Tintang Dugo

Ni Kenneth Michael L. Dalimbang
Spoken Word Poetry

Ako si Kenneth, isang pangkaraniwang mag-aaral
Tinatahak ang mabatong daan at nagsisihulugang tuyong dahon
Sa ilalim ng mga puno, pasan ang alaala ng masayang kahapon
Na sa isang iglap ay nawala sa pagkakadapang
Hindi na makakabangon.

Sa unang tapak sa kolehiyo mundo’y tila bago
Blangkong papel nasa harap, panulat hawak ng daliring nakapiko,
Magsasalaysay ng mga bago kong kuwento,
Ngunit sa pagdami ng naisulat, ang tinta ay naging dugo—

Dugo na di nakikita sa aking balat
Dugo na dumadanak mula sa panloob na sugat.
Dugo ang tinta, at walang hanggan ko nang isusulat
Ang hinagpis na dulot ng pagkakamaling
Sa iba’y hindi maisusumbat.

Ito rin ang dugo sa kumot na di na maitatago
Dugong nagpatalas sa mapurol na kutsilyo
Kutsilyo na humiwa sa mga pangarap ko
Kutsilyong patuloy na gumugutay sa aking puso.

Puso at dugo, dito nabuo
Ang batang may bitbit ng madugong kutsilyo
Hulma ng tao na magkakaroon na ng pulso
Puso at dugo, puso at dugo
Buhay sa sinapupunan ng babaeng iba ang tribu.

Ako si Kenneth, isang katutubo
Lumaki sa kulturang Tboli, bitbit ang pangalan ng aking tribu
Na inalagaan at pinahalagahan mula pa sa aking mga ninuno
Na aking nayurakan, nadumihan, at hindi na maiwawasto.

Tatang, Nanang, Nay, Tay, Ate, Kuya, Tita, Tito, patawad sa aking pagkabigo.
Patawad, patawad, inyong pangarap sa ’kin gumuho.
Ako’y lunod na sa luhang patuloy na tumutulo
At sa ’king muling pagpikit, hihiling na sa paggising
Magiging panaginip ang lahat ng ’to

O kaya sana nga ’wag na akong magising
Sa bangungot na di na kayang tiisin—
Ang maitali sa responsibilidad at maglakad sa altar ng kapatid kong mga Muslim,
Ang bumuhay ng sanggol at magmahal ng taong hindi ko pa handang mahalin.

Hindi na ako makakatakas
Palabas
Sa hampas
Ng katotohanang walang lunas.
Marahil ang pagpapatiwakal gamit ang taling paitaas
Ay mas mabuti kaysa maitali nang buhay sa kamay ng kanilang batas.

Ako si Kenneth, isang batang magiging ama
Karaniwang mag-aaral, katutubong narehas ng maling pasya,
Naglalakad nang nakapiring, hubad ang mga paa.
Sa mundong puno ng mapanghusga, nawa’y tulungan mo ako o kaya’y
Kunin mo na ako, Ama.

Advertisement