Bulawan

Ni Anna Liz V. Cabrido
Dulang May Isang Yugto

MGA TAUHAN
MELU—24 taong gulang, isang Blaan na naninirahan sa kabundukan ng Tampakan, South Cotabato, maprinsipyo
ELMA—24 taong gulang, mahinhin, relihiyosa, mestisahin

TAGPO
Gabi, mag-aalas-dose.
Ang dula ay mangyayari sa loob ng bahay. Isang kingki ang nagsisilbing ilaw sa buong entablado. Nakatalungko si Elma sa isang papag. Pinupunasan nito ang mga bala ng .45 na baril. Tititigan ang mga bala at magpapatuloy sa pagpupunas. Nakasarado ang mga bintana sa likuran nito. Matagal nitong tititigan ang apoy sa kingki. Bahagyang itong magugulat sa pagkahol ng aso na nasa di kalayuan. Magmamadali itong itago ang mga bala sa kaban na nasa kaliwang bahagi ng entablado. Sisilip sa bintana. Babalik din sa gitna ng entablado. Panay ang buntonghininga. May inaabangan. Muling magugulat si Elma sa ingay ng mga nagkakahulang aso. Bigla itong tatayo at agad na lalapit sa gilid ng pintuan. Magmamatyag. Sisilipin sa siwang ng dingding ang nasa labas. Ilalagay nito ang dalawang kamay sa dibdib. Kakabahan. Papalakas ang mga asong kumakahol. Mapapaatras din si Elma palayo sa pintuan.

MELU: Pabulong. Elma! Elma, asawa ko. Fafusokkam agu, fabl teek!

ELMA: Matutulala at titingnan lang ang pintuan. Matatakot.

MELU: Elma!

ELMA: Melu? Melu, asawa ko. Karang! Dali-dali nitong bubuksan ang pintuan. Sandali muna ang mga itong magtititigan bago magyayakapan.

MELU  Dali-dali nitong isasara ang pinto. Lalapit ito sa bintanta at sisilip sa siwang ng bintana. Lalapit ito kay Elma. Yayakapin ito nang mahigpit.

ELMA: Ginabi ka. Yayakapin din nito ang asawa nang mahigpit.

MELU: Galing ako sa bayan. Usap-usapan doon ang nasunog na eskwelahan dito sa atin. Alam na ba kung sino ang may gawa?

ELMA: Hindi pa, Melu. Makikita sa mukha ang pagkabalisa. Pero may hinala ang mga sundalo kung sino ang may gawa. Halos maubos ng sunog ang isa sa dalawang silid-aralan. Nag-aalala ako sa magiging epekto nito sa mga mag-aaral dito sa atin. Ilang taon din ang hinintay ng mga tagarito para lang magkaroon ng eskwelahan.

MELU: Hindi na nga nakakatuntong ng sekondarya ang karamihan sa atin, nasunog pa ang eskwelahan. Ang buong akala ko pa naman, ang ipinatayong paaralan sa ibaba ang pag-asang makapagtapos kahit elementarya man lang ang bagong henerasyon—magbilang, magbasa, para naman hindi tayo maloko.

ELMA: Nag-aalala ako sa mga bata. Mga halos isang oras din ang layo ng pinakamalapit na paaralan at ilang ilog din ang tatawirin ng mga ito. Akala ko tayo na ang huling grupo ng mga mag-aaral na tatawid sa ilog para lang makapag-aral.

MELU: Naalala ko dati, sabay tayong umaalis nang maaga para hindi mahuli sa klase.

ELMA:Mapapangiti. At hindi ka umaalis hanggang hindi ako ang kasama mo. At kung liliban ako sa klase, asahan ng lahat na hindi ka rin papasok.

MELU: Gustong-gusto mong kasabay ako pagtawid sa ilog dahil mahahawakan mo ang mga kamay ko. Tama ba, asawa ko?

ELMA:Kikiligin. Kung tutuusin—

Matitigil sa pagsasalita si Elma dahil hahawakan ni Melu ang mukha ng asawa at tititigan ang mga mata. Isang musika ang maririnig.

MELU: Elma, asawa ko. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Kung mamamatay ako ngayon at mabubuhay muli, lo ge nalek gu.

ELMA: Alam kong ako pa rin, Melu. Bakit ka ba nagsasalita ng ganiyan, asawa ko? Hindi ka mamamatay. Walang mamamatay sa atin. Naiintindihan mo ba ako? Kakawala sa mga bisig ng asawa. Oo, may problema tayo, pero walang mangyayaring masama sa atin. Naiintindihan mo ba ako? Tingnan mo ako, Melu. Walang problemang hindi nalulusutan—tumatagal, oo, pero sa kalaunan, nagiging maayos ang lahat.

MELU: Narinig ko sa radyo na may hinahanap silang suspek sa nangyaring sunog sa ibaba, Elma.

ELMA: Hindi ko gusto ang mga tanong mo, Melu, tulad ng biglaan mong pag-uwi ngayon.

Magtitinginan ang dalawa. Tahimik. Gusto mo bang ibalik ko sa ’yo ang tanong mo? Kilala mo ba kung sino ang may gawa nito, ha? Abmalah ge, Melu! Sumagot ka!

MELU: Ipinatayo ng minahan ang eskwelahan na ’yan, Elma.

ELMA: Ipinatayo ang eskwelahan para sa mga bata rito sa atin, Melu. Matagal na nating idinadaing ’yan sa gobyerno. Hindi lang ang mga tagarito ang nakapag-aaral sa eskwelahan kundi pati na rin ang mga taga-kabilang ibayo. Kung ang pagsunog sa eskwelahan ang sagot sa hindi natin pagkaintindihan dito sa ating lugar, isang kahangalan ’yan! Ang eskwelahan na ’yan ang babangon sa atin sa kamangmangan.

MELU: Hindi ang gobyerno ang nagpatayo ng eskwelahan, Elma, kundi ang minahan. Bingi ang gobyerno sa daing natin. Dini-Diyos ng lahat dito ang minahan dahil ang buong akala nila, ipinatayo ang paaralan dahil may malasakit sila sa atin. Pero hindi ’yan ang totoo. Ang eskwelahan na ’yan ang pambayad nila sa pagpapaalis sa atin.

ELMA: Akala ko tayo na ang huling grupo ng mag-aaral na tatawid sa ilog at maglalakad sa init ng araw papuntang eskwelahan, Melu. Pero hindi pala. Mauulit na naman ang paghihirap na dinanas natin. Ang mga anak mo ang sasalo nito. Ang pagkawala ng eskwelahan ang maglulugmok uli sa tribu. Hindi mo ba narinig sa pulong-pulong sa bahay ni Kapitan na ang eskwelahan na ’yan ay magkatuwang na ipinatayo ng minahan at ng gobyerno? Ang gobyerno ang nagpapasahod sa mga guro, at ang minahan naman ang nagpatayo ng gusali. Nasaan diyan ang lamangan, Melu?

MELU: Para mo na ring sinabi, Elma, na kung hindi dumating ang minahan, hindi makapag-isip ang gobyerno na magpatayo ng eskwelahan dito sa atin. Ang ibig mo bang sabihin, utang na loob pa natin ngayon ang ipinatayong eskwelahan?

ELMA: Melu, ang sa akin lang ay marunong dapat tayong magpasalamat sa mga tao o grupong naging tulay upang maipatayo ang paaralan.

MELU: At ano ang akala mo sa akin, asawa ko, hindi ako nagpapasalamat? Isisigaw. Salamat, minahan! Salamat, gobyerno! May eskwelahan na kami! Hindi na kami habambuhay na bobo, walang alam!

ELMA:Pabulong. Melu! Magigising mo ang mga bata, ang mga kapitbahay.

MELUMahinang tinig. Asawa ko, mali ka. Lubos kong ipinapasalamat sa gobyerno na may eskwelahan tayo rito. Nakalimutan mo na yata na isa ako sa kalalakihan dito na nagbayanihan para lang maipatayo ang eskwelahan na ’yan. Hindi ako kasinsama ng iba na hindi marunong magpasalamat. Kilala mo ako, Elma. Hindi pa man nangyari ang sunog sa ibaba, isa na akong mabuting mamamayan dito sa atin, sumusunod sa patakaran.

ELMA: Nasaan ka nang mangyari ang sunog, Melu?

MELU: Titingnan lamang si Elma. Nagtatanong ang mga mata.

ELMA: Sagutin mo ako, Melu. Nasaan ka nang mangyari ang sunog?

MELU: Pinagdududahan mo ba ako, Elma?

ELMA: Tinatanong kita, Melu. Nasaan ka nang mangyari ang sunog?

MELU: Nasa bukid, nagbabantay ng ating taniman.

ELMA: Nasaan ka nang eksaktong mangyari ang sunog?

MELU: Tulog.

ELMA: Sagutin mo ako ng totoo.

MELU: Gising at nakita ko ang sunog.

ELMA: Puwede kang tumulong na apulahin ang sunog, Melu. Bakit hindi mo ginawa? Malapit lang ang taniman natin sa eskwelahan. Bakit hindi ka humingi ng tulong sa ating mga ka tribu kung nakita mong nasusunog ang eskwelahan?

MELU: Sabihin mo na nang diretsahan sa akin, Elma, ang gusto mong sabihin.

ELMA        Alam nating pareho na ayaw kong kinakampihan ang mga baluktot, ang mga hindi sumusunod sa patakaran . . . kahit asawa pa kita.

MELU: Ano’ng ibig mong sabihin, Elma? Hindi ka naniniwalang wala akong alam?

ELMA: Tumutugma sa ’yo, Melu, ang deskripsyon ng mga sundalo.

MELU: Uh adwata ge! Panginoon! Kung sasabihin kong wala akong kinalaman, maniniwala ka ba sa akin?

ELMA: May tao silang nakitang pabalik ng bundok at tumigil sa—

MELU: Kasinungalingan!

ELMA: Ngayon, sabihin mo nga sa aking hindi ikaw ’yon. Walang bahay sa taas ng bundok malapit sa eskwelahan kundi ang kubo natin, Melu!

KATAHIMIKAN

MELU: Taliwas sa aking ipinaglalaban ang idamay ang isang bagay na alam kung mag-aahon sa aking mga anak at sa mga bata rito sa atin—ang sunugin ang eskwelahang alam kung tutulong na mabago ang buhay nila kahit pa man ipinatayo ’yon ng kompanya. Hindi ako traidor! Kung lalaban ako, Elma, hindi patalikod. Duwag ang tawag sa mga taong gano’n.

ELMA: Iiyak. Hindi ka ba napapagod sa pakikipaglaban, Melu? Noong bertdey ng anak mo, hindi ka umuwi dahil nando’n ka sa bayan kasama ang mga taga-kabilang barangay. May piket kayo. At noong may activity ang panganay natin sa paaralan, naghintay kami, pero hindi ka dumating dahil nasa kabilang bayan ka. May piket din ang grupo. Ilang linggo, buwan, ka na bang hindi umuuwi dahil hinahabol ka ng mga sundalo? Pinagdududahan ka na ring kasapi ng mga namumundok at kalaban ng gobyerno. Mag-iisang taon na tayong ganito, Melu. Hindi ko na alam kung makakaya ko pa.

MELU: Sumusuko ka na ba, Elma? Sinusukuan mo na ba ang paglaban para sa lupang pinaghirapan ng mga ninuno mo at gusto mo na ring ibigay ito sa kompanya? Kasali ka na rin ba sa ibang katribu natin na nasilaw sa salaping naitapal sa kanilang mukha? Nasaan ang iyong pagmamahal sa lupa?

ELMA: Walang duda ang pagmamahal ko sa ating lupa, Melu. Wala akong pakialam kung tayo na lang ang natitirang tribu na nakatayong nakikipaglaban para sa ating lupain. Pero hanggang kailan tayo ganito, Melu?

KATAHIMIKAN

MELU: Wala along kinalaman sa sunog na nangyari, Elma. Oo, nando’n ako, pero wala na akong magawa dahil nangalahati na ang  sunog. Pero may nakita ako mula sa kamalig natin.

ELMA: Ano ang nakita mo? Hindi kaya hinahabol ka ng mga sundalo dahil may alam ka?

MELU: At hindi rin ako namundok katulad ng ipinapalabas ng mga sundalo. Itinago ako ng mga katribu natin sa hilaga. Bukod sa pamilya natin, ang mga tagahilaga na lang ang hindi nakapagbenta ng lupa. Kung susumahin, ang lupa natin at ang lupa ng mga tagahilaga ang puntirya ng kompanya dahil nasa atin daw ang pinakamalaking deposito ng bulawan.

ELMA: At may lupa pa ang pamilya mo sa hilaga, Melu. Kung magsasanib tayo at ang mga tagahilaga, malaki ang mawawala sa kanila. Tama ba ako, asawa ko?

MELU: Ang lupain natin ang pinakaimportanteng bahagi ng lahat ng mga lupain sa bayang ito. Kung gagalawin nila ang pamilya natin, Elma, malaking gulo ito. Pero hindi ko iniisip kahit minsan man lamang na sumanib sa idelohiya ng mga nag-alsa laban sa gobyerno. Simple lang ang ibig kong ipaabot sa lahat—ang mamuhay tayo ayon sa tradisyon ng ating pamilya, ng ating mga ninuno. Atin ang lupa, Elma—sa mga anak natin, sa mga kapatid ko, sa mga kapatid mo. Ilang taon bang walang gobyerno sa bahaging ito ng bundok? Ang gobyerno ay nasa patag, doon sa may maraming tao, sa may maraming boto. Kailan lang ba tayo mahalaga sa kanila? Tuwing eleksiyon? Fanmati la! Mga demonyo!

ELMA: Pero puwede naman tayong makipagtulungan sa kanila, Melu. Puwede namang pag-usapan ang lahat. Noong isang buwan, nakipagpulong si Kapitan sa mga tagaminahan para sa mas maayos na proseso sa trabaho, at sumang-ayon naman ang lahat. Natapos nga na masaya ang lahat, hindi ba?

MELU: Oo nga, Elma, pero iba ang sinasabi sa ginagawa. Tingnan mo kung ano ang nagyari sa pamilya ng asawa ng kapatid mo sa ibayo. Hindi ba sila ay pinagbintangang nanguna sa iligal na pagmina? Ang alam ng lahat dito sa atin, legal ang ginawa nila dahil inutusan sila ng nagpakilalang tagakompanya na puwedeng imina ang parte ng bundok sa timog. Ano’ng nangyari? Hinuli ng mga pulis ang bayaw mo, Elma.

ELMA: Hindi ko masisisi ang ibang katribu natin kung ibenenta nila ang kanilang lupain sa kompanya, Melu, at nilisan ang lugar natin at doon na namalagi sa bayan. Nakapag-aral nang maayos ang kanilang mga anak. May trabahong inaasahang magbibigay ng kaginhawaan kahit papaano. Kasalanan bang maghangad din ako ng ganito, Melu, para sa ating mga anak?

MELU: Hindi kita pinagbabawalang maghangad ng katulad ng sinasabi mo, Elma. Hindi nga ba kahit noong mga bata pa tayo, gusto mo naman talagang umalis dito? Mas gusto mo pa ngang maglagi sa bayan kaysa sa umuwi dito sa atin tuwing Sabado at Linggo.

ELMA: Ang nangyari sa dalawang sundalo sa may timog ng bundok, ikaw din ba ang may gawa? ’Yan ang lumabas na balita bago ka nawala. Bakit kailangan mong gawin ang mga ito?

MELU: Ilang ulit ko bang ipagtatanggol ang sarili ko sa iyo at sa lahat, Elma? Mga baliw ang kalaban ko. Sila ang may pakana na sa akin ibintang ang kasalanan. Hindi ako rebelde. Lalong lalo nang hindi ako kriminal. Wala silang mahuli kaya ako ang itinuturo nila. Wala silang mapagbintangan kaya ikinakaladkad nila ang pangalan ko.

ELMA: ’Yon ang alam ng lahat dito sa atin, Melu. Sumama ka nang mamundok.

MELU: At ’yon na rin ang pinaniwalaan mo, Elma, tama ba?

Biglang magkahulan ang mga aso sa labas. Magkahiwalay na tatakbo si Melu at Elma. Sa pintuan mapupunta si Melu. Sisilip ito sa siwang ng dingding. Sa may bintana naman pupuwesto si Elma at sisilip din sa siwang ng bintana kung may tao sa labas.

ELMA: Mag-iisang linggo ka nang hinahanap ng mga sundalo sa akin, Melu. Baka nalaman nila na nandito ka.

MELU: Hindi ko napansing may sumusunod sa akin, Elma. Naging maingat ako sa pagbalik dito sa atin.

ELMA: Sino bang may alam na pupunta ka ngayong gabi?

MELU: Ang mga tao sa hilaga, at alam kong hindi nila ako isusuplong sa mga sundalo.

ELMA: Maraming mata ang mga sundalo, Melu.

MELU: Kagaya na lamang ng sinungaling nilang mata na ipinagdidiinang ako ang nakita nila nang gabing masunog ang eskwelahan.

ELMA: Natatakot ako sa pagpunta mo ngayong gabi, asawa ko. Kaya pala naitanong ng isang sundalo sa baraks kanina kung ano ang iluluto ko ngayong gabi. Hindi ko gusto ang aking nararamdaman, Melu.

MELU: Huminahon ka, Elma. Walang mangyayari ngayong gabi. Wala akong kasalanan.

ELMA: Pero nagtatago ka, Melu.

MELU: Walang kasiguruhang tatratuhin nila ako nang mabuti. Tingnan mo kung anong nangyari sa bayaw mo, Elma. Pinaniwala nilang iimbitahin lang at may itatanong, pero ano’ng nangyari? Hayon, hindi na nakabalik dito sa atin, at ngayon nakakulong na sa salang hindi niya alam.

ELMA: Melu, iligal ang ginawa niya. Hindi niya alam na iligal ang buhos na mina, pero hindi sapat na rason ito. ’Yan ang nagagawa ng kamangmangan, asawa ko.

MELU: Pero sino ba ang nag-utos sa bayaw mo, Elma, na puwede ang ginawa nya? Hindi ba ang malalaking tao din sa loob ng kompanya? Ang alam lang niya, magtrabaho, kumita ng pera. Ginamit  sila ng kompanya.

Muling magkakahulan ang mga aso sa labas ng bahay. Magugulat sina Elma at Melu.

MELU: Patayin mo ang ilaw sa gasera, Elma. Dali!

Tatalima si Elma.

MELU: May tao sa labas. Lalapitan nito si Elma. Hahawakan nito ang pisngi ng asawa. Hindi ako ang nagpasimula ng sunog, Elma. Kailan man hindi ko magagawa ’yon. Hindi rin ako ang humarang sa grupo ng mga sundalo na ikinamatay ng dalawa sa kanila.

ELMA: Naniniwala ako sa ’yo, Melu, pero ano’ng gagawin natin ngayon? Natitiyak kong marami sila sa labas.

MELU: Aalis ako. Dadaan ako sa may lagusan sa likod. Alam kong hindi nila alam ’yon. Kung magpupumilit silang pumasok, hayaan mo, pero ’wag na ’wag kang lumabas ha, Elma?

ELMA: Tama na, Melu. Sumuko ka na. Bumalik ka na sa amin ng mga anak mo.

MELU: Elma! Sa tingin mo ba pag sumuko ako, hindi ako mawawala sa inyo ng mga anak natin?

ELMA: Pero mas mapapanatag ang loob ko kung nasa kanila ka. Kung wala ka sa mga sundalo, hindi ako sigurado kung babalik ka, asawa ko, at baka tuluyan mo na kaming lisanin ng mga anak mo. Naiintindihan mo ba ako?

MELU: Ipinapaako mo sa akin ang kasalanang hindi ko naman ginawa, Elma. ’Yan ba ang ibig mong mangyari?

ELMA: Hindi, Melu. Ibig ko lang na mapatunayan nilang wala kang kasalanan. Patunayan nating wala kang kasalanan.

MELU: Mahirap tayo, Elma, baka nakalimutan mo. Para sa mga mahihirap na katulad natin, wala ang gobyerno.

ELMA: Ano na ba ang nangyari sa ’yo, Melu? Bakit ka ba nagkakaganiyan? Kung ang pinaghuhugutan mo ng galit ay ang pagkatanggal mo sa trabaho sa kompanya, nakaraos naman tayo, hindi ba?

KATAHIMIKAN

MELU: Para sa ating mahihirap, Elma, nakabibingi ang katahimikan ng gobyerno.

ELMA: Hindi kailangang iasa natin ang lahat sa gobyerno, Melu. Puwede tayong magsumikap. Kaya nga pinaaaral natin ang mga anak natin para hindi sila magaya sa atin—laging nag-aalangan at natatakot dahil hindi tayo nakapag-aral. Nakakasama rin minsan kapag masyado tayong nakadepende sa mga benepisyo. Hindi na nagtatrabaho ang ibang katribu natin dahil umaaasa sa buwanang renta sa lupa. At ang ilan namang sa bayan nakatira, kinalimutan na ang ating mga tradisyon.

MELU: Mas marami nga silang nalaman dahil nakapag-aral, ngunit nawalan naman ng puso para sa kanilang pinanggalingan. Mas nanaisin ko na lamang ikulong ang mga anak natin sa pusod ng gubat na ito, Elma.

ELMA: Asawa ko, makinig ka. Ang eskwelahan ang nagtuturo para makapag-isip nang mabuti ang isang bata, pero tayo pa rin ang magtuturo sa mga anak natin ng puso, ng damdamin. Kung ang paaralan ang pangalawang tahanan ng mga ito, tayo ang unang tahanan, Melu. Tandaan mo ’yan. Kung tayong mga magulang ay may pagpapahalaga sa tribu, sa lupa, at sa paligid, makikita at mamamana ’yan ng ating mga anak at madadala nila sa pakikipagsalamuha nila sa eskwelahan. ’Yan ang hindi maituturo ng mga guro.

MELU: Hindi mo ako makukumbinsing sumama sa mga sundalo, Elma. Patawad, asawa ko. Aalis na ako. Hahalikan nito sa pisngi si Elma at maghahanda na sa pag-alis.

ELMA: Ang sabi sa radyo, may warrant of arrest ka na raw. Kung pupunta ang mga pulis dito, puwede nilang pasukin ang bahay natin para hanapin ka. Puwede ka nilang damputin. Ang dokumento raw na ’yon ang nagpapatunay na may kinalaman ka sa sunog sa eskwelahan.

MELU: Hindi ko kagagawan ang sunog, Elma. Alam mo ba kung sino ang nakita ko, ha? Mula sa taas, sa kubo natin, nakita ko mag-aalas-onse ng gabi na may pumaradang sasakyan sa harap ng eskwelahan. Nang bumaba ang mga nakasakay, nakita kong nakasuot sila ng katulad ng uniporme ng mga sundalo. Isa-isa nilang ibinaba ang mga timba. Ang akala ko para lang sa gagawing outreach—’yong may darating na mga doktor para tingnan at gamutin ang mga may sakit dito sa atin. Pero isa-isa nilang ibinuhos ang laman ng mga timba sa palibot ng dalawang silid-aralan. Nagulat ako, Elma. Nagpaputok ako para kunin ang kanilang atensyon at para na rin pigilan sila. Ginantihan nila ako ng putok. Pero hindi ako natakot sa kanila, asawa ko. Kailangan ko silang pigilan.

ELMA: May mga taong magpapatunay, Melu, na may kinalaman ka sa nangyaring sunog. Si Kapitan. Si kapitan ang magpapatunay na ikaw ang pasimuno ng sunog, kaya lumabas ka na at sumuko ka nang maayos.

MELU: Hindi, Elma. Makinig ka. Umalis ang mga sundalo nang naglalagablab na ang eskwelahan. Dali-dali akong pumunta sa bahay ni Kapitan at ikinuwento sa kaniya ang nangyari. Alam ni Kapitan na hindi ako ang may gawa. Sinamahan pa niya ako para pagtulungan naming apulahin ang apoy, pero huli na ang lahat. Malamang ginipit nila si Kapitan para idiin ako sa nangyari. Aalis na ako, Elma. Tatayo na ito.

ELMA: Lalabas ako, Melu. Patawad. Gagawin ko ito hindi para sa akin o sa ’yo. Gagawin ko ito dahil may mga anak ako. Mas mahalaga sa akin ang mga anak ko at hindi ang sarili ko.

MELU: Elma! Yayakapin ang asawa. Hindi mo alam ang likaw ng bituka ng iba sa kanila, asawa ko.

ELMA: Magpupumiglas itong makawala sa bisig ng asawa. Tatakbo sa may pintuan.

MELU: ’Wag kang lumabas, asawa ko. Pakiusap.

ELMA: Lilingunin ang asawa. Hindi. Sasabihin ko sa kanila ang totoo na wala kang kinalaman.

MELU: Papaano kung hindi ka nila paniwalaan, Elma? Ako na ang aalis para matapos na ang lahat ng ito.

ELMA: Paniniwalaan nila ako, Melu. Makikiusap ako.

MELU: Asawa ko, maniwala ka sa akin. Hindi ka nila paniniwalaan dahil alam nila na sila ang may gawa. Kung lalabas ako ngayon, sigurado ka bang bubuhayin nila ako? Kung lalabas ka, sigurado ka bang hindi ka nila sasaktan dahil alam nilang alam mo na rin ang totoo? ’Wag kang lumabas, asawa ko. Pakiusap.

ELMA: Hindi ko malalaman ang sagot sa mga tanong natin, Melu, kung hindi ako lalabas. Paano kung papanigan tayo ng batas at maniniwala sila sa mga isisiwalat ko? Babae ako. Paniniwalaan nila ako.

MELU: Walang babae sa kanila kung ibig nilang patahimikin ang ikukuwento mo, Elma. Wala silang pakialam do’n.

ELMA: Naniniwala akong may gobyerno, may batas pa rin para sa atin, Melu. Magtiwala ka lang.

MELU: Walang maniniwala sa mga kuwento mo, Elma. Hindi ba’t akala nila isa akong rebelde? Sino’ng maniniwala sa isang katulad mo? Kahit ipagsigawan mo pa na wala akong kinalaman, walang makikinig sa ’yo. Magbarilan man tayo rito ngayon, walang tutulong dahil nasa kabilang bundok ang kapitbahay natin. Gusto mo akong lumabas, at para ano? Makiusap at baka naman may mangyari? Sa mga taong ’yan ka ba makikiusap, Elma? Magsasayang ka lang ng oras sa kanila. Sila ang mga taong nagpapabulok sa gobyerno. Ang mga taong ganiyan, hindi dapat pinagkakatiwalaan.

ELMA: Makikiusap ako sa kanila, Melu. Naniniwala akong may natitira pa sa kanilang makakaunawa. Kukunin sa kaban ang mga itinagong bala at ibibigay sa asawa. Alam kong hindi ikaw ang nagtanim ng granada na ikinamatay ng dalawang sundalo, Melu, at alam ko ring hindi ikaw ang nagpasimuno ng sunog sa eskwelahan sa ibaba. Lalapit na ito sa pintuan. Nang hinuli at ikinulong ng mga sundalo ang bayaw kong si Kidit, hindi na siya muling nakita ng kapatid ko. May nakapagsabi, Melu, na wala na sa kampo si Kidit at dinala siya sa ibang bayan. Nagmakaawa ang kapatid ko sa mga sundalo na payagan siyang makita ang asawa, pero sinabi nilang tumakas ito. At may nakapagsabi sa kapatid ko na pinatay daw ito ng mga sundalo. Galit na galit ako, Melu. Gustong sumabog ng dibdib ko nang araw na ’yon dahil iniisip ko, paano kung mangyari din ’yon sa akin—ang mawala ka. Hindi ko kaya. Pero kung paiiralin ko ang takot, baka habangbuhay ko na lang pagsisihan ang pagkakataong may magagawa ako ngunit wala akong ginawa.

MELU: Hindi ko alam ’yan, asawa ko.

ELMA: Hindi ba matagal kang hindi nanatili rito? Mag-iisang taon na rin. Sige na, lalabas ako.

MELU: Elma, sa—saan mo nakuha ang mga balang ito?

ELMA: Melu, hindi lang ikaw ang puntirya ng mga sundalo. Pati na rin ako.

MELU: Pero bakit? Paano?

ELMA: Sige na, lalabas na ako.

MELU: Isa ka ba sa dalawang babaeng nakita nila, Elma? Sumagot ka. Magmumura. Tinatanong kita, asawa ko. Yayakapin ang asawa. Biglang magkakahulan ang mga aso, at may mga yabag ng paa na maririnig.

ELMA: Kakawala sa bisig ni Melu si Elma at pupunta sa pintuan. Lalabas na ako.

MELU: ’Wag kang lumabas, pakiusap.

Tuluyang lalabas ng pintuan si Elma. Hahabulin ni Melu ang asawa, pero sa kalagitnaan pa lamang ito ng entablado, aalingawngaw ang putok ng baril.

MELU: Elma! Asawa ko! Mahuhulog ang mga bala na hinahawakan nito. Lalong lalakas ang kahol ng mga aso. Muling maririnig ang putok ng baril, at magugulat si Melu. Elma! Papalapit na mga yabag ng paa ang maririnig. Pupulutin ni Melu ang mga bala at dali-daling tatayo at aalis, pero mahuhulog ang ibang bala. Sound effects ng kalansing ng bala na nahuhulog. Magdidilim ang entablado, at mapupuno ito ng hagulhol ng isang lalaki.

TABING

Advertisement