang kuya ko, at nag-iisa akong babae sa amin. Matagal na kasing namatay si Nanay. Ngayon si Tatay na lang at ang panganay namin ang nakatira sa bahay dahil ang dalawa ko pang kuya ay nakakulong sa presinto sa aming lugar. Kasali kasi sila sa mga taong hinuli ng mga pulis dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na droga. Medyo malayo ang aming lugar sa sibilisasyon, ngunit ang impluwensiya ng droga ay abot doon. Naunahan pa nito ang mga health facility at iba pang pangangailangan ng aming pook. Mas epektibo lang siguro kesa sa namamahala ng aming barangay ang namamahala sa distribusyon ng droga kaya ganoon ang nangyari. Nakakalungkot mang isipin, ganoon ang reyalidad doon sa amin. Umabot na roon ang mga pulis. Sana naman umabot na rin doon ang mga librong kailangan ng bawat estudyante, mga libreng gamot, at iba pang benepisyo. Sana lang.
Minsan nga naiinggit ako kay Andy dahil ang suwerte niyang bata. Nais ko ring maging ganoon kasuwerte ang aking mga magiging anak. Kumpleto sa bitamina, pagkain, at pag-aaruga. Nabibilhan ng magagarang damit at laruan. Mga bagay na hindi ko naranasan noong ako’y bata pa. Mga ganoong bagay.
“Hoy, Day! Sumama na naman ’yong feeling na babae sa jowa niya?” Nabalik ako sa reyalidad nang marinig ko ang boses ni Sabel sa labas ng pintuan. Binuksan ko ang pinto na screen upang makapasok siya. Dinala na naman siguro ng mga amo niya ang kambal kaya nakakapasyal siya. “Naku, kung ako sa ’yo, isumbong mo na kay Ate ’yon. Palaging umaalis, hindi naman nagpapaalam,” dugtong niya habang inaayos ang upo sa sofa. Sinubuan ko ulit si Andy. Maganang kumain ang batang ito at walang kiyeme sa pagkain.
“Naku, Day, ha! Lumalaki yata ang tiyan mo?” puna ni Sabel. Bigla akong napatingin sa aking tiyan. Medyo lumaki nga. Siguro sa mga kinakain ko lang kaya ako tumataba. “’Yong totoo, buntis ka ba?” Hinimas niya ang aking tiyan. Tinabig ko ang kaniyang kamay dahil nakikiliti ako. Tumawa lang siya.
Lumipas na naman ang ilang araw. Mag-aapat na buwan na ako rito sa Cebu. Nami-miss ko na ang sariwang hangin sa amin. Nami-miss ko na si Benjo. Siguro kung nandoon ako, kagaya rin kami ni Nene at Jun, palaging namamasyal gamit ang bagong motor. Natawa ako sa aking naisip dahil hindi naman kami magkakaroon ng motor kung hindi ako nagtrabaho rito sa Cebu.
“Ang sarap kumain ng santol,” biglang saad ni Ate. Sabado ngayon kaya wala silang trabaho ni Kuya. Nandito kami ngayon sa sala at nanonood ng telebisyon.
“Santol ba ang gusto ng baby ko?” sagot naman ni Kuya, sabay himas sa lumalaking tiyan ni Ate.
“Bili ka, mahal, please.”
Napaka-sweet talaga ni Ate at Kuya. Nami-miss ko tuloy lalo si Benjo. Palagi niya akong binibigyan ng mangga, santol, at iba pang prutas na mayroon doon sa amin. Kung prutas at gulay lang ang pag-uusapan, marami doon sa amin, sariwa at libre pa. Hindi gaya rito na kailangan mo pang bilhin. Hindi na nga sariwa, ang mahal pa. Tumayo si Kuya at bibili raw siya sa palengke. Madali lang kasi may kotse naman sila.
“Day, masaya ako at nagugustuhan mo rito,” sabi ni ate. “Tumaba ka na. Bagay sa ’yo.” Ngumiti ako at nagpasalamat. Napakasaya ko talaga at nakilala ko silang pamilya. Mabait at maunawain. Hindi nila ako itinuturing na iba. Parang si Nene lang ang may ayaw sa presensiya ko rito. Mabuti at wala siya rito ngayon. Apat na araw na siyang hindi umuuwi. Nag-aalala na nga sina Ate, ngunit nag-text naman na ito na uuwi na bukas. Siyempre noong una, nagalit sina Ate at Kuya, ngunit kalauna’y hinayaan na lang nila. Napakamaunawain ng mag-asawa. Palaging handang tumanggap. Nais kong maging katulad nila.
Lumipas ulit ang tatlong araw, ngunit walang Neneng umuwi. Hindi na rin ito ma-contact nina Ate, kaya hinayaan na lang at baka raw nakipagtanan kay Jun.
“Day, alam ni’yo na ba?” tanong sa akin ni Sabel. Narito kami ngayon sa parke ng subdivision. Naglalaro ang mga bata. “Patay na si Jun. Nabaril daw ng mga pulis. Nanlaban e.”
Bigla akong kinabahan sa kaniyang sinabi. Kung patay na si Jun, nasaan na si Nene?
“Matagal na raw palang nasa drug list ’yong si Jun. Sinasabi ko na nga ba, itsura pa lang at porma adik na adik na. ’Yong si Nene, siguro gumagamit na rin ’yon kaya umalis.” Walang halong awa ang boses ni Sabel at puro paninisi. “Ha! Baka sa susunod na araw, si Nene naman ang manlaban at mapatay.” Hindi ko mabasa ang tono ng boses niya, ngunit sa mga sinasabi ni Sabel ngayon sa akin, parang ang laki ng kasalanan ni Nene sa kaniya. “Mabuti na lang at hiniwalayan ko si Jun noon. Mabuti na lang talaga.” Nabigla ako sa rebelasyon niya. Doon siguro siya humuhugot ng galit kay Nene. “Karma nila ’yong dalawa. Mga manloloko,” dagdag pa nito.
Kinabukasan, pinapakain ko si Andy ng almusal. Kaaalis lang nina Ate. “Diyos ko! Day, buksan mo ang pinto!” Si Sabel, sumisigaw at katok nang katok sa pintuan. Nag-iiskandalo. Binuksan ko ang pinto at pinapasok siya. Umiiyak siya. Natakot ako sa kaniyang itsura. Ngayon ko lang nakitang humahagulgol si Sabel. Basa ng luha at sipon ang kaniyang mukha. “Diyos ko!” paulit-ulit niyang usal. Hindi ko alam ang gagawin. Hinimas-himas ko ang kaniyang likod at inalo siya. “Wala na si Nene. Diyos ko. Hindi ko ginusto iyon,” hagulgol niya.
Namatay si Nene? Nagdilang-anghel ba si Sabel?
“Ayon sa balita, nanlaban daw siya, Day. Diyos ko. Paano manlalaban ’yon e hindi naman marunong humawak ng baril ’yon. Kerengkeng lang siya, pero hindi siya gano’n.” Patuloy sa pagtulo ang kaniyang mga luha. Si Andy ay tahimik ding nakatingin kay Sabel, hindi maintindihan ang nangyayari. “Kahit magkaaway kami, hindi ko ginusto itong sinapit niya,” paulit-ulit na sinabi ni Sabel.
Talaga palang makapangyarihan ang ating mga dila. Kahapon lang sinabi ni Sabel ang mangyayari kay Nene, at ngayon heto siya at naghihinagpis. Tama nga ang sabi ng Nanay. Isipin daw muna nang maraming beses ang mga lalabas na salita sa ating bibig bago ito sabihin. Ang mga salita ay nakakamatay. Patunay si Nene.
“Sana imbes na inaway ko si Nene dahil sa pag-agaw niya kay Jun, sana pinangaralan ko na lang dahil ako ang mas nakakatanda.” Sana. Salitang napakasakit, traydor. Nasa huli talaga palagi ang pagsisisi. Naghihinagpis si Sabel hindi dahil sa namatay si Nene. Alam ko. Siya ay mas naghihinagpis sa lahat ng sana na meron siya ngayon. Mayroong pagsisisi pero walang pagmamahal. Gano’n si Sabel. Sa halos araw-araw naming pag-uusap, nakita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. Kalungkutan na puno ng insekyuridad. Wala siyang pagmamahal sa kapwa niya. Puro sa sarili ang meron siya. Nakita ko. Alam ko. Dahil ganoon din ako.
Halos dalawang buwan na ang lumipas simula nang napatay si Nene. Walang nangyaring imbestigasyon. Namatay siya na siya lang ang nakakaalam ng totoong pangyayari. Nakangiti na ulit si Sabel. Walang bakas ng kalungkutan. Nalimot na nang tuluyan si Nene at Jun. Totoo ngang pag ordinaryong tao kang namatay, napakabilis mo lang kalimutan. Pikit mata, isa, dalawa, tatlo, limot ka na. Ganoon kabilis.
Nakahanda na ang aking bag. Noong pumarito ako, isa lang ang aking dala. Ngayo’y dalawa na, may lamang mga damit na bago, mga pasalubong, at ang bago kong selpon. Pinalitan ko na ito dahil wala na akong natatanggap na text mula kay Benjo, pati kina Tatay wala na rin. Naisipan kong baka sira na ito, ngunit kahit bago na ito ay wala pa ring text galing sa kanila.
“Day, okey ka na ba?” tawag sa akin ni ate. Napakabait nila sa akin. Itinuring nila akong pamilya, inalagaan at minahal. Hindi sana ako aalis, ngunit naramdaman nilang may bumabagabag sa akin. Hinayaan nila akong balikan ang aking mga mahal sa buhay, kumustahin. At kung gusto ko pang bumalik dito sa kanila, bukas daw palagi ang kanilang tahanan para sa akin. Nilibot ko ng tingin ang aking kuwarto, ang kauna-unahang kuwarto ko. Mami-miss ko ito. Mami-miss ko silang lahat dito.
Nandito na naman ako sa loob ng eroplano. Pareho pa rin ang aking nararamdaman noong unang sakay ko. Kinakabahan. Ang kaibahan lang ay si haring araw naman ang kasama ng mga ulap. Katulad din siya ng buwan na minsa’y iniiwan din ng mga ulap, ngunit hindi ko gusto ang araw. Mainit. Masakit sa balat, nag-iiwan ng marka kung ikaw ay nabilad sa kaniya. Ayaw ko sa kaniya. Masama siya. Kumikimkim ng sama ng loob at iiwan kang nasasaktan, nuot sa kaibuturan ng iyong kaluluwa. Kaya kang pasiyahin ngunit kaya ka ring wasakin. Ayaw kong maging araw.
“In a few moments, the flight attendants will be passing around the cabin to offer you hot or cold drinks, as well as a meal or a snack.”
Ngayon, kaya ko nang bumili ng kape at biskwit nila, ngunit busog pa ako. Kumain ako ng agahan bago ako inihatid sa airport. Hindi rin ako naghintay nang matagal. Hindi na ako takot maiwan ng eroplano, at hindi na rin ako ganoon ka-excited tulad ng dati. Marami na talagang nagbago. Minsan nagsasalita na rin ako ng Ingles dahil kay Andy.
“Ladies and gentlemen, welcome to General Santos International Airport. Local time is eight AM, and the temperature is thirty degrees Celsius.”
Hindi tulad ng dati, walang turbulence ngayon. Parang ang bilis lang ng aming biyahe. Gusto ko pa sanang magliwaliw sa himpapawid, panoorin ang magandang karagatan at mga ulap na tila cotton candy na ang sarap papakin.
Sinalubong ako ng init ng Gensan. Iba talaga ang init na taglay nito, tila nakakasunog. Nagsilapitan ang mga barker sa akin, hinihikayat akong sumakay ng taxi. Dahil ang bigat ng dala ko, nag-taxi na lang ako. Tatlong daan. Kaya ko namang bayaran. Sinusundan ko ang barker, at dala-dala niya ang aking bag, nang may biglang kumalabit sa akin. “Hey, di ba ikaw ’yong yaya ni Andy?” Kilala ko siya. Isa siya sa mga bisita noon ni Ate. Tumango ako sa kaniya. “Nanganak na ba si Kyla?” tanong niya. Sabi ko hindi pa. Kabuwanan niya pa lang ngayon. “E, ikaw? Kelangan ka manganganak? Ang laki na ng tiyan mo.” Napangiti ako nang malungkot sa sinabi niya. Kabuwanan ko rin ngayon. Tama pala si Nene at Sabel. Sinabi ko rin ito kay Benjo, ngunit doon na nagsimula ang pagkasira ng aking selpon, kaya hindi ko na siya nakausap muli.
Hindi ko namalayang nandito na pala ako sa kantong papasok sa amin. Bumaba na ako at pumasok sa loob ng tricycle.
“Uy, Daisy? Ikaw ba ’yan?” tanong ng katabi ko.
Tiningnan ko siya. Si Gemma ito, kapitbahay namin.
“Ikaw nga! Buntis ka?”
Nagtaka ako sa tanong niya. Ang laki na ng tiyan ko at kabuwanan ko pa. Hindi ba halatang buntis ako?
“Kay Benjo ba ’yan?” dugtong pa niya.
Naaninag ko ang lungkot sa boses niya. Hindi ko alam kung bakit. Baka gusto rin nito si Benjo ko. Tumango ako sa kaniya.
“Pasensiya na, pero bakit wala ka noong libing?”
Bigla akong kinabahan. Sino ang inilibing? Sino ang namatay? Isa ba sa mga kuya ko? Nanlaban rin ba ito sa mga pulis?
“Nakakaawa talaga ang nangyari. Dinakip silang magbabarkada kasi di ba bawal na tumambay?”
Hindi ko maintindihan ang kaniyang sinasabi. Nakaabot na rin pala rito ’yong paghuhuli ng mga tambay? Bakit una palagi ang mga ganoon kesa sa mga mas kailangan ng barangay? Kumunot ang noo ko sa kaniyang sinabi, ngunit patuloy pa rin siya sa pagsasalita.
“Hindi ko talaga lubos maisip na ganoon ang mangyayari. Alam naman ng lahat na napakabait ni Benjo, ngunit bigla-bigla na lang nanlaban daw kaya nabaril.”
Parang nabuhusan ako ng malamig na tubig sa aking narinig. Si Benjo, nanlaban, patay. Ang tatay ng anak ko.
“Dise-sais pa lang kayong dalawa, di ba? Ang bata ni’yo pa, may anak na kayo. Napakasakit siguro sa parte mo na ang bata mo pa, wala na ang ama ng anak mo.” Doon pa lang niya ako tiningnan. Nabigla siya dahil siguro bakas sa mukha ko ang pagkabigla sa sinabi niya.
Naninikip ang aking dibdib. Tumutulo ang aking luha. Naramdaman ko sa kailaliman ng aking puso na para itong nasusunog sa hapdi. Ang pagmamahal ko kay Benjo ay nagbigay karapatan sa kaniyang maging isang araw—iniwan akong nasasaktan. Nasusunog man ang aking puso, nanlalamig naman ang aking katawan.
“Wala akong alam.” Iyon ang una’t huling pangungusap na lumabas sa bibig ko bago nandilim ang aking paningin.