Panibagong Digma

Ni John Carlo S. Gloria
Tula

           Palabay said the lumad farmers were on their way to their farms when they were gunned down in Sitio Datal Bonglangon, a T’boli-Manobo community located within the vast coffee plantation of Silvicultural Industries Inc.–DMCI.

Philippine Daily Inquirer, 25 Dis. 2017

Marahang nahawi ng iyong mga paa
ang mga damong ligaw
na sa taas ay yumuyukod na, sumasayaw
sa mga hiling at lambing nitong hangin.
Naroon ka,
sa lupang ninuno,
sampu ng iyong kapwa magsasaka—
saksi ang inyong ugating mga binti at braso,
talâ ang mga gatla sa noo—
handang muling tamasahin
ang handog-biyaya
ng nilinang ni’yong lupa.

Subalit hindi pag-ani
ang gagambala
sa payapang umaga.
Hindi paggapas sa bukid ang aalingawngaw
sa tamlay ng araw
kundi mga kalabit sa gatilyo ng punglo
na sasaluhin ng inyong katawan at bungo.

Naroon ka, sampu ng iyong kapwa magsasaka—
walang ani’t muling nagdidilig-dugo sa lupang ninuno.
Sakbibi ang paligid sa pagsangsang ng bukid.
Sasapaw ang amoy-pulbura sa dugong
ilululan ng hangin.
Pigil na hikbi at impit na sigaw ang tugon sa mga katawang
iniwang                        tiwangwang.

Ay! Datu Victor, Pato, To, Artemio, Samuel,
matapos takasan ng kaluluwa,
bininyagan nila kayong mga tulisan
gaya ng sa naratibo ng Kabesang Tales.
Sa ganitong paraan nila kayo muli’t muling papaslangin.

Kaya’t dito, sa inyong minsang pinagyaman at pinatabang lupa,
tutubo’t yayabong ang isang panibagong digma.

Advertisement